Chapter 5

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

"Ayoko na sa mga lalake. Pare-pareho lang talaga sila." Reklamo ng pinsan kong isang buwan na ay 'di pa rin nakaka-move-on sa relationship break-up na pinagdaanan.

"So, mambababae ka na?" Walang pakialam kong komento habang gumagawa ng sandamukal na assignments sa subject lang na Physical Chemistry II. Tapos na ang sembreak kaya balik ulit ako sa buhay estudyanteng kunwaring maaral, maiwasan lang ang kadramahan ng pinsan kong mapag-inarte.

Ano bang pinakain sa kanya no'ng Jeremy na 'yon at di niya pa rin makalimutan? Akala ko okay na siya kasi open for dating ulit siya at masigla na naman ang night life. Pero pag natengga rito sa bahay, nagiging madrama tungkol sa multo ng kanyang kahapon.

Biglang tumahimik. Lumipas ang mahabang sandali at wala pa rin akong naririnig na sentimyemto gaya ng inaasahan kaya di ko naiwasang lumingon kay Akiko.

Nakatuon ang kanyang atensyon sa hawak na phone at mukhang abala sa pagtitipa. Di ko na lang siya pinansin at nagpatuloy sa aking ginagawa.

Mga yapak ng paglakad niya ang sunod kong narinig. Ilang sandali ulit ang lumipas at ang lagaslas ng tubig mula sa banyo ang nangibabaw sa katahimikan.

Kung naliligo siya ngayon at mag-aayos mamaya, paniguradong may lakad at baka di na naman makauwi rito.

Kung ano man ang pinaggagagawa sa buhay ng pinsan kong babae, hindi ko alam pero dapat bang magkaroon ako ng pakialam? Sarili niyang buhay yun at nasa wastong edad na siya para malaman ang tama at mali. Choice niya kung gagawa siya ng mali kahit pa alam niya at problema niya rin yun kung sakaling magbunga ng pagkakamali ang pinaggagagawa niya sa buhay. Ang importante, wag niya 'kong idamay sa pagiging miserable.

Muli akong napabuntong hininga dahil sa ginagawang assignment. Hindi ko alam kung ano ang nagpapasakit ng ulo ko; Van der Waals equation of state, ang karengkengan ng pinsan ko o ang involuntary na pagsagi ni Gabe sa isip ko.

"Pukang ama ka Van der Waals!" Pagmumura ko sa isipan habang pinagtyatiyagaang gawin ang assignment. Pagkatapos nito ay meron pang Redlich-Kwong, Benedict, Webb and Rubin equation of state. "Pukang amang anak ng bakang bakla talaga!"

Mahirap daw pag nagmahal ka't nasaktan pero mas mahirap mag-enroll sa kursong Chemical Engineering nang wala ka man lang kaalam-alam kung ano talaga ito. Nag-eenie meenie lang kasi ako sa pagkuha ng kurso sa kolehiyo. Parang maganda kasi sa pandinig pag tinawag kang Chemical Engineer o Chemist kaya ito ang kinuha ko.

Hindi ako Happy Go Lucky, pero hindi ko rin iniisip ang future ko. Ang gusto ko lang ay mabuhay sa kasalukuyan, hindi sa nakaraan o sa hinaharap. At hanggat may pagkakataon akong mabuhay, dapat kong pangatawanan ang mga napili o naisipan kong gawin.

Hindi ako nag-aaral para sa mataas na marka. Nag-aaral ako para maunawaan ang mga bagay na hindi ko maipaliwanag ngunit gustong intindihin. Bonus na lang para sa'kin ang pagkakaroon ng title. Iba rin kasi ang dating kapag ang titulong nakalakip sa unahan ng pangalan ng isang babae ay Ma'am, Dr. o Engr. kaisa naman sa Mrs. Pero malay ko bang hindi pala basta-basta ang pagkuha ng bigating title na tingin ko noo'y palamuti lang sa pangalan. Ibig bang sabihin mas madali ang maging Mrs? Dahil mas marami ang ganoon.

Pero sa tingin ko, ang talagang pinakamahirap sa lahat ay ang maging tao at magpakatao; Minsan may manners, madalas walang etiquette. Knowledge ang meron at hindi wisdom. Maraming nakapagtapos pero degree lang ang nakuha at hindi ang integrity. Ang pagbibigay galang ay base sa kung gaano kabigat ang titulo, kataas ang rangko o kalaki ang kita. Wala bang nakapagtatanto na mas mahal ang pagkatao kaisa sa halaga ng nasa payslip?

~ × × × ~

"Oy, himala. Deretso na pasok mo ngayon." Pansin sa'kin ng kaklase kong si Happy.

Gusto mo ikaw pasukin ko ng deretso?

Iwinaglit ko ang nasa isipan. Masyadong mabait si Happy para bastusin tsaka anak siya ng dean namin kaya mahirap na baka ma-issue pa ako.

Kung wala akong choice at kailangan ko talagang makipag-usap sa mga kaklase ay si Happy lang ang nilalapitan ko kasi bukod sa agreeable e, napaka-approachable din niya at reliable. Tuwing absent nga ako ay siya ang nag-iinformed sa'kin ng mga topics at school works na kailangang gawin kahit di naman ako nagtatanong. Pag may pagkakataon ay siya rin ang nagsa-sign ng pangalan ko sa attendance sheet para lang di ako mamarkahang absent, sayang din daw kasi ang attendace.

Minsan naiisip ko tuloy na kung sakaling makaka-graduate ako on-time, magkakaroon ba ako ng utang na loob kay Happy? Hindi ko kasi maarok kung bakit ang bait niya, hindi lang sa'kin kun'di sa lahat. Bukod sa pangalan niya ay literal din siyang palangiti na para bang laging masaya ang araw. Kapag nakikita o nakakasalubong ko sa kahit saan, inaasahan ko ng ngingitian niya 'ko na sinusuklian ko naman ng pagtango kahit di ako likas na mapagpansin sa tao. Nawiwirduhan ako sa kabaitan niya. O sadyang madalang ang taong kagaya niya kaya mahirap paniwalaan?

"Pumapasok na 'ko araw-araw kasi gusto kitang makita araw-araw." Pambobola ko. Wala akong maisip na maayos na sagot e. Hindi ako magaling makipag-usa sa ibang tao. Ayoko ring pagsungitan siya kasi mabait naman siya sa'kin.

Napangiti lang siyang lalo at bago pa magkaroon ng sasabihin ay bigla namang dumating ang professor para sa kasalukuyang klaseng kaya nagsipag-ayos na ng upo ang lahat.

Di ko alam kung sadyang maiksi ang atention span ko o boring lang talagang mag-lecture si prof. Sa pagkaburyong ay di ko maiwasang lumingon sa katabi ko - si Happy na busy sa pag-take down notes at maya't maya ang pag-angat ng ulo para tingnan ang nag-didiscuss.

Mistisa si Happy tsaka nabiyayaan ng tangos ng ilong at iyon ang mga katangiang nagdala sa kagandahan niya. Bukod sa tipikal na maganda, masyado rin siyang mabait. Pasado sa'kin ang itsura at katawan niya pero di ko siya type.

At bakit ko ba pinagdidiskitahan 'tong kaklase naming anak pa ng dean? Nahohomo na ako kahit sa hindi ko type.

Hindi ko ma-confirm ang sexual preference ko kasi wala naman akong taong nagugustuhan mapa-opposite o same sex. Never nga akong nagkaroon ng crush. Nagkakainteres lang siguro at kadalasan nga ay sa babae. Masasabi ko bang lesbian ako?

"Oy Raffy, sa'n ka ngayon?" Tawag ni Dominic sa pansin ko nang sa wakas ay natapos din ang nakakaantok na Pharmaceutical Calculations.

Free time ang kasunod na oras at hindi ko alam kung saan ako pupunta ngayon, nagbabalak akong umuwi na.

"Sa ilalim ng langit."

"Ang tino mong kausap talaga. Kung aayain ba kitang kumain sa labas, payag ka?"

"Oo naman," Kaagad kong sagot. "basta hindi ikaw." Saka na siya tinalikuran at may pagmamadaling lumisan matapos kong isukbit sa katawan ang strap ng satchel ko.

Hindi ako man-hater pero ayoko sa mga lalakeng ang style ay bulok. May pakain-kain pa sa labas na nalalaman. Napakaluma at boring na istilo ng panliligaw. Buti sana kung ayain niya 'kong mag-drag race o kaya'y target shooting baka pumayag pa 'ko. Saka halos lahat na lang yata ng babae sa department namin, nakita kong inaya niyang kumain sa labas saka reregaluhan ng kung ano.

"Babe!"

Kinilabutan ako sa boses na narinig. Hindi si Dominic kasi boses ng babae. Kilala ko na kung sino yun kaya pasimple kong binilisan ang paglalakad.

"Baby." Sambit ng malanding boses kasabay ng mga braso niyang parang ahas na lumingkis sa braso ko. "Himalang pumasok ka ngayon. Na-miss kita."

"Oy Traleen, ang landi mo." Sabi ko habang kumakalas sa kanya. "At wag mo nga akong ma-baby baby, hindi mo 'ko pinapadede."

Sa halip na ma-offend ay mas natawa pa siya. "Hindi ba?"

Napatingin ako sa paligid bago muling bumaling sa babaeng nasa kaliwa ko. "Ang tagal na no'n, kalimutan mo na nga!" Pasigaw kong bulong sa kanya.

Pharmacy student si Traleen na ka-year level ko at naging kaklase noong last year ng summer class. Naging malapit ang block nila sa amin kaya no'ng mag-end ang summer class, nagkayayaang mag-night out. No'ng una tumanggi ako pero no'ng si Happy na mismo ang personal na nag-aya, pumayag na lang ako. Feeling ko kasi para akong kawawa sa paningin niya no'n dahil sa sinabi niyang wala akong kaibigan sa mga kaklase namin o sa kahit sino sa eskwelahan kaya dapat daw wag akong killjoy sa mga lakad para di ako maging outcast. As if naman apektado ako kung outcast nga talaga ako sa kanila. Simula't sapul wala naman akong pakialam sa lahat at mas gusto kong mapag-isa.

Pinagsisisihan ko nga na sumama ako noong gabing yun at nadala sa kalasingan. Nakadale tuloy ako nang di ko inaasahan. At yun nga ay si Traleen! Ang isang gabi kong pagkakamali pero habang-buhay kong pagsisisi.

Okay. Hindi ko naman masasabing pagsisisi talaga kasi aminado naman akong nag-enjoy no'ng gabing yun na kaming dalawa lang. Pero ang akala kong 'yun lang yun' ay hindi kayang balewalain ni Traleen. For experience lang para sa'kin pero mukhang nagustuhan ng gaga at gustong seryosohin. Malay ko bang hindi pala siya straight! Sa pula ng lipstick niya at bagsak ng ombre niyang buhok, babae rin pala ang gusto. Simula nang mangyari yung exploration ko ay naging head over heels na siya sa'kin sanhi para lalo ko siyang ayawan.

Maganda si Traleen kung maganda. Kagaya ng mga basic na chix pero ayoko pa rin sa kanya kasi bukod sa lokaret e may pagka-tanga din. Binabastos na ng mga lalake pero di pa rin aware. Siya ang perfect example ng isang babae na mukha at katawan lang ang napupuri.

"Di mo man lang ba talaga ako na-miss?" Parang nanlalambing niyang tanong at muling inilingkis ang mga braso sa akin.

"Bakit, may pinagsamahan ba tayo?" Sa pangalawang pagkakataon ay kumalas ako sa kanya.

"Oo."

"Isang gabi lang yun."

"Buong summer kaya." Insist niya.

Oo naging magkaklase kami last summer pero hindi ko naman siya ka-close no'n at madalang pa akong pumasok kaya pa'no kami nagkaroon ng sinasabi niyang pinagsamahan?

"Isang gabi lang." Pag-uulit kong paalala.

"Gusto mo bang maulit?"

Napatingin ako sa kanya at ngayo'y parang nahahawa sa mapanukso niyang ngiti.

"Sapak. Gusto mo?" Panira ko sa moment niya.

"Grabe ka sa'kin."

"Tigil-tigilan mo 'ko Traleen kung ayaw mo talaga masapak." Sa bawat tangka niyang paghawak sa kamay ko o paglingkis sa braso ko ay siya ring pagtataboy ko sa kanya. Naaalibadbaran talaga ako. Nakakaimbyerna 'tong babaeng 'to.

"Gusto kita Raffy. Hindi mo ba nakikita? Meron tayong chemistry."

"General chemistry. Organic chemistry. Analytical chemistry, Physical chemistry... Marami at next sem pa yung iba." Komento ko.

"Di yung mga subjects natin. I mean, bagay tayo."

Mataman akong napatingin sa kanya. Alam ko naman ang ibig niyang sabihin, hindi ko lang maintindihan kasi hindi ko maramdaman. Bagay ba ang lone wolf sa isang basic chix?

Sa walang humpay na paglalakad ay sa cafeteria ng campus ako napadpad kasama pa rin itong lokaret na nakasunod sa tabi ko.

"Wala ka bang klase?" Tanong ko habang kumukuha ng soda sa fridge saka dumiretso sa counter.

"Vacant time." Sagot niya sa tanong ko, pati ang kinuha kong soda ay sinagot na rin niya sa pagbayad.

"Wala ka bang gagawin sa free hour mo? Hindi ka ba magre-review or ano?" Naupo ako nang makakita ng bakanteng table. Otomatikong umupo rin siya sa tabi ko.

"Wala." Sagot niya. "Eh ikaw? Wala ka bang klase o di ka na naman pumasok?"

"Gusto mo ikaw pasukin ko?" Biro ko matapos uminom sa bottled soda.

Hindi ko siya ini-entertain. Wala lang akong choice kun'di kausapin siya kasi ayaw talaga niya 'kong tantanan. Animality kasi yung Dominic na yun. Sa pag-iwas ko tuloy sa kanya, di ko napansing sa department pala nila Traleen ako napadaan.

"Take responsibility for your actions. You only look like a fool when trying to blame other people for your behaviour."

Biglang sumagi sa isip ko ang katagang nabasa sa libro ni Sanet. Naalala ko rin bigla si Gabe dahil sa pagkakaroon namin ng common interest. Sa kanya ko nga nalaman ang proper pronunciation ng pen name ng kinaiinteresan kong manunulat.

"Hoy, nakikinig ka ba?"

"Ha?" Nagising ako sa diwa nang mag-snap sa harap ng mukha ko si Traleen.

"Napapangiti ka. May nakakatawa ba sa sinabi ko?"

"May sinasabi ka?"

"Nakakainis ka." Reklamo niya sabay kurot sa tagiliran ko na animo'y close kami. Walang hiya talaga 'tong babaeng 'to.

"Ayaw ko sayo Traleen." Walang pasubali kong sabi. "Sorry pero di ako kagaya mo. Straight ako." Paliwanag ko na lang kahit ang totoo ay confuse pa rin ako sa sexuality ko.

Hindi porque may nangyari sa amin ng kapwa ko babae ay ikokonsidera ko ng hindi ako straight. Sa tingin ko isang gabing pagkakamali lang talaga yun o kung hindi man, natural lang na ma-experience ko yun kasi bata pa 'ko at mahilig mag-explore. Yun lang yun.

~ × × × ~

Alas sais ang huling klase ko kaya gabi na nang makauwi ako. Malas pa na naabutan ako ng malakas na ulan. Wala akong dalang payong kaya para akong basang sisiw. Mabuti na lang iniwan ko lahat ng gamit pati na ang bag sa locker kanina sa eskwelahan.

"Basang-basa ka." Wika ng matandang kasama namin sa bahay na si manang Sabel habang sinasalubong ako dala ang tuwalya saka ito isinaklob sa katawan ko.

Minsan ang mga tao, nakakabanas. Obvious na nga sasabihin pa. Sasagutin ko sana siya ng kapilosopohan pero wala ako sa mood. Tatlong tao ang nakausap ko ngayong araw. Tama na yun.

"Sila Jepoy at Aki ba nandito na?" Tanong ko na lang habang naghuhubad ng sapatos.

Kahit na parang wala akong pakialam sa mga pinsan kong yun, sila pa rin ang unang hinahanap ko pag umuuwi ako rito sa bahay. Ewan ko ba.

"Ang kuya Jepoy mo night shift daw ngayon." Inform ni manang na nakasunod ngayon sa'kin para i-mop ang nababasang sahig na nadadaanan ko. "Si Aki naman kararating lang din. Nagkasunudan lang kayo."

Natigilan ako at napahawak ng mahigpit sa tuwalyang nakaakap sa'kin nang makita ang babaeng parang tulalang nakaupo sa aming salas. Nakatalukbong din ito ng tuwalya at mukha lang ang nakalabas. Para tuloy kaming binisita ng dalagang version ni mama Mary.

Napalunok ako nang mamukhaan kung sino ito.

"Gabe?"

Blangkong napatingin ang babae sa'kin. Saktong kabababa lang din ni Akiko na mukhang katatapos lang sa pagligo.

"Kilala mo siya?" Tanong sa'kin ng pinsan ko.

"Ba't siya nandito? Ikaw nagdala?" Tanong ko kay Akiane na para bang wala sa harapan ko ang tinutukoy.

Walang reaksyon si Gabe. Poker-faced lang itong nakatingin sa'kin at walang imik kaya hindi ko alam kung naririnig niya kami. Malay ko baka naka-headset siya!

"Hindi. Pero tenant siya sa pad." Tukoy niya sa studio type apartment na pagmamay-ari nila at pinarerentahan. Bumaling siya kay Gabe. Tinapik niya ito sa balikat kaya nawala ang tingin sa'kin. "Oy girl, shower ka na. Nabasa ka ng ulan, baka ka magkasakit."

Walang imik na tumayo si Gabe at sa pagtayo nito, nakita ko ang kulay ng kanyang damit. Puti. Ang weird. Bakit ba siya parating naka-white tee?

Inutusan ni Akiko si manang Sabel na igiya kay Gabe kung saan ang banyo.

"Bakit mo kasama yun? Kaano-ano mo?" Tanong ko ulit nang kaming dalawa na lang ng pinsan ko ang naiwan.

"Nagpunta ako dun kanina para maningil ng renta." Panimula ng pinsan ko. "Naabutan ko siyang parang ang laki ng problema. Nawala pala niya yung susi niya. Eh wala rin kaming duplicate, hindi tuloy siya makapasok. Hinanapan ko siya ng bakanteng unit para dun sana muna siya pansamantala kaso wala na rin palang bakante kaya dito ko na lang siya dinala. Kahit papa'no kargo namin yang mga tenant namin. Sabi ko bukas na lang namin problemahin kung pa'no niya mabubuksan yung unit niya, gabi na kasi at malakas pa'ng ulan."

"At wala ang kuya mo?" Dagdag ko. Alam ko namang di siya marunong mag-handle ng problema kaya pag may aberya sa mga pinaparentahan nila, inaasa niya kay Jepoy yung pag-aasikaso.

"Alangang matulog siya sa guard's quarter o sa view deck ng building diba?"

Napabuntong hininga na lang ako. Nagtungo ako sa kusina para kumuha ng maiinom.

Akala ko do'n lang sa book fair ang una at huling pagkakataong makakasama ko yung babaeng yun pero pagkatapos no'n tila nagbiro ang tadhana para pagtagpuin kami ng ilang ulit na hindi inaasahan. Mag-iisang buwan na rin no'ng huli kaming nagkita sa art shop. Simula no'n, lagi na siyang laman ng isip ko. Sinong mag-aakala na ang babaeng ina-anticipate kong makita ulit ay nangungupahan lang pala sa apartment ng kapamilya ko? Ang liit ng mundo at nakakatawa ang tadhana.

"Anong magiging pamalit no'n?" Tanong ko kay Akiane pagbalik ko sa sala.

"Kumuha ako ng di mo ginagamit na mga damit na padala sayo ni tito tapos yung mga niregalo ko sayong undies di mo rin pala ginagamit kaya yun na lang din binigay ko sa kanya. Magkasing-katawan lang naman kayo."

Yung mga brand new na damit na pinapadala ni papa galing abroad ay okay lang kasi panay tee shirts, jogger shorts at pantalon. Mukha lang pang-basics na nakikisabay sa uso kaya ayokong isuot. Pero yung undies na regalo sa'kin nitong gagang pinsan ko...

Holy shit.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro