September 2022 (i) Panayam kay HannahRedspring

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

1. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang kuwento sa likod ng iyong Wattpad username?

Sa katunayan, ang likod sa pangalang Hannah Redspring ay nabuo mula sa ilang 'facts' tungkol sa akin. Ang ibig sabihin ng Hana sa salitang Japanese ay 'bulaklak' na isinalin ko lang sa Ingles kaya naging Hannah na siya ring malapit sa totoong kong pangalan. Ang kulay 'Red' naman ay ang paboritong kong kulay mula pa noong unang beses akong humawak ng krayola. At ang 'Spring' naman ay kapanahunan kung kailan ako ipinanganak. Kahit na ang totoo, yung kabuwanan noong isinilang ako ay nasa gitna ng Spring at Summer. Gayunpaman, paborito ko rin kasi ang Spring dahil presko ang hangin at magaan tingnan ang kapaligiran.


2. Gaano kahalaga sa iyo ang pagsusulat at bakit?

Para sa akin, ang pagsusulat ay therapy ko para sa sarili ko. Isa ko itong outlet mula sa realidad na wala akong ibang choice kundi tanggapin kahit pa hindi ko iyon kontrolado. Masasabi ko rin na tribute ko ang pagsusulat sa sarili ko na balang-araw ay pwede kong balikan pagdating ng panahon.


3. Mayroon ka bang sariling akda na nais mong irekomenda sa mga hindi pa nakapagbabasa ng iyong gawa?

Nais ko sanang ipamahagi ang libro kong The Spectrum of LIFE mula sa aking mambabasa. Ito ay hango sa minsang naranasan ng isang taong malapit sa akin. Isa itong kwento tungkol sa isang teenager kasama ng ilang problemang kinakaharap niya sa panibagong mundo pagkatapos niyang makapagtapos ng grade six (Wala pa kasing K12 dati.)


4. Sa ilang beses mong pagsali sa iba't ibang writing contests sa Wattpad, ano ang iyong nararamdaman kapag hindi pinalad na magwagi ang iyong akda?

Para sa akin ang makabilang sa mga sumali sa ilang writing contest dito sa Wattpad ay isa nang karangalan para sa akin. Ang pagsali ko sa writing contest ay tulong ko na rin sa sinasabi nilang 'Writer's Block'. Ang makatapos ng isang kwento ay tagumpay na para sa akin kahit pa hindi ako palaring manalo.


5. Ano ang iyong buong proseso sa pagsusulat lalo na't kapag maiikling kuwento lamang ang iyong isinusulat?

Sa totoo lang, isa itong challenge para sa akin. Para sa katulad ko na hirap gumawa ng maikling kwento na may sinusunod na word count naka-focus ako sa plot ng isang kwento para doon ko makita kung paano ko mapapalawak ang plot na iyon gamit ng ilang sapat na salita. Sinusulat ko muna ang kabuuan ng isang kwento at kapag sumobra, babawasan ko ito nang hindi naaapektuhan ang plot nito.


6. Bukod sa pagsusulat, ano pa ang pinagkakaabalahan mo sa iyong libreng oras?

Kapag libre ako at walang pasok, madalas akong nanood ng movies/series. Minsan kapag may mga kaibigan akong nagyaya lumabas para magbonding kami, nasama ako. Minsan pa ay sinasakop ng ilang oras ko ang pagbabasa ng iilang libro na nasa bookshelves ko habang nakikinig sa playlist ko mula sa mp3 ko na hindi ko pa na-uupdate.


7. May mga limitasyon ka bang naranasan (o nararanasan) bilang isang manunulat? Paano mo nalagpasan ang mga ito?

May pagkakataon na gusto kong sundan ang outline na ginawa ko, pero kusang naiiba ang flow nito dahil sa character development ng tauhan ko sa libro. Minsan maganda naman ang kinalabasan nito para sa akin ngunit may pagkakataon din na dahil lang may gusto akong masunod na timeline sa libro ko ay humahaba ang word count ko sa isang chapter.


8. Ano ang pinakamahirap na aspeto ng pagiging manunulat?

Wala namang madali sa kahit anong aspeto. Ang inspirasyon ay bigla-bigla na lang kakatok sa utak mo sa kahit anong oras kaya dapat mo iyon isulat bago mo iyon makalimutan. Ang writer's block, hindi rin naman mawawala 'yan sa buhay ng isang manunulat dahil nakaka-drain din naman minsan ang pagsusulat lalo na kung may emosyon kang gustong ipakita na hindi mo mabigyang hustisya. Ngunit ang pinakamahirap sa lahat ay ang pagdudahan mo ang sarili mo na dahilan kung bakit may ibang manunulat na piniling hindi na magpatuloy pa.


9. Ano ang iyong pinakahindi makalilimutan na karanasan bilang isang manunulat?

Matagal na ito pero ang makasama ang ilang tula ko noon sa school paper namin ay malaking karangalan na sa akin noong nagsimula akong magsulat. Tapos sa taong ito nakasama ang dalawa kong entries para sa anthology na ipupublish ng magkaibang publishing houses.

Ang mabigyang recognition ng Wattpad RomancePH ang dalawa kong akda, ang 'The Only Hope for Me is You' at ang 'Liham at Mirasol' kasama ng ilang karangalan na natanggap ko mula sa ilang entries ko sa Write-A-Thon Challenge. Ang makasama ang 'Reignited' sa Kilig Anthology ng RomancePH at ang ma-interview para makasama sa PH Newsletter. Ilan lang ito sa hindi ko inakala na naranasan ko mula pa noon hanggang ngayon.

Siyempre kasama na rin dito ang makakilala ng mga kaibigan na kapwa manunulat ko rin at maka-interact sila sa social media kapag hindi ako busy sa trabaho. Marami akong karanasan na ipinag papasalamat kong nangyari sa buhay ko na dadalhin ko sa puso ko para mas pagbutihan pa ang pagsusulat hangga't may kwento akong nais ipamahagi sa aking kapwa.


10. Saan mo nakikita ang sarili mo pagkalipas ng limang taon?

Pagkalipas ng limang taon, sana ay stable na ako sa buhay habang pinapanatili ko ang pagsusulat sa tabi ko, kung papalarin din ay magkaroon sana ako ng sarili kong Webtoon version ng ilang stories ko at mahawakan ang physical book ng ilang akdang ginawa ko na pwede kong ipagmalaki sa mga magiging anak ko sa hinaharap.


11. Ano ang iyong maipapayo sa mga bagong manunulat?

Walang madali sa buhay at ang daan papunta sa tagumpay ay hindi diretsong daan na tatahakin mo sa iyong buhay. Ang iyong hinaharap ay sinusulat mo pa lamang. Huwag mong madaliin ang mga bagay bagay dahil 'ang paglago ng isang tao ay proseso sa buhay niya at ang kanyang paglalakbay ay isang karanasan kung saan siya makikipagsapalaran.' Kung mapagod ka man, magpahinga ka at uminom ng tubig. Detox. Tao ka lang kaya normal lang 'yan, pero huwag kang susuko.


1. Magsulat nang walang outline o hindi?

Magsulat nang walang outline.

2. Magkulong sa kuwarto o tumambay sa labas?

answer: Magkulong sa kwarto.

3. Bumalik sa nakaraan o pumunta sa hinaharap?

Pumunta sa nakaraan.

4. Makinig ng isang podcast o manood ng pelikula?

Manood ng pelikula.

5. Mabigyang payo ang sarili noong bata ka pa o makausap ang mas matandang ikaw?

Para sa batang bersyon ko, huwag mo masyadong pahirapan ang sarili mo.

6. Magbasa o magsulat?

Magsulat.

7. Maaraw o maulan?

Maulan

8. Mag-beach kasama ang best friend o mag-hike kasama ang crush?

Mag-beach kasama ang best friend.

9. Mahal ko o mahal ako?

Mahal ako.

10. Kape o tubig?

Kape.

11. Manalo sa loto o maging isang exclusive author sa isang sikat na publishing company?

Manalo sa lotto para makapag patayo ako ng publishing company or animation studio.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro