Chapter 05

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

110521 Chapter 05 #HatemateWP

Buong weekend akong kabado. Gumawa ako ng plates nang kabado. Nag-ayos ako ng report namin sa History nang kabado. Nahirapan din akong matulog sa kaba. Apat na oras na nga lang ng tulog 'yong tina-try kong bunuin, nabawasan pa dahil sa kaiisip ko sa maraming bagay.

Kinakabahan ako sa scores ko dahil ibabalik 'yong mga output last week. Kinakabahan din ako kay Kat na in-add ako sa Facebook at nag-send ng message request. Kinakabahan din ako dahil may pa-double meaning 'yung mga message niya sa group chat namin para sa report.

Bawal daw ang taken sa group, at 'yong tatlo namang members, pare-parehas palang single. 'Yong isa kagagaling lang sa break-up. Napunta sa love life at lalaki ang usapan nila kaya hindi na ako nang-seen dahil baka may masabi si Kat at ma-corner ako.

Wala sa plano na malaman ng blockmates namin ni Deion 'yong inimbento naming relationship. Tama na 'yung si Mark lang ang mang-aasar sa 'min if ever, at si Joseph lang ang mangungulit. Ini-imagine ko pa lang na buong block ay aasarin kami, nase-stress na 'ko.

Saka paano kapag 'nag-break' kami ni Deion? E di parang ang awkward? Hay, ewan.

"Pst." Inalis ko ang tingin sa kawalan at inilipat kay Je na inaabutan pala ako ng bottled water. Tinanggap ko iyon at binuksan agad para uminom. "Okay ka lang?"

Tumango ako. Tahimik naman ang weekend namin sa apartment dahil sabi niya, natambakan daw ng readings si Joseph. Kahit naman nakabuntot 'yon sa 'min madalas, masipag si Jo mag-aral. Kung hindi ko lang talaga iniisip kung ano'ng mangyayari sa 'kin—sa 'min ni Deion—ngayong Lunes, peaceful sana ang weekend ko. Nakabawi-bawi sana ako ng kain at tulog.

Napabuntonghininga na lang ako nang matanaw si Deion na papunta sa room namin galing sa kabilang hall. Napatingin siya saglit sa 'min pero walang imik na naunang pumasok sa room. Fresh pa ang gago sa gray na sweatshirt niya. Halatang hindi namroblema nung weekend. Pero sabagay, ako nga pala ang puno't dulo nito so deserve kong solohin 'tong problema.

"Magkaaway kayo?" pabulong na tanong ni Je bago hilahin pabukas ang pinto.

Napasimangot ako. "'Di naman kami friends niyan. 'Di kami bati so hindi kami puwedeng mag-away."

Umalis kaagad si Kat nung Friday. Kinabahan pa nga ako dahil deretso ang pag-type niya sa phone pagkakita sa 'min ni Deion. Pakiramdam ko tuloy may sinabihan na siya, pero ano namang ikukuwento niya?

Ayos lang sana kung sabihin lang niyang magkasama kami ni Deion, dahil totoo naman 'yon at madaling lusutan, pero kung binigyan niya ng meaning 'yung kamay namin, ibang usapan na 'yun.

Ako, iniwan ko si Deion, kaya may utang pa siya sa 'king dinner. Sabi ko, umarkila na lang ng tricycle papunta kung saan man siya uuwi. Hindi na niya poproblemahin 'yung kawalan niya ng barya dahil binilinan kong lakihan 'yong ibabayad.

Hindi ko alam kung sanay na siyang mag-commute dahil hatid-sundo siya nung high school. Pero dahil humihinga pa naman siya today at mukhang fresh pa nga, e di na-survive naman niya 'yong biyahe niya pauwi.

Muntik nang ma-late ng pasok si Kat, kaya wala siyang time para kulitin ako dahil on-time pumapasok 'yong prof namin sa Design. Pero pagpasok pa lang ni Kat, nasa akin agad ang tingin niya, kaya alam kong hindi niya palalagpasin 'yong nakita niya noong Friday.

Puwede ko namang sabihing friends lang kami ni Deion. Okay lang ding sabihin na magkaklase kami nung Junior High kaya may 'history' kami, bukod pa sa history na ayaw kong balikan.

Hindi naman siguro makakausap ni Joseph ang mga ka-block namin ni Deion kaya ayos lang. Sakali mang makausap niya at may makapagbanggit sa kaniyang friends lang kami, puwede ko naman sigurong lusutan na sinabi ko lang 'yon para hindi kami asarin. Tunog logical naman . . . yata. So far wala akong nakikitang loopholes.

Pero kailangan kong mag-deal sa pangangantiyaw nina Kat, for sure. Or hindi? Mukha namang may mga crush sila kay Deion. Baka kung lapitan nila ako, baka magpareto pa dahil ang gusto nila, sila ang maging girlfriend.

Pero siyempre, hindi ko sila ilalakad kay Deion, 'no. Puwede kong i-reason out na hindi na kami super close. 'Tapos kapag nabisto na 'boyfriend' ko si Deion, mafi-figure out nilang excuse ko lang 'yong 'di kami close para bakuran ang 'boyfriend' ko.

Lumipat na kaya ako ng degree program? Mukhang mas magaling akong gumawa ng kuwento kaysa mag-drawing ng lines. Baka mas may future ako du'n.

May saving grace ang Monday ko, thankfully. Ang sabi last week, ngayon ibabalik 'yong pinagawa sa Design, pero sinabihan kaming sa isang araw na lang. One less kaba 'yon for today.

Pero pagkatapos ng Design ay morning break, kaya hindi man lang ako hinayaan ng universe na i-enjoy ang saglit na pagkawala ng kaba ko. Akala ko ako ang lalapitan ni Kat kaya inaya ko si Je na bumili ng sandwich sa canteen, pero si Deion ang nilapitan niya. Bitbit pa ni Kat si Rose, na mukhang hindi na rin makapaghintay ng History para i-ambush ako kaya kay Deion sila lumapit.

May tiwala naman akong namuti na ang buhok nila at lahat-lahat, pero wala silang mapapalang matinong sagot kay Deion. Nagnakaw ng sandiling tingin sa 'kin si Deion bago ako umalis. Nakita ko rin naman si Mark na lumapit sa kanila. Kaya na nilang dalawa sina Kat.

"Okay ka lang ba talaga?" tanong ni Je habang hinihintay ko 'yong ham and cheese sandwich namin. Dahil hindi ko siya nalibre nung Friday, ngayon na lang.

"Oo, bakit?"

"Ang laki na ng eye bags mo 'tapos parang lagi kang tulala."

Napatingin ako sa kaniya. Seryoso bang concerning na 'yung pagkalutang ko? "Kulang lang sa tulog." Ang dali pa namang alagaan ng eye bags ko. Mukhang bukod sa malas, eye bags ang iipunin ko ngayong college.

Inabot ko kay Jerica 'yong sandwich niya pagkabigay sa 'kin ng tindera. Hinintay ko 'yung akin. Dalawa ang binili ko para may makakain ako sa room mamayang lunch. Napagkasunduan pa naman ng mga ka-block namin na bawal kumain ng rice meal sa loob dahil malakas ang amoy, at dahil 'di naman ako nakakalabas 'pag lunch, e di diet muna ako.

"Matulog ka na lang kasi after class. 'Di ka naman guguluhin ni Jo 'pag sinabi kong nagpapahinga ka."

Tumango ako. Plano ko naman talaga 'yon today. Saka, alas-sais pa naman ang dismissal ni Joseph, so kung may balak man siyang mambulabog, by that time nakakuha na ako ng kahit 30 minutes na idlip.

Pagbalik namin ni Je sa room, naka-upo na by group 'yong mga classmates namin. Unang hinanap ng mata ko si Deion at nakita ko siyang nakatayo sa may bintana, may hawak na papel. Nakatingin din siya sa 'kin. Hindi na siya inaaligiran nina Kat, at mukhang chill pa rin naman siya, so I guess na-handle niya naman 'yon nang ayos.

Or, kaya wala na sina Kat sa paligid niya ay dahil ako na ang inaabangan para i-hot seat. In-arrange na nila paikot 'yong upuan namin. Hawak na ni Kat 'yong arm chair na para sa 'kin. Base pa lang sa kinang ng mata niya, alam ko nang sabik siya sa chismis.

Patay tayo diyan. 'Di pa nga ako nangangalahati sa sandwich ko e. Puwede bang kumain muna?

Tinapik ako ni Je sa braso bago pumunta sa groupmates niya. Ako, dahil wala naman akong choice, lumapit na ako kina Kat. Kami pa naman ang unang magre-report ngayon. Mukhang hindi naman kabado 'tong groupmates ko.

Pagkaupong-pagkaupo ko, nagtanong agad si Kat, "Sakto lang pala, ha?" Nabitin tuloy ang pagkagat ko sa sandwich.

"Bakit ba?" tanong ko.

May feeling ako na kapag mas lalo akong tahimik, lalo lang maghihinala 'tong mga 'to. Si Kat lang ang nagtanong sa 'kin pero nakatingin lahat ng groupmates ko sa 'ming dalawa, nakaabang. Grabe. Second week pa lang ng klase o, chismis agad? At talagang buong group namin alam na, ha?

Teka. Bigla akong kinabahan. Sino pa'ng sinabihan ni Kat?

"Bakit kayo magkasama nung Friday?" Sa tono pa lang niya, alam kong may ine-expect na siyang sagot.

"Nagpasama lang siya," sagot ko. Totoo naman 'yun. 'Di ko nga dapat siya sasamahan e. "Kaklase namin 'yan ni Mark nung Junior High. E umalis na si Mark, kaya sa 'kin nagpasama."

Nanliit ang mga mata sa 'kin ni Kat, mukhang walang balak maniwala. May gusto na kasi siyang marinig, kaya sure akong pahirapan bago ko siya ma-convince sa sagot ko.

"Close kayo?"

Umiling ako. "Hindi masyado. Si Mark ang ka-close talaga niyan."

"Single siya?"

Natahimik ako saglit. Kapag sinabi kong hindi, tatanungin ako kung sino'ng girlfriend. Kapag sinabi kong oo, ewan ko lang kung magpapalakad 'to. Sabi naman niya ayaw niya sa tahimik, kaya hindi ako sure kung ano'ng gagawin niya.

"'Di ko lang alam," sagot ko.

Nagtagal ang tingin sa 'kin ni Kat. 'Tapos, nagkatinginan sila nina Rose. Maya-maya lang, binubugbog na ni Kat 'yung braso ko ng tampal.

'Di ko alam kung maiinis ako o matutuwa, kasi ibig sabihin lang ng paghampas niya, friends na kami kahit papaano. Hindi pa naman ako makabisita sa GC ng block dahil naka-block nga sa 'kin si Deion, kaya feeling ko ang impression nila sa 'kin ay kasingtahimik ako ni Je kahit hindi naman.

"Bakit?" tanong ko habang sinusubukang hulihin 'yung kamay niya.

Lumapit pa lalo sina Rose at mukha na kaming may pinagpaplanuhang masama sa circle namin. Tumili pa si Kat. Napatingin tuloy sa 'min 'yung iba naming kaklase. Nasaan na ba si Ma'am?

"Ikaw ha, gusto mo palang solohin. Kaya pala sabi mo, 'sakto lang.'"

"Kilabutan ka nga." Binawi ko ang braso kong nabugbog. Ang lakas niya manghampas. Inubos ko na 'yung sandwich ko dahil d-in-elay ni Kat 'yung pagkain ko. "Nagpasama lang talaga 'yan."

"Pero hindi kayo close?"

"Hindi nga." Napaayos ako sa bangs ko. Inii-stress ako nitong si Kat e. "Bakit 'di pa tayo mag-set up nung laptop?" Nilipat ko na ang topic sa report namin. Baka mamaya mabutasan pa ako ni Kat, mahirap na.

"Walang HDMI, wala ring projector," agad na sabi ni Rose. Nakapatong na 'yong laptop niya sa armchair. "Bakit sabi ni Kat parang close daw kayo?"

Grabe, 'di pa talaga tapos. Napatingin ako sa pinto. Ano'ng oras ba darating si Ma'am? Ginigisa na ako dito e.

"Bakit niyo ba naitatanong? May kailangan ba kayo du'n?"

Natawa si Kat. "Tinanong kasi namin kanina si Deion kung close kayo, sabi niya sa 'yo daw itanong."

Tinikom ko ang bibig. Mukhang kailangan ngang laging bigyan sila ng sagot para hindi sila ma-curious. At totoo namang ang pa-showbiz ng sagot ni Deion. Sana sinabi na lang niya na magkaklase kami dati.

Bago pa makapag-usisa si Kat, dumating na si Ma'am. Ako na ang kumuha sa laptop ni Rose dahil gusto ko nang tumayo at mag-report, kaysa masabon nang paulit-ulit sa group namin tungkol kay Deion. Hindi naman unlimited ang baul ko ng excuses 'no.

Sinalubong ko si Ma'am na parang hulog siya ng langit. HDMI cord lang 'yung dala niya, so sa TV lang magfa-flash ng report at hindi sa projector screen. Tatawa-tawa pa 'yung groupmates ko bago tumayo at samahan ako sa harap.

Hinayaan kong mag-boot ang laptop ni Rose habang tinatanggalan ng tali 'yong cable ni Ma'am. Hinanap ko sa likuran ng TV 'yung port para sa HDMI at tumingkayad para isalpak 'yon. Pero, malas talaga ako dahil ayaw pumasok at kapos pa ako sa height, e ako na nga ang pinakamatangkad sa group namin. Maliit ba ako o masyadong mataas 'tong pagkakakabit ng TV?

"Pakitulungan na nga si Miss Ainza," rinig kong sabi ni Ma'am. Tinigilan ko na 'yung pag-e-effort na ikabit 'yung kurdon.

Napatingin ako kay Deion, dahil sino'ng hindi mapapatingin kung halos itulak na siya ni Mark papunta sa unahan? Sinamaan ko ng tingin si Mark na mukhang nagpipigil ng tawa.

"Akin na nga," sabi ni Deion pagkalapit niya, sabay kuha sa kurdon na parang napipilitan pa. Parang ako 'yong namilit sa kaniyang ikabit 'yung HDMI cord, e si Mark naman 'yun. Ipulupot ko pa 'to sa leeg niya e. "Nasa'n ba?"

"Ayan o, bulag ka ba?" Itinuro ko 'yong port.

Sinimangutan niya pa ako bago ikirin nang kaunti ang cord at medyo ipitin ako sa puwesto ko para ikabit 'yon. Napasinghot ako. Amoy powdered gatas. Siya ba 'yun?

Bumaba ang tingin niya sa 'kin. Nakailang ulit na singhot tuloy ako para magmukhang sinisipon. Mamaya lumaki pa ulo nito kapag nalaman niyang inaamoy ko siya e.

Uutusan ko pa lang sana siyang bilisan at isalpak na 'yung HDMI, pero nag-Yieeeee bigla ang mga kaklase namin pagkaangat niya ng braso niya. May narinig akong tumawa. Si Mark, sure ako. May tumili pa. Si Kat siguro.

"Ano'ng meron, class?" tanong ni Ma'am.

Bumaba ang tingin sa 'kin ni Deion pagkatapos ikabit 'yong cord. Parang sinasabi pa ng tingin niya na kasalanan ko 'to, e kung 'di naman siya nagpasama, e di hindi kami nakita ni Kat!

Wala namang sumagot kay Ma'am. Pero nung magre-report na kami, kita kong lahat ng ka-block namin ay nakangiti sa 'kin. Parang nagbubulungan pa nga 'yong group ni Deion at ini-interview siya pero hindi niya pinapansin at deretso lang ang tingin sa TV kung saan naka-flash ang report.

Mentally, napa-sign of the cross na lang ako. 'Di ko na alam kung paano ako magsu-survive this sem, so help me God.

* * * 

Kahit si Je, nakangiti nang bumalik sa tabi ko pagkatapos naming ma-dismiss. Inirapan ko siya pero tinawanan lang niya ako.

Wala na. Dahil lang sa nakita kami ni Kat, kami na ni Deion ang favorite pag-trip-an ng class. Nakantiyawan pa kami ni Ma'am at nasabihang kasisimula pa lang ng school year, may something na agad.

Napakamot na lang ako sa ulo. Ang gulo! Hindi ko alam kung kaya kong tagalan 'yung aasarin kami lagi. Samantalang si Deion, parang wala namang problema dahil kanina pa siya naka-poker face.

E ako, kita siguro sa mukha ko na namomroblema ako kaya mas lalo nila akong inaasar. Mas gusto nila 'yung nakakakuha sila ng reaction e, at wala silang mapapalang gano'n kay Deion. Kaya nung magpanggap na bato for the whole day.

Gaya ng nakagawian, tinangay na ni Je si Joseph at kabuntot nila si Mark para mag-lunch. Sabi ko kay Je, kapag natrip-an kong magpunta sa canteen, susunod ako sa kanila. Two days din naman akong hindi binulabog ni Joseph, saka parang ang mean naman kung lagi ko talaga siyang iiwasan, kaya okay lang sigurong sumabay sa kanila paminsan-minsan.

Tahimik lang kami ni Deion na naiwan sa room. Hinihintay niya siguro 'yung Mags, habang ako, ine-enjoy ang ham and cheese sandwich ko. Next time bibili na akong packs ng biscuit para 'yon na lang ang ibabaon ko kapag lunch.

Kauubos ko pa lang sa sandwich ko nung dumating si Mags. Dumungaw siya sa pinto at ako ang unang nakita bago niya nilipat ang tingin kay Deion. "Lunch?"

Narinig kong gumalaw ang upuan ni Deion. At dahil maiiwan na ako mag-isa, sumubsob na ako sa arm chair ko para umidlip. Narinig kong nagsara 'yung pintuan, 'tapos nagbukas ulit. Maya-maya lang, may paulit-ulit nang kumalabit sa braso ko. May pakiramdam na ako kung sino kaya hindi ko pinansin.

"Billie."

Ano na namang kailangan nito? Hindi ako umimik. Nakailang Billie siya at parang hindi napapagod na kalabitin ako.

"Bi . . ."

Nagpanting ang tainga ko nang hindi 'yon nasundan. Kumunot ang noo ko bago iangat ang tingin sa kaniya. Umangat ang dalawang kilay niya.

". . . llie."

Panusot talaga 'to. Babalik pa lang ako sa pagkakasubsob nang saluhin ng palad niya ang noo ko. Tinampal ko kaagad ang kamay niya. Ang panggulo naman talaga nito ni Deion kahit kailan e.

"Ano ba 'yun?" tanong ko. Kapag na-trip-an niyang mangulit, mangungulit talaga siya.

"Lunch."

"Ayaw kong sumama sa 'yo."

"Isama daw kita sabi ni Mags," aniya. Pati ba naman 'tong pagyakag niya sa 'king mag-lunch, labag sa loob? Pwes, ayaw ko rin namang samahan siya.

"Sabihin mo, ayaw ko." Saka ano naman kung sinabi sa kaniya nung Mags? E hindi ko rin naman ka-close 'yun.

"Hindi ako aalis dito hangga't 'di ka sumasama."

Natawa naman ako roon. "E di manigas ka diyan." Pakialam ko ba? Hindi naman ako 'yung magugutom.

Hinayaan niya akong bumalik sa pagkakasubsob, pero hindi naman ako makakatulog knowing na nakatayo lang siya sa tapat ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa pride niya o gusto niya lang talaga akong buwisitin kaya totoohanin niya 'yung sinabi niyang hindi siya aalis, dahil two minutes na yata ang nakalipas pero hindi ko pa naririnig ulit na bumukas ang pinto.

Maya-maya lang, narinig ko nang bumukas ang pinto. Nakahinga ako nang maluwag at umayos na sa pagkakaupo pero mali pala ang akala ko. Imbes na wala na si Deion sa loob ng room, pumasok na pala 'yung Mags.

"Tara na?" parang nagdadalawang-isip na tanong ni Mags.

Tiningala ko si Deion. Pumaling ang tingin niya kay Mags. "Nagpapapilit pa 'tong isa e."

"Huy ka," alma ko kaagad. Hindi ako nagpapapilit, 'no!

Baka gutom na 'yung Mags at isiping nagpapa-importante tuloy ako. Dali-dali kong hinanap ang wallet sa bag at tumayo. Nahuli kong napangiti saglit si Deion. Tingnan mo. Trip talaga ako nito e.

"Libre mo ha," pabulong kong sabi. Dinala ko lang talaga 'yung wallet ko for props. May utang pa kaya siya sa 'king pagkain.

Tumango lang siya. Napilitan akong sumunod sa kaniya, at napilitan din akong ngumiti kay Mags kasi baka isipin niyang may problema ako sa kaniya e wala naman. Dito lang talaga sa higanteng kasama naming mag-lunch mayro'n.

Tahimik kaming tatlong naglalakad sa hallway. Ang awkward nga e. Parang may binubulong kasi si Mags kay Deion. 'Tapos ako, parang siningit lang dito. Kung 'di lang din talaga 'to libre, tinanggihan ko na nang tuluyan.

"Uhm, hi!" Napatingin ako kay Mags. Kumaway pa siya sa 'kin mula sa right side ni Deion. Tinanguan at ngitnian ko lang siya. "Maggie," sabay turo niya sa sarili niya.

"Billie," awkward na pakilala ko. Wala man lang kasing manners 'tong common kakilala namin at hindi man lang kami in-introduce sa isa't isa.

"Friends ba kayo ni Deion?" tanong niya at tiningala 'yung naglalakad na pader sa pagitan naming dalawa. Kung hindi lang talaga matangkad 'to at kapansin-pansin, puwede na siyang hangin dahil parang wala siyang pakialam sa paligid niya. Kung sila siguro ni Jerica ang magka-share ng apartment, baka akalain lagi na walang tao sa place nila. Baka kaya nilang tumagal nang ilang araw na hindi nag-iimikan.

Dahil hindi naman sa 'kin nakatingin si Maggie, hindi ako sumagot. Baka si Deion naman kasi talaga ang gusto nyiang tanungin. Pero nagkibit-balikat lang 'tong higante at binaba ang tingin sa 'kin, pinapasa sa 'kin ang tanong.

"Medyo," sagot ko na lang nang ilipat ni Mags ang mata niya sa 'kin.

Hindi ko kayang sumagot ng 'oo' lalo na't sa harap pa ni Deion. Baka ibalik niya sa 'kin one day 'tapos sabihin niya nag-assume akong friends kami kahit hindi siya pumapayag.

Kumunot ang noo ni Mags at natawa nang bahagya. "Pwede ba 'yun?"

Hindi na ako nagsalita, kaya awkard na ulit. Napansin ko 'yong nakasukbit sa balikat ni Deion. Shoulder bag na color brown, na obviously ay hindi kaniya dahil itim na backpack ang lagi niyang dala sa classroom. Kay Maggie siguro dahil wala siyang kadala-dalang kahit ano. Magkaano-ano kaya sila? Magkaklase nung Senior High?

"Pinsan ni Mark." Galing kay Maggie, umangat ang tingin ko kay Deion. Deretso lang ang tingin niya sa daan. Pumaling siya saglit kay Maggie. "Kaklase namin ni Mark nung Junior High."

Umawang ang bibig ni Maggie bago tumango-tango. Pinaling ko na lang din sa harap ang tingin ko. Hinigpitan ko ang hawak sa wallet at nilabanan ang urge na itusok 'yon sa tagiliran ni Deion.

Hindi man lang 'kaibigan namin nung Junior High' ang sinabi, kaklase lang talaga. Parang 'di kami naging friends. Parang 'di ko siya binigyan ng gift every birthday at every Valentine's at every time na trip at may pera ako. Parang 'di kami lumalabas dati after school, ah? So ano 'yung meron before kami mag-move up? Lahat ng 'yon? As a classmate, gano'n?

Ah, I swear, one day itutumba ko 'tong si Deion. Bakit ko nga ulit naging crush 'to?

Dahil siguro nandidilim ang paningin ko kaya hindi ko napansin si Joseph na sumalubong sa 'min. Napatigil ako sa paglalakad. May sinasabi siya pero hindi ko agad naintindihan dahil busy pa akong patayin, ipaglamay, at ilibing si Deion sa isip ko. Pinaulit ko kay Joseph 'yong sinabi niya.

Bakit nga pala 'to nandito? Tinakasan niya ulit sina Jerica? Hindi kaya awkward for Mark na maiwan siya kasama si Je lalo na't napakatahimik nu'n at 'di naman sila close?

"Magla-lunch ka?" tanong ni Joseph. Tumango ako at sinenyas 'yong mga kasama ko gamit ang ulo.

"Ikaw? Nasaan sina Je?" tanong ko. 

Lumipat ang mata niya kay Deion. Napabalik ako sa ulirat nang mapansing may iba sa tingin niya. May pinag-uusapan ba sila habang lutang ako? Bakit parang galit si Joseph?

"Akala ko iiwan ka na naman ng boyfriend mo e," aniya, na kay Deion pa rin ang tingin.

Napahilot na lang ako sa sentido bago hawakan sa braso si Joseph. Mauna na lang kaming pumunta sa canteen. Nagsasayang lang din siya ng energy sa galit niya dahil hindi siya papatulan nitong si Deion . . . yata. Unless, mapikon si Deion or something.

"Wait . . . boyfriend?"

Kung napabalik na ako sa ulirat kanina, ngayon parang sinapak ako nang matindi para magising.

My gosh. Kasama nga pala namin si Maggie. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro