Sana

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Genre: non-fiction

Nakalutang ako sa tubig. Banayad ang alon ng dagat na bumubuhat sa pagod kong katawan. Dama ko ang malamig na temperatura sa bawat galamay ko. Rinig ko ang tunog ng malalim na dagat habang nakalublob sa tubig ang aking mga tainga.

Ginawa kong higaan ang dagat. Nakaunat ang aking mga kamay sa tubig at hindi pumapadyak ang aking mga paa. Nakatingala ako sa langit. Nagbibilang ako ng mga ulap na parang mga tupa habang nagbibihis ang haring araw bago ito umupo sa kanluran.

"Bagong taon na naman," bulong ko.

Sa dalampasigan sa aking kanan ay may mga taong nagsasayawan. Panay ang kanilang inuman habang umiindayog sa malalakas na tugtog. Magagarbo ang kanilang suot at mamahalin ang kanilang mga alak. Ang ilan sa kanila ay naglalaro at naghahabulan pa na parang mga bata sa dalampasigan.

"Mark!" sigaw sa akin ng isa sa mga kaibigan ko mula sa pampang. "Bagong taon na, magpakasaya ka naman!"

Tinaasan ko siya ng hinlalaki. Kinawayan ko siya bago muling ibinaba ang kamay ko.

Ganito pa rin ako ngayong taon. Masaya akong mag-isa. Hindi naman kailangan ng materyal na bagay o presensya ng ibang tao para sukatin ang kaligayahan ko. Kuntento na ako sa aking kinalalagyan. Tahimik, walang gulo, mag-isa man ako pero hindi ako malungkot.

Inilangoy ko ang aking mga galamay. Para akong dikya na lumayo sa maingay na pampang kung saan nagdiriwang ang mga kaibigan ko.

Napadpad ako sa mababatong bahagi ng dalampasigan. Marahan akong umakyat sa pinakamalaking bato na aking nakita. Iginala ko ang aking tingin. Sa harap ko ay ang lumulubog na araw. Ang langit ay tila nagdurugo. Hinahati ng mga ulap ang sinag ng araw patungo sa iba't ibang direksyon. Ang liwanag ay kulay lila sa aking itaas na nagiging pula hanggang sa maging kahel sa pinaka malayo.

"Iibigin pa rin Kita," bulong ko sa hangin. Tila kausap ko ang Diyos na nakaupo sa araw na lumulubog. May ngiti sa aking labi. Mamasa-masa ang aking mga mata na tila kausap ko si Bathala. "Sa Iyo pa rin ako kahit nagbago na ang taon, oh Panginoon ko."

Sa nakalipas na mga taon ay sinubok ako ng tadhana. Marami akong pinagdaanan ngunit napagtagumpayan ko ang lahat ng iyon dahil naniwala ako sa kabutihan ng langit. Wagas ang pasasalamat ko sa Maykapal na siyang umakay sa akin upang malagpasan ang bawat pagsubok. Kung paano ko naramdaman ang Kanyang presensya sa dumaang bagyo, pandemya, at mga hamon ng buhay.

"Mamahalin pa rin Kita. Hindi po iyon magbabago."

Sa tuluyang paglubog ng araw ay nagsimulang lumitaw ang mga bituin sa langit. Mga talang nagpapasiklaban kung sino sa kanila ang pinakamaningning. Mga dyamante sa langit na tila mga butil ng tubig na gawa sa iba't ibang kulay. Mga talang tila kumakaway sa puso kong nabibighani sa ganda ng kalawakan.

Marahan akong bumaba sa batuhan. Maingat akong nagtungo sa dalampasigan. Humakbang ako sa tuyong buhangin hanggang sa mag-iwan ng bakas ang aking mga paa. Una kong naramdaman ang malamig na hangin na kusang bumalot sa basa kong katawan. Napayakap ako sa aking sarili habang bahagyang nanginginig mula sa hanging amihan.

Nakakita ako ng mga batang nakaupo sa hindi kalayuan. Abala sila pangangalap ng mga tuyong kahoy at itinambak nila sa gitna. Ilang saglit pa ay sinindihan na nila ito.

"Apoy," nakangiti kong sambit.

Nakatulala ako sa pulang alab na tila sumasayaw sa gitna ng kadiliman. Patuloy sa pag-liyab habang tinutupok ang mga mga patay na kahoy. Apoy na nagniningas sa ibabaw ng buhangin patungo sa malamig na hangin.

"Parang ako," dagdag ko.

Napalunok ako ng laway. Nawala ang aking panginginig. Tumayo ako nang maayos at pinakurba pataas ang aking mga labi.

"Sana hindi ako magbago," bulong ko.

Nakita ko sa apoy ang aking sarili. Naramdaman ko ang alab sa aking puso na nagnanais matuto, magpursigi at manatiling matatag sa kung anumang ihandog sa akin ng mundo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro

#anthology