Alamat I: Alamat ng Pamaypay

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

ALAMAT I
Alamat ng Pamaypay

  May isang babae na nangangalang Papay na nabibilang sa isang tribong naninirahan sa isla. Ito ay islang lagi na lamang nakakaranas ng init dulot ng mainit na sinag ng araw na tumatama dito. Dagdag pa dito, ang lugar ay hindi naaabot ng hangin. Ang madalang na pagkapal ng ulap ang siyang paminsan-minsang nagpapabawas sa nararamdamang alinsangan ng mga taong nakatira dito.

   Ipinanganak si Papay na may kapansanan ang mga kamay. Simula bata pa ay hugis kamao na ang mga ito. Ang kanyang mga kamay ay nakatikom lamang at niya hindi ito naibubuka. Ang kapansanan ni Papay ay hindi naging hadlang sa paggawa niya nang mabuti sa kapwa. Siya ay may taglay na dakila at matulunging mga kamay na handang tumulong sa sinumang taong nangangailangan ng tulong. kailan ma'y hindi niya ninais na makakita ng mga taong nahihirapan.

Dumating ang panahon ng napakatinding pagsinag ng araw sa kanilang lugar na nagdulot ng sobrang init at alinsangan. Ang mga tao'y patuloy pa rin sa kanilang pagtatrabaho at tinitiis ang init at alinsangang narararanasan. Walang oras na hindi tumagagtak ang kanilang pawis at walang magawa kundi ang tiisin na lamang ito.

Hindi mapakali si Papay dahil hindi niya nais ang kanyang nakikita, wala man itong magawa upang maibsan ang paghihirap ng mga sa kanilang lugar gawa nang sobrang init. Yakap-yakap niya ang basket ng mga prutas habang tinutulungan niya ang kanyang mga katribo sa paghahatid ng mga pagkain sa kanilang bahay.

"Salamat sa iyong pagtulong, Papay. Eto oh." wika ng babae sabay sa pag-abot nito nang walang laman na basket at inutusan siya na magpitas ng mga mansanas sa loob ng gubat.

Naglakad si Papay patungong gubat na yakap-yakap ang basket nang mag-isa. Sa paglalakad, palagian itong napapabuntong hininga.

"Kailan kaya darating ang panahon na hindi na namin mararanasan ang init na 'to..." malungkot na wika ni Papay. Sa lalim ng iniisip ni Papay, hindi na niya namalayan na napalayo na ito sa kanyang tribo. Natakot ito nang matagpuan na lamang ang sarili na naliligaw na siya sa gubat. Pinakalma ni Papay ang kanyang sarili nang napaisip ito na makakabalik din siya kaya pinagpatuloy niyang muli ang kanyang paglalakad at hinanap ang punong namumunga ng mansanas.

May namataan siyang kweba na tinatakpan ng mga baging sa madilim na pasukan nito. Ito ang unang pagkakataon na siya ay makakita ng kweba kaya naging mausisa ito at dahan-dahang naglakad patungo sa kweba.

Ngunit sa kabilang dako ay may sumusunod pala kay Papay na siyang pumigil sa kanyang pagpasok sa misteryosong kweba na kanyang natagpuan.

"Huwag kang papasok diyan, Papay. Buti na lamang at sinundan kita papunta rito, kung hindi ay baka napahamak ka na." wika ni Yiatu, na kanya ring katribo. Nagulat si Papay sa taong biglang sumulpot sa kanyang likuran.

"Ano ba ang mayroon sa kweba na iyon?" kunot noong usisa ni Papay kay Yiatu habang sila ay naglalakad pabalik. Seryoso nitong tinignan ni Yiatu.

"Ang pagpasok sa kwebang iyon ay mahigpit na ipinagbabawal ng ating pinuno. Hindi ko batid ang dahilan pero alam ko na hindi ka na muling makakabalik kapag ikaw ay pumasok kaya napakadelikado ng kweba na iyon." wika ni Yiatu ngunit hindi natakot si Papay sa kanyang sinabi.

Pinangunahan pa rin siya ng kanyang pagiging mausisa. Kinabukasan, patagong pumasok ng gubat si Papay. Naglakad ito patungo sa kinaroroonan ng kweba na kanyang natagpuan. Tumigil ito sa harapan ng kweba pagkarating nito. Nagdalawang isip si Papay kung papasok ito sa loob o hindi. Nag-isip siya nang matagal at sa huli'y hinawi niya ang mga baging at siya'y tuluyan nang pumasok sa kweba.

Napakadilim sa loob ngunit habang napapalapit sya, may namamataan siyang liwanag sa dulo ng kweba. Narating ito ni Papay. Pagkalabas niya, isang napakagandang lawa na may malawak na damuhan at mga bulaklak ang bumungad sa kanya. Namangha si Papay sa kanyang nakita. Napakakulay nitong tignan at napakahangin ng lugar! Manghang mangha si Papay. Linibot niya ang buong paligid.

May natagpuan itong babae na nakaupo sa malaking bato habang binababad ang kanyang mga paa. Sa pakiwari nya, hindi ito ordinaryong tao. Puti ang kanyang kasuotan, napakaputi at napakinis ng balat, maamo ang mukha, napakahaba ng kulay kaki nitong buhok, at kulay asul ang kanyang mga mata. Pinapalibutan siya ng iba't-ibang klase ng paru-paro at ibon. Bigla itong tumingin sa kinakatayuan ni Papay na hindi makagalaw na animo'y naging estatwa.

Nagtaka si Papay nang sumaya ang mukha ng babae nang makita siya nito at dali-daling lumipad palapit sa kanya. "Kay tagal kitang hinintay na pumunta rito." nakangiting saad ng babae sa kanya. Kunot noo lamang ang naisagot ng dalagang si Papay.

"Walang sino man ang nagtagumpay na makapasok rito kundi ikaw lamang Papay. Sapagkat bilang Diwata ng Hangin, ikaw ang aking napili na maging aking disipulo." wika ng diwata at hinawakan nito ang mga kamao ni Papay sabay sabing, "Ang mga kamay na ito ay napakabuti. Ramdam ko ang iyong kagustuhan na tulungan ang mga kapwa. Nais mo bang mas makatulong sa iyong kapwa?" tanong ng diwata sa kanya.

Tumango si Papay, "Iyon ang aking tunay na nais." madiin na tugon nito sa diwata. Ngumiti ito sa kanya dahil ramdam nito ang tunay na nararamdaman ni Papay.

"Inililipat ko sa iyong mga kamay ang aking kapangyarihan. Sa iyo ko ipagkakatiwala ng malaki ang aking ipinasa na abilidad sa iyong mga kamay. Pahalagan at ingatan mo ang abilidad n aito at paramihin mo ang iyong mga disipulo." tugon ng diwata.

Sandaling lumiwanag ang mga kamao ni Papay habang binibigkas ng diwata ang mga kataga. May napansin na kakaiba si Papay sa kanyang mga kamao. Napangiti ito sa galak nang sa wakas ay nabubukaka na niya ang kanyang mga kamay.

Nawala ang kanyang kapansanan. Tinignan niya sa mata ang diwata.

"Ngayong nabubukas mo na ang iyong mga kamay, higit mo itong gamitin sa pagtulong sa kapwa." nakangiting wika ng diwata sa kanya.

Dali-daling tumakbo palabas si Papay mula sa kweba. Bago ito lumayo, pagkalingon niyang muli sa kweba ay wala na ang diwata na tila nag-iba ang lokasyon ng kanyang pinanggalingan. Pagkabalik ni Papay sa kanyang tribo, binukaka niya ang kanyang mga kamay at doon na nagsimula ng humangin sa kanilang napakainit na lugar. Gumaan ang loob ni Papay nang makita na naibsan na ang init at alinsangangang nararanasan ng mga tao.

Simula noon, tinawag na syang 'Pamaypay' ng mga tao sapagkat si 'Papay' ang nagkakaloob ng hangin at nagdudulot ng ginhawa laban sa matinding init at alinsangan gamit ang kanyang mga 'kamay.'

Vote | Comment
= follow from chibeighal_viewers

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro