Chapter 11

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 11

Hatid-sundo

Maraming nagbago. Napakaraming nagbago simula noong Pebrero.

Naging mas malapit kami sa isa't isa ni Salih kahit pa nalaman niya na crush ko siya at kahit wala siyang sinabi na gusto niya rin ako, hindi nagbago ang pakikitungo niya sa akin. At pinatigil ko na rin ang panliligaw ni JB. Para kasing mali na pinapaasa ko lang siya na magiging kami, eh wala naman talaga akong plano na sagutin siya.

Nagtapos ang school year na ako ang top one. Gr-um-aduate si Salih bilang Fifth Honors tapos ang dami niya pang special awards. Dumalo ako sa graduation niya kasi sabi niya magtatampo raw siya kapag hindi ako nakadalo.

Sabay rin naming winaldas ang mga araw at buwan ng bakasyon naming dalawa. Ilang beses na rin siyang pabalik-balik sa bahay kaya nakilala na rin siya nina Mama at Papa (nagtaka pa sila saglit kung bakit ko daw kaibigan ang anak ni Dr. Viernes). Ano pa bang ginawa namin? Aha! Madalas kaming maligo sa dagat dahil gusto kong umitim naman siya kahit kaunti lang. Ang putla-putla niya kasi.

Tapos sinama rin siya ni Papa mangisda ng isang beses. Wala siyang nakuha ni isang isda. Hindi niya kasi ma-gets na siya si Salih at hindi si Filimon. (Si Filimon, Si Filimon, namasol sa kadagatan...)

Tinuruan niya rin akong maglaro ng lawn tennis at madalas kaming naglalaro sa tennis court sa ospital. Tapos sa buong summer, pinakilala niya sa akin sina Taylor Swift, K-POP, tsaka si Ebe Dancel at Sugarfree, at marami pang iba. Napakaadik niya sa music tapos napag-alaman kong nagsusulat rin pala siya ng mga kanta pero hindi niya pa pinapakinig sa akin.

At ngayong unang araw na naman ng pasukan, grade 8 na ako at grade 11 na siya, mas marami pa sigurong magbabago. Mas marami pa akong matututunan tungkol sa kaniya. Mas marami pa akong malalaman na ikasisiya ko o ikabibiyak ng puso ko.

Tulad ngayon. Magkayakap kaming tatlo ni Joyce at Yllana dahil nalaman namin na ililipat pala sa kabilang section si Yllana. Hindi ko maiwasang mapaluha rin nang kaunti habang umaaklas na kaming tatlo at habang tinitignan ko ang nakangiting mukha ni Yllana.

"Hoy Joyce, 'wag ka ngang umiyak diyan. Magkikita pa naman tayo tuwing lunch break, ah!" suway ni Yllana habang tinatapik pa ang balikat ni Joyce.

Nalukot lang ang mukha ni Joyce at niyakap niyang muli si Yllana. "Huwag na huwag mo kaming ipagpapalit, ha?" si Joyce na ngayo'y sumisinghot na. Pinagtitinginan na rin kaming tatlo dito ngayon sa hallway.

Bakit ba umiiyak si Joyce? Naiiyak na naman tuloy ako!

Tumawa lang si Yllana habang hinahagod ang likod ni Joyce. Nagkatagpo ang mga mata naming dalawa kaya ngumiti na naman siya nang malapad, kahit na nakikita ko ang namumuong luha sa gilid ng kaniyang mga mata.

"Sus, oo naman. 'Di ko kayo ipagpapalit 'no. So, ano, maya na lang ha? Labyu. Ingat kayo do'n ha," maingat na sabi ni Yllana. Iniingatan niya na huwag pumiyok ang boses niya. Paano niya nagagawa iyan? Ang ngumiti kahit na gustung-gusto mo nang umiyak?

Pumasok na si Yllana sa loob ng classroom nila habang matamlay naman kaming naglalakad ni Joyce papunta sa bago rin naming classroom.

"Tayo na lang dalawa, Chan. Wala na si Yllana," matamlay na wika ni Joyce.

Siniko ko siya. "Shh. Tumigil ka nga. Ilang metro lang naman ang lalakarin natin para marating siya, eh."

Suminghot-singhot pa siya. "Ilang metro pa. Dati, katabi lang natin siya."

Sabi nila sa High School, ilang beses mabubutas ang puso mo. Ang kailangan mo lang gawin, ay panatilihing tumitibok ito. Pero kahit naman pagkatapos ng High School, sa reyalidad at normal na buhay, talaga namang mabubutas at mabibiyak at sa isang punto, tiyak na mapupunit ang puso natin.

As usual, puro Pre-Tests lang ang sinagutan namin sa unang araw ng klase. May mga bago rin kaming classmates na na-transfer galing sa kabilang section kaya kinilala muna namin sila.

Si Joyce naman, parang hindi pa tuluyang naka-move on sa pagkakalayo namin kay Yllana. Iba pa rin kasi talaga kapag kumpleto kaming tatlo, eh. Hindi ko na rin tuloy maiwasang malungkot habang nakatingin sa bakanteng pwesto sa tabi ko. Sana okay lang din si Yllana doon.

Dumating na ang recess pero ayaw ni Joyce pumunta sa canteen kahit anong pilit ko pa sa kaniya.

"Tara na Joyce. Sige ka, magugutom ka niyan," pamimilit ko.

Nagsusulat pa rin siya sa notebook niya at hindi man lang ako inangat ng tingin. "Okay lang ako, Chan. Busog pa ako, eh."

Napabuntong-hininga na lamang ako. "Sige. Gusto mong bilhan kita ng juice?"

Umangat siya ng tingin at tumango. Napangiti nalang rin ako't lumabas na ng classroom.

Mag-isa kong tinahak ang daan sa canteen. Marami-rami din ang mga estudyanteng nakakasalubong ko na nginingitian ko sa daan. Palihim kong sinilip si Yllana sa classroom nila. Nakaupo lang siya sa sulok at nakasalpak sa tainga niya ang kaniyang earphones. Napabuntong-hininga na lang ulit ako't nagpatuloy na sa paglalakad. Bakit ba kasi kailangan pa naming maghiwalay tatlo?

"Manang, pabili po ng dalawang juice tsaka isang pansit," sabi ko.

"Chan!" rinig kong may tumawag sa akin kaya napalingon ako sa aking likuran. Agad akong napangiti nang makitang si Salih 'yon.

"Uy," bati ko rin.

"Bakit ikaw lang mag-isa? Nasaan sina Joyce?" tanong niya. Nag-alangan muna akong sumagot tsaka umiwas ng tingin. Inabot ko na ang bayad ko kay Manang at saka umalis na. Nararamdaman ko ring nakasunod lang si Salih sa akin.

"Si Yllana na-transfer sa Plato. Ayun, si Joyce nagmumukmok kasi hindi pa matanggap na hindi na kami laging magkakasamang tatlo," sabi ko bago napabuntong-hininga.

Sinabayan na ako ni Salih sa paglalakad. "Talaga ba? Normal lang naman 'yan, eh. Malalampasan niyo iyan, kayo pa."

Pilit akong ngumiti sa kaniya. "Sana nga." Tinapik-tapik naman niya ang likod ko. "Ikaw, kamusta naman ang first day? Tsaka kamusta ang STEM?"

Ang kamay na itinatapik-tapik niya sa likod ko ay tuluyan na niyang iniakbay sa akin kaya pinanlakihan ko siya ng mata. "Okay lang. Kaklase ko pa rin naman ang mga kaklase ko."

Wala na lang akong naging imik habang paparating kami sa new building. Nasa parehas kasi na building ang classrooms namin kaya pareho din kami ng pupuntahan.

"So ano, kita nalang tayo sa uwian?" sabi niya habang nasa hagdanan na kami ng building.

"Ha? Bakit magkikita tayo---

Tumawa siya't umakyat na papunta sa second floor. "Kita na lang tayo mamaya, Chan. Bye!"

Napatawa na lang din ako nang makaalis siya. "Baliw."

***

Nakaupo na kaming tatlo nina Yllana at Joyce rito sa bench at nagpapahangin sa lilim ng mga punongkahoy habang tinatanaw ang kalawakan ng field. Nakalabas na rin ang mga baon naming tatlo at kapwa nilalantakan na rin namin iyon. Medyo malamig ang simoy ng hangin na taliwalas sa mainit na araw.

Tumikhim ako at nilingon si Yllana. "Lana, kamusta naman ang mga bagong classmates mo?"

Napatango-tango siya't ngumiti. "Okay naman. Kilala ko na din naman sila lahat kasi nakikita na natin sa campus dati pa kaya hindi na ako nahirapan."

"Hindi ka naman nila inaaway 'di ba?" si Joyce.

Tumawa si Yllana at pasimpleng inakbayan si Joyce. "Hindi 'no. Tsaka bakit naman nila ako aawayin? Baka ako pa ang unang umaway sa kanila. Chill ka na nga lang diyan Joyce. Ano ka ba."

Sana nga. Sana okay ka lang doon, Lana.

"Magkikita pa naman tayo araw-araw dito sa bench 'di ba?" tanong ko.

Ako naman ngayon ang inakbayan ni Yllana sa kabilang bisig niya. "Oo naman. Araw-araw para hindi niyo ako masyadong ma-miss. Ang lapit-lapit nga lang ng classroom natin o. Kayang-kaya ko lang iyan takbuhin!" dagdag niya pa.

Ngumiti na lang din ako dahil ngumingiti na ngayon si Joyce at Yllana. Pero kahit ganoon, hindi pa rin mawala ang pangamba sa puso ko na baka may magbabago sa aming tatlo. Pero sana naman wala. Sana ganito pa rin kami kahit na anong mangyari.

Matapos ang lunch break ay dumiretso na kami sa kaniya-kaniya naming klase. Umayaw na si Yllana na magpahatid sa classroom nila kasi kaya na naman daw niya kaya kaming dalawa na lang ni Joyce ang naiwan para dumiretso sa first period namin sa hapon. Nagkaroon ng meeting ang mga teachers kaya wala nang masyadong nangyari talaga kundi pasagutan sa amin ang mga Pre-Tests na iniwan nila.

Sa pagtunog ng bell, nagkumpulan na kami sa pavement para um-attend ng flag down ceremony. Kumaway pa si Salih sa akin nang makita ako.

"Hoy kayo ha, may something na talaga sa inyo ng crush mong iyan. Ang swerte mo, pahingi naman Chan," bulong ni Yllana sa likuran nang sinimulan nang kantahin ang Lupang Hinirang.

"Tsk. Ang OA mo naman. Anong something?"

"Hmm weh? Eh ano iyang mga pa-kaway kaway niyo sa isa't isa? Tapos mas kasama mo pa siya noong summer kaysa makigala sa amin."

"Mas kasama ko siya kasi taga doon din siya. Tsaka ano ba, manahimik ka nga. Kumanta ka na lang," pagsasaway ko.

"Sus. Ba't di pa kasi jowain eh."

Eh hindi niya naman ako crush. Ako lang naman 'tong may crush sa kaniya. Tsaka ang labong magkagusto sa akin iyong crush ko. Sa mga Korean Drama lang iyan tsaka sa mga teleserye at mga palabas. Hindi naman iyan nangyayari sa totoong buhay, eh. Loslos.

"Chan!" rinig kong may tumawag na naman sa akin nang matapos na ang ceremony.

Kinurot pa ni Joyce ang braso ko kaya napa-aray ako sa gulat. "Joyce, ano ba!"

Tinawanan lang ako ng bruha. "Ay sorry, kinagat kasi ako ng langgam. Sige na, babye Chan!" At kumaripas na siya ng takbo. "Jowain mo na iyan!" pahabol niya pang sigaw.

Jusko, ang sakit talaga sa ulo nitong kaibigan ko.

"Chan!"

Napalingon ako kay Salih na nasa harapan ko na pala. "Uy, hi."

Napakunot ang kaniyang noo at lumingon-lingon pa sa paligid. "Ba't ikaw na naman mag-isa?"

"Ay iniwanan ako ng mga magagaling kong kaibigan, eh," paliwanag ko't nagsimula nang maglakad.

"Ahh, okay," sabi niya. "Nandiyan na ba ang sundo mo?"

Tumango ako. "Oo. Palaging maaga iyan si Uncle, eh. Bakit?"

"Ahh, ililibre sana kita."

Nanlaki ang mga mata ko't napaangat ang tingin sa kaniya. Ha? Bakit niya ako ililibre? Pakiramdam niya ba talagang mamamatay na ako sa gutom? Pero hala ililibre ako ni crush. Baka sa susunod maningil 'to tapos wala akong maibigay. Jusko naman!

"Ay haha, sa sunod na lang," sabi ko.

Maraming mga estudyante ang napapalingon sa amin gayong malapit na kami sa gate. Bakit ko ba nakalimutan na famous nga pala siya? Tapos ang dami ring kumakausap sa kaniya na kinakausap din niya pabalik. Kung may mind-reading powers lang ako, nabasa ko na ang tumatakbo sa isip ng mga iyan.

"Ay hala, 'di ba siya iyong pinakasalan ni Salih sa Marriage Booth? Close na sila? Wow ha."

"Di ba Grade 8 pa lang iyan? Bakit pumapatol si Salih sa bata?"

Ang lawak-lawak na yata ng imagination ko na nababasa ko na pati mga isip nila. Alam mo, Chan, gutom lang iyan. Magpalibre ka na lang kaya kay Salih.

Napatigil ako sa paglalakad kaya napatigil rin si Salih. Tumikhim ako bago sinalubong ang mga tingin niya.

"Sal, bakit sinasamahan mo pa ako tapos ihahatid sa sundo ko?"

Napatawa siya. "Kasi gusto ko."

"Bakit gusto mo?"

"Kasi nililigawan na kita. Ayaw mo ba?"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro