Kabanata 1: Sa Mundo ng Kasalukuyan

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 1]

TUMATAKBO nang mabilis ang isang lalaki papalayo habang makailang ulit siyang lumilingon sa likod kung saan naririnig niya ang mga bulong na hindi niya maunawaan. Kasabay ng mga bulong ng hangin ay napansin niya na tila palaki nang palaki ang kabilugan ng buwan na tila hinahabol din siya nito.

Hinihingal na siya sa pagod habang unti-unting nararamdaman ang malamig na hangin na tila hinihila siya sa mundo ng mga patay. Nababalot ng dilim ang paligid maliban sa liwanag ng buwan na nasa kaniyang likuran.

Naririnig na rin niya ang mga boses, tawa, hagulgol, at sigaw ng mga taong hindi na niya kayang pakisamahan. Tinakpan niya ang kaniyang tainga dahilan upang hindi na siya makatakbo nang maayos.

"Ako'y naniniwala na ikaw'y magiging mahusay na manunulat balang araw."

"Kay raming parangal! Kay husay na bata!"

"Ikaw ay lilikha rin ng kasaysayan sa mundong ito. Isa kang Dela Torre, huwag mong kalilimutan iyon."

"Ikaw ay biyaya ng buwan! Wala akong ibang hinahangad kundi ang ikabubuti mo, anak."

"Kilala mo na ang tunay na may sala, hindi ba? Bakit hindi mo siya isuplong? Nais mo rin bang pagtakpan ito gaya ng gawain ng mga tulad niyong may kaya?!"

"Ikaw ang may sala ng lahat!"

"Kung hindi ka dumating. Marahil hindi ko nararanasan ito. Hindi ko mararanasang maisantabi nang dahil sa 'yo. Mapalad ka ngunit hindi ka marunong magpahalaga!"

Napasigaw ang lalaki dahilan upang magising siya mula sa matinding bangungot. Gulat siyang napaupo sa kama. Ramdam niya ang malalamig na butil ng pawis na namumuo sa kaniyang noo. Napahawak siya sa tapat ng kaniyang puso dahil sa bilis ng tibok nito. Mabilis siyang mapagod at madalas naninikip ang kaniyang dibdib.

Ayon sa pagsusuri ng kaniyang ama na isang doktor, mahina ang kaniyang puso. Hindi na ito nagpaliwanag pa. Nababatid niya na namana niya ang karamdaman na iyon sa kaniyang ina na may sakit sa puso.

Napatingin siya sa lampara na nakapatong sa maliit na mesa. Maingat siyang bumangon at naglakad papalapit doon para magsalin ng tubig mula sa pitsel na nasa tabi ng lampara. Nang makainom na siya nang tubig ay sandali niyang ipinikit ang mga mata upang pakalmahin ang sarili. Madalas siyang nananaginip nang masama. Mula nang magkasakit siya at patuloy na manghina ang kaniyang katawan ay palagi niyang napapanaginipan ang bangungot kung saan hinahabol siya ng buwan at mga boses na hindi tinatangay siya sa kawalan.

Isang malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan saka muling iminulat ang mga mata. Kinuha niya ang lampara at lumabas sa silid. Nagtungo siya sa silid-aklatan na itinuturing niyang kanlungan mula sa mundong puno ng kasakiman at kasamaan.

Walang ibang gumagamit ng silid-aklatan kundi siya. Ang kaniyang ama ay may sariling opisina at madalas itong nasa iba't ibang pagpupulong sa Maynila. Ang kaniyang madrasta ay madalas ding wala dahil laman ito ng iba't ibang pagdiriwang. Sa tuwing nasa bahay ito, lagi itong nasa hardin o asotea habang naglalaro ng tong-its kasama ang mga kaibigan.

Ang kaniyang ina ang siyang tanging nasa tabi niya, subalit ang labis na pag-aasikaso at pag-aalala nito ay madalas wala na sa lugar. Kulang na lang ay latagan niya ng sutla ang lahat ng lalakaran ng kaniyang anak.

Napatitig ang binata sa mga papel na nagkalat sa mesa. May ilang nakalukot na papel din sa sahig. Hindi niya pa natatapos isulat ang tula na nais niyang ipaskil muli sa bayan bago siya bumyahe patungo sa Europa.

Ang totoo, tahimik niyang sisimulan doon ang bago niyang layunin. Hindi pa rin siya titigil hangga't hindi naisasakatuparan ang kaniyang mga adhikain. Sumang-ayon siya sa kagustuhan ng kaniyang ama na mamalagi muna sa Europa habang hinihintay na humupa ang usap-usapan tungkol sa pagkakasangkot niya sa pag-aalsa.

Ngunit nababatid niyang maaaring maantala ang kaniyang pag-alis dahil sa pagtungo niya sa hukuman kaninang umaga. Nais niyang ipagtanggol ang sarili nang hindi madadamay ang mga inosente na nababatid niyang babayaran ng kaniyang ama o kapatid para lang may umako ng kaniyang kaso.

Binuksan niya ang bintana saka naupo sa tapat ng mesa at muling binalikan ang isinusulat. Sandali siyang napatigil nang mabasa ang huling saknong na naisulat niya noong isang gabi.

Sa pagsapit ng duyog ako'y babalik,

Aking babaliktarin ang daigdig.

Tumingin siya sa bintana kung saan natatanaw ang kabilugan ng buwan. Naalala niya ang maestro na itinuturing niyang ama.

Ngumiti ang maestro na nasa edad apatnapu't tatlo. Ang mga tula at maiikling kuwento na naisusulat ng kaniyang paboritong estudyante ay laging nagpapangiti sa kaniya. "Ang kuwentong ito na tungkol sa buwan... ang pamagat ba nito ay hango sa iyong pangalan, Libulan?"

Tumango at ngumiti ang binatilyo na nasa edad labing-dalawang taong gulang. Isa sa mga dahilan kung bakit siya nagsusulat ay upang mapahanga at mapuri ng guro na tinitingala niya sa lahat. "Ako'y naniniwala na ikaw'y magiging mahusay na manunulat balang araw," papuri nito saka ginulo nang marahan ang buhok ni Libulan.

"Ano po bang pinakamagandang anyo ng buwan?" tanong ni Libulan. Ibinaba ng maestro ang hawak na kuwaderno.

Napatingin ang maestro sa kuwintas na palaging suot ni Libulan. Nababatid niya na ito'y isang anting-anting. Ang disenyo nito ay bilog na kahugis ng kabilugan ng buwan. "Para sa akin, ang kabilugan ng buwan ang siyang pinakamahiwaga sa lahat," tugon nito saka kinuha ang isang makapal na kuwaderno na pinagsusulatan niya ng mga bagay tungkol sa Astronomiya. 

Binuklat niya ito at tumigil sa pahina kung saan nakaguhit ang iba't ibang hugis ng buwan, araw, at bituin. "Iyo na bang natunghayan ang duyog?"

"Duyog? Ano po 'yon?" nagtatakang tanong ni Libulan sabay tingin sa kuwaderno.

Itinuro ng maestro ang isang kakaibang larawan. "Nangyayari ito sa tuwing nagtatapat ang buwan, araw, at mundo. Minsan lang mangyari iito kung kaya't sandaling dumidilim ang araw sa umaga, at nagiging kulay pula naman ang buwan sa gabi," paliwanag ng maestro. Napatitig si Libulan sa kakaibang anyo ng buwan. Para sa kaniya, ang bagong ideya na nalaman sa guro ay sadyang mahiwaga.

"Marami raw himalang nangyayari sa tuwing sumasapit ang duyog. Kung ikaw ay may taimtim na hangarin, sa pagsapit ng duyog, asahan mong ito'y masasakatuparan," patuloy ng maestro saka muling ginulo ang buhok ni Libulan dahilan upang sabay silang matawa.

Natauhan si Libulan nang marinig ang paparating na kabayo. Muli niyang ibinalik ang paningin sa isinusulat na tula. Nakasulat ito sa baybayin upang hindi agad mabasa ninuman. Bukod doon, isa sa sunod na hakbang na nais niyang simulan sa Europa ay ibalik ang katutubong pagsulat at pagbasa.

Sa susunod na pagsapit ng duyog ay sisiguraduhin niyang handa na siya upang muling paliyabin ang apoy na inaakala ng iba na tuluyan na nilang naapula. Sisiguraduhin niya na hindi matatahimik at mabubuhay nang payapa ang mga taong kaniyang sisingilin. Babaliktarin niya ang kanilang mundo at ipaparanas sa kanila ang mga ginawa nila sa mga inosente at walang kalaban-laban.

Halos magiba ang pinto at tumambad sa harap niya si Hiram na nanlilisik ang mga mata sa galit. Naaawa siya sa kapatid subalit hindi siya sumasang-ayon sa mga desisyon at paraan nito. Nais niyang makausap ito nang mahinahon at maayos subalit sa tuwing nagtatalo sila ay natatagpuan niya ang sarili na walang masabi. Siya na nagkamit ng maraming parangal, nangunguna sa klase, at siyang pinupuri ng lahat ng guro ay hindi nakakasagot sa mga salitang binibitiwan ni Hiram.

Hinila nito ang kaniyang kuwelyo at isang suntok ang nagpatumba sa kaniya sa sahig. Nababatid niya na wala siyang panama sa lakas ng kapatid. Subalit, hindi siya naniniwala na nananaig ng dahas ang katotohanan. Kung may nais siyang patunayan gaya ng minsang sinabi sa kaniya ni Hiram, iyon ay ang mananaig pa rin ang totoo at tama hanggang sa huli.

Napahawak si Libulan sa kaniyang pumutok na labi. Nag-aalab ang kaniyang puso sa galit. Hindi niya nais tumanaw ng utang na loob sa kapatid na kumitil ng napakaraming buhay. Hindi niya nais na maging dahilan din siya upang may isa na namang inosenteng buhay ang madamay nang dahil sa kaniya.

"Sa palagay mo, hindi kita kayang paslangin? Matagal ko nang hinintay ang araw na 'to. Kung hindi lang dahil..."

"Ano? Iyong ituloy! Paslangin mo ako ngayon din gaya nang matagal mo nang inaasam!" sigaw niya. Agad dinukot ni Hiram rebolber at itinutok iyon sa kaniya. Hindi nakagalaw si Libulan habang nakatitig sa baril. Hindi niya malaman kung bakit muli niyang naramdaman ang pamilyar na lamig na bumalot sa kaniyang katawan tulad ng kung paano siya hinahabol ng buwan.

Mas lalong lumakas ang ulan at hangin dahilan upang magliparan ang mga punit-punit na papel sa silid-aklatan. Napansin ni Libulan ang buwan na siyang nakikita niya sa kaniyang mga bangungot. At ngayon, nasa likod ni Hiram ang buwan habang nakatutok ang baril sa kaniya.

"Nang dahil sa 'yo nasira ang lahat! Hindi ka na sana nabuhay pa!" sigaw ni Hiram saka kinasa ang hawak na baril. Isang malakas na putok ang umalingangaw sa paligid. Kasabay nito ang malakas na puwersang nagpabagsak kay Libulan.

Diretsong tumama ang bala sa kaniyang dibdib. Naitukod niya pa ang isang kamay hanggang sa padapa siyang bumagsak sa sahig. Sinubukang igalaw ni Libulan ang kaniyang daliri ngunit hindi niya magawa. Umaapoy ang kaniyang dibdib na tila ba sinusunog nito ang kaniyang buong katawan. Nanlalabo na rin ang kaniyang paningin. Naaninag niya ang ina na patakbong lumapit sa kaniya. Unti-unti na rin niyang nararamdaman ang paghina ng tibok ng kaniyang puso habang lumalakas ang mga boses na hindi tumitigil hangga't hindi siya nito naisasama.

Dahan-dahang ipinikit ni Libulan ang kaniyang mga mata at muling natagpuan ang sarili na tumatakbo papalayo sa kabilugan ng buwan at mga bulong na humahabol sa kaniya. Buong sikap siyang tumatakbo habang paulit-ulit na lumilingon sa takot na maabutan siya ng mga ito.

Sa kaniyang bawat hakbang, hangad niyang makawala sa paulit-ulit na bangungot at marating ang dulo ng hangganan. Isang maling hakbang ang naging dahilan upang mawalan siya ng balanse at bumagsak sa lupa.

Nang maramdaman niya ang sarili, nagawa na niyang igalaw ang katawan at dahan-dahang imulat ang kaniyang mga mata. Una niyang naaninag ang kabilugan ng buwan mula sa malaking bintana subalit naharangan iyon ng anino ng isang babae na lumapit sa kaniya.

"Okay lang po ba kayo?" tanong nito. Unti-unting luminaw ang kaniyang paningin hanggang sa makita niya ang reaksyon ng babae. Magkahalong gulat at pag-aalala ang nararamdaman niya sa mga mata nito. Lumingon ito sa paligid, animo'y may hinahanap.

"Paano ka nakapasok dito? Kanina ka pa ba nandiyan? Bakit hindi kita nakita?" Mabilis na saad ng babae na hindi na mapakali. Muli itong tumingin sa kaniya saka napatakip ng bibig. "Shocks! May sugat ka, Kuya!" patuloy nito sabay turo sa kaniya.

Agad napahawak si Libulan sa kaniyang dibdib kung saan naroon pa rin ang bakas ng dugo sa suot niyang damit. Kinapa niya ang sarili ngunit wala na siyang maramdaman na sakit. Nang silipin niya ang loob, laking-gulat niya nang makitang walang kahit anong bakas ng sugat sa kaniyang dibdib.

"Paanong..." Napatigil si Libulan. Malinaw sa kaniyang isipan ang nangyari. Binaril siya ni Hiram. Dumating ang kaniyang ina, ama, at madrasta subalit hindi na niya maigalaw ang kaniyang katawan. Muli niyang nakita ang sarili sa paulit-ulit na bangungot hanggang sa magising siya ngayon sa hindi pamilyar na silid.

Dahan-dahang bumangon si Libulan. Napahakbang naman paatras si Sabrina sabay dukot sa kaniyang smartphone. "Kuya, 'wag kang gagalaw. Wait, heto na, tatawag na ko ng ambulansya!"

Nagtatakang napatingin si Libulan sa paligid. Madilim ang silid na naiilawan lamang ng mga kandila. Kilala niya ang ibang gamit, ngunit karamihan sa mga kagamitan ay bago sa kaniyang paningin. Napapapadyak si Sabrina habang hihinintay ang tugon sa kabilang linya.

"Tsk. Bakit ang tagal nila sumagot?" Naiinis na saad ni Sabrina na naistatwa nang makitang nakatayo ang binata na parang wala itong iniindang sugat. Lumapit si Sabrina, "Uhm, kuya, mas okay kung 'di ka muna gagalaw diyan..." naglakad ang lalaki papalapit sa bintana. Nagsimulang tumalon-talon at mag-ingay ang ibon.

Napapikit si Libulan sabay sangga ng kamay upang hindi siya masilaw sa iba't ibang liwanag na natatanaw niya mula sa ibaba. Napahawak din siya sa kaniyang tainga dahil sa samu't saring ingay na hindi niya matukoy ang pinagmumulan.

Sunod-sunod na busina, sigaw ng mga binatang naglalaro ng basketball, tawanan ng mga nag-iinuman sa tabing kalsada, at sintunadong boses ng mga kumakanta sa karaoke. Nanlaki ang mga mata ni Libulan nang makita ang kakaibang anyo ng paligid sa labas. Sa gitna ng gabi, buhay na buhay ang mga kakaibang tao na may kani-kaniyang pinagkakaabalahan.

"N-nasaan ako?!" Napahakbang paatras si Libulan saka napahawak sa kaniyang tainga. Animo'y pumipintig ang kaniyang ulo dahil sa dami ng ilaw at ingay na sabay-sabay gumugulo sa kaniyang utak.

"Anong lugar ito? Saan ako dinala nina ama't ina?" patuloy ni Libulan sabay tingin sa babaeng nagtatakang nakatingin sa kaniya habang hinihintay ang masagot ang tawag.

"Ewan ko sa 'yo. Hindi mo ba bahay 'to?" Tanong ni Sabrina saka pinatay ang tawag dahil wala pa ring sumasagot. Napaatras si Libulan nang lumapit ang babae sa kaniya, "Mukhang okay ka naman... wala bang masakit sa 'yo?" patuloy ni Sabrina saka tiningnan siya mula ulo hanggang paa dahilan upang makaramdam ng pagkailang si Libulan.

Napahinga nang malalim si Sabrina, "Baka puyat ka lang, Kuya. Nakainom ka ba? Buti nakauwi ka pa sa inyo," dagdag ni Sabrina saka napailing-iling. Hindi niya lang siguro napansin ang lalaki na nakatulog sa sahig kanina dahil madilim ang loob ng apartment.

"Heto na pala 'yong pinaayos na damit ng mama mo. Bale, 550 pesos lahat," saad ni Sabrina sabay turo sa itim na coat na pinatong niya sa sofa. Tumingin lang ang lalaki sa sofa, nagkalat din doon ang mga malalaking kurtina na hindi pa natutupi.

Katahimikan.

"Kung gusto mo i-check muna, sige lang. Mas mabuti na rin 'yon para ma-check mo muna kung okay ang pagkakatahi bago ka magbayad," saad ni Sabrina upang basagin ang nakakailang na katahimikan dahil sa paniningil niya. Ngumiti rin siya nang kaunti sa takot na mag-reklamo ang kanilang customer.

Hindi kumibo si Libulan. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata sa pag-asang magigising siyang muli mula sa masamang panaginip na ito. Napakamot si Sabrina sa ulo saka naglakad patungo sa sofa upang kunin ang damit at ibigay sa lalaki.

"Birthday gift siguro 'to ng mama mo sa 'yo. Pwede mo ring sukatin muna kung kasya pa. 'Wag ka nang ma-sad kung hindi bagong damit mabibili niya. Mas okay naman 'to, ang ganda nga ng quality ng tela e," wika ni Sabrina na sanay na sanay na sa sales talk dahil madalas siya ang kumakausap sa mga customer ng patahian.

Muling napaatras si Libulan saka sinalo ang damit na sapilitang pinahawak sa kaniya ni Sabrina. Napakurap siya ng tatlong ulit. Hindi siya nananaginip. Nararamdaman niya ang hawak na damit, naririnig ang ingay ng paligid, at naaamoy ang usok ng kandila.

"Kita mo 'to? Bagong butones din 'yan, galing pa 'to sa Taiwan. Magaganda ang quality ng butones namin. Bagay din naman sa kulay ng damit mo," dagdag ni Sabrina saka ngumiti at tumango-tango. Inilahad niya ang palad niya sa tapat ni Libulan, "550 pesos lahat," patuloy nito. Gulat na nakatingin si Libulan sa hawak na damit, nababalutan ito ng plastic na hindi niya alam kung ano iyon.

Nawala ang ngiti ni Sabrina saka napahawak sa kaniyang noo. "Walang iniwang pera sa 'yo ang mama mo, 'no?" saad niya, hindi sumagot si Libulan. Hindi niya maunawaan ang ibang salitang sinasambit ng babae dahilan upang mas lalo siyang maguluhan.

"Okay. Okay. Sige. Babalik na lang ako bukas. Pagdating ni Ma'am Mildred, pakisabi na na-deliver na namin ang pinatahi niya. Puwede rin i-daan na lang niya ang bayad sa shop namin sa Santa Cruz. O kaya, text na lang niya ako para daanan ko na lang ulit ang bayad dito sa inyo," patuloy ni Sabrina na sanay sa pakikipag-usap sa mga customers.

Kumuha siya ng ballpen at maliit na notes mula sa kaniyang bag at isinulat doon ang pangalan ng patahian, ang kaniyang pangalan, phone number, at ang presyo ng babayaran. "Pakibigay na lang 'to sa mama mo," saad ni Sabrina saka ngumiti nang kaunti at naglakad na papalabas.

Nang makaalis na ang babae. Muling napatingin si Libulan sa maliit na piraso ng papel na kulay puti at may Rilakkuma character.

Sastre y Seda

846-****

Sabrina – 0915xxxxxxx

550 php

Umupo si Libulan sa sahig saka muling ipinikit ang kaniyang mga mata. Nagbabakasakali siya na muli siyang magising at matagpuan ang sarili sa kaniyang silid. Iniisip niya na baka nakatulog lang ulit siya sa silid-aklatan gaya ng madalas na nangyayari.

Hanggang sa pinili niyang humiga nang patihaya sa sahig upang matulog doon dahil hindi siya makakatulog nang nakaupo. Ilang minuto ang lumipas, hindi pa rin siya dinadalaw ng antok dahil sa samu't saring ingay na kaniyang naririnig.

Gulat siyang napamulat nang marinig ang mahabang busina kasabay nang malalakas na sigaw ng mga kalalakihan. Agad bumangon si Libulan at dali-daling dumungaw sa bintana. Nakita niya ang dalawang lalaki na nasa edad limampu pataas na puno ng guhit ang katawan, walang damit pang-itaas, at bilog ang mga tiyan. Inaawat ito ng iba nilang mga kasama sa inuman.

Dumami rin ang mga taong naki-usyoso . Bumibusina ang mga motorsiklo at tricyle na hindi na makadaan dahil sa dalawang naghahamunan. Dali-daling naglakad si Libulan patungo sa pinto kung saan lumabas ang babaeng kausap kanina. Ngunit napatigil siya nang maalala na mahamog ang gabi kung kaya't kinuha niya ang itim na coat na nasa sahig at isinuot iyon.

Saktong-sakto sa kaniyang pangangatawan ang itim na coat na ang haba ay abot hanggang tuhod. Lumingon siya sa paligid upang maghanap ng sombrero, nakakita siya ng isang itim na sombrero na nakasabit sa tabi ng pintuan.

Lumabas na siya ng silid. Agad bumungad sa kaniya ang mga kahon at iba't ibang gamit sa tabi ng makipot na hagdan. Babalik sana siya sa loob upang kunin ang lampara ngunit pagbukas niya ng pinto ay sinalubong siya ng liwanag mula sa mga poste ng ilaw, motorsiklo, at mga bahay.

Dali-daling bumaba sa hagdan si Libulan, hindi na niya alintana ang mga nagkalat na kahon at gamit sa tabi ng makipot na hagdan. Paglabas niya sa gate, sandali siyang napatigil sa dami ng mga tao. Nakatalikod sa kaniya ang mga kalalakihan na walang damit pang-itaas na naglalaro kanina sa gitnang kalsada.

"P*ng*mo! Kanina ka pa sapaw nang sapaw! 'Di mo ko pinapatapos!" sigaw ng isang lalaki habang dinuduro ang kaaway.

"T*ng*na mo! Wala namang kuwenta sinasabi mo! G*go!" Muling nagsigawan ang mga tao. "Sinabi nang singko ang napanalo ng alaga ko, kokontrahin mo pa! Bakit? Alaga mo ba 'yon? H*nayupak ka talagang p*tragis ka!"

"Mayabang na sinunggaling ka namang ulupong ka! Manrudugas ka rin g*go! Magsusumbong ka na naman sa tiyuhin mong p*nyetang kapitan!" Mas lalong lumakas ang sigawan. Hindi na magkamayaw ang mga tao.

"Suntukan! Suntukan!"

"Mga p*nyeta! Ang trapik-trapik na oh! Doon kayo sa barangay magsuntukan!"

May iba na mga umaawat ngunit karamihan ay mga tumatawa at nakikisali pa. May mga nangangantyaw na hayaan na lang ang dalawang nag-aaway para magkaalaman kung sino ang matira matibay.

Hindi na makayanan ni Libulan ang nakaririnding ingay. Sumingit siya sa kumpol-kumpol na mga tao. "Anong pag-aalsa ito?" wika niya ngunit hindi natigil ang pagsasalita ng bawat isa na tila ba walang nakarinig sa kaniyang sinabi. Ipinikit ni Libulan ang kaniyang mga mata at mas nilakasan ang boses. "Magsitigil kayo!" sigaw ni Libulan dahilan upang mapalingon sa kaniya ang lahat at tumahimik.

Inilagay ni Libulan ang dalawa niyang kamay sa kaniyang likuran saka naglakad papalapit sa dalawang lasing na nagtatalo. Sandaling tiningnan ni Libulan ang paligid, iba't ibang kulay ng damit, anyo, at magkakahalo ang mga babae at lalaki na nakapalibot sa kanila.

Hindi na bago sa kaniya ang mga ganitong sitwasyon. Madalas sa kanilang paaralan at mga organisasyon, nagkakaroon ng mga pagtatalo. Ngunit hindi magandang gawin ang pagtatalo sa publiko dahil maaaring isipin ng pamahalaan na sila'y nag-aalsa sa labas.

"Malapit nang sumapit ang oras ng paghihigpit. Ibig niyo bang madakip ng mga guardia?" seryosong saad ni Libulan. Nagtataka siyang tiningnan ng mga tao. Higit na kapansin-pansin ang kakaiba niyang pananamit.

Nagtingininan ang ilan. May ibang kumuha ng phone at kinuhanan ng litrato si Libulan. Habang ang ilang kumukuha ng video sa nag-aaway na lasing ay napunta na rin sa matangkad na binatang nakatayo sa gitna.

"Guardia? Ano raw?"

"Pulis kamo,"

"Sa barangay lang sila mag-areglo, padakip niyo na 'yan sa tanod,"

Tumikhim si Libulan. Hindi niya matukoy kung nananaginip lang ba siya? Epekto ng mga gamot na pinapainom sa kaniya? O dinala siya ng kaniyang mga magulang sa ibang bansa upang ipagamot.

Nagsimulang magsagutan muli ang dalawang lasing. "Doon tayo sa barangay nang magkaalaman na! Sabihin mong duwag ka talaga kaya ayaw mo g*go!"

Magsasalita sana muli si Libulan ngunit nagkasuntukan na ang dalawang lasing. Sumali rin ang iba nilang kainuman dahilan upang mas lalong magsigawan ang mga tao at magkagulo. Tumalipon ang mga tsinelas at iba-ibang gamit habang inaawat naman ng ibang mamamayan ang mga nagsusuntukan.

Maging si Libulan ay nadamay. Isang kamao ang tumama sa kanyang mukha dahilan upang siya'y madapa at maipit sa kaguluhan. Hindi nagtagal ay isang mahabang pito ang kanilang narinig na sinabayan ng police mobile siren.

Nagtakbuhan ang mga tao papalayo. Naiwan sa gitna si Libulan habang nakaupo sa kalsada. Nagsusuntukan pa rin ang dalawang lasing na agad dinakip ng mga pulis. Maging si Libulan ay hinila nila patayo. "S-sandali, mga Ginoo..." sinubukang magpaliwanag ni Libulan ngunit pinosasan na siya at sapilitang isinakay sa sasakyan.

"Tumahimik nga kayo!" sigaw ng pulis dahil hindi pa rin maawat sa pagtatalo at pagmumura ang dalawang lasing. Samantala, si Libulan ay halos walang kurap na nakatingin sa loob ng sasakyan. Siksikan sila sa back seat habang nakaposas ang kani-kanilang mga kamay.

Nanlaki ang mga mata ni Libulan nang magsimulang umandar ang sasakyan. Tiningnan niya ang unahan ngunit wala siyang kabayong nakita. Iba't ibang kulay ng liwanag ang kaniyang nakikita sa daan, marami ring mga sasakyan na kasalubong at mga taong naglalakad sa gilid suot ang iba't ibang haba.

Inilapit ni Libulan ang kaniyang mukha sa bintana ng sasakyan nang makita ang nagtataasang mga gusali nap uno ng mga ilaw. Mas lalong lumakas ang ingay sa kalsada. Gulat na napatingin si Libulan sa dalawang pulis na nasa unahan nang buksan ng isa ang radyo.

Namataan kaninang ala-sais y trenta ng gabi ang lunar eclipse na tumagal ng halos walong minuto. Nasubaybayan ito sa lahat ng panig ng Pilipinas. Samu't saring mga litrato ang nakuha ng mga netizens. May mga naglaan pa ng oras upang hintayin ang pagsapit ng eclipse na minsan lamang mangyari. Noong nakaraang taon, dalawa ang naitalang lunar eclipse na nasilayan din ng mga Pilipino, ito ay noong Ika-23 ng Marso at ika-16 ng Septyembre. Anna Sandoval, PMC News.

Nagtatakang napatingin si Libulan sa radyo kung saan naririnig niya ang balita at ang boses ng isang babae. "Sayang, hindi ko nakita ang eclipse kanina,"

"Ako rin e, nasa duty ako." Tugon ng isang pulis na muling napalingon sa likod dahil sinasagi ng dalawang lasing ang isa't isa. "Sinabing tumigil na kayong dalawa!" Suway muli ng pulis sa dalawang lango sa alak at kung anu-ano ang pinagsasabi.

Nang makarating sila sa police station, naunang hinila pababa si Libulan na nasa tabi ng pinto. Gulat siyang napatitig sa liwanag ng police station. May nakasulat na karatula sa harap, sinubukan niyang basahin ngunit pinalakad na sila papasok.

Napapikit si Libulan dahil sa mga puting ilaw sa loob. Nagtatalo pa ang dalawang lasing na natahimik din nang makita ang mga pulis sa loob. Napatigil ang ilan sa kanilang mga ginagawa nang pumasok ang mga bagong huli.

Kumuha ng mga tatlong monoblock chair ang isang pulis ang pinaupo ang tatlo sa harap ng isang police admin. "Anong mga pangalan niyo?" tanong nito sabay inom ng kape. Pumunta sa likod ang isang payat na pulis na siyang humuli sa kanila at pinanood ang pagtipa sa computer ng mas batang pulis.

"Hindi niyo malalalaman..." Wika ng isang lasing na pupungay-pungay. Kinuha ng isang pulis ang sus isa selda kung kaya't ngumiti siya, "Roger F. Ramos po, Bossing!"

"Gilberto C. Jimenez, mga Ser!"

Tumingin silang lahat sa binatang nakaupo sa dulo. Nakatingin ito sa mga certifico at trophy na nasa tabi. Nakasabit din ang larawan ng presidente at PNP Chief. "Ikaw naman Sir, anong pangalan mo?" tanong ng pulis n amabilis nagtitipa sa keyboard.

"Libulan Dela Torre y Casilang." Tugon ni Libulan nang mapansin na kanina pa hinintay ang kaniyang sagot.

"Ano bang pinag-aawayan niyo?" Tanong ng pulis sabay inom muli ng kape. Napahawak si Libulan sa kaniyang pisngi, mabuti na lang dahil hindi siya nagkapasa ngunit ramdam niya ang kirot nito.

"Boss, ganito kasi 'yan, itong mokong na 'to, inakusahan ba namang nandadaya ang manok ko! Nakalimang panalo na nga kami, sasabihan ba naman niya na apat na beses lang daw kami nanalo?!"

"Nagyayabang ka lang kasi, inuuto mo pa kaming g*go ka! Mandurugas ka naman!" Akmang magsusuntukan muli sila nang tumayo si Libulan at pumagitna sa kanila.

"Mga ginoo, hayaan niyong mamagitan ako sa usaping ito," wika ni Libulan na sanay na mamagitan sa mga pagtatalo at debate. Ikatlong taon na niya sa kursong abogasya.

"Ano namang kinalaman mo sa gulong 'to?" tanong ng pulis sa kaniya.

"Ako po'y nadamay lamang. Sinubukan kong mamagitan at pigilan ang kanilang pagtatalo," tugon ni Libulan. Tumango-tango ang dalawang pulis. "Sige, ano bang sasabihin mo?"

Humarap si Libulan kay Roger, "Ang libangan ba na inyong pinagtatalunan ay ang pagsasabong?" kumpirma ni Libulan. Tumango ang dalawang lasing na susuray-suray.

"Maaari niyong hingiin ang talaan sa namamahala ng sabungan upang mabatid natin kung ilang ulit nagwagi ang iyong manok," wika ni Libulan saka tiningnan naman si Gilberto.

"Ukol naman sa pandaraya, mas makabubuti kung ilalapit natin ang hinaing na ito sa cabeza o kapitan. Kailangan niyo ring ihanda ang mga katibayan na magpapatunay na nagkaroon nga ng hindi patas na laban," patuloy ni Libulan. Napakurap ang dalawang pulis sa lalim ng mga salitang binitiwan ni Libulan, kakaiba rin ang tono ng pananalita nito na animo'y nanonood sila ng mga makalumang palabas.

"Kung kayo'y hindi magkasundo, maaari na nating ilakad ang kasong ito sa mababang hukuman. Kung hindi ito maaayos doon, hayaan niyong tulungan ko kayong ipakilala sa aking propesor na nagsisilbi rin sa Audencia," dagdag ni Libulan, muntik pang makatulog ang si Roger dahil sa haba ng sinabi ni Libulan.

"O'siya, tapos ka na? Maupo ka na, bata," wika ng payat na pulis na napahawak sa sentido dahil hindi niya nasundan ang mga sinabi ni Libulan. Napakamot pa siya ng ulo nang mabanggit ang mababang hukuman. Malabong makarating sa hukuman ang reklamo ng dalawang lasinggero.

Naupo na si Libulan. Pakiramdam niya ay malaking tulong ang ibinahagi niyang payo sa pinagtatalunan nina Roger at Gilberto. Napatingin muli si Libulan sa paligid, naalala niya ang mga certifico at medalya sa silid ng kaniyang ina. Nagpatuloy sa pagtatanong ang mga pulis sa dalawang lasing na hindi rin makasagot nang maayos. Tumatawa sila at nagtatalo pagkatapos ay ngingiti-ngiti.

Hindi nagtagal ay dumating na rin ang kani-kanilang mga pamilya. Agad humingi ng pasensiya ang mga asawa nil ana ubod nang tapang saka piningot ang tainga ng mga ito. Napasigaw sina Roger at Gilberto na nagawa pang magtanong kung may bahaw at natirang ulam sa bahay.

Matapos maitala ng pulis ang pangyayari, kinuha nila ang ilan pang detalye ng dalawang lasing at binaggit ang community service na kailangan nilang gawin dahil may nauna na rin silang record tungkol sa pag-aaway naman kung nauna ba ang manok o ang itlog.

Nang makaalis na ang dalawang lasinggero kasama ang kanilang mga asawa ay sinenyasan nila si Libulan na lumipat ng upuan na malapit sa kanila. "Libulan Dela Torre y Marquez Casilang... mukhang wala ka namang record dito sa amin," wika ng pulis na animo'y isang papuri dahil first time ni Libulan mahuli.

"Kakaiba ang pangalan mo ha, may napapangalan pa pala ng ganyan ngayon," tawa ng payat na pulis na akmang iinumin ang tasa ng kape ngunit tinapik siya ng kasama dahil kape niya iyon.

"Ilang taon ka na?"

"Ako po'y labing-siyam na taong gulang,"

"Kay bata mo pa pala," saad ng payat na pulis sabay tingin kay Libulan dahil kakaiba ang pananamit nito at matangkad din ito kung kaya't akala niya ay nagtatrabaho na ito sa isang kompanya.

Bukod doon, higit na kapansin-pansin ang pagiging mestizo nito at ang pormal na pananamit. Lingid sa kanilang kaalaman, si Libulan ay anak ng isang insulares, siya'y tinuring na insulares dahil ang pag-aakala ng lahat ay anak siya ni Doña Crisanta na asawa ni Don Venancio. Ngunit ang totoo, isa siyang mestizo sapagkat si Aliya na siyang tunay niyang ina ay isang Pilipina.

"Date of birth?" tanong ng pulis na mabilis nagtitipa. Hindi sumagot si Libulan. "Birthday. Kailan ang birthday mo?"

"Ano po ang inyong ibig malaman?" paglilinaw ni Libulan dahil hindi niya maunawaan ang salitang ginagamit nito.

"Kailan ka pinanganak? Birthday o kapanganakan. Pareho lang 'yon,"

"Ika-labing lima ng Enero taong isang libo't walong raan at tatlumpu," napakurap ng tatlong beses ang dalawang pulis dahil sa sagot ni Libulan.

"Niloloko mo ba kami?" wika ng payat na pulis saka nilapit ang sarili sa mesa at tinitigan nang seryoso si Libulan. Hindi sumagot si Libulan. Hindi niya rin maunawaan ang sinabi nito.

Napatingala sa kisame ang pulis na nagtitipa saka nagbilang sa kamay niya, "1830? Pinanganak ka noong 1830?" nagtataka nitong tanong ngunit hindi pa rin sumagot si Libulan. Nanatili lang itong nakatingin sa kanila hangga't maintindihan niya ang mga sinasabi nito.

"Nagdodroga siguro 'to, ipa-drug test na natin 'yan," wika ng payat na pulis na napahawak muli sa sentido. Tinawag ng pulis na nagtitipa ang isa sa kasamahan nila upang ihanda ang rapid drug test.

"Saan ka ba nakatira?" patuloy nito sa pagtatanong. Kailangan nilang makakuha ng mga kinakailangang impormasyon.

"Sa Pandacan ang aming pangunahing tirahan, naroon din ang klinika..." Napatigil si Libulan, hindi niya ugaling banggitin sa kausap ang kaniyang ama o ang pamilyang kinabibilangan. Ngunit ito lang ang tanging paraan upang mahanap niya ang kanilang tahanan.

"Ang aking ama ay may klinika na katabi ng aming tahanan. Inyong hanapin lang ang Clinica Dela Torre," patuloy ni Libulan. Nagkatinginan lang ang dalawang pulis. Kung totoo nga ang sinasabi ni Libulan, doktor pala ang ama nito.

"Kung maaari, inyo rin kayang matatagpuan ang aming tahanan sa Intramuros?" tanong ni Libulan na lumapit sa mesa. Huminga siya nang malalim, kailanman ay hindi niya ipinagmalaki na nabibilang siya sa pamilya Dela Torre, subalit, sa pagkakataong ito ay umaasa siya na mas mapapadali ang kaniyang paghahanap dahil kilala ang kanilang pamilya.

"Ang aking ama ay si Don Venancio Dela Torre," dagdag ni Libulan. Napatikhim ang payat na pulis, nagpatuloy naman sa pagtipa ang mas batang pulis. Hinanap na rin niya sa listahan ang mga pangalan na nabanggit ni Libulan, maging ang klinika nito.

Habang naghahanap ang mas batang pulis, nagpatuloy sa pagtatanong ang payat na pulis, "Nasaan na ang ama mo? Mas okay siguro na tawagan na natin sila para masundo ka na ngayon," wika nito. Nanibago rin siya sa sarili dahil sa lalim ng pananalita ni Libulan.

"Maaari bang ibang tao na lang ang aking padadalhan ng liham? Ang vice rector ng Letran ay aking tiyo," muling nagkatinginan ang dalawang pulis. Hindi nila mabasa kung totoo ba o nagsisinunggaling ang kausap na binata.

Kinuha ng payat na pulis ang telepono, "Saang Letran?"

"Sa Intramuros... may iba pa po bang Letran?" tugon ni Libulan na may kasamang tanong. Napapikit ang payat na pulis saka binaba ang telepono. Kumpirmado. Hindi nila makakausap nang maayos ang binata.

Dumating na rin ang magsasagawa ng rapid drug test. Kinapkapan din nila si Libulan bago papasukin sa banyo. Nakita ng payat na pulis ang isang piraso ng papel sa bulsa ng itim na coat. "Dito ka ba nakatira?" tanong nito sabay pakita kay Libulan ng puting note na may Rilakkuma character.

Agad binigay ng payat na pulis ang papel sa mas batang pulis upang tawagan ang dalawang numerong nakasulat doon. "Sumunod ka na sa loob," wika nito sabay turo kay Libulan sa isang pulis na naghihintay.

"Sir, sa tingin niyo po, guardian niya 'to?" tanong ng mas batang pulis saka tinipa sa browser ang Sastre y Seda. "Patahian po ata 'to," patuloy nito na halatang nagdududa.

"Tawagan pa rin natin para makumpirma. Baka nawawala na rin ang batang 'yan, check mo rin ang mga missing persons report."


ABALA sa pagbibilang ng kita si Mrs. Santos na mas kilala sa patahian sa tawag na Gera. Nagtutupi naman ng mga damit si Aling Lucing na siyang pinakamatagal at pinakamatandang mananahi sa kanilang patahian. Tumunog ang telepono, sinagot iyon ni Aling Lucy saka humarap sa bintanang salamin ng patahian.

"Sastre Y Seda, ano po iyon?"

"Magandang gabi, si SPO2 Garcia ng Tondo Police po ito, kilala niyo po ba ang parent o guardian ni Libulan Dela Torre?"

"Sino po?" tang ni Aling Lucing na hindi gaano marinig ang kabilang linya dahil sa humarurot na motorsiklo na may nakabibinging muffler.

"Libulan Dela Torre. 19 yrs old,"

"Ay, wala po, Sir, hindi po namin kilala 'yan,"

Napatingin si Mrs. Santos kay Aling Lucing hanggang sa ibaba nito ang telepono. Nasa edad apatnapung taon lang si Mrs. Santos na tinatawag ni Sabrina na tita Gera. "Sino po 'yon, Aling Lucing?"

"Pulis, nagkamali ata ng tawag," tugon ng matanda saka nagtupi muli ng mga damit.

"Oo nga po pala, kailan daw po babyahe dito ang pamangkin niyo?" tanong ni Gera na nagsimulang magsulat sa notebook. Ang tinutukoy nito ay ang binatilyong pamangkin ni Aling Lucing sa Palawan na kukunin sana nilang boy na tagabuhat ng mga tela, deliveries, at mga gamit.

"Bukas daw ng hapon ang byahe sa barko, nag-text na rin siya sa 'kin kanina," ngiti ni Aling Lucing. Napangiti pabalik si Gera, masaya siya na matulungan ang pamilya ng mga trabahador niya na halos mga taga-Palawan.

Lumabas na sa banyo si Sabrina, nakapaghilamos na ito at nakapagpalit ng damit, suot ang puting t-shirt at dilaw na pajama na may disenyo ni Rilakkuma. Ginabi na rin siya ng uwi dahil sa traffic matapos niyang ihatid ang isang delivery.

"Sab, daanan mo na lang bukas si Manang Milda, wala kasi siyang cellphone. Alam mo naman na ang bahay niya, hindi ba?"

Tumango si Sabrina, matapos niyang ikuwento ang nangyari pagdating niya, nalaman niyang si Mildred Lopez at ang manghuhulang si Manang Milda na laging pinupuntahan ni Gera sa Quiapo ay iisa. "Opo, tita. Nagsabi na rin po ako sa anak niya."

Muling tumigil si Gera sa kaniyang ginagawa, pagdating sa chismis ay hindi siya nagiging abala. "Ang akala ko talaga matandang dalaga si Manang Milda. Parang nasabi niya sa 'kin dati na mag-isa lang siya sa buhay. 'Di ko talaga akalain na may anak pala siya," wika ni Gera, naikuwento rin ni Sabrina na naroon ang binatang anak ni Mildred sa bahay nito.

Umakyat na si Sabrina sa ikatlong palapag kung saan matatagpuan ang kaniyang silid. Naroon din ang maliit na kuwarto ni Aling Lucy at ng anak nito, at ang dalawa pang kuwarto na para sa ibang tauhan ng patahian. Si Gera ay may sariling bahay, sinusundo siya ng kaniyang asawa tuwing alas-diyes ng gabi.

Binuksan ni Sabrina ang study lamp. Ang single bed na kaniyang higaan ay puno ng mga stuff toys ni Rilakkuma at tweety bird. Maraming libro sa tabi ng study table ngunit magulo at makalat ang mga ito. Ang kaniyang mga damit ay naka-hanger lang din dahil hindi na kasya ang cabinet o orocan storage sa kaniyang kuwarto.

Nasa tabi ng kama ang bintana na nabubuksan kapag tinutulak papalabas. May kalumaan na ang establishment na kanilang inuupahan ngunit ayon kay Gera, maganda ang lokasyon nito at malapit sa mga mamimili na makakatulong sa kita ng patahian.

Napatingin si Sabrina sa mga picture na nakadikit sa dingding. Naroon ang larawan niya kasama ang mga kaibigan sa kolehiyo, ang dalawang nurse na naging kaibigan niya, si Faye noong sabay silang nagdiwang ng kaarawan, at ang larawan kung saan yakap nila ang kanilang ina habang nakaupo silang tatlo sa isang malaking sofa.

Napatitig siya sa larawan nilang tatlo. Ang inosente at masasayang ngiti ng dalawang batang babae habang yakap ang kanilang ina ay nagpapangiti pa rin hanggang ngayon sa kaniya. Naalala ni Sabrina na umaga ngayon sa Los Angeles, California. Kinuha niya ang phone at akmang papadalhan ng mensahe ang kaniyang ate nang makatanggap siya ng tawag mula sa hindi kilalang numero.

"Hello?"

"Magandang gabi, si SPO2 Garcia ng Tondo Police po ito, puwede po bang makausap si Ms. Sabrina?"

"Yes po, ako po 'yon,"

"Salamat sa pagsagot, Ma'am. Kayo po ba ang parent o guardian ni Libulan Dela Torre?"

Napaisip si Sabrina, ngayon niya lang narinig ang pangalang iyon. Magsasalita na sana siya ngunit nagpatuloy sa pagsasalita ang pulis sa kabilang linya, "Nandito po kasi siya ngayon sa amin sa police station. Nadamay siya sa isang gulo ngunit absuelto naman dahil napatunayang umawat lang siya. Napa-check up na rin namin siya, may dugo kasi sa damit niya, akala namin dahil sa suntukan na nangyari, mabuti naman dahil wala naman siyang sugat o galos."

Napatigil si Sabrina nang maalala ang anak ni Manang Milda na duguan at inakala niyang sugatan. "Uhmm... tinutukoy niyo po ba 'yong lalaking matangkad na maputi at parang pupunta sa kasal?"

"Oo, itong mestizo. Libulan daw ang pangalan niya."

"Ah! Alam ko po kung saan siya nakatira... sandali lang po ha," saad ni Sabrina saka hinanap sa phone niya ang picture ng address at pangalan ni Mildred Lopez.

Hatinggabi nang muling makatanggap ng tawag si Sabrina. Abala pa siya sa paggawa ng mga assignments. Nakilala ni Sabrina ang numero na siyang tumawag din sa kaniya kanina.

"Magandang gabi, si SPO2 Garcia ng Tondo Police po ulit ito, nandito kami ngayon sa address na binigay niyo... Ma'am wala pong tao rito, hindi rin daw po niya nanay o kamag-anak si Mildred Lopez,"

"Po? Wala na pong tao diyan sa apartment ni Mildred Lopez?" ulit ni Sabrina na animo'y nagising ang diwa.

"Opo, Ma'am. Walang katao-tao rito." Tugon ng pulis dahilan upang gulat na napatayo si Sabrina nang maalala niya na may hindi pa nakakapagbayad si Manang Milda at nagawa niyang ibigay ang damit na pinatahi nito.

Nababatid ni Sabrina na madidismaya si Gera sa oras na malaman nito ang nangyari. Bukod doon, hindi niya dapat iniwan ang damit nang hindi nakukuha ang kabuuang bayad. Agad kinuha ni Sabrina ang kaniyang pink na jacket at wallet.

Maingat siyang bumaba ng hagdan. Nakapatay na ang ilaw sa panahian. Malapit lang ang Tondo kung kaya't napagdesiyunan niyang puntahan ang bahay upang alamin kung iniwan nito ang damit. Hangga't maaari, hindi nais ni Sabrina na madismaya si Gera na siyang kumupkop sa kanilang magkapatid. Malaki ang tiwala sa kaniya nito at alam din niya na tinututukan talaga nito nang mabuti ang patahian.

Agad sumakay ng tricycle si Sabrina. Wala na siyang pakialam kung special ang babayaran niya dahil kailangan niyang makarating agad doon. Labing-limang minuto ang itinagal ng byahe, wala na rin masyadong sasakyan kung kaya't mas mabilis siyang nakarating sa Tondo.

Natanaw na niya ang police mobile na nakatigil sa tapat ng lumang apartment. Bago pa siya makalapit sa dalawang pulis na nakasandal sa kotse habang nagkakape at ang isang ale ay narinig niya ang pag-uusap ng mga ito.

"Nagulat nga rin ako mga Ser, bigla na lang umalis si Milda. Nag-iwan lang ng huling upa sa apo ko, nagmamadali nga raw e kaya naiwan na ang ibang gamit." Pagkukuwento ng ale na nakasuot ng asul na daster at nakakulot pa ang buhok.

May ilang tao ring nakikiusyoso sa labas. Hatinggabi na ngunit buhay na buhay pa rin ang paligid. "Ilang taon na po bang nangungupahan sa inyo si Mildred Lopez?"

"Dalawang taon siguro... Ah, basta, hindi pa ganoon katagal," tugon nito saka nagkuwento pa ng ilang detalye na wala namang kaugnayan kay Manang Milda.

"Alam niyo po ba na may anak siya? O kasama sa inuupahang kuwarto?"

"Hindi. Wala siyang anak. Matandang dalaga 'yan si Milda... Ay! Sandali, may naabutan ako dati na binata na bisita niya, kaya lang ang tagal na, noong isang taon pa ata 'yon,"

"Kamukha po ba nito ang binatang nakita niyo noon?" tanong ng payat na pulis saka pinakita ang larawan ni Libulan na kinuha nila para ikumpara sa mga listahan ng missing persons.

Napasingkit ang mata ng ale, "Hindi ko na masyado maalala, pero ganito nga rin ang damit noong nakita kong binata, may ganito rin siyang sombrero... Ay! Oo, parang siya nga 'to! May hitsura 'yong bumisita sa kaniya, parang modelo sa TV!"

Tumango-tango ang dalawang pulis saka nagsulat sa notebook. "Bakit pala hinahanap niyo si Milda? May kaso ba siya?" usisa ng ale.

"Inaalam lang po namin kung kamag-anak o kilala niya ang lalaking 'to," tugon ng pulis. Tumango-tango ang ale.

"Kung anak nga niya 'yan, baka naman gusto na niya iwan. Magulo rin utak niyan ni Milda e, manghuhula 'yan sa Quiapo. Baka tinataguan niya ang anak niya kaya lumayas siya ngayon," dagdag ng ale. Hindi malaman ni Sabrina kung bakit biglang bumigat ang damdamin niya nang marinig ang sinabi ng landlady. Naalala niya ang kanilang ama na nagawa rin silang iwan nang mamatay ang kanilang ina.

Tumango na ang dalawang police at naglakad papasok sa apartment. Sumunod si Sabrina, napalingon ang isa na may kukunin sana sa sasakyan. "Magandang gabi po, ako po si Sabrina... 'yong tinawagan niyo."

"Mabuti dumating ka, nasa taas si Libulan, hinayaan muna namin baka may kukunin pa siyang gamit. Kasama niya rin doon si SPO1 Angeles," wika ng payat na pulis. "SPO2 Garcia po pala," pakilala nito at kinamayan si Sabrina.

"Nagsagawa rin kami ng rapid drug test kay Libulan, negative naman siya. Iyon lang, nahirapan kami mahanap ang identity niya dahil wala siyang ID o cellphone. Hindi rin malinaw ang mga sagot niya sa tanong namin. Wala rin ma-detect ang kaniyang finger print. Maging ang pangalan niya ay hindi lumalabas sa data namin. Wala rin siya sa missing person report. Hindi rin daw niya kilala si Mildred Lopez pero mukhang alam naman niya ang apartment na 'yon," paliwanag ng pulis.

"Ano na pong mangyayari? Hahanapin niyo rin po ba si Mildred Lopez?" tanoong ni Sabrina.

"Kung may mag-fifile ng missing person case, pero ayon sa landlady umalis nang kusa si Mildred Lopez, hindi naman natin inaalis ang posibilidad na baka nasa panganib siya, titingnan pa rin natin 'yon, pero sa ngayon, uunahin muna namin mahanap ang identity nitong si Libulan... Nagpasa na rin ako ng request na hanapin ang pangalan at identity ni Libulan sa psychiatric hospitals. Napansin namin na hindi tugma ang mga sagot niya. Naniniwala rin siya na 1830 siya pinanganak." Saad nito saka tumawa sa huling sinabi niya.

Hindi nakapagsalita si Sabrina. Halos isang taon siyang namalagi sa psychiatric hospital matapos ang aksidente na muntik nang kumitil sa buhay nilang magkapatid. Dalawang linggo siyang na-comatose. Nauna siyang nagkaroon ng malay kumpara sa kaniyang nakatatandang kapatid.

Ang aksidenteng iyon ay nagdulot ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Hindi malaman ni Sabrina kung bakit madalas siyang nakakarinig ng mga boses na bumubulong sa kaniyang tainga. Nakakakita rin siya ng liwanag at dilim sa iba't ibang lugar kung saan may mga anino na tumatawid sa lagusan na hindi nakikita ng iba.

Nang dahil sa mga pangitaing iyon, minabuting dalhin siya sa psychiatric hospital upang magpagaling. Ilang buwan siyang namalagi roon hanggang sa natutunan niyang huwag na lang banggitin ang mga naririnig niyang boses at nakikitang lagusan.

Natauhan si Sabrina nang magpatuloy sa pagsasalita ang pulis, "Kapag nakumpirma namin ang kalagayan ni Libulan, ipapa-check up na rin namin siya. Baka nga hindi rin talaga Libulan ang pangalan niya."

Animo'y bumalik lahat ang mga taon kung saan hinahabol siya ng mga hindi pangkaraniwang bagay at hinuhusgahan ng mga tao. Nababatid ni Sabrina na hati ang paniniwala nina Faye at Gera na nakikita nga niya ang lagusan sa kabilang buhay. Natatakot din siya na tuluyan nang mawala ang tiwala sa kaniya ng dalawang taong iniingatan niya nang lubos. Kung kaya't sinikap niyang kalabanin ang takot. Sinikap niyang magpanggap na wala siyang naririnig o nakikita sa tuwing nagpapakita ang lagusan.

Tumalikod na ang pulis at akmang aakyat sa hagdan, "A-ako na lang po. Ako na po ang tatawag sa kaniya," wika ni Sabrina. Nakita niya ang isang pulis na nakatayo sa tapat ng pintuan habang may binabasa phone.

Nang makaakyat siya sa ikalawang palapag, nagbigay-galang siya. Tumango lang ang pulis na mabilis sumulyap sa kaniya dahil may mahalaga itong binabasa tungkol sa isa na namang kaso. Napatingin si Sabrina sa nakauwang na pinto, naroon pa rin ang makalumang amoy ng madilim na silid. Ngunit ngayon, wala na ang samu't saring gamit. May mga iilang gamit na natira, karamihan ay mga bagay na hindi mapapakinabangan.

Naglakad papasok si Sabrina. Naabutan niya ang matangkad na binata suot ang itim na coat. Nakatayo ito sa tapat ng bintana habang pinagmamasdan ang kabilugan ng buwan. Hindi niya alam kung bakit pakiramdam niya ay pareho sila ng pinagdadaanan. Walang naniniwala sa kaniya. Walang gustong makinig sa totoong pinagdadaanan niya. Pinili na lang niyang sumunod sa kung anong dapat na gawin ng isang normal na tao upang hindi ipagpilitan ng mga tao sa paligid niya na tuluyan na siyang nawawala sa sarili.

Dahan-dahang iminulat ni Libulan ang kaniyang mga mata nang maramdaman ang mga hakbang mula sa kaniyang likuran. Nang lumingon siya, muli niyang nakita ang babaeng una niyang nasilayan sa kakaibang mundo.

Nanatili silang nakatingin sa mata ng isa't isa habang tumatagos ang liwanag ng buwan sa malaking bintana ng silid na inabandona. Pareho silang iniwan ng mga taong kanilang higit na inaasahan. Pareho silang naliligaw at hindi nakasisiguro kung saan ba sila nabibilang. Parehong walang nais maniwala sa kanilang mga sinasabi. At pareho silang nakatayo sa gitna ng kapalaran na walang kasiguraduhan

Ngumiti nang marahan si Sabrina, "Umuwi na tayo... Libulan," wika niya dahilan upang mapatitig sa kaniya ang lalaking naliligaw sa kasalukuyan. Naalala ni Sabrina ang paborito niyang fairytale na Snow White and the Seven Dwarves. Mula sa kuwentong iyon, napagtanto niya na maaaring magsama at maging isang pamilya ang mga taong inabandona ng marahas na mundo.


***************

#Duyog

Featured Song: "Someday My Prince Will Come"

https://youtu.be/9bgnvl9n6xU

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro