Kabanata 1

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 1]

1892 ang taon kung kailan naitatag ang Katipunan. Ito rin ang taon kung saan dinakip at ipinatapon si Dr. Jose Rizal sa Dapitan.

Nag-lelecture ngayon ang pinaka-boring naming prof. Kanina pa ako bored na bored dito. "Read and pass." Bulong sa'kin ng katabi ko. Binuklat ko ang papel na pinasa niya at binasa ito.

House party @James tonight, 8 pm. - Shae

Napabuntong hininga na lang ako. Si James Gilbert ang famewhore na feeling pogi at makapal ang mukha. Pareho lang silang dalawa ni Shae. Tumingin ako kay Shae na nakaupo sa bandang likuran ko. Tinaasan ko siya ng kilay sabay punit ng papel at tinapon iyon sa sahig.

"What's your problem?!" pagtataray niya rin sa'kin dahilan para mapatingin sa amin si Prof. Hermios ng Philippine History. Balak akong sunggaban ni Shae at sabunutan pero hindi na niya naituloy dahil biglang nagsalita si Prof. Hermios. Malaki talaga ang galit sa'kin ng babaeng 'to. Gano'n din naman ako sa kaniya.

"Quiet. Kung magsasabunutan lang naman kayo. Doon niyo na lang 'yan ituloy sa Discipline's OFfice." Seryosong wika ni Prof.Hermios, nakatingin na sa amin ang lahat.

Tumayo na lang ako sabay kuha sa bag ko at tiningnan ulit nang masama si Shae na mukha na ngayong mangkukulam na gusto akong balatan ng buhay. At dahil gusto ko pa siya lalong inisin, kinuha ko na rin ang bubble gum na nginunguya ko kanina-kanina pa at idinikit iyon sa desk niya.

"Bitch!" Sigaw ni Shae. Hahablutin niya sana ang bag ko pero mabuti na lang dahil napigilan na siya ng ibang kaklase namin. Alam ko namang balak lang akong pag-selosin nina Shae at James sa mangyayaring party sa bahay nila James mamaya. Nginitian ko na lang si Shae saka naglakad papunta sa pintuan.

"Where are you going? Ms. Isabella" narinig kong tawag ng prof namin. Napatigil ako sa paglalakad at tinatamad na lumingon sa kaniya. "Discipline's office as your command, sir." 


"CARMELA! Where have you been?" Bungad sa'kin ni daddy pagpasok ko ng bahay. It was already eleven at night. Seryoso ang mukha ni Dad habang nakahalukikip. Napalingon ako sa paligid, medyo makalat ang bahay at ang daming maleta.

"Birthday kasi ni Shae and nag-celebrate siya kaya.... Ayun." Palusot ko sabay ngiti, at syempre agad kong niyakap si dad para mawala ang init ng ulo niya. Si Shae lang ang nag-iisang kaibigan ko noon na kilala ni dad kaya siya ang unang pumasok sa isip ko para idahilan. Hindi naman talaga ako pumunta sa house party nila ni James. Sa isang battle of the bands event ako pumunta.

Tiningnan ako nang mabuti ni Dad na para bang gusto niyang kilatisin kung nagsasabi ba ako ng totoo kaya agad kong iniba ang usapan. "Dad. What's going on here?" tanong ko saka naglakad papasok, inilapag ko na sa sofa ang bag ko. Napatingin si Jenny na nakahiga sa sofa at nanood ng movie sa kaniyang Ipad. She's sixteen and an avid fan of K-pop.

Hindi naman tumingin sa'kin si Emily na abalang-abala sa pagbabasa ng libro. She's twelve and a bookworm. "I thought you and Shae are no longer friends?" Nagtatakang tanong ni Dad. Hindi ako tumingin sa kaniya, tumabi ako kay Jenny at kunwaring nanood sa pinapanood niyang movie.

"Mrs. Falcon called earlier, according to her, you and Shae interrupted your Philippine History class."

"Dad, you know naman, it's just a simple petty fight."

"Carmela."

Sandali kaming natahimik. Nagkatinginan pa sina Jenny at Emily ngunit hindi na sila nagsalita sa takot na sila naman ang mapansin ni Dad. "How's your grades? Carmela." Patuloy ni Dad saka naupo sa tabi ni Emily.

"I saw your grades." Saad niya saka napahinga nang malalim. "Bakit puro dos ang grades mo? Hindi ka pa ba nadad..." hindi na natapos pa ni Dad ang sasabihin niya. Tumayo na ako saka naglakad paakyat sa hagdan. I know him, paulit-ulit lang din naman ang sinasabi niya, Why can't you be like your cousins? Look at them now, they were all successful, and you're left behind.

"Okay. Fine." sagot ko na lang sabay sarado ng pinto pagdating sa kwarto. Nakakapagod din kapag palagi kang kinokompara sa ibang tao. Kahit naman siguro sabihin ko na hindi talaga para sa'kin ang Business Management wala pa ring mangyayari kasi ipagpipilitan pa rin ni Dad ang gusto niya.

Inihagis ko na lang ang bag ko sa sahig sabay lundag sa kama. If mom was here, I think everything is different.

Hindi ko na namalayan na unti-unti na palang pumipikit ang mga mata ko. Napanaginipan ko ang huling araw na nakasama namin si mommy.

Nagluluto siya sa kusina. I was eight years old, Jenny was four. Mom was pregnant. Kakatapos lang magbihis ni Dad para pumasok sa trabaho, he was an executive manager in a five star hotel. Mom was a teacher before until he met Dad and they got married.

Hinalikan ni Dad si Mom sa pisngi. "Breakfast is ready" tawag ni Mommy, agad naman kaming nag-unahan ni Jenny papunta sa dining table. Gusto ko sa katabi ni Mommy umupo pero gusto rin ni Jenny kaya palagi kaming nag-uunahan.

"Carmela, ikaw na ang magparaya. Ikaw ang ate, hindi ba?" Madalas iyon ipaalala sa'kin ni mommy kaya wala na akong nagagawa. Umupo na lang ako sa tabi ni Dad.

"Kasing rikit ng mga bulaklak na umuusbong sa umaga ang iyong kagandahan, Mahal ko." Bungad ni Dad sabay yakap kay Mommy, tapos nagtawanan sila. Nagkatiningnan kami ni Jenny, hindi namin maintindihan kung anong nakakatawa? Napapakunot din ang noo kapag nagtatawagan sila ng Mahal.

"Mahal, feel ko malapit na nating makasama si Johnny." Sabi ni Mommy sabay himas ng tiyan niya. Hindi pa namin alam kung girl or boy ang dinadala ni Mommy kasi ayaw din nilang malaman, gusto nila surprise. Ngumiti naman si Dad, ibang-iba ang hitsura ni Dad noon kumpara sa ngayon na halos subsob na siya sa trabaho.

Habang kumakain kami biglang hinawakan ni Mommy ang kamay ko. "Carmela," tawag niya dahilan para mapatingin ako sa kaniya at napatigil sa pagkain ng cereal.

"You will understand all of this, maybe not now, but someday you will." Napatango na lang ako. Naramdaman siguro ni mommy na medyo nagtatampo ako kasi lagi na lang ako ang dapat magparaya kay Jenny dahil ako ang panganay.

"Mommy, I want more cereal!" Saad ni Jenny, ang kalat-kalat niya kumain. Iniabot naman ni mommy ang cereal pero nagulat kaming lahat dahil bigla niyang nabitawan ang cereal box at napakabig siya sa mesa. Mabuti na lang dahil mabilis na tumayo si Dad at hinawakan niya ang likod ni Mom upang hindi ito matumba.

"Manganganak na ata ako." saad ni mommy, nanlaki ang mga mata namin nang biglang may tubig na dumaloy sa hita niya. Agad nataranta si Dad at binuhat si Mom papunta sa kotse.

"Carmela, ikaw muna ang bahala kay Jenny." Bilin ni dad bago niya isara ang pinto ng kotse. Halos gulat naman kami ni Jenny na nakatayo sa pintuan. Agad namang lumabas sa kusina ang yaya namin noon at isinara ang gate para hindi kami humabol ni Jenny sa kanila.

Iyon na pala ang huli kong alaala kay Mommy. Pawis na pawis siya at parang hirap na hirap. Noong mga oras na iyon hindi ko alam pero mas kinakabahan ako kaysa ma-excite dahil magkakaroon na ng panibagong member ang family namin. Pero lahat ng excitement, saya at pag-asang iyon ay naglaho nang umuwi si daddy yakap ang isang baby girl at wala na si Mommy.

"Ate. Wake up!" nagulat ako nang biglang may tumatapik sa mukha ko. Agad akong nagtaklob ng unan pero hindi pa rin ako tinigilan ni Emily.

"Emily!" suway ko sa kaniya, agad siyang tumakbo papalayo habang tumatawa nang malakas. Alam kong may kalokohan na namang ginawa sa'kin si Emily dahil sobrang lagkit na ng mukha ko. Bumangon ako at napagtanto ko na nilagyan niya ako ng white glue sa mukha!

Agad akong bumaba at hinabol siya. "Ate. Ano 'yan? Facial mask?" pang-asar naman ni Jenny na ang sarap-sarap ng higa sa sofa at dahil inasar niya rin ako siya naman ngayon ang binalingan ko. Hinabol ko rin siya at pinahid sa mukha niya ang glue. "Ano ba... Dad!" sigaw niya, na-corner ko rin si Emily at pinahid ko rin sa mukha at buhok niya ang glue.

"Tama na 'yan! We need to leave." sabi ni dad, sinundan ko siya ng tingin habang isinasakay sa kotse ang mga maleta. Naalala ko na pupunta nga pala kami kay Lola Carmina. Patuloy pa ring nag-wrewrestling ang dalawa kong kapatid. Binabalibag nila ang isa't isa sa malambot na sofa.

"Girls. Come on" tawag ni Dad. Nanggigil pa ako kay Jenny at Emily saka dinaganan sila sa huli.

"Maligo na nga kayo. Ang lalagkit niyo na" paalala ni Dad. Balak sana siyang yakapin ni Emily para pahiran ng glue kaso sinaway siya ni Dad. Binelatan na lang namin siya ni Jenny. Minsan tuloy naiisip ko kung paano kaya nakakaya ni Dad ang lahat ng stress sa pag-aalaga saming tatlong makukulit na babae ng buhay niya.

Higit isang oras ang tumagal bago kami matapos maligo at mag-ayos. "Carmela, dalhin mo muna 'to" sabi ni dad sabay abot sa akin ng bag niya. Tumingin naman ako kay Jenny at pinasa sa kaniya ang bag ni Dad. Mag-rereklamo sana siya kaya lang gets na niya ang linya sa mga ganitong sitwasyon, ako ang ate kaya ako ang masusunod.

Inirapan niya na lang ako sabay tingin kay Emily at pinasa ang bag ni Daddy. Alam din naman ni Emily ang batas sa pamilya namin. Ang ate ang masusunod.

Ilang oras din ang itinagal ng byahe namin from Manila to San Alfonso kaya medyo sumakit ang katawan ko sa mahabang byahe. Nandito na kami sa probinsya ni Mommy sa San Alfonso. Nag-request daw kasi si Lola Carmina ang mama ni mommy na dito na raw ako mag-celebrate ng birthday sa Monday, February 29, 2016.

Saturday pa lang ngayon. May dalawang araw pa kaming magtitiis dito.

"Wow! Bagong pintura ang bahay ni Lola." sabi ni Emily saka sumunod na siya kay Dad papasok sa bahay ni lola.

"May wifi ba here?" narinig ko namang reklamo ni Jenny, napatingin naman ako sa buong bahay. Malaki ang bahay ni Lola Carmina. Old Spanish Mansion. Naikwento sa amin noon ni Mommy na ilang siglo na raw nakatayo ang bahay na ito.

Kwento pa ni mommy, sa Manila raw talaga siya nag-aral ng High School at College dahil may kakaiba raw sa bahay na ito na hindi niya maintindihan. Naiinitindihan ko rin naman si Mommy kasi sa tuwing bumibisita kami rito sa bahay ni lola, may kakaiba rin akong nararamdaman.

"Pasok kayo mga apo!" masayang bati ni Lola Carmina na nakatayo sa tapat ng pintuan. Nakangiti siya ng at baka sa mukha niya na sabik na sabik siyang makita kami. Isa-isa niya kaming niyakap at hinalikan. Sobrang tagal na rin noong huli kong nakita si Lola Carmina. Bihira kami makauwi ng probinsya dahil sobrang busy ni Dad.

"Ang gaganda naman ng mga apo ko, Emily, Jenny at Carmela." nakangiting sabi ni Lola at napahinto siya nang makita ako. Nakatitig lang siya sa akin ng halos sampung segundo. It's so awkward.

"Ma' may dala po kaming mga pasalubong para po sa inyo." Sabi ni dad, nabasag na ang pagtitig sa akin ni Lola Carmina. Parang may kakaiba akong naramdaman nang tinitigan ako ni Lola Carmina. Parang may gusto siyang sabihin at ipaintindi sa akin. Weird.

Bigla naman akong sinagi ni Jenny sabay bulong sa tenga ko. "Ate. Feeling ko ang panget mo raw sabi ni lola" asar sa'kin ni Jenny sabay takbo papasok ng bahay. Hindi ko naman siya magantihan ngayon kasi nasa ibang bahay kami, baka makabasag kami ng mga gamit ni lola. Puro antique pa naman ang mga naka-display dito sa bahay.

Napansin ko rin na mukhang bagong renovate ang bahay. Marami ring naka-display na plato, statue, paintings at Santo sa bawat sulok ng bahay. Feeling ko nasa museum kami.



IPINAGLUTO kami ni Lola Carmina ng specialty niyang Caldereta na kinakain na namin ngayon sa dining table. Ang dami nilang pinag-uusapan ni Dad at marami rin siyang kwento tungkol kay Mommy noong nabubuhay pa ito. Excited naman makinig si Emily dahil hindi niya nakilala si Mommy. Minsan nga naiisip ko kahit pala papaano mas swerte kami ni Jenny kaysa kay Emily dahil naranasan namin ang pagmamahal ni Mommy kahit sa maikling panahon lang.

Noong gabi na nalaman namin na patay na si mommy at baby girl pala ang nasa tiyan niya nagmukmok lang si Dad sa kwarto niya. Emilia ang gustong ipangalan ni mommy kung babae daw ang nasa tiyan niya. Buti na lang dahil binago ni Dad at ginawang Emily. Hindi tulad ko, makaluma ang pangalan.

"Dapat matutunan niyo ang pagluluto ng Caldereta ala Montecarlos style, ito ang isa sa pinagmamalaki ng pamilya" nakangiting wika ni Lola Carmina. Kahit pa hindi rin naman Montecarlos ang last name ni Lola Carmina palagi niya pa ring pinapaalala sa amin lalo na noong mga bata pa kami na dapat daw alalahanin namin ang pamilya Montecarlos na pinagmulan ng aming lahi.

Nagpatuloy lang kami sa pagkain. Masarap naman talaga ang specialty na 'to. Ang baduy lang pakinggan ng Caldereta Ala Montecarlos.



PINAGMAMASDAN ko ngayon ang sarili ko sa salamin. Narito ako ngayon sa kwarto na inihanda ni Lola para sa akin. Halos may sampung kwarto ang mansion na ito ni lola kaya tig-iisa talaga kami ng kwarto. Sa totoo lang, gusto ko sana maki-share ng kwarto kay Jenny o kaya kay Emily kaya lang hindi nila pwedeng malaman na natatakot din ako.

Maganda naman ang classic style na design ng kwartong ito. Iniisip ko nga baka biglang may mga multo na lalabas sa dingding at ihuhulog ako sa bintana kasi hindi ko naman kwarto ito.

Mga halos kalahating oras na rin ako nakaupo rito sa tapat ng luma at antigong salamin. Siguro pati ito ilang daang taon na rin. Hindi rin mawala sa isipan ko ang weird na kilos at tingin ni Lola Carmina.

Nagulat ako ng biglang may kumatok sa pinto. Agad akong lumundag sa kama at nagtaklob ng kumot na amoy luma. Dahan-dahang bumukas ang pinto, rinig na rinig ko pa ang matinis na tunog ng pinto tulad sa mga horror movies na nangyayari sa mga lumang bahay!

"Carmela, apo?" narinig ko ang pamilyar na boses. Si Lola Carmina lang pala akala ko naman kung sino. Bumangon na ako sa kama saka nagpanggap na parang walang nangyari.

"Hindi ka pa tulog apo? Hindi ka ba makatulog dito?" Malambing na tanong ni Lola at may hawak siyang flashlight. Napatingin naman ako sa relo ko, 7:30 p.m pa lang ng gabi. Kailangan ko na ba matulog?

"Okay lang po ako." Sagot ko na lang, sa loob ng ilang taon ang laki ng pinagbago ng hitsura ni lola Carmina. Masyado siguro siyang nalungkot sa pagkamatay ni mommy na nag-iisa niyang anak. Naalala ko noong huli ko siyang nakita sa libing ni mommy, halos mahimatay siya sa pag-iyak.

"Hija, may gusto sana akong ipakita sa iyo, sumunod ka sa akin." Sabi niya, gusto ko sanang itanong kung ano iyon kaya lang nakalabas na agad siya ng kwarto kaya sumunod na lang ako. Napangiti ako sa aking sarili, baka dalhin niya ako sa isang kwarto na puno ng ginto at ipamana niya sa akin ang lahat ng 'yon!

"Ang laki mo na, pagpasensyahan mo na ako apo kung hindi ako madalas nakakakontak sa inyo, alam mo naman matanda na ang lola mo at walang ideya sa mga bagong gadyets ngayon." Sabi ni lola, napangiti naman ako. Hindi naman ako nagtatampo kay lola, kahit naman papaano tumatawag naman siya lalo na kapag pasko at kung sino ang may birthday sa amin.

Pumasok kami sa isang kwarto na puno ng mga lumang libro. Ngayon ko lang nalaman na may nag-eexist na ganitong library dito sa mansion. Amoy na amoy ko ang bawat pahina ng mga librong naririto.

Umakyat si lola sa ikalawang palapag ng library at may isang itim na libro siyang hinila pero tumagilid lang iyon at biglang nahati ang dalawang shelves ng library. Napakurap ako ng dalawang beses, magsasalita sana ako para itanong kay lola kung detective ba siya o ano pero nauna na siyang pumasok sa loob.

Binuksan na ni lola ang flashlight na hawak niya saka sinenyasan ako na sumunod sa kaniya. May makipot na hagdan pababa sa likod ng mga librong iyon. Napangiti na lang muli ako, nararamdaman ko na malapit ko nang mapasakamay ang kayamanan ng pamilya Montecarlos.

Padilim ng padilim ang buong paligid habang bumababa kami sa hagdan. Agad akong humawak sa balikat ni lola baka bigla siyang mawala sa paningin ko. "Narito na tayo." Narinig kong sabi niya, may pinindot siya sa pader at biglang lumiwanag ang buong paligid.

Napapikit ako sa biglaang liwanag. May ilaw naman pala dito! Bakit kasi nasa baba pa ng hagdan ang light switch? Kailangan pa mahulog ata mahulog ang mga tao sa hagdan bago maabot ang switch ng ilaw.

Hindi pa ako maka-get over sa switch ng ilaw nang bigla akong magulat kasi dahan-dahang lumingon sa akin si Lola Carmina. "Tuloy ka Carmela, huwag kang mahiya sa sarili mong pamamahay." Sabi pa niya sabay ngiti, isang ngiting creepy.

Nagpakunot ang noo ko sa hitsura ni lola lalo na sa sinabi niya. Ngunit napatigil din ako nang mapansin ko kung nasaan kami ngayon. Maraming mga mamahaling paintings at vase sa bawat gilid.

Hindi ko mapigilan ang ngiti ko dahil sa nangangamoy swerte na paparating na sa aking buhay. Napatingin naman ako kay Lola na ngayon ay nakangiti rin. Aaminin ko na medyo creepy talaga ang ngiti ni lola. But, I don't care kasi ang dami namang mga mamahaling bagay dito. Magkano ko kaya mabebenta lahat 'to? Siguro dapat nagdala ako ng listahan at calculator para masimulan ko na ang pagkwekwenta.

"Lola. Bakit niyo po ako dinala rito?" tanong ko, "Mas matutuwa po sina Jenny, Emily at Dad kapag nakita nila yung mga gamit dito." Patuloy ko saka tiningnan isa-isa ang mga mamahalaing vase na hanggang ngayon ay makintab pa rin.

"May gusto sana akong ipakilala sa iyo." Sabi ni Lola Carmina dahilan para biglang mapawi ang ngiti ko. Tumalikod si lola at naglakad papunta sa isang dingding na may malaking pulang kurtina. Hindi ko alam pero parang biglang bumilis ang tibok ng puso ko.

Kinakabahan ako. Naramdaman ko ring biglang tumindig ang mga balahibo ko. Baka may tinatago siyang matandang ermitanyo na matagal nang nakakulong sa lugar na 'to at gusto ni lola na kaibiganin ko.

Hinila na niya ang kurtina at bigla itong nalaglag. Kumalat ang makapal na alikabok sa buong silid dahilan para ubuhin ako at mapuwing. Hindi ko akalaing ipapasinghot sa'kin ni lola lahat ng alikabok dito.

"Pasensya na apo, ilang taon na rin ang lumipas bago ko huling nilinis ang lugar na'to." Sabi ni lola. Daig pa ng alikabok ngayon dito ang polusyon sa kalsada. Nang humupa na ang alikabok ay nagawa ko nang imulat ang aking mga mata habang nakatakip ang isa kong kamay sa aking ilong.

"Lola. Maglilinis po ba tayo ngayon dito?" Tanong ko, mukhang wala naman siyang ipapamana sa'kin. Mga alikabok siguro.

Hindi sumagot si lola at hindi rin siya tumingin sa'kin. Nanatili lang siyang nakatingin sa dingding kung saan niya hinila ang maalikabok na pulang kurtina. Nagtataka ako sa hitsura, kung bakit parang tulala siya roon.

Napatingin ako sa dingding. Nakasabit doon ang isang malaki at lumang painting na kung saan may isang napakagandang dalaga na nakasuot ng kulay pulang baro't saya.

Nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize ko na kamukha ko ang babae sa painting!


*******************

#ILoveYouSince1892

No Spoilers! I will mute/block spoilers here on wattpad.

Ang istoryang ito ay pawang kathang-isip lamang. Ang mga pangalan, tauhan, lugar at pangyayari ay bahagi lamang ng imahinasyon ng may akda. Ang tagpuan at panahon sa istoryang ito ay panahon pa ng pananakop ng mga kastila sa Pilipinas. Ang ilan sa mga makasaysayang lugar ay nabanggit din sa istoryang ito upang magbalik tanaw sa mga pook na naging bahagi na ng ating kasaysayan. Muli, ang mga kaganapan, pangyayari at trahedya sa kwentong ito ay walang kinalaman at walang katotohanan. Hindi ito nasusulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Maraming Salamat!

Plagiarism is a crime punishable by law.

© All Rights Reserved 2017

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro