Kabanata 4

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 4]

NATARANTA ako sa sinabi niya kung kaya't nadulas ang isa kong paa. Nahulog ako at diretsong bumagsak ang puwet ko sa lupa. Mabilis namang tumakbo ang aso papalayo.

Napahawak ako sa aking balakang. Bumagsak ako sa sahig kanina nang bitawan ako ng mga madre. Ngayon naman ay bumagsak ako sa lupa, hindi man lang ako nasalo ng lalaking ito gaya nang sinabi niya kanina!

"Binibini, may masakit ba sa iyo?" narinig kong sabi niya, tinukod niya ang isa niyang tuhod at tiningnan ako. Gusto ko sana siyang sigawan at awayin, akala ko pa naman ay masasalo niya ako.

"Ano bang ginagawa mo sa itaas?" nagtatakang tanong niya. Pinilit kong tumayo kahit medyo masakit pa ang aking balakang at pwet. Napatingin ako sa kaniya, nakatitig lang siya sa'kin. Gusto ko sana siyang sagutin na Akyat bahay ako gaya ng sabi mo kanina.

"Wala kang balak tulungan ako?" tanong ko, napataas din ang aking kilay. Akala ko ba gentleman ang mga lalaki sa panahong ito.

"Ngunit binibini, hindi dapat ako magpadalos-dalos hawakan ka" tugon niya saka tumayo. Mas conservative nga pala ang mga tao noong sinaunang panahon. Magsasalita na sana ako kaya lang bigla naming narinig ang boses ni Madre Olivia. Naaninag din namin ang aninong papalapit.

Napatingin ako sa kaniya, sinubukan kong humakbang pero hindi ako makalakad nang maayos. "Dali! Buhatin mo ako!" utos ko kay Juanito. Nanlaki ang mga mata niya.

"Ngunit..."

"Hindi niya ako pwedeng mahuli. Dali! Dalhin mo ko roon" utos ko, halos pabulong lang ang pag-uusap namin pero parang nakakabingi na dahil sa sobrang tahimik ng lugar na ito.

Wala nang nagawa si Juanito, binuhat niya ako. Bakas sa mukha niya na nahihiya siyang ewan. Napansin ko rin na parang nahirapan siya. Aminado naman ako na medyo mabigat ako.

"Dito! Dito!" bulong ko pa sa kaniya, maingat niya akong binaba sa isang gilid at nagtago kami. Madilim ang paligid kaya wala kaming makita. Tanging ang lampara lang na hawak ni Madre Olivia ang nagbibigay liwanag. Nagmasid-masid si Madre Olivia sandali hanggang sa bumalik nagtungo siya sa kabilang kalye.

Nagtatago kami ngayon sa gilid, sa pader ng Santa Isabel. Kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag at napasandal doon. "Muntik na tayo dun ah" sabi ko, napahawak ako sa puso. Ang sakit pa ng pwet ko at mukhang napilay ata ako.

Napansin kong parang nanigas ata si Juanito. Hindi ko siya makita pero naririnig ko na humihinga siya. Hindi ko namalayan na hawak ko rin pala ang kamay niya. Nanlalamig na ito.

Nang mapatingin ako sa kaniya, siya ang unang bumitaw sa pagkakahawak ko. "Juanito. Okay ka lang?" tanong ko, umusog siya pa siya nang kaunti papalayo sa akin.

"P-paano mo nalaman ang aking pangalan?" gulat niyang tanong. Kahit hindi ko masyado makita ang hitsura niya ngayon. Pakiramdam ko ay kinakabahan siya.

"Basta mahabang kwento" sagot ko saka humarap sa kaniya. Tinitigan ko siya nang diretso sa mata kahit pa naaninag lang namin ang isa't isa. "Juanito. Makinig ka sa sasabihin ko" patuloy ko, hindi ko sigurado kung nakatingin pa siya sa'kin o kung nakikinig siya kaya itinaas ko ang kamay ko at hinahanap ko ang mukha niya saka hinawakan ito.

"S-sandali" wika niya, ramdam ko na parang gusto niyang lumayo sa'kin. Ibinaba ko na lang ang kamay ko saka napahinga nang malalim. Pakiramdam ko ay gulat na gulat at takot na takot na siya. "Ang arte naman neto" bulong ko sa sarili.

"Sinabi kanina ni..." napaisip ako, hindi ko pala kilala kung sino ang babaeng nagbalita kay Madre Olivia na narito si Juanito. "Basta sinabi ng babaeng 'yon na nandito ka raw. Sinabi niya ang pangalan mo kaya nalaman ko" hindi siya nagsalita. Napatikhim ako, maybe he's thinking that I'm taking advantage on him.

"Juanito. Basta kahit anong mangyari, 'wag na 'wag kang ma-iinlove sa'kin" paalala ko sa kaniya sabay halukipkip.

"Inlove?" nagtataka niyang tanong. Napakunot ang aking noo, naalala ko na hindi pala sanay mag-english ang mga tao sa panahong ito. Tagalog, iba't ibang dialect o kastila lang. "Ang ibig kong sabihin, 'wag na 'wag kang iibig sa'kin" paliwanag ko sa kaniya.

Katahimikan.

Ngunit nagulat ako nang marinig ko ang mahina niyang pagtawa dahilan upang mapakunot ang aking noo. Pinagtatawanan niya ba ako?

"Anong nakakatawa?" naaninag kong tumayo na siya at pinagpagan niya rin ang damit niya. Tatayo na rin sana ako kaya lang hindi ko kaya.

"Binibini, huwag mong mamasamain ngunit ang totoo ay may iba na akong napupusuan" sabi niya. Napakurap ako ng dalawang beses. Tama ba ang narinig ko? Ni-reject niya ako?

Magsasalita pa sana ako kaya lang narinig namin ulit ang boses ni Madre Olivia. "Sino ang nariyan?" papalapit na siya sa pinagtataguan namin. "Hindi niya ako pwede makita rito" bulong ko kay Juanito. Kinakabahan na ako, baka masampal ako ulit. Tiningnan ako ni Juanito, nagulat ako nang bigla siyang humakbang papalabas sa pinagtataguan namin. Nagpakita siya na siya kay Madre Olivia.

"Juanito. Hijo, ano ang ginagawa mo riyan?" nagtatakang tanong ni Madre Olivia. Lalapit sana si Madre Olivia ngunit si Juanito na ang naglakad papalapit sa kaniya upang pigilan siyang sumilip sa pinagtataguan namin kanina.

"Wala po. Hinahanap ko lang si Sampaguita" tugon ni Juanito. Mukha namang naniwala si Madre Olivia sa kaniya dahil tumango ito. "Ah. Sa iyo ba ang asong ito? Narito siya" sabi ni Madre Olivia. Kasunod niyon ay may isang madre na nagdala kay Juanito ng aso niya.

"Tumatahol ang iyong aso kanina sa tapat ng pinto kung kaya't nagtaka kami kung sino ang may ari nito" paliwanag ni Madre Olivia. Nakasilip ako sa gilid ng pader. Napasingkit din ang aking mata habang nakatingin sa asong iyon na kulay puti, isang aspin at may mahabang buntot na gumegewang-gewang. Balak siguro akong isumbong ng aso niya kay Madre Olivia.

"Malalim na ang gabi. Umuwi ka na Juanito" wika ni Madre Olivia. Tumango  si Juanito at nagpasalamat saka hinawakan ang lubid na nakatali sa leeg ng aso. Kakahol pa sana ang aso niya para ituro ako, mabuti na lang dahil agad siyang inawat ni Juanito.

KINABUKASAN, nagising ako dahil sa ingay ni Josefina. Nag-iimpake siya. "Magandang umaga Carmelita. Maligo at magbihis ka na" masaya niyang bati sa'kin habang abala pardin sa paglalagay ng mga damit sa itim na maleta.

"Bakit? Saan tayo pupunta?" nagtataka kong tanong, nakita kong may benda na ang pilay ko sa paa at nalagyan na rin ng gamot ang likod ko. Wala akong naalala na ginamot ko iyon kagabi,. Pasimple lang akong dumaan sa likod at umakyat sa kwartong ito. Buti na lang hindi ako naligaw dahil may mga pangalan nakasulat sa pinto ng bawat kwarto. Josefina, Carmelita at Helena ang magkakasama sa kwartong ito.

"Uuwi na tayo sa San Aflonso. Sa isang linggo pa naman ang bakasyon ngunit pinahintulutan tayo ni Madre Olivia na umuwi nang mas maaga" paliwanag niya. Nanatili lang akong tulala sa kisame. Ngayon ko lang napansin na may mga detailed flowers ding nakaukit doon.

Mas gugustuhin kong matulog na lang buong araw. Hindi ko pa matanggap ang mga nangyayari ngayon. Totoo ba ito? Nanaginip lang ba ako? O nababaliw na?

Napabangon ako dahil sa ideyang baka nasisiraan na ako ng ulo. "Aking nilagyan ng gamot ang galos na iyong tinamo. At ang nangyari riyan sa iyong paa. Huwag kang mag-alala, ako lang ang nakakita sa inyo ni Ginoong Juanito kagabi" dagdag pa niya sabay ngiti na parang kinikilig.

Napakurap ako ng dalawang beses. Ano naman ngayon kung magkasama kami ni Juanito kagabi? Hindi naman big deal iyon sa panahon ko. Napatigil ako nang maalala kong nasa lumang panahon pala ako ngayon. Malaking issue sa kanila ito.

"Akala ko ay hindi mo na makakalimutan si Leandro. Iyon nga ang dahilan kaya ka sumama sa akin dito, hindi ba" sabi pa niya, nakatulala lang ako sa kaniya. Sino naman si Leandro?

Hindi ko naman maitanong sa kaniya dahil baka magtaka siya. "Ang puso nga naman, iyong hindi natitiyak kung kalian ito muling titibok sa sunod na pagkakataon" dagdag pa niya. Sumasakit ang ulo ko sa haba ng sinabi niya.

Ilang sandali pa ay may kumatok sa pinto. Binuksan iyon ni Josefina, agad siyang nagbigay-galang sa harap ni Madre Olivia. "Nariyan na ang kalesang maghahatid sa atin sa daungan" wika niya, isinarado na ni Josefina ang maleta at dinala iyon sa baba.

Naglakad si Madre Olivia papalapit sa akin. "Magbihis ka na. Paalis na ang barko"

"Are you coming with us?" tanong ko, wala sana akong balak sumama sa kanila o umalis dito. Wala akong ganang bumangon.

"Hindi ko hahayaang guluhin mo ang ibang pangyayari. Ako'y sasama upang bantayan ka" sagot niya. Mukhang hihilahin niya ako kaya inunahan ko na siya tumayo. "I can do it. I'm a strong independent woman" saad ko saka buong sikap na naglakad papunta sa banyo na parang walang masakit sa katawan ko. Natatakot ako na baka mahalata niya ang pilay ko.


"AKALA ko ay hindi mo ibig bumyahe sakay ng barko" narinig kong sabi ni Josefina. Kakababa lang namin ngayon sa kalesa na naghatid sa amin ngayon sa daungan. Kasama rin namin si Madre Olivia.

Nanlaki ang aking mga mata nang makita ang buong paligid. Hindi ko akalain na ganito kaganda at kalinis ang Manila noon. Halos wala pang matataas na building ngayon kaya kitang-kita namin ang matataas na pader ng Intramuros sa malayo.

Ang aliwalas ng kalangitan. Ang sisigla ng mga tao lalo na ang mga nagtitinda. Wala ring traffic at usok dahil puro kalesa nasa kalsada. Naka-baro't saya rin ang mga kababaihan. Ang ilan naman ay nakasuot ng magagarbong gown tulad sa Victorian era. Makikita rin agad ang yaman ng isang lalaki sa suot nitong amerikano. Ang iba naman ay nakasuot ng kamiso de tsino.

Dilaw na baro at itim na saya ang suot ko. Nagdadalawang isip pa akong isuot ito kanina bago kami umalis pero wala akong nagawa dahil hindi pa naman uso ang pantalon o shorts sa panahong ito.

Sumakay na kami sa barko na gawa sa kahoy. Pakiramdam ko ay isang hampas lang ng malaking alon ay madudurog ito. Ngunit kahit papaano ay maganda naman ang pagkakagawa lalo na dahil makintab ang sahig.

"Magandang umaga binibining Josefina at binibining Carmelita Montecarlos. Ihahatid ko na kayo sa inyong mga silid" bati sa amin ng isang lalaki na nasa edad forty. Makapal ang balbas niya at may salamin sa mata.

"Maraming salamat Ginoong Buencamino. May liham po bang ipinadala si ama?" tanong ni Josefina, naka-sunod lang ako sa kanila habang naglalakad kami papunta sa silid na tinutukoy nito. Kasabay ko maglakad si Madre Olivia, diretso lang ang tingin niya.

"Narito na tayo mga binibini" sabi ni Ginoong Buencamino saka binuksan niya ang isang pinto. "Ang silid na ito ay inupahan na ng inyong ama. Nawa'y masiyahan kayo dahil isa ito ang pinakamahal na silid" paliwanag niya.

Nauna akong pumasok sa loob. Naiwan sina Josefina at Ginoong Buencamino sa labas kasama si Madre Olivia, pinag-uusapan nila kung magkano ang upa sa bawat silid. Hindi ko na sila pinakialaman dahil hindi naman ako ang magbabayad at wala rin akong pambayad.

Sa sandaling nakapasok na ako sa loob ay nabitawan ko ang pamaypay na hawak ko. Napatulala ako sa laki ng silid. Maganda, malinis at kompleto na sa gamit. Halos kulay ginto ang bawat kagamitan.

"Aking nababatid na hindi mo ito magugustuhan at iyong ipapakiusap kay ama na huwag na tayong gastusan nang ganito. Kahit batid ni ama na hindi mo ibig ang mararangyang bagay ay ginagawa pa rin niya dahil ikaw ang pinakamalapit sa kaniya" narinig kong sabi ni Josefina, nasa likuran ko na pala siya.

Ang simple naman ni Carmelita. Bakit ako pa ang napunta rito? Mauubos ang pera ng tatay niya sa'kin.

"Hindi kayo na-iinggit? Bakit may favoritism ang papa niyo" tanong ko, nagtaka naman ang hitsura ni Josefina. Mukhang hindi niya naitindihan ang sinabi ko. "Ah. Ang ibig ko sabihin, bakit mukhang mas mahal ako ni..." napalunok ako, tatawagin ko bang ama ang tatay nila. Ang weird sa feeling.

"Ayon nga, bakit mas mahal ako ng ama natin?" natawa si Josefina sa sinabi ko.

"Bakit naman kami maninibugho? Mahal na mahal ka rin namin ni Ate Maria. Ikaw dahilan kung bakit naging masigla muli ang ating pamilya" ngiti niya sabay akbay sa'kin. Gusto ko sanang itanong bakit pero baka magtaka siya kung bakit hindi ko alam.

Dinala niya ako sa tapat ng bintana. Pinagmasdan namin ang dagat. Ang ganda ng Manila bay. Malinis ang tubig. Wala pang mga basura at kung anu-ano. Ang lawak din ng lupain ng Maynila. Makulay at masigla rin ang mga tao. Malayong-malayo sa kung anong kinagisnan ko.


ILANG araw din ang itinagal ng byahe namin papuntang San Alfonso sakay ng barko. Halos nakahiga lang ako sa kama at panay ang suka ko noong mga unang araw. Hindi nagtagal ay nasanay din ako. Hindi rin naman ako na-bored dahil madalas kaming maglaro ng baraha. Kung nauso lang ang Uno cards ngayon dito, siguradong lalampasuhin ko sila.

Nagsusulat ako ngayon sa lumang diary na ni Carmelita. Hindi ako nagsusulat ng diary pero ang sabi niya ay kailangan kong gawin iyon para punan ang mga blank pages nito ngayon. Isinulat ko roon ang unang pagkikita namin ni Juanito. Siguradong lalayuan na niya ako dahil ang aggressive ko sa kaniya. Mabuti na 'yon para hindi na siya ma-link kay Carmelita.

"Tila isinusulat mo sa talaarawang iyan ang lahat ng iyong sama ng loob" narinig kong sabi ni Madre Olivia. Nakatayo siya ngayon sa tapat ng pintuan ng silid namin ni Josefina. Maagang nagising si Josefina, lumabas siya sandali.

"Hindi mo dapat ginawa iyon. Hindi ka dapat nagpakita sa kaniya kagabi" dagdag pa niya. Napakurap ako ng dalawang beses. Paano nalaman ni Madre Olivia na nagkita na kami ni Juanito?

Nagpaikot-ikot ang aking mata. So, nakita nga niya? Napilayan pa ako sa kakatago. "Wala kang maitatago sa akin, Carmela" dagdag pa niya, napahinga na lang ako nang malalim saka isinara na ang diary.

"Bakit mo pala ako tinulak sa Arch of the Centuries? Nadapa pa ako. Ang sakit kaya" saad ko, naglakad si Madre Olivia papalapit habang seryosong nakatingin sa aking mga mata na para bang gusto niya akong disiplinahin.

"Matuto kang gumamit ng salitang Po at Opo. Mahalaga ang paggalang at kagandahang asal sa panahong ito" patuloy niya, napatikhim ako. Hindi ako sanay gumamit ng po at opo. Kahit sa bahay, hindi rin namin gano'n kausapin si Dad.

"Hindi ka dapat nagpakita kay Juanito kagabi. Asahan mong maraming nakatakdang mangyari ang magbabago. Dahil sa ginawa mo, mas mahihirapan ka sa iyong misyon" saad niya, hindi ako makatingin sa kaniya. Nakakatakot din ang paraan ng disiplina nila. 

"Humanda ka na, narito na tayo" patuloy niya sabay talikod at umalis na siya.

Nang makaalis na si Madre Olivia, dumungaw ako sa bintana. Nnanlaki ang mga mata ko nang makita ang maraming tao sa daungan ng San Alfonso. Halos lahat sila ay kumakaway sa amin.

Pagbaba namin sa barko mas lalo kong narinig ang ingay, tawanan at pagtawag sa pangalan ng mga kaanak. Naunang bumaba si Madre Olivia, sumunod si Josefina at ako. Lahat sila ay nakangiti sa amin, nabasa ko ang isang karatula na hawak ng mga tao "Fiesta Feliz"

"Maligayang pagbabalik Josefina at Carmelita!" masayang sigaw ng isang magandang dalaga na sumalubong sa amin. Niyakap niya kaming dalawa ni Josefina. "Maraming salamat at maligayang pista, ate Maria" ngiti ni Josefina.

Napatulala ako sa magandang babaeng sumalubong sa amin. Hindi ako makapaniwala na siya si Maria Montecarlos. Ang pinagmulan ng lahi namin!

"Nasaan sina ama at ina?" tanong ni Josefina habang inililibot ang mata sa paligid.

"Abala sila sa paghahanda. Maraming mahahalagang bisita si ama" paliwanag ni Maria. Hindi ko namalayan ang aking sarili na nakatitig pa rin sa kaniya. Mapupungay ang kaniyang mga mata, matangkad, makinis at siya ang pinaka-maganda sa magkakapatid.

Nagulat ako nang bigla siyang napatingin sa'kin. "Carmelita, hindi ka ba masaya na makita ako?" biro ni Maria, hinawakan niya ang kamay ko. "Halos anim na buwan din kitang hindi nasilayan" patuloy niya saka niyakap ako ulit. Yumakap din sa amin si Josefina. Bigla ko tuloy na-miss sina Jenny at Emily. Kahit pa lagi kaming nag-aaway, iba pa rin kapag kasama mo ang mga kapatid mo.

"O'siya, tayo ay hinihintay na nina ama at ina" sabi ni Maria, nauna siyang maglakad patungo sa dalawang kalesang nag-aabang sa amin. "Madre Olivia, kumusta po?" tanong ni Maria bago kami sumakay sa kalesa. Nagmano rin siya kay Madre Olivia.

"Nahihirapan po ba kayo sa aking dalawang kapatid?" biro ni Maria. "Ako'y walang masasabi kay Josefina. Masipag mag-aral at masunurin ang binibining ito" tugon ni Madre Olivia, napangiti si Josefina dahil sa magandang feedback.

Napalunok na lang ako nang tumingin sila sa'kin. "Samantala, si Carmelita naman ay..." ito na ba ang tinatawag nilang Evaluation?

"Bakit po?" tanong ni Maria.

"Mabait at masunurin ding binibini si Carmelita" sagot ni Madre Olivia. Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko ay isusumbong na niya ako, siguradong mawiwindang si Maria kapag nalaman niya ang ginawa ko kay Juanito.

Mukhang maganda ang reputasyon ni Carmelita. Ako pa ata ang makakasira niyon.

KASAMA ko ngayon sa loob ng kalesa si Madre Olivia. Nasa kabilang kalesa naman sina Maria at Josefina. Nakadungaw ako sa bintana. Fiesta pala ngayon ng San Alfonso kaya halos abala ang lahat ng tao. Napadaan kami sa bayan, hindi ko mapigilang mamangha. Makukulay ang mga banderitas.

"Huwag mong kakaligtaan na ikaw si Carmelita ngayon, Carmela" narinig kong sabi ni Madre Olivia. Nakatitig siya ngayon sa'kin. Magkatapat ang upuan sa kalesang sinasakyan namin. "Yeah. Magkatunog naman ang pangalan namin kaya keri na 'yon" sagot ko nang hindi tumitingin sa kaniya.

"Hija. Ayusin mo ang iyong pananalita mo. Hindi ganyan magsalita ang mga tao sa panahong ito" nagulat ako dahil sinara niya ang bintana. Magrereklamo sana ako pero napalunok na lang ako dahil seryoso na siyang nakatingin sa akin ngayon.

"Paano ba magsalita katulad niyo?"

"Hangga't maaari ay huwag ka na lang magsalita. Itikom mo na lang 'yang madaldal mong bibig dahil baka isipin nilang sinasapian ka na naman ng masamang espiritu" napaisip ako. Mas okay na rin siguro ang suggestion ni Madre Olivia. Ayoko na maulit ang nangyari sa akin noong inakala ng mga estudyante niya na nasasapian ako.

"Bukod doon, ayusin mo rin ang iyong kilos. Hindi magaslaw o siga ang kilos ng mga kababaihan sa panahong ito" dagdag pa niya. Napasimangot na lang ako. Hindi na lang din ba ako gagalaw?

"Dito sa panahong ito, hindi naghahawakan ng kamay ang babae at lalaki kapag hindi sila magkasintahan. Hindi rin maaaring hawakan ng lalaki ang kahit anong parte ng katawan ng babae kapag hindi sila kasal. Hindi rin maaaring makita ng mga lalaki ang talampakan ng babae, at hindi rin maaaring makipagtitigan at tumingin nang matagal ang mga babae sa mga mata ng lalaki" paliwanag pa ni Madre Olivia, napanganga na lang ako. Lahat ng bawal na sinabi ni Madre Olivia ay nagawa ko noong gabing nagkita kami ni Juanito.

Hinawakan ko ang kamay ni Juanito. Nagpabuhat ako sa kaniya. Nakita niya ang talampakan at legs ko noong nahulog ako sa bintana at higit sa lahat ay hinawakan ko ang mukha niya at pinilit siyang tumitig sa'kin!

Huminga nang malalim si Madre Olivia saka binuksan muli ang bintana. "Halika, pagmasdan mo ang yaman ng pamliya Montecarlos" halos walang kurap akong nakatitig sa malaking lupain. Palayan, taniman ng mais at iba't ibang prutas.

Sinundan ko rin ng tingin ang malaking gate na kulay ginto. Hacienda Montecarlos ang nakasulat sa itaas niyon.

May mga lalaking naka-kulay blue at may hawak na mahabang baril ang nakatayo sa bungad, "Sila ang mga guardia personal ng pamilya Montecarlos" paliwanag sa'kin ni Madre Olivia.

Halos lumuwa ang mga mata ko nang napadaan kami sa isang napakalawak na sakahan ng mga palay, mais, kape, tuba at pinya. Marami ring mga magsasaka ang kumakaway sa kalesa namin. "Maligayang Fiesta ,Mang Raul!" narinig kong sigaw ni Maria na nasa kabilang kalesa.

Tuwang-tuwa naman ang mga magsasaka na kumakaway sa amin habang nagtatanim sila. Sunod naman kaming napadaan sa isang tulay na gawa sa bato. Sa ilalim niyon ay isang mahabang ilog at may natanaw akong lawa sa di-kalayuan. May mga mangingisda din at mga kababaihan na naglalaba sa tabing ilog.

"Ang ilog na iyan ay ang Ilog tangis at sa dulo niyan ay ang Lawa ng Luha" sabi Madre Olivia, sakop pa rin ng Hacienda Montecarlos ang ilog at lawa na iyon.

"Lawa ng luha? Hindi ba't 'yon ang..." hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita si Madre Olivia. "Ang lawa kung saan nagpakalunod si Carmelita. Ang totoong Carmelita" dagdag pa niya. Napalunok na lang ako. Bigla tuloy akong kinilabutan. May namatay sa lawa na iyon.

Nadaanan din namin malalaking bahay na gawa sa kahoy. Kulungan iyon ng mga kabayo, baka, kalabaw, tupa, kambing at mga manok.

"Iyan ang hanapbuhay ng pamilya Montecarlos" paliwanag ni Madre Olivia. Napaisip ako, hindi naman na kami ganito kayaman. Anong nangyari?

Itatanong ko sana kay Madre Olivia pero tumigil na ang kalesa. Bumaba ang kutsero at inalalayan kaming makababa roon. "Iyong tandaan na hindi dapat nila malaman at makahalata na hindi ikaw si Carmelita" bulong sa'kin ni Madre Olivia. Nauna siyang bumaba, sumunod naman ako.

Hindi na dapat ako magulat pero kinilabutan pa rin ako nang bumungad sa'kin ang bahay ni lola Carmina. Mas Malaki, mas bago at mas elegante nga lang ang hitsura ngayon ng bahay.

"Carmelita, anak!" narinig ko ang boses ng isang babae. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa'kin sabay yakap. Sunod namang yumakap sa'akin ay ang lalaking may bigote. "Ang pinakamamahal naming bunso" bati niya. Nakatingin na silang lahat sa akin ngayon.

"Hi?" bati ko sa kanila sabay wave ng hand.

Napakunot ang mga noo nila dahil sa sinabi ko. Hindi pa nga pala uso ang salitang Hi sa panahong ito!

Napatingin ako kay Madre Olivia, pinandilatan niya ako ng mata.

"Haaay... Sa wakas makakasama ko na ulit kayo" palusot ko, napangiti naman silang lahat.

"Ama! Ina!" excited na bati ni Josefina nang makababa siya sa kalesa. Nakasunod naman sa kaniya si Maria. Niyakap siya nina Don Alejandro at Doña Soledad. Nagmano rin siya sa kanila kaya ginaya ko ang ginawa. Nagmano rin ako sa mag-asawa.


PUPUNTA raw kami ngayon sa prusisyon at dadalo ng misa sa simbahan. Nagugutom na ako pero pinili kong 'wag na lang magsalita tulad nang payo ni Madre Olivia. Hindi ako sanay magsalita ng malalim na tagalog at baka magtaka sila sa pagsasalita ko kaya nanahimik lang ako.

Payapa ang prusisyon. Ang ganda rin tingnan ng libo-libong nakasinding kandila at sama-samang naglalakad papunta sa simbahan. Hindi pa ako nakadalo sa gano'n, hindi religious ang pamilya namin.

Pagdating namin sa simbahan. Halos isang oras din ang misa. Wala rin akong masyadong maintindihan dahil madalas magsalita ng espanyol ang lahat. Dapat lang talaga na hindi na lang ako magsalita dahil hindi ako marunong mag-spanish.

Nagtaka ako dahil hindi kami tumuloy sa bahay pagkatapos ng misa. Narito kami ngayon sa isang mansion din. Dito raw kami maghahapunan sabi ni ina. Nakaupo kami ngayon sa isang napakahabang mesa at punong-puno ng mga masasarap na pagkain. May pochero, paella, adobo, pansit, manok, sari't-saring ulam, leche plan, ube halaya at mga prutas. Nagugutom na talaga ako.

Hindi ko mapigilang mainis dahil hindi pa kami nagsisimulang kumain ngayon. May isang lalaking may bigote at balbas na nagsasalita sa gitna. Nagpapasalamat siya at nagbigay ng speech na sobrang haba.

"Sino ba 'yan?" bulong ko kay Madre Olivia na nakaupo sa aking kaliwa ko. Kasama rin si Madre Olivia ngayon dahil siya ang punong madre sa bayan ng San Alfonso. Kasama rin ang buong pamilya Montecarlos dahil ito ang pinakamayamang pamilya sa buong bayan. Marami ring mga mayayamang bisita ang narito na hindi ko kilala. "Kanina pa kasi siya nagsasalita sa harap. Nagugutom na ko" bulong ko pa kay Madre Olivia.

Agad akong sinuway ni Madre Olivia "Gumamit ka ng Po at Opo. Ikaw ay mapapagalitan ng sinumang nakatatanda rito sa oras na marinig nila kung paano ka magsalita" paalala niya, tumango ako ng dalawang beses. "Sino po ba ang lalaking 'yon?" inulit ko ang sinabi ko sa paraang mas magalang.

"Siya ang gobernador ng bayan ng San Alfonso, si Don Mariano Alfonso" paliwanag ni Madre Olivia. Gulat akong napatingin sa kaniya. Ibig sabihin, siya ang tatay ni Juanito Alfonso!

"Malugod kong ipinapakilala sa inyo ang aking mga anak" patuloy ni Don Mariano, bumukas na ang pinto at lumabas mula roon ang tatlong anak niyang lalaki.

At isa sa kanila, ay ang lalaking parte ng misyon ko, si Juanito.

Nanlaki ang mga mata ko nang biglang napatingin sa akin si Juanito. Ngumiti siya at tumango sa akin.

Dear Diary,

Hindi pa ako ready makita si Juanito!

Nababaliw,
Carmela

******************
#ILoveYouSince1892

No to Spoilers! I will mute/block spoilers here on wattpad.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro