Final Dream

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Final Dream

"Gustong-gusto mo talaga ang mga cherry blossom 'no?" nakangiting sabi sa akin ni Caleb habang naglalakad kami sa gitna ng hile-hilerang mga cherry blossom tree.

Malamig ang panahon pero hindi ko maramdaman ang ginaw. Siguro dahil mahigpit niyang hawak ang kamay ko.

"Ba't kasi wala nito sa Pinas," sabi ko sa kanya.

"Okay lang, meron namang isang Caleb sa Pinas," pabiro naman niyang sagot sabay kindat.

Hinampas ko siya sa braso.

"So ganun? Pwede kang i-sight seeing ng mga tao?"

"Ng mga girls," at kumindat ulit siya.

Sinimangutan ko siya.

"Joke lang!" hinila niya ako papalapit sa kanya at inakbayan niya ako. "Hanggang tingin lang naman sila eh kasi ikaw lang ang pwedeng humawak sa akin. Ikaw lang, wala nang iba."

"Drama mo."

"I love you too."

At bago pa ako makasagot, naramdaman ko na ang labi niya sa labi ko.

Para akong kinukuryente. Parang bumilis bigla ang pag-ikot ng mundo ko. Parang may fireworks na sumasabog sa puso ko.

Ang sarap sa pakiramdam.

Ang saya.

...

...

...

Bigla akong napadilat at napabangon.

Panaginip lang.

Ipinatong ko ang ulo ko sa dalawang palad ko.

Nakakainis naman.

Inalis nga ni Dream Goddess ang kakayahan kong makapag-lucid dream, pero gabi-gabi naman si Caleb ang nasa panaginip ko.

Iba-ibang lugar.

Iba-ibang sitwasyon.

Sa loob ng anim na taon, lagi niya akong dinadalaw sa panaginip ko.

Oo. Anim na taon na ang nakakalipas simula nang mangyari ang lahat ng 'yun.

Ayokong paniwalaan ang side effect ng curse ni Dream Goddess. Pagkagising ko, agad akong pumunta sa ospital kung saan naka-confine si Caleb. Pero wala na siya roon. Nakaalis na sila ng mommy niya.

Sinubukan ko siyang hanapin sa social media pero hindi ko siya makita.

Lagi akong nag-iikot at umaalis mag-isa. Umaasa na baka makasalubong ko siya sa daan. Na baka makita ko siya. Pero wala. Hindi nangyari 'yun.

Kasi totoo talaga. Hindi na pwedeng magtagpo ang mga landas namin. Hindi na kami magkikita kahit pa hanapin namin ang isa't isa.

At mukhang hindi rin naman mangyayari na hahanapin ako ni Caleb dahil burado na ang existence ko sa alaala niya.

Ilang beses kong sinubukang mag-move on. Sinubukan ko pang pumasok sa isang relationship pero hindi nag-work out.

Paano kasi, gabi-gabi kong napapaniginipan si Caleb.

Paano ako makakapagmove on kung gabi-gabi ay dinadalaw niya ako sa panaginip ko?

Na hindi siya nawala.

'Yun nga lang, hindi na siya totoo.

Ang malupit pa nun, wala na akong kakayahang mag lucid dream. Sa panahong nananaginip ako, akala ko totoo lahat ng nangyayari. Hindi na ako aware na panaginip lang 'yun. Kaya naman kada nagigising ako, ramdam ko ang disappointment, ang sakit, ang matinding pagka-miss kay Caleb.

Nakakaiyak. Gustong-gusto ko na siyang makita.

"Wow! Gising na ang mahal na prinsesa!"

Napaangat ang tingin ko kay Amanda na naka-pajama pa at magulo ang buhok. Sa likuran niya ay nakasunod si Lilian. Mukhang pareho silang galing sa kusina namin.

"Breakfast is almost ready!" masiglang sabi ni Lilian.

Nag-overnight silang dalawa dito sa bahay namin. Halos kagagawa lang kasi nito four months ago at nag-request ang dalawa kung pwede ba silang mag-overnight dito. Syempre pumayag naman ako dahil madalang na lang talaga kaming makapag-bonding na tatlo.

Maayos na ang bahay namin. Malaki na.

Dito, tatlo na ang kwarto namin at may sari-sariling banyo na rin 'yon. Tig-iisa kami nina Mama at kuya. May second floor na ang bahay namin. May malaking kitchen, magandang garden at may swimming pool na rin.

Design ko.

Isa na kasi akong Architect.

Oo, nakapagtapos ako ng pag-aaral. After ng graduation ng high school, naghanap agad ako ng summer job para makaipon ng pambaon sa pasukan. Ang hirap makakuha ng trabaho pag high school graduate ka lang. Pero buti 'yung kapitbahay namin ay naghahanap ng tutor ng elementary niyang anak.

'Yun nga lang, sobrang liit ng sahod.

Pero may isang swerte na dumating sa buhay namin.

Tumigil na si Kuya sa pagiging construction worker dahil ipinasok siya ng kaibigan niya doon sa parlor na binuksan nito malapit sa amin. Nung fiesta sa amin, may nagpa-makeup na starlet kay Kuya. 'Yung starlet na kakanta sa fiesta. Eh nagustuhan niya ang pagkaka-makeup ni Kuya kaya sa kanya naman ini-hire siya ulit nito doon sa isa pang fiesta na pupuntahan niya para makeup-an siya. Dahil doon, medyo nadagdagan ang income namin.

Eh nagkataon, may international producer na naka-discover kay starlet. Nagkaroon ng album sa abroad si starlet at nakilala worldwide kaya big star na siya ngayon. At doon sa unang music video niya, ni-request niya na si Kuya ang mag-makeup sa kanya. May iba't ibang international singers na nakapuna sa talent ni Kuya kaya hina-hire rin siya.

At ang bruha kong kapatid, na-makeup-an na rin sina Taylor Swift, Beyonce at Ariana Grande.

Ang sarap niyang sabunutan. Hindi pala talaga pang construction worker ang beauty niya.

Pero talagang sobrang saya namin sa blessings ni kuya dahil ngayon ay nakapagpatayo na kami ng bahay at may sarili na ring salon si kuya na talaga nga namang dinadayo pa ng mga artista.

At ako? Pinalad akong mapasok sa isang magandang kumpanya.

Ang daming swerteng dumating. Napalitan lahat ang ilang taong kamalasan.

Masaya ako kasi hindi na nahihirapan sina nanay at kuya.

But still, may kulang pa rin.

"Hay, grabe ang saya last night!" sabi ni Amanda habang kumakain kami ng breakfast. "Gawin ulit natin 'to ah? Hindi pa rin talaga tayo matanda para sa mga overnights!"

"Oo naman! Next time magdadala ako ng anime na pwede nating i-marathon!" sabi naman ni Lilian.

Natawa naman ako, "Anime talaga? Hindi ba pwedeng Korean drama naman?"

"Oo nga. Korean drama naman. Sa mga Koryano lang kinikilig itong si Angelique eh!" sabi ni Amanda at pareho silang tumawa ni Lilian.

"Sige pagtawanan niyo ako! Palibhasa may mga lovelife kayong dalawa!"

Boyfriend na ngayon ni Lilian si Howard at going strong pa rin naman si Amanda at Owen. Kaya ang lalakas ng loob ng dalawang yan na pagtrip-an ako.

"Eh kasi ba't hindi mo i-entertain ang feelings ni Gerald sa'yo? Matagal nang patay na patay sa'yo ang isang 'yun," sabi ni Lilian habang itinuturo ang tinidor niya sa akin na may nakatusok pang sausage.

Napabuntong hininga ako, 'Hindi para sa akin si Gerald. 'Wag na nating ipilit."

"Hay naku. Eh sino naman ang para sa'yo? Sino ba ang man of your dreams? Ma-hunting nga at ang tagal ka nang pinaghihintay!" sabi naman ni Amanda.

Nginitian ko lang sina Amanda at itinuloy ko ang pagkain ko.

Man of my dreams.

Kung alam lang nila na 'yung man of my dreams ko ay nakilala ko lang talaga sa panaginip ko.

At hanggang panaginip na lang talaga siya.

Matapos mag-breakfast ay umuwi na rin sina Amanda at Lilian. May family reunion kasing pupuntahan si Lilian at si Amanda naman ay makikipagkita kay Owen. Mukhang magse-celebrate ata ng anniversary 'yung dalawa.

At ako, dahil off ko ngayon eh pumunta na lang ako mag-isa sa mall.

Gusto ko lang maglibot mag-isa.

Umaasa na baka makita ko si Caleb. Na baka maging mabait ang tadhana at magtagpo ang landas namin ngayon.

Napadaan ako sa isang pet shop. May nakita kasi akong sobrang cute na baby golden retriever. Ang sarap bilhin. Kaya lang baka magalit si Nanay o si Kuya sa akin. Kailangan ko munang tanungin sa kanila kung okay lang na magka-aso kami.

Ako naman ang mag-aalaga. Ako ang magpapaligo. Ako ang magte-train.

Tapos papangalanan ko yung aso na...Caleb.

Lumabas agad ako sa pet shop.

Malala na ako. Malala na talaga ako!

Hindi ako maka-move on. Lagi kong iniisip si Caleb.

Ang shunga ko kasi talaga. Dapat pinabura ko na rin kay Dream Goddess ang alaala ko. Para hindi na masakit. Para hindi na ako nahihirapan.

But still, ayoko pa ring makalimutan si Caleb.

Ang hirap naman nito.

"Hi ma'am! Would you like to check our art collection?" tanong sa akin ng isang lalaking naka-corporate attire.

Tumango ako at pumasok sa loob ng store nila. May isang pamilya na tumitingin ng mga paintings sa kabilang side. Sa may sulok naman, may mag-jowang magkaakbay na naghaharutan habang tinitingnan 'yung painting ng babae at lalaki na naghahalikan.

Kainis. Sarap nilang batuhin.

Inalis ko ang tingin ko sa kanila at pinagmasdan ko ang mga paintings sa harapan ko. Karamihan puro abstract. Meron ding painting ng lugar, ng tao, at 'yung iba, hindi ko mawari kung ano.

Magaganda naman lahat. Sa gilid ng mga paintings, nakalagay ang price. Nakakalula ang presyo. Around 20k – 40k ang halaga. Hindi practical kung bibilhin.

Nahinto ako doon sa painting na tinitingnan kanina nung mag-jowa. Magkayakap 'yung babae at lalaki doon sa painting. Walang saplot at naghahalikan sila.

Feeling ko pag isinabit ko 'to sa sala namin, aatakihin sa puso si nanay. Si kuya naman, made-depress at baka biglang maisipan na nun magpa-s*x change.

Biglang lumapit 'yung lalaki kanina na naka-corporate attire doon sa painting at inalis 'yung presyo. Pinalitan niya ito ng tag na "sold".

Napatingin ako sa may cashier at nakita kong nagbabayad na 'yung couple kanina.

Wow. Baka hindi lang mag-jowa ang dalawang 'yun ah. Baka newly wed couple sila. At talagang naisipan nilang gumastos para sa painting na 'yun. Tiningnan ko 'yung kabilang painting at napahinto ako bigla. Isang babae at lalaki na nakatayo sa rooftop. Nakatalikod sila at tinatanaw ang kapaligiran. 'Yung kalangitan sa painting, magkahating gabi at umaga. Sa left side, kita ang Eiffle Tower. Sa right...

Napapikit ako at napahinga nang malalim. Sa right side... may hile-hilerang mga cherry blossom trees. Sobrang pamilyar ng painting. Sobrang pamilyar ng scenario. Ang paraiso ko. Ang munting paraisong ginawa ko dati sa panaginip ko.

Ang lugar kung saan ko siya nakilala.

Tiningnan ko sa gilid ng frame ang pangalan ng painting at kung sino ang gumawa nito.

"Angel's Dream by John Caleb de Dios"

Caleb... Caleb... Caleb...

Napahawak ako doon sa painting.

Hindi ako makapaniwala. Si Caleb. Siya ang gumawa nito.

Naramdaman ko ang pangingilid ng luha ko.

He painted my dream.

He painted our paradise.

Naalala ba niya? Natatandaan ba niya ako?

O katulad ko rin na gabi-gabi akong nasa panaginip niya?

Totoo ba 'to? Totoo na 'tong nangyayari na 'to?

Hindi ako makapaniwala.

"Ah ma'am, sorry, bawal pong hawakan 'yung painting," suway sa akin nung lalaking naka-corporate attire.

"Ay, sorry sir. Uhmm, I would like to purchase the painting," sabi ko sa kanya nang walang pagdadalawang isip.

Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng pangyayaring 'to. Hindi pinagtatagpo ang tadhana namin but somehow, nagawa kong makita ang painting ni Caleb.

Kailangan kong makuha 'to.

"All right, ma'am! Sa cashier na lang po!"

Pumunta ako agad sa cashier at pinunch naman nung babaeng bantay doon 'yung code ng painting.

"That would be 40,000 pesos."

"40K?!" gulat na gulat na tanong ko.

"Ah yes ma'am."

Anak naman ng—! Caleb naman! Ba't mo naman binebenta ng mahal ang gawa mo?!

"Go pa po ba ang transaction?" nakangiting tanong sa akin nung babae.

Pero alam ko deep inside gusto na niya akong palayasin. Na kung wala akong pera ay lumayas-layas na ako sa shop nila.

Kasi naman ba't naman ang mahal!

"Yes. I-ca-card ko na lang," sabi ko.

Inilabas ko ang wallet ko at hinalungkat ko 'yung credit card kong minsan lang magamit. Ngayon lang 'to. Ngayon lang ako gagastos ng ganitong kamahal para sa isang painting. Ngayon lang talaga.

After nito magpapaka-practical na ako. Pagbigyan niyo na ako.

Gawa 'to ni Caleb. Patunay 'to na nag-e-exist siya sa reality.

Nasa reality na siya. Ligtas siya. Ligtas at buhay na buhay. Wala na siya sa mundo ng mga panaginip.

At wala rin sa wallet ko ang credit card ko.

Anak naman ng—!!

Naiwan ko sa bahay!!

Anak naman ng—!! Talaga naman oh!

"Ah, pwedeng hold muna? I left my credit card in my house. Babalikan ko lang?" sabi ko doon sa babae. "Can you reserve the painting for me?"

"Sorry ma'am, hindi po pwedeng i-reserve eh," sagot niya with matching plastic na ngiti.

Bwiset. Mukhang hindi pa ako pinapaniwalaan ng isang 'to.

"Sige, babalik na lang ako agad."

Lumabas ako doon sa store at dali-daling pumunta sa parking lot. Pagkasakay ko sa kotse ko, pinaharurot ko agad ito papunta sa bahay.

Wala si Nanay sa bahay. Mukhang tumutulong siya ngayon sa salon ni Kuya. At si Kuya naman ay bukas pa ang uwi galing New York. Kaya ako lang talaga ang nandito.

Dali-dali akong umakyat sa kwarto ko at kinuha ang credit card ko sa drawer ko. Iniwan ko nga pala 'yun doon para hindi ako gumastos nang gumastos. At ngayon, gagastos ako ng 40K para sa isang painting.

Pagkakuha ko ay dali-dali akong bumalik sa kotse ko at pinaharurot ko pabalik sa mall. Nang makarating na uli ako sa store, dumiretso na ako doon sa cashier.

"I already got my card," ngiting-ngiti kong sabi sa kanya habang pinapakita ko ang credit card ko.

Akala mo ha poser ako! Ano ka ngayon.

Nginitian niya ako, "Sorry ma'am, pumunta po 'yung gumawa nung painting kanina. Nagbago ata ang isip niya, hindi niya na ipagbibili 'yung painting."

"What?! Are you kidding me?!"

"Sorry po," at itinuro niya ang painting.

Nakita ko doon sa gilid ng frame ang "not for sale" na signage.

Napahinga ako nang malalim.

"Nandito pa ba siya?" mahinahon kong tanong doon sa babae. "Y-yung gumawa ng painting?"

"Halos kaaalis lang po ni Sir Caleb. Sorry po. Pero try niyo po tomorrow around two in the afternoon. Lagi siyang nag da-drop by ng ganung oras dito."

Tumango lang ako at lumabas na ako.

Tinanong ko pa. Imposible na nandito si Caleb. Imposible na mag pang-abot kami.

Hindi naman pwedeng magtagpo ang landas namin eh.

Asa pa ako. Asa pa.

Ang sakit.

Pumasok ako sa kotse ko at isinandal ko ang ulo ko sa manibela. Nangingilid ang luha ko.

Ang lupit naman.

'Yung feeling na alam mong ang lapit na niya sa'yo. 'Yung alam mong pinuntahan niya ang lugar kung saan nandun ka.

Ang heartbreaking.

Kasi hindi kami nagkita. Hindi ko siya nakita.

At kung sakali man... hindi niya ako maaalala.

Bakit ang sakit?

Umuwi na lang ako at nagkulong sa kwarto.

Six years na. Six years. Pero bakit siya pa rin ang gusto ko? Bakit hinihintay ko pa rin siya?

Ilang taon lang ako nung nakilala ko siya. Sa panaginip pa.

Pero bakit ganun? Ba't hindi ko siya makalimutan?

Gusto ko nang mag-move on pero ang puso ko masyadong pasaway. Attached na attached pa rin ito kay Caleb.

Bwiset na puso 'to. Ang hilig-hilig nasasaktan.

Hinawakan ko ang kwintas na ibinigay ni Caleb sa akin. Lagi ko pa rin 'tong suot-suot. Hindi ko magawang alisin o palitan.

Hindi ko magawang i-detach sa katawan ko.

Parang si Caleb lang.

Kinabukasan, bumalik ako doon sa shop.

Two o'clock. Baka sakaling nandoon si Caleb.

"Naku, maaga po siyang pumunta ngayon. Nagsimba kasi sila ng Mom niya kaya napaaga ang punta. Sayang, halos kaalis niya lang."

Tinitigan ko na lang ang painting niya at saka lumabas sa shop na 'yun na bigo.

Oo na, ang tanga ko na. Alam kong hindi pwede pero ipinipilit ko pa rin.

Gusto ko lang naman kuhanin ang chance eh. Na baka pwedeng mangyari ang gusto ko.

Kaso wala. Tadhana na talaga ang nagsabing hindi kami magkikita. Isinasampal na niya sa mukha ko na wala akong magagawa para maging parte si Caleb ng reality ko.

Hayop kang tadhana ka. 'Wag kang magpapakita sa akin. Ipapalapa kita sa leon!

Kaya naman pagbalik ko sa bahay, nagkulong na naman ako sa kwarto. At humagulgol na naman ako ng iyak.

Bakit ba kasi bumalik ako doon? Alam ko naman na walang mangyayari eh. Alam ko namang madi-disappoint ako eh.

Edi ngayon, nga-ngawa-ngawa ako ng iyak? Broken hearted na broken hearted? Ini-imagine ang mga bagay na hindi pwede?

At ayokong matulog.

Kasi makikita ko na naman siya sa panaginip ko.

Man of my dreams.

Bwiset. Hanggang panaginip na lang ba 'to?

Napakapit ako sa kwintas na ibinigay sa akin ni Caleb.

Miss na miss na kita Caleb. Sobra. Sobra-sobra. Kung pwede lang kitang makita ngayon. Kung pwede lang tayo...

Kinabukasan, buti na lang at may trabaho ako. Nagpaka-busy ako ng husto para makalimot. Para hindi ko na maalala 'yung mga nangyari.

Mas okay 'yun. Para pag-uwi ko, pagod ako. Diretso tulog na lang ako.

At 'yung panaginip ko naman ang bubulabugin ni Caleb.

Bwiset ka Caleb.

Nung gabi na pauwi na ako, dinala na naman ako ng mga paa ko sa shop na 'yun.

Pero this time hindi para hanapin si Caleb.

Gusto ko lang tingnan ulit 'yung painting niya.

Gusto kong maalala ulit ang itsura ng panaginip ko nung panahong may kakayahan pa akong mag-lucid dream.

Hile-hilerang cherry blossom trees.

Napangiti ako.

Malapit ko nang makita ng personal ang mga cherry blossom. In two months, pupunta kami nina Nanay at Kuya sa Japan. Spring season na kasi sa kanila.

Ano kaya ang pakiramdam na makita 'yun sa reality? Mas okay kaya kesa doon sa panaginip lang?

Feeling ko mas maganda ang reality.

'Yun lang, ang pinagkaiba, sa panaginip ko, kada nakikita ko ang cherry blossom, palaging may isang lalaki na nakaupo sa ilalim nito at hinihintay ako.

Samantalang sa reality, wala na.

Miss na miss na talaga kita, Caleb.

"Ma'am?"

Nilingon ko yung lalaking laging bantay dito na napag-alaman kong Henry ang pangalan.

"Ah, yes po?"

"Gustong-gusto niyo po talaga ang painting na 'yan 'no? Parang na-attached ka talaga ng husto diyan."

Tumango ako, "sayang, ayaw ibenta nung artist."

"Oo nga po eh. Kinausap ko rin si Caleb. Ayaw niya talaga. Sabi niya kasi nakaramdam siya ng personal connection sa painting na 'yan."

Napalingon ako sa kanya at hindi ko maiwasang mapangiti, "T-talaga? Bakit daw?"

"Lagi niya kasing napapaniginipan 'yung scene na 'yan. Ewan ko ba sa kanya, ma'am. May pagka-weird kasi 'yun. Sabi niya 'yung babae doon sa painting eh laging nagpapakita sa panaginip niya. At ayun daw ang pinakamagandang babae na nakita niya. Parang girl of his dreams. Mukha raw anghel. Kaya Angel's Dream ang pangalan ng painting niya."

Huminga ako nang malalim. Gusto kong maiyak sa nalaman ko. Gusto kong tumili, tumawa at humagulgol. Hindi ko alam kung ano ang tamang mararamdaman ko.

Matutuwa kasi laman ako ng panaginip niya kahit hindi niya ako naalala?

O maiinis kasi hanggang doon na lang. Hanggang sa panaginip na lang talaga ang lahat.

Walang reality na naghihintay sa aming dalawa.

"Sayang nga po ma'am hindi niyo siya naabutan. Naikwento po kasi kita sa kanya. Sabi ko ilang beses ka nang bumalik dito. Hinintay ka niya kanina kaya lang late ka na po dumating."

Napangiti na lang ako ng malungkot.

"Baka hindi talaga kami meant na magkitang dalawa."

"Gusto mo po bang mag-set ng date para magkita kayo?"

Umiling ako, "wag na po. Ayos lang."

Kasi kahit mag-set pa kami ng date, kung tadhana naman ang kalaban namin, anong magagawa namin?

Walang mangyayari.

Baka ika-pahamak pa ng isa sa amin iyon kung nagkataon.

"Sayang naman po ma'am. Malay mo makahanap ka pa ng painting na mas maganda rito."

"Sana nga po..."

Kahit alam kong wala nang iba. Si Caleb lang.

Siya lang.

"Ay ma'am, may ipapakita pala ako sa inyo. Hindi dapat namin i-o-out 'to dahil ayaw ni Caleb, pero dahil mukhang gustong-gusto niyo naman po siya, hahayaan ko nang silipin niyo ang isa pa niyang masterpiece."

"Talaga? Okay lang?"

"Oo naman po! Come with me!"

Sinundan ko si Henry doon sa parang stockroom nila at sa gilid noon, may nakita akong isang canvass na natatakpan ng tela.

"Ito po 'yun. Isang napakagandang obra."

Inalis ni Henry ang takip doon sa tela.

Isang painting ng isang babae ang nandoon sa canvass.

Naka-school uniform 'yung babae habang naka-Indian seat at nakasandal sa railings ng rooftop. May drawing pad sa lap nung babae at halatang nagko-concentrate ito sa pag do-drawing.

Napatingin ako sa bandang leeg nung babae sa painting.

Isang confirmation na tama ang hinala ko.

Napalunok ako.

May suot siyang kwintas. Isang halfmoon at star na pendant.

Napahawak ako sa kwintas na ibinigay sa akin ni Caleb at parang biglang nag-flashback ang araw na iyon. 'Yung araw na nasa rooftop kami at nagdo-drawing. Hindi ipinakita sa akin ni Caleb ang ginuhit niya pero ilang beses ko siyang nahuli na nakatingin sa akin.

"Ayan po ang pinakaunang artwork ni Caleb. Kaya rin siya na-discover ay dahil dyan. Ang ganda hindi ba?"

Hindi ko na magawang sumagot. Ilang beses akong lumunok. Ilang beses akong huminga ng malalim.

Babagsak na ang luha sa mata ko.

"Ma-am? Are you okay?"

Hindi ko na siya nagawang sagutin pa. I immediately excused myself at dali-dali akong tumakbo palabas.

Dumiretso ako sa parking lot at pinaharurot ko ang sasakyan ko pauwi sa amin.

Tuloy-tuloy ang pagbagsak ng mga luha sa mata ko. Ayaw magpapigil.

Gustong gustong gusto ko siyang maging parte ng reality ko at ang hirap hirap tanggapin na hindi pwedeng mangyari 'yun.

Nang makarating ako sa bahay, dali-dali akong dumiretso sa kwarto ko. I opened my drawer at nakita ko agad ang sketch pad ko nung nag-aaral pa lang ako.

Hindi ko nagawang dalhin sa reality ko ang iginuhit ko nung araw na yun sa rooftop. Pero sinubukan ko ulit iguhit ito sa reality ko.

Si Caleb, sa gitna ng hile-hilerang mga cherry blossom trees. Nakatayo siya roon at hinihintay ang pagbabalik ko.

Niyakap ko ang sketch pad ko habang umiiyak ako.

Ang sakit na talaga. Ang hirap na.

Hindi ko siya maalis sa puso ko. Hindi ko magawang makapagmove on.

Sa panaginip ko lang siya nakilala pero siya ang taong nagpakita sa akin ng lahat ng magagandang bagay.

Paano ko siya magagawang kalimutan kung ramdam na ramdam ko pa rin kung gaano ko siya kagusto?

Ang hirap-hirap.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nasa sahig at umiiyak. Dumating ang umaga at nagising ako sa ganoong sitwasyon.

Katulad ng dati, napaniginipan ko pa rin si Caleb. Nasa beach kami at pinapanood ang sunset. Nakaakbay siya sa akin at nakapatong naman ang ulo ko sa dibdib niya. Walang nagsasalita. Tahimik lang kami pareho. Pero 'yung klase ng katahimikan na hindi awkward. Ito 'yung tipo ng katahimikan na masaya dahil damang-dama mo kung gaano ka kasaya at ka-komportable na nasa tabi mo lang siya.

Napapikit na lang ako.

Ang bigat sa loob. Ang bigat na.

Pagod na akong masaktan.

Paano ko ba magagawang makapagmove on sa'yo, Caleb?

Nung gabing yun, dinalaw ulit ako ni Caleb sa panaginip ko. Naglalakad kami doon sa mahabang tulay papunta sa panaginip ng ibang tao at magkahawak ang aming mga kamay. Pero habang naglalakad kami, bigla na lang bumitiw si Caleb sa pagkakahawak ko sa kanya at tumakbo palayo sa akin. Hinabol ko siya habang tinatawag ko ang pangalan niya pero hindi siya lumilingon. Hanggang sa nawala na siya sa paningin ko. Napahinto ako sa pagtakbo dahil nakita kong nasa dulo na ako ng tulay. Isang malawak na karagatan ang nasa harapan ko. Maraming mga bola ng panaginip ang lumulutang.

Pero wala si Caleb.

Ilang beses kong isinigaw ang pangalan niya pero wala siya.

Nung nagising ako, iyak ako nang iyak. Ang bigat bigat sa loob.

Bago ako pumasok ay dumaan muna ako doon sa art gallery. Naisip kong humingi ng pasensya kay Henry sa bigla kong pag-alis kanina.

Kaya lang pagdating ko doon, bakante na ang art gallery. Tapos na raw ang exhibit nila doon.

Parang sinasabi na rin nito na tapusin ko na ang kahibangan ko.

Tama na, Angelique.

Move on na.

~*~

"Angelique, hindi ka kita! Gumilid ka!"

Sinunod ko si Kuya at medyo pumunta ako sa kabilang side ni Nanay.

"Ayan! Smile!"

He clicked the capture button at agad niyang tiningnan 'yung selfie naming tatlo.

"Ay perfect! Oh! Ang gaganda natin!"

Tiningnan din namin ni Nanay ni Kuya at ang ganda nga ng kuha niya. Kitang-kita pa 'yung mga cherry blossom na nasa likuran namin.

Finally, nakapunta na rin kami ng Japan. Nandito kami ngayon sa Osaka Castle Park at talaga nga namang ang daming cherry blossom trees dito. Ang ganda ng paligid.

"Anak, kuhanan mo nga ako ng litrato doon sa may Osaka Castle," sabi ni Nanay kay kuya. "Gandahan mo at i-u-upload ko yan sa Facebook ko."

Nagkatinginan kami ni Kuya at pareho kaming napangiti.

"Sige mader! Tara lets at pi-picture-an kita ng bongga!"

Hinayaan ko si Kuya na dalhin si Nanay doon sa Osaka Castle. Ako naman ay mabagal na naglakad sa gitna ng mga hile-hilerang cherry blossom trees.

Akala ko maganda na 'yung nasa panaginip ko dati. Hindi ko akalaing mas maganda pala ito sa totoong buhay.

"Angelique, alam mo ba na ang ganda talaga ng reality mo? Hindi mo lang napapansin, pero sobrang ganda talaga ng buhay mo sa labas ng isang panaginip. At alam ko, mas gaganda pa iyon."

Hindi ko maintindihan kung bakit bigla kong naalala ang mga salitang binitiwan niya noon. Kung sabagay, palagi ko naman siyang naalala eh. Paano ko ba naman siya makakalimutan kung gabi-gabi eh binibisita niya ako sa panaginip ko?

Marami siyang sinabi sa akin dati na hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa isip ko.

"Maganda ang reality mo, Angelique."

Paulit-ulit niyang sinasabi sa akin dati 'yan. Paulit-ulit niyang pilit na ipinapakita sa akin ang reyalidad.

Napatingin ako sa paligid ko.

Puro mga hile-hilerang cherry blossom trees na dati eh akala ko, sa panaginip ko lang makikita.

Iba rin pala ang pakiramdam na makita ang mga 'to sa reyalidad. Mas maganda, mas nakakamangha, mas surreal.

Pero may kulang pa rin.

Napapikit ako para mapigilan ang mga luha na nagbabadyang kumawala sa mga mata ko.

Nakita ko na ang tinutukoy mo. Na-realize ko nang maganda ang reality ko. Alam ko nang marami akong dapat ipagpasalamat sa Diyos.

Pero lagi ko pa ring iniisip, ano kaya ang pakiramdam kung nandito ka rin sa reality ko?

Two months na ang nakakalipas simula nung incident sa art gallery. Tinigilan ko na rin ang paghahanap kay Caleb. Unti-unti ko nang tinatanggap na hindi na talaga kami magkikita.

Pero hindi ko pa rin maiwasang isipin kung kumusta na kaya siya? Ano kaya ang ginagawa niya? Sana okay lang siya ngayon.

"Excuse me miss, is this yours?"

Napalingon ako doon sa nagsalita sa likuran ko at tumapik sa braso ko.

Nakita ko ang isang lalaki na nakangiti sa akin habang may inaabot na panyo.

Matangkad siya, maputi, medyo singkit ang mata, tousled hair, and he has a very bright smile na nawala agad the moment na lumingon ako sa kanya.

Napalunok ako.

I blinked and blinked and blinked pero mukha niya pa rin ang nakikita ko.

Bigla na lang napuno ng luha ang mata ko.

Nananaginip ba ako? Please... please... sana hindi... please.

"Hi," mahina niyang sabi.

Lumunok ako. Pilit na pinapakalma ang sarili ko. Alam kong mukha akong sira sa harapan niya.

Of course... of course hindi niya ako naalala. Tapos eto ako umiiyak sa harapan niya.

I tried my best to smile.

"Hi. I-I'm Angel—"

"Angelique..."

Napatakip ako ng bibig nang sabihin niya ang pangalan ko. Mas lalong bumuhos ang luha sa mata ko.

"Angelique.." pag-uulit niya.

"Caleb... Caleb!"

Hinila niya ako papalapit sa kanya at hinalikan niya ako. Naramdaman ko ang mga braso niya sa likod ko at inilagay ko naman ang akin sa may balikat niya.

Tuloy-tuloy ang pagbagsak ng luha ko.

Please. Please.

Napahiwalay ako sa kanya.

"Hindi ako nananaginip 'di ba? Hindi 'di ba?"

Umiling si Caleb at pinunasan niya ang luha sa mata ko.

"Naaalala ko na. Naaalala ko ang lahat Angelique. Hinanap kita pero hindi ko alam kung saan ka dapat puntahan."

"Paano? Paano mo naalala? Sabi ni Dream Goddess..."

"It doesn't matter. Alam kong nakagawa siya ng paraan. Pero Angelique, I want you to know, kahit binura niya ang alaala ko, hindi ka tuluyang nawala sa akin. Lagi kang nasa panaginip ko. Gabi-gabi. Hindi ko maintindihan pero alam kong gustong-gusto kong makilala ang babaeng laging bumibisita sa panaginip ko gabi-gabi. Pero ngayon, naalala ko na lahat. Angelique," hinila ako papalapit ni Caleb sa kanya at niyakap niya ako ng mahigpit. "I love you. I still do. Never nagbago 'yun."

"I love you too. Sorry! Sorry kung hindi ko nasabi sa'yo dati! I love you! I love you! Hindi 'to panaginip 'di ba? Hindi 'di ba?"

Humiwalay si Caleb sa pagkakayakap sa akin at nginitian niya ako.

'Yung ngiting gustong-gusto kong nakikita at akala ko never ko nang masisilayan.

Mas lalo akong napaiyak.

"Reality na 'to," sabi niya sa akin.

And again, he claimed my lips.

- END -

Aly's Note:


Guys! Maraming salamat po sa pagbabasa ng Lucid Dream!! Alam kong isang malaking pala-isipan kung bakit biglang nakaalala si Caleb. Magkakaroon po kasi ito ng spin-off story na isusulat ko "pagdating ng panahon" lol. Hindi ko pa alam kung kelan pero bahala na si Batman.

Anyway, may book version ang Lucid Dream. Published na po ito under Psicom Publishing Inc. Kung sakali mang nagustuhan niyo ang story, sana po bilhin niyo rin po yung book. 

Php 150.00 lang po ang price. 

Mabibili niyo po ito sa National Book Store, Powerbooks, Pandayan Bookstore. Ewan ko kung meron sa 7-11. Pero sure akong wala nito sa Ace Hardware. Char! Ayun lang. Salamat.

Next page, teaser ng story ni Dream Goddess. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro