Ninth Dream

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Ninth Dream

"Promise."

Napabuntong hininga ako.

Promise.

Promise na hahayaan niya akong magtanong o promise na pagbalik ko, nandoon pa rin siya? Ilang araw ko nang iniisip ang bagay na 'yun.

Hanggang kailan kaya mag-i-stay si Caleb sa panaginip ko? Nasanay na kasi ako sa presensya niya doon eh. Hindi na ako gumagawa ng mga imaginary na estudyante sa panaginip ko. 'Yung presence lang ni Caleb, okay na sa akin.

Pero bakit pakiramdam ko hindi pang-matagalan 'yun? Bakit parang nakakaramdam ako na any moment, pwede niya akong iwan? Na baka sa susunod kong pagbalik sa panaginip ko, wala na siya?

Ayokong isipin 'yun.

Napailing ako.

Ano ba 'yan? Espesyal ang araw na 'to sa akin tapos inumpisahan ko sa negative thought.

Bumangon na ako at inayos ko ang kama.

Nang maayos ko na ang kama namin, dali-dali akong naligo at nagbihis. Matapos nun ay bumaba na ako. Nakita ko sa hapagkainan sina Nanay at Kuya na nag-aalmusal na. Pareho rin silang busy sa pagbabasa ng dyaryo.

Lumapit ako.

"Oh Angelique ang aga mo ngayon," sabi ni kuya sa akin. Napansin kong hindi na siya naglagay ng lipgloss ngayon.

"Dadaan kasi ako sa chapel bago pumasok."

Ibinaba ni Nanay ang dyaryo na binabasa niya.

"Bakit ka dadaan?" tanong ni nanay.

Natigilan ako sa tanong niya.

"Uhmm, wala ba kayong natatandaan ngayon?"

Nagkatinginan sina Kuya at Nanay at parehong nagtataka. Tiningnan uli nila ako.

"Ano bang meron?" tanong ni Kuya na parang naiirita.

Binigyan ko sila ng isang pilit na ngiti.

"Wala po."

After no'n, hindi na ako umimik. Tahimik na lang akong kumain at mahinang nagpaalam sa kanila. Wala naman silang sinabi. Hindi nila napansin ang ikinikilos ko.

Lumabas na ako sa bahay. Alas-singko y media pa lang ng umaga. Medyo madilim pa pero marami nang tao sa daan. Maaga kasi gumising ang mga tao dito sa amin dahil maaga rin nagsisimula ang mga trabaho nila.

"Good morning, Angelique!" bati ni Aling Kath mula sa likod ng panaderya nila. Tatlong taon na namin siyang kapitbahay kaya naman tatlong taon na ring kada umaga eh amoy ng bagong lutong pandesal ang naamoy namin.

"Good morning po, Aling Kath!" masigla kong bati.

"Ay teka lang, birthday mo ngayon 'di ba?"

Nakangiti akong tumango sa kanya.

Buti pa siya, naalala niya na birthday ko. Samantalang sina Nanay at Kuya kinalimutan na ako.

"Halika rito."

Sinenyasan niya ako na lumapit kaya naman lumapit ako. Naghiwa siya ng dalawang slice ng chocolate cake na paninda niya at inilagay iyon sa isang tupperware at saka iniabot sa akin.

"Happy birthday!"

"Naku, thank you po!"

"Masarap 'yan. I-share mo rin sa mga kaibigan mo."

"Sige po! Salamat po talaga!"

Masaya kong tinanggap 'yung cake na bigay niya at nagpaalam na rin ako sa kanya.

Dumiretso ako sa maliit na chapel na 'di kalayuan sa school namin at nagdasal kay God. Nagpasalamat ako sa Kanya at humiling ng ilang bagay.

Sana makakuha ako ng scholarship sa magandang paaralan. Sana 'wag Niyang pababayaan sina Nanay at Kuya.

Sana bantayan Niya si Caleb.

Ewan kung ba't bigla kong ipinagdasal si Caleb. Feeling ko kasi nawawala siya eh. Feeling ko hindi niya alam ang direksyon ng buhay niya.

Pero kung sa bagay, saan nga bang direksyon papunta ang pagiging isang dream traveler? Nasa panaginip lang siya. Wala siyang ibang pwedeng gawin at hindi siya pwedeng mangarap. Para siyang isang...

Napahinto ako sa paglalakad papunta sa school.

Para siyang isang kaluluwa.

Hindi kaya, kaluluwa na lang si Caleb? At ang napili niyang pagtambayan ay ang panaginip ng mga tao?

"Good morning, Angelique!"

Napalingon ako sa bumati sa akin at nakita ko si Owen na tumatakbo papalapit sa akin. Nakasuot siya ng color green na jacket at fresh na fresh na naman ang itsura niya.

Ang gwapo niya.

Biglang lumundag ang puso ko at napangiti ako.

"G-good morning!"

Sinabayan niya akong maglakad.

"Ang aga mong pumasok ah," sabi niya.

"May dinaanan pa kasi ako."

"I see."

Biglang umihip ang malakas na hangin at napayakap ako sa sarili ko dahil sa lamig.

"Wait," hinawakan ni Owen ang balikat ko kaya naman napahinto ako sa paglalakad.

Nagulat ako nang bigla niyang hinubad ang kanyang jacket at ipinatong 'yon sa balikat ko.

"Ah n-naku, 'wag na! Nakakahiya!"

"No. Malamig. Hiramin mo muna."

"Pero paano ka?"

"Don't worry about me. I'll be fine. May isa pa akong jacket sa locker ko."

Nahihiya-hiya akong ngumiti sa kanya, "s-salamat!"

Nakakatuwa. Kapareho ni Owen sa reality ang Owen sa panaginip ko. Mabait, gentleman at maalalahanin.

Ang pinagkaiba nga lang eh, doon gusto niya ako. Dito? Malamang hindi.

"Angelique!!!"

Biglang may yumakap sa likuran ko.

"Happy happy birthday!!!"

Nilingon ko siya at nakita ko si Amanda na ngiting-ngiti sa akin.

"Salamat!"

"Wait, birthday mo ngayon?" tanong ni Owen sa akin.

Tumango ako.

"Wow! Happy birthday!"

"S-salamat!"

"May gagawin ka mamaya?"

"H-ha? B-bakit?"

"Birthday mo eh. We need to celebrate!"

"Ah naku, 'wag na. Wala rin akong pampa-celebrate!"

"My treat!" tumingin siya kay Amanda. "Sama ka na rin Amanda. Pati si Lilian."

"Naku, wag na—"

"Go kami!" pagputol ni Amanda sa sasabihin ko at saka ako lumingon. "Wag ka nang tumanggi! Libre niya. Masama tanggihan ang grasya!" tiningnan niya uli si Owen, "'Di ba?"

"Oo tama!" natatawa-tawang sabi ni Owen at kinindatan niya si Amanda.

Natawa rin si Amanda.

Hay. Makaka-hindi pa ba ako sa lagay na 'to? Isa pa nakalimutan naman nina Nanay at Kuya ang birthday ko eh.

"Sige na nga."

"Yun oh!" masayang sabi ni Owen. "Paano ba 'yan, see you later after class?"

"See you!" sabi ni Amanda.

Nagpaalam na sa amin si Owen at pumasok na siya sa school nila habang kami naman ni Amanda ay sa kabila.

"Grabe, ang gwapo niya!" bulong sa akin ni Amanda.

Napangiti na lang ako sa kanya at niyakap ko nang mahigpit ang jacket ni Owen.

Ililibre niya ako sa birthday ko. Ang hirap paniwalaan. Parang kailan lang, hindi niya alam na nag-e-exist ako sa mundo. Ngayon gusto niya na akong ilibre.

Kinikilig ako!

Hindi ko hinubad ang jacket ni Owen na ipinahiram niya akin. Buti na lang at malamig ang panahon. Hindi kasi di-aircon ang mga classrooms namin pero sa gilid naman namin ay isang malaking bukid kaya malamig.

Nung recess, pinaghati-hatian namin nina Lilian at Amanda 'yung cake na ibinigay sa akin ni Aling Kath. Ang sarap pala talaga. Kaya naman marami talagang bumibili sa kanya dahil sa galing niyang mag-bake.

Pagdating ng last subject, hindi na ako mapakali. Nae-excite ako na kinakabahan.

Kakain lang naman kami ni Owen sa labas. At hindi ko naman siya solo. Kasama ko sina Lilian at Amanda. Baka nga isama niya rin sina Howard at Gerald eh. Pero ninenerbyos pa rin ako.

Nung nag-ring na ang bell at dinismiss na kami ng teacher, excited na excited akong hinila nung dalawa sa CR para raw mag 're-touch.'

Wala naman akong ire-retouch. Sinuklay ko na lang ang buhok ko. Napatingin ako doon sa dalawa na parehong naglagay ng lipgloss at nagpabango pa. Ang ganda nilang tingnan.

Napatingin ako ulit sa salamin. Mukha talaga akong basahan. Ang dugyot kong tingnan.

"Pwedeng makahingi ng pulbo?" tanong ko kay Lilian.

Walang imik naman niyang iniabot ang pulbo niya dahil busy siyang mag-ayos.

Pinulbusan ko ang mukha ko. Ipinahiram naman sa akin ni Amanda ang lipgloss niya at pinabanguhan pa ako ni Lilian.

"Syempre dapat maganda rin ang birthday girl!" sabi ni Lilian.

Napatawa na lang ako sa kanila.

Sabay-sabay na kaming lumabas ng school at agad naming nakita si Owen sa tapat ng gate ng eskwelahan nila. Kasama niya sina Gerald at Howard doon at mukhang nagbibiruan 'yung tatlo.

Napangiti ako.

Ang fresh pa ring tingnan ni Owen. Parang bagong paligo pa rin kahit alas-tres na ng hapon. Never atang nagmukhang dugyot ang isang 'to. Napalingon sa akin si Owen at nang makita niya ako, napangiti siya at kinawayan kami.

"Ang gu-gwapo talaga ng tatlong 'yan!" bulong sa akin ni Lilian.

Napatango na lang ako sa kanya habang nakangiti.

Totoo naman na gwapo talaga sila. Pero ang mata ko, nakapako lang kay Owen.

"Hi!" bati ko nang makalapit kami.

"Girls, okay lang ba na kasama natin 'tong mga mokong na 'to?" tanong ni Owen sa amin. "Angelique?"

"Angelique, sama kami ha?" sabi ni Howard. "Minsan lang kasing manlibre si Owen eh."

"Oo nga! Kuripot 'yan eh! Kaya nagulat kami nang biglang manti-treat!" dagdag pa ni Gerald.

"S-sige. Okay lang naman," sagot ko sa kanila.

"Ayun oh! Tara na sa pizza house! I-celebrate na natin ang birthday ni Angelique!" masayang sabi ni Gerald at mahina kaming napatawa sa kanya.

Sabay-sabay na kaming naglakad papunta sa pizza house.

"Medyo maingay lang 'yung dalawa pero mababait naman sila kaya sana mapagpasensyahan mo," bulong ni Owen sa akin.

"O-okay lang, ano ka ba? Nakakatuwa 'yung mga friends mo."

Nginitian ako ni Owen at nagulat ako nang bigla niyang inayos ang collar ng jacket na ipinahiram niya sa akin.

"Bagay sa'yo," nakangiti niyang sabi.

Hindi ako nakapag-react. Napangiti lang din ako pero naramdaman ko ang pag-init ng mukha ko.

Nang makarating kami sa pizza house, pumwesto kami doon sa long table sa gilid. Nasa gitna ako nina Lilian at Amanda pero nasa tapat ko naman si Owen.

Tinanong niya ako kung ano ang gusto ko pero hinayaan ko nang siya ang pumili dahil libre naman niya. In the end, um-order siya ng malaking pizza at tig-isang platter ng carbonara at spaghetti. Dinagdagan pa niya ng chocolate mousse para sa dessert.

"Wow! Thanks talaga, Owen!" sabi ni Amanda habang tinitingnan ang mga pagkain sa harap namin.

"No problem. I-enjoy niyo lang. Minsan lang ako manlibre!" natatawa-tawang sagot naman ni Owen.

"Talagang i-e-enjoy namin 'to!" sabi ni Gerald at nilingon niya si Amanda. "Pero pagsisilbihan ko muna ang magandang binibini sa aking harapan.

Pinaglagay ni Gerald si Amanda ng pizza at carbonara sa plato niya. Nahihiya-hiya namang ngumiti si Amanda. Samantalang kami, kinakantsawan namin silang dalawa.

Nagulat ako nang biglang kunin ni Owen ang plato ko.

"Which one do you like? Carbonara or spaghetti?" nakangiti niyang tanong.

"S-spaghetti," sagot ko sa kanya.

Ipinaglagay niya ako sa plato ko ng spaghetti at pizza atsaka niya inabot sa akin. Nung hinawakan ko ang plato, sumagi ang daliri ko sa daliri niya at para itong nagbigay ng kuryente sa buong katawan ko. Hindi pa agad binitiwan ni Owen ang plato. Nagkatinginan kaming dalawa at agad na napaiwas ng tingin sa isa't isa.

Halos lumundag ang puso ko.

Okay, ano 'yun? Ano 'yun?

Uminom ako ng tubig para pakalmahin ang sarili ko.

Parang gusto ko nang umuwi ng bahay at magkulong sa kwarto at magtititili sa kilig.

Pero joke lang! Ayoko pang matapos ang araw na 'to!

Habang kumakain eh patuloy sa pagbibiruan sina Howard at Gerald kaya naman tawa kami nang tawa sa kanila. Masarap silang kasama at madaling maka-close kaya naman ang comfortable na agad namin sa kanila.

Nung sinerve na 'yung mousse, nagulat ako nang biglang naglapitan ang staffs sa table namin at sabay-sabay nila akong kinantahan ng happy birthday.

Malamang kagagawan ni Owen 'to. Ang saya-saya lang. Mga bandang alas-sais na nang matapos kami. Ibinalik ko na rin ang jacket niya kahit na nag-eenjoy pa ako sa pagsuot nito. Amoy na amoy ko kasi ang pabango niya.

"Happy birthday again, Angelique. Sana nag-enjoy ka!" sabi ni Owen.

"Oo naman! Sobra! Thank you talaga, Owen ah?"

"Wala 'yun. So, see you sa Monday?"

Tumango ako. "See you!"

Biglang lumapit si Owen sa akin at hinalikan ako sa pisngi. Medyo natulala ako sa ginawa niya at mas lalong nagrebelde ang puso ko.

"Bye," nakangiting sabi niya at naglakad na siya kasabay ang mga kaibigan niya patungo sa parking lot.

Hindi ko na rin napansin na nagpaalam na sa akin sina Lilian at Amanda.

Nakahawak lang ako sa pisngi ko...

...at hindi maalis ang ngiti sa labi ko.

Tulala ako nung naglalakad ako pauwi. Damang-dama ko pa rin 'yung kilig. Paulit-ulit kong nire-replay sa utak ko ang nangyari.

Oh God. Naramdaman ko ang labi niya na dumikit sa pisngi ko.

Teka, paano nga ba ulit huminga?

Hindi ko alam.

Hindi ko na alam ang nangyayari.

At dahil doon, hindi ko napansin ang nangyayari sa loob ng bahay namin. Nang buksan ko ang pinto, halos mapatalon ako sa gulat nang biglang may kumanta.

♪ "Happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy birthday, happy birthday! Happy birthday Angelique!" ♪

Ayun, sa harapan ko ay kumakanta sina Nanay at Kuya. May dala-dalang isang plato si Kuya na may pinagpatong-patong na cupcake. Sa taas ay may nakasinding maliit na kandila. Sa lamesa namin, may nakita akong pancit canton at isang litrong coke.

Gulat na gulat akong napatingin kina Kuya at Nanay. Nanginig bigla ang labi ko. Napalunok ako. At bigla na lang akong napahagulgol ng iyak. Nilapitan agad ako ni Nanay at niyakap.

"Oh, ba't umiiyak ang anghel namin?" nag-aalalang tanong niya.

"A-akala ko kasi nakalimutan niyo na eh!" pahikbi-hikbi kong sabi.

"Gaga 'to! Syempre joke lang 'yung kanina 'no para effective ang sorprays!" sabi naman ni Kuya.

"Oo nga naman! Ikaw pa ba makakalimutan namin? Eh paborito kitang anak na babae eh!" sabi ni nanay.

"Eh ako lang naman ang anak mong babae eh!" natatawa-tawa kong sabi habang pinupunasan ko ang luha sa mata ko.

"Aray ko ha?! Nasasaktan ako rito! Nay, babae rin ako! Wala nga lang vajayjay!" sabi naman ni kuya.

Nilingon siya ni Nanay, "Ikaw! 'Yung bunganga mo talaga!" saway nito.

Natawa na rin ako sa kanila.

"Wala ka ring boobs!" sabi ko.

"Madali na 'yun, bruha!"

At nagtawanan kaming tatlo.

Nginitian ko sila habang pinupunasan ang luha sa mata ko.

"Thank you!"

Mas lalong hinigpitan ni Nanay ang yakap sa akin at hinalikan ako sa noo.

"At dahil diyan, hipan mo na 'tong kandila bago pa tayo magkasunog!" sabi ni Kuya.

Hinipan ko ang kandila at pinalakpakan ako ni Nanay. Sabay-sabay pinagsaluhan 'yung pancit canton na inihanda nila para sa birthday ko.

Si kuya naman, binigyan ako ng regalo. Isang cute na ipit na may star na design at maraming bato. Agad ko itong sinuot.

Ang ganda ng araw ko ngayon. Parang isang panaginip pero nasa reality ako.

Siguro nga tama si Caleb. Maraming ding magagandang bagay ang nasa reality ko. Sadyang hindi ko lang ito napapansin.

Nung gabing 'yun, natulog agad ako. Gusto ko na agad makabalik sa panaginip ko. Ikukwento ko lahat kay Caleb ang nangyari.

Magpapasalamat na rin ako dahil unti-unti ko nang nakikita ang mga positive na bagay sa reality ko.

At dahil 'yun kay Caleb.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro