Kabanata 18: Hiraya

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 18]

Third Person POV

KUMIKINANG na liwanag ang sumalubong sa mga mata ni Ash nang imulat niya ang kaniyang mga mata. Nakatayo siya ngayon sa tapat ng isang malaking Carousel na nagliliwanag. Wala  siyang ideya kung nasaan siya ngayon. Nanatili siyang nakatayo at nakatitig sa umiikot na carousel na tila ba nanggaling siya sa isang napakahaba at nakakapagod na panaginip.

Naramdaman ni Ash ang luhang dahan-dahang dumadaloy mula sa kaniyang mga mata. Hinawakan niya iyon na animo'y wala siyang ideya kung saan ito nanggaling. Ramdam niya ang bigat ng kaniyang damdamin. Nababatid niya na dahil ito sa hiling ni Aurora na sandaling matunghayan ang buhay niya upang makilala siya.

Ang sugat sa kaniyang nakaraan na inaakala niyang matagal nang naghilom ay bumalik. Muling bumalik ang lahat ng sakit na kailanman ay hindi niya mabura sa kaniyang isipan.

Natauhan si Ash nang maramdaman ang malamig na palad na humawak sa kaniyang kamay. Ang pagngiti ni Aurora nang marahan ay siyang nagpawi sa lahat ng bigat na nararamdaman niya ngayon. "Nandito tayo ngayon sa loob ng paboritong kong children' story," wika ni Aurora. Ang tinutukoy niya ang kuwentong The White Dove of Ever Land.

Kung dati, si Ash ang laging nagpapaliwanag kung anong kuwento ang kinatatayuan nila. Masaya siya na ngayon ay siya naman ang magbibigay linaw sa kanilang kinaroonan.

Napatingin si Ash sa kamay nilang magkahawak. "Dito sa mundong 'to, gusto kong iwan na natin lahat ng sakit at masamang alaala," patuloy ni Aurora habang pinagmamasdan ang maliwanag at magandang Carnival.

Nakasuot siya ng green dress, green ribbon sa buhok, at white shoes. White polo shirt, brown suspenders, at brown pants ang suot ni Ash. Taong 1950 sa Barcelona, Spain. Karamihan sa mga tao ay nakasuot ng bestida at mahahabang coat.

Nakahawi ang buhok ni Ash at may manipis na hibla ng hubok ang tumatama sa kaniyang mga mata. Nanatili siyang nakatingin kay Aurora. Napahinga nang malalim si Aurora saka tumingin kay Ash, wala na ang ngiti sa kaniyang labi.

"Lagi kong sinasabi na gusto kong mabuhay nang matagal. May dahilan talaga kung bakit nakilala kita, natutunan ko mula sa 'yo na ang mabuhay nang napakatagal ay hindi rin mabuti lalo na kapag naaalala mo ang lahat. Hindi tumitigil sa pag-ikot ang mundo. Tumatakbo nang tumatakbo ang oras. Ngunit sa 'yo parang walang katapusan ang lahat."

Mas lalong hinigpitan ni Aurora ang pagkakahawak sa kamay ni Ash. "Salamat dahil pinatuloy moa ko sa iyong nakaraan na alam kong hindi mo na gustong balikan. Gusto kong malaman mo na hindi ka masama. Ang kapalaran at mundo ang naging malupit sa 'yo. Oo, may pagkakataon kang pumili kung ano ang dapat mong gawin pero hindi kita sisisihin sa mga nangyari na. Hindi ko sasabihing dapat hindi mo ginawa iyon dahil wala naman ako sa posisyon mo. Hindi naman ako ang nakaranas ng lahat ng dinanas mo."

Humakbang si Aurora papalapit kay Ash. "Sa dami ng nabasa kong kuwento. Ang kuwento ng buhay mo ang pinakamaganda para sa 'kin. Naging matatag ka. Alam mo kung anong gusto mo at handa mong protektahan ang mga mahalaga sa 'yo. Nakahanda ka ring pagbayaran ang lahat ng kasalanan mo. Alam kong nagsisisi ka at tinatanggap mo ang parusang ito nang buong puso."

Napayuko si Ash, ang luhang hindi pa natutuyo sa kaniyang pisngi ay sinundan ng sunod-sunod na patak. Sa loob ng mahabang panahon, sa dami na ng mundong kaniyang sinubaybayan, natutunan niyang itago sa mga ngiti, biro, at tawa ang lahat ng kaniyang masasamang karanasan. Nagagawa rin niyang tawanan ang mga problema.

Ni isa ay wala siyang pinagsabihan dahil hindi niya nais na malaman ng iba na siya'y mahina. Na nakakaramdam din siya ng takot. Na dumarating din sa punto na hindi niya kayang pigilan ang kaniyang mga luha.

Ngunit ngayon, sa harapan ni Aurora, sa unang pagkakataon ay nagawa niyang pakawalan ang mga luha na ilang daang taon na niyang tinitiis. Magkahalong hiya at pagpapasalamat ang kaniyang nararamdaman. Ang pagkawala ng mga luha ang tuluyang nagpagaan sa kaniyang pakiramdam.

Marahang pinunasan ni Aurora ang luha ni Ash saka ito niyakap. "Sa umpisa pa lang, alam ko na mabuti ka talaga. Hindi mo minamaliit ang mga maliliit na bagay na nagpapasaya sa 'kin. Sinamahan mo ako at hindi iniwan. Nagustuhan kita bilang totoong ikaw, Hiram."

Ang sugat sa puso na matagal na niyang dinadala ay tila niyakap ng luha na siyang nagpahilom sa sakit. Niyakap niya pabalik si Aurora. Hindi na niya maalala kung kailan niya huling narinig ang kaniyang tunay na pangalan sa haba ng panahong nagdaan. Ang marinig itong muli ay naghatid sa kaniya ng samu't saring damdamin. Hindi na siya ang nilalang na walang pangalan.


NAGSIMULA silang maglakad sa buong carnival. Sa gitna ng gabi ay sinasalubong sila ng iba't ibang kulay ng ilaw. Nauunang maglakad si Aurora na nagagawang lumundag at umikot sa sobrang tuwa. Animo'y isa siyang batang napagbigyan mamasyal at makapaglaro.

Nakasunod si Ash na napapangiti habang pinagmamasdan kung gaano kasaya si Aurora. Hindi man sabihin ni Aurora, nababatid ni Ash na ito ang unang beses na nakapunta siya sa isang carnival. Samantala, marami nang napuntahang carnival at mga kasiyahan si Ash. Ngunit ngayong gabi ang masasabi niyang pinakamakabuluhan at pinakamasaya sa lahat. Ang mga ngiti at kislap sa mga mata ni Aurora ay nagpapawala sa alalahanin ng sinumang makakakita.

"Sumakay tayo roon!" Saad ni Aurora sabay turo sa carousel. Hindi na niya hinintay ang sasabihin ni Ash, agad niya itong hinila at sabay silang sumakay sa magkatabing kabayo kasama ang iba pang mga bata.

Napangiti si Ash, silang dalawa lang ni Aurora ang matandang sumakay sa carousel. "May ideya ka na siguro kung gaano kahusay sa karera," biro ni Ash dahilan upang mapangiti nang malaki si Aurora. Masaya siya dahil nagbabalik na ang Ash na kilala niyan masiyahin at palabiro.

Sumigaw si Ash na sinabayan ni Aurora nang magsimulang umikot ang carousel kasabay ng musikang naghahatid ng hiwaga sa pag-ikot nito. Ang Once upon a dream na siyang paborito ni Aurora. Tila bumagal ang paligid habang taas-kamay nilang sinasalubong ang malamig na simoy ng hangin. Ang palitan ng mga ngiti nina Ash at Aurora ay nakaragdag sa liwanag ng carousel.

Sunod silang sumakay sa Ferris wheel na hindi masyado mataas. Hindi mapigilan ni Aurora ang sumigaw dahil sa bilis ng ikot ng Ferris wheel. Halos sumakit naman ang tiyan ni Ash sa kakatawa dahil kay Aurora. Tinataas niya pa ang kaniyang kumay upang asarin ito.

Nang makababa sila sa Ferris wheel ay pabagsak na napaupo si Aurora sa isang tabi. "Ano, isa pa?" ngisi ni Ash sabay turo sa Ferris wheel na may walong bagon lang. Tulalang umiling si Aurora, buong akala niya ay panatag at romantic sumakay sa Ferris wheel gaya ng mga nababasa at napapanood niya.

Napahawak sa tiyan si Ash, ngayon na lang ulit siya tumawa na tila walang katapusan. "O'siya, maglaro na lang tayo roon!" saad ni Ash sabay hawak sa pupulsuhan ni Aurora upang hilahin ito papunta sa perya.

Tumigil sila sa isang balloon and dart booth. Hinawakan ni Ash ang magkabilang balikat ni Aurora at pinauna ito sa pila. "Jugaremos," (We will play) ngiti ni Ash sa nagbabantay saka hinarap si Aurora na siyang mauuna.

Nagtatakang napatingin si Aurora kay Ash na nasa kaniyang likuran. Hindi niya naintindihan ang sinabi ni Ash sa tagabantay ngunit nararamdaman niyang siya agad ang unang maglalaro. Kinuha ni Ash ang tatlong piraso ng darts at tinuruan siya nito kung anong gagawin.

Hindi namalayan ni Aurora na kanina pa siya nakatitig kay Ash habang pinapaliwanag nito kung paano laruin ang darts. Animo'y nakayakap ito sa kaniyang likuran. "Ipikit mo ang isa mong mata, itapat mo ito, at ibato mo," wika ni Ash habang pinapakita kay Aurora kung anong gagawin. "Okay ba?" tanong ni Ash sabay tingin kay Aurora.

Napaiwas ng tingin si Aurora saka tumango na lang kahit wala siyang naintindihan. Humakbang na paatras si Ash saka pumapalakpak, "Go, Aurora! Kaya mo 'yan!" Hiyaw ni Ash dahilan upang mapalingon ang ilang napapadaan.

Gusto sanang umatras ni Aurora ngunit masyadong masaya si Ash para sirain niya iyon. Bukod doon, gusto niya rin masubukan maglaro ng darts kahit nahihilo pa siya dahil sa pagsakay sa Ferris Wheel.

Tumindig nang maayos si Aurora saka ginaya ang ginagawa ni Ash kanina kahit pa hindi siya siguro kung tama iyon. Lumingon siya kay Ash, "Ganito ba?"

Tumango ng ilang ulit si Ash, "Oo, ganyan, sige ibato mo na!" Ngiti nito sabay hiyaw. Napahinga nang malalim si Aurora saka hinagis ang dart. Sa unang haggis ay nagawa niyang paputukin ang maliit na lobo dahilan upang sabay silang mapasigaw ni Ash.

"Ikaw naman!" Saad ni Aurora sabay abot ng dart kay Ash. Tumayo nang tuwid at umatras si Ash na tila ba kailangan niyang bumwelo. Sumigaw si Aurora para kay Ash ngunit ang pagpalakpak niya ay napalitan ng pagkatulala nang makita kung paano pumwesto si Ash.

Naalala niya na mahusay pala ito sa pagtudla. Humarap si Ash sa kaliwa saka tinaas ang kanang kamay hawak ang dart at ipinantay sa kaniyang mata. Nakasuksok naman ang kaliwa niyang kamay sa bulsa. Tumigil ang ilang mga naglalakad upang panoorin sila. Ang tindig na nakatutok sa pagtudla ay nakaagaw ng pansin ng mga dumaraan.

Nang ibato ni Ash ang dart ay natamaan nito ang dalawang lobo na halos magkadikit. Napasigaw sa tuwa si Aurora. Namangha ang lahat at napapalakpak. Napakamot naman sa ulo ang nagbabantay. Marami ang pumila sa booth sa pag-aakalang madali lang iyon.

Iniabot ng tagabantay ang kanilang premyo. Isang silver bracelet na may half-moon pendant. Nanlaki ang mga mata ni Aurora sabay tingin kay Ash, "Ito ang..."

Ngumiti si Ash, "Ang paborito mong hugis ng buwan," ngiti ni Ash saka sinuot ang purselas sa kanang kamay ni Aurora.

"Ang galing! Paano niya nalaman?" Tumingin si Aurora sa tagabantay na abala na sa mga nakapilang maglalaro. Napangiti si Ash, ang totoo, sinadya niyang half-moon bracelet ang makukuha nilang premyo para ibigay iyon kay Aurora.

"Baka mahilig din siya sa buwan," wika ni Ash na kunwaring walang nalalaman. Napasingkit ang mata ni Aurora saka tumingin muli kay Ash. "Sinadya mo 'no? Ginamitan mo siya ng magic," pagdududa ni Aurora ngunit nagsimula nang maglakad si Ash.

"Kung ayaw mo, ibalik mo na lang sa kaniya," saad ni Ash na kunwaring nagtatampo ngunit hindi niya pa rin mapigilang ngumiti. Agad humabol si Aurora at sumabay sa kaniyang paglalakad.

"Salamat, nagustuhan ko!" Ngiti ni Aurora saka tinitigan ang suot na purselas. Nababatid niya na galing iyon kay Ash. Animo'y lumulundag ang kaniyang puso. Hindi niya mapigilang ngumiti kaya nagkunwari na lang siyang tumitingin sa paligid upang hindi rin mahuli ni Ash ang pamumula ng kaniyang pisngi.

Sunod nilang pinuntahan ang iba pang mga booth. Madalas silang nananalo kaya sinuway na ni Aurora si Ash dahil nararamdaman niyang nakikialam ito sa laro. Nangako si Ash na hindi na niya gagamitin ang kaniyang kakayahan kung kaya't sunod-sunod ang kanilang pagkatalo. Sa kabila niyon, Manalo o matalo ay pareho silang natutuwa sa bawat sandali.

Bumili sila ng popcorn at cotton candy. Habang naglalakad ay naisipan ni Ash na batuhin ng popcorn si Aurora dahilan upang maghiganti rin ito. Sa huli, naghabulan sila sa gitna habang patuloy na iniiwasan ang pagbato sa isa't isa. Napapalingon sa kanila ang ilang mga nakakasalubong. May ilang sumabay sa kanilang tawa. May ilang nainis. At may ilan ding napangiti.


HALOS walang kurap na napatulala si Aurora nang makapasok sila sa loob ng napakalaking tolda kung saan gaganapin ang pagtatanghal ng tanyag na salamangkero. Ang tolda ay pabilog at kasya ang halos limampung katao.

Naupo sina Aurora at Ash sa gitna. Maliliit ang bangkito bagay dahilan upang mahirapan si Ash dahil mahaba ang kaniyang binti. Natawa si Aurora dahil halos pumantay sa balikat ni Ash ang binti nito.

Nagsimula na ang pagtatanghal. Maraming ilaw at puting kalapati ang sumusulpot at nawawala. Sinabayan pa ito ng nakakaindak at nakakakabang musika. Ang bawat kumpas ng salamangkero ay sadyang kahanga-hanga. Hindi mabilang kung ilang beses napapalakpak ang mga manonood.

Nanatiling nakatingin si Ash kay Aurora. Hindi mawala ang kaniyang ngiti lalo na sa tuwing lumalaki ang ngiti at lumiliit ang mga mata ni Aurora habang pumapalakpak ito nang walang katapusan. Ang bawat ilaw na lumilitaw sa entablado ay nakikita niya sa repleksyon ng mga mata ni Aurora.

Napansin ni Ash na panay ang pagkuskos ni Aurora sa kaniyang palad. Sa tuwing hinahawakan niya rin si Aurora ay nararamdaman niya ang lamig nito. Hinubad ni Ash ang kaniyang abrigo at ipinatong iyon sa balikat ni Aurora.

Gulat na napaupo nang tuwid si Aurora. Mabilis siyang sumulyap kay Ash na hindi nagsalita. Hindi niya alam kung anong pumasok sa isip nito ngunit mas hindi niya alam ang kaniyang sasabihin.

Nagsimulang kumabog muli nang malakas ang kaniyang puso. Tumikhim siya saka mabilis na tumingin kay Ash, "O-okay lang ako, hindi naman ako nilalamig---" Hindi na natapos ni Aurora ang sasabihin dahil napabahing siya.

Napapikit si Ash at napahawak sa sentido habang tumatawa. "Hindi ka nga nilalamig," pang-asar ni Ash. Hindi nakapagsalita si Aurora sa hiya. Ang totoo, nilalamig na siya kanina pa. Bukod doon, hindi na rin niya masyado marinig ang pinapanood dahil sa lakas ng tibok ng kaniyang puso.

Maingat na gumalaw si Aurora upang isuot ang abrigo. Nang mapansin ni Ash na nahihirapan si Aurora sa pagsuot ay tinulungan niya ito nang tahimik. Nang maisuot na ni Aurora ang abrigo ay mabilis siyang sumulyap muli kay Ash na nakatingin na sa palabas. Umusog siya nang kaunti papalapit kay Ash saka mabilis na bumulong, "Salamat."

Matapos niyang sabihin iyon ay itinuon niya muli ang paningin sa palabas. Lihim na napangiti si Ash. Hindi na niya mabilang kung ilang beses nagagawang magpasalamat sa kaniya ni Aurora. Isa iyon sa mga hinahangaan niya sa dalaga, marunong itong magpasalamat sa maliit o malaking bagay.

Nagpatuloy sila sa panonood. Ngunit hindi tulad kanina, pareho silang hindi na makapagpokus sa daloy ng palabas. Kabisado ni Aurora ang palabas na ginagawa ng salamangkero dahil ilang ulit na niyang nabasa ang kuwentong ito ngunit hindi niya masundan kung nasaang bahagi na sila ng palabas.

Isang malalim na buntong-hininga ang narinig niyang pinakawalan ni Ash bago ito umusog papalapit sa kaniya dahilan upang magtama muli ang kanilang balikat. "Hindi pa ko nakakaranas ng date," bulong ni Ash dahilan upang tuluyang manigas sa kinauupuan si Aurora at nagsimulang uminit muli ang kaniyang magkabilang pisngi.

Ang napalunok si Aurora, hindi niya alam ang sasabihin. Mas lalo pa siyang natataranta dahil gusto niya ring magsalita. Muling dumikit sa kaniya si Ash, "Baka hindi ka naniniwala sa 'kin," bulong nito. Dahan-dahang tumingin si Aurora kay Ash, para siyang nahuhulog sa mga mata nito.

"First time ko lang din 'to," saad ni Aurora. Dahan-dahang sumilay ang ngiti sa labi ni Ash. Ang pagtugon ni Aurora ay nangangahulugang mayroong pag-asa.

"Ibig sabihin... sumasang-ayon ka na date 'to?" hirit ni Ash habang nakangiti. Napapikit sa hiya si Aurora saka tumango nang marahan. Ang kanilang nag-uumapaw na damdamin ay sinabayan ng malakas na sigaw at palakpak ng mga tao nang magpasaboy ng liwanag at magpalipad ng sampung kalapati ang salamangkero.

Bago magwakas ang palabas, hinawakan ni Ash ang kamay ni Aurora. Ang pagsabog ng mga bulaklak at paglipad ng mas maraming mga kalapati ay sumang-ayon sa ligayang kanilang nararamdaman.

Nang matapos ang palabas, hindi binitiwan ni Ash ang kamay ni Aurora hanggang sa makalabas sila sa tolda. Sa tuwing magtatama ang kanilang mga mata ay agad silang iiwas ng tingin at parehong matatawa.

Huminga nang malalim si Ash saka inilapit si Aurora sa kaniyang tabi. "Pasensiya na, hindi ako marunong manligaw," wika ni Ash dahilan upang mapangiti si Aurora. "Liligawan na lang kita araw-araw," bawi ni Ash dahilan para mapatakip ng mukha si Aurora. Hindi siya makapaniwala na maririnig niya ang pick-up line na 'yon kay Ash.

"Basta 'wag kang mandadaya, alam kong ikaw nagbigay nito," napasingkit ang mata ni Aurora saka tinaas ang kamay nilang magkahawak kung saan suot niya sa kanang-kamay ang purselas. Napatango nang ilang ulit si Ash habang nakatawa, "Opo, hindi na mauulit, aking prinsesa," ngiti ni Ash dahilan upang mapapikit muli si Aurora sa hiya. Nauunawaan niya na palabiro at malakas ang loob ni Ash ngunit hindi niya kinakaya ang mga matatamis na salitang sinasabi nito.

Nagpatuloy sila sa paglalakad habang parehong nakangiti na parang mga hibang. "Curious lang ako, sinong mas gwapo sa inyo ni Libulan?" tanong ni Aurora nang makarating sila sa tapat ng Ferris Wheel.

Napasingkit ang mga mata ni Ash, "Tinatanong pa ba 'yon? Siyempre ako!" Saad ni Ash sabay turo sa sarili. Nauunawaan din ni Aurora na may mga pagkakataong masyadong mataas ang kumpyansa ni Ash sa sarili. Dahilan upang hindi siya nabibigong patawanin nito.

"Paano ko malalaman? Hindi ko pa nakikita si Libulan," saad ni Aurora. Hinawakan ni Ash ang magkabilang balikat ni Aurora at iniharap ito sa kaniya, "Tumingin ka lang sa 'kin, hindi ka ba naniniwala?" Natawa si Aurora dahilan upang matawa na lang din si Ash.

Napahalukipkip si Aurora, "Curious lang din ako kung sino si Elena? Bakit si Libulan may Elena? Ikaw?" Napakamot sa ulo ni Ash. Ngayon niya napatunayan na dumadaloy din sa dugo ni Aurora ang ugali ni Faye.

"Marami rin naman akong naging binibini noon..." napatigil siya nang mapagtanto na hindi iyon ang tamang sagot dahil mas sumingkit ang mga mata ni Aurora. "Ang ibig kong sabihin, wala akong naging kasintahan o kapalagayan ng loob kahit kailan dahil abala ako sa maraming bagay." Patuloy ni Ash. Tumango nang ilang ulit si Aurora na animo'y kumbinsido sa sagot nito.

Magtatanong pa sana ulit si Aurora ngunit agad nagsalita si Ash sabay turo sa Ferris Wheel, "Gusto mo bang sumakay ulit? Isa pa?" Ngiti nito. Gulat na umiling si Aurora ngunit hinawakan agad siya ni Ash upang hilahin patungo sa Ferris Wheel. Nang makawala siya sa pagkakahawak ni Ash ay dali-dali siyang tumakbo dahilan upang muli silang maghabulan paikot sa peryahan.


NAKAUPO sila sa mahabang sea wall kung saan nakaharap sila sa payapang dagat. Natatanaw nila sa malayo ang maliwanag at makulay na Carnival. Pagkatapos nilang mamasyal at maglaro roon ay naisipan nilang maglakad-lakad hanggang sa marating nila ang tabing-dagat.

Malalim na ang gabi ngunit maliwanag ang paligid. Maraming mga post light sa bawat kalye at kalsada sa Barcelona. Wala nang katao-tao sa paligid. Tanging ang musika at ingay mula sa Carnival ang kanilang naririnig.

Napansin ni Ash na tumahimik si Aurora. Habang naglalakad sila ay nakaramdam ito ng pagod kung kaya't naupo sila sandali. Kasalukuyang pinagmamasdan ni Aurora ang buwan, napangiti siya dahil palagi niyang nakikita ang pinakapaborito niyang hugis sa lahat.

"Alam mo ba, parang nararamdaman ko ang naranasan ng iyong kapatid," wika ni Aurora na nanatiling nakatingin sa buwan. "Tulad niya, ako rin ang mas pinapaburan ni papa. Ang totoo, hindi ako masaya sa nangyayari. Nakakasakal ang sobrang atensyon. Oo, ipinagpapasalamat ko at habambuhay kong tatanawin na utang na loob ang pagmamahal at sakripisyo nila para sa 'kin. Pero hindi ako masaya at hindi ako natutuwa sa ginagawa niya."

Pinisil-pisil nang marahan ni Aurora ang mga daliri ni Ash. Mainit ang palad nito dahilan upang mabawasan ang kaniyang panlalamig. "Sa isip ng iba, dapat akong magpasalamat dahil masuwerte ako. Ang hindi nila alam, nilalamon ako ng lungkot at konsensiya. Pakiramdam ko kasalanan ko kung bakit hindi napapansin ang iba kong kapatid. Ako ang dahilan bakit sila nasasaktan. At naiinis ako sa sarili ko dahil wala akong magawa. Hindi ko masabihan si papa. Hindi ko mabago ang nangyayari."

Napayuko si Aurora, mas lalo siyang nasasaktan dahil natuklasan niya ngayon kung gaano kahirap para kina Ash, Faye, at Sabrina ang lahat. Sila na mga iniwan at kinalumutan ng sariling magulang.

"Nakakasakal ang sobrang pagmamahal ng magulang na kung minsan ay wala na sa lugar. Tulad ni Libulan, kailangan lahat ng gagawin ko ay nalalaman at may kinalaman sa kanila. Lahat ng desisyon ko ay pinapangunahan nila. Sila ang nagdedesisyon para sa buhay ko. Para bang hindi ako puwedeng magkamali."

Hinawakan ni Ash nang mahigpit ang kamay ni Aurora. Hindi agad nakapagsalita si Ash nang maramdaman na mas lalong lumamig ang palad ni Aurora. "Gaya ng iyong sinabi sa 'kin, huwag mong sisihin ang iyong sarili. Hindi mo kasalanan kung bakit nangyari iyon." Namumuo ang luha sa mga mata ni Aurora habang nakatingin nang deretso kay Ash.

"Ako, at ang mga kapatid mo, nauunawaan na namin ngayon ang lahat. Naiintindihan namin na hindi niyo kasalanan ni Libulan kung bakit kayo ang mas nakakahigit AT laging pinapaburan. Nagkamali kami sa paniniwalang dapat din kayong magdusa at masaktan. Nabulag kami at tunay na wala sa lugar ang aming galit." Ang mga sinabi ni Ash ay tumagos sa puso ni Aurora. Animo'y kausap niya ngayon sina Faye at Sabrina.

"Mas lalo mo akong pinapahanga, Hiram." Ngiti ni Aurora habang marahang pumatak ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata. Pinunasan iyon ni Ash gamit ang kaniyang kamay saka ngumiti pabalik kay Aurora, "Tawagin mo na lang akong Ash. Mas gusto ko ang pangalang iyon."

Sabay silang napatingin sa pagdampi ng niyebe sa kanilang kamay. Napatingala sila sa langit kung saan natunghayan nila ang marahang pagbagsak ng mga niyebe na naghahatid ng kapayapaan. Napangiti nang malaki si Aurora sabay lahad ng palad upang saluhin ang maliliit na niyebe. "Hindi ako makapaniwala..." Tumingin si Aurora kay Ash na puno ng pagkamangha. Hindi niya akalain na makakakita siya ng totoong niyebe at mararamdaman ito sa kaniyang palad gayong malabong makapunta siya sa iba't ibang bansa dahil sa kaniyang kondisyon.

Ngumiti si Ash nang marahan habang nakatitig kay Aurora. Wala siyang kinalaman sa pagbagsak ng niyebe. Napatingin si Ash sa buwan kung saan nanatili ang liwanag nito. Nababatid niya ang mensahe ng niyebe gayong natatanaw pa rin nila ang buwan sa langit.

"Pupunta sana kami noon sa snow world pero hindi natuloy dahil sabi ni papa hindi raw ako puwede tumagal sa malalamig na lugar," nagsimulang magkuwento si Aurora. Ang kaniyang mga mata, bagaman mababakas ang pagod at pamumula, ay naroon pa rin ang saya dahil sa mga niyebe.

Hindi makagalaw at makapagsalita si Ash. Hindi na rin niya maintindihan ang sinasabi ni Aurora dahil mas napapansin niya ang pamumutla ng buong mukha nito. Kanina niya pa hindi maunawaan kung bakit kakaiba ang lamig ng palad ni Aurora. Ayaw niyang tanggapin ang ideyang pumapasok sa kaniyang isipan. Nanginginig at nanghihina ang kaniyang katawan.

"Dito ko lang din pala mararanasan 'to," patuloy ni Aurora sa kaniyang kinukuwento habang nakangiti at patuloy na sinasalo ang mga niyebeng nahuhulog mula sa langit. "Alam kong ikaw ang nagpabagsak ng niyebe ngayon dito. Salamat, Ash!" Hindi mawala ang ngiti sa labi ni Aurora. Sandali niyang nakalimutan ang panghihina dahil sa tuwang nararamdaman.

Samantala, pilit na pinipigilan ni Ash ang sarili. Napayuko siya habang hawak nang mahigpit ang kamay ni Aurora. Hindi niya gustong makita. Hindi niya nais tingnan. Ngunit hindi niya maiwasang alamin kung tama ba ang nasa kaniyang isipan. Nangingitim na ang mga kuko ni Aurora. Maging ang labi nito ay namamalat na at bakas ang pagkakabitak-bitak.

Muling nakaramdam ng pagod si Aurora kung kaya't marahan niyang ipinatong ang kaniyang ulo sa balikat ni Ash. "Sana hindi na 'to matapos. Kung may libro lang sanang hindi nagwawakas. Sana mangyari sa 'tin 'yon."

Ipinikit ni Aurora ang kaniyang mga mata. Inaantok siya at gusto niyang umidlip sandali. Pakiramdam niya ay masyado siyang napagod sa kanilang pamamasyal. Sa bawat segundong lumilipas ay mas lalong bumabagal at humihina ang tibok ng kaniyang puso. Ni hindi niya rin maramdaman na umiiyak na nang tahimik si Ash habang nakasandal siya sa balikat nito.

"Ash," wika ni Aurora na bakas ang panghihina, "Hindi mo pa pala nasasagot ang tanong ko noon... kapag natapos ang misyon mo, anong makukuha mong kapalit?"

Napatakip sa bibig si Ash habang hawak nang mahigpit sa kabilang kamay si Aurora. Hindi niya nais na mahalata nito ang walang humpay na pagbagsak ng kaniyang mga luha. "Kung ito ang parusa ni Haliya... Pagkatapos ng lahat... ng misyon mo... anong mangyayari sa 'yo?" napahawak si Aurora sa tapat ng kaniyang puso. Nahihirapan na siyang huminga. Sinubukan niyang umupo nang maayos upang sabihin kay Ash ang pagsikip ng kaniyang dibdib ngunit wala na siyang lakas gumalaw.

Pilit na nilalabanan ni Ash ang pagkadurog ng kaniyang damdamin. Bilang na lang ang oras. Ang pagbagsak ng niyebe at panghihina ni Aurora ay nangangahulugang malapit nang matapos ang buhay nito.

Napapikit habang nangininig ang kaniyang labi at buong katawan. Hanggang sa pagkakataong ito ay kailangan niya pa ring itago ang tunay na nararamdaman, "M-makakalaya na ako. Kapag natapos ang lahat. K-kapag natapos ang aking misyon. Makakabalik ako sa dati," pagsisinunggaling niya. Ang totoo, sa oras na matapos niya ang kaniyang tungkulin, makakatawid na ang kaniyang kaluluwa sa kabilang buhay. Makakapagpahinga na siya sa loob ng ilang daang taong pagkakakulong sa parusa ng buwan.

Sa una pa lang, matagal nang hinangad ni Ash ang makapagpahinga at talikuran ang mapait na nakaraan. Ngunit nang dahil sa kaniyang mga kasalanan, ang parusa ni Haliya ang nagpahaba sa kaniyang buhay kung saan ang masasamang karanasan ay kailanman hindi niya malilimutan. Mahabang panahon niyang tiniis ang lahat at pinagsumikapang mapagtagumpayan ang lahat ng misyon upang makamtan ang kapahingahan at kalayaan.

Nanghihinang ngumiti si Aurora kahit pa hindi na niya magawang igalaw ang katawan. Bagaman hindi na niya masyadong marinig si Ash, naniniwala siya na maganda ang kakaharapin ni Ash pagkatapos ng misyon.

"Matutulog lang ako sandali... gisingin mo na lang ako kapag aalis na tayo rito," nakapikit na saad ni Aurora. Pakiramdam niya ay niyayakap siya ng mga niyebe upang makatulog nang mahimbing. Napangiti siya nang maalala na hindi umalis si Ash sa kaniyang tabi. Umaasa siya na marami pa silang mapupuntahang lugar at hindi lang niyebe ang mararanasan niya sa iba't ibang mundo.

Nang hindi na umimik si Aurora ay dahan-dahang ipinikit ni Ash ang kaniyang mga mata bagaman hindi na niya mapigilan ang luha at panginginig ng kaniyang katawan. Hindi pa siya handang magpaalam ngunit kailangan na niyang gawin bago mahuli ang lahat.

Marahan niyang hinalikan sa labi si Aurora na natutulog nang mahimbing. Kaakibat ng halik na iyon ay ibinulong niya sa kaniyang isipan ang nag-iisang hiling kahit walang kasiguraduhan kung pagbibigyan siya ng buwan.


ANG mahabang ingay ng life monitor machine ay bumalik sa normal. Gulat na napalingon ang doktor at mga nurse nang makita ang pagbabago sa makinang nakakabit sa buhay ng pasyente. Maging ang mga magulang nito na napabagsak na sa sahig nang sabihin ng doktor ang oras at petsa ng pagkamatay ng kanilang anak ay muling nabuhayan ng pag-asa.

Agad silang lumapit at sinuri ang kalagayan ni Aurora na nakitaan nila ng paggalaw. Makalipas ang dalawang araw, laking pasasalamat ng lahat nang magkaroon na ng malay si Aurora. Nang imulat nito ang mga mata, matagal-tagal bago niya naalala ang kaniyang sitwasyon.

Wala pang dalawang Linggo ay mabilis siyang nakabawi ng lakas. Hindi makapaniwala ang mga doktor dahil sunod-sunod ang magandang resulta ng mga laboratory test at diagnostic exam. Naging maganda rin ang proseso ng kaniyang mga physical therapies.

Hanggang sa ang lahat ng isinagawang tests ay malinaw na at idineklara ng doktor ang complete remission. Walang mapagsidlan ang tuwa at pasasalamat ng mga magulang ni Aurora dahil ang matagal nilang hinihintay at pinagdarasal na kagalingan ay nangyari na.

Naglalakad na sila palabas sa ospital. Nakasuot ng black pants at pink hoodie si Aurora. Nakalugay ang mahaba niyang buhok na papaputulan na nila bukas. Sa unang pagkakataon, masayang balita ang dadalhin nila pauwi. Isinakay na ni Mr. Lacamiento ang mga gamit nila sa sasakyan habang kausap naman ng kaniyang asawa ang mga doktor at nurse upang magpasalamat sa lahat ng tulong nito. Sa tagal ng panahon ay naging kaibigan na rin nila ang mga taong naniwala na makakaya nilang malagpasan ang pagsubok na ito.

Alas-otso na ng gabi nang makapagpaalam sila. "Malapit na ang pasukan, makakapasok ka na," ngiti ng nurse na kumaway kay Aurora bago paandarin ni Mr. Lacamiento ang sasakyan. "Babalik kami dito suot ang school uniform niya." Ngiti ni Mrs. Lacamiento na halos hindi nakakaramdam ng pagod dahil sa sobrang kagalakan. 

Nakaupo sa backseat si Aurora, binaba niya ang bintana at dinama ang sariwang hangin. Ilang buwan din silang nanatili sa ospital. Ilang buwan din siyang walang malay. Ngayon niya muling nalanghap ang hangin na nagsasabing buhay siya at patuloy siyang mabubuhay ngayong wala na siyang karamdaman.

"By the way, Aurora anak, sa 'yo ba ang bracelet na 'to?" tanong ng kaniyang in ana nakaupo sa passenger's seat. Inabot nito ang silver bracelet. Pinagmasdan ni Aurora ang bracelet na may half-moon pendant.

"Nakita ko 'yan dati sa higaan mo sa ospital. Sabi ng papa mo, wala naman daw siyang binigay na ganyan sa 'yo," patuloy nito. Marahang binaliktad ni Aurora ang half-moon pendant. Walang nakasulat doon. Walang kahit anong salita o anumang pangalan.

"Hindi ko po alam," sagot ni Aurora habang nakatitig sa bracelet. Pilit niyang binabalikan ang mga araw kung saan madalas ay nasa loob lang siya ng bahay. Hindi rin naman sila umalis bago siya isugod noon sa ospital. Wala siyang maalala sa mga araw na nagdaan bago siya mawalan ng malay. Tila ba nakatulog siya nang mahimbing sa loob ng mahabang panahon, at sa kaniyang paggising, hindi na niya maalala ang lahat ng kaniyang panaginip.

"Baka naiwan 'yan sa ospital. Hinahanap na siguro 'yan ng may-ari," wika ng kaniyang ina saka kinuha sa kaniya ang bracelet. "Your lolo and lola are excited to see you. Let's have lunch with them on Sunday." Ngiti ng kaniyang ina. Napangiti rin si Mr. Lacamiento at sumang-ayon sa ideya nito.

Nagpatuloy sa pagkukuwentuhan ang mag-asawa. Pinag-usapan na nila kung sino-sino ang bibisitahin nila kasama si Aurora. Mga kamag-anak at kaibigan na matagal din nilang hindi nakita.

Muling tumingin si Aurora sa bintana. Tinatahak nila ang malawak na kalsada at mga taniman. Pinagmasdan niya ang buwan, kalahati ang hugis nito, ang pinakamagandang hugis para sa kaniyang paningin.

Hindi malaman ni Aurora kung bakit tila may naiwan siyang mahalaga ngunit hindi niya maalala. Pakiramdam niya ay nakalimutan niya ang isang napakalaking bahagi ng kaniyang buhay. Ang magaan na pakiramdam na kaniyang nararamdaman ngayon ay may kaakibat na kakulangan. Ganito ang nararamdaman niya sa tuwing nagigising siya at walang maalala mula sa kaniyang mahabang pagkakahimbing.

Nagtaka si Aurora kung bakit hindi na siya sinusundan ng buwan. Palayo nang palayo ang kanilang sasakyan ngunit ang puwesto ng buwan ay hindi umaalis sa lugar kung saan niya ito iniwan.

Dumungaw siya sa bintana upang lingunin ang buwan ngunit dahil sa sobrang layo ay unti-unti na itong naglaho sa kaniyang paningin. Lumiko na rin sila sa ibang daan upang tahakin ang bagong landas at ipagpatuloy ang kanilang buhay.

Sinara na ni Aurora ang bintana at sumandal sa upuan. Ipinikit niya rin ang kaniyang mga mata sa pag-asang mababalikan niya ang mahabang panaginip na ngayon ay hindi na niya maalala.





*****************

#Hiraya

Featured Song: "Once Upon A Dream" by Lana Del Ray. Pakinggan niyo ang napakagandang music box version na ito.

[Dapat mayroong isang GIF o video rito. I-update na ang app ngayon upang makita ito.]

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro