Kabanata 15

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


Thank you

Hindi sana ako pupunta ngayong araw kay Cyrus kaso tinawagan nya ako at may sasabihin daw syang mahalagang bagay. At kailangan personal pa talaga.

"Ang ganda naman nyan, Katherine. Bakit si Cyrus lang ang ginawan mo ng ganyan?" nagtatampong tanong ni Ate Rizza habang tinitigan ang ginantsilyo kong panlamig para kay Cyrus.

Actually, gumawa rin ako ng sa akin. Kulay blue ang kay Cyrus na may letter K sa kaliwang dibdib at ako naman ay pink na may C. Matagal ko na itong nagawa at ngayon ay ibibigay ko na sa kanya bilang 'thank you'.

Naggantsilyo rin ako ng scarf para sa daddy at mommy ni Cyrus at isang maliit na kulay puting panlamig para sa baby ni Caia. Pinagpuyatan ko ang mga ito at hindi tinigilan hanggang sa hindi matapos. Buti na lang at medyo mabilis ang kamay ko. At kahit minadali ko ay siniguradong kong magiging maganda pa rin ang kalalabasan.

Pagkarating ko sa police station ay nakangiti akong sinalubong ni Cyrus.

"Hello, ganda. May surprise ako sa iyo," sabi nya at iniharap ako sa mga magulang nyang malaki ang ngiti sa akin.

"G-Good morning po, tito at tita?" alangang sabi ko. Hindi ako sigurado kung pwede ko pa bang tawagin silang ganoon.

"Good morning din, hija. Gusto sana naming humingi ng sorry sa iyo dahil sa nangyari kahapon. Hindi namin iyon sinasadya, pasensya ka na, Katherine," sabi ni Tita Amanda at niyakap ako.

"Ayos lang po, naiintindihan ko po kayo. Hindi naman po kasi madaling tanggapin na ganito lang ang nagustuhan ng panganay niyo," sabi ko. Kumalas sya sa yakap at nginitian ako.

"Tama nga ang sinabi ni Cyrus. Napakabait mo. Tsaka wala naman masama kung may mga hindi ka kayang gawin. Ang mahala ay ang kalooban mo ay malinis." Tumango siya.

Tumikhim si Tito Calixto at bumaling sa akin. "Pasensya ka na, hija, sa inasal ko kahapon. Alam kong nasaktan ko ang damdamin mo sa pagtalikod ko. Nagulat lang ako sa sinabi mong hindi ka nakatuntong ng paaralan kahit minsan," sabi nya.

"Kahit sino naman po siguro. Naiintindihan ko po kung gusto nyo na po kaming paghiwalayin ni Cyrus," sabi ko pero kaagad umiling si Tita Amanda.

"Hindi iyon ang gusto naming mangyari. Sumama ang loob ko dahil may mga magulang pa rin pala sa panahon ngayon ang nagagawang ipagkait sa anak nila ang karapatan nito. Katherine, karapatan mong makapag-aral, hindi dapat gawing dahilan ang kapansanan mo para ipagkait sayo iyon," sabi ni Tito Calixto na malaki n rin yata ang pagkamuhi sa mga magulang ko.

Naluha ako sa sinabi niya. Sana lahat ng magulang ay ganyan. Sana ang mga magulang ko ay katulad nyo rin po.

"Maraming salamat po. Napakabuti nyo pong mga magulang. Ngayon ay naiintindihan ko na po kung bakit napakabait ni Cyrus, pinalaki po sya ng mga mapagmahal na magulang," sabi ko at tumingin kay Cyrus na nanonood pala sa akin.

"Oh, Katherine. Pinapaiyak mo ako," sabi ni Tita Amanda at niyakap pa ulit ako nang mahigpit.

"Siya nga po pala, may dala po ako para sa inyo." Inilabas ko sa isang paper bag ang mga ginantsilyo ko. Lumiwanag ang mata ni Tita Amanda nang makita ang mga hawak ko. "Tito Calixto, Tita Amanda, para po sa inyo."

Inabot ko sa kanila ang magkakulay na scarf.

"Ang ganda nito! Saan mo ito nabili at ang pulido ng pagkakagawa?" tanong ni Tita Amanda.

"Hindi ko po iyan binili. Ako po mismo ang gumawa nyan. Salamat po at mukhang nagustuhan nyo." Ngumiti ako, may takot kasi ako na baka hindi nila iyon magustuhan kagaya ni lola. Maganda naman pala ang pagkakagawa ko.

"Ang galing mo! Napaka-talented mo naman pala. Gustong-gusto ko ito. Salamat at nag-abala ka pa." Niyakap ni Tita Amanda ang scarf.

"Walang anuman po. Tsaka po ito, para sa baby ni Caia," sabi ko at inabot ang maliit na damit.

"Salamat, siguradong matutuwa 'yon at ang baby girl nya." Pumalakpak siya at pinagmasdan ang damit.

Tumingin ako kay Cyrus at nakitang nakasimangot sya. Bakit ganyan naman ang mukha niya ngayon?

"Bakit ako wala?" nakangusong tanong niya.

Ayon naman pala. "Syempre meron ka pero mamaya ko na ibibigay kapag tayo na lang dalawa," sabi ko at kumindat.

Ngumiti sya nang malaki at hinalikan ng pisngi ako.

"Naku! Maiwan na namin kayo. Salamat ulit, Katherine. Sana makabisita ka ulit sa bahay," sabi ni tita Amanda at tumango naman si tito Calixto.

"Ba-bye po." Kumaway ako sa kanila.

Umalis na sila at natira na lang kami ni Cyrus.

"So, tayong dalawa na lang. Nasaan na ang sa akin?" sabi nya at umupo sa harap ko.

Ilalabas ko na sana ang panlamig nya nang may tumawag sa kanya.

"Aganon, halika na. Duty na." sabi ng isang pulis.

"Sandali na lang," sabi nya.

"Hindi pwede magagalit na si chief. Dalian mo," sabi ng pulis at hinila na si Cyrus.

"Hay! Oo na! Sandali."

Lumapit sya ulit sa akin. "Babalik ako, hintayin mo ako, ha?"

Hinalikan nya ako at sumunod na sa kapwa pulis.

Pinagmasdan ko syang pumasok sa loob ng police station kaya hindi ko namalayan na may tao na sa harapan ko.

"Mayor Loren!" gulat kong sabi.

"Well, glad to see you here. Buti naman at bumababa ka pa sa bundok." Ngumisi siya.

Hindi ako sumagot. Ayoko ng gatungan pa sya dahil wala naman akong laban sa kanya.

"'Di ka ba nahihiya? Mukha kang desperada. Sa tingin mo ba talagang nagustuhan ka ni Cyrus? For your information, pampalipas oras ka lang nya," sabi na inikutan ako.

"Mahal ako ni Cyrus, alam ko iyon at ramdam ko," sabi ko at sinundan sya ng tingin.

"Talaga? Sigurado ka ba talaga? Ni sariling mga magulang mo nga ay hindi ka minahal, hindi ka nga pinag-aral. Paano pa kaya ang ibang tao? Hindi mo ba alam na ipapakasal sa iba si Cyrus? So, anong tawag mo sa sarili mo ngayon? The other woman? Desperate."  Sinipa nya ang wheelchair ko, natakot ng gumulong iyon ng mabilis at hindi ko na kinayang pigilan.

Gumulong pababa ang wheelchair at tuluyan akong natumba.

"Aw!"

Humandusay ako sa kalsada at nagsigawan ang mga tao sa paligid. Hindi ko maigalaw ang katawan ko sa sakit. Ang hapdi ng siko ko at nang pisngi ko na tumama sa sahig.

"Oh, my god! Katherine!" rinig kong sigaw ni Loren habang papalapit sa akin.

"Anong nangyayari d'yan? Magsitabi kayo!" May narinig akong sumigaw na lalake.

Nawala ang mga tao sa paligid ko pati si Loren. Nakahiga lang ako dahil hindi ko mabuhat ang katawan ko sa sobrang sakit.

"Angeles, tawagin mo si Aganon. Yung girlfriend nya ito." rinig kong sabi ng isang lalaki.

"Miss, ayos ka lang? Anong masakit?" tanong ng pulis.

Hindi ako sumagot. Hindi ako makapagsalita.

"Katherine! Anong nangyari?"

Lumapit ang pamilyar na tao sa akin at hinawakan ang mukha ko. "Katherine, ayos ka lang? Anong masakit? It's okay, I'm here. Dadalhin kita sa ospital. Marami kang sugat," sabi ni Cyrus at binuhat ako.

"Aww! Masakit ang braso ko!" sabi ko nang nabuhat na nya ako.

"It's okay, malapit lang ang ospital. I'm sorry."

Ilang sandali pa ay naihiga na nya ako sa kama sa loob ng ospital at inasikaso na ng doktor. Una nilang ginamot ang ulo ko na may sugat din pala. Sunod ang kanang braso ko na lubhang napuruhan.

Pagkatapos akong gamutin ay kinausap ako ng doktor. Nasa tabi ko na rin si Cyrus.

"Wala na bang ibang masakit sa iyo?" mahinang tanong ni Cyrus.

Umiling ako. Tumikhim ang doktor kaya sabay kaming napatingin.

"Okay, na ang mga sugat mo. Hindi naman malala ang nasa ulo pero ang nasa braso ay malalim ang pagkaka-gasgas. Wala namang fractures. Pwede ka ng lumabas mamaya," sabi ng doktor.

"Salamat po," sabi ni Cyrus.

Umupo si Cyrus sa tabi ko at tinignan ang mga sugat ko.

"Anong nangyari? Anong ginawa ni Loren sa iyo? Bakit sya nandoon?" Kunot ang noo niya.

"Nag-uusap lang kami tapos nasipa nya yung wheelchair ko kaya gumulong pababa."

Naningkit ang mga mata nya parang hindi naniniwala sa sinabi ko. "Nasipa o sinipa?"

Hindi ako sumagot. Huminga sya nang malalim at sinuklay gamit ang daliri ang sariling buhok.

"Kilala ko si Loren at hindi ko mapapalagpas ang ginawa nyang ito."

"Cyrus, aksidente lang ang nangyari. Tsaka okay lang ako," sabi ko at hinawakan ang braso nya.

Tinignan nya ang kamay kong nakahawak sa kanya. "Pasalamat sya at hindi ka lubhang nasaktan, hindi ko sya mapapatawad kung may nangyari sa iyong masama."

"I'm okay, Cyrus. Thank you for taking care of me. You don't have to worry," sabi ko at hinalikan ang pisngi nya.

"Katherine! Ayos ka lang? Susmaryosep, ang dami mong sugat," sabi ni ate Rizza at lumapit sa akin habang tulak-tulak ang wheelchair ko na buti na lang ay hindi na sira.

"Ate, ayos lang po ako."

"Mapapagalitan ako ni Manang Bing nito. Ayos ka lang talaga? Buti na lang at naisipan kong magpunta ng maaga." Problemadong-problemado ang tono niya.

Tumango ako. "Ah, ate nasaan ang paper bag na nakasabit sa wheelchair?"

"Ito ba?"

Inabot nya sa akin iyon at inilabas ko ang panlamig ni Cyrus.

"Para sa iyo." Inabot ko kay Cyrus ang panlamig.

Kinuha nya iyon at nginitian ako.

"Hindi ako sigurado sa sukat pero sana nagustuhan mo."

Sinuot nya iyon at tamang-tama lang pala sa kanya.

"I love it, Katherine. Thank you," sabi nya at niyakap ako pagkatapos ay hinalikan ang noo ko.

"No, Cyrus. Thank you. Sa lahat ng ginawa mo para sa akin, kulang pa ito. I want to give you more. And..."

Tinignan ko sya sa mga mata.

"I'm ready to do 'it' with you," sabi ko at hinalikan sya sa labi.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro