Mistake 21

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 21]

Isang malakas na putok ng baril ang bumasag sa nakabibinging katahimikan ng gabi. Kasabay nito ang malakas na pag-ihip ng hangin mula sa bintana. Halos nanigas si Nightmare sa kaniyang kinatatayuan habang nakatitig kay Audrey nang kalabitin nito ang gatilyo ng baril na hawak niya.

Nabitiwan ni Nightmare ang baril na derechong bumagsak sa sahig. Napahakbang naman paatras si Audrey nang maramdaman niya ang panghihina ng kaniyang tuhod. Dahan-dahan niyang hinawakan ang kaniyang noo at nanginginig siyang napaupo sa sahig dahil wala siyang tama.

"G-gusto ko na mamatay" wika ni Audrey at tuluyan nang bumagsak ang mga luhang matagal nang nagkukubli sa kaniyang mga mata. Dahan-dahang umupo si Nightmare sa tapat niya at dinampot nito ang baril saka ibinalik sa loob ng kaniyang jacket. Walang bala ang baril kung kaya't hindi tinamaan ng bala ang dalaga.

"Hindi ka pa pwedeng mamatay" saad ni Nightmare, saka inabot ang isang maliit na papel kay Audrey. "At huwag mo na ulit gagawin 'to" seryosong saad ng binata, saka dahan-dahang pinunasan ang luha ni Audrey gamit ang kamay niya.

Napatigil si Audrey sa pag-iyak at napatitig kay Nightmare na ngayon ay nakatingin ng direcho sa kaniyang mga mata. Magsasalita pa sana ito pero biglang bumukas ang pinto at tumambad sa harapan nila si Siyam at Dos.

"Boss, may nabaril na guard sa gate" halos pabulong na sabi ni Dos, sila ngayon ang bantay sa labas ng kwarto ni Audrey kung kaya't hindi nahirapan si Nightmare na makapasok sa kwarto ng dalaga.

Ngayon lang nila napagtanto na ang putok ng baril na narinig nila kanina sa labas ay nagmula sa gate kung saan may isang bantay ang nabaril doon. "Hindi pa po naming alam kung saan nanggaling pero papunta na dito si Feliciano" nagmamadaling saad ni Siyam at mabilis na isinarado ang pinto.

Agad namang tumayo si Nightmare saka tumakbo sa pinto ngunit nang sumilip siya sa maliit na uwang ng pintuan ay nakita niyang paakyat na roon si Feliciano. Nakasuot ito ng puting polo at asul na pajama, "Good evening Sir, mahimbing naman pong natutulog si Miss---" hindi na natapos ni Siyam ang sasabihin niya dahil tumikhim si Feliciano saka tinitigan si Siyam mula ulo hanggang paa.

Tiningnan din niya si Dos at kinilatis itong mabuti "Mga bagong mukha, ngayon ko lang kayo nakita... Sinong nagpasok sa inyo bilang bantay ng apo ko?" seryosong tanong ni Feliciano, ang titig at boses pa lang nito ay nakakasindak na.

Nanatili namang nakatayo ng tuwid si Siyam at Dos. Napapikit naman si Nightmare na nasa likod ng pinto habang nakikinig sa usapan nila. Naririnig din ni Audrey ang boses ng lolo niya mula sa labas dahil medyo malakas ito.

Magsasalita na sana si Siyam nang biglang bumukas ang pinto. Napalingon silang lahat kay Audrey, "K-kukuha lang ako ng tubig" mahinang saad nito habang nakayuko pero napatigil siya nang humarang ang lolo niya sa hagdanan.

"Ayos ka lang ba apo?" tanong nito, sa pagkakataong iyon ay mahinahon na ang boses ng matanda. Kitang-kita rin sa mga mata nito ang matinding pag-aalala. Tumango lang si Audrey pero hindi siya tumingin sa mata ng kaniyang lolo.

"Nag-alala ako, kinabahan na baka may nakapasok na sa kwarto mo at doon nanggaling ang putok ng baril" patuloy pa ni Feliciano, hindi naman umimik si Audrey, nagkatinginan si Siyam at Dos habang tahimik namang nagtatago si Nightmare sa likod ng pinto.

"Pwede ba kitang makausap? Apo ko" dagdag pa ng matanda, pero nanatili pa ring nakayuko si Audrey. "Kukuha pa ko ng tubig---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita ang lolo niya sabay tingin kay Dos.

"Ikaw, kumuha ka ng tubig sa baba. 'Yung maligamgam para makatulog ng payapa ang apo ko" utos ni Feliciano, agad namang napatango si Dos saka derechong bumaba ng hagdan. "Ngayon, pwede na ba kitang makausap apo?" ulit ni Feliciano. Napapikit na lang sa inis si Audrey saka tumingin ng derecho kay Feliciano.

"Sa loob ng kwarto mo tayo mag-usap apo ko. Malayo sa pandinig ng ibang tao" saad ni Feliciano sabay tingin kay Siyam na hanggang ngayon ay tuwid pa ring nakatayo sa gilid ng pintuan. Napalingon naman si Audrey sa pinto ng kwarto niya, nasa loob si Nightmare pero sigurado namang magtataka at maghihinala si Feliciano kapag hindi niya ito pinapasok sa loob ng kwarto niya.

Napatingin si Audrey kay Siyam at sumenyas ito gamit ang hinliliit sa kamay na papasukin nga si Feliciano sa loob ng kwarto dahil siguradong narinig naman ni Nightmare ang usapan nila kung kaya't makakapagtago ito.

Napahinga na lang ng malalim si Audrey saka naglakad papasok sa kwarto niya. Si Siyam na ang nagbukas ng pinto at nang makapasok sa loob ang mag-lolo ay dahan-dahan niya itong isinara.

Binuksan ni Feliciano ang ilaw, tumingala ito sa kisame at ngumiti saka pinatay muli ang ilaw kung kaya't kitang-kita ang mga glow in the dark stars na nakadikit sa kisame ng kwarto. "Naalala kong paborito mo ang mga bituin apo ko" panimula ni Feliciano, sabay bukas muli ng ilaw.

Inilibot naman ni Audrey ang mga mata niya sa paligid sa pag-asang masusumpungan niya kung saan nagtatago ngayon si Nightmare. "Hindi ko pinabago ang disenyo ng kwartong 'to sa loob ng mahabang panahon. Maging ang mga gamit mo dito, hindi ko pinamigay o pinagalaw sa iba" patuloy pa ng matanda, napalingon ito sa kaliwa kung saan naroon ang bukas na bintana.

Napatigil si Audrey nang makita ang nakauwang na damit sa loob ng malaking aparador. Napatitig siya doon ng matagal. Nararamdaman niyang doon nagtago si Nightmare.

Naglakad si Feliciano papunta sa bukas na bintana at isinarado iyon. "Gumagana ang aircon dito sa loob ng kwarto mo apo ko. Hindi mo na kailangan pa buksan ang binta---"

"Hindi ako sanay sa aircon. Nabuhay ako ng ilang taon na walang aircon sa kwarto" saad ni Audrey, napatigil naman si Feliciano. Ilang minutong naghari ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Hanggang sa magsalita muli ang matanda at naglakad papunta sa cabinet na puno ng mga stuff toys na unicorn.

"Naalala kong paborito mo ang unico---"

"Hindi ko na maalala" derechong saad ni Audrey. Ibinalik na ni Feliciano ang stuff toy sa kinalalagyan nito.

"Ano po bang gusto mong pag-usapan?" inis na tanong ni Audrey, hindi man lang napansin ng lolo niya ang pamamaga ng mata niya dahil sa pag-iyak. Ni hindi nito napapansin kahit mga maliliit na bagay tungkol sa kaniya.

"Gusto kong malaman mo na kaya kita itinago ng ilang taon sa ibang pangalan ay para iyon sa kaligtasan mo" saad ni Feliciano, nakatayo lang sila sa magkabilang dulo at napapagitnaan ng kama.

"Matagal mo nang sinabi sa'kin 'yan. Pero ngayon ko lang po narinig mismo sa sarili niyong bibig. Iyan din ang palaging sinasabi sa'kin ni Chelsea, ng mama niya, ng mga taong hindi ko kilala na bigla-bigla na lang kumakatok sa tinutuluyan ko para ipaalala na 'Hindi ka pinabayaan ng lolo mo' o kaya naman 'Intindihin mo na lang siya dahil ginagawa niya ang lahat para sa kapakanan mo'" saad ni Audrey at muling dumaloy ang mga luha sa kaniyang mga mata, agad niya iton pinunasan dahil ayaw niyang umiyak. Ayaw niyang ipakita sa harapan ng lolo niya na ilang taon niyang dinadala ang mga pasakit na iyon.

"Pero kahit kailan hindi nila sinabi sa'kin kung bakit kailangan ko mabuhay mag-isa? Hindi mo ba sinabi sa kanila kung bakit? O baka hindi lang niya kaya sabihin sa'kin dahil alam nilang masasaktan ako" dagdag pa ni Audrey, sa pagkakataong iyon ay napalakas na ang boses niya.

Napatigil si Dos sa labas ng pintuan habang hawak sa kaliwang kamay ang isang baso ng tubig nang marinig ang mga katanunang iyon ni Audrey. Umiling naman si Siyam kay Dos na para bang sinasabi nito na huwag ka na muna pumasok sa loob.

Samantala, tahimik lang na nakikinig si Nightmare sa loob ng madilim na aparador. "Kung anuman ang rason kung bakit niyo ako iniwan noon. Sana naman sinabi niyo sa akin kung bakit. Ang hirap mabuhay nang puno ng katanungan na kahit sa sarili ko hindi ko masagot. May nagawa ba akong masama kaya ayaw na sa'kin ni lolo? Kaya ba ayaw niya akong kupkupin kasi ayaw ng bago niyang pamilya? Hindi niya ba ako mahal kaya ganon na lang sa kaniya kadali na hayaan akong mabuhay mag-isa?" sa pagkakataong iyon ay parang ilog na umaagos ang mga luha ni Audrey na kahit anong punas niya ay ayaw nang maawat pa.

"Kasi kung ganito lang din naman, bakit hindi niyo na lang ako hayaang mabuhay mag-isa? Bakit ngayon pa? Bakit kailangan pang may madamay na ibang tao at gumawa kayo ng kasinunggalingan para lang mabalik ako sa piling niyo? Hindi ako laruan para----" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin niya dahil biglang sumigaw ang lolo niya.

"PINATAY NILA ANG PAPA MO!" sigaw ni Feliciano na nagpatigil kay Audrey sa gulat. Nakita na niyang magalit ang lolo niya ng ilang beses ngunit sa mga oras na ito ay ngayon niya masasabing ito ang pinaka-seryoso sa lahat.

"Hindi namatay sa aksidente ang papa mo! Pinatay nila! Silang mga tinuturing mong pamilya... Si Mandado at Fernando ang nagpapatay kay William!" patuloy ni Feliciano at bigla itong napahawak sa katabing cabinet nang maramdaman ang biglaang paghina ng kaniyang tuhod.

Akmang lalapit sana si Audrey sa kaniya pero sumenyas siya na ayos lang siya "N-namatay si papa sa aksidente, at b-bakit naman siya ipapapatay nila" gulat na tanong ni Audrey, halos walang kurap siyang nakatingin sa lolo niya. Naalala niyang car crash ang ikinamatay ng papa niya noong bata pa siya.

"Isang prosecutor ang papa mo, nagkaroon ng kaso si Fernando at ang papa mo ang naging prosecutor. Nakasuhan siya na isa sa mga naging dahila kaya siya nagtatago ngayon sa kabundukan" paliwanag ni Feliciano. Hindi naman nakapagsalita si Audrey, unti-unti niyang naalala ang mga naging kasiyahan at samahan nila noon ni Commander Dado at Ka Ferding.

"Itinago ko kayo ng mama mo, ang akala ng lahat kasama kayo sa mga namatay sa car crash ngunit itinago ko kayo ngunit nagsakit ang mama mo" patuloy pa ni Feliciano, naalala nga ni Audrey na itinago sila noon at palipat-lipat sila ng bahay. Hanggang sa magkasakit ang mama niya at binawian ito ng buhay noong dalagita pa lamang siya.

Magsasalita pa sana si Feliciano pero biglang bumukas ang pinto, "Lolo?" bungad ni Chelsea, sabay takbo papalapit sa lolo niya at tiningnan din niya si Audrey. "Ano pong nangyayari? May narinig po akong nagsisigawan kanina tapos ayaw pa akong papasukin ng dalawang bodyguard" sumbong nito, sabay lingon kay Siyam at Dos na biglang tumalikod nang tumingin sa kanila ang dalagita.

"A-ayos lang ako apo" saad ni Feliciano ngunit nababakas na nanghihina ito. Maging ang mga kamay nito ay nanginginig na.

"Dadalhin ko na po kayo sa kwarto niyo. Gusto niyo po bang ipagtimpla ko kayo ng paborito niyong tsaa?" saad pa ni Chelsea, ngumiti naman si Feliciano saka tumango at nagsimula na silang maglakad papalabas sa kwarto ni Audrey.

Bago isara ni Siyam ang pinto ay sumeyas at tumango ito kay Audrey. Kasabay ng pagsara ng pinto, naiwan si Audrey na nakatayo sa gitna ng silid na iyon habang umiiyak, tinakpan na lang niya ang kaniyang mukha gamit ang dalawang kamay at kahit anong gawin niya ay hindi na matigil ang pagbagsak ng kaniyang mga luha at ramdam din niya ang pamamanhid ng kaniyang buong katawan ang unti-unting pagkadurog ng kaniyang puso.

Ilang sandali pa ay naramdaman na lang niya ang biglaang padilim ng paligid, kasunod nito ay niyakap siya ni Nightmare. Sa gitna ng madilim na gabi, sa madilim na kwarto at sa ilalim ng daan-daang bilang ng mga umiilaw na bituin sa kisame ay naroon ang isang binata habang yakap-yakap ng mahigpit ang isang dalagang naghihinagpis at hindi na maawat sa pagluha.

***

Kinabukasan, alas-diyes na ng umaga ngunit makulimlim ang kalangitan. May dalawang magkasunod na bullet proof na kotse ang papasok ngayon sa kampo kung saan nakakulong sina Commander Dado at Leon.

Sa pangunguna ni Melissa ay dinala niya si Audrey sa kinaroroonan ni Commander Dado dahil sa pakiusap ni Nightmare nang gabing iyon. Narinig din ni Nightmare ang sinabi ni Feliciano kagabi kung kaya't nais niya rin malaman kung sino ba ang nagsasabi ng totoo. Ang matagal na nilang kaaway na si Feliciano? O ang ang itinuring na niyang pangalawang ama na si Commander Dado?

Napapagitnaan ni Siyam at Dos si Audrey sa backseat habang nasa passenger seat naman si Nightmare. Nasa kabilang sasakyan naman si Melissa habang kausap sa cellphone ang mga kliyenteng pinapaasikaso ni Feliciano para sa mga negosyo nito at sa mga usaping pulitika.

Hindi alam ni Feliciano na sa mga oras na ito ay papunta na ang kaniyang apo kay Commander Dado upang alamin ang lahat. "Kumusta si Fely?" tanong ni Feliciano mula sa kabilang linya, napatigil at napatahimik ng ilang segundo si Melissa. Napalingon pa siya sa katabing driver na kaanib din sa grupo nila. Maging ang driver na nagmamaneho sa kasunod na sasakyan kung nasaan sila Audrey ay kaanib din nila.

"Papunta na po kami sa CMZ news para makausap ang head director na nakatrabaho ni Miss Fely" sagot ni Melissa, sanay na siyang magsinunggaling lalo na't ito ang gawain niya sa loob ng ilang taon bilang secretary ni Feliciano Medina.

"Tawagan mo ako mamaya kapag nakausap mo na ang head director, gusto ko rin siya makausap" bilin ni Feliciano at ibinaba na nito ang telepono. Sanay na si Melissa sa ganoong gawain ng amo dahil kung minsan pa ay ibinabagsak nito ang telepono sa tuwing galit ito.

"Bilisan niyo na ang pagmamaneho. Kailangan nating makarating sa CMZ News bago mag-tanghali" wika ni Melissa, tumango naman ang driver saka niradio iyon sa kasamahang driver na nasa kabilang sasakyan.

Makalipas pa ang ilang minuto, narating na nila ang kampo. Agad nilang itinago si Audrey sa ilalim ng upuan ng sasakyan. Nanatili namang nakaupo ng derecho si Siyam at Dos. Bumukas ang malaking gate na bantay sarado ng mga sundalo nang ipakita ni Melissa ang kasulatan na maari siyang makapasok doon. Ginamit niya ang request letter na sinulat ni Feliciano noong isang araw nang utusan niyang alamin ang kalagayan ni Commander Dado at ang apo nito sa kulungan.

Siniyasat pa ng mga sundalo ang ilalim ng sasakyan at binuksan ang likod ng kotse. Pinabuksan din ang bintana upang masilip nila ang loob. Tuwid lang na nakaupo si Siyam at Dos sa backseat habang tinititigan at kinikilatis sila ng mabuti ng dalawang sundalo sa magkabilang bintana ng sasakyan.

Hindi na sila makagalaw sa kaba maging ang pagtagaktak ng pawis mula sa noo ni Siyam ay hindi niya magawang punasan. Napapikit na lang si Nightmare at isinandal ang ulo sa upuan ng kotse dahil sa tagal ng pagsisiyasat na ginagawa ng mga sundalo.

Napatingin siya sa side mirror ng unahan na kotse kung nasaan si Melissa, nakatingin din ito ng mabuti sa kanila at kitang-kita ang pangambang nararamdaman sa mga mata nito. "Clear" saad ng isang sundalo na nakatayo sa tabi ng bintana ni Siyam at iniradyo niya ito sa kabila. Sabay-sabay silang napabuntong-hininga ng umandar na ang sasakyan at makalayo na sila sa inspection area.

Ilang sandali pa, narating na nila ang mababang building na may dalawang palapag kung saan nakakulong ang mga taong nagkaroon ng katungkulan at may mabigat na kasong kinakaharap. Nang tumigil ang dalawang sasakyan sa gilid ng building ay sinalubong sila ng dalawang sundalo.

Sumaludo ang dalawang sundalo sa kanila at agad itong tumango kay Melissa. Sumeyas ang isang sundalo na iparada sa likod ng building ang dalawang kotse dahil walang CCTV doon. Matapos iyon ay bumalik na ang dalawang sundalo sa harapan. Ang dalawang sundalong iyon ay kaanib ng kanilang grupo na nagpanggap lang na sundalo.

Nang maparada ang dalawang sasakyan sa likod, mabilis nilang hinila si Audrey papasok sa fire exit kung saan wala ring CCTV doon. Naglakad si Melissa sa main entrance kasama si Siyam at Dos bilang bodyguard niya. Naiwan naman ang dalawang driver sa loob ng kotse. Samantala, si Nightmare naman ang kasama ni Audrey sa fire exit habang hinihintay nila ang go signal ni Melissa.

Binati si Melissa ng dalawang sundalong naroon na kaanib nila. Sumunod ang isa sa loob at dumerecho ito sa power section ng building na nasa basement habang naglalakad si Melissa at ang dalawang bodyguard na sina Dos at Siyam sa hallway.

Maingay ang bawat hakbang ni Melissa na umaalingangaw sa tahimik na hallway dahil sa mataas na heels ng asul na sapatos na suot niya na katerno pa ng asul niyang dress na hapit sa kaniyang katawan. Ilang sandali pa, napatingin siya sa suot na relo at sa pagpatak ng ika-tatlumpung minuto ng alas-diyes ay nawalan ng kuryente sa buong building.

Namatay ang mga electric fan, ventilator, aircon at CCTVs sa buong building. Maging ang ilang ilaw na nakabukas ay namatay din. Agad lumabas ang sundalong naka-incharge sa araw na iyon, tumawag ito sa power system at nalaman niyang may kuryente naman sa mga kalapit na building.

"Ngayon na" bulong ni Nightmare kay Audrey nang makitang nakaakyat na sina Melissa sa ikalawang palapag. At halos nasa kuryente ang atensyon ng mga sundalong naroon. Agad hinawakan ni Nightmare ang kamay ni Audrey at mabilis silang umaykat sa ikalawang palapag ng building sa fire exit.

Nang marating nila ang itaas ay nanlaki ang mga mata ni Audrey nang makita ang mahabang hallway kung saan nasa kaliwa't kanan ang mga kwartong nagsisilbing kulungan. Walang rehas sa loob, sa halip ay makakapal na pader at may makapal na pinto na gawa sa bakal.

Nakatayo sa pinakadulong pinto sina Melissa, Siyam at Dos. Mabilis na binuksan ni Dos ang selda gamit ang kaniyang natatanging galing sa pagbukas ng kahit anong mga kandado, lock at kahit volts. Wala pang isang minuto ay nabuksan na ni Dos ang padlock.

Nang mabuksan ang pinto ay mabilis na pumasok doon ang tatlo habang maingat na tumatakbo si Nightmare at Audrey na magkahawak kamay papunta sa pinakadulong selda. Nang makapasok sila sa loob ay agad isinara ni Dos ang pinto.

Nanlaki ang mga mata ni Audrey nang makita si Commander Dado, nakahiga ito sa higaan. Agad niyang napansin na namayat ang matanda. Batid niyang nagdadalamhati pa ito sa pagkawala ng anak nitong si Ka Ferding.

"Dumating ka rin" saad ni Commander Dado, sa tono ng boses nito ay mapapansin agad ang matinding pagod, lungkot at panghihina. Inilibot ni Audrey ang kaniyang paningin, bukod sa kinakalawang na kama na may manipis na kutson ay isang inidoro at lababo lang ang gamit doon.

Nangingitim na rin ang singit ng mga puting tiles ng sahig. At naninilaw na rin ang puting pintura ng dingding sa loob ng kulungan. Biglang hinawakan ni Siyam ang earpiece na nakadikit sa tenga niya, tumatawag ang kaanib nilang nagpapanggap na sundalo na siyang sumira sa power supply ng building.

"Pre, nalaman nila agad na dito lang sa building may sira ang kuryente. Nandoon na sila sa basement, nilock ko ang pinto doon sa ibaba pero paparating na 'yung susi" kinakabahang saad nito mula sa kabilang linya. Narinig naman iyon ni Dos, Melissa, Nightmare at Audrey na pare-parehong may suot na earpiece. Maging ang dalawang driver na naghihintay sa loob ng kotse ay may suot ding earpiece.

Agad napatingin si Melissa sa kaniyang relo "May sampung minuto na lang tayo" mabilis na saad nito sabay tingin kay Commander Dado at Audrey. "M-may gusto po sana akong malaman... Totoo po bang kayo ang nagpapatay sa papa ko?" tanong ni Audrey, halos hindi siya makalunok ng laway sa kaba habang nakatingin ng derecho sa mga mata ni Commander Dado.

Napahinga ng malalim si Commander Dado saka tumingin kay Audrey at sa suot nitong kuwintas na silver na siyang pinaka-iingatan nito. "Dapat mo siguro munang alamin kung sino ang nagsimula ng gulo... Ang kuwintas na suot mo, hindi 'yan pagmamay-ari ng papa mo" tugon ni Commander Dado, napakunot naman ang noo ni Audrey at hinawakan niya ang suot niyang kuwintas.

Nagkatinginan naman si Siyam at Dos habang nanatili namang walang kibo si Melissa. "A-ano pong ibig niyong sabihin?" tanong ni Audrey, halos namamawis na ang kaniyang kamay at ramdam din niya ang malamig na pawis sa kaniyang buong katawan dahil sa kaba.

Napayuko muna si Commander Dado saka niya dahan-dahang iniangat ang kaniyang ulo at derechong tumingin kay Nightmare. "Ang totoong may ari ng kuwintas na 'yan ay ang mama ni Nightmare" sagot ni Commander Dado na nagpatigil sa kanilang mundo.


*******************************

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro