Simula

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Failed Cupid

Wala na sigurong mas sasaklap pa sa isang tao na nakuha na lahat ng mga pinapangarap sa buhay pero hindi pa rin nararanasan kung paano mahalin, alagaan, at pakinggan nang tunay. I got what I have dreamed for; a stable and earning job, my dream courses, a little house. Nakapagbibigay na rin ako kahit papaano sa mga magulang at kapatid ko ng maliit na halaga ng pera. At the age of 35, I should feel contented. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung papaano ba maramdaman iyon. Alam kong may kulang pa...

Ganoon na lang ang pagkadismaya ko habang nakatitig sa isang tangkay ng rosas na tanging natanggap ko sa araw na ito. I knew this will happen again. Kahit abot na ang lungkot sa puso ko na sa pangalawang taon ng tradisyon na ito ay bulaklak lang ang natanggap ko na galing pa sa mismong LGU at lahat kami ay meron, panay pa rin ang ngiti ko habang pinapanood ang mga kasamahan ko sa trabaho na punong-puno na ang mesa ng mga regalo. At least, hindi sila nagaya sa akin. May flower naman ako.

Si Woni ang may pinakamaraming natanggap. Taon-taon na lang ay parami nang parami ang mga nanliligaw sa kanya. Bata pa kasi at talagang maganda bawat sulok ng katawan. Hindi naman kasi mahigpit ang trabaho namin sa ganoong bagay as long as hindi naaapektuhan ang trabaho ay pwedeng mag-jowa. Pinilit ko pa ang sarili kong ngumiti. Hindi na nga sana ako sasali sa ganito pero bilang respeto na lang sa management, napalitan pa rin akong um-attend.

Sa tuwing may lalapit na lalake naming kasamahan ay umaasa ako na baka sa akin na ang regalo na hawak nila. Don't get me wrong, masaya ako para sa mga katrabaho kong babae lalo na kay Mina at Woni. Naiinggit lang talaga ako dahil hanggang ngayon wala pa rin akong nagiging nobyo. Kaka-study first ko ito noon. Ayan tuloy, wala na talagang lumapit. Ang sabi ng mga magulang ko ay huwag daw akong magmadali at kapag nakatapos ay pipilahan ng mga manliligaw. Eh, double-degree na ako! Dapat doble na rin ang pila. Nasaan ang sinasabi nilang pila?

Nagsitayuan na kami for picture taking. Pinili kong tumayo sa pinakadulo dahil hindi naman ako importante. Wala naman akong nakuhang gift. Natapos na naman ang Valentine Appreciation Celebration nang wala akong napala. Sana talaga um-absent na lang ako. Nakakahiya na ako lang ang walang kahit anong dala maliban sa isang tangkay ng rose.

"Feliz, hawakan mo itong mga paper bag para kunwari may nakuha ka," bulong ni Mina at tinuro ang mga nakuha niyang regalo na naka-paper bag sa baba.

Walang pag-aalinlangan kong kinuha iyon at saka ngumiti nang malaki sa photographer. Ganito palagi ang sitwasyon naming dalawa. Mabuti na lang at mabait itong kaibigan kong ito. Nagtawanan ang mga kasamahan naming mga babae nang matapos ang lahat. Tumingin sila sa akin at sa hawak kong bulaklak. Anong problema nila? Hindi ko naman kaya kailangan ng mga regalo! Kalat lang 'yan sa bahay.

"Akala ko ba may ka-MU ka? Bakit wala kang nakuha?" tanong ni Karina.

Akala ko rin ka-MU ko siya pero si Woni pala ang gusto! Nilapitan lang pala ako para makasipsip dahil assistant ako ng Human Resource namin, at para na rin maka-chamba kay Woni!

"Malanding Unggoy kasi 'yon." Tinalikuran ko sila at hinanap na ang dalawang babae. Kainis...

Oo na kasi, tangina ng lalakeng iyon! Paasa! Akala ko magkaka-boyfriend na talaga ako. Kung ano-ano pa man din ang iniisip kong gagawin sa oras na maging kami. Huwag talagang magbibilang ng sisiw kapag hindi pa napipisa ang itlog.

"Sa'yo na lang itong isang chocolate bar. Ang daming chocolates, hindi ko 'to kayang ubusin lahat. Inaalagaan ko na rin ang mga ngipin ko." Inabot sa akin ni Mina ang chocolate.

"Ito rin, sayo na lang." Ngumiti si Woni.

"Salamat, buti pa kayo naisip akong bigyan. Mga lalake rito sa atin parang mga tanga. Invisible ba ako?" Tinanggap ko ang mga pinagbibigay nila.

"Hindi kasi nila alam na mapo-promote ka na soon. Sa oras na mag-retired ang matandang masungit na HR natin, ikaw na ang papalit. Pagalitan mo sila palagi para makabawi ka." Humalakhak si Mina.

"Ano ka ba? Hindi ko gagawin 'yon, 'no? At least, alam natin na totoo sila sa sarili nila. Hindi sila plastic or nagpapalakas. Tanggap ko naman na hindi talaga ako attractive. 'Tsaka 35 years old na ako, paano sila magkakagusto sa akin kung parang ate na nila ako? Ang babata nila. Kaedaran niyo lang kaya," sabi ko at kinagatan ang isang bar ng chocolate.

Kaka-35 ko lang naman kahapon pero feeling ko ang tanda ko na dahil sa mga edad ng mga kasama ko. Around late 20's lang sila.

"Si Donny, hindi ba at nagpaparamdam sa iyo? Bakit si Woni ang binigyan ng regalo?" tanong ni Mina.

"Si Woni naman kasi talaga ang gusto no'n. Kunwari pang lalapit sa akin." Umirap ako sa hangin. Huwag lang talaga lalapit sa akin ang lalakeng iyon at kakalbuhin ko iyon.

"Sorry, hindi ko alam. 'Tsaka hindi ko naman na siya hahayaang manligaw sa akin. Sasagutin ko na si Ephraim bukas," sabi ni Woni at pumula ang pisngi. Kung lalake ako ay magugustuhan ko rin itong si Woni at liligawan. Perfect package sabi nga ng mga lalake.

E, ako? Lost parcel?! Unclaimed package?!

"Uy, congratulations." Tinapik ko ang kamay niya.

"Ako, sinagot ko na si Luke kanina," humagikgik pa si Mina.

"Ay grabe kayo! Napang-iwanan na naman ako!" Tumawa ako pero sa loob ko ay inggit na inggit ako. "Naiinggit na naman ako." Ngumuso ako at bumuga ng hangin.

"Ano ba? Hindi ba ikaw ang nagsabi na patience is the key. Meron ding para sa'yo, na-traffic lang."

Tumingin ako kay Mina na tinanguan naman ako. Of course, sa akin manggagaling 'yang mga words of wisdom na 'yan dahil taong-simbahan at nasasabi ko pa 'yan noong mga panahong hindi pa lagpas sa kalendaryo ang edad ko. Ngayon, naiinip na ako, parang imposible na kaso. I am starting to doubt the process. Baka nga wala talagang para sa akin. I tried so many dating apps but nothing works, hindi ko feel ang mga nakikilala ko roon. Parang too good to be true silang lahat until they started asking for money or nude pics, I blocked them. I can't believe that out of desperation, I entertained those filthy, disgusting, and disrespectful men. I promised to myself that I will get myself a decent man as much as I can para hindi ako matulad sa mama ko na i-stress sa tatay ko. Alam ko naman na sa edad ko ngayon ay mahihirapan na akong makahanap ng true love. I am starting to let go and just accept the fact that continue to slap me every now and then. Pero tuwing nakikita ko ang ninang ko na around forty's na nakapag-asawa at nagkaanak, patuloy pa rin akong umaasa. Malay mo nga, baka na-traffic lang ang para sa akin.

Ang mga ka-batchmate ko ay mga kinakasal na at nagpapabinyag ng anak. Minsan nga gusto kong um-absent sa church tuwing ang grupo namin ng choir ang matatapat sa kasal ng kakilala ko. Bitter na kung bitter pero iyon ang nararamdaman ko. Araw-araw naman akong nagdadasal, iyon din ang hiling ko tuwing magkukumpleto ko ang Simbang gabi, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako napakikinggan.

"Naka-deactivate ang FaceGram account mo?" tanong ni Woni dahil hindi niya ako ma-tag sa post niya.

"Oo, nakakabwisit ang news feed ko," singhal ko na ikinatawa niya.

Panay ba naman ang flex nila sa jowa nila. Alright, I got it, it is Valentine's day!But the others?! Panay ang parinig sa akin na bakit wala pa raw akong jowa o mag-boyfriend na raw ako! Anong magagawa ko? Wala nga!

Ang sabi ni mama ay kahit huwag na lang daw akong mag-asawa, mag-anak na lang daw ako para raw may mag-alaga sa akin kapag matanda na ako. Ginawa pang caretaker ang future apo niya, kaya siguro hindi pa ako binibigyan ni Lord dahil sa mindset nila. Ang original plan ko noon ay papasok na lang ako sa kumbento pagka-30 ko kung wala pa rin akong nobyo kaso, ang nanay ko at ang lola ko, nag-iiyak at nagmakaawa pang huwag akong tumuloy. Tinuloy ko na lang tuloy ang pagiging Psychometrician. Double-degree nga, sa love life ay salat naman.

"Baka dahil hindi ka nagpo-focus sa paghahanap? Bawasan mo naman kasi ang responsibilidad mo at maglaan ng oras para sa kasiyahan mo," payo ni Jane sa akin na ka-video call ngayon dahil sa Taguig nakapag-asawa

High school friends ko sila ni Annie na nakapag-asawa ng sundalo. Ngayon ay kinukuha na nila akong ninang ng anak nila. Napag-iwanan na talaga ako ng panahon. Sabagay kasi, may mga boyfriend na sila noong nag-aaral pa lang kami.

"Paano ko babawasan? Magka-college na si Froilan, mahina na rin ang negosyo namin dahil marami ng kakompetensya. Kailangan kong magtrabaho palagi para hindi kami ma-short sa pera."

Umiling si Annie. "Matalino ka, Feliz Zara Saldia, alam mo dapat na hindi mo sila responsibilidad. Hindi ikaw ang dapat pumasan sa kanila habang nabubuhay sila. Paano ka naman? Sino ang makakasama mo kapag tumanda ka na? Hindi naman palaging malakas ka. At least, look for someone who can take care of you, who can protect you, and love you for the rest of the time. Walang masama kung pagtutuunan mo muna ng pansin ang sarili mo. You don't look healthy, hanggang ngayon ang payat mo pa rin at mas lalo pang nangitim ang ilalim ng mga mata mo. Please, be healthy and happy, hindi masamang maging makasarili paminsan-minsan."

Siguro kapag marami ka ng responsibilidad ay makasarili nang maituturing ang pagbili ng mamahaling damit at hindi mo rin binilhan ang iba. Iyon kasi ang nararamdaman ko tuwing uma-absent ako sa trabaho, kapag hindi ako nakakapagbigay ng allowance sa bunso kong kapatid, at kapag hindi ako nakakatulong sa tindahan namin. Wala na akong oras para sa ibang bagay. Gusto kong mapagod pero parang naka-program na yata ang katawan ko at ayaw nang tumigil. I'm the oldest that's why I should become a role model for my younger siblings. Pero marami na akong napalagpas na pagkakataon dahil sa pag-iisip na iyon. Malungkot talaga ang maging panganay na babae. You feel responsible for everything.

Binigay ko na lang kay Mama Mary ang bulaklak na natanggap ko. I whispered a short prayer. Mama Mary, pasabi naman kay Papa Jesus at Papa God na bigyan na ako ng jowa. Baka nakalimutan lang nilang ipadala. Amen...

Dinaig pa nga ako ng pangalawa kong kapatid na may panganay ng anak. Kakukuha lang niya ng ranggo bilang isang Patrol Man. Sabagay kasi, noong nag-aaral pa lang ay hindi mahigpit sa kanya ang mga magulang namin. High school pa lang ay marami nang naging nobya. Lalake kasi.

Pag-uwi ko sa bahay ay nakahanda na ang hapunan. Nasabihan ko kasi na dito ako uuwi at hindi sa hinuhulugan kong bahay at lupa.

"Huwag kang mag-alala, hahanapan kita ng boyfriend, anak," sabi ni mama.

Tumango na lang ako. Hindi naman ako pinakinggan nang sabihin kong wala na akong interes at tigilan na niya ang pagpapagod sa paghahanap. Nagi-guilty din siguro dahil isa sa mga may kasalanan kung bakit hanggang ngayon ay NBSB pa rin ako.

"Marami ka pang maaakit na mas bata sa iyo dahil baby face ka. Hindi ka mukhang 35 sa totoo lang." Kumindat si mama.

Sabi rin ng mga pinsan ko 'yan, kahit noon pang kaka-20 ko lang. Hindi nga raw tumatanda ang itsura ko. Mana kasi ako sa papa ko na mabagal ang pagtanda ng itsura. Ganoon daw kapag oily ang mukha.

"Ma, hindi ka ba kinikilabutan na mas bata sa akin ang jojowain ko. Gusto ko ng jowa, hindi ng lalakeng ibe-babysit." Hindi ko pa naiisip na maghanap nang mas bata sa akin. Parang hindi kasi tama.

Tinapos ko ang pagkain ko at bago pa ako makapasok sa dati kong kwarto ay hinarang pa ako ni mama.

"May sinabi si Maricel sa akin. May pamangkin daw siya na nakatira sa Maynila at uuwi rito sa probinsya para magbakasyon. Search mo sa FaceGram, Yohan Ansalone. Baka type mo at type ka rin."

Jusko!

Hindi ko na siya sinagot at sinara na lang ang pinto ng kwarto ko para mapag-isa. Nag-inarte pa ako pero hinanap ko rin naman sa FaceGram ang account niya.

Nalaman kong siya ang account na iyon nang mutual friend namin si Ate Maricel na pinagkakautangan pa ni mama. Hindi na lang nahiya.

Mapait akong napangiti nang makita kung gaano kagandang lalake ang isang ito. Ang profile picture ay napakadisenteng tingnan. Naka-tuxedo siya at tipid ang ngiti sa camera, maayos at malinis din ang ayos ng buhok niya. Hindi gaanong kaputian pero alam mong laki sa magarang pamumuhay base na lang sa kinis ng balat. Matangos din ang maliit niyang ilong at ang mga matang kulay gabi na walang mga bituin ay para kang hinahalina. Umiling ako at patuloy pa sa pagngiti ng mapait na halos natitikman na na dila ko. Hindi naman ito magkakamaling patulan ako. Paniguradong may nobya ito sa itsura pa lang. Lahat naman ng pogi may girlfriend. Hindi rin kami bagay kung pagbabasehan ang litrato.

Pero, hindi naman masamang umasa...

Yohan Ansalone

Okay na sana, ang lakas ng hatak ng pangalan at itsura pero nang mabasa ko ang bio niya ay napangiwi ako. Parang na-hack yata ang account niya pagdating sa bio. Nag-ibang anyo, e.

Kilabot ng himpapawid.

What?!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro