Kabanata 10: Ang Lihim ng Unang Pahina

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 10]

MAINGAT na tinatahi ni Sabrina ang butones pabalik sa polo ni Libulan. Hindi niya namalayan ang sarili na nakangiti hanggang sa matapos ang pagtatahi. Ilang sandali pa, tumunog ang kaniyang phone, tumatawag ang kaniyang kapatid.

"Ate!" Mas lalong lumaki ang ngiti ni Sabrina.

"Kumusta ka diyan? Sorry, hindi ko nasagot ang tawag mo last time. Lumipat kami ng office and mas lalong maraming project ngayon." Wika ni Faye mula sa kabilang linya.

Napangiti na lang si Sab nang maalala ang makailang ulit niyang pagtawag sa kapatid niya noong nanganganib siyang matanggal sa kolehiyo dahil sa kinasangkutang violation. Kung wala si Libulan, siguradong hindi na niya alam kung anong nangyari sa kanila ngayon ni Kyla.

"Wala 'yon. Okay lang ako dito. Medyo masaya... kakatapos lang din ng exam namin." Napakagat ng labi si Sabrina, nagdadalawang-isip kung dapat niya pang ipaliwanag kung bakit siya masaya. Sandali siyang napatigil at napailing sa sarili, masaya na siya dati pa dahil kasama niya sina Gera, Aling Lucy, Migo, at Kuya Empi.

"Ikaw, ate. Kumusta ka diyan?"

"Okay lang din. Sana ma-extend ang contract namin dito. So far, mababait naman din sila." Tugon ni Faye. Hindi man makita ni Sabrina ang reaksyon ng kaniyang kapatid ay nababatid niyang nakangiti at masaya rin ito.

"Oo nga pala, nagtetext pa ba si..." hindi na nagawang ituloy ni Faye ang pangalan ng taong kaniyang tinutukoy sa kadahilanang hindi niya alam kung ano ang itatawag dito. Hindi man sabihin ni Faye ay naunawaan agad ni Sabrina kung sino ang taong iyon.

"Hindi. Nagpalit na ako ng number. Hindi na sana niya makuha ulit." Matapos silang iwan ng kanilang ama ay pinili nilang kalimutan ito tulad nang kung paano sila nito tinalikuran. Sandaling naghari ang katahimikan. Pareho silang may ideya kung sino ang nagbayad ng bill ni Sabrina sa ospital. Hindi man nila pag-usapan, pareho nilang hinahangad na maibalik ang perang iyon sa kanilang ama.

"Malapit na pala ang anniversary ni Mommy," wika ni Sabrina dahilan upang maputol ang katahimikan.

"Pakibilhan si Mommy ng tulips na favorite niya. Samahan mo muna siya /habang wala pa ako," saad ni Faye, tumango nang marahan si Sabrina saka napahinga nang malalim. Muling nagpatuloy ang kanilang pag-uusap na umikot sa maraming tanong ni Sabrina tungkol sa America.

Natigil ang kanilang pag-uusap nang kumatok si Kuya Empi, "Sab, aalis na tayo. Hindi puwede ma-late ang artista natin," sermon ni Kuya Empi dahilan upang matawa si Faye na nakarinig mula sa kabilang linya.

"Sige na, 'wag mo painitin ang ulo ni Kuya Empi, eenglishin ka niyan." Tawa ni Faye dahilan upang matawa na lang din si Sabrina dahil palaging panira si Kuya Emp isa tuwing nagkakaroon sila ng pagkakataong makapag-usap.


KAPANSIN-PANSIN ang pagtigil ng minivan sa harap ng Manila Cathedral Church kung saan gaganapin ang ikalawang photoshoot para sa Bride and Groom Wedding Collection ni Mrs. Monet. Church wedding ang tema kung kaya't napapalamutian ng napakaraming bulaklak ang loob ng simbahan.

Nakahanda na rin ang ilang mga props sa hagdan kung saan kukuhanan ang magandang grand entrance shot. Kulay itim at puting amerikana ang suot ni Libulan, mas lalong umangat ang kaniyang hitsura dahil sa kaniyang buhok na may kaunting hibla na tumatama sa kaniyang mata.

"Wow, dito kami ikakasal ni Betina," ngiti ni Kuya Empi habang nakatingala sa simbahan. Nabasag ang kaniyang pangarap nang tumawa si Gera, "Siguraduhin mo muna na papakasalan ka niya," saad nito dahilan upang matawa rin si Sabrina. Nakaupo sina Sabrina at Libulan sa backseat at napapagitnaan ng mga damit.

"Iyong tiyakin na ikaw'y magiging mabuting asawa sa kaniya sapagkat kayo'y magiging isa sa oras na kayo'y mag-isang dibdib. Iyong ipangako na siya'y aalagaan, poprotektahan, at bubuhayin. Mas makabubuti rin kung humingi muna kayo ng basbas mula sa inyong mga magulang upang pagpalain ang inyong pagsasama," wika ni Libulan dahilan upang matahimik ang lahat dahil sa seryoso niyang payo. Napakurap at nagkatinginan na lamang sina Kuya Empi, Gera, at Sabrina dahil nagbibiruan lang naman sila.

"Lakas naman! Parang kinasal ka na bro ha. Daig mo pa lolo ko magpangaral e," wika ni Kuya Empi, hindi naman alam nina Gera at Sabrina kung tatawa o sasang-ayon dahil mukhang seryoso si Libulan sa mga pinagsasabi niya tungkol sa pag-aasawa.

"Anyway, tara na, baka kanina pa nila tayo hinihintay," saad ni Gera. Isa-isa nilang ibinaba ang mga gamit at damit na susuotin ni Libulan. Agad silang sinalubong ng mga staff at inanyayahan sa loob upang makapagsimula na ang lahat.

Malaki ang naging pagbabago ni Libulan kahit papaano, bukod sa tinuruan siya kagabi ni Kuya Empi ng mga pose para sa photoshoot. Hindi na ito masyado naiilang sa tuwing may kasamang babae sa pictorial. Tuwang-tuwa ang photographer dahil sa magagandang kuha lalo na sa mga solo at couple shot na kasama si Libulan.

Nagawang lunukin ni Libulan ang kaniyang dangal dahil kailangan niya muling kumita ng salapi matapos maubos nang bumili siya ng phone. At ngayon, kailangan niya pa ng karagdagang salapi para sa darating na Linggo. Hindi pa rin siya makapaniwala na ang laki na ng itinaas ng presyo ng mga bilihin sa modernong panahon gayong ang piso ay makakabuhay na ng isang pamilya.

Samantala, mag-isang nakaupo si Sabrina sa pinakadulong upuan ng simbahan habang pinapanood ang mga modelo. Katatapos lang kuhanan si Libulan at dumating pa ang ilang modelo na matatangkad at magaganda rin ang tindig at hitsura.

Napatingin si Sabrina sa packed juice na tumapat sa kaniya. Nang tumingala siya ay nakita niya si Libulan na may hawak ding isang juice at iniinom ito. "Ang sabi ni Kuya Empi, ito'y purong katas ng dalandan, makabubuti ito sa kalusugan," wika ni Libulan dahilan upang matawa si Sabrina nang mahina, kailan pa naging mabuti sa kalusugan ang mga processed food.

Kinuha ni Sabrina ang juice at ininom iyon, "Salamat." Umupo si Libulan sa kabilang bahagi ng upuan. Nasa pagitan nila ang aisle at tinatanaw ang magandang set-up sa altar. "Maaari ba akong magtanong?" tanong ni Libulan. Hindi malaman ni Sabrina kung tatawa ba siya o sasagutin niya ng pilosopo si Libulan. Alinman doon, natagpuan niya pa rin ang sarili na nakangiti.

"Bakit pinagkakakitaan na rin ang mga kasal ngayon?" patuloy ni Libulan. Bakas ang pagka-inosente sa kaniyang mukha habang iniinom ang juice.

"Halos lahat ngayon ay may bayad. Malaki rin ang kita sa mga kasalan. Sa panahon ngayon, kailangan madiskarte ka. Kailangan marami kang alam o raket. Kailangan may kakaiba sa 'yo at sa negosyo mo para maging lamang ka sa lahat." Paliwanag ni Sabrina saka ibinaba ang iniinom na juice.

"Kaya hindi ko masisisi ang ilan sa mga naghahangad ng higit sa sapat na kita. Wala na tayo sa panahon kung saan makakain lang sa isang araw o mabili ang gusto mong gamit ay okay na. Hangga't kaya ng taong yumaman o kumita ng mas malaking pera, gagawin niya ang lahat para magkaroon ng komportableng buhay."

"Ako'y hindi pa rin makapaniwala na kay rami nang paraan upang kumita ang tao sa panahong ito. Noon, nakaasa ang lahat sa kursong matatapos ng mga anak na lalaki o mapapangasawa. Nakasalalay din ang malaking kita kung ikaw'y makakapasok sa gobyerno. Ang iba naman ay nakaasa sa mga aanihing panananim at mahuhuling isda." Wika ni Libulan sabay inom ng juice. Muling napangiti si Sabrina sa sarili, napagtanto niya na sa panahon ngayon, bihira lang makatagpo ng taong makakausap mo nang makabuluhan.

"Kung nabuhay ka sa panahon ngayon, ano sa tingin mo ang buhay mo?" Tanong ni Sabrina. Sandaling napaisip si Libulan, "Sa aking palagay ay hindi ako nalalayo sa nais kong gawin, ang mag-aral at maging abogado na naglalayong makatulong sa mga nangangailangan at pagbabago." Napangiti si Sabrina dahil bihira lang din makakilala ng isang lalaki na may pangarap sa buhay.

"Sa tingin ko, kahit saang panahon ka mapunta, siguradong magiging matagumpay ka pa rin dahil matalino ka." Wika ni Sabrina dahilan upang mapangiti si Libulan, hindi niya akalain na nagagawa na siyang purihin nito.

"Ikaw naman ay maraming nalalaman at tunay na malikhain. Nagagawan mo ng paraan ang lahat ng bagay. Ako'y nakatitiyak na magtatagumpay ka rin kung ikaw ay magtatayo ng sariling panciteria. Tiyak na maraming tatangkilik sa iyong mga putahe tulad ng hotdog at gatas." Saad ni Libulan nang walang halong biro o pambobola dahilan upang mas matawa si Sabrina dahil hanggang ngayon ay bilib na bilib pa rin si Libulan sa mga pagkaing inihahain niya.

Sabay silang natawa hanggang sa muling matahimik. Makalawang ulit silang nagkatinginan bago nagawang magsalita ni Libulan, "Iyong pangarap din ba ang maikasal?" Tanong ni Libulan dahilan upang sandaling hindi makapagsalita si Sabrina habang nakatitig sa binata.

"Ako'y nagugulumihanan kung hanggang sa panahong ito ay hinahangad pa rin ng lahat ng kababaihan ang maikasal sapagkat kayo'y nakakapag-aral na at nakakapagtrabaho. Sa aming panahon, nakasalalay ang kinabukasan ng mga babae sa kanilang mga asawa upang sila'y mabuhay." Patuloy ni Libulan na animo'y nagpapaliwanag.

Napatitig si Sabrina sa hawak niyang juice. "Sa totoo lang... ayokong ikasal," tumingin siya kay Libulan saka napahinga nang malalim at pinagmasdan ang altar, "Noong bata pa ako, akala ko kapag nagkatuluyan ang prinsesa at prinsipe, may happily ever after. Pero hindi pala gan'on sa totoong buhay, na posibleng maglaho ang pag-ibig sa paglipas ng panahon. Iyong taong sobrang minahal mo, iyong taong iniharap mo sa altar at pinangakuang hindi iiwan kahit kailan, posible palang mawala at mapalitan."

Hindi nakapagsalita si Libulan. Nahihinuha niya na maaaring mahirap mapa-ibig ang isang binibini na tulad ni Sabrina, subalit hindi niya akalain na wala nga itong planong mag-asawa. Napansin ni Libulan ang namumuong luha sa mga mata ni Sabrina na pilit nitong pinipigilan gamit ang pilit na pagngiti.

"Hindi ko pa ata nasabi sa 'yo, matagal nang wala si mama. Ang tatay ko naman nagkaroon ulit ng relasyon kahit tatlong buwan pa lang mula nang mawala si mama. Pinakasalan niya 'yong first love niya. Ang kaniyang unang pag-ibig na hindi pa nag-aasawa. Sabi ng mga kapatid ng lola ko, hindi naman daw nagloko si papa kasi biyudo naman na siya. Alam naman namin ni ate na hindi naman niya iyon magagawa noong buhay pa si mama at kompleto pa ang pamilya namin."

"Ang hindi ko lang maintindihan, bakit hindi sila nakapaghintay? Wala pang isang taon mula nang mamatay si mama. Pakiramdam ko tuloy parang nabalewala si mama. Bigla na lang siyang nakalimutan na para bang kailanman hindi siya naging bahagi ng buhay ni papa. Napapaisip tuloy ako kung minahal ba talaga ni papa si mama? O sa loob ng ilang taong pagsasama nila ay lagi niya pa ring naiisip ang first love niya?"

Marahang ipinikit ni Sabrina ang kaniyang mga mata habang inaalala ang ikinuwento sa kanila noon ng kaibigan ng kaniyang ina.

Nakilala ni Edmund Lacamiento si Grace Ann sa kolehiyo nang mahirang siyang batch representative katulad ni Grace Ann. Mabait, palangiti, at masiyahin si Grace Ann dahilan kung kaya't kinagigiliwan siya ng lahat. Madali rin silang naging malapit dahil madalas silang magkasama sa mga pagpupulong at proyekto ng student council.

Tumagal ng halos apat na taon ang kanilang relasyon hanggang sa malaman ito ng mga magulang ni Grace Ann. Mayaman ang pamilya ni Grace Ann, siya'y anak ng isang sikat na architect at nagmula sa pamilya ng mga engineers.

Samantala, si Edmund ay pinalaki ng kaniyang single mother na nagtatrabaho bilang utility staff sa Unibersidad na pinasukan niya. Upang masuportahan ang sariling pag-aaral, nagtatrabaho siya sa gabi bilang assistant sa isang printing company.

Nang makatapos sila sa kolehiyo, dinala si Grace Ann ng kaniyang mga magulang sa Canada upang doon na manirahan. Naputol na rin ang kanilang komunikasyon. Nakapasok si Edmund sa isang radio company kung saan nakilala niya ang pamangkin ng may-ari at siya ring sekretarya, si Caroline.

Likas na maasikaso at mabait si Caroline na matanda sa kaniya ng tatlong taon. Tinutulungan siya nito dahil nahihirapan siya sa mga gagawin lalo na't fresh graduate siya at nagtatrabaho pa sa printing company sa gabi. Hindi nagtagal ay naging palagay ang loob nila sa isa't isa hanggang sa ikasal sila matapos ang apat na taon nilang relasyon.

Tuloy-tuloy ang suwerte na pumasok sa buhay ni Edmund. Kahit nagsara na ang radio company na siyang pinagtatrabahuan nilang mag-asawa. Nakapasok siya sa isang malaking kompanya at nasa mataas na posisyon. Tumigil sa pagtatrabaho si Caroline upang asikasuhin ang dalawang anak na babae.

Sa kasamaang palad, nagkasakit si Caroline dahilan upang unti-unting masadlak sa sunod-sunod na problema ang kanilang pamilya. Nagawa nilang ibenta ang kanilang mga naipundar na bahay at sasakyan. Natanggal din sa trabaho si Edmund dahil sa mababang performance at madalas na pag-absent.

Nang mamatay si Caroline, ilang linggong nalugmok si Edmund. Mabuti na lang dahil tinulungan siya ng kaniyang ina na pansamantalang nag-asikaso sa mga apo. Subalit, inatake ito sa puso dahilan upang mas lalong mabaon sa kalungkutan si Edmund. Nang makabalik si Grace Ann, nabalitaan niya ang nangyari sa dating kaibigan at kasintahan.

Hindi siya nag-atubili na tulungan ito. Naipasok niya si Edmund sa kompanya ng isang kakilala. Animo'y walang nagbago sa kanilang dalawa. Ang dating damdamin ay muling nagbalik. Dalaga pa rin si Grace Ann, handa niya ring tanggapin ang dalawang anak ni Edmund at ituring ito na parang sariling anak. Subalit muling namagitan ang kaniyang mga magulang. Kanilang iginigiit na pera at koneksyon lang ang habol ni Edmund.

Nais patunayan ni Edmund na malinis ang hangarin niya sa kaniya kay Grace Ann kung kaya't muli siyang nagsikap at pinalad na magtrabaho sa Australia. Iniwan ni Edmund ang dalawa niyang anak sa kapatid ni Caroline na naninirahan sa Palawan upang maghanapbuhay.

Sa ikatlong buwan ng kaniyang pagtatrabaho sa Australia ay nagawang talikuran ni Grace Ann ang kaniyang mga magulang at sumunod kay Edmund. Lihim silang nagpakasal at nagsimulang magsama.

Makalipas ang isang taon ay naunang umuwi si Grace Ann upang kuhanin ang loob ng dalawang bata ngunit mailap ito sa kaniya lalo na ang panganay. Sinubukan ding kumbinsihin ni Edmund ang kaniyang mga anak na tumira kasama ni Grace Ann ngunit nagmatigas ang mga ito. Labis na dinamdam ng dalawang bata ang pagpapakasal ng ama nang walang pasabi. Maging ang mga tao sa paligid nila ay nabigla nang malamang kinasal na agad si Edmund kahit pa kamamatay pa lang ng asawa nito ng halos tatlong buwan.

Lumipas ang halos limang taon, nahihirapang magdalang-tao si Grace Ann. Bagay na laman ng kaniyang panalangin at alalahanin. Ngunit hindi siya sumuko hanggang sa maisilang niya ang nag-iisa nilang anak na pinangalanan nilang Aurora Grace Lacamiento.

"Natatakot ako na baka mangyari sa 'kin ang nangyari kay mama. Paano kung sa umpisa pa lang may totoong nagmamay-ari na pala sa puso ng taong papakasalan ko? Hindi ko nais makalimutan nang ganoon na lang. Kahit naman sino, hindi gustong makalimutan at mabalewala," patuloy ni Sabrina saka muling tumingin kay Libulan na taimtim na nakikinig sa kaniya.

"Iyo pa bang nakakausap ang iyong ama?" tanong ni Libulan. Marahang umiling si Sabrina, "Hindi na. Wala na rin naman akong sasabihin sa kaniya. Hindi ko rin gustong makita siya o marinig ang sasabihin niya. Mas mabuti na sigurong kalimutan na lang namin ang isa't isa." Tugon ni Sabrina saka ngumiti nang pilit upang itago ang pait ng damdamin. Ramdam ni Libulan na malalim ang sugat sa puso ni Sabrina na kahit pa lumipas na ang ilang taon ay hindi pa rin naghihilom.

Naalala niya ang kaniyang ina nang iwan nito ang kapatid niya. Si Hiram ay nabuhay din mag-isa at palipat-lipat ng tirahan. Napayuko siya nang maalala ang kanilang naging pagtatalo at ang salitang binitiwan nito, Mapalad ka ngunit hindi ka marunong magpahalaga.

Ngayon ay nauunawaan na niya kung gaano kalalim ang pinanggagalingang sugat ni Hiram na noo'y hindi niya inunawa. Muling napatingin si Libulan kay Sabrina, sa isip niya, marahil may dahilan kung bakit ang buhay na kinakaharap niya ngayon ay kabaliktaran sa kaniyang kinalakihan. Marahil ay may dahilan din kung bakit ang taong nais niyang kilalanin ngayon ay naiiba ang karanasan sa buhay na kaniyang kinamulatan.


KINAGABIHAN, ilang dyaryo na ang nagawang basahin at suriin ni Libulan subalit hindi niya pa rin makita ang kaniyang hinahanap. Masusi niyang binubuklat ang bawat pahina habang nakaupo nang tuwid at nakaharap sa maliit na mesa. Marunong na siyang magbukas ng ilaw kung kaya't hindi na siya nahirapan sa pagbabasa sa gabi.

"Sige na, matulog ka na, I love you my sugar plum honey bunch," bulong ni Kuya Empi habang hawak ang phone. Nagitla si Libulan nang maglupasay sa sahig si Kuya Empi na animo'y uod na binudburan ng asin.

Halos mapunit ang labi ni Kuya Empi sa laki ng kaniyang ngiti. Hinalikan niya pa ng ilang ulit ang kaniyang phone. "Magkakaganito ka rin kapag na-inlove ka," wika ni Kuya Empi upang ipaliwanag kay Libulan na normal lang ang ginagawa niya ngayon.

Tumango na lang nang marahan si Libulan kahit pa sigurado siya sa sarili niya na hindi siya magiging katulad ni Kuya Empi na parang bata pagdating sa pag-ibig. "Ano ba 'yang ginagawa mo?" tanong ni Kuya Empi saka lumapit kay Libulan at tiningnan ang mga dyaryo na nakakalat.

"Ako'y naghahanap ng magandang pasyalan subalit wala akong masumpungan sa mga pahayagan na ito," tugon ni Libulan saka napabagsak ng balikat.

"Pasyalan? Bakit saan ka pupunta? Ikaw ha, sumahod ka lang ng malaki sa raket mo e gastusero ka na," wika ni Kuya Empi na animo'y tatay.

Napalunok si Libulan, "Ako'y may nais lang puntahan kasama ang isang mahalagang tao," wika ni Libulan gamit ang mahinang boses. Nagdadalawang-isip siyang magsabi kay Kuya Empi dahil siguradong aasarin siya nito. Bukod doon, hindi niya nais pangunahan ni Kuya Empi ang lahat.

Unti-unting sumilay ang ngisi sa labi ni Kuya Empi, "Date ba 'yan? May ipapasyal kang babae, ano?!"

Namula ang pisngi ni Libulan dahilan upang mapapalakpak sa tuwa si Kuya Empi. "Sabi ko na nga ba! Makamandag ka talagang tunay bro!" ngiti ni Kuya Empi saka sinagi sa balikat si Libulan. Napahawak na lang sa baliakt si Libulan nang tumusok sa kaniya ang matalim na siko ni Kuya Empi.

"Maganda mag-date sa Luneta... dito 'yon oh," saad ni Kuya Empi saka kinuha ang dyaryo kung saan may larawan ng Luneta park at ang maikling balita tungkol dito. Nanlaki ang mga mata ni Libulan nang mabasa ang nakasaad sa pahayagan.

"Ito ba ang Bagumbayan?"

"Aba malay ko, hindi ako magaling sa AP."

"Ang Bagumbayan ay kilalang huling hantungan ng mga bibitayin at nahatulan ng kamatayan," wika ni Libulan. Napakamot sa ulo si Kuya Empi, animo'y pinipiga ang kaniyang utak.

"Oo, 'yan nga siguro, diyan binaril si Jose Rizal," saad ni Kuya Empi. Sandaling napatitig si Libulan sa larawan ng Bagumbayan na kilalang Luneta Park at pasyalan na ngayon.

"Pumunta na lang kayo sa mall. Marami pang kainan doon at malamig. Manood kayo ng sine," bawi ni Kuya Empi. Napansin niya na nabalot ng pag-aalala ang mukha ni Libulan nang mabanggit niya ang tungkol sa Luneta Park.

"Ang ibig mo bang sabihin ay manood ng dula?"

"Anong dula? Sine ang tinutukoy ko. Maraming sikat na palabas ngayon." Napapikit na lang si Kuya Empi. Pakiramdam niya ay hindi naiintindihan ni Libulan ang sinasabi niya. Gusto niya tuloy kuwestiyunin kung saang sulok ng mundo lumaki si Libulan dahilan upang hindi nito masundan ang mga suhestiyon niya.

"Ang mabuti pa, tumambay na lang kayo sa Manila bay at kumain." Saad ni Kuya Empi. Unti-unting napangiti si Libulan. "Basta siguraduhin mong huwag puro hotdog ang bibilhin mo para sa date mo. Mababasted ka talaga bro," wika ni Kuya Empi saka napailing-iling. Sa isip niya, kailangan pang magsanay ni Libulan at makinig nang mabuti sa mga payo niya upang maging ganap na eksperto ito sa panliligaw.

Nang gabi ring iyon, marahang inilusot ni Libulan sa ilalim ng pinto ng silid ni Sabrina ang isang maliit na papel kung saan nakasulat ang oras at lugar ng kanilang pagkikita.


KINABUKASAN, nakatayo si Libulan sa sakayan ng jeepney at bus kung saan sila magkikita ni Sabrina. Bagaman nakatira sila sa iisang bahay, nababatid ni Libulan na tiyak na mag-uusisa si Kuya Empi at baka sumama pa ito.

Puting polo shirt at maong pants ang suot niya na pinatungan ng asul na plaid shirt. Agaw-pansin ang kaniyang tindig dahilan upang makalawang ulit napapalingon ang mga taong naghihintay sa waiting shed.

Ilang sandali pa, nakatanggap ng tawag si Libulan. Isang numero na walang pangalan. Sinagot niya ang tawag gaya ng turo ni Sabrina. "Hello, Li!" napatigil si Libulan nang mapagtanto ang pamilyar na boses.

"Nasaan ka ngayon? Papunta na ako sa inyo," patuloy ng babae.

"Elena?"

"Si Ana 'to. Hindi ba magkikita tayo ngayon," patuloy ni Ana na natawa mula sa kabilang linya.

Nagtatakang napaisip si Libulan, wala siyang maalala na magkikita sila ni Ana. Magsasalita na sana siya ngunit nagpatuloy si Ana, "Wait, ikaw ba 'yon, iyong nakaputi," wika ni Ana saka mabilis na dumiretso patungo sa tabing-kalsada at itinigil ang kotse.

"Sabi ko na nga ba, halika na!" Ngiti ni Ana nang ibaba ang bintana. Napakurap ng ilang ulit si Libulan. Naguguluhan siya sa mga nangyayari, bukod doon, hindi niya alam kung paano pumasok sa kotse.

Natauhan si Libulan nang marinig ang mahabang busina ng jeep na nasa likuran. "Sakay na," ngiti muli ni Ana, walang nagawa si Libulan kundi ang hawakan ang pinto. At dahil hindi niya mabuksan, inabot ni Ana ang dulo upang buksan iyon.

"Hoy! Lalarga na kami!" sigaw ng barker na nakatayo sa sakayan, may mga nakapila pang jeep sa likuran na puno na rin ng mga pasahero. "Let's go!" wika ni Ana saka mabilis na pinaharurot ang sasakyan dahilan upang mapakapit si Libulan sa upuan.

Lingid sa kaalaman ni Libulan, nang magtungo siya sa palikuran kagabi ay nakita ni Kuya Empi ang isang calling card sa aparador. Naalala niya ang magandang reporter na minsang dumalaw kay Libulan. Napangiti si Kuya Empi nang mapagtanto na maaaring gustong ayain ni Libulan ng date ang reporter.

Kinuha ni Kuya Empi ang phone ni Libulan na nasa gilid habang nagchacharge. Tiningnan niya ang inbox ngunit walang ibang laman iyon kundi mga promo at text ng Network. "Hay, ang torpe talaga ng alaga ko tsk," wika ni Kuya Emp isa sarili saka inilagay ang numero ni Ana at nagsulat ng mensahe.

Good morning gandah! Si Libulan 2. Kita tayo bukaz sa Manila bay. <3

Ilang segundo lang ay nag-reply na si Ana dahilan upang mas lalong matuwa si Kuya Empi dahil mukhang interesado rin si Ana kay Libulan.

Hello, Li! Sure! Ito ba ang number mo? Daanan na lang kita sa inyo bukas. 8 am?

Marahang hinimas-himas ni Kuya Empi ang kaniyang bigote habang nagtitipa sa phone ni Libulan.

Ou. Save mo na lng. Cge hintayin kita bukaz. See u gandah! :)

Mabilis na nagreply si Ana dahilan upang mapatango-tango si Kuya Empi. Sa isip niya ay walang duda, mapapasagot ni Libulan agad ang magandang reporter.

Okay, Li. See you tomorrow!

"Saan tayo sa Manila bay? Anong resto ang gusto mong kainan?" tanong ni Ana dahilan upang mabasag ang katahimikan. Palaisipan pa rin kay Libulan kung bakit narito si Ana na tila ba nakaplano na ang kanilang pagkikita. Sa isip niya, ang makabagong teknolohiya tulad ng phone ang nagtatakda ng mga gagawin ng mga tao?

Magsasalita na sana si Libulan upang itanong kay Ana kung anong nalalaman nito nang mag-ring ang phone ni Ana. Ilang minutong kausap ni Ana ang kaniyang boss, hindi masyado maunawaan ni Libulan ang pag-uusap dahil gumagamit sila ng modernong salita at madalas ay ingles.

"Wait. Is it okay to stop over sa office? May kailangan lang akong kunin," wika ni Ana. Tumango nang marahan si Libulan kahit hindi niya gaano naunawaan ang sinabi nito. Hindi nagtagal ay narating na nila ang mataas na building ng PMC News.

Tatlong beses na napakurap si Libulan habang nakatingala sa taas ng building. Natauhan siya Tapikin nang marahan ni Ana ang kaniyang balikat. Halos walang kurap na nakatingin si Libulan sa paligid, ngayon lang siya nakapasok sa isang kompanya kung saan nakasuot ng pormal ang lahat.

Dalawang ulit din niyang nilingon ang elevator matapos mag-iba ang hitsura ng paligid nang sumakay sila roon. Sandali rin siyang napapikit nang sumalubong ang maingay na office kung saan sunod-sunod ang pag-ring ng telepono habang hindi matapos-tapos ang pagtipa sa keyboard ng mga abalang empleyado.

Makakapal din ang mga papel na nakatambak sa bawat mesa. Bawat pahina ay naglalaman ng mga balita at script sa mga live news at documentaries. Sa sobrang abala ng mga empleyado, hindi nila napansin ang pagdaan ni Libulan na nakasunod kay Ana.

Agad kinuha ni Ana ang isang brown envelope at sandaling tiningnan ang mga papel na nakapatong sa kaniyang mesa. "Sorry. Day off ko talaga ngayon kaso may mga pagkakataon na kailangan kong magtrabaho sa oras ng pahinga ko," ngiti ni Ana habang mabilis na binabasa ang laman ng mga papeles.

Muling inilibot ni Libulan ang kaniyang mata sa paligid. Ilang ulit na siyang nakapasok sa Ayuntamiento at Audencia, tambak din ang gawain ng mga nagtatrabaho roon lalo na ang mga abogado at opisyales. Ang kaibihan lamang, mas maraming teknolohiya ngayon na nagpapadali sa trabaho. Bukod doon, mas maliwanag ang opisina sa modernong panahon kumpara noon na bihira ang nagpapagabi sa trabaho dahil madilim ang mga tanggapan.

Nang makuha na ni Ana ang lahat ng kaniyang kailangan at masiguro na matatapos ang mga papeles na iniwan ng kaniyang supervisor ay dinala ni Ana si Libulan sa boardroom kung saan nagpahatid siya ng pagkain. "Kain na lang muna tayo dito. Sorry. Hintayin ko lang ang boss ko, may noontime flash news lang siya ngayon," wika ni Ana saka itinuro kay Libulan ang isang malambot na upuan.

May mahabang mesa sa gitna na parang pinagdadausan ng piging at may malaking projector sa unahan. Kapansin-pansin ang linis ng boardroom at maaliwalas din ang liwanag ng araw na tumatagos mula sa malalaking bintana.

Sunod na dumating ang mga pagkain na carbonara, roasted chicken, iced tea, at red velvet cake. "Mayroon bang magaganap na pagpupulong at salo-salo ngayon?" tanong ni Libulan habang nagtatakang nakatingin sa mga pagkain na pagsasaluhan nilang dalawa. Muli siyang tumingin sa paligid ngunit walang ibang tao roon at kaunti lang din ang mga empleyadong pumasok ngayong araw.

Natawa si Ana habang naglalakad patungo sa pintuan at isinara ang pinto. Binuksan din niya ang mas maraming ilaw at naglakad patungo sa gilid kung saan inilalagay ang mga laptop at equipment. "Ang ibig mo bang sabihin party or meeting? Don't worry, kakain lang tayo dito," ngiti ni Ana saka pasimpleng binuksan ang recording button sa isang equipment. Maaaring mag-record sa boardroom na kanilang pinasukan. Madalas ding gamitin iyon ng mga reporter na kailangan mag-record nang mabilisan.

Bumalik na si Ana sa kaniyang upuan, "Kain na tayo," ngiti niya. Marahang tumango si Libulan at nagpasalamat bago magsimulang kumain. Hindi mapigilang mapangiti ni Libulan dahil sa sarap ng mga pagkain. Maging ang iced tea na may sariwa pang lemon na nakatusok sa baso.

"Ilang taon ka na pala? Hindi ko rin alam kung anong dapat kong itawag sa 'yo," panimula ni Ana. Napansin ni Ana na nagawang punasan muna ni Libulan ang kaniyang bibig gamit ang panyo na nakapatong sa kaniyang hita bago ito magsalita, senyales na sanay ito sa fine dining.

"Ako'y labing-siyam na taong gulang na."

Tumango nang marahan si Ana, "Mas matanda pala ako sa 'yo, Tawagin mo na lang akong ate Ana," ngiti ni Ana. Tumango na lang nang marahan si Libulan, mas matanda ng dalawang taon sa kaniya si Elena ngunit dahil magkababata sila ay parang magka-edad lang sila at hindi ito nagpatawag ng ate kailanman.

"Biro lang. Tawagin mo na lang akong Ana," patuloy nito sabay tawa. Sandaling napatigil si Libulan, matagal na niyang hindi nakitang tumawa si Ana mula nang mangyari ang sakuna sa kanilang mga pamilya.

Nagpatuloy sila sa pagkain, "Ano palang ginagawa mo ngayon? Nag-aaral ka sa college?"

Umiling si Libulan nang marinig ang salitang nag-aaral. Ni wala rin siyang pagkakakilanlan sa panahong ito. "Ako'y nagtatrabaho sa patahian."

Tumango si Ana saka nilagyan ng roasted chicken ang plato ni Libulan, "First job ko 'to, hindi ko rin akalain na makakapasok agad ako sa ganito kalaking company. Sinasabi ng lahat na sinasayang ko lang ang oras ko dito sa Pinas. Buong pamilya ko nasa Canada na, doon din ako nag-aral hanggang high school, pero ewan ko ba, gusto ko pa ring bumalik dito. Gusto ko ditong magsimula at maging successful."

Napaisip si Libulan, naalala niya na una niyang nakita si Ana sa dating kinatitirikan ng kanilang tahanan sa Intramuros. "Maaari ba akong magtanong?"

Tumango si Ana bilang tugon. Nararamdaman ni Ana na mas humahaba na ngayon ang mga sagot ni Libulan. Bukod doon, nagagawa na rin nitong magtanong bagay na makakatulong sa kaniyang hangarin. "Ano ang iyong buong pangalan?"

"Ana Marie C. Sandoval."

"Kayo ba ay nagmula sa pamilya Santiago?" patuloy ni Libulan na halos walang kurap nakatingin kay Ana. Sa laki ng pagkakahawig nito kay Elena ay malakas ang kutob niya na maaaring dumadaloy lang ang iisang dugo sa kanila.

Napaisip si Ana, "Hindi ako sure pero ang apelyido ng mommy ko ay Carpio. Wala naman kaming kamag-anak na Santiago," tugon ni Ana na bumagal sa pagkain habang iniisip kung sino sa mga kadugo nila ang may apelyidong Santiago.

Tumango na lamang si Libulan. Sa isip niya ay maaaring nagkakamali lang siya. Halos isang siglo na ang nagdaan, tiyak na hindi na niya matutunton ang pamilya ng kaniyang maestro. "Ikaw ba? Nasaan pala ang pamilya mo?"

Magsasalita na sana si Libulan at sasabihin ang tungkol sa trabaho ng kaniyang ama at ang pag-aaral niya ng abogasya ngunit napatigil siya nang maalala ang sinabi ni Sabrina tungkol sa mga taong maaaring samantalahin ang kalagayan niya. Bukod doon, mahihirapan siyang patunayan ang kaniyang pagkakakilanlan.

"Nasa Sugbu sila naninirahan. Ako lamang ang lumuwas dito upang magtrabaho." Tugon ni Libulan nang maalala ang kuwentong alam nina Gera, Aling Lucy, at Kuya Empi.

"Sugbu? Ah, Cebu! Cebuano ka pala!" Ngiti ni Ana. Ngumiti na lang si Libulan saka napakamot sa ulo dahil hindi naman siya marunong magsalita ng Cebuano. "Ang aking madrasta lamang ang taga-roon. Ako'y naglayas at nagtungo rito mag-isa," tugon ni Libulan, animo'y tinamaan siya nang sabihin ang salitang mag-isa. Sa mundong ito, mag-isa niyang hinaharap ang kakaibang karanasan na hanggang ngayon ay hinahanapan niya pa rin niya ng kasagutan.

Napatuloy sila sa pag-uusap hanggang sa ang kulay ng langit ay unti-unti nang nagiging kulay kahel. Maraming tanong si Ana tungkol sa buhay ni Libulan. At dahil hindi handa si Libulan sagutin ang mga tanong na iyon ay pilit niyang iniiwasan ang mga tanong at ibinabalik kay Ana tulad ng isang nasasakdal sa hukuman na walang magawa kundi ilihis ang takbo ng imbestigasyon.

Hindi namalayan ni Ana na halos siya na ang nagkukuwento ng kaniyang buhay dahil mahusay na naiiba ni Libulan ang usapan. "Isa lang talaga ang pangarap ko, ang maging news anchor balangaraw. Hindi ako titigil hangga't hindi ko nakukuha ang posisyon na 'yon," wika ni Ana habang nakatitig sa liwanag na tumatagos sa bintana.

Kumikislap ang kaniyang mga mata sa tuwing napag-uusapan ang tungkol sa kaniyang pangarap. Wala rin siyang ibang hangad kundi ang patunayan sa kaniyang pamilya at mga taong nagdududa sa kaniyang kakayahan. Papatunayan niya na magmamarka ang kaniyang pangalan pagdating sa larangan ng pamamahayag.

Naalala ni Libulan si Sabrina nang mabanggit ang tungkol sa pangarap. Kakaiba ang mga babae sa panahon ngayon dahil sa dami na rin ng mga oportunidad na nagbukas ay buong sikap pa rin nilang ginagawa ang lahat upang habulin ang kanilang mga pangarap.

Napatigil si Libulan nang maalala ang nakatakda nilang pagkikita ni Sabrina. Bigla siyang napatayo dahilan upang mapatigil si Ana sa pagkain. "Ako'y lilisan na. Salamat sa paanyaya at sa makabuluhang usapan, Ana." Mabilis na wika ni Libulan na agad nagbigay-galang at dali-daling tumakbo papalabas ng boardroom.

Nagtatakang napatayo si Ana at akmang tatawagin si Libulan ngunit mabilis na itong nakalabas at tumakbo papalayo na tila ba mayroon itong mahalagang gagawin. Kinuha ni Ana ang naiwan sa sahig na ID ni Libulan na may makukulay na disenyo.

Hindi namalayan ni Libulan na nahulog ang kaniyang ID nang tumakbo siya papalabas. Napangiti si Ana sa sarili, hindi niya malaman kung bakit siya napangiti, kung ito ba ay dahil sa nakakuha siya kahit papaano ng impormasyon tungkol kay Libulan? Dahil ba sa cute nitong ID na parang pambata? O dahil magaan sa pakiramdam na may nakausap siyang taong handang makinig sa kaniyang pangarap.

Unti-unting nawala ang ngiti ni Ana nang mapatingin siya sa recording equipment kung saan tuloy-tuloy pa rin ang nakukuha nitong audio record sa loob ng audioroom.


ILANG oras nang nakaupo si Sabrina sa waiting shed. Papalubog na ang araw. Nababakas din ang namumuong pawis sa kaniyang noo. Ilang ulit niyang tinatawagan si Libulan ngunit hindi nito sinasagot ang tawag. Ilang ulit na rin siyang bumalik sa patahian subalit ayon kay Kuya Empi ay maagang umalis si Libulan at hindi pa ito bumabalik.

Tumakbo na rin siya patungo sa presinto sa posibilidad na maaaring naligaw lang si Libulan o kaya ay nawala ang ID nito. Ngunit maging ang dalawang pulis na nakakakilala kay Libulan ay walang ideya kung nasaan ito.

Sa huli, wala nang nagawa si Sabrina kundi ang maghintay sa waiting shed kung saan sila dapat magkikita. Tila wala sa sariling tulala sa paligid si Sabrina habang patuloy ang pagdating ng mga taong naghihintay ng masasakyan. Hindi rin niya alintana ang init sa suot niyang blue dress at white cardigan.

Samu't saring bagay ang tumatakbo ngayon sa kaniyang isipan. Paano kung naaksidente si Libulan at may kakaibang nangyari na naman sa katawan nito? Paano kung may mga taong nakatuklas sa hiwaga ni Libulan? Paano naman kung sa pagkakataong ito ay tuluyan nang hindi naghilom ang sugat ni Libulan na maaari nitong ikamatay?

Napahawak si Sabrina sa kaniyang sentido nang maramdaman ang pagkahilo. Naitabig niya ang kaniyang kamay sa bakal na waiting shed. Animo'y umiikot ang paligid sa kaniyang paningin. Ang mga sasakyan sa kalsada at ang mga taong patuloy na dumaraan sa kaniyang harapan ay tila lumalabo at naghahalo-halo ang kulay.

Sunod niyang narinig ang mga pamilya na bulong na naghahatid ng kakaibang lamig sa kaniyang katawan. Napahawak siya nang mahigpit sa bakal sa takot na mawalan siya ng balanse. Pilit siyang tumingala sa langit upang kumpirmahin kung tama ba ang kaniyang hinala.

Nang dahil kay Libulan ay nakalimutan na niya sa mga nagdaang araw ang nakakatakot na pangitain na nararanasan niya sa tuwing sumasapit ang kabilugan ng buwan. Hindi nga siya nagkamali, bagaman nag-aagaw dilim pa lamang ay matatanaw na ang kabilugan ng buwan sa kulay kahel at asul na langit.

Halos hindi makahinga si Sabrina nang muling makita sa bandang kaliwa ang lagusan na siyang humihigop sa mga anino. Ilang metro lang ang layo nito sa kaniya kung kaya't ramdam niya ang malamig na hangin nagmumula sa lagusan at mas malakas ang mga sigaw at panaghoy ng mga kaluluwang humihingi ng saklolo.

Napahawak si Sabrina sa kaniyang dibdib nang maramdaman ang paninikip nito na tila ba unti-unting nababalot ng yelo ang kaniyang puso. Gusto niyang sumigaw at humingi ng tulong sa ngunit hindi siya makapagsalita at tila ba hindi siya naririnig ng mga tao sa paligid.

Bago siya tuluyang bumagsak sa kalsada ay natanaw niya ang marahang pagbagsak ng balahibo ng ibon na kulay asul. Animo'y tumigil ang takbo ng paligid habang bumabagsak ang mga balahibo mula sa langit.

Sunod niyang narinig ang yabag ng sapatos na tila ba ito'y unti-unting lumalapit. Hindi na maramdaman ni Sabrina ang kaniyang katawan, ni hindi na rin siya sigurado kung patuloy pa rin ba siyang humihinga. Nanatili siyang nakatingin sa lagusan habang patuloy na bumabagsak ang mga asul na balahibo.

Isang pamilyar na asul na loro ang lumipad sa paligid at tumigil sa balikat ng isang matangkad na lalaki na nakasuot ng asul na coat at sombrero. Napagtanto ni Sabrina na ang umaalingangaw na yabag ng sapatos na paparating ay nanggagaling sa lalaking iyon na tumigil sa tapat ng lagusan. Nang dahil sa presensiya ng lalaki ay unti-unting nagsara ang lagusan hanggang sa mawala na rin ito sa kaniyang paningin.

Bago tuluyang ipikit ni Sabrina ang kaniyang mga mata ay inaasam niyang makita ang hitsura ng lalaki na siyang nilapitan ng loro subalit hindi niya ito nasumpungan.


NANG gabi ring iyon, paulit-ulit na pinapakinggan ni Ana ang audio record ng kanilang pag-uusap ni Libulan. Nakatitig siya sa kaniyang laptop habang nakaharap sa malaking bintana ng kaniyang condominium unit at pinagmamasdan ang nagliliwanag na gabi mula sa mga matataas na buildings at mga sasakyan.

Naalala ni Ana ang isa pinakuhang document sa kaniya kaninang umaga. Binuksan niya ang brown envelope na pinadala ng kaniyang supervisor. Nagtatakang napatingin si Ana sa photocopies ng isang lumang journal. Binasa ni Ana ang maliit na note na nakadikit sa unahan na mula sa kaniyang supervisor.

Kindly check this file. You can add some information about the family history of our ancestral house documentary.

Isa-isang binasa ni Ana ang kopya. Malabo ang photocopy at bakas ang kalumaan ng journal dahilan upang hindi niya gaano mabasa ang nilalaman niyon. Bukod doon ay nakasulat pa ito sa cursive. Binuksan ni Ana ang study lamp at sinuot ang kaniyang eyeglass upang basahin ang pangalan ng may-ari ng journal.

Emmanuel Santiago y Alvaro

Nagpatuloy sa pagbabasa si Ana. Ang lumang journal ay pag-aari ng isang propesor sa agham, sipnayan, at literatura. Nalaman niya na maagang namatay ang asawa nito at mag-isa nitong pinalaki ang nag-iisang anak na babae na nagngangalang Elena.

Hindi malaman ni Ana kung bakit hindi niya magawang tumigil sa pagbabasa hanggang sa umabot siya sa isang pahina kung saan nabanggit ang isang pamilyar na pangalan. Hindi maunawaan ni Ana kung bakit namanhid ang kaniyang buong katawan at unti-unti niyang naramdaman ang lamig na dumadaloy dahilan upang hindi na siya tuluyang makagalaw.

Aking nararamdaman mula sa mga mata ng aking anak ang magkahalong kislap ng ligaya at lungkot habang siya'y aking inihahatid sa altar. Mapalad nga raw ang mapabilang sa angkan ng kaniyang asawa. Nawa'y maging maayos ang kinabukasan ng aking anak sa piling ni Libulan. 


****************************

#Duyog

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro