Tatay

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Genre: Non-fiction

"We don't get to choose our parents." Lumaki akong madalas isipin ang kasabihang ito. Umiikot ito sa aking mga tainga tuwing sasapit ang Pasko.

Noon ay maligaya kami. Masigla ang aking kapatid. Palangiti ang aking ina. Mabuting halimbawa ang aking ama, masayahin, malusog, at puno ng pagkalinga para sa kanyang pamilya.

"Nanay, bakit ka po umiiyak?" inosente kong tanong.

Hindi ko alam kung kailan nagbago ang lahat. Isang gabi ay napansin ko na lamang lumuluha ang aking ina bago kami matulog.

"Nagdarasal lamang ako, Jasper," nakangiti niyang tugon.

Sa edad na walo ay pinaniwalaan siya. Ngunit ang isang gabing pagluha ay naging dalawa, naging tatlo hanggang sa hindi ko na mabilang.

Lumipas ang dalawang taon bago ko nalaman ang totoong dahilan. Ang lumbay niyang hindi ko lubos maunawaan noon ay huli na nang aking maintindihan.

Madalas ay umiiyak ang babae dahil sa lalaki.

Unti-unti na pa lang nalulong sa alak ang tatay ko. Isang bagay na hindi ko napansin at hinaharap mag-isa ng nanay ko.

Madalas na si tatay sa inuman lalo na tuwing may okasyon. Maging ang Pasko ay hindi niya pinalalampas. Lagi siyang umuuwing lasing. Kung hindi niya kami pagbubuhatan ng kamay ay pagsasalitaan naman niya kami nang masakit.

Ang Paskong inaabangan ko ay sinimulan kong kamuhian dahil sa kanya.

Malaki ang pagkukulang sa amin ng tatay ko dahil sa alak. Wala siya sa paaralan tuwing ako ay may parangal. Hindi siya maasahan sa oras ng kagipitan dahil madalas siyang tulog at amoy alkohol. Hindi ko na maalala ang huling beses na nakausap ko siyang hindi gumegewang.

Lumaki akong ganito. Mayroong ama pero parang wala. Walang tatay na nagturo sa akin magbisekleta. Walang amang unang nagyaya sa akin mag-basketball. Walang amahin na nagturo sa akin kung paano magkumpuni ng sirang ilaw, magmartilyo ng kahoy o maglangis ng sasakyan. Tanging sama ng loob ang natutunan ko sa kanya. Tinanggap ko nang mas itinuring niyang pamilya ang alak kaysa sa amin.

Minsan, bisperas ng Pasko, may kaunti akong ipon mula sa pagiging part-timer bilang janitor sa mismong paaralang pinapasukan ko. Galing ako sa tindahan katabi ng simbahan. Ninais kong mag-uwi man lang ng puto bumbong sa pagbabakasakaling maramdaman kong muli ang ang diwa ng Pasko. Kahit katiting lang na kaligayahan. Nangungulila na ako sa diwa ng kapaskuhan na kay tagal ko nang hindi naramdaman.

"Oh, Isay?" bulalas ko sa telepono nang makatanggap ng tawag mula nakababata kong kapatid.

"Kuya, si tatay. Nagwawala!" bulyaw niya sa kabilang linya.

"Oh, anong bago?"

"Hindi, kuya! Iba siya ngayon!"

Niloloko ko lang ang sarili ko. Hindi na siya magbabago.

Kumaripas ako ng takbo. Nabitawan ko ang dala kong puto bumbong. Hindi ko na nagawang lingunin ito. Malamang ay tumaob ito sa aspalto, pinagpyestahan ng langgam o ng aso. Mabuti pa sila, makakain ng masarap ngayong Pasko.

"Delirium Tremens," paliwanag ng doktor nang isugod namin si tatay sa pampublikong ospital. "Nakakakita siya ng mga ilusyon dahil sa biglang pagtigil sa pag-inom ng alak."

Naalala ko kung bakit siya biglang huminto. Nagsimula na kasing sumakit ang tiyan niya dahil sa sobrang alkohol.

Nagpupumiglas si tatay habang idinidiin ko siya sa kama. Kailangan ko siyang pigilan dahil ang akala niyang suwero ay mga ahas na nakadikit sa kanya. Panay ang tangka niyang paghugot na sinasapo ko ng aking kamay.

Nanginginig ako sa galit. Nanlilisik ang aking mga mata. Gusto ko na siyang sapakin nang mapalingon ako sa aking likod. Nakita kong magkayakap ang kapatid ko at ang aking ina—parehong lumuluha.

"Oh, ito, tulungan mo ako," sabi ng isang nurse. May inabot siya sa aking tali na gawa sa malambot na tela. "Ikaw sa kaliwa, ako sa kanan ng kama."

Noong una ay hindi ko naunawaan ang nais niyang mangyari. Hanggang sa natunghayan ko ang sunod niyang ginawa. Marahan ko siyang sinunod.

Ang ilang taong puot mula sa aking puso ay tila naglaho. Hindi man tuluyang natunaw, kahit papaano ay bahagyang napalitan ng awa.

"Huwag kang umiyak, tibayan mo ang loob mo," sabi ng nurse. "Kailangan ito para hindi niya mahugot ang suwero."

Kailangan bang danasin ng isang anak ang ganito?

Ako mismo ang nagtatali sa tatay ko.

Napatingin ako sa mukha ni tatay. Hindi na siya pumipiglas. Ang kapatid ko at ang aking nanay ay malaya nang nakalalapit. Unti-unting umeepekto na ang gamot na pampakalma sa aking ama.

Nang siya ay makatulog ay tumakbo ako palabas. Panay ang aking pagkaripas habang hindi alam ang patutunguhan. Gusto kong mapagod. Gusto kong magalit. Gusto kong magwala.

Bakit ba ganoong klase ng ama ang ibinigay sa akin ng tadhana?

Napadpad ako sa isang sulok. Pinalobo ko ang aking baga. Sa aking dibdib ay handa ko nang isigaw ang lahat sa mundo.

"Papa!" Natigilan ako nang may biglang humiyaw na ibang tao. Sa aking kaliwa ay ang Emergency Room. Sa isang stretcher ay isang taong duguan. May mga anak na nagluluksa sa pagkawala ng kanilang ama.

Niyapos ko ang aking bibig. Ang mga katagang may halong galit na inipon ko ay napalitan ng pangungulila. Kusang lumabas sa bibig ko ang mga salitang kay tagal ko nang hindi binigkas.

"Mahal ko pa ang tatay ko!"

Bumalik ako sa aking pamilya. Noche buena na pero luha ang aming handa. Ngunit may munting tinig sa aking puso—nagsasabing ang Pasko ay simbolo ng pag-asa. Regalo na para sa akin ang kami ay kumpleto. Hindi man siguro perpekto ang aking pamilya ngunit may pagkakataon pa na kami'y maging buo.

Hinahaplos ng aking ina ang buhok ng aking ama. Yakap naman ng aking kapatid ang paanan nito.

Alam kong hindi siya mabuting huwaran. Inisip ko na lang na minsa'y naging mabuti rin siyang ama sa amin. Hinawakan ko ang nanginginig niyang kamay. Pumikit ako at nanalangin sa sangol na si Hesus na bukas o balang araw ay bumalik siya sa dati. Ang amang hinangaan ko—ang aking dating bayani. Sa aking pagmulat ay mukha na siyang kalmado. Napatingin ako sa aking relo, eksaktong alas-dose.

"Maligayang Pasko, tatay," busilak kong sambit.

Hindi ko sigurado ngunit sa sandaling iyon, kahit katiting lang, naramdaman ko ang diwa ng Pasko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro

#anthology