Kabanata 10: Hero and Heroine

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 10]

Papalubog na ang araw, puno ng maliliit na boses at tawanan ang playground kung saan ako dinadala noon ni Mama. Hindi ko masyado maalala ang lahat pero may iilang naiwan sa aking memorya. Hinahabol kami ng ibang bata paikot sa malaking slide at swing na nasa gitna. Ang tanging alam ko lang ay tumakbo nang tumakbo at huwag magpapahuli.

Para sa tatlong taong gulang na bata ay ito na ang pinakanakakaba na pangyayari sa buhay. Sinasabayan ng sigaw at tawa ang takot na maabutan. Sa aking pagtakbo ay natisod ako at padapang bumagsak sa damuhan.

Nagpatuloy ang takbuhan. Lumingon ang ilang mga bata sa akin ngunit hindi sila tumigil upang iligtas ang mga sarili. "Taya!" Tinapik ng batang lalaki na siyang humahabol sa amin ang ulo ko at hinabol ang iba pa.

"Aurora!" Tawag ni Mama. Umupo ako at napatingin sa aking braso at tuhod na may lupa at gasgas. "I told you not to run!" Bakas ang matinding pag-aalala ni Mama na biglang namutla at hinawakan ang mukha ko.

Napatingin ako sa aking binti kung saan pumatak ang isang mainit na likido na kulay pula. Unti-unti kong naramdaman ang hapdi at pag-init ng aking ilong. Kahit namumutla ay nagawa akong buhatin ni Mama. May mga sinasabi siya na hindi ko na maalala. Ang tanging naiwan din sa akin ay ang tingin ng mga nag-aalalang magulang na nadaanan namin. Mula noon ay naintindihan ko na ang pagdurugo ay isang seryosong bagay na naghahatid ng takot sa karamihan.


HINDI ako nakagalaw habang nakatitig sa patak ng dugo sa aking kamay. Dahan-dahan kong hinawakan ang aking ilong na humahapdi at umaapoy. Sunod kong naramdaman ang malamig na bakal na dumikit sa aking sentido.

Ni isa ay walang nakapagsalita dahil sa takot. Nakatutok ngayon ang baril sa aking ulo. Nanginginig akong tumingin kay Ash, maging siya ay gulat at naguguluhan kung bakit ako dinurugo ngayon.

Tumingin ang Kapitan kay Ash na ngayon ay hawak ng dalawang sundalo sa magkabilang braso. Itinulak siya ng mga ito paluhod. Nagpaliwanag, nagmakaawa, at nakiusap siya.

Naglakad ang Kapitan at umupo sa tapat ni Ash upang maging kapantay niya ito. May sinabi ang kapitan na nagpayuko kay Ash. Ilang sandali pa, tiningnan niya ito nang deretso sa mga mata at may sinabi siya nang hindi natitinag. 

Lumapit ang isang sundalo at bumulong sa Kapitan. Nanguna si Dr. Richard at Dante para bigyan ng lunas ang mga nanghinang sundalo. Muling tumingin sa amin ang Kapitan. Bakas sa kaniyang hitsura ang pagdadalawang-isip, mawawalan pa sila ng dalawang medical aid kung papatayin kami.

Sumenyas ang Kapitan sa sundalong nakatayo sa tabi at siyang may hawak ng baril. Ibinaba nito ang baril at yumukod. Agad kaming hinila ng mga sundalo pasakay sa sasakyan at ginapos.

Nagkatinginan kami ni Ash mula sa magkatabing sasakyan. Ngayon ay itinuturing na nila kaming panganib na anumang oras ay magtataksil muli sa kanila. Tumigil na ang pagdurugo sa aking ilong. Sinubukan kong punasan gamit ang dulo ng aking manggas ngunit hindi ko ito mahawakan nang maayos dahil sa higpit ng lubid sa aking dalawang kamay.

Tumindig ang isang sundalo sa pagitan namin ni Ash. Mukhang inutusan siya ng Kapitan na bantayan kami nang mabuti. Walang emosyon ang mukha nito habang nakatingin nang deretso sa kalsada. Hindi man niya maintindihan ang sasabihin ko kay Ash, siguradong patatahimikin niya ako sa oras na magsalita ako.

Hindi nagtagal ay lumapit ang dalawang sundalo at tinanggal ang gapos sa aking kamay at paa. "S-Saan niyo ako dadalhin?" Hindi sila nagsalita. Maging si Ash ay gulat na napaupo nang maayos at sinundan kami ng tingin. Hinila ako ng dalawa pababa. Tumingin ako kay Ash na ngayon ay hindi rin alam ang gagawin.

Dinala nila ako sa pinakahuling sasakyan kung saan naroroon ang ilang mga sundalong nakahiga at nakaupo sa gilid. Nanghihina at hirap sila gumalaw. Abala sina Dr. Richard at Dante sa pag-aasikaso sa mga sundalo. Si Manolo naman ay pabalik-balik na naghahakot ng tubig.

Tinuro ng sundalo ang isa niyang kaibigan. May sinabi siya ngunit hindi ko naintindihan. Napatigil sina Dr. Richard at Dante nang makita ako, tumango sila nang marahan sa akin upang sabihing gawin ko nang maayos ang aking tungkulin. Gamitin ko rin ang pagkakataong ito upang patunayan na wala akong kinalaman sa nangyari sa mga sundalo.

Dahan-dahan akong umupo sa tabi ng sundalong nakasandal sa puno. Maluha-luha itong nakahawak sa kaniyang tiyan. Kung hindi ako nagkakamali ay nakailang ulit na siyang dumumi sa loob ng isang oras. Tuyot na ang kaniyang namumutlang labi. Pinainom ko ng tubig ang sundalo at tinulungan itong makaupo nang maayos upang maibsan ang pagkirot ng sikmura.

Lumapit ako kay Dr. Richard na siyang nagtuturo sa amin ni Dante kung anong dapat gawin. May dinalang mga maleta ang dalawang sundalo, naglalaman iyon ng mga gamot na nasa maliit na botilya. Naroon din ang panturok na tatatlo lang ang bilang, wala silang nagawa kundi hugasan lang ang panturok bago iturok sa sunod na sundalo.

Ako ang naging tagahugas ng mga gamit. Patuloy ang pagdala ni Manolo ng tubig. Hindi siya tumitingin sa akin sa tuwing isinasalin niya ang balde ng tubig sa tabi ko. Ilang beses ko siyang tiningnan at sinubukang kausapin ngunit nagmamadali siya na tila nais akong iwasan.

Ang totoo ay hindi ko naman siya sinisisi. Kahit ang manunulat ng kuwentong ito ay hindi ko rin masisisi. Kailangan makaligtas ng pangunahing karakter. At isa lang ito sa ilan pang pagdadaanan niya upang mailigtas ang sarili.

Alas-kuwatro na ng hapon nang maturukan ang lahat ng sundalong nagkasakit. Pinabalik ng Kapitan ang mga tolda pansamantala upang makapagpahinga ang kaniyang mga tauhan habang hinihintay ang pagdating ng ibang grupo ng mga sundalo na pinadalhan nila ng telegrama.

Ramdam ko ang pangangalay ng aking braso at likod. Namamanhid din ang aking kamay na nababad sa tubig ng ilang oras. Pila-pila kaming nakasunod sa sundalong maghahatid sa amin pabalik sa sasakyan.

Napatigil ako nang makitang wala na si Ash sa kabilang sasakyan kung saan siya dinala kanina. Inilibot ko ang aking paningin sa paligid ngunit hindi ko siya makita. Sumigaw ang isang sundalo nang mapansin na tumigil ako sa paglalakad. Lumingin sa akin sina Dante at Dr. Richard, palihim silang umiling upang ipahiwatig sa akin na mahalagang sumunod muna ako at huwag maging kahina-hinala.

Malakas na ibinagsak ng sundalo ang pinto ng sasakyan sa likod. Isinakay niya kami sa sasakyan na puno ng gamit. "Saan nila dinala si Ash?" pilit kong inililibot ang aking mata, ngunit ni isang bakas ni Ash ay wala akong masumpungan.

"Hinaan mo lang ang iyong boses," saad ni Dante habang sumusulyap sa paligid. Kasalukuyang may kausap ang sundalong nagbabantay sa amin. "Nakita kong kasama ng tiyo mo ang ilang sundalo at kapitan kanina," patuloy ni Dante na halos pabulong ang pananalita.

Umusog din papalapit sa amin si Dr. Richard, "Nakita kong dinala siya sa gubat kaninang tanghali." Nanlaki ang mga mata ko, naalala ko ang nangyari sa ama at mga kapatid ni Manolo nang dalhin ang mga ito sa gubat.

Hindi na nakapagsalita sina Dante at Dr. Richard, alam kong pareho silang may ideya kung anong sinasapit ng mga dinadala sa liblib na gubat. Napalunok ako, "Kailangan kong makaalis dito. Saan siya banda dinala?"

"Ikaw ba ay nahihibang na? Gusto mong sumunod sa kaniya?" Hindi ako nakasagot. Ang sumunod kay Ash ay siguradong magdadala rin sa akin sa panganib. Ngunit iniligtas niya ako. Inako niya ang kasalanang dapat napunta sa akin.

"Kailangan niya ako ngayon. Kung mapapatunayan kong---"

"At sino ang ituturo mo? Sino sa amin ang ilalaglag mo?" seryosong tanong ni Dante. Namumula na ang kaniyang mga mata sa pagod, gutom, at puyat. Naalala ko ang mga kalaro ko noon sa playground. Minsan kaming magkakakampi, ngunit sa oras na paparating na ang humahabol sa amin ay naghihiwalay kami at nagagawang ilaglag ang iba upang mailigtas ang sarili.

Umiwas ng tingin sa akin si Dr. Richard. Nangangamba rin sila sa sarili nilang buhay. Anumang gawin ko ay siguradong maglalagay din sa kanila sa panganib dahil nasa isang grupo kami. Hindi kami binigyan ng pagkain bilang parusa sa nangyari sa mga sundalo.

Alas-otso na ng gabi nang dumating ang sunod na batallion. Nagbigay ito ng mga pagkain at inayos ang pumutok na gulong ng isang sasakyan. Animo'y walang digmaan dahil masayang kumakain ang mga sundalo. Ang mga nagsuka at dumumi ay maayos na ang pakiramdam. Kasabay na rin nilang kumain ang mga bagong dating.

Ginising kami ng isang sundalo para paghugasin ng mga pinggan. Nakita ko si Manolo na hindi na makalakad nang maayos habang buhat-buhat ang dalawang balde. Pawis na pawis siya at pagod na pagod sa maghapong mag-iigib ng tubig mula sa pinakamalapit na sapa.

Nang mailapag ni Manolo ang balde ay napakabig na siya sa malapit na puno. Nagkatinginan sina Dr. Richard at Dante ngunit pinili nilang hindi magsalita at nagsimulang maghugas ng mga pinggan at baso. Nakatayo ang sundalo sa tabi namin habang naninigarilyo.

Lumapit ako kay Manolo at kinuha ang isang balde. Ramdam ko ang mata ng sundalong nagbabantay sa amin. Isa ako sa mga pinaghihinalaan nila kung kaya't ang bawat kilos ko ay kanilang binabantayan.

Sinubukan ni Manolo tumayo nang maayos ngunit halatang hindi na niya kaya. Hinihingal na rin siya at namamaga na ang kaniyang balikat. Alam kong napapansin na rin iyon ng sundalong nagbabantay sa amin. Hindi tumigil si Manolo sa pag-iigib ng tubig mula kaninang umaga.

Walang nagawa ang sundalo kundi ang tumango at sumenyas sa akin na tulungan ko na ang binatilyong agwador. Siya rin ang mapapagalitan kung hindi agad matatapos ang paghugas ng mga pinggan at kapag naubusan din sila ng tubig na maiinom.

"Saan ka kumukuha ng tubig?" tanong ko kay Manolo na hindi man lang tumingin sa akin. Kinuha na niya ang isang balde at nagsimulang maglakad pabalik sa sapa. Nakita kong nagkatinginan sina Dr. Richard at Dante, bakas sa mga mukha nila ang pangamba na may gawin na naman akong makakapagpahamak sa kanila.

Mabagal ang paghakbang ni Manolo. Alam kong hindi matutumbasan ng pagod na nararamdaman niya ngayon ang galit na namumutawi sa kaniyang puso. Pinagmamasdan ko ang kaniyang likod na anumang oras ay nais nang bumagsak sa lupa.

Hawak ko ang balde sa harap. Halos dalawang daang metro ang layo ng sapa. Lumingon ako sa likod kung saan patuloy lang sa pagkain ang mga sundalo. "Alam kong ikaw ang may kagagawan sa nangyari sa mga sundalo," saad ko dahilan upang mapatigil siya sa paglalakad ngunit hindi lumingon sa akin.

Kumakabog ang aking puso sa takot ngunit ito na lang ang natitirang paraan na naiisip ko. Kailangan ko ng tulong niya dahil nawalan na ako ng pag-asa kina Dante at Dr. Richard. "Alam namin pareho pero---" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya.

"Wala kang katibayan." Nagpatuloy siya sa paglalakad. Agad akong sumunod sa kaniya.

Natanaw ko na ang sapa. Inunahan ko siya pababa roon at hinanap ang malalaking bato kung saan naroroon ang mga armas na ninanakaw niya at itinatago. Lumapit ako sa bato at tinapakan iyon, "Gusto mo bang kunin ko rito?" tanong ko, napatigil sa paglalakad si Manolo. Hindi siya makapaniwala na nalalaman ko ang mga plano niya.

"Huwag kang mag-alala, wala akong balak na isumbong ka. Kung nakita mo kung anong nangyari kanina, pare-pareho tayong parurusahan. Iisipin nila na magkakampi tayong lahat." Humakbang papalapit si Manolo, kahit paika-ika na ang kaniyang lakad ay pinilit niya pa ring makalapit sa akin.

Mas matangkad ako sa kaniya nang kaunti at nakatayo rin ako sa ibabaw ng bato na siyang nagtatago ng mga katibayan laban kay Manolo. Alam niya na sa oras na magsalita ako ay hindi na siya dadatnan ng umaga. "Magtulungan tayo. Hanapin natin si Ash at tumakas dito."

Hindi siya nakasagot agad. Ramdam ko ang kaniyang pagdadalawang-isip at pagdududa sa akin. "Huli ka na, siguradong wala na siya." saad ni Manolo dahilan upang mabalot ng lamig ang aking buong katawan. Ngunit naalala ko na hindi isang kathang-isip na karakter si Ash. Ni hindi rin siya mortal na tao. Imposibleng mangyari iyon.

"Ibinitin siya nang patiwarik sa kagubatan kanina. Tiyak na wala na siyang buhay ngayon," patuloy ni Manolo saka sumalok ng tubig sa sapa gamit ang hawak niyang balde. Tumingin pa siya sa bato na kinatatayuan ko, tila naghahanap ng tiyempo na alisin doon ang mga armas na tinago niya dahil may nakakaalam na nito.

Umupo ako sa tapat ng sapa at tumingin sa kaniya, "Saan nila dinala si Ash? Kailangan kong---"

"Kapag nahuli ka nila, siguradong iisipin nila na hinayaan kitang tumakas. Ako naman ang mapaparusahan." Tumingin siya sa akin, kitang-kita ko ang pagtitiis sa kaniyang mga mata.

Napalunok ako, "Kung gayon... tumakas tayo." Nagtaka ang hitsura ni Manolo. Alam kong hindi siya madaling maniwala sa sinasabi ng iba lalo na't ang pangakong kaligtasan ng kanilang pamilya ay hindi nila nakuha. "Hindi natin kailangan magtiis dito. Hindi natin alam kung ano pang puwedeng mangyari. Tumakas tayo at magtungo sa Pampanga." Alam kong sa Pampanga ang destinasyon niya. Naroon ang Kapitan na nais niyang paslangin.

"Tutulungan ka rin namin. Magtutulungan tayo." Patuloy ko. Nanatili lang siyang nakatingin sa akin. Kung nangangako ako ngayon ay masasabi kong hindi niya paniniwalaan iyon agad. Ngunit naroon ang katiting na pag-asa sa kaniyang mga mata na baka maaari pa siyang magtiwala muli.


SANDALI akong hindi nakapagsalita nang makita si Ash na nakabitin patiwarik sa isang malaking puno. Wala siyang damit pang-itaas at puno ito ng latay. Naunang lumapit si Manolo bitbit ang mga armas niya na dala na namin ngayon. Sumampa siya sa puno at pinutol ang lubid gamit ang matalim na palakol.

Deretsong bumagsak ang katawan ni Ash sa lupa. Animo'y nagising siya mula sa pagkakatulog. "Aray!" Namilpit sa sakit si Ash. Gulat na napaatras si Manolo. Dali-dali naman akong lumapit at tiningnan ang kalagayan niya.

"Okay ka lang? May masakit ba sa 'yo?" Hindi ko alam kung saan ko siya hahawakan. Natatakot ako na baka magkamali ako ng hawak at nabalian siya ng buto. Bukod doon ay napatitig ako sa magandang hubog ng kaniyang katawan.

"Akala ko nasa ibang kuwento na tayo---" Napatigil si Ash nang makita si Manolo. Nabitiwan nito ang hawak na palakol.

"P-Paanong... Ilang oras ka nang nakabitin..." Nagkatinginan kami ni Ash ngunit itinaas nito ang kamay na parehong nakagapos. "Puwede bang tanggalin niyo muna ito?"

Hindi pa rin nakagalaw si Manolo. Tumayo ako at kinuha ang palakol ngunit sumigaw si Ash. "Sandali... sandali! Hindi ka marunong gumamit niyan. Siya na lang!" reklamo ni Ash sabay turo kay Manolo na hindi pa rin makapaniwala sa natunghayan niya ngayon.

Napabuntong-hininga si Ash, "Hindi naman ako nakalambitin talaga. Nang makaalis sila ay sumabit ako sa lubid. Nangalay lang ako kaya bumitiw ako sandali. Sakto naman na dumating na kayo," paliwanag ni Ash upang kahit papaano ay mawala ang pagtataka ni Manolo. Kahit sino ay hindi rin maniniwala na mabubuhay ang isang tao na halos anim na oras nakalambitin nang patiwarik.

"Ngayon, bago kayo hanapin dahil mukhang tumakas kayo," saad ni Ash sabay tingin sa aming dalawa at sa dalang mga armas ni Manolo. "Tulungan niyo nang matanggal 'to at umalis na tayo rito." Patuloy niya saka muling itinaas ang nakagapos niyang kamay.

Inabot ko kay Manolo ang palakol. Unti-unti nang nawawala ang pagkabigla sa kaniyang hitsura. Kinuha niya ang isang matalim na balisong at iyon ang ginamit niya upang putulin ang lubid na nakatali sa kamay ni Ash. "Hindi ka maaaring gumamit ng palakol kapag ganito kalapit," saad ni Manolo na para bang ako ang pinapangaralan niya.

Tumango-tango si Ash, "Siya nga, palakol ba naman ang ihahampas sa akin. Baka matuluyan na talaga akong tunay," pagsang-ayon ni Ash na para bang sila ang magkakampi ngayon. Kahit kailan talaga ay consistent ang kaniyang pagiging balimbing.

Nang matanggal ang gapos sa kamay ni Ash ay agad niyang tinanggal ang pagkakatali sa kaniyang paa. Nag-unat siya ng likod at katawan. Nakatingin lang kami sa kaniya. Kahit ako ay hindi makapaniwala na hindi man lang siya nabalian ng buto o nahilo.

Pagkatapos niya mag-unat ay tumingin siya sa amin habang nakapamewang. "Anong balak natin ngayon?" tanong niya dahilan upang sunod-sunod kaming magpalitan ng tingin sa katotohanang pare-pareho kaming walang plano kung ano ang susunod na gagawin.


MAGDAMAG kaming naglakad sa gubat. Tinatahak namin ang direksyon ng ilog. Nakasunod lang kami kay Manolo na siyang nauuna at nagdedesisyon kung saan kami dadaan. Matarik ang daan na nasa paa ng isang bundok.

"Napapagod na ako—" Agad kong sinagi si Ash na kilala kong reklamador. Alam kong hindi naman talaga siya napapagod. Gusto lang niyang umupo at pagmasdan ang buwan na gasuklay ang hugis ngayon.

May hawak na mahabang sanga si Manolo na ginagawa nitong tungkod upang ipanghawi sa daan sa takot na may mga patibong kaming madadaanan. Nakapasan din sa likod niya ang sako na naglalaman ng mga armas na ayaw niyang ipadala sa amin dahil baka itakas daw namin.

Hindi lumingon si Manolo. Alam kong narinig niya ang malakas na boses ni Ash ngunit nagpatuloy lang siya sa paglalakad. "Manolo," tawag ni Ash dahilan upang mapatigil ang binatilyo. Nilakihan ko ng mata si Ash dahil tinawag niya ito sa pangalan na tanging ang kapamilya at malalapit lang nitong kaibigan ang nakakaalam.

Tumikhim si Ash, huli na para bawiin niya ang pagtawag niya sa pangalan nito, "Narinig kong tinawag kang Manolo ng doktor kanina," palusot ni Ash. Napaisip si Manolo. Kilala siya ni Dr. Richard na nakatira malapit sa kanilang barrio.

Nagpatuloy na sa paglalakad si Manolo. Muli kong pinandilatan ng mata si Ash pero nagkibit balikat siya na parang gusto niyang ipagtanggol ang sarili at sabihing hindi niya sinasadya.

Inunahan akong maglakad ni Ash, mukhang hindi pa rin siya susuko hangga't hindi nakukumbinse si Manolo na magpahinga muna kami kahit sandali. "Alam mo, Olong. Hindi pa rin natin mararating bukas ang Pampanga kahit pa maglakad tayo buong gabi," panimula ni Ash na walang balak sumuko. Para siyang nag-aalok ng produkto kay Manolo na mukha namang hindi interesado.

"Kung matutulog tayo ngayon, makakabawi tayo at makalalakad nang mas mahaba," patuloy ni Ash. Tumigil sa paglalakad si Manolo saka lumingon kay Ash na mabilis nakasunod sa kaniya. Pinagmasdan ni Manolo si Ash mula ulo hanggang paa.

"Hindi masakit ang iyong mga galos at sugat?" tanong ni Manolo dahilan upang malagay na naman si Ash sa alanganing pagsagot.

"Medyo. Tama lang. Kaya ko naman." Tugon ni Ash habang nakapamewang ngunit binawi niya agad nang mapagtanto na maaari niyang gamiting dahilan iyon upang tumigil kami sa paglalakad. "Ah. Sumasakit na pala ang tuhod ko. Ang hapdi rin ng mga sugat ko sa likod."

Pumikit-pikit si Ash saka kunwaring hindi makalakad nang maayos. Pinagmasdan lang siya ni Manolo. Kung titingnan ko silang dalawa, parang si Manolo pa ang mas mature mag-isip kaysa sa kaniya.

Naglakad si Manolo papunta sa ilalim ng isang malaking puno at inilapag doon ang mga dala niyang gamit. "Isang oras lang. Tutuloy din tayo," saad ni Manolo na naunang umupo at sumandal sa puno.

Napangisi si Ash saka dali-daling tumakbo pabalik sa akin na para bang nakabenta na siya ng produkto. "Pustahan tayo, umaga na 'yan magigising," bulong sa 'kin ni Ash sabay tingin kay Manolo na naghahasa na ngayon ng kutsilyo.

May dalawang puno ang layo namin kay Manolo. Nakasandal kami ni Ash sa iisang puno. Puwede naman akong lumipat sa kabila para hindi na kami masikipan ngunit ayokong mahiwalay sa kaniya. Natatakot ako na baka mawala na naman siya.

Napansin ko na inoobserbahan ni Ash ang mga kilos ni Manolo. Mayamaya ay tumikhim siya, "Olong, magkano ang kinikita mo sa pag-iigib ng tubig?"

Tumingin sa gawi namin si Manolo na para bang nabababawan sa tanong ni Ash. "Singko sentimos sa dalawang balde," tugon nito habang patuloy na hinahasa ang mga patalim.

"Ang mahal naman," saad ni Ash dahilan upang gulat akong napatingin sa kaniya. Maging si Manolo ay naguluhan kung ano ang kaniyang magiging reaksyon dahil ito ang unang beses na may namahalan sa kaniyang singil.

"Kung sabagay, singko sentimos na 'no kahit gaano kalayo?" tanong ni Ash. Hindi kumibo si Manolo. "Hindi na rin lugi," patuloy niya. Sinagi ko na siya upang manahimik. Sa ginagawa niya ay parang inaasar niya lang ang pangunahing karakter na seryoso sa buhay.

Muling naghari ang katahimikan. Tumingin sa akin si Ash. Sumenyas siya na para bang sinasabi niya na ako naman ang magsalita at bumasag sa nakakailang na katahimikan. Umiling ako, wala akong masabi 'di tulad niya na palaging may sinasabi.

"Ilang taon ka na ulit?" tanong ni Ash kay Manolo. Mukhang nagdadalawang-isip si Manolo na sagutin ang mga tanong ni Ash na huhukay sa kaniyang pagkatao. Mulan ang maging taksil ang kaniyang ama ay hindi na rin niya nais gamitin ang kaniyang apelyido.

"Mukhang mas matanda naman kami sa 'yo. Tawagin mo na lang akong Kuya," wika ni Ash sabay tingin sa 'kin na para bang pinapasa niya ang pagkakataong makapagsalita ako.

Tumikhim ako saka tumingin kay Manolo, "P-Puwede mo rin akong tawaging Ate," dagdag ko dahilan upang sumilay ang ngiti sa labi ni Ash. Mukhang proud siya na napipilit na niya akong magsalita at makisama sa usapan ngayon dahil madalas ay siya lang ang nagsasalita.

Tumingin lang sa amin si Manolo saka ibinalik ang tingin sa hinahasang patalim. Hindi ko rin siya masisisi kung hindi siya ganoon kadali magtiwala sa ibang tao. Bukod sa kaniyang ama at mga kapatid na madalas niyang nakakasama ay tinalikuran na rin siya ng mga dating kaibigan at kamag-anak.

Napatingin ako sa paghahasa niya ng patalim. Magaling siya sa pagtudla at pangangaso na karaniwan nilang ginagawa ng kaniyang ama at mga kapatid para makakain sila ng karne at isda. Kung kaya't ngayon ay buo ang tiwala niya na mapapaslang ang Kapitan na sumira sa kanilang buhay.

"Bakit kayo tumakas? Marahil ay hindi kayo tunay na nagtatrabaho sa ospital," saad ni Manolo dahilan upang mapatahimik kami ni Ash. Wala rin namang saysay kung magsisinunggaling kami dahil wala na kami sa kampo ng mga sundalong Hapones.

"Paano ang inyong sinumpaang tungkulin gayong tumakas na kayo?" Tumigil si Manolo sa kaniyang ginagawa ngunit naroon pa rin ang pag-iisip niya nang malalim. "Ngunit kung hindi naman kayo totoong nagtatrabaho sa ospital ay wala naman kayong dapat na alalahanin."

"Ano pang silbi ng sinumpaang tungkulin kung manganganib naman ang iyong buhay? Ang pagpapakabayani ay walang saysay kung mamamatay ka lang din." Pareho kaming napatingin ni Ash sa karakter na hindi na niniwala sa kabutihan ng mundo.

Naalala ko ang kaniyang ama na piniling magtaksil at ituro ang mga kasama. Pinili ng kaniyang ama na iligtas ang sarili at kanilang pamilya. Hindi nito tinahak ang landas ng mga bayani. Sa kuwentong ito ay hindi rin bayani ang pangunahing karakter. Ito ay sumasalamin sa madalas na kinakahitnan ng isang tao—Ang iligtas ang sarili sa oras ng panganib. Ang unahin ang sarili at magpatuloy sa pagtakbo upang hindi mahuli.

Hindi nagtagal ay nabalot na ng katahimikan ang paligid. Hindi na nagsalita si Ash. Ipinikit na lang niya ang kaniyang mga mata at isinandal ang ulo sa puno. Maging si Manolo ay tumigil na rin sa kaniyang ginagawa. Naghahari ang ingay ng kuliglig at malamig na hamog sa paligid.

Ilang sandali pa ay napatingin ako sa ginagawa ni Ash. Balak niyang hubarin ang kaniyang suot na kamiso de tsino. Hinawakan ko ang braso niya upang pigilan siya, "A-Anong ginagawa mo?"

"Mukhang nilalamig ka na," deretso niyang sagot. Nakalabas na ngayon ang kaniyang tiyan. Hindi ko masyado maaaninag ngunit nakita ko ang ganda ng hubog ng kaniyang katawan kanina habang nakalambitin siya nang patiwarik.

"O-Okay lang ako. Hindi mo na kailangan gawin 'yan. Ikaw naman ang lalamigin." Napayuko ako. Hindi ko na ngayon magawang tumingin sa kaniya. Ramdam ko rin ang pag-init ng aking magkabilang pisngi. Ibinaba ni Ash ang kaniyang damit saka sinilip ang mukha ko.

"Alam mo namang hindi ako nagkakasakit. Sige na," saad niya na akmang maghuhubad ulit ngunit ibinaba ko ulit ang kaniyang kamay. "Okay lang talaga ako. 'Wag ka nang gagalaw diyan." Napapikit siya ng dalawang beses. Kahit ako ay nagulat sa lumabas sa aking bibig. Ito ang unang beses na nagawa ko siyang kontrahin.

"Papasikat na rin naman na ang araw mayamaya. Kailangan lang makatulog ng pasaway na batang 'to," saad ni Ash sabay tingin kay Manolo na ngayon ay nagpikit na ng mga mata. Kaya niya siguro pinipilit na magpahinga kami para makatulog ang isang karakter at umusad nang mabilis ang oras.

"Sorry..." Hindi ko sinasadya na kontrahin si Ash. Sadyang ayoko lang talaga na masyado niya akong inaasikaso at inuuna palagi.

Ngumiti si Ash dahilan upang mapawi ang pag-aalala ko na baka sumama ang loob niya. "Wala 'yon. Nakukulitan ka na siguro sa 'kin." Tawa niya. Agad akong umiling at humarap sa kaniya.

"Hindi sa gano'n. Hindi naman ako nakukulitan sa 'yo. Ayoko lang na ikaw ang lamigin dahil sa 'kin. Masyado mo lang binibigay ang lahat." Mabilis akong sumulyap sa kaniya. Nakangiti lang siya habang tumatango sa sarili.

"Sige na nga. Hindi na ako maghuhubad." Ngumisi siya na para bang inaasar pa ako. Agad akong umiwas ng tingin. Kapag sinakyan ko ang biro niya ay siguradong hahaba ang usapan at mas lalo niya akong aasarin.

"Siya nga pala. Hindi ba masakit ang mga sugat mo?" Napatingin ako sab akas ng dugo sa suot niyang damit. Itinaas niya nang kaunti ang kaniyang damit, "Tingnan mo wala na. Sabi ko sa 'yo wala kang dapat ipag-alala sa akin dito." Ngumiti siya muli habang nakasandal sa puno at nakatingin sa akin.

"M-Mabuti kung gano'n," iyon na lang ang nasabi ko. Kung minsan ay nakakalimutan ko na hindi siya tao o karakter sa kuwento. Nakakalimutan ko na nababalot siya ng hiwaga.

Niyakap ko na lang ang aking tuhod. Ang totoo ay hindi naman gaano malamig. Siguro ay nasasanay na ako na madalas kaming nasa labas at walang bahay sa loob ng mga pinupuntahan naming kuwento.

Nilalaro ko ang aking mga daliri sa ibabaw ng tuhod ko. Napatingin ako kay Ash na nakatingin lang sa aking ginagawa. "Alam mo, napaisip ako sa sinabi ni Manolo kanina," panimula ko. Natutunghayan namin ngayon ang mabilis na paggalaw ng buwan at mga bituin sa langit.

"Nang mabasa ko ang kuwentong 'to noon, napaisip ako kung bakit masyadong makasarili ang bida sa kuwento. Bakit hindi siya katulad ng ibang nababasa ko na may malaking malasakit sa ibang tao at sa bayan? Bakit hindi siya bayani?" Napatingala ako sa langit. Ramdam ko na nakatingin lang sa akin si Ash. Siguro iniisip niya nang mabuti ang sinabi ko.

"Hindi ba ang realistic? Nasa isip natin na dapat lagi tayong magpakabayani. Pero kapag nandoon ka na, uunahin mo pa ring iligtas ang sarili mo. Tatakbo ka at kakalimutan ang mga naunang nadapa para makaligtas." Naalala ko ang patuloy na pagtakbo ng mga bata kahit pa nakita nila akong nadapa.

Narinig ko ang malalim na buntong-hininga ni Ash. "Gano'n talaga ang mga kuwento. Kailangan may aral. Dapat may isang bayani na kayang isakripisyo ang sarili para sa lahat. Palaging may isang nagsasakripisyo." Tumingin ako kay Ash. Nakatingin lang siya sa 'kin na para bang may mas malalim siyang gustong ipahiwatig.

Nanatili akong nakatingin sa kaniya. Sandaling kumislap ang liwanag ng buwan sa kaniyang mga mata. Si Ash at ang mahiwagang buwan na hanggang ngayon ay pala-isipan pa rin sa akin.

"Ikaw, gano'n ka rin ba? Pipiliin mong maging bayani o maging realistic na tao?" tanong ni Ash dahilan upang matauhan ako mula sa pagkakatitig sa kaniyang mga mata. Napaisip ako sa sinabi niya saka muling tumingala sa langit.

"Magiging bayani ako. Gustong maging katulad nina mama at papa. Nagawa nilang magsakripisyo para sa 'kin. Kung tutuusin, puwede nilang unahin ang mga sarili nila, puwede nila akong hayaan, puwede nilang..." Napatigil ako sandali nang maalala ang sikreto ni papa na akala niya hindi ko alam.

"Pero pinili pa rin nila ako. Pinili nila akong iligtas. Pinili nila akong unahin kaysa sa sarili nila." Sandali akong natahimik. Kung alam lang nila kung gaano ko sila namimiss ngayon. Kumusta na kaya sina mama at papa?

Tumingin ako kay Ash na nahuli kong nakatingin pa rin sa akin. "Ikaw ba?"

Napaisip siya sandali. "Hmm... Hindi ko alam. Hindi siguro ako magiging bayani." Natawa siya sa sagot niya pero alam kong hindi siya nagbibiro. "Pipiliin ko na lang iligtas ang sarili ko sa marahas na mundong ito."

Muli siyang natawa. Nanatili lang akong nakatingin sa kaniya hanggang sa tumigil siya sa pagtawa at tumingin sa akin. "Hindi 'yon ang nakikita ko... Ilang beses mo na akong tinulungan. Naparusahan ka kanina para iligtas ako." Ngumiti ako sa kaniya.

Napangiti si Ash pero umiwas siya ng tingin. Napansin ko na may mga pagkakataon na masyadong mataas ang kumpyansa niya sa sarili. At may mga pagkakataon din nahihiya siyang aminin ang mga nagagawa niyang mabuti tulad ngayon.


MATAAS na ang sikat ng araw nang makarating kami sa isang bayan. Mainit ang panahon ngayon at mas lalo pang pinainit ng mga tanke at sasakyang pandigma na dumadaan sa gitnang kalsada.

Nauunang maglakad si Manolo habang nakasunod kaming dalawa ni Ash. Maalikabok ang paligid kaya nakataklob ng balabal ang mga babae at nagtatakip din ng ilong ang mga lalaki. Patuloy pa rin ang mga nagtitinda sa palengke ngunit maraming tindahan ang sarado. Karamihan ay nasa kariton ang mga bagong ani na mga prutas, kamote, gulay, at palay.

"Nagugutom ka na ba?" Tanong ni Ash. Pinunasan niya ang isang mansanas gamit ang dulo ng kaniyang damit at inabot iyon sa akin habang naglalakad kami.

"Saan mo nakuha 'to?" Nagtataka kong kinuha sa kamay niya ang mansanas na medyo maputla. Tinuro ni Ash ang nadaanan naming kariton sa likod. "Doon," tugon niya. Nilakihan ko siya ng mata dahil baka ninakaw niya lang ito habang abala ang tindero.

Tumawa si Ash. "Binayaran ko 'yan. Hindi ka kasi tumitingin sa daan kanina, e." Paliwanag ni Ash na nakaramdam na nagdududa ako kung saan niya nakuha ang mansanas. Ang mas lalong ipinagtataka ko ay hindi hiyang ang mansanas sa mainit na klima. Karamihan ay imported pa sa ibang bansa.

"Huwag ka na masyadong maraming tanong. Kainin mo na lang 'yan," saad niya saka ginulo nang marahan ang buhok ko at mabilis na sumunod kay Manolo. Sandali akong napatitig sa mansanas habang nakatayo sa tabing kalsada kasabay ng mga taong sumasalubong at lumalagpas sa akin.

Hindi ko alam pero parang may kakaiba akong nararamdaman sa hawak kong mansanas. Parang nakita ko na ito dati. "Aurora!" Natauhan ako nang marinig ko ang boses ni Ash. Tinaas niya ang kaniyang kamay, nakatayo siya ngayon sa tapat ng isang malaking bahay na may dalawang palapag. Sa unang palapag ay naroon ang iba't ibang tindahan na sarado.

Patakbo akong lumapit sa kaniya. "Nasaan si Manolo?" tumingin ako sa kaliwa't kanan ngunit hindi ko nakita si Manolo.

"Umakyat siya sa taas. Alam mo na ang susunod na mangyayari, hindi ba?" tugon ni Ash sabay tingin sa bukana ng bahay kung saan naroon ang makipot na hagdan. Binasa ko ang karatula na nakapaskil sa taas. Clinica Sta. Rosario.

Hindi ako nakapagsalita. Naalala ko na kung ano ang natuklasan ni Manolo sa klinika na ito. "Hintayin mo lang ako dito. Ako na ang bahala sa kaniya," saad ni Ash saka pumasok sa loob. Sinundan ko siya ng tingin habang pinapakinggan ang yabag ng kaniyang paa sa pag-akyat ng hagdan.

Sa bayan na ito makikita ni Manolo ang kaniyang ina at tatlong nakababatang kapatid. Nakita niyang pumasok ang mga ito sa klinika. Sumunod siya hanggang sa ikalawang palapag at doon niya natuklasan na hindi totoong nawala ang kaniyang ina at mga kapatid.

Sumama ang kaniyang ina sa doktor na naging kalaguyo nito. Nang mamatay ang kaniyang ama at mga nakatatandang kapatid na lalaki ay nakipagtanan na ang kaniyang ina sa kasintahang doktor kasama ang maliliit niyang kapatid na walang kamuwang-muwang sa mga nangyayari.

Agad akong sumunod sa itaas nang maalala ang gagawin ni Manolo sa kuwentong ito. Papatayin niya ngayon ang doktor na siyang magiging dahilan kung bakit mas mahihirapan siya sa kaniyang plano dahil marami na ang uusig sa kaniya.

Dali-dali akong umakyat sa hagdan. May dalawang pasilyo sa kaliwa at kanan, hindi ko alam kung nasaan ang klinika pero pinili kong tahakin ang kaliwang pasilyo. Hindi nga ako nagkamali dahil pagdating ko sad ulo ay nakita ko sa palikong pasilyo si Ash.

Nakatayo siya sa pinakadulong pintuan na animo'y naghihintay na papasukin siya sa loob. Halos apat na kuwarto pa ang layo ko sa kaniya. Nakabukas ang pinto ngunit nanatili lang siyang nakatayo roon habang pinapanood ang nangyayari sa loob. Agad akong humakbang papalapit at akmang tatawagin siya ngunit hindi ko alam kung bakit hindi ko nagawa.

Hindi ko alam kung bakit ako tumigil. Pinagmasdan ko lang siya mula sa malayo na para bang nangyari na ito noon. Nagsimula akong humakbang papalapit. Sa aking bawat hakbang ay tila papalapit na rin ako sa sagot na nais kong malaman.

Malalim na ang gabi, kakagaling ko lang sa C.R mag-isa. Nagising ako na wala si papa, siya ang nagbabantay sa akin ngayon. Wala rin akong nakitang nurse sa paligid kung kaya't lumakad ako mag-isa dala ang aking paboritong teddy bear.

Naglalakad na ako pabalik nang mapansin ko ang isang lalaki na nakatayo sa tapat ng pintuan ng aming ward. Nakasuot siya ng mahabang coat na color blue at sombrero. Sandali akong napatigil mula sa malayo hanggang sa magsimula na akong humakbang papalapit.

Nakatingin lang ako sa kaniya. Para sa 'kin, isa siyang magician na tulad ng mga nakikita ko sa mga children's story. Kahapon lang ay binilhan ako ni mama ng isang fairytale book tungkol sa isang magician at kalapati. The White Dove of Ever World.

Lumipas pa ang ilang segundo bago mapansin ng lalaki na nakatayo na ako sa tabi niya. Tumingin siya sa 'kin ngunit hindi siya nagsalita. Nakaharang siya sa tapat ng pintuan. Hinihintay ko lang siyang tumabi o umalis para makapasok ako sa loob.

Hindi rin ako nagsalita pero humakbang siya paatras para padaanin ako. Wala rin siyang sinabi. Hindi ako sanay kumausap ng ibang tao kaya tumingin muna ako sa kaniya bago pumasok sa loob. Tumabi ako kay papa na ngayon ay nakahiga na sa kama at mahimbing na natutulog.

Humiga ako sa tabi niya at sinubukan kong ipikit ang aking mga mata ngunit napatingin ako sa lalaking nakatayo pa rin sa pintuan habang nakatingin sa dalawang babae. Sa palagay ko ay gusto niyang kausapin ang mga iyon pero nahihiya siya.

"Miss, anong oras po dadaan si doc?" May bagong dating na pasyente sa ward. May kasama itong babae at inaasikaso sila ng isang nurse.

"Mayamaya po," sagot ng nurse bago umalis. Lumabas siya sa pintuan na para bang hindi niya nakita ang lalaking nakatayo roon. Mabuti na lang dahil tumabi ulit sa gilid ang lalaki dahil kung hindi ay magkakabanggaan sila.

"Okay ka na ate?" Muli akong napatingin sa dalawang babaeng nag-uusap. Sinubukang bumangon ng pasyente pero pinigilan siya ng kasama nito. "Wag muna, hintayin na lang natin si doc mamaya."

"Sabi ng nurse, makakauwi rin daw tayo mamayang umaga."

"Ano bang nangyari? Anong araw na ngayon?" tanong ng pasyente. Pinakita ng kasama niya ang hawak nitong phone.

"Nawalan ka ng malay sa party na pinuntahan mo. Ms. Crystal called us. Nandito sila kanina, hinatid sila ni mama sa parking," umupo ito sa katabing upuan. "Don't worry ate, no one blames you sa nangyari."

Hindi ko masyado makita ang mga hitsura nila dahil nakaharang si papa at nakatalikod sila sa akin. "Alcohol poisoning daw ang nangyari sa 'yo ate. Ang weird lang kasi ikaw lang ang sumama ang pakiramdam. Okay naman ang ibang nakainom ng alak na binigay daw sa party."

"Mababa talaga siguro ang alcohol tolerance mo." Nagpatuloy pa sila sa pag-uusap hanggang sa dumating ang isang babae na tila nagmamadali. Kung hindi ako nagkakamali, iyon ang kanilang Mommy.

Lumingon ang babaeng pasyente at ang kasama nito sa pintuan nang marinig ang boses ng kanilang Mommy. Dahan-dahan akong napaupo nang mamukhaan ko ang babaeng pasyente—Si Ate Faye.

Bababa sana ako sa higaan ngunit napatigil ako nang makitang nakatayo na sa harapan ko ang lalaking nakasuot ng blue coat at sombrero. Ngumiti siya sa akin. "Kilala mo siya?" tanong sa 'kin ng lalaki. Napatingin ako kay ate Faye. Ibinalik ko ang tingin sa lalaki at tumango bilang sagot sa tanong niya.

"Kilala mo siya... nakikita mo rin ako. Bakit ka gumising?" Hindi ko siya maintindihan. Tumingin ako kay ate Faye at sa mga kasama niya pero hindi na sila gumagalaw. Para bang tumigil ang takbo ng oras at naging estatwa silang lahat.

"Hindi pa ito ang oras. Hayaan mo muna siya. Babalik din siya sa pinanggalingan niya." patuloy ng lalaki saka inabutan ako ng mansanas na kakaiba dahil medyo maputla ito.

Napatitig ako sa mansanas at sa lalaking nakatayo ngayon sa aking harapan. "Matulog ka na ulit. Para sa 'yo rin 'to." Muli siyang ngumiti. Dahan-dahan kong kinuha sa kamay niya ang mansanas. Nang muli ko siyang tingnan ay sandaling kumislap ang kaniyang mga mata na naging kakulay ng buwan.

Hinawakan niya ang dulo ng kaniyang sombrero na para bang nagpapaalam. Tumalikod na siya at naglakad papalabas. Agad akong bumaba sa kama at sinundan siya ngunit paglabas ko ng pintuan ay hindi ko na siya nakita.

"Aurora, what are you doing there?" Napalingon ako kay papa na napahawak sa sentido habang bumabangon sa kama. Napalingon din ako sa tatlong babae na nag-uusap-usap sa kabilang higaan na ngayon ko lang nakita.

"And where did you get that?" patuloy niya sabay turo sa hawak kong mansanas. Sandali akong napatitig doon saka umiling bilang tugon.

Hindi ko alam ang isasagot. Hindi ko alam kung bakit ako nakatayo sa labas ng pintuan. At mas lalong hindi ko alam kung saan ko nakuha ang hawak kong mansanas.


***************

#Hiraya

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro