Maya

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

MAYA
isinulat ni Endee (loveisnotrude)


"MINSAN MO NA bang naramdaman na para kang isang bato sa gitna ng kawalan?" Tiningnan niya lang ako habang nakakunot ang noo kaya muli ko siyang tinanong. "Iyong tipong walang buhay, walang ganap, walang . . . nararamdaman."

Ilang pulgada lang ang layo namin sa isa't isa kaya nang magbuntonghininga siya, rinig at ramdam ko agad. Hindi ko mapigilang mapailing habang nakangiti. May ideya na kasi ako sa tumatakbo sa isipan niya matapos marinig ang sinabi ko.

"Ako kasi, palagi ko iyong nararamdaman," pagpapatuloy ko. Saktong pagbaling ko sa gawi niya saka naman nagsalubong ang aming mga tingin. Hindi na bago sa akin ang pakiramdam na 'to pero hindi ko pa rin maiwasang hindi magtaka---na sa dinami-rami ng lalaki sa mundo, sa kaniya pa talaga ako nahulog ng ganito. "Bakit ikaw . . . hindi ba?"

"Deng."

Binanggit niya lang naman ang pangalan ko pero para na naman akong ewan na gustong-gusto nang bumitaw sa kinakapitan ko. Para tuluyan na akong mahulog . . . sa kaniya.

Sa totoo lang, matagal naman na akong hulog na hulog sa kaniya. Pero dahil wala ngang kasiguraduhan na sasaluhin niya ako, pinilit ko munang kumapit sa kung saan at lumutang sa ere. Pansamantala lang naman. Sana.

"Bakit naman napunta sa bato ang usapan natin?"

Napasimangot ako sa tanong niya. "Oo o hindi lang naman ang sagot sa tanong ko."

"E, kasi naman---"

"Oo na, oo na. Ayaw mo sa mga malalim na usapan kasi hindi ka naman deep person," mabilis na sabi ko bago niya pa sabihin iyon. "Alam mo, ngayon ko lang naisip---para ka nga talagang bato. Wala ka kasing emosyon. Literal."

"Grabe ka naman sa akin."

"Bakit kasi hindi ka marunong ngumiti?"

Mabilis niyang ikinurba paitaas ang magkabilang gilid ng kaniyang labi sabay sabing, "Marunong naman, a  Tingnan mo."

"Pilit." Mas lalo niya pang nilakihan ang pagngiti. "Mukha kang ewan," sabi ko bago nag-iwas ng tingin. Baka kasi hindi na ako makapagpigil at ano pa ang magawa ko sa kaniya. Ang cute niya kasi, e.

"Tapos ka na ba sa sinusulat mo?"

Nang banggitin niya iyon, napatingin naman ako sa blangkong pahina ng journal ko. "Wala pa nga akong nasisimulan."

Sa mahigit pitong bilyong tao kasing naghahangad na makapagkuwento, isa ako sa mga naghihintay ng pagkakataon na mahayag ko sa buong mundo ang nararamdaman ko. Ang mga nararamdaman kong nakakulong lang sa aking loob at matiyagang naghihintay na makalabas . . . makawala, makalaya.

Parang isang ibon na nakakulong sa hawla at naghihintay pakawalan upang muli na nitong maipagaspas ang mga pakpak at malayang makalipad sa himpapawid.

Parang isang ibon.

Isang ibon.

Ibon . . .

"Maya ba iyon?" Agad niyang nakuha ang atensyon ko at sinundan ko ng tingin ang direksyon na tinuturo niya. "'Di ba, maya ang tawag sa ibon na iyon?"

Hindi na ako nagsalita at tumango-tango na lang ako bilang tugon. Hindi ko na rin kasi maalis ang tingin sa maya na biglang sumulpot malapit sa aming gawi. Ngunit ilang segundo lang ang lumipas ay muli na itong lumipad. Sinundan ko pa ito nang tingin at nakita ko kung paano ito nakihalubilo sa ibang maya sa may himpapawid.

Napangiti ako. "Puwede ba akong lumipad kasama ng mga ibon sa itaas?"

"Kanina, bato. Ngayon, ibon. Ano naman sunod, Deng?"

Imbes na magkomento sa sinabi niya, paulit-ulit ko lang itong ni-replay sa isipan.

Kanina, bato. Ngayon, ibon.

Kanina . . . bato. Ngayon . . . ibon.

Bato.

Ibon.

"Aha!" Nagulat ata siya sa bigla kong pagsigaw dahil pagtingin ko sa kaniya, nakalapat na ang kanang kamay niya sa dibdib habang nanlalaki ang mga mata. "Sorry, na-excite lang."

"Saan?"

"Salamat sa iyo at may mako-compose na akong kanta."

"Talaga? Tungkol saan?"

Hindi ko muna siya pinansin at nagtuloy-tuloy lang ako sa pagsusulat. Iba rin talaga ang pagdating ng inspirasyon sa akin---biglaan.

Nasa kalagitnaan ako nang pagsusulat sa second verse nang bigla niyang isinara ang espasyong namamagitan sa aming dalawa.

"Uy, patingan nga!"

"Hindi pa tapos!" Mabilis kong inalayo iyong journal ko sa kaniya. "Huwag ka makulit. Sa iyo ko naman 'to unang ipaparinig."

"Gusto ko na marinig ngayon."

"Ang kulit mo naman, e."

"Please?"

Napabuga na lang ako ng hangin. Dahil dinaan niya na ako sa pagpapa-cute, wala na akong nagawa at kinuha ko na lang ang ukulele sa tabi ko.

"Hindi pa ito iyong final melody, a. Excited ka kasi masyado." Mabilis siyang napatango. "Saka verse one hanggang chorus pa lang 'to."

"Okay lang. Gusto ko lang talagang marinig iyong kantang nagawa mo dahil sa akin."

Kinapa ko muna iyong ukulele ko para hanapin ang nababagay na tono. Ilang saglit lang, nahanap ko na rin ito. Nakaisip na rin ako ng pupuwedeng melody. "Minsan mo na bang naramdaman na ika'y isang bato sa gitna ng kawalan~ Panay patlang . . . Minsan mo na bang naramdaman na ika'y lunod sa sariling karagatan~ Laging kulang . . . Kaya kung sakali . . ."

Maingat ang pagkalabit ko sa kuwerdas habang dinadama ang bawat liriko ng kanta. "Puwede bang lumipad kasama ng mga ibon sa taas~ Kanilang pagaspas sa haraya ay umaalpas~" Muli akong napatingin banda sa may ulap kung saan nandoon pa rin ang mga ibong malayang lumilipad. "Lumalagpas sa limitasyon ng ngayon at bukas~ Nawa ay lahat ay malaya tulad ng mga maya~"

Nang matapos ko na ang chorus, nagpalitan lang kami ng ngiti---sa kaniya, matipid lang (para pa ngang hindi siya nakangiti pero dahil alam ko namang ganoon talaga siya, hinayaan ko na); habang ako naman, halos mangalay na ang panga.

Agad naman akong bumalik sa pagsusulat ng liriko sa aking journal nang maramdaman kong bigla siyang tumayo.

"Doon muna ako banda sa may dalampasigan," aniya. "Para naman makapag-focus ka sa sinusulat mo."

Hindi na ako kumontra pa dahil para din naman sa akin iyon. Totoo kasing kapag nasa malapit siya, lumilipad lang ang isipan ko. Iniisip kung may patutunguhan ba itong nararamdaman ko sa kaniya. Kung hanggang kailan ko ba ito itatago.

Bakit ba kasi ang hilig ng mga tao magkagusto sa taong malayo naman silang magustuhan?

Bakit ba ako nagkagusto sa taong malayo akong magustuhan? Bakit ba kita . . . gusto?

Sa lalim ng iniisip ko, para na akong malulunod. Pambihira.

"Deng!"

Nang marinig kong tinawag niya ang pangalan ko, agad siyang hinanap ng aking mga mata kung nasaan na siya banda.

"Ang lamig ng tubig, tara!"

"Akala ko ba iniwan mo ako para makapag-focus ako dito?!" sigaw ko pabalik. "Bakit niyayaya mo naman ako ngayon?!"

"Saglit lang naman 'to! Tara na!"

Buntonghininga.

Pagdating talaga sa kaniya, ang hirap kalabanin nitong puso ko. Daig pa ang aking isip sa pagdedesisyon.

Itiniklop ko na lang ang aking journal at itinabi ito katabi ng ukulele ko. Pagkatapos ay saka ako dahan-dahang naglakad papalapit sa kaniya nang may ngiti sa mga labi habang napapailing sa pagkamangha kung paano niya na lang napapasunod itong puso ko.

Ilang pulgada lang ulit ang layo namin sa isa't isa. Pareho kaming nakatayo habang nakatanaw sa malawak na karagatan. Tahimik lang namin itong pinagmamasdan habang hinahayaang humampas ang malilit na alon sa aming paanan. Mula sa aming kinatatayuan, kitang-kita na rin namin ang unti-unting paglubog ng araw. Ang ganda talaga nitong pagmasdan . . . lalo na kapag kasama mo ang taong gusto mo.

"Alam mo, Deng, iyong mga ganitong senaryo ang magandang timing para umamin ka sa taong gusto mo."

Literal na nagulat ako sa sinabi niya---kinabahan. Agad ko siyang nilingon ngunit nanatili pa rin naman siyang nakatingin sa papalubog na araw kaya hindi ko masyadong makita ang eksepresyon ng kaniyang mukha. Mas lalo lang bumilis ang pagtibok ng puso ko.

"Kaya lang masyado naman itong masakit sa alaala kung sakaling hindi magiging maganda ang kahahantungan."

"Ano bang---"

"Kung ikaw ay ako, Deng, ano'ng pipiliin mo: Ang maging matapang at amining gusto kita? O maging duwag na lang para iwas sa masasakit na alaala?"

Napatigil ako. Napaisip. Naguguluhan man ay may sagot pa rin ako sa tanong niyang iyon.

Pipiliin ko iyong huli. Kung ako siya, ayon ang pipiliin ko. Mas pipiliin ko pang maging duwag kaysa magmatapang na mauuwi naman sa pagkadurog ng aking puso.

Pero . . . Ano bang ibig niyang sabihin? Ano bang gusto niyang iparating?

Ilang sandali rin kaming binalot ng nakabibinging katahimikan bago ko siya narinig na humugot ng isang malalim na buntonghininga.

Nang muli ko siyang binalingan, saktong nagkatagpo ulit ang aming mga tingin. Gusto kong kumawala sa mga tingin niya dahil para ako nitong hinihila papalapit, pero hindi ko magawa. Ayaw ng katawan ko---lalong-lalo na nitong puso ko.

"Sabi mo, para akong bato kasi wala akong emosyon," aniya. "Pero nagkakamali ka naman. Kasi alam mo ba, gusto kita. Matagal na."

Pagkagulat. Pagkabigla. Pagkagalak.

Sabay-sabay kong naramdaman ang mga emosyon na iyan nang malinaw kong narinig mula sa kaniya na gusto niya ako. Gusto niya rin ako.

"R-Ron . . ."

"Deng!"

"R-Ron . . ." Patuloy ko lang na tinatawag ang pangalan ng lalaking mahal ko habang wala sa sariling naglalakad papunta sa direksyon kung saan ko siya huling nakita. "Ron, mahal ko. Bumalik ka na, o . . . Balikan mo na ako."

"Deng, ano ba! Tama na!"

Nakaramdam ako nang mahigpit na yakap mula sa aking likuran na siyang awtomatikong nagpahinto sa paglalakad ko.

"R-Ron . . ."

"Deng, please naman! Wala na si Ron. Stop doing this to yourself. Delikado 'tong ginagawa mong paglalakad papunta sa dagat habang wala ka sa sarili, e."

"S-Si Ron . . . Gusto ko nang makita si Ron. Susundan ko siya. Susunod na ako sa kaniya . . ."

"Deng, please . . ."

Napaupo na lang ako sa may dalampasigan at napayakap sa sariling mga tuhod habang hinahayaang dumaloy sa magkabilang pisngi ang mga luhang puno ng sakit at pighati.

"Kung ikaw ay ako, Deng, ano'ng pipiliin mo: Ang maging matapang at aminin ang nararamdaman sa taong matagal nang nagugustuhan? O maging duwag na lang para iwas sa masasakit na alaala?"

"T-Teka . . . Akala ko ba hindi ka deep person? Bakit ang lalim naman niyang tanong mo?"

Mabilis niyang ginulo ang buhok ko. "Hindi naman iyon malalim, a. Ang dali nga lang ng tanong ko, e. May pagpipilian pa."

"Ayan na ba ang epekto sa iyo ng tubig-dagat?"

"Ganito na lang . . . nakikita mo ba iyon?" tanong niya sabay turo sa direksyon na medyo malayo na sa puwesto namin. "Kapag nakarating ako doon, pipiliin kong maging matapang. Pero kapag hindi, hahayaan ko na lang ang sarili na maging duwag."

Agad na nanlaki ang aking mga mata sa sinabi niya. Nag-panic na rin ako bigla nang tinanggal niya na ang suot-suot na tsinelas. "Teka lang! Hindi ka naman marunong lumangoy, a!"

"B-Bakit ba kasi pinilit mo pang m-maging matapang, Ron?"

"Deng, tara na, pumasok na tayo sa loob."

Bago pa niya ako maalalayang makatayo, may umagaw na ng atensyon ko---isang maya na payapang naglalakad sa may dalampasigan. Ngunit nang lalapitan ko na ito, bigla naman itong lumipad paitaas. Nang sundan ko ito ng tingin, nakita ko ang iba pang maya.

Napatulala na lang ako sa mga ulap at muli ko na naman siyang naalala.

"Puwede na ba akong lumipad kasama ng mga ibon papunta diyan sa iyo, mahal?"

wakas.

***

AUTHOR'S NOTE:

Henlo!

Hindi na dapat ako maglalagay ng author's note kasi ang kalat tingnan sa format pero kasi gusto ko lang i-flex 'tong kaibigan ko na naging inspirasyon ng maikling kuwento na ito, hehe. :D

Ayon, gusto ko lang ipaalam na iyong kantang "Maya" na nabanggit at nakita / nabasa ninyo rito ay original composition ni ar_verayo. When I first heard the song, masasabi kong nahulog agad ako---sa melody, sa lyrics, at sa mismong kuwento na nakapaloob dito. Actually, gusto ko sanang iparinig sa inyo para maramdaman ninyo rin iyong naramdaman ko kaso for our ears only pa lang, e. Kaya ang plano ay bubulabugin natin siya para ma-pressure siya at i-record niya na iyong kanta at i-upload sa YouTube---EME HAHAHA! Pero seryoso, kapag na-i-record niya na nang maayos iyong kanta, i-a-update ko kayo. Gustuhin ko man kasing ipagdamot ang kantang iyon pero hindi puwede dahil deserve naman talagang marinig ng buong mundo. Naku, sinasabi ko talaga sa inyo! Ma-i-in love din kayo kapag narinig ninyo iyon! :>

Follow her pala on Twitter (@jl_andrija) para maging updated din kayo sa ganap niya sa life! May iilang clips doon ng mga pagkanta niya kaya stream ninyo! Tapos doon ninyo na siya bulabugin na i-record at i-upload na ang "Maya" as soon as possible! Haha. XD

Salamat pala sa pagbabasa! ✨

XO,
Endee

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro