Kabanata 1 - Once Upon a Dream

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 1]

Paano kung nabubuhay tayo sa loob ng isang Fairytale?

Madalas kong itanong iyan sa sarili ko. Minsan ko na rin naitanong sa aking mga magulang noong bata pa ako pero ni isa amin ay walang nakasagot. Ang sabi nila, malabo raw mangyari iyon. May mga bagay na nag-uumpisa at natatapos lang sa imahinasyon. Hanggang kathang-isip lang. Napakalayo at imposibleng maging totoo.

Dahan-dahan akong lumingon sa gawing kanan kung nasaan ang bintana. Alas-otso pa lang ng gabi ngunit kitang-kita ko na ang liwanag ng buwan. Naitatanong ko rin minsan kung bakit hindi pwedeng laging buo na lang ang buwan? Bakit kailangan maging kalahati ito?

Bakit hindi pwedeng magkaroon ng maayos na buhay ang taong nahihirapan? Bakit hindi pwedeng magawa ng tao ang mga gusto niya gawin? at bakit hindi pwedeng mabuhay ng matagal ang mga taong gusto pang mabuhay?

Hindi ko namalayan na muli akong dinadala ng liwanag nito sa kawalan na para bang kilala ko siya. Hindi natin nagagawang titigan ang araw pero posible iyon sa buwan. Minsan tinatanong ko siya, kung napapagod ba siya magbigay ng liwanag sa gitna ng dilim?

Sinubukan kong igalaw ang aking mga kamay ngunit hindi ko na ito maramdaman. Ang sabi ni mama, kapag hindi ko raw magalaw ang aking katawan, huminga lang ako nang malalim ng sampung beses at subukan ko ulit.

Ipinikit ko ang aking mga mata at nagsimulang huminga nang malalim. Napatigil ako sa ikaapat na bilang nang marinig ang isang paborito kong musika. Once Upon a Dream ni Lana Del Rey, music box ang instrumentong naririnig ko mula sa malayo na unti-unting lumalapit.

Mula pagkabata, paborito ko na si Princess Aurora ng The Sleeping Beauty. Bukod sa kapangalan ko siya, pareho rin kaming dalawa. Parehong mahina, malungkot, nakakulong at nakahiga sa kama ng mahabang panahon.

Sa tuwing nanghihina ako at umiiyak habang yakap ni mama, palagi niyang kinakanta sa akin ang kantang iyon. Ngunit may mga pagkakataon na hindi na niya nagagawang kumanta nang maayos lalo na kapag sumasalang ako sa chemotheraphy. Hindi niya rin natatapos ang kanta kapag narinig niya na hindi ko na kaya. Ayokong sumuko pero hindi ko na rin kayang makita sila na nahihirapan sa pag-aalaga sa akin.

Iminulat ko ang aking mga mata, hindi ko masyado makita si mama. Malabo ang kaniyang mukha. Napansin kong hawak niya sa isang kamay ang musix box na regalo nila sa'kin noon at isa niyang kamay ay mahigpit na nakahawak sa kamay ko ngunit hindi ko maramdaman.

Sinubukan kong magsalita pero walang boses na lumabas sa bibig ko. Katulad ng dati ay hindi ko mapigilan ang panghihina at panlalamig ng aking buong katawan. Naaaninag ko lang ang mabagal na paggalaw ng paligid. Maging ang boses ni mama at ang musika ay hindi ko na masyado marinig.

Isa-isang dumating ang mga nurse at ang doctor. May dala silang mga medical apparatus na halos kakambal na rin ng buhay ko. Labing-apat na taon na ang nakararaan mula nang una akong ma-diagnose ng Acute Lymphocytic Leukemia.

Apat na taong gulang pa lang ako nang una kong marinig ang sakit na iyon. Wala akong maintindihan bukod sa palaging sinasabi ni mama na hindi ako pwedeng maglaro sa labas, bawal akong mapagod, maraming bawal na pagkain, hindi pwedeng magpuyat at hindi ako pwedeng pumasok sa school.

Ang sabi ko kay mama, kung lalaban ako. Kung susundin ko ang lahat ng sasabihin niya. Kung magpapakabait ako taon-taon kahit hindi na ako bigyan ng regalo ni Santa Claus. Baka pwede na nila akong payagan ni papa na maglaro sa labas at makapasok sa paaralan.

Hindi ako sumuko hanggang sa gumaling ako bago sumapit ang aking ika-walong taong kaarawan. Ngunit wala namang halos nagbago, hindi pa rin ako makalabas, hindi pa rin ako pwedeng kumain ng kung anu-ano, bawal pa ring magpuyat at hindi pa rin ako pwedeng pumasok sa school dahil hindi ko raw kakayanin.

Sunod kong naaninag si papa, agad niyang hinawakan ang kamay ko at pinatahan si mama sa pag-iyak. Alam kong gusto niya akong yakapin pero abala na ang mga nurse at doctor. Gusto ko rin siya tawagin, gusto kong sabihin na okay lang ako at tulad ng dati ay makakauwi ulit kami. .

Hindi nagkulang si papa sa lahat para sa amin ni mama. Binibigay din niya ang mga materyal na bagay na hindi makakaapekto sa kalagayan ko. Mula pagkabata ay hindi ko naranasan ang mga bagay na nagagawa ng mga karaniwang bata na kasing edad ko.

Nakapag-aral ako ngunit hindi ko naranasan magkaroon ng mga kaklase at pumasok sa isang paaralan. Home School ang naisip na solusyon ni papa. Ngunit wala akong magawa, alam ko naman na ginagawa rin nila ang lahat para sa akin. Kailangan ko ring tulungan ang aking sarili, hindi sa lahat ng pagkakataon ay ang gusto ko ang dapat masunod lalo na kung ikakapahamak ko lang ito.

Ang tanging naging sandigan ko sa loob ng mahabang panahon sa ospital at sa bahay ay ang pagbabasa ng mga libro. Mga aklat na naglalaman ng iba't ibang mundo. Ito ang naging libangan ko, marami na akong narating na bansa, panahon at mundo mula sa pagbabasa.

Ngunit nararamdaman ko na hindi na iyon mangyayari pa. Imposibleng marating ko ang mga magagandang lugar na nababanggit sa mga paborito kong kwento.

Akala namin ay hindi na babalik ang sakit kong ito. Labing-tatlong taong gulang ako nang una akong magkaroon ng menstruation. Hindi normal ang aking pagdurugo hanggang sa maging tahanan ko muli ang ospital.

Mabuti pa si Princess Aurora, naranasan niyang mabuhay tulad ng iba. Marami siyang kaibigan kahit halos lahat sa mga iyon ay mga ibon at usa sa kagubatan. Mabuti pa siya, nahimlay man siya nang matagal sa kama, nagising din siya sa huli at naging masaya ang kaniyang buhay.

Nakahiligan kong magbasa upang maranasan ko ang lahat ng iyon. Kahit kathang-isip lang, kahit hindi totoo, kahit papaano ay naranasan kong maging bahagi ng mga akdang nabasa ko.

May mga ikinabit sa katawan ko na hindi ko na hindi ko na napansin dahil nakatingin ako kina mama at papa na ngayon ay magkayakap na umiiyak. Malabo man sa aking paningin, natatakot ako sa bawat pagpatak ng segundo na baka hindi ko na matawag pa ang kanilang pangalan.

Hindi ko gustong iwan sila. Hindi ko gustong sumuko. Ngunit nahihirapan na rin ako. Napapagod na makitang umiiyak sila sa tuwing nakikita ang kalagayan ko. Hindi ko na kaya. Hindi ko na kayang makitang nahihirapan sila nang dahil sa akin.

Sinubukan kong itaas ang aking kamay upang abutin ang aking mga magulang na nakasama ko sa loob ng labing-walong taon. Silang dalawa lang ang aking naging kaibigan, kaaway, kasama, kalaro at sandalan.

Sa huling pagkakataon, bago ako umalis, gusto kong malaman nila na nagpapasalamat ako sa lahat ng ginawa nila para sa akin. Gusto ko ring humingi ng tawad dahil marami silang naisakripisyo, madugtungan lang ang buhay ko. Hindi sila nawalan ng pag-asa.

Tuluyan ko nang hindi maramdaman ang aking buong katawan. Bago ko ipikit ang aking mga mata ay nakita kong pilit na kumakawala si mama sa pagkakayakap kay papa. May sinasabi rin ang mga nurse habang nagbibigay ng gagawin ang doktor. Lahat sila ay nagmamadali, tanging ako lang ang nakakapansin kung gaano kabagal ang pagpatak ng oras.

Sa kabila ng lahat ng nangyayari, naalala ko ang isa pang kaibigan na lagi kong nakikita mula sa madilim na langit. Masaya ako kahit papaano na ito ang huli kong makikita bago magdilim ang paligid. Ngunit nanghihinayang ako dahil hindi ko man lang naabutan ang kabilugan ng buwan. Palagi itong kalahati, palaging walang kasiguraduhan.


DAHAN-DAHAN kong iminulat ang aking mga mata. Napapikit ako sa liwanag ng isang magarbong chandelier sa kisame. Napahawak ako sa aking ulo at bumangon. Hindi ko alam kung bakit nakahiga ako sa makintab na sahig na gawa sa kulay pulang marmol.

Napatingin ako sa paligid, hindi ko alam kung nasaan ako ngunit pakiramdam ko ay nasa malaking library ako. Matataas ang mga bookshelves sa paligid, punong-puno ito ng iba't ibang klase ng libro.

Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang kisame. May painting ang kisame, mga ulap, langit, buwan, araw at bituin. Muli kong pinagmasdan ang buong paligid. Parang walang katapusan ang laki nito. Nagsimula akong maglakad, hindi ko mahanap ang dulo. Walang pinto o dingding.

Hindi natatapos ang helera ng mga bookshelves na sa sobrang taas ay abot na sa second floor. Napatingin ako sa suot ko, kulay blue na hospital gown, wala rin akong suot na tsinelas.

Sandali akong napatitig sa paa ko. Sinubukan kong ihakbang muli ito, ginalaw ko rin ang aking braso. Wala akong maramdaman na pamamaga o sakit. Hindi ako pamilyar sa ganitong pakiramdam pero wala akong kirot at hapdi na nararamdaman.

Napatigil ako nang marinig ko ang mabagal na hakbang. Malinaw ang tunog ng bawat bagsak ng sapatos sa marmol na sahig. Inilibot ko ang aking mga mata hanggang sa mapatigil ako nang makita ang isang matangkad na lalaki, nakatalikod ito sa akin at nakaharap sa isang malaki at mataas na bintana.

Napakurap ako ng dalawang beses. Wala akong nakitang bintana o dingding kanina sa paligid. Nanatiling nakatalikod ang lalaki, nakasuot ito ng kulay asul na coat. Mahaba ang coat na abot hanggang sa tuhod niya.

May suot din siyang itim na sumbrero, itim na pantalon at pares ng itim na bota. Nakalagay ang dalawang kamay niya sa kaniyang likuran. Hindi siya gumagalaw habang nakatingin sa bintana at pinagmamasdan ang third quarter moon na nagliliwanag sa gitna ng madilim na gabi.

"Sa palagay mo, bakit hindi pwedeng laging buo ang buwan?" wika niya habang nakatalikod pa rin sa akin. Napatingin ako sa paligid, hindi ako sigurado kung ako ba ang tinanong niya. Naramdaman niya siguro na may tao sa likod.

"Ngayon tuloy napaisip ako kung bakit dahil sa tanong na 'yan" patuloy niya na para bang pilit na iniisip kung ano ba ang sagot. Lumingon siya sa'kin dahilan para hindi ako makagalaw sa gulat.

"Kumusta, Aurora?" saad niya dahilan para mapakurap ako ng dalawang beses. Naguguluhan pa ako sa nangyayari ngayon. Hindi ko alam kung anong lugar ito, kung bakit ako narito, at kung sino siya.

"P-paano mo nalaman ang pangalan ko?" napalunok ako sa kaba. Ang huli kong natatandaan ay nag-aagaw buhay na ako sa ospital.

Tinuro niya ang damit ko dahilan para gulat akong napatingin sa suot kong name tag. Kailan pa nagkaroon ng name tag ang mga pasyente sa ospital? Wala akong matandaan na may ganito ako.

Tinanggal ko ang suot kong name tag saka tumingin sa kaniya ngunit napatigil ako. Hindi ko namalayan na napatulala na lang ako sa kaniya. Iilan lang ang mga may hitsurang lalaki na nakita ko. Ilan sa kanila ay mga doktor sa ospital kung saan ako dinadala. Ang ilan naman ay mga artista na sa TV ko lang nakikita. At isa na rin ang mahiwagang lalaking ito na hindi ko alam kung sino.

Maputla ang kulay niya pero bagay naman iyon sa kaniya. Maganda ang kaniyang mga mata na kulay itim, makapal ang kaniyang kilay at matangos ang ilong. Hinubad niya ang suot na sumbrero at ipinatong iyon sa tabing mesa. Ash gray ang kulay ng kaniyang buhok.

"Siguro ay nagtataka ka kung nasaan tayo ngayon," wika niya saka sumandal sa bintana at isinuksok niya ang kaniyang dalawang kamay sa bulsa ng kaniyang coat.

Napaisip ako sa sinabi niya. Hindi ko alam ang isasagot ko. Pinagmasdan ko muli ang paligid, nalulula ako sa dami ng libro. Idagdag pa ang napakagandang painting sa kisame na halos hindi ko rin makita ang dulo niyon."N-nasa langit na ba ako?" 

Napatingala ang lalaki sa mga libro saka tumango ng ilang ulit, "Langit nga itong matuturing ng mga mahilig sa libro na tulad mo." Napatingin muli ako sa kaniya. Ngumiti lang siya. Siya ang tipo na parang madaling magkaroon ng kaibigan kahit saan siya dalhin.

Hindi ako kumbinsido sa sinabi niya. Hindi rin ako sanay na kumausap ng ibang tao pero sa puntong ito ay wala akong ibang mapagtatanungan. "Nananaginip lang ba ako?" tanong ko muli sabay turo sa aking sarili. Madalas kong mapanaginipan ang mga istoryang nababasa ko pero wala pa akong nabasang ganito.

May kinuha ang lalaki sa loob ng kaniyang coat. Kulay pulang bookmark. May binasa siya roon saka tiningnan ako mula ulo hanggang paa na para bang sinusuri niya ako. Napakagat siya sa kaniyang labi, "May mga tanong ka na hindi ko masasagot dahil hindi ko rin alam. May mga bagay na hindi mo rin pwedeng malaman kaya hindi ko pwedeng sabihin," tugon niya saka tinapat sa'kin ang bookmark na para bang nag-papainting siya.

"Sa totoo lang, hindi ko alam ang dahilan kung bakit narito ka. Kadalasan, mga karakter sa kwento na nalilihis ng landas ang inaayos ko. Hindi ka naman karakter kaya... hindi ko alam." Ibinalik niya sa loob ng coat ang red bookmark.

Lumingon siya bintana at tiningnan muli ang buwan, "Naguguluhan na nga rin ako, e. Nagtatagpo na ang mundo ng mga tao at ang mundo ng mga kathang-isip na kwento. Hindi dapat mangyari iyon" napapailing siya habang sinasabi ang mga salitang iyon.

Nagulat ako nang muli siyang lumingon sa akin, at nang ngumiti ay hindi ko na alam ang dapat kong maramdaman. Wala akong naging kaibigan. Hindi ko alam kung paano makipag-usap nang maayos sa ibang tao.

"Pumili ka ng apat na libro." Wika niya sabay halukipkip.

Napakurap ako ng dalawang beses at nagtatakang napatingin sa kaniya. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Magpapa-give away ba siya ng libro?

"Sige na. Pumili ka na. Walang bayad 'to" ngiti niya. Sumasali rin ako sa mga online book giveaways kaya lang hindi ako nananalo. Pakiramdam ko tuloy nasa isang variety show kami at ako ang contestant.

"Kahit anong libro. Ah, ano ba ang mga paborito mo?" patuloy niya, naglakad siya patungo sa pinakamalapit na bookshelf at kumuha ng libro roon.

"M-matagal na akong hindi nakakapagbasa. Mula nang lumala ang sakit ko. Ilang buwan na rin" sagot ko, napahawak ako sa aking braso, nilalamig na ako. Malamig din ang sahig, wala pa akong tsinelas.

Tumango ng ilang ulit ang lalaki na para bang naiintindihan niya ang pinagdaraanan ko. Ibinalik niya ang librong kinuha niya saka muling tumingin sa'kin. "Sige. Alam ko naman ang mga paborito mong libro, lahat ng tao ay may paboritong bagay. Madali kong nalalaman iyon." Ngiti niya saka naglakad papalapit sa akin.

Hindi ko alam ang aking gagawin, napapahakbang na lang ako paatras dahil papalapit na siya. Ngunit tumigil siya, limang hakbang ang layo namin sa isa't isa. "Wala kang paboritong genre, lahat binabasa mo. Kaya ang mga librong ito ang paborito mo sa lahat, hindi ba?" saad niya sabay turo sa mesa na nasa pagitan naming dalawa.

Nanlaki ang mga mata ko sa gulat dahil sa isang iglap lang ay hindi ko namalayan na may mesa na sa gitna namin. Maaayos na nakapwesto rin doon ang mga librong paborito ko. Iba-iba ang genre ng mga iyon.

Hinawakan ko ang mga libro, totoo nga ito. Gulat akong napatingin sa kaniya, "S-sino ka? Paano mo nagawa 'to?" naguguluhan na ako, hindi niya rin ako binibigyan ng matinong sagot.

Ngumiti siya saka pumikit at umiling, "Gusto kong magpaka-mysterious. Private akong nilalang. Hindi ko muna pwede sabihin... sa ngayon" ngisi niya na para bang nakikipag-biruan sa akin.

"Pero mabait ako at matulungin. Tutulungan kita" patuloy niya na para bang kinder ang tingin niya sa'kin at aalukin ako ng candy para magtiwala sa kaniya.

Ngayon ko lang din napansin na may kakaiba sa mga mata niya, nagiging kakulay ito ng buwan sa tuwing natatamaan ng liwanag ng buwan mula sa bintana.

"Tutulungan mo akong gumaling sa sakit ko?" bata pa lang ako, naniniwala na ako sa mga guardian angel, fairy god mother, at genie gaya ng mga nababasa ko sa mga fairytales.

"Kung kaya ko lang, bakit hindi? Pero wala akong kakayahan magpagaling ng sakit ng tao. Ang kaya ko lang gawin ay ang tulungan kang matupad ang iyong kahilingan na makapasok sa mundo ng mga paborito mong nobela. Hindi ba't gusto mong maranasan at mapuntahan ang mga lugar sa mga akdang nabasa mo?"

Hindi ko namalayan na napatango ako sa sinabi niya. Matagal ko na ngang hinihiling ito. Na kahit sa libro lang ay maranasan kong maging normal na tao.

Isa-isang tinuro ng lalaking iyon ang mga librong nakapatong sa mesa. "Saan mo unang gustong pumunta? Aba! May paborito ka ring horror novel. Ayoko pumupunta roon, mga pasaway at magugulo sila. Gusto mo bang palitan na lang natin 'to? Dalawang Action novel na lang para may bakbakan!" ngiti niya sabay kuha ng librong iyon na gusto niyang palitan ko. Para siyang batang mahilig sa baril-barilan.

Napatitig ako sa kaniya, hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyayari. Isa-isa kong tiningnan muli ang walong libro na paborito ko. Magkakaiba ang genre ng mga ito.

Napabuntong-hininga na lang siya saka ibinalik sa mesa ang horror novel na isa sa mga paborito ko. "Ikaw naman ang masusunod. Basta 'wag mo akong sisisihin kapag natakot ka na sa loob ng kwentong 'yan." Saad niya na para bang gusto niyang makonsensiya ako at pumayag na alisin na lang ang horror novel na iyon.

"Ibig sabihin, panaginip nga ito?" ulit ko, ngumiti muli siya sabay pikit ng kaniyang mga mata at umiling habang nakalagay ang dalawa niyang kamay sa kaniyang likuran.

"Kung hindi 'to panginip. Anong lugar 'to? Bakit okay ang pakiramdam ko? Hindi ako nakakatayo nang ganito katagal."

"Hindi ito panaginip kahit natutulog lang ang katawan mo sa ospital. Kinuha ko lang sandali ang iyong kaluluwa" sagot niya na ikinagulat ko. Halos walang kurap akong nakatingin sa kaniya.

"Ikaw si Kamatayan?!" hindi ko nakontrol ang aking boses dahil sa pagkagulat. Kinuha niya ang kaluluwa ko!

Napakunot ang noo ko nang tumawa siya, "Hindi ako si kamatayan. Wala silang mukha. May mukha ako, tingnan mo." Tawa niya sabay turo sa mukha niya. Napapikit ako, siguradong nililinlang lang ako ng nilalang na ito. Bakit niya kukunin ang kaluluwa ko kung hindi siya si kamatayan?!

Napatikhim siya, nang imulat ko ang aking mata ay wala na ang mesa sa gitna namin. "Sabagay, hindi rin kita masisisi. Hindi ko naman dapat kukunin ang kaluluwa mo, kaya lang mahina ang katawan mo. Hindi mo kakayanin ito."

Hindi ako nakapagsalita. Sa sobrang hina ng katawan ko, hindi ko nagawang maramdaman ang mga kamay nina mama at papa. "Sige. Ganito na lang. Para maniwala ka sa'kin, sumama ka na sa'kin sa unang libro na ating pupuntahan."

Umiling ako sa sinabi niya, "Hindi. Paano kung niloloko mo lang ako? Paano kung dalhin mo ako sa kabilang mundo?"

"Oo. Sa mundo ng mga libro."

"Ang ibig kong sabihin, siguradong dadalhin mo ako sa impyerno dahil ikaw si kamatayan."

Natawa na naman siya sa sinabi ko. Mapuputi at pantay-pantay ang kaniyang mga ngipin. "Talagang sa impyerno? Ayaw mo ba sa langit?"

Napaisip ako sa sinabi niya, makakapasok naman kaya ako sa langit?

Napatikhim siya saka muling humakbang papalapit sa akin. "Dadalhin kita sa mundong minsan naging bahagi ng iyong imahinasyon. Handa ka na ba?" wika niya saka inilahad ang kaniyang palad sa tapat ko.

Napailing ako at humakbang paatras. "Hindi ako sasama sa---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil itinaas niya ang kaniyang kamay at pinalagitik ang kaniyang daliri.

Sa isang iglap lang ay nasa ibang lugar na kami. Maaliwalas ang kalangitan at maingay ang paligid. Inilibot ko ang aking mga mata, nasa labas kami ng isang malaking paaralan. Sunod-sunod ang pagdating ng mga kotse na tumitigil sa tapat ng paaralan. Bumababa mula roon ang mga estudyanteng lulan niyon.

"Nasaan tayo?" gulat kong tanong sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang mapagtanto ko na nakasuot din ako ngayon ng school uniform na kapareho ng mga babaeng estudyante. White polo shirt, maroon mini skirt, maroon coat, white high socks at black shoes ang suot ko. May suot din akong black backpack at may hawak akong expensive coffee.

"Anong nangyayari?" gulat kong tanong at tinitigan ko ang hawak kong kape. Laking gulat ko nang makitang nakasuot na rin siya ng school uniform tulad ng suot ng mga lalaking estudyante. White polo shirt with black neck tie, maroon coat, black pants, black shoes. Wala siyang bag pero may nginunguya siyang bubble gum.

"Nasa Pinas pa rin tayo, pero nasa international school tayo kaya ganito ang uniform. Ang init, no?" reklamo niya pero natatawa siya.

Tiningnan ko ang suot kong ID at laking gulat ko nang mabasa ang pangalan ng school. Ito ang prestigious school mula sa paborito kong teen fiction novel na When Jane Met Blue.

Dahan-dahan akong napatingin sa kaniya. Nakangiti lang siya habang nakatingin sa'kin at ngumunguya ng bubble gum. Para siyang gangster.

"Sabi ko sa'yo, hindi ako si kamatayan. Hindi ganito kabait at mapagbigay si Kamatayan" ngiti niya. Patuloy ang pagdating ng mga kotse at pagbaba ng mga estudyante. Nakatayo lang kaming dalawa sa bukana ng gate.

"Hindi ko maintindihan kung sino ka..."

Ngumiti siya na para bang alam niyang hindi ako sasama o susunod sa gusto niyang mangyari hangga't hindi niya nililinaw sa'kin kung ano siya. Dinura niya ang bubble gum pero walang nahulog sa kalsada.

"Hindi ko pa dapat sabihin ngayon kaya lang dahil ayaw mo maniwala at mukhang iiyak ka na. Sasabihin ko na," wika niya sabay hawi ng buhok niya. Kulay ash gray pa rin ito pero maayos na nakahawi na parang isang cool na gangster.

Sandali siyang tumitig sa akin, "Isa akong tagapagbantay ng mga libro. At ang misyon ko ngayon ay ang tuparin ang kahilingan mo." Patuloy niya, hindi ako nakapagsalita. Nanatili lang akong nakatingin sa kaniya hanggang sa tumunog ang bell, mag-uumpisa na ang klase. Ang maingay na tunog na 'yon ay parang senyales na magsisimula na ring maging totoo ang mundong nabuo mula sa kathang-isip.


***************

#Hiraya

Note: Ang mga nobelang mababanggit ko rito ay gawa-gawa ko lang. Tulad ng When Jane met Blue. Hindi ako maaaring magbanggit ng ibang nobela dahil hindi ko maaaring guluhin ang akda ng ibang manunulat. Maraming salamat!

Ito ang Once Upon a dream in Music box

https://youtu.be/qchPgbuDP14

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro