Ang Regalo

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

ANG REGALO
isinulat ni noletterl


NAGMISTULANG mga bituin sa langit ang mga nakasabit na Christmas lights mula sa ding-ding ng aming bahay. Pula, asul, at dilaw ang kumikinang sa gabi, na nagpapatingkad sa kanilang paligid. Kita mo na ang kislap ng mga ilaw mula sa labas ng bahay, na binili pa ni Nanay sa divisoria at mga tiangge. Kapansin-pansin din ang tatlong malalaking parol na gawa sa plastik at puno ng kawayan.

Sa loob naman ng bahay, may tatlong metrong Christmas tree na may mga Christmas balls na nakapalibot dito. Sa ilalim nito, makikita mo ang mga regalo na hinihintay ng buong pamilya. Sa kusina, nakahanda na sa hapag ang lutong bahay na paella, spaghetti, Shanghai, at barbeque ni Mama, na sinamahan pa ng keso de bola at softdrinks. At siyempre, hindi magiging masaya ang Pasko kung walang musika. Maririnig mo ang mga kanta nina Jose Mari Chan at Mariah Carey nang paulit-ulit mula sa apat na sulok ng aming bahay.

Ganito ang itsura ng bahay namin tuwing pasko. Taun-taon, nagtitipon-tipon ang pamilya namin para ipagdiwang ang Pasko. Isa ito sa mga inaabangan ko dahil marami akong naiipon na pera mula sa aking pamilya.

"Mga anak, isang minuto na lang," anunsyo ni mama sa amin nang mapansin niya ang orasan sa ibabaw ng refrigerator.

Agad naman kaming pumunta sa kusina para kumain ng Noche Buena. Tradisyon na ng aming pamilya na pagpatak ng alas dose ng gabi ay kakain muna kami at magkamustahan.

Habang kumakain, binalikan namin ang masasayang pangyayari sa nakaraan, kasalukuyang mga kaganapan at mga plano sa hinaharap. Pagkatapos kumain ay pumunta na kami sa sala para ibigay ang mga regalo namin sa isa't isa. Excited ang mga kapatid ko dahil curious sila sa laman ng mga regalo nila. Umupo ako sa tabi ng Christmas tree at hinintay ang pagdating ng aking mga magulang.

Nanguna si Papa sa pagbibigay ng regalo. Binasa niya ang nakasulat sa maliit na card at iniabot kung para kanino iyon. Isa-isa kaming binigyan ni Papa ng regalo. Tuwang-tuwa ang mga kapatid ko sa natanggap nila. Si Kuya, gamit sa pagpipinta. Si Bunso, bagong kolorete at damit.

Ako kaya?

"From Papa to Noel," basa ni Papa. Tiningnan niya ito ng ilang saglit bago niya binigay sa akin.

Excited kong binuksan iyon para makita kung ano ang laman nito. Tumambad sa akin ang kulay rosas na pabango. Napatingin ako kay Papa na nagtataka.

"Hulaan mo kung bakit kita binigyan ng pabango."

"Kasi mabaho ako?"

Natawa naman siya sa naging sagot ko. "Hindi, anak. Pabango ang regalo ko sa'yo dahil matagal ko nang alam ang sikreto mo," paliwanag niya tsaka ako binigyan ng matamis na ngiti. "Ibig ko lang sabihin, anak, na amoy kita."

"Papa. . ." Nabasag ang boses ko, at nanubig ang mga mata ko dahil sa mga salitang narinig ko mula sa kanya.

Disyembre biente-singko, taong 2014, nakatanggap ako ng isang mahalagang regalo mula sa aking ama.

Wakas

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro