Kabanata 4

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 4]

"TULUNGAN mo akong mapalapit kay Enrique. Tulungan mo akong maging isang Alfonso." Napakurap si Lucas ng dalawang beses na tila naglalakbay pa ang aking sinabi patungo sa kaniyang isipan.

"Ibig kong maging bahagi ng inyong pamilya. Hindi dahil sa tanyag si Enrique kundi dahil ibig kong ibigay ang aking buong puso sa kaniya," patuloy ko. Napakurap muli siya saka biglang napangisi.

"Isa kang pambihirang binibini," panimula niya habang nakangisi saka tiningnan ako na tila hindi siya makapaniwala sa mga sinasabi ko.

"Si Enrique ang bahalang magpasiya kung sino ang kaniyang iibigin," saad ni Lucas saka hinubad ang kaniyang sombrero at tinapat iyon sa kaniyang dibdib bilang senyales ng kaniyang pamamaalam saka tumalikod.

Ngunit wala pang tatlong segundo ay lumingon ulit siya sa akin. "Mag-isa ka lang nagtungo rito upang sabihin sa akin iyan?" tanong niya, napalingon ako sa kaliwa at kanan saka ngumiti nang may pag-aalinlangan sa katotohanang buong tapang akong tumakas sa aming tirahan.

Biglang naging seryoso ang mukha niya. "Tiyak na hindi matutuwa si Don Gustavo sa oras na malaman niya na mag-isa kang nagtungo rito nang walang pahintulot." Napalunok na lang ako. Batid kong mali nga ang aking ginawa ngunit kaya ko namang ipagtanggol ang aking sarili.

"G-gaya nga ng iyong sinabi, isa akong pambihirang binibini. At ngayon, ibig kong ipakita sa iyo ang aking sinseridad ukol sa aking pagtingin para kay Enrique. Handa kong gawin ang lahat para sa kaniya kung kaya't pakiusap... Tulungan mo ako." Tila sumasabog ang aking puso dahil sa nag-uumapaw na determinasyong nararamdaman ko ngayon.

Napahinga nang malalim si Lucas at muling tumingin sa akin. "Tiyak na mahuhulog ang puso ni Enrique sa oras na marinig niya ang iyong mga tinuran. Ngunit, bakit hindi ikaw mismo ang magsabi sa kaniya ng iyong nararamdaman?" tanong niya na tila isang malaking batong tumama sa aking isipan.

Kinuha niya ang kaniyang kuwintas na relo, tiningnan ang oras saka ibinalik iyon sa kaniyang bulsa at tumingin muli sa akin. "Sa aking palagay, wala pa sa aming tahanan si Enrique. Maaari mo siyang hintayin sa aming tahanan at iyong sabihin ang lahat ng iyan." Akmang tatalikod na siya ngunit napatigil siya nang magsalita akong muli.

"H-hindi ko kaya..." Napalingon siya muli sa akin. Bakas sa kaniyang mukha ang pagtataka. Napahinga na lang ako nang malalim saka napatingin sa lupa.

"Hindi ko batid ngunit sa kabila ng aking malalim na patingin at hangarin na mapalapit sa kaniya, tila ako'y duwag na hindi makagalaw at makapagsalita sa oras na nakikita ko siya." Napahawak ako sa tapat ng aking puso. Tumitibok ito. Dumadagundong. Sumisigaw na tila walang bukas sa tuwing papalapit si Enrique.

"Gusto ko siya... Gustong-gusto ko siya. Ang sabi nila, natutulog lang daw ang puso nang matagal ngunit babalik itong muli sa taong minimithi nitong masilayan." Sabihin man nila na ako'y nawawala na sa katinuan ngunit ito talaga ang aking tunay na nararamdaman.

Napatikhim si Lucas dahilan upang matauhan ako at muling mapatingin sa kaniya. "Humahanga ako sa iyong wagas na pag-ibig para sa aking pinsan ngunit... paumanhin kung hindi kita matutulungan," saad niya saka tumalikod at nagpatuloy na sa paglalakad.

Napapikit na lang ako saka mabilis na tumakbo papalapit sa kaniya at hinarangan ang kaniyang daraanan. Napatigil siya sa paglalakad saka nagtatakang napatingin sa akin ngunit di kalaunan ay bigla siyang natawa. "Narinig mo na ang lahat ng aking dahilan. Ano pa bang kulang upang ikaw ay umayon sa aking kagustuhan?" Sa pagkakataong ito, halos walang kurap at deretso akong nakatingin sa kaniya.

Tumawa lang siya, isang mahabang tawa na tila hindi siya makapaniwala sa lahat ng sinabi ko. Ilang sandali pa, napagod na siyang tumawa sabay halukipkip at tiningnan din ako. "Sabihin mo sa akin, binibini, ano ang aking mapapala sa pagtulong sa iyo?" tanong niya habang nakangisi.

Ibinaba ko na ang aking dalawang kamay. "Bibigyan kita ng maraming salapi, lupain o kahit anumang bagay na iyong ibig," tugon ko ngunit tumawa lang siya dahilan upang mapakunot ang aking noo.

"Binibini, wala akong interes sa salapi, lupain o kahit anumang materyal na bagay sa mundong ito," tawa niya. Sabagay, isa siyang Alfonso. Mas marangya ang kanilang pamumuhay kaysa sa amin.

"Ilalakad kita sa sinumang binibini na iyong matitipuhan. Marami akong kakilalang magagandang binibini rito sa San Alfonso," patuloy ko. Lubos kong hinahangaan si ama pagdating sa kalakalan kung kaya't hindi rin ako magpapatalo sa lalaking ito.

"Hindi lang sa ganda ng isang binibini ang batayan upang mapa-ibig ang isang tulad ko. Bukod doon, wala akong oras para sa mga bagay na iyan," tugon niya sabay tawa. Ang lahat ng sinasabi ko ay ginagawa niyang isang biro at katatawanan.

"Ang aking prinsipyo ay hindi natutumbasan ng anumang bagay sa mundong ito. Kung kaya't kung iyong loloobin, binibini, ipahahatid na kita sa aming mga tauhan bago pa malaman ng iyong ama na wala ka sa inyong tahanan," saad ni Lucas sabay ngiti dahilan upang mapapikit na lang ako sa inis dahil halos isampal niya sa aking mukha ang kaniyang walang kapantay na prinsipyo sa buhay.

"BINIBINI, kay aga-aga bakit ganiyang ang iyong hitsura? Tiyak na mababahala ang iyong ama sa oras na makita ka niya," wika ni Isidora. Nakaupo ako ngayon sa isang mataas na silya sa aming balkonahe at pinagmamasdan ko ang mga kalalakihan na nakapila sa labas ng aming tahanan.

May mga dala silang palay, trigo, iba't ibang kagamitan na ibig nilang ikalakal o ipagpalit sa pilak o tanso. Kamakailan lang ay itinalaga si ama ng kanilang samahan bilang punong kalihim ng kalakalan ng San Alfonso. Nagtungo na sa Malacca si Don Teodoro at doon nagsimula ng bagong kalakalan.

"Maaari bang walang bagay sa mundong ito ang makatutumbas sa prinsipyo ng isang tao?" saad ko habang nakatingin sa halos limampung kataong nakapila at nag-uusap sa labas. May isang mesa malapit sa aming pintuan at naroon ang dalawang tauhan ni ama na siyang naglilista ng mga bagay na dala ng mga tao.

"Po? Ang ibig niyo po bang sabihin binibini ay kung magagawang suhulan ng sinuman ang isang taong may matibay na prinsipyo sa buhay?" tanong ni Isidora. Napatango ako habang nakatingin pa rin sa labas.

Napaisip nang matagal si Isidora; mula kagabi ko pa iniisip ang sinabi ni Lucas. "May kahinaan ang lahat ng tao, binibini. Ako'y nakasisiguro na may kahinaan din ang taong tinutukoy mo. Kung minsan, ang kahinaang iyon ang siyang titibag sa prinsipyo na kaniyang pinanghahawakan," tugon ni Isidora. Napangiti ako sa sinabi niya.

Muli akong tumingin sa labas. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang pinuno ng mga kawatan na aming nakalaban ni Lucas noong isang araw. Sa pagkakataong iyon, naalala ko ang nangyari kagabi bago ako tumakbo papalayo kay Lucas.

"Hindi maaari! Hindi dapat malaman ni ama na tumakas ako sa amin," saad ko nang sabihin ni Lucas na ipahahatid niya ako sa kanilang mga tauhan. "Ngunit mapangib ang daan, iyo na bang nakalimutan ang mga kawatan na ating nakasalubong sa kagubatan?" saad niya. Tila nagsisisi tuloy ako ngayon kung bakit ko pa siya pinuntahan at kinausap gayong mas lalo lang akong maiinis sa kaniya.

Magsasalita pa sana ako nang marinig namin mula sa di-kalayuan ang paparating na kalesa. Mabilis akong tumakbo sa gilid at nagtago sa likod ng isang puno. Hindi naman umalis si Lucas sa kaniyang kinatatayuan hanggang sa makalapit ang kalesa at tumigil iyon sa kaniyang harapan.

"Lucas? Anong ginagawa mo rito sa labas?" tanong ng isang babae. Napatakip ako sa bibig nang makilala ko kung sino iyon—si Doña Emilia na siyang ina ni Enrique. Ang mas lalong ikinagulat ko ay ang makita sina Enrique at Constanza sa tabi ng kanilang ina.

Naglakad si Lucas papalapit sa kanila at nagbigay-galang. "Pauwi na rin po ako, Doña Emilia."

"Sino ang kausap mo kanina?" tanong ni Enrique, napalingon naman sa paligid si Lucas saka ngumiti. "Isang kawatan," sagot ni Lucas na tila sanay na siyang manakawan.

Nabahala naman sina Enrique at Doña Emilia. "Ano ang nakuha sa iyo? Aking ipatatawag ang ating mga tauhan upang habulin ang—" Hindi na natapos ni Enrique ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita si Lucas.

"Huwag na. Hindi na mahalaga iyon," sagot ni Lucas.

"Huwag mo sabihing nakuha sa iyo ang singsing?" Sa kanilang dalawa, si Enrique ang mukhang mas nababahala. May sinabi pa si Enrique ngunit hindi ko na narinig dahil pinasakay na ni Doña Emilia si Lucas sa kalesa at paulit-ulit nitong pinaalalahanan na mag-ingat ang binata at magdaragdag sila ng mga bantay.

"Binibini," tawag ni Isidora ngunit mabilis akong naglakad pababa ng hagdan at lumabas ng bahay. Nasa sunod na pila na ang pinuno ng mga kawatan na iyon kasama ang dalawa pa niyang mga alagad. Agad akong nagtungo sa tapat ng mesa dahilan upang tumayo ang dalawang tauhan ni ama.

"Binibini, ano po ang aming maipaglilingkod?" tanong ng dalawang tauhan ni ama na siyang naglilista at tumatanggap ng mga dala ng mga nakapila. Nakatingin lang ako sa mga kawatang iyon na ngayon ay gulat ding nakatingin sa akin.

"Ibig ko lang anyayahan sa loob ang tatlong ginoong ito," saad ko sabay turo sa tatlong nakapila. Halos lumuwa ang kanilang mga mata at akmang tatakbo na papalayo ngunit batid nilang malabong makalabas sila sa aming hacienda dahil sa dami ng mga tauhan ni ama na siyang nagbabantay sa bawat sulok.

"B-bakit? Saan niyo kami dadalhin?" kinakabahang tanong ng pinuno. Nakahawak naman sa kaniyang balikat ang dalawang kasama na tila mga batang ayaw bumitaw sa kaniya. "Ibig ko lang kayong makausap sandali sa loob ng aming tahanan. Hindi niyo ba ako maaaring pagbigyan?" tanong ko. Nagtataka naman ang mga tao dahil takot na takot ang tatlong lalaking iyon na lingid sa kanilang kaalaman ay mga kawatan.

"P-paumanhin ngunit may inaasikaso kami rito. S-sino ka ba upang—" Hindi na natapos ng pinuno ang kaniyang sasabihin dahil biglang lumabas si ama. Nag-aabang na rin sa gilid ang kalesang sasakyan niya.

"Anong kaguluhan ito?" tanong ni ama gamit ang kaniyang mahinahon na boses saka napatingin sa tatlong lalaki na hindi malaman ng lahat kung bakit hindi mapakali at gulat na gulat na nakatingin sa akin.

"Ama, ibig ko silang imbitahan sa loob. Maaari po ba?" tanong ko. Tumingin si ama sa kanilang tatlo na halos mahimatay sa gulat ngayon nang tawagin kong ama si Don Gustavo Concepcion.

"PATAWARIN niyo kami, binibini. Ibig pa naming mabuhay. Patawad," paulit-ulit na pagsusumamo nilang tatlo habang nakaluhod sa tapat ko. Narito kami sa sala ngunit ayaw nilang maupo sa upuan kahit pa kanina ko pa sila sinabihan na maupo roon.

"Nagawa lang namin iyon dahil sa matinding pangangailangan," wika ng isa na halos namumula na ang mga mata ngayon. Napahawak na lang ako sa aking noo.

"Maupo na kayo, pakiusap," saad ko. Naalala ko na ganito ang mga kadalasang nangyayari sa mga dula sa teatro. Nagmamakaawa sila na mabuhay ngunit sa huli ay papatayin din sila ng masamang tao sa kwento.

"Ibig ko lang malaman kung saan niyo dinala ang mga alahas na kinuha niyo sa lalaking kasama ko?" Muli silang nagpatirapa sa sahig at paulit-ulit na nagmakaawa.

"Tumayo na kayo at maupo nang maayos, mga ginoo. Hindi naman ako mamamatay-tao. Nagtatanong lang ako," ulit ko sa kanila dahilan upang matauhan sila at magkatinginan. Marahil ay madalas din silang manood sa teatro ni Maestro Domingo kung kaya't kung ano-ano rin ang tumatakbo sa kanilang isipan.

Dahan-dahan silang naupo sa aming mahabang upuan saka nagpalitan ng tingin bago tumingin muli sa akin. "Hindi ko na hahanapin kung nasaan ang mga alahas na kinuha niyo sa akin. Ang kailangan ko ngayon ay ang mga alahas na kinuha niyo sa ginoong kasama ko," ulit ko. Nagkatinginan silang muli saka napayuko.

"Paumanhin, binibini ngunit naibenta na namin ang mga iyon sa sanglaan," sagot ng pinuno at paulit-ulit na naman silang humingi ng paumanhin. Napahinga na lang ako nang malalim. Kailangan kong makuha ang mga alahas ni Lucas upang ibalik iyon sa kaniya at kumbinsihin siyang muli na tulungnan akong mapalapit kay Enrique.

Tumingin ako kay Isidora saka tumango, kinuha niya ang tatlong kumpol ng salapi saka inabot sa tatlong kawatan. "Bilhin niyong muli ang mga alahas na iyon sa sanglaan gamit ang salaping iyan," saad ko. Gulat silang napahawak sa mga salapi saka napatingin sa akin.

"Sa oras na tangayin niyo ang mga salaping iyan, hindi ko na masisiguro ang iyong kaligtasan. Kailangan niyong maibalik sa akin ang mga alahas ng lalaking iyon," saad ko. Hindi ko batid kung anong tumatakbo sa kanilang isipan ngunit ramdam ko na hindi naman sila talaga masasamang tao.

"P-paano kung hindi na namin maibalik ang mga alahas?" tanong ng isa sa kanila na mas malaki at mas mataba. "Kung gayon, ang pamilya Alfonso na ang bahala sa inyo," tugon ko, halos mamutla ang kanilang mga mukha sa gulat.

"A-alfonso?" ulit ng pinuno, kulang na lamang ay himatayin siya sa aming harapan. Payat ang kaniyang pangangatawan at kapansin-pansin ang ang bilugan niyang mata at malaking labi. "Ang lalaking kasama ko noong hapong iyon ay si Señor Lucas Alfonso na pamangkin ni Don Matias," tugon ko. Sabay-sabay silang napaluhod muli sa aking harapan at paulit-ulit na nagmakaawa.

Tumayo na ako saka muli silang pinakiusapang maupo nang maayos sa sala dahil pakiramdam ko ay isa ako sa masasamang tauhan sa teatro kahit pa nagtatanong lang naman ako sa kanila. "Sikapin niyong maibalik sa akin ang singsing na pagmamay-ari ni Señor Lucas. Mahalaga iyon sa kaniya," saad ko habang nakatingin sa tapat ng bintana. Pakiramdam ko ay mahalaga nga iyon kay Lucas dahilan upang mag-alala nang ganoon si Enrique.

"ESTENG, ano na ang iyong gagawin ngayon? Marahil ay may nakilala nang binibini si Señor Enrique sa kabilang bayan kahapon," saad ni Celeste. Kasalukuyan kaming nagbuburda at tulad ng dati ay hindi ko pa nasisimulan ang akin.

Umayos ako ng upo sa silya saka sumandal nang maayos. Ibig kong matulog; magmula nang dumating si Enrique dito ay hindi na ako nakakatulog nang maayos kaiisip kung paano kami pagtatagpuin ng tadhana. Kung hindi man gumawa ng paraan ang tadhana, ako mismo ang gagawa ng daan upang magkrus ang aming landas.

"Sa aking palagay ay mas ibig ni Doña Emilia na tubong San Alfonso ang mapapangasawa ng kaniyang anak," saad ni Amanda, ilang ulit nilang pinapakita sa isa't isa ang mga binuburda nilang bulaklak at paru-paro.

"Paano kung ibig ni Don Matias na mula sa ibang bayan ang mapapangasawa ng kaniyang anak upang mas lumawak ang kanilang kapangyarihan at impluwensiya sa karatig bayan?" wika naman ni Bonita, hindi na ako mapakali sa mga sinasabi nila. Tumatakbo ang oras at tila bawat segundong lumilipas ay nauubos ang aking pag-asa na mapalit kay Enrique.

"Kaya Esteng, kailagan mo nang gumawa ng paraan," wika ni Celeste. Umayos muli ako ng upo saka tumingin sa kanila. "Andeng, maaari ko bang makausap si Ginoong Juancho na ilakad ako kay Enrique?" Napailing agad si Amanda. Kahit ako ay hindi rin pabor sa ideyang iyon.

"Ibig mo bang maging tampulan ng usapan? May asawa na ang aking kuya at sa oras na makita nilang malapit kayo sa isa't isa ay tiyak na huhusgahan ka ng mga tao," paalala ni Amanda, at napasandal na lang ako muli sa aking silya. Dalawang taong kasal na si Ginoong Juancho kung kaya't hindi na namin siya malapitan at mabiro tulad ng dati.

"Bakit hindi ka magpatulong sa pinsan ni Señor Enrique?" tanong ni Bonita. Napansin nila na tila mas lalong binagsakan ng bagyo ang hitsura ko nang sabihin niya iyon. "Taliwas ang lalaking iyon sa aking Enrique. Siya 'yong tipo ng tao na ang hirap basahin." Napailing na lang din ako habang pinapaliwanag sa kanila kung gaano kahirap ilarawan si Lucas.

Alas-kuwatro ng hapon, nagpaalam na kami sa isa't isa saka sumakay sa aming mga kalesa. Bago pa man makaalis ang aking kalesa ay napatigil ito nang sumalubong sa daan ang tatlong kawatan. Dali-dali silang tumakbo papalapit sa akin saka nagpalinga-linga sa paligid.

"Señorita, hindi na ibig na ipagbili muli sa amin ng may-ari ng sanglaan ang mga alahas ni Señor Lucas," wika ng pinuno. "Ano? Hindi maaari," saad ko saka mabilis silang pinasakay sa kalesa upang samahan ako patungo sa sanglaan na iyon.

Aking napag-alaman na Mang Eslao ang pangalan ng pinuno ng mga kawatan. At ang dalawa naman niyang kasama ay sina Berto at Vito. "Pumasok kami sa kaniyang tindahan, inilapag namin ang salapi ngunit itinaboy niya kami sa kaniyang tindahan saka sinabihang mga kawatan kung kaya't hindi nakapagtimpi si Berto at agad siyang sinunggaban," salaysay ni Mang Eslao saka winasiwas sa ere ang kaniyang kamay habang kinuwkwento ang nangyaring engkwentro nila sa may-ari ng sanglaan.

"Sa lakas ni Berto at ng aming pwersa ay hindi nakatayo laban sa amin ang lalaking iyon ngunit agad siyang tumawag ng mga guardia kung kaya't dali-dali kaming tumakas at hinanap ka, binibini," patuloy niya. May katandaan na si Mang Eslao ngunit ang kaniyang liksi at pagkukwento ay tila batang sabik sa mga maaaksyong palabas sa dula.

Ilang sandali pa, narating na namin ang sanglaang tinutukoy nila. Animo'y kabilang na ako sa kanilang grupo dahil panay ang bulong nila sa akin na huwag palagpasin at upakan ang may-ari ng sanglaan. Bumaba na ako sa kalesa, sumunod silang tatlo sa akin hanggang sa makapasok kami sa loob ng tindahang iyon.

"Buenas tardes, Señorita," bati ng may-ari ng sanglaan habang nakangiti. "Siya. Siya ang lumapastangan sa amin, binibini!" sigaw ni Mang Eslao na animo'y muling makipagsusuntukan sa may-ari ng sanglaan.

"Señorita Estella, ipagpaumanhin niyo ngunit hindi ko po batid na isa sa inyong mga tauhan ang mga kawata—ginoong iyan," wika ng lalaking may-ari ng sanglaan. Naglakad na ako papalapit sa kaniya. Hindi naman maawat silang tatlo ngunit nang tumingin ako sa kanila ay agad silang ngumiti sabay kamot sa ulo.

"Maaari ko po bang makuha muli ang mga alahas na isinangla nila sa iyo?" Napaiwas naman ng tingin ang may-ari ng sanglaan. Bakas sa kaniyang mukha na nag-aalinglangan siyang ibalik iyon sa akin ngunit batid kong alam niya na hawak ni ama ang kalakaran ng pamilihan kung kaya't hindi niya ako matatanggihan.

Kinuha na niya sa isang maliit na baul ang tatlong alahas. Ang aking purselas, hikaw at ang singsing na pagmamay-ari ni Lucas. Dahan-dahan kong kinuha at pinagmasdan ang singsing na iyon. Sa aking palagay ay purong ginto iyon na may disenyo na mga bituin.

"Ang singsing na iyan, binibini ay bihira lamang. Sa aking pagsisiyasat ay nagmula pa iyan sa Mesopotamia o sa mga karatig na bansa nito," saad ng mag-aalahas. Napangiti na lang ako habang tinititigan ang singsing na iyon. Tiyak na mabibigla si Lucas sa oras na maibalik ko ito sa kaniya at siguradong papayag na siya na tulungan akong mapalapit kay Enrique.

"Señorita, mawalang-galang na ngunit muli kaming humihingi ng paumanhin. Bukod doon ay hinihiling namin na huwag mo na kaming isumbong kay Señor Lucas," ngiti nilang tatlo. Natawa na lang ako dahil sa kabila ng kanilang pagngiti ay ang patuloy na pagtagaktak ng pawis sa kanilang noo dahil sa kaba.

Muli silang lumuhod sa tapat ko. "A-aming pinagsisisihan ang aming ginawa sa inyo maging sa ibang tao. Sadyang wala kaming mahanap na hanapbuhay dahilan upang masadlak kami sa pagnanakaw. Patawad, binibini. Mahal namin ang aming buhay at umaasa rin sa amin ang aming mga pamiya kung kaya't patawarin niyo kami," pakiusap ni Mang Eslao na sinabayan din ng pagsusumamo nina Berto at Vito.

May katabaan si Berto habang si Vito naman ang pinakamaliit sa kanila ngunit malalim ang boses nito. Napatingin ako sa tainga ni Mang Eslao, naroon pa ang bakas ng kagat ng aking ngipin nang kagatin ko siya noong araw na iyon. Maging sina Berto at Vito ay may mga galos din sa braso at binti.

Tulad ni ama, wala sa aming bokabularyo ang pagpaparusa sa sinuman. Naniniwala kami na ang lahat ng tao ay may pag-asang magbago. Na walang masamang tao, tanging ang sitwasyon at pangyayari sa buhay ng tao ang siyang nagiging dahilan upang makagawa ito ng mga bagay na hindi kaaya-aya.

Ngumiti akong muli saka humarap sa kanila. "Maaari kayong magsilbi sa aming hacienda kung inyong iibigin. Isama niyo rin ang inyong buong grupo at inyong mga pamilya." Tila lumiwanag ang kanilang mga mukha at masaya akong makita ang kanilang malalaking ngiti na puno ng pasasalamat at pag-asa.

DALAWANG araw ang lumipas. Pinagmamasdan kong mabuti ang singsing na pagmamay-ari ni Lucas. Ngayon lang ako nakakita ng ganoong klaseng singsing. Bukod doon ay patuloy na naglalaro sa aking isipan ang pag-aalala ni Enrique tungkol sa bagay na ito habang si Lucas naman ay tila walang pakialam nang makuha ito sa kaniya.

Dapat ko ba itong ibalik kay Lucas? Ngunit paano kung hindi niya kunin? Ni hindi rin siya gumawa ng paraan upang maibalik ito sa kaniya. O baka sinabi niya lang iyon upang hindi mabahala sina Enrique at Doña Emilia ngunit ang katotohanan ay lihim niya rin itong hinahanap.

"Señorita," tawag ni Mang Eslao at sabay-sabay silang bumati sa aking harapan kasama ang kaniyang grupo. Kasalukuyan akong nakaupo sa sala habang pinagmamasdan ang singsing. Nakatayo naman sila sa labas ng bahay.

Tumayo ako at naglakad papalapit sa kanila. "Maraming salamat, señorita, sa pagkakataong ito na ibinigay niyo sa amin. Iyong asahan na hindi ka namin bibiguin at aming pagsusumikapang mabuti na mapaunlad ang inyong mga palayan," ngiti ni Mang Eslao na sinunandan din ng pasasalamat ng kaniyang mga kasamahan.

Napangiti ako saka isa-isa silang pinagmasdan. Mas maaliwalas at malinis na ang kanilang pananamit ngayon bilang magsasaka. "Inyo ring hintayin si ama dahil sasalubungin niya rin kayo mamaya pagbalik niya mula sa bayan." Muli silang nagpasalamat at nagtungo na sa sakahan ngunit pinatigil ko sina Mang Eslao, Berto at Vito.

Agad ko sinama sa likod ng kusina. "May mahalaga tayong gagawin ngayon," wika ko saka pinakita sa kanila ang singsing "Ibabalik ko na ito kay Señor Lucas, samahan niyo ako." Gulat silang napatingin sa akin.

"N-ngunit tiyak na makikilala niya ang aming hitsura, binibini. Hindi namin ibig na mabilanggo at maputulan ng daliri," pagsusumamo nila. Agad ko silang pinakalma saka itinaas ang singsing na tila iyon ang alas ng simula ng aming samahan.

"Ibig ko sanang isama ang aking mga kaibigan ngunit sa ngayon ay hindi pa dapat nila malaman na nagpapatulong ako kay Señor Lucas. Kung kaya't kayo na lang ang isasama ko bilang aking mga guardia," ngiti ko, nagkatinginan naman sila. Bakas sa kanilang mukha na natatakot silang humarap sa isang Alfonso.

"Huwag kayong mabahala, hindi kayo magagalaw ni Lucas dahil..." Napatigil ako saka napaisip kung ano ba ang magandang dahilan.

"Dahil?" ulit nila.

Napahinga ako nang malalim saka muling pinakita sa kanila ang singsing. "Dahil hawak ko ang singsing na ito. Hindi niya ito makukuha sa akin nang sapilitan. At hindi niya kayo mapaparusahan dahil..."

"Dahil?"

"Dahil... Sabi ko." Tila wala naman sa ugali ni Lucas ang patulan at sabunutan ako. At sa oras na maubusan siya ng pasensiya ay titiyakin kong ako ang mauunang umatake sa kaniya.

KINABUKASAN, maaga silang tatlong dumating sa aming hacienda at ibinalita sa akin na nagtungo si Lucas sa simbahan. Agad kaming sumakay ng kalesa at nagtungo roon. Hindi naman kami nabigo dahil natanaw namin si Lucas na nagdadasal sa harap ng simbahan.

Sinenyasan ko silang tatlo na maghintay sa akin sa kalesa. Pumasok ako sa loob at hinintay na matapos siyang magdasal. Tulad ng inaasahan ay nagtungo siya sa sindihan ng kandila upang magsindi ng kandila roon.

Dahan-dahan ko siyang sinundan. Tumabi ako sa kaniya nang hindi niya namamalayan at akmang magsisindi ng kandila ngunit napatigil ako nang magsalita siya. "Binibini, ano ang iyong pakay?" saad niya na ikinagulat ko.

"Bakit mo ako sinusundan?" patuloy niya dahilan upang pumalpak ang plano namin na kunwari ay aksidente ko lang siyang nakita sa simbahan. "Ano? Hindi kita sinusundan at bakit ko naman gagawin iyon?" banat ko ngunit tumingin lang siya sa 'kin sabay ngiti.

Hindi pala dapat naging ganoon ang reaksyon ko, marahil ay iniisip na niya ngayon na nagdadahilan lang ako. "Sinusundan din nila ako," saad ni Lucas sabay tingin sa pintuan ng simbahan. Napatingin din ako doon at laking-gulat ko nang makita na nakadungaw doon sina Mang Eslao, Berto at Vito na halatang pinanonood kami. Agad ko silang sinenyasan na magtago kung kaya't dali-dali silang sumakay sa kalesa at nagkunwaring nagpapahinga roon.

"Sabihin mo na sa akin, binibini," ulit niya pa habang nakatingin sa mga nakasinding kandila ngunit nakangiti siya. Kahit kailan talaga, wala akong plano na nagtatagumpay sa harap ng lalaking ito.

Napahinga na lang ako nang malalim saka inabot sa kaniya ang singsing. "Hindi ba't sayo ito?" wika ko. Ilang segundo na ang lumipas ngunit nanatili lang si Lucas na nakatingin sa singsing na iyon na hawak ko. "Pinaghirapan ko 'yang mabawi sa sanglaan. Batid kong mahalaga sa iyo ito kaya—" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya.

"Hindi 'yan sa akin," wika niya saka inilayo ang paningin sa singsing at muling humarap sa mga kandila. "Hindi malinaw sa akin kung ito ba iyon ngunit ang sabi nila ay ito raw ang singsing na nakuha nila sa iyo," saad ko sabay tingin sa kanilang tatlo na ngayon ay nakadungaw na ulit sa pintuan at mabilis na nagtago nang mapatingin ako sa kanila.

Napatigil naman si Lucas sa kaniyang ginagawa saka napatingin ulit sa akin "Nila? Ang tinutukoy mo ba ay ang mga kawatan na nakasalumuha natin?" Napalunok ako saka napaiwas ng tingin sabay ngiti sa kaniya.

"Hindi na mahalaga iyon. Huwag mo na silang hanapin. Ang mahalaga, nabawi natin ang iyong singsing," ngiti ko sabay abot sa kaniya ngunit hindi niya pa rin kinuha iyon.

"Hinarap mo ang mga kawatan upang maibalik lang ang singsing na iyan?" wika niya. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala at batid kong hindi rin siya makapaniwala na magagawa ko iyon.

"Sabihin na lang natin na tadhana mismo ang nagdala ng landas nila patungo sa akin. Bukod doon, mabubuti naman silang tao at nagawa lang nila iyon dahil sa matinding pangangailangan," saad ko, tumango na lang siya saka muling humarap sa mga kandila.

"Hindi akin ang singsing na iyan at huwag mo nang hanapin iyon dahil wala na rin iyong halaga sa akin," saad niya saka nagbigay-galang at nagpaalam na sa akin.

Naiwan akong tulala sa harapan ng kandila habang hawak ang singsing na iyon na batid kong sa kaniya ngunit tila hindi na niya iyon ibig alalahanin pa. Bakit kaya?

LINGGO ng gabi, naghanda ng magarbong salo-salo si ama para sa bagong samahan ng mga doktor sa pamumuno ni Doktor Victorino na siya ring aagapay sa aming pagamutan. Samu't saring mga pagkain ang nakahanda sa mesa at imbitado rin ang mga pamilya ng mga doktor na kaanib sa organisasyon.

"Darating kaya si Señor Enrique?" tanong ni Bonita. Kasalukuyan kaming nagsasalo-salo sa pabilog na mesa habang ang ibang mga kababaihan at kalalakihan naman ay nasa kani-kanilang amigo at amiga. Umaalingangaw din sa buong paligid ang nakaiindak na musika mula sa isang grupo ng mga mang-aawit na siyang umaawit sa teatro ni Maestro Domingo.

Halos maubos ko na ang leche flan na aking kinakain nang mapatigil ako sa sinabi ni Bonita. Akala ko ay dumating na si Enrique ngunit nagtanong lang pala siya. "Pinadalhan naman ng imbitasyon si Señor Enrique ngunit bakit ngayon ay wala pa rin siya?" saad ni Celeste na sinang-ayunan ni Amanda.

"Kung kalian naman bihis na bihis si Esteng, baka hindi na naman sumipot si Señor Enrique," wika nito. Kulang na lang ay umilag ako sa sinabi niya upang hindi ako tamaan.

Kulay pula ang baro't saya na suot ko bagay na paulit-ulit kong sinasabi sa kanila kanina na simbolo ng aking nag-aalab na pag-ibig para kay Enrique. "Huwag na kayong mainip, mamadaliin ko na lang ang aming kasal upang sa susunod ay hindi na kayo mainip pa," ngiti ko na sinabayan ng dismayadong mukha nila at pinaulanan ako ng mga salitang kahibangan at nananaginip na naman nang gising.

Ilang sandali pa, napatingin ako sa kinaroroonang mesa ni Lucas. Kasama niya sina Ginoong Juancho at ang iba pang mga doktor. Tanungin ko kaya siya kung nasaan si Enrique? Tiyak na may nalalaman siya dahil nakatira sila sa iisang bahay.

Wala pang ilang minuto, nakita kong tumayo si Lucas at nagtungo sa palikuran. Hindi na ako nag-aksaya ng oras at dali-daling sumunod sa kaniya. Nagdahilan na lang ako sa aking mga kaibigan na may kukunin lang ako sa aking silid.

Nagtungo siya sa palikuran na malapit sa aming kusina. Halos pabalik-balik ang mga serbedora na siyang naghahatid ng mga inumin at pagkain sa bawat mesa. Hindi naman magkamayaw ang lakas ng tawanan at pagkwekwentuhan nina ama at ng buong samahan.

Ilang minuto rin akong naghintay sa labas ng aming palikuran. Marahil ay nagbawas si Lucas sa dami ng kaniyang kinain kung kaya't ang tagal niyang namalagi sa loob. Kunwari kong tinitigan ang mga antigong paso ni ama na nakahilera malapit sa aming kusina habang hinihintay ang paglabas ni Lucas.

Sinisilip ko rin sina Amanda, Bonita at Celeste na abala pa rin sa pagkukwentuhan habang kumakain. Ilang sandali pa, lumabas na si Lucas sa palikuran. Agad ko siyang hinarang. "Maaari ba kitang makausap sandali?" Hindi ko alam ngunit naroon na naman ang hitsura niya na nagtataka sa aking biglaang pagsulpot ngunit sa huli ay tumango at ngumiti lang siya.

Isinama ko siya sa aming silid-aklatan sa ikalawang palapag. Halos nasa ibaba ang lahat dahil sa kasiyahan at pakiramdam ko naman ay walang nakasunod sa aming dalawa. Pagpasok namin sa loob ng silid-aklatan ay inilibot niya ang kaniyang mga mata roon at isa-isang tiningnan ang mga aklat.

Maging ang globo, kompas at mapa ni ama na nakapatong sa mesa ay kaniya ring kinilatis. Napatikhim ako bago magsalita, "Kung hindi mo pa rin ako tutulungan, ibabalik ko pa rin naman sa iyo ang singsing na ito." Naglakad ako papalapit sa tapat ng kabilang mesa saka inilapag sa ibabaw ng mapa ang singsing.

Tiningnan niya iyon sandali ngunit nagpatuloy siya sa pagmamasid sa malaking mapa. "Kung iniisip mo rin na ginagamit lang kita para sa aking personal na interes ay ibig kong humingi ng tawad dahil iyon naman talaga ang totoo ngunit..." Napatingin siya sa akin nang sabihin ko ang salitang ngunit.

"Ngunit, ibig kong malaman mo na wala akong intensyon sa anumang karangyaan at kapangyarihang taglay ng inyong pamilya. Nakilala ko si Enrique hindi dahil sa isa siyang Alfonso kundi dahil siya ang kauna-unahang tao na nagpahilom sa puso ko noong nangungulila ako sa aking ina," patuloy ko. Nakatingin na rin ako sa singsing na nasa ibabaw ng mapa ngunit ramdam kong nakatingin na sa akin ngayon si Lucas.

"Wala na ang iyong ina?" tanong niya, tumango ako bilang tugon. Kahit ilang taon na ang lumipas, naroon pa rin ang kirot sa aking puso sa tuwing naalala kong wala na si ina. "Patawad," wika niya. Napahinga na lang ako nang malalim saka ngumiti nang kaunti sa kaniya. Nararamdaman kong mabait naman siyang tao ngunit ang hirap niya lang talaga basahin.

"Ibig sabihin... Nagkakilala na kayo ni Enrique?" tanong niya muli, napatango ako. Napahawak siya sa kaniyang baba saka nag-isip nang malalim. "Kung gayon, tiyak na maaalala ka niya sa oras na magkaharap kayong dalawa," patuloy niya, napailing ako.

"Mga bata pa kami noon. Tiyak na nakalimutan na niya ang aking hitsura. Bukod doon ay hindi rin namin nabanggit ang pangalan ng isa't isa," wika ko. Naririnig namin ang ingay at kasiyahan sa ibaba ngunit mas nananaig ang lungkot na nararamdaman ko sa mga nakapanghihinayang na pagkakataong iyon.

"At nang dahil sa pangyayaring iyon, handa mo nang ialay ang iyong buong puso at buhay sa kaniya?" habol pa ni Lucas, tila nasa hukuman kami ngayon. Siya ang piskal at ako naman ang nasasakdal. Nasasakdal sa kasalanang umibig sa lalaking hindi ako nakatitiyak kung magagawang suklian ang aking pagmamahal.

"Ikaw nga ay pambihirang binibini." Tango ni Lucas sabay ngiti. "Kung ang lahat ng binibini ay tulad mo na handang gawin ang lahat para sa taong minamahal, tiyak na walang luhaang ginoo ngayon," patuloy niya. Nakangiti siya habang sinasabi ang mga salitang iyon dahilan para mapangiti ako dahil tila nagkakasundo na kaming dalawa.

Hinawakan ko ang mesa saka pinagmasdan siyang mabuti. Ang sabi nila isang paraan upang makumbinse mo ang isang tao ay ang kausapin mo ito nang deretso sa mata. "Kung gayon, tutulungan mo na ako?" ulit ko sabay ngiti.

Tumingin siya sa 'kin sabay ngiti. "Hindi pa rin." At nang dahil sa sinabi niyang iyon ay biglang naglaho ang ngiti sa mukha ko. Sayang. Muntik ko na siyang mapapayag.

Naglakad siya patungo sa hilera ng aming mga aklat. Karamihan sa mga iyon ay mula sa iba't ibang panig ng mundo lalo na sa Europa na siyang koleksyon ni ama. Mahilig si ama sa mga aklat patungkol sa agham, sipnayan at literatura.

"Bakit hindi pa rin?" ulit ko saka sinundan siya. Dahan-dahan lang siyang naglalakad habang binabasa ang mga aklat na nakikita niyang pasok sa kaniyang panlasa. "Hindi ko ibig manghimasok sa buhay ng ibang tao lalo na patungkol sa pag-ibig," tugon niya nang hindi tumitingin sa akin dahil abala pa rin siya sa pagsusuri ng mga libro.

"Bakit?" ulit ko. Animo'y isa akong bata na nakasunod sa kaniya at pinauulanan siya ng sunod-sunod na tanong.

"Dahil hindi ako naniniwala sa pag-ibig." Napatigil ako sa sinabi niya at sandaling natahimik. Pinagmasdan ko siya, tila hindi siya nagbibiro at iyon talaga ang kaniyang paniniwala.

Magsasalita pa sana ako ngunit naunahan niya ako. "Hindi ako tutol sa iyong pagtingin para sa aking pinsan. Kung ikaw ay mapapalapit sa kaniya at muli niyang maalala ang inyong nakaraan, nagagalak akong mangyari iyon. Ngunit..." Siya naman ang napatigil sa pagsasalita nang sabihin niya ang salitang ngunit at napatingin sa akin.

"Ngunit, labag sa aking prinsipyo ang pagtulong sa iyo dahil hindi ako naniniwala sa pag-ibig," dagdag niya. Ilang segundo akong napatulala sa kaniya dahil sa sinabi niyang iyon. Magkaiba ang aming paniniwala. Ngayon lamang ako nakakilala ng isang tao na hindi naniniwala sa kapangyarihan at sayang naidudulot ng pag-ibig.

Ibinalik na niya ang hawak niyang libro. Ilang sandali pa, napatigil siya at nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang isang aklat tungkol sa mga obra. Agad niyang kinuha iyon at binuklat isa-isa ang bawat pahina nito. "Matagal ko nang hinahanap ang aklat na ito. Paano kayo nagkaroon ng ganito?" gulat niyang tanong. Animo'y nakikita ko rin ang pagkinang ng kaniyang mga mata.

Tiningnan ko ang aklat na iyon, isang ordinaryong aklat na tulad ng mga koleksyon ni ama. "Sa Europa, si Ama ang mahilig sa mga ganiyan," tugon ko. Muli niyang binuklat ang mga pahina at animo'y natuklasan na niya ang isang kayamanang matagal na niyang hinahanap.

Sa pagkakataong iyon, unti-unting sumilay ang ngiti sa labi ko saka kinuha sa kamay niya ang aklat na iyon. "Kaya lang... Hindi ko ito maaaring ipahiram sa iyo," ngisi ko. Gulat naman siyang napatitig sa 'kin habang dahan-dahan kong binubuklat ang libro.

"Aking bibilhin iyan, magkano?" Bakas sa mukha niya na handa niyang ibuwis ang kaniyang buhay para sa aklat na ito. Animo'y bumaliktad ang mundo at ako na ngayon ang nasa itaas. "Hmm... Paumanhin, ginoo ngunit hindi namin ito ipinagbibili," ngisi ko sabay yakap sa libro dahil akmang kukunin niya ito sa akin.

Naglakad ako pabalik sa mesa. Agad naman siyang sumunod. "Pakiusap, kailangan ko ang aklat na iyan," habol niya, kinuha ko na muli ang singsing na naiwan sa mesa. Kumpara sa singsing ay tila mas mahalaga sa kaniya ang aklat na ito.

Inabot ko sa kaniya ang libro, akmang kukunin niya ito ngunit inilayo ko muli sa kaniya sabay ngiti. "Hindi ko ito ipapahiram o ibebenta sa iyo ngunit..." wika ko saka inabot muli sa kaniya ang libro.

"Ngunit?"

"Ngunit, ibibigay ko ito sa iyo sa kondisyong batid kong alam mo na." Sa huling pagkakataong ay napangiti muli ako. Sa larong ito, tila ako ang nagwagi dahil batid kong papayag na siya na tulungan akong mapalapit kay Enrique.

KINABUKASAN, bago ako magtungo sa aming pagamutan ay naatasan ako ni ama na salubungin ang mga gamot na darating mula sa barkong nagmula sa Maynila. Alas-sais pa lang ng umaga ay nasa daungan na kami. Kasama ko sina Mang Eslao, Berto at Vito na siyang tumayong kutsero at maghahakot ng mga gamot at halamang gamot na binili ni ama mula sa Maynila.

Dumaong na ang barko, nagsimulang magkagulo ang mga tao upang salubungin ang kani-kanilang mga mag-anak o kaibigan na lulan ng barkong iyon. Nanatili lang ako sa kalesa habang hinihintay ang taong nakatalaga sa paghahatid ng mga gamot na binili ni ama.

Halos kalahating oras na kaming naghihintay, patuloy pa rin ang pagbaba ng mga pasahero ng barko. Magkahalong tuwa at luha ang namamayani sa kanilang mga mukha nang makita ang kani-kanilang mga pamilya. "Señorita, mamayang alas-siyete pa raw po maaaring kunin ang mga gamot dahil hindi pa nakabababa ang lahat ng pasahero," wika ni Vito na siyang nagtungo sa loob ng barko upang hanapin ang nakatalagang tao roon.

Ibig ko nang magtungo sa pagamutan dahil nakatitiyak akong naroon si Enrique bilang simula ng samahan ng mga doktor. "Señorita, hindi niyo pa rin naibabalik iyan kay Señor Lucas?" tanong ni Mang Eslao. Hawak ko ngayon ang singsing at pinagmamasdan ito. Ngayon ko lang napagtanto na mas lalong kumikinang ang ganda nito kapag tumatama sa sinag ng araw.

"Hindi raw ito ang kaniyang singsing. Marahil ay nagkamali nga tayo. Ito ba talaga iyon?" tanong ko sa kanila, sabay-sabay silang tumango. "Hindi ko rin maintindihan ang kaniyang reaksyon. Ni hindi nga niya tiningnan mabuti ang singsing na ito bago niya sabihin na hindi ito iyon," patuloy ko, nagkatinginan naman silang tatlo.

"Marahil ay nagsisinungaling siya, binibini," wika ni Berto, napatingin ako sa kaniya. Ang kaniyang maumbok na pisngi ay natutulad kay ama. Nanlaki naman ang mata ni Mang Eslao na sumang-ayon sa kaniya. "Maaaring nagsinungaling nga siya, binibini!"

"Bakit naman niya gagawin iyon? Wala naman akong interes sa alahas na ito upang subukan niya kung mahilig ako sa mga marangyang bagay at sasamantalahin ko lang ang salapi ni Enrique." Napailing sila sa sinabi ko.

"Hindi iyon binibini. Hindi ikaw ang may problema. Siya mismo," wika ni Mang Eslao at nagkumpulan kaming apat.

"Siya? Paanong siya?"

"Marahil ay may masalimuot na kwento sa likod ng singsing na iyan na hindi na niya ibig maalala pa kung kaya't wala na siyang balak kunin itong muli," paliwanag ni Mang Eslao. Napatango naman kaming tatlo; may punto nga si Mang Eslao.

Kung aking aalalahanin ay may kakaiba rin sa reaksyon at kilos ni Lucas nang ipakita ko sa kaniya ang singsing. Ano kaya iyon?

Ilang sandali pa, narinig na namin ang anunsyo ng tagapangasiwa ng barko na maaari nang kunin ang mga bagahe at gamot na naroroon. Mabilis na bumaba ng kalesa sina Mang Eslao, Berto at Vito at agad din akong sumunod sa kanila ngunit nabitawan ko ang singsing at gumulong ito sa lupa.

"Ang singsing!" sigaw ko, napalingon silang tatlo. Batid nilang mahalaga iyon at hindi namin dapat maiwala kung kaya't agad naming hinanap sa ilalim ng kalesa at sa paligid. Nang lumingon ako sa kaliwa ay natanaw ko ang singsing sa gitna ng maraming tao.

Napangiti ako at akmang dadamputin na sana iyon ngunit may isang babaeng unang nakadampot ng singsing at pinagmasdan ito. "Mawalang-galang na ngunit maaari ko bang makuha iyan?" ngiti ko sa kaniya. Sa pagkakataong iyon hindi ko malaman kung bakit halos walang kurap siyang nakatitig sa singsing na iyon at unti-unting nagbabadya ang luha sa kaniyang mga mata.

Hindi ko namalayang nakatayo na rin sina Mang Eslao, Berto at Vito sa likod ko. Pare-pareho kaming nag-aabang na ibigay sa akin ng babaeng iyon ang singsing. Sa aking palagay ay kaedad ko lang ang binibini. Kulay dilaw ang baro't saya na kaniyang suot, maamo ang kaniyang mukha, maganda ang kaniyang mga mata na animo'y nakapagpapaamo ng sinuman. Makinis at maputi ang kaniyang balat at maganda ang pamumula ng kaniyang pisngi at labi.

Magsasalita pa sana ako upang kunin ang singsing ngunit dahan-dahan siyang tumingin nang deretso sa aking mga mata. "K-kanino mo nakuha ang singsing na ito?"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro