Chapter 26

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

070222 #HatemateWP Chapter 26

Di ko naman maalalang inumpog ko ang sarili ko sa pagkalaki-laking bato, pero sobrang sakit ng ulo ko pagkagising. Hinagip ko ang unan sa paanan ko at tinaklob 'yon sa mukha ko nang nag-ring ang alarm ni Je. Parang bawat tunog n'un ay hampas sa likuran ng ulo ko.

Di ko rin maalalang umakyat ako ng isang daang bundok last night, kaya hindi ko maintindihan kung bakit napakabigat ng katawan ko. Napahamak ba ako kagabi at napag-trip-an ng kung sinomang mga masasamang loob kaya pakiramdam ko nabugbog ako? Shet.

Well, it's not like may naaalala akong nangyari kagabi. Ano nga ba'ng nangyari?

Tinulak ko ang kumot paalis ng katawan ko dahil sobrang init. Kung hindi lang parang dini-drill ang magkabilang sentido ko at parang bali-bali ang pakiramdam ng mga buto ko, bumangon na ako at inunahan na si Je na maligo para mawala ang mainit at pawis na feeling.

"Billie?"

Nag-hum lang ako dahil miski lalamunan ko, masakit! Pati nga labi ko, parang sinemento dahil tuyong-tuyo. Grabe, ganito ba kapag brokenhearted? Ako na nga ang na-break-an ng heart, ako pa ang magsa-suffer nang ganito? Parang ang daya naman.

Kahit na ayaw ko, inalis ni Je ang unang tinakip ko sa ulo ko. Wala naman akong lakas para higitin 'yon pabalik sa 'kin. Malamig ang pakiramdam ng kamay niya sa leeg ko. Nilipat niya 'yon sa 'king noo. "Namumutla ka," puna niya.

"Ang sakit ng ulo ko," reklamo ko. "Di ko yata kayang pumasok." Na nakaka-guilty. Kareregalo lang sa 'kin ng bagong laptop, tapos a-absent ako? Ano ba 'yan, Billie. "'Wag mong sabihan sina Mommy, a? Okay na ako bukas, promise." Hinagilap ko ulit ang unan nang buksan ni Je ang ilaw ng kuwarto. Tagos na tagos kasi sa eyelids ko at ang sakit sa mata kahit nakapikit naman.

Sinilip ko ang thermometer na bastang siningit ni Je sa kili-kili ko. Inayos ko ang pagkakalagay n'un bago rumolyo paharap sa pader na sinasandalan ng kama ko. Gusto ko pang matulog.

"Hindi ka talaga papasok, ang taas ng lagnat mo e. Kagabi pa lang, halata ko nang magkakasakit ka," sabi ni Je pagkatunog at pagkaalis niya ng thermometer. Inalis niya ulit ang unang tumatakip sa mukha ko. Ugh. "Nahihilo ka ba? Ako na lang ang magsasabi sa profs kung bakit wala ka."

"Hindi. Ang liwanag. Alis ka pati sa tabi ko, sakitin ka e."

Narinig ko siyang nagbuntonghininga. Maya-maya lang, patay na ulit ang ilaw ng kuwarto. "Maligo ka muna bago kita iwan dito," utos niya. Hinigit niya nang tuluyan ang kumot kong nasa bandang binti ko pagkatapos ko siyang ilingan. "Hindi ako papasok kapag hindi ka maliligo," aniya habang tinutupi 'yon.

Napabuntonghininga na lang ako bago iangat ang dalawang braso ko para matulungan niya akong umupo. Siyempre magi-guilty ako kung hindi siya papasok nang dahil lang sa 'kin 'no. Nandamay pa 'tong broken heart ko ng perwisyo sa iba. Di naman ako ang nagpapaaral sa kaniya.

"Anong oras ako umuwi kagabi?" tanong ko bago umupo sa monobloc sa may kusina. Ang pait-pait pa ng dila ko. At kahit gusto ko nang maligo, sa isip ko lang 'yon gusto dahil tinatamad pa ako; mas gusto kong bumalik sa tulog.

"Basta gabi na," sagot ni Je habang may nilalabas sa ref. Sinilip ko ang laman ng plastic container na nilapag niya sa harap ko. Pizza. "Walang ibang kakainin diyan, pero kailangan mo nang uminom ng gamot bago ako umalis."

"Okay," sagot ko at sumubsob sa counter. Maya-maya lang ay narinig ko na ang pag-buzz ng microwave oven.

"E paano ka mamayang lunch? Wala ka talagang kakainin diyan sa ref," rinig kong sabi ni Je. Sumunod ang tunog ng electric kettle.

"Di ko alam," sagot ko. On normal days nga ayoko nang mag-isip, siyempre lalo na ngayong ang sakit ng ulo ko dahil sa lagnat na may heartbreak kirot pang kasama. "Bahala na."

"Hindi puwedeng iinom ka ng gamot nang hindi kumakain," kontra ni Je. Napadaing na lang ako. Alam ko namang worried lang siya sa 'kin pero nase-stress ako lalo sa mga sinasabi niya. "Hindi kita mabibilhan sa labas kasi maaga pa masyado. Uwi na lang ako ng lunch?"

Inangat ko ang ulo at umiling. Hassle masyado sa kanya. Di naman ako baby, mukha lang. "'Wag na. Kaya ko namang bumaba para bumili." Nilalagnat lang ako, hindi ako baldado.

Huminga si Je nang malalim bago tumango. Inabot niya sa 'kin ang plato ng kaiinit lang na pizza. "Walang healthy options, sorry. Gusto mo magpadala ako kay Mama ng pagkain?"

Natawa ako roon pero agad ding natigil dahil parang every tawa ko ay may kasamang pukpok sa likurang part ng ulo ko. "Hindi na. Tulog, gamot, at tubig lang, okay na 'ko."

Bonus kung may kasamang magfi-fix ng broken heart, pero jusko, next time na 'yon. Nanamnamin ko muna 'yung lessons nitong round . . . round ano na ba . . . ? Ng heartbreak from Deion.

Hay, ayaw ko na ng lessons, Lord! Gusto ko 'yung next, 'yon na. Ayaw ko na ng character development o kung anoman.

"Okay, pero tatanungin ko si Jo or Luke kung may gap sched nila ngayon," aniya habang nagsasalin ng kakukulo lang na tubig sa mugs namin. Napasimangot ako nang igaya niya sa kaniyang chocolate at gatas ang tinimpla para sa 'kin. Walang kape? "'Pag meron, sabihin ko dalhan ka ng pagkain."

Hindi na talaga need, pero I know better kaysa makipagdebate kay Je kaya tumango na lang ako. Kung may gusto siyang mangyari, gagawin niya talaga para mangyari. Walang powers ang brain cells kong tinutusta currently ng lagnat ko. "Akin na pala ang phone mo."

"Bakit?" takang tanong ko.

"Magse-set ako ng alarm," aniya bago damputin ang bell peppers sa pizza ko at i-shoot sa bibig niya.

Tinuro ko ang entrada ng kuwarto namin. "Ando'n lang 'yon, pakalat-kalat."

Pumunta si Je sa kuwarto para siguro kuhain ang phone ko. Binalik ko ang atensyon sa kinakain ko at pinilit na lunukin 'yon nang mapansin kong hindi ko nalalasahan. May lasa naman, pero medyo mapakla na sa bibig ko. Akala ko 'yung pizza ang problem pero nang inumin ko ang tinimpla ni Je para sa akin, gano'n din ang lasa.

Kainis talaga! Kung umuwi na lang ako nang deretso kahapon, e di sana mas na-enjoy ko pa 'tong pizza, wala akong lagnat, at makakapasok ako ngayon. Parang sunod-sunod na maling desisyon ang nangyayari sa buhay ko mula no'ng mag-college.

In-unlock ko ang phone ko na inabot sa 'kin ni Je pagbalik niya. Iaabot ko na sana ulit 'yon sa kaniya pagkatapos kong i-exit lahat ng running apps nang may mapansin ako sa gallery ko. Cake. 'Yung cake. Napairap na lang ako bago 'yon i-exit. Ide-delete ko kapag kaya ko na. Kaya ko na mamaya.

Tanda ko pa kung bakit parang sinagasaan ng kotse 'yung cake. Tanda ko rin na kinain ko 'yon. Natatandaan ko ring nagpaalam ako kay Je na male-late ako ng uwi kasi gawain ko namang ipaalam sa kaniya kapag gano'n. Tanda kong napainom ako pero hindi ko alam kung gaano karami.

Tapos . . . ? Ano na? Ang di ko matandaan ay kung paano ako nakauwi.

Kinapa-kapa ko ang sarili. Kompleto pa naman ako. Nakabihis pa ako ng pambahay. Nag-commute ba ako pauwi? Nagpasundo kay Jo? Nagpasundo kay—

Ay, puta. No. NO.

Pagbalik na pagbalik sa 'kin ni Je ng phone ko ay tsinek ko lahat ng messaging apps at call history ng phone ko. Nakahinga lang ako nang maluwag nang makitang wala akong kagagahang ginawa kagabi. My gosh, buti naman. Hindi ko kakayanin kung magsasabay-sabay ang lagnat, heartbreak, at kahihiyan.

Habang naliligo, pilit kong inalala kung ano'ng nangyari kagabi. Nakailang light pukpok na ako ng tabo sa ulo ko pero wala talagang rume-register na kahit anong memory. Hanggang sa paglabas ko habang nagbibihis at habang naghahanap si Je ng damit, wala pa rin talaga.

Ay, bahala na nga. Ang mahalaga, nakauwi ako nang ayos. Baka malakas lang ang guardian angel ko kaya ako nakauwi nang buhay kahit mag-isa.

"Nagpasundo ba ako kay Jo kagabi?" tanong ko kay Je. Pero di niya yata narinig dahil nakalabas na siya ng kuwarto kaya wala akong nakuhang sagot.

Bumalik ako sa pagkakahiga pagkatapos uminom ng gamot. Tsinek ko ang alarms na s-in-et ni Je sa phone ko—gamot every four hours, time sa pagkain, at alarm every hour para sa tubig. Good luck na lang kung magising ako para do'n sa huli.

Binisita ko ulit ang pictures sa phone ko, nagbabaka-sakaling may iba pa akong kinuhaan ng pictures at maalala ko kung ano'ng pinaggagagawa ko sa sarili ko kagabi. Kaso, ang meron lang talaga ay dalawang pictures ng cake na binigay sa 'kin ni Deion.

Matagal ko rin 'yung tinitigan bago i-delete.

* * *

Fail nang slight ang alarms ni Je. As expected, nakatulugan ko lang ang mga alarms para sa tubig. Nagising naman ako bandang alas-nueve at nakainom ulit ng gamot pagkatapos kumain ng biscuit, tapos natulog ulit. Mabuti nga't nagising ako bandang lunch.

Nagising nga ako pero at what cost? Ang bigat ng katawan ko. At wala pa ring mirakulong dumadalaw sa apartment kaya nang buksan ko ang ref, hindi nagbago ang laman—o ang kawalan ng laman—n'un. Kaya ko namang bumaba at maglakad papunta sa karinderya, pero sure akong kakaladkarin ko ang sarili ko para do'n.

Pero gusto ko na ring gumaling, so wala talaga akong choice. Itinali ko lang sa ponytail ang buhok ko at hindi na nagpalit ng damit. Pagkakuha ko ng wallet at pagkapatay ng fan sa kuwarto, ready na sana akong bumaba.

Nga lang, pagbukas ko ng pinto, umatake 'yung lagnat ko.

Sinarado ko ang pinto at huminga nang malalim bago iyon buksan ulit, in hopes na okay na 'yung ulo ko. Pero pagbukas ko, gano'n pa rin at walang nagbago.

Kinapa ko ang leeg at noo ko para pakiramdaman kung sobrang taas na ba ng lagnat ko to the point na nakakakita na ako ng mga bagay na wala naman talaga sa tapat ko.

Napapitlag ako at napatabi sa gilid nang alisin ni Deion ang loafers na suot niya sa labas ng apartment. "Puwede pumasok?"

"Puwede naman per—huy!" pagtawag ko sa atensyon niya kasi kung pumasok siya e parang kaniya 'tong apartment! Dere-deretso siya hanggang sa kusina. May nilapag siyang bag sa counter, ini-scan ng tingin 'yong kusina namin, tapos ay dumampot ng kutsara at tinidor sa makeshift dish rack namin ni Je.

My gosh, di ako nag-iimagine! Pero parang lalo lang sumakit ang ulo ko nang ma-confirm na real siya. Bakit siya nandito?!

Pagkatapos ay saka lang niya ako nilingon. Grabe, parang ako pa ang nahiya! Parang di niya first time dito a. "Ano?"

Tiningnan lang naman ako sa mata, pero parang nag-times ten ang lagnat ko at natunaw nang slight ang tuhod ko.

"M-Malamig ang sahig . . ."

Gaga! Di naman 'yon dapat ang sasabihin ko e! Natitigan lang, nagkagulo na agad ang mental dictionary?!

Bumaba ang tingin niya sa socks niya bago umiling. "Okay lang."

Anong 'okay'?! Walang okay dito, 'no!

Lumapit ako sa kaniya dahil mukhang nagbabalak pa siyang buksan ang pinto ng kuwarto namin ni Je. "Bawal lalaki rito," sabi ko. Bawal siya rito, specifically. At kahit hindi ko sure kung mukha pa ba akong matinong tao, hindi ko binitiwan ang tingin niya. Kaya ko rin 'yung ginagawa niya 'no.

"Bawal lang kapag lagpas 8 p.m. na," sabi niya, kalmadong-kalmado pa kaya mas nakakainis! At paano niya naman nalaman 'yon?

"Okay." Pinagkrus ko ang mga bisig ko sa harap ng dibdib. "Pero hindi ka pa rin puwede rito kasi hindi naman kita in-invite. Bakit ba nand—"

"Ang taas pa ng lagnat mo," aniya habang walang hiyang hinihilahod ang likod ng kamay niya sa noo at mukha ko. Pota. "Kumain ka muna. Sa kuwarto ka ba kakain?"

Bago pa ako makasagot ay nalagpasan na niya ako. Binuksan niya ang pinto ng kuwarto at mukha namang may hiya pa siya dahil hindi siya pumasok.

"Bakit ka nga nandito? Bumalik ka na nga kung sa'n ka man galing!"

Huminga siya nang malalim bago ako harapin. Lalo akong napasimangot nang makitang mukhang siya pa ang galit.

Nasapo ko ang noo ko nang pitikin niya 'yon, kahit hindi naman talaga masakit. "Aw!"

"Shit, sorry," aniya at agad na sinubukang alisin ang kamay kong nakataklob sa pinitik niyang spot.

Mukha naman siyang naalarma sa ginawa niya kaya dinramahan ko pa. Humakbang ako paatras at iniwas ang noo ko sa kaniya para alisin niya 'yung kamay na nakahawak sa 'kin. Kainis talaga.

Nagbuntonghininga siya ulit. Binaba ko ang kamay ko. "Bakit ka nga nandito?" tanong ko. Di ko alam kung sinasamaan na naman ba ako ng pakiramdam o bumabalik lang 'yung bigat sa dibdib ko na kagagawan niya. "Umuwi ka na, please. Gusto ko nang mag-move on," deretsa kong sabi.

Wala akong pakialam kung ite-take niya 'yon seriously or kung sa tingin niya ay expression lang 'yon dahil hindi rin naman totoo 'yung break-up namin.

"Bakit? Hindi mo na ba ako love?"

"Ha?" tanong ko dahil hindi ko sure kung tama ang pagkakarinig ko sa huling sinabi niya. Pumasok na kasi siya sa kuwarto at humina ang boses kaya baka—kaya sure akong mali ang narinig ko. Asa namang love 'yung sinabi niya. Unless namatay na ako sa lagnat at afterlife ko 'to, mali ako ng dinig.

Itinabi ni Deion sa isang gilid ang laman ng tuktok ng maliit na plastic drawer sa tabi ng kama ko. Pinatong niya roon ang bag na dala niya. "Hindi mo na ba ako friend?" ulit niya.

Di ko alam kung nakahinga ako nang maluwag do'n o lalo lang ako nabuwisit. Bakit naman ako makikipag-friend sa ilang beses ko nang naging ex pero di ko pa naman nagiging jowa?!

"Aalis din ako, promise," dagdag niya habang nakatalikod sa 'kin. Narinig ko ang pagbukas ng zipper ng bag. Lumapit ako sa fan at binuksan agad 'yon dahil baka pagpawisan pa ang mahal na prinsipe. "Kumain ka lang, aalis na ako."

Ako naman ang huminga nang malalim. Hay naku, Jerica. Pasalamat ka mahal kita as a friend dahil kung hindi, naku talaga. Nanggigigil ako! Bakit niya ni-lure dito 'tong paasang 'to?

"Okay, basta aalis ka agad." Di na ako nagtanong kung paano niya nalaman ang sitwasyon ko. Sure na akong dahil kay Je.

Hinila ko ang monobloc na nasa kusina at dinala sa kuwarto dahil baka mangalay ang prinsipe. Pagkatapos, umupo ako sa kama. Naaamoy ko naman 'yung sinigang na dala niya, at amoy masarap, pero sure akong mapakla na 'yon pagdating sa dila ko.

"Kung kakain ka agad, okay."

Umirap na lang ako. Pag-upo ni Deion sa monobloc ay nakahain na ang dalawang maliit na glass Tupperware sa drawer ko. May isang banig din ng gamot. May sandwich siyang hawak at 'yon ang kinagatan niya. 'Yon lang ang kakainin niya?

Umiling-iling ako para mawala ang thought. Ano naman? Pakialam ko ba. Kahit 'yang takip ng Tupperware pa ang kainin niya, bahala siya sa buhay niya.

Dinampot ko ang kutsara at unang tinikman ang ulam. Tama nga akong wala akong malalasahan masyado. Nilingon ko si Deion na alam kong pinanonood pa akong akong parang isang show sa TV.

Inirapan ko siya bago ko simulang kumain. Tahimik lang naman siya sa puwesto niya habang nililibot ang tingin sa kuwarto namin ni Je pagkatapos niyang ubusin 'yung sandwich. Hindi siya nag-bring up ng kahit na ano. Hindi 'yung nangyari sa org room, hindi 'yung gift niya no'ng birthday ko. Nahuhuli ko lang siyang minsang tumitingin sa 'kin pero iiwas din.

"Sa'n 'to galing?" tanong ko, tukoy sa pagkaing dala niya.

"Bahay."

"Bahay niyo? Umuwi ka?"

"No. Condo."

"Ikaw nagluto?"

Tumango siya.

Napalunok ako.

Bakit ba laging wrong timing?

May pa-cake siya kung kailan nagsasawa na ako. Ngayon naman may dala siyang pagkain na siya ang nagluto kung kailan gusto kong mag-move on. At marami pang bagay na nangyari lang kung kailan ayaw ko na siya maging crush. Kung kasama namin 'yung me two years ago, baka nag-iikot na 'yon sa kama sa kilig.

"Walang lasa," sabi ko.

Umangat ang dalawang kilay niya na parang nabigla. Hinigit niya palapit ang monobloc chair sa drawer.

"Huy," nasabi ko na lang nang bigla niyang agawin ang kutsarang gamit ko. Hindi niya ako pinansin at tinikman ang dala niyang pagkain, tapos binalik 'yung kutsara sa 'kin na parang walang nangyari!

"May lasa naman. Baka dahil may sakit ka kaya wala sa 'yo," aniya bago kuhain ang tumbler sa gilid ng bag niya at uminom ng tubig. Ang lalaking 'to!

"May sakit ako, dapat di mo ginamit 'yung k-kutsara ko." Tumikhim ako. Tatayo ba ako at papalitan 'to?!

"Di ako mamamatay diyan," simpleng sagot niya. Nainis tuloy ako lalo kasi di man lang siya mukhang affected. Pambata ba masyado 'yung mailang sa indirect kiss? "Kumain ka na. Gusto mong umalis na ako, di ba?"

Ano pa nga ba ang nagawa ko kundi sumunod? Sutil din ang isang 'to, so kung babagal-bagal pa ako, baka ma-late din siya sa classes niya.

Hindi siya umalis agad pagkatapos kong kumain. Hinintay niya pang tumawid ng lalamunan ko 'yung gamot na dala niya, nagi-guilty siguro na dahil sa kaniya kaya ako brokenhearted ngayon. Kung aware man siya, ha. E bato yata ang lalaking 'to sa sobrang dense.

"Handouts kanina," aniya at may nilapag na mga papel sa kama pagkatapos kong uminom ng gamot. "May kailangan ka pa ba? Kukuhanin ko na habang nandito pa ako."

"W-Wala. Umalis ka na nga." Sinipat ko ang mga papel na dala niya, para sa History at Arts pala. Inangat ko ang tingin sa kaniya nang mapansing di pa rin siya umaalis sa puwesto niya. "Ano? Alis na. May pasok, di ba?"

Anong karapatan niyang tingnan ako nang ganiyan? Hindi mabuti para sa literal na healing space ko ngayon. Hindi ko muna kailangan ng concern niya. Concerned ako sa sarili ko; sapat na 'yon.

Lumapat ulit ang likod ng palad niya sa noo ko. Gusto ko nang sakalin kung sinomang version ko ang nabubuhay sa loob ko at laging affected dito kay Deion dahil napakaharot ng gaga. Kamay pa lang—likod nga lang ng kamay!—parang inasinang bulate na.

Ayaw ko na. Marami pang fish in the sea. Makakahanap din ako ng ganito, baka nga mga mas pa ang for me. Mas matangkad, mas mabango, mas matalino, mas guwapo.

"Maputla ka pa."

Mas attentive.

"Masakit pa ba ang ulo mo? Ano bang gamot mo kapag nilalagnat? Bibili muna ako bago bumalik."

Mas maasikaso.

"'Wag mo munang pansinin 'yang dinala ko. Kapag magaling ka na o kapag bumaba na 'yang lagnat mo saka ka mag-catch up."

Mas malalahanin.

"Billie?"

"Umalis ka na nga," sabi ko at nauna nang lumabas ng kuwarto para mapilitan siyang sumunod. Ganoon nga ang ginawa niya.

Inirapan ko lang siya nang mapansin kong binabagalan niya yata talaga magsuot ng sapatos. Magsusuot na lang patingin-tingin pa! Paandar talaga nito. Saraduhan ko siya ng pinto at ipitin ang daliri niya e.

Pagsasarhan ko na siya ng pinto pagkatanggal na pagkatanggal ng kamay niya sa hamba ng pintuan nang pigilan niya 'yon agad. Ano na naman ba? "Okay ka na?"

"Nilalagnat lang ako, ano ba? Akala mo naman paglalamayan na ako bukas."

"Tsk."

"Tsk ka diyan." Pinandilatan ko siya ng mata kaya nawala ang singhal sa mukha niya. Naitikom niya ang bibig bago tumango. "Alis na."

"Okay," parang labag sa loob niyang sabi bago umalis sa harap ko.

"Ingat."

Ako yata ang nahilo sa bilis ng paglingon niya sa 'kin. Lumalim lang lalo ang kunot ng noo ko nang ngitian niya ako. Nginingiti-ngiti nito? Bawal siyang ngumiti! "Okay."

Sinara ko nang bahagya ang pinto. Hindi ko pinababayaang totally bukas dahil parang ang welcoming naman ng apartment namin sa mga masasamang loob, at hindi ko naman maisara nang tuluyan dahil iinit. Sinilip ko si Deion sa siwang at pinanood siyang sumakay sa sasakyang naka-park sa harap.

Bumalik ako sa kama ko pagkatapos mag-toothbrush. Dahil sa lagnat kaya mainit ang mukha ko.

Sana.

* * *

Katatapos ko lang mag-half bath nang makauwi si Je. Kahit mabigat pa ang pakiramdam ng katawan ko, pinilit ko talagang magmukhang okay dahil ayaw ko siyang mag-worry. Saka hindi naman sa gusto ko nang pumasok bukas, dahil kung puwede lang talagang paggising ko ay graduate na 'ko'y ginawa ko na, pero kailangan. Lalo lang akong nase-stress kapag naiisip 'yung mga nami-miss kong lecture at lab time. Laking sayang.

"Di pa masyadong bumababa lagnat mo," sabi ni Je pagkatapos hugutin ulit ang thermometer galing sa kilikili ko. "Uminom ka ng gamot?"

"Yes, Ma," pabiro kong sabi bago umupo sa usual kong puwesto kapag kumakain kami. Umiling lang siya sa 'kin bago umupo sa tapat ko. "At traydor ka, ha? Dami-dami mong puwedeng gawing messenger, si Deion pa talaga."

"Ano naman? Boyfriend mo 'yon."

Lalo lang pumait sa dila ang kinakain ko. Nag-mental note ako na ako ang sasagot ng dinner sometime this week as payment. "Break na nga kami. Alam ko na 'yung kay Luke, so no use na si Deion."

Napatigil siya sa pagnguya. Kumunot ang noo niya. "Break na kayo? Parang hindi naman."

Inambahan ko siyang babatuhin ng calamansi. Natawa lang siya. Bakit ba walang kumakampi sa 'kin? Nagmu-move on ako o! Dapat ang natatanggap kong mga linya ay, 'dapat lang', or 'good for you', or 'may better pa diyan', or kahit 'good luck' na lang! O sana man lang laitin nila si Deion para di ko feel ang panghihinayang or pagka-broken!

"Anong 'parang hindi'? Wala akong feelings, 'no. MWF kami."

"Anong MWF? May schedule kung kailan kayo?"

"Mutually Walang Feelings."

Hindi naman 'yon nakakatawa pero ang lakas ng tinawa ni Je. Medyo rare sight kaya hindi ko na sinita. Grabe, ang makakapagpatawa lang pala sa kaniya nang ganito ay dilemma ko sa love life? Anong klaseng kaibigan 'to?

"Okay, sabi mo e."

"Wala nga kasi," pilit ko pero parang wala na siyang naririnig. Ano ba 'yan. Wala nga!

After naming kumain, nagpaka-busy na ulit si Je. Ako, gusto ko na ulit bumalik sa tulog sa kuwarto pero hindi pa natutunaw ang kinain ko kaya nag-stay akong nakatayo sa may pintuan para magpababa ng kinain at magpahangin.

"Send ko pala sa 'yo 'yung deadlines at announcement sa Messenger," sabi ni Je habang nakaharap sa laptop niya. Nag-ping agad ang phone ko dahil sa message niya.

Napatanga ako sa phone ko nang mag-load ang s-in-end niyang dalawang pictures. True, announcements naman talaga 'yon at updated deadline list na initiative ng class, pero may kasama!

Di ko alam kung bakit may nakatayong Deion sa tabi ng announcement. Parang pinilit pa nga siyang picture-an ng nanay dahil ang lala ng simangot niya sa camera at tuwid na tuwid ang tindig sa harap ng whiteboard.

Nilingon ko si Je. "Kay Mark galing 'to 'no?" Una, hindi papayag si Deion sa ganito. Pangalawa, hindi rin papayag si Je na may nakaharang sa pini-picture-an niya. Pangatlo, si Mark lang ang puwedeng pumilit nang ganito kay Deion.

Nagkibit-blaikat lang si Je sa 'kin. Ugh. Ayaw ko na talagang magkasakit! Lalo akong napagtutulungan.

C-in-rop ko na lang ang picture para 'yung announcement lang na nakapaskil ang nasa phone ko. Naiuntog ko na lang ang likuran ng ulo ko sa pinto nang mag-ring ang phone ko.

Ang ganda pa ng timing ng tawag ni Deion. Parang alam na siya ang topic dito.

Hindi ko 'yon sinagot. After ilang rings, g-um-ive up din naman siya. Naghintay akong tumawag ulit pero hindi na dumating.

May nag-ring ulit . . . pero hindi na phone ko.

Pinanliitan ko ng mga mata si Je na kadadampot lang ng phone niya. "Hello?" sagot niya sa tawag, sa 'kin nakatingin.

Sabi na dapat hindi ko siya hinayaang makalapit kay Deion e. Magkakasundo sila. Paano na ako?

After ilang 'oo' at 'okay' ni Je, binaba niya rin ang tawag. "Traydor ka," sabi ko.

Natawa siya nang mahina bago bumalik sa ginagawa. "Worried lang sa 'yo 'yon."

Hindi na nabura ang simangot ko. Worried niya mukha niya. "Paasa siya."

Nagkibit-balikat si Je. "Do'n ako sa kung kanino ka safe. At least naiuwi kang safe kagabi."

"Ano?"

Bago ko pa siya matabihan sa puwesto niya at ma-interrogate ay naisalpak na niya ang earphones sa tainga. Ilang beses ko siyang kinulit pero hindi talaga siya sumagot.

Nag-agaw ang init ng lagnat ko at panlalamig ng daliri ko sa kahihiyan, iniisip pa lang kung ano'ng ginawa ko kagabi. May kutob akong hindi ko magugustuhan kung anoman 'yon.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro