Pagwawakas

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

𝙿𝙰𝙶𝚆𝙰𝚆𝙰𝙺𝙰𝚂

“NAIPAALAM MO NA ba sa mga magulang mo ang paglipat n’yo sa Maynila ng anak ko, Robin?” mahinahon kong tanong sa nobya ng panganay kong anak.

Ramdam kong natigilan siya at napaisip dahil sa tanong ko. Hininaan ko ang apoy ng niluluto ko para lingunin siya. Malalim ang iniisip niya habang nakatingin sa ibaba. “Hindi pa po, Ma, e,” sagot niya nang nag-angat sa akin ng tingin.

Ngumiti ako nang tipid. “Hindi kaya magkaroon pa ng mas malaking away sa pagitan mo at ng mga magulang mo dahil dito?”

“Susubukan ko naman pong hindi madawit si Angie sa away namin,” sagot niya sabay buntonghininga.

“Hindi dahil sa anak ko kaya kita tinatanong nito, Robin.” Hinarap kong muli ang niluluto at nagsimulang haluin iyon. “Concerned lang ako sa ˋyo. Hindi magandang magkaaway kayo ng mga magulang mo. At alam ko ring masakit para sa ˋyo na ganitong . . . tumututol sila sa relasyon n’yo.”

Nang matapos na sa nilulutong kaldereta ay pinatay ko na ang kalan. Tuluyan kong hinarap si Robin para makausap siya nang mas mainam. “Hindi naman kayo tutol sa ˋmin, Ma. ˋYun ang importante. Sapat na ˋyun.”

Mapait akong ngumiti. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na wala nang mas importante pa sa kung ano’ng iisipin ng mga magulang niya. Pero naalala ko na medyo makaluma na ang ganoong isipin. Hindi porket ganoon ang pag-iisip ko noon, dapat ay ganoon din ang kanya. Isa pa, iba ang sitwasyon niya sa pamilya niya sa naging sitwasyon ko noon. Hindi ko siya puwedeng diktahan kung ano ang sa tingin niya’y nararapat o hindi. Alam niya, higit pa sa sinuman, kung ano ang dapat na gawin sa sitwasyon niya.

Kaya ngumiti ako at tinapik siya sa balikat. Yumakap siya sa akin at mainit ko namang niyapos ang mga kamay ko sa kanya. Ilang taon na rin ang itinagal ng relasyon nila ng anak ko. At sa mga panahong lumipas, itinuturing ko na ring anak si Robin; tulad ng kung paano ko itinuturing ding anak ang asawa ni Marlo na si Sarah.

“Kung gano’n, Robin, ipagdarasal ko ang kasiyahan n’yo ni Angie. Kung darating man ang araw na talikuran kayo ng mundo, alalahanin n’yong nandito lang ako’t mananatiling nakaharap sa inyo. Alam kong gano’n din ang Papa Alfred mo. Kaya ˋwag na ˋwag n’yong hahayaang sirain kayo ng masasamang tingin ng iba.”

Nanginginig ang balikat ni Robin na kumalas sa yakap ko. “Ma naman! Tirik pa ang araw, pinapaiyak mo na agad ako, e!” Pinunasan niya ang luhang dumaplis sa pisngi niya at tumawa.

Natawa rin ako at tinapik siya sa ulo. Dahil sa bigla niyang pag-iyak ay biglang sumulpot sa kusina si Angie. Kunot ang noo niya nang magpukol ng tingin sa amin.

“Rob, ano’ng nangyari? Ba’t ka umiiyak?” agad niyang nilapitan si Robin.

“Si Mama kasi tutol sa paglipat natin sa Manila,” sumbong niya sa anak ko. Tatawa-tawa niya akong itinuro kaya hindi ko maiwasang mapangiti.

“Ma! Bakit? Akala ko ba okay ka na sa desisyon namin? Bakit biglang ganito?” nagpapanik na tanong ni Angie habang pinapatahan ang nobya niya.

“Nagbago ang isip ko. Masyado pa kayong mga bata at hindi magandang magsasama na kayo sa iisang bubong na hindi pa kasal.” Sinulyapan ko si Robin at binigyan siya ng tingin na nagsasabing ‘pagtripan natin ang anak ko’ na agad niyang nakuha’t tinanguan.

Dahil doon ay halos isang oras din naming pinagloloko ang kabado nang si Angeline habang kumakain ng pananghalian. Kahit pa pareho na kaming tumatawa ni Robin ay talagang kinumbinsi niya pa rin ako sa plano nilang dalawa. At nang huli’y makita kong pinanlulumuan na siya, nagpasya na akong tumigil sa pagbibiro.

“Alam mo namang suportado ko kayong dalawa kahit noon pa man, ˋdi ba?” tanong ko kay Angeline nang maiwan na lamang kaming dalawa noong gabi. Hinatid niya pauwi si Robin habang nakaupo ako sa may silya sa maliit na entrada ng bahay namin.

Bumuntonghininga siya bago tumabi sa akin. “Alam ko, Ma. Pero hindi pa rin nawawala sa ˋkin ˋyung doubt na baka . . . magbago ang isip mo.”

Umayos ako ng upo at pinagmasdan ang mukha ng anak ko. “Bakit naman magbabago ang isip ko?”

“Hm . . .” Nagkibit-balikat siya. “Ewan ko? Baka biglang gusto mong bigyan kita ng apo?”

Tumawa ako sa naging sagot niya. “Nakakapagod alagaan si Nian kapag nandito siya, Angie. Napakakulit ng batang ˋyon. Dagdag na rin ang kakulitan nina Butter at Cheese. Hindi ko na yata kakayanin kung dadagdag pa ang kakulitan dito sa bahay.”

Tumawa rin siya. “Kaya nga nagpresinta na rin akong ampunin na sina Butter at Cheese, e. Alam kong marami ka nang iniisip ngayon, Ma.”

“Alam mo naman pala, ˋnak. Kaya hindi mo na dapat pinag-iisip pa na magbabago ang isip ko. Lagi mo akong kakampi—kahit ano’ng mangyari.”

Nagulat ako nang yakapin ako bigla ni Angeline nang mahigpit. Tumawa ako at hinagod ang likuran niya. Nararamdaman ko kasi siyang umiiyak, at bibihira lang ang mga panahong pinapakita sa akin ng panganay kong anak ang ganitong side niya.

“Napakasuwerte kong ikaw at si Papa ang naging magulang ko, Ma,” aniya sa gitna ng mga paghikbi. Hinele ko siya sa bisig ko habang tinatapik ang balikat niya.

“Gano’n din kami ng Papa mo sa inyong tatlo nina Marlo at Sophie. Napakasuwerte namin na may mababait kaming anak.”

Ilang sandali pa ay kumalas na siya sa yakap. Agad niyang pinunas ang mga luha sa pisngi niya bago nag-angat ng tingin sa madilim nang kalangitan. Ginaya ko siya at hinayaang mabalot ng kadiliman ang kasuluk-sulukan ng paningin ko. Tanging ang kinang ng mga mumunting mga bituin at ang sinag ng nagtatagong buwan sa mga ulap ang siyang nagbigay liwanag sa paligid. Hinawakan ko ang dibdib ko at napasinghap.

“Miss na miss ko na ang papa n’yo.”

“Miss na miss ko na rin si Papa.”

Agad kong naramdaman ang pagbagsak ng mga balikat ko. Napuno na naman ng pangungulila ang puso ko na isang buwan ko na ring pinipilit alisin mula noong mamaalam kami kay Alfred. Siguro nga ay natuyo na lahat ng luha ko dahil naibuhos ko na rin malamang nitong mga nakaraang araw. Hindi ko na magawang lumuha habang iniisip na marahil ay isa na siya sa mga bituing nakamasid sa amin ngayon.

“May tanong ako, Ma, kung hindi mo mamasamain,” biglang turan ni Angeline sa gitna ng katahimikan namin.

Hindi ako umimik at hinayaan lang siyang magpatuloy.

“Ano po’ng nangyari sa inyo ng ex mo noon?”

“Angie—”

“I know, na masyadong out of the blue ko ˋtong tinatanong, pero kapag naaalala ko si Papa, hindi ko maiwasang isipin kung ilang beses niya na ring naikuwento noon ang tungkol sa ex mo.” Suminghap siya at humarap sa akin. “You never said anything about your ex, Ma. At sobrang naku-curious na rin ako at napapatanong tulad ng ‘minahal mo ba kaya talaga si Papa’ o ‘iiwan nga ba talaga kami ni Mama kapag bumalik ang ex niya?’ at kung ano-ano pang tanong. Kaya, please, Ma?”

Umiling ako at kinagat ang pang-ibabang labi. Sa ganitong edad, matapos ang pagbabalik-tanaw ko sa nakaraan, may panibagong aral akong natutuhan na hindi ko alam na ngayon ko pa malalaman sa ganitong edad. “Iba’t ibang klase ang pagmamahal, ˋnak. Iba ang klase ng pagmamahal na ibinigay ko sa naging ex ko noon, at iba naman ang pagmamahal na ibinigay ko sa Papa n’yo. Pero hindi ibig sabihin n’on ay may mas lamang o may mas pinapaburan ako. Tulad sa pagmamahal ko sa mga magulang ko, sa mga kaaptid ko, sa papa n’yo, at sa inyong magkakapatid; magkaiba man, pareho pa rin ng intensidad. At mas lalong hindi ko kayo iiwanan para sa taong matagal nang namaalam sa akin. Kahit pa bumalik siya. Kayo ang pinakamahalaga at mananatili ako sa tabi n’yo.”

“Pero kung gano’n palang halos parehas lang ang intensity ng feelings mo kay Papa at sa ex mo, bakit at paano kayo naghiwalay n’on?”

Agad na pumasok sa utak ko iyong gabi ng bagong taon. Sa bahay ng mga Sarmiento. Sa ikalawang palapag. Sa kuwarto ni Aaliyah. Sa balkonahe niya. Nagkakatuwaan ang lahat habang kami ay parehong nangangapa kung paano namin mamahalin ang isa’t isa nang tama. Pero sa huli, pareho kaming nabigo. Nabigo ako. Binigo ko siya.

“Dahil mahirap magmahal noon, Angeline.”

Iyon lang ang naging paliwanag ko sa anak ko, pero sapat na iyon para masagot lahat ng katanungan niya. Niyakap niya ulit ako. Siya ang lumuha para sa akin dahil kahit ano pang kirot o bigat ang nararamdaman ko sa dibdib ko, hindi ko pa rin magawang umiyak.

Siguro’y napundi na rin ang kakapirasong kakayahan kong makaramdam ng labis na lungkot.

“You know we all wish for you to be happy, right, Ma? Kahit ano pa ˋyan. Kahit ano’ng desisyon mo, gusto ko lang na makita ka ulit na ngumingiti. Tulad mo, nandito lang din ako lagi. Kakampi mo rin ako lagi. Hindi ˋyon magbabago. Kahit kailan. Never.”

Ibinaon ko ang mukha ko sa balikat ng anak ko. Noong labing-anim na taong gulang ako’t pumasok ako sa relasyon, ilang beses ko ring hinangad na sana’y mayroong taong tatanggap sa akin—sa amin ni Aaliyah—nang ganito kainit. Matagal kong inasam na marinig ang mga katagang binigkas ng anak ko ngayon. Pero alam ko na masyado akong duwag noon para payagan pa ang kung sinumang magbigay ng opinyon sa amin. Masyado akong nalulong sa mga negatibong imahinasyon at isipin para maisip pang hindi lahat ng tao ay negatibo rin ang iisipin sa amin. Na hindi lahat ay itutulak kami paalis sa mundo.

“Kaya sana, hindi ka na mag-hold back sa mga gusto mong gawin, Ma. Alam kong marami kang pinagsisisihan, at sana, sa mga susunod na araw, wala ka nang pagsisisihan pa dahil lang pinipigilan mo ang sarili mo.”

Natapos ang gabing iyon na tumatak sa akin lahat ng sinabi ng anak ko. Hindi ko nga masyadong matukoy kung papaanong nalaman niyang marami akong pinanghihinayangan at pinagsisisihan, at iyon din ang dahilan kung bakit hindi agad ako nakatulog. Yapos ko ang unan ni Alfred habang nakatitig sa kisame ng kuwarto namin. Napatanong ulit ako sa sarili ko kung ano nga ba talaga ang gusto ko. Kung bakit sa halos tatlumpu’t pitong taong lumipas, ngayon pang iniwan ako ni Alfred saka bumuhos lahat ng alaala ng nakaraan ko.

Bakit nga kaya? Dahil ba ipinaalala sa akin niyon ang unang beses na nasaktan ako dahil sa pag-iwan sa akin ni Aaliyah? Bakit nga kaya? Dahil ba hanggang ngayon . . . alam ko sa sarili kong naghahangad pa rin ako na maitama ang lahat sa amin? Bakit nga ba? Bakit ko gustong maitama ang kung anumang nalipasan na ng panahon? Dahil kaya umaasa pa rin akong katulad ko, ganoon din ang nanaisin ng pinakamatalik kong kaibigan?

Gusto ko bang maayos ulit kami?

O gusto ko bang maramdaman ulit kung ano ang pakiramdam ng ganoong klase ng pagmamahal?

Hindi . . .

Tumayo ako at hinagilap sa tabi ng lampara ang cellphone ko. Bandang alas-dos na rin pala ng madaling araw nang mapagpasyahan kong i-dial ang numero ni Sean. Hindi ko maiwasang kabahan dahil sa biglaan kong ginawa, pero mainam ko pa ring hinintay ang pagsagot niya. Matapos ang dalawang ring ay narinig ko na ang magaspang niyang boses sa kabilang linya. Agad akong nakonsensya dahil mukhang nagising ko siya.

“Yes, Ruth?” tanong niya. Napabuntonghininga ako. “Is there something wrong? This is new. Bakit ka tumatawag nang ganitong oras?”

Humugot muna ako ng malalim na singhap bago sumagot, “Sorry, Sean. Alam kong nagising kita, pero importante ˋtong itatanong ko sa ˋyo ngayong gabi, kaya bigyan mo muna ˋko ng kaunting oras”

Narinig ko ang mahina niyang pagtawa kaya bahagyang napakunot ang noo ko. “Hindi ka pa rin pala talaga nagbabago,” bulong niya. “But, of course, I can spare a minute or two. You can ask me anything. What is it?”

“Noong . . . nag-confess ka sa ˋkin noong mga bata pa tayo, ˋdi ba sinabi mong alam mo na may iba akong natitipuhan?”

“Uh-huh.”

“Alam mo kung sino ˋyung natitipuhan ko, ˋdi ba?”

“Huh . . .” Ilang segundo rin siyang natahimik kaya napalunok ako ng laway. “Bakit ka nagtatanong ngayon nito? I thought it was pretty obvious before that I knew about it? I even played cupid for a short while.”

“Edi alam mo nga kung sino?”

“Siyempre naman, Ruth.” Tumawa siya. “E, halos hindi na kayo no’n mapaghiwalay ni Aaliyah. Pa’nong hindi ko mahahalata at malalaman?”

Napabuga ako ng hangin. Noon, ni hindi man lang sumagi sa isip ko na alam ni Sean ang tungkol sa amin ni Aaliyah, pero nitong mga nakaraang taon, napagtanto ko na may posibilidad ngang alam niya. Pero hindi ko magawang tanggapin ang posibilidad na iyon. Siguro rin, dahil mas lalo pa niyong mapapalakas ang katotohanang natakot akong ipaglaban ang nararamdaman ko kay Aaliyah noon sa wala.

“A—ano’ng reaksyon mo noon nang mapansin mo na may . . . relasyon kami ng pinsan mo?”

Natahimik ulit ang linya niya pero mainam lang akong naghintay sa sagot niya. Alam kong nag-iisip siya ng sasabihin at hindi pa ako natutulugan dahil dinig ko ang mumunting pagbuntonghininga niya. “Promise me na magiging magkaibigan pa rin tayo kapag sinabi ko sa ˋyo ang totoo?”

“Sean, kaya nga ako tumawag ngayon kasi gusto kong marinig mula sa ˋyo ang buong katotohanan.”

“Then, if you insist,” aniya sabay mahinang tawa. “Actually, hindi ko rin talaga matanggap noong una—noong napapansin kong siya pa lang ang nagkakagusto sa ˋyo. It kind of felt weird, if I’m being honest. Kaya nga nagkaro’n pa ˋko ng lakas ng loob na ligawan ka noon. Pero as time passed and I realized that you two actually felt the same way with each other, it just kind of felt . . . normal. Parang may realization lang na pumasok sa utak ko na ‘oh, so that’s what the look in their eyes meant.’ And then, I got jealous. I envied how much you two liked each other. Kaya kalaunan, nagpasya ˋkong tulungan na lang kayong mapalapit pa sa isa’t isa.”

Natulala ako dahil sa mga narinig. Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi at napahiga muli sa kama.

“But in the end, I failed. Hindi ko nagawa ang best ko para kumbinsihin si Liyah noon na huwag umalis—”

“Wala kang kasalanan sa kung anumang nangyari sa ˋmin noon, Sean,” putol ko sa sinasabi niya. “Kasalanan ko lahat. Dahil natakot ako sa iisipin mo—sa iisipin n’yong lahat. Kaya naging duwag ako. ˋTapos . . . ako mismo ang tumulak sa kanya papalayo.”

“It sucks that I made you feel like I was also going to judge you that time.” Suminghap siya. “I have always been your ally, Ruth. Kahit noon pa man.”

“Alam ko. Alam ko na ngayon, Sean,” wika ko sabay mapait na ngiti. “Kaya sobrang pasasalamat ko sa ˋyo.”

“Oh, don’t make me cry, Ruth. Baka magising ang asawa ko, isipin pang iniiyakan ko ang kabit ko,” biro niya.

Napatawa naman ako dahil doon at narinig ko rin ang bungisngis niya. “Pero seryoso nga ako. Salamat dahil naging totoo ka sa ˋkin. Mula noon, hanggang ngayon. Buti na lang pala b-in-asted kita kasi kung hindi, ˋdi rin tayo magiging magkaibigan na tulad nito ngayon.”

“Ouch, grabe! Mukha lang akong ganito pero nasaktan talaga ˋko no’ng na-basted ako, ah! Ilang gabi ding basa ang unan ko bago matulog!”

Humagikhik ako at mas hinigpitan pa ang yakap sa unan ni Alfred. Ilang minuto pa kaming nagkuwentuhan ni Sean tungkol sa nakaraan namin. Sa mga sandaling pareho naming binabalikan ang nakaraan, mayroong ideyang umuusbong sa kalamnan ko na tila nagsusumigaw ng, “Bakit mo pinipigilan ang sarili mo? Tanungin mo na siya!” pero ilang minuto man ang lumipas ay hindi ko magawang isatinig.

“By the way,” wika ni Sean sa gitna ng mahihinang tawa. “I know na nanghihimasok na naman ako, pero napapaisip lang ako, Ruth—don’t you have any plans on fixing things with Aaliyah? Alam mo ˋyun? Kahit hindi na kayo magkabalikan or what, just . . . have a closure, no? ˋYon naman ang pinakaimportante, e.

“I’m telling you this because I couldn’t shake this feeling na pareho kayong gustong magkaroon ng closure, e, after all these years. You two have been best friends before turning into lovers—”

“Tingin mo ba . . . masyado nang late para sa closure, Sean?”

“No!” agaran niyang sagot. “I mean, yes, halos apat na dekada na rin ang nakalipas, but, you know, it is never too late for reconciliations, Ruth. Alam ko na sa gitna nitong lahat ng pinagdadaanan mo ngayon, makakatulong din ˋto para, somehow, mapanatag na ang loob mo.”

“Pero paano ko aayusin ˋyung sinira kong pagkakaibigan namin, Sean? Ni wala nga akong kontak number ni Aaliyah—”

“Why don’t you just talk to her in person?”

Nanlaki ang mga mata ko. “Ginagago mo ba ˋko, Agustin? Wala akong pera pampuntang Amerika!”

Malakas siyang humalakhak sa kabilang linya kaya bahagya kong inilayo ang cellphone sa aking tainga. “About that—” aniya habang tumatawa pa rin. “I lied, Ruth. I’m sorry.”

“Huh?”

“Nagsinungaling ako,” anas niya. “When I told you last month na aalis na ulit sila, I lied. They only went to Manila for Auntie Anna’s medications. Babalik din sila diyan, I think, next month? So—”

“Gago ka talaga, Sean Agustin!” sigaw ko na mas nagpatawa pa sa kanya.

“What? Don’t blame me!” aniya sa gitna ng mga tawa. “I just said that to pressure you, you know? I was also getting frustrated watching everything. Gumana naman sana kaso pareho na kayong napipi ng pinsan ko nang magkaharap kayo last time. Nakakagigil kayo pareho.”

Nag-init ang pisngi ko dahil sa mga nalaman. Nagbalik ang isip ko sa araw kung kailan huli kong nakaharap si Aaliyah at Tiya Anna. Hindi ko maikaila na talagang gumana ang plano ni Sean dahil talagang napapunta ako sa bahay nina Aaliyah, nagbabakasakaling makausap siya nang matino bago siya muling napalayo sa akin nang lubusan. Pero ngayong naiisip kong naging tuliro ang isipan ko para sa wala, hindi ko maiwasang mainis kay Sean.

“Saan . . . sa Maynila?” tanong ko nang humupa ang tawa ni Sean.

“Huh?” naguguluhan niyang anas.

“Saan ko siya mahahanap sa Maynila?” iritado kong pag-uulit.

“Wow—I mean, pupuntahan mo?”

Bumuntonghininga ako. “ˋWag na nga. Ibigay mo na lang pala sa ‘kin ang numero niya—”

“You’re still as impatient as ever,” mabilis na kumento niya sabay tawa. “I’ll text you the deets later. Puntahan mo na kung pupuntahan mo. ˋWag mo na ˋkong pansinin. Natuwa lang akong marinig ˋyung sinabi mo, Ruth.”

Marami pa kaming pinag-usapan ni Sean tungkol kay Aaliyah, pero wala nang ibang pumapasok sa isip ko kundi ang kagustuhang mapuntahan siya kaagad. Mabilis ang pagkabog ng dibdib ko at maging ang tiyan ko ay namimilipit na sa sobrang kaba. Hindi ko alam kung bakit biglaan ko na lang naisip ang puntahan siya. Siguro dahil sumakto rin sa tiyempong sasamahan ko si Angeline sa Maynilang lumipat. Siguro dahil din naiisip kong ito na rin marahil ang huling pagkakataon ko para makausap ulit si Aaliyah. At habang iniisip ko ang mga iyon, mas lalo pang kumikirot ang kalamnan ko sa antisipasyon.

“Maraming, maraming salamat sa lahat, Sean. Utang ko lahat ng ˋto sa ˋyo,” wika kong nang mai-text niya na sa akin kung saan ko puwedeng puntahan si Aaliyah.

“Hindi mo utang sa ˋkin ang kahit na ano, Ruth. I’m doing this because you’re my friend. And as your friend, I genuinely want you to be happy.” Kahit sa kabilang linya, nararamdaman ko ang malawak niyang pagngiti. “So, please, Ruth, be happy. ˋYun lang ang mahihiling ko sa ˋyo bilang kapalit.”

Halos maluha na ako dahil sa sinabi niya. “Oo, Sean . . . hindi na ˋko tatakbo ngayon.”

“Good,” aniya, “kasi ilang taon na rin akong naiimbyerna sa inyo ni Aaliyah.”

Tumawa ako at pinahid ang luhang rumagasa sa pisngi ko. “Oo, sige. Sige na. Sorry dahil ganitong oras pa kitang inistorbo. Matulog ka na ulit.” Pinilit kong magtunog na hindi umiiyak kahit pa nanginginig na ang boses ko. “Good night, Sean Agustin.”

“Titirik na ang araw,” wika niya, mahihimigan ang pagngiti sa tono. Humikab ako at naramdaman ang pagbagsak ng talukap ng mga mata ko. “Kaya good morning, Mary Ruth. I’m so happy that, even after all the years that have passed, you still found the courage to face your past. And I am so proud of you for that. Sana paggising mo mamaya, hindi mawala ˋyang ngiti sa labi mo. You can do it. You can face her. I’ll be rooting for you. Always.”

Unti-unti nang nagsara ang mga mata ko habang sinasabi iyon ni Sean sa pinakamalambot na paraan. Kumupas ang kirot sa loob ko at naiwanan lang akong mapayapang nakayapos sa unan ng asawa ko. Nang tuluyan na akong mahulog sa malalim na pagkakatulog, alam kong hindi nga nawala ang ngiti sa mga labi ko.

▪ ▪ ▪

“GUSTO KO, KAPAG dumating ang araw na mawala na ako sa mundo at maiwan ko kayo, ikaw at ang mga anak natin, masaya kayo at walang kinikimkim na panghihinayang sa puso.”

Mataimtim akong nakahiga sa kandungan ni Alfred habang pinagmamasdan ko siyang tumingin sa kawalan. Sumasayaw ang buhok niya sa ritmo ng hangin at ang mga daliri niya ay pinaglalaruan ang mga hibla ng buhok ko. Humugot ako ng malalim na hininga at napapikit sa mga katagang binitawan niya. “Kung makapagsalita ka ay parang namamaalam ka na. Masyado pa tayong bata para sa ganitong mga pag-uusap, Alfred.”

Malamyos ang paghalakhak niya kasabay ng pagbaba ng mapupungay niyang tingin sa akin. “Hindi naman sa mamamaalam na ako, Ruth. Naisip ko lang ˋyung pag-usapan dahil sa payapang simoy ng hangin sa paligid natin.” Nagtaas-baba ang dibdib niya at sunod ay sumilay ang ngiti sa mga labi. “Ayokong mawala ako sa mundo na may panghihinayang na maiiwanan. Hindi ata ako niyan paghihimlayin nang payapa sa kabaong ko,” aniya pa na nagpabangon sa akin sa pagkakahiga.

“Tama na nga sa ganitong usapan. Hindi magandang iniisip mo na kaagad ang kamatayan mo kahit pa malusog ka pa ngayon.” Humalukipkip ako sa tabi niya at masama siyang tiningnan.

Imbes na tumigil ay mas natawa pa siya sa reaksyon ko. “Halika rito, mahal ko,” malumanay niyang sambit at iniyakap ang braso sa mga balikat ko. Ang hinlalaki niya ay mahinang humahagod sa balat ko. “Ang gusto ko lang namang sabihin sa ˋyo ay sana matutuhan at mapagtanto mo balang-araw na ang nakaraan ay hindi tinatalikuran, kundi hinaharap.” Ilang sandali ay may kuwintas na biglaang dumausdos sa palad niya. Isinuot niya iyon sa leeg ko at hinawakan ko agad ang hugis-pusong laket na palawit nito.

Binuksan ko ang laket sabay pukol ng nagtatanong na tingin sa kanya. “Bakit wala pang laman ˋto?”

“Gusto kong lagyan mo ˋyan ng laman kapag napuno na ˋyung nawawalang parte sa puso mo, Ruth.”

“Pero buong-buo ako ngayon, Alfred. Lalagyan ko agad ˋto ng litrato nating dalawa at nina Angie, Marlo, at Sophie pakauwi natin sa bahay.”

Hinawakan niya nang mahigpit ang mga kamay kong hinahaplos ang kuwintas na binigay niya. “Saka na, Ruth.” Hinila niya ako papalapit sa kanya at mahinang hinagkan ang gilid ng aking noo. “Saka na.”

Hindi ko alam kung bakit matapos ang araw na iyon, tila may kung ano sa akin ang sumunod na lang sa sinabi ni Alfred kahit pa pinipilit ko sa sarili ko ang paniniwalang buo ako. Siguro dahil din kahit na anong pilit kong pagbaon sa mga memoryang dala ng nakaraan, hinahanap ako nito na parang iyon ang nais ng tadhana. Tulad na lang nang lumisan nga si Alfred, tuluyan nang bumaha sa aking memorya ang hagupit ng nakaraan, at kahit pa anong pilit kong kumawala sa sakit na dulot niyon, talagang isinumpa na ako ng panahon. At walang ibang lunas doon kundi ang pagharap ko sa lahat nang walang takot.

Naaalala ko na rin, Alfred. Ito nga ang gusto mong mangyari noon: ang maiwan ako rito nang walang panghihinayang sa nakaraan.

Kaya gagawin ko.

▪ ▪ ▪

“SAAN KA PUPUNTA, Ma?” tanong ni Angeline nang magpaalam akong aalis muna.

Sinulyapan ko si Robin sa likod niya na tuliro sa pagsasaayos ng mga gamit nila sa tinutuluyang apartment unit. Kahit pa gusto ko ring makatulong sa kanilang mag-ayos ngayong kakarating pa lang namin sa Maynila, hindi ko na gusto pang ipagpaliban ang napagplanuhan kong gawin dito. Umiling lang ako sa anak kong mapagmatyag ang mga tinging ipinupukol sa akin. “May kailangan lang akong ayusin, Angie. Babalik din ako mamaya.”

Humugot siya ng malalim na buntonghininga na para bang gusto pang manuri, pero umiling din. “Okay, Ma. Mag-iingat po kayo.”

Tumigil sa ginagawa niya si Robin at napatakbo papunta sa tabi ni Angeline. “Aalis ka, Ma?” Tumango ako bilang tugon. “Anong oras ka ho uuwi? Magluluto ako ng dinner mamaya. Sayang naman kung ˋdi mo matitikman.”

Bahagya akong ngumisi kay Robin. “Uuwi ako bago mag-dinner. Damihan mo ang isasaing na kanin, ˋnak.”

“May kasama ka pong uuwi?” tanong ni Angie.

Hindi ako sumagot kaya kumunot ang noo ng dalawa.

Nang tuluyan na nila akong pakawalan ay agad na akong bumiyahe papunta sa lugar kung saan tumutuloy sina Tiya Anna at Aaliyah ngayon. Nang sumakay ako sa tren ay lubos ang pamamawis ng mga palad ko. Kahit pa malakas ang hangin ng air conditioner ay ramdam ko pa rin ang init sa kalamnan ko. Hindi ko maiwasang isipin kung ano iyong mga sasabihin ko sa kanya kapag nagkaharap na kami. Pinaglaruan ko na lang ang dala kong supot para kahit paano ay mapakalma ko ang sarili ko.

Halos dalawang oras ang biniyahe ko papunta sa lugar na ibinigay sa akin ni Sean. Nakapag-isip na nga ako ng buong iskrip para sa daloy ng magiging pag-uusap namin ni Aaliyah. Pero nang makaharap na ako sa mismong bahay kung saan ay naroroon siya, bigla na lang nablangko ang utak ko. Sa harap ng gate ng kanilang bahay ay naestatwa ako. Nilunok ko ang punyal na nakabara sa lalamunan ko at ilang minuto ring nabilad sa mainit na araw habang nag-iipon ng lakas ng loob para pindutin ang doorbell.

Nang mapindot ko na nga iyon ay kumalat na naman ang sakit sa buong tiyan ko. Habang naghihintay ng kung sinumang magbubukas ng pinto, hindi ko maiwasang mapatanong sa sarili dahil sa antisipasyon. Hindi kaya walang tao ngayon dito? Hindi kaya mali ang naibigay sa aking address ni Sean? Bakit ang tagal sumagot? Kailangan ko na ba ulit pindutin ang doorbell?

“Sino’ng nandyan?”

Naputol din naman agad ang mga iniisip ko nang marinig ang pamilyar na tinis ng boses na iyon. Mas lalo pa akong nag-ugat sa kinatatayuan at tuluyan na ngang tinakasan ng boses. Pinanood ko lang si Aaliyah na buksan ang gate ng bahay at lumantad sa harapan ko. Mababakas ang gulat sa mga mata niya, pero tumikhim siya at kumurap at sa isang iglap ay hindi na mabasa ang emosyon sa mukha niya.

“R-Ruth,” nahimigan ko ang panginginig sa boses niya.

“Aaliyah,” iyon lang ang nasabi ko.

Nakita ko ang paglunok niya at pag-iwas ng tingin. Narinig ko pa nga ang mahina niyang pagmumura sabay bulong, “So that’s why he made me stay home . . .”

“Aaliyah,” tawag ko sa pangalan niya nang mabawi ko na ang binaon kong lakas ng loob para harapin siya. Unti-unti naman niya akong tiningnan. “Gusto kitang makausap.”

Napaawang ang labi niya. “Ano’ng pag-uusapan natin?” malamig niyang tanong.

“ˋYung tungkol sa ˋtin.”

Kumurba ang dulo ng mga labi niya. “Parang tulad noon . . .?”

“Oo,” sagot ko. Nagkatitigan kami. Halos kalahating minuto rin ang lumipas bago ako nagpatuloy, “Parang tulad noon, pero ang pinagkaiba ngayon, hindi na ako tatakbo.”

Nakitaan ko ng mabilis na kirot sa mga mata ni Aaliyah, pero agad din naman iyong nawala. Ilang sandali ay tuluyan niya nang binuksan ang gate at inilahad sa akin ang loob ng bahay. “ˋLika, sa loob tayo mag-usap.”

Mahigpit ang hawak ko sa dalang supot bago sa kanya sumunod sa loob. Tahimik lang akong nagmasid sa buong paligid habang dumaraan kami sa tahimik na pasilyo ng bahay. Mukhang kami lang ang tao roon dahil sa sobrang tahimik ng lugar. Iginiya niya ako sa salas nila at pinaupo sa may sopa. Tuwid ang pag-upo ko habang pinakikiramdaman siya sa malayo na naghahanda ng maiinom naming tubig.

“Nasa hospital ngayon si Mama kasama si Ramon, nagpapa-check up. Mamaya pa siguro sila uuwi, kaya kung gusto mo rin siyang makausap, baka maghintay ka pa nang ilang oras.”

Nasa baba ang tingin ko habang sinasalinan niya ng tubig ang baso ko. “Ikaw lang muna ang gusto kong makausap ngayon, Aaliyah.”

Napaangat ako ng tingin nang gumawa ng ingay ang pagtama ng marmol na pitsel sa baso. “A-ah . . . gano’n ba?” Pilit siyang tumawa.

Ngumiti ako nang mapagtanto na hindi lang ako ang kinakabahan sa pagitan naming dalawa. Dahil doon ay nagkaroon ako ng kaunting lakas ng loob. “ˋWag kang masyadong kabahan diyan. Hindi naman ako nangangain ng tao.”

Agad ko rin namang pinagsisihan ang nasabi ko nang makita ko ang pamilyar na pamumula ng pisngi ni Aaliyah. Dahil doon ay hindi na talaga tuloy siya sa akin makatingin. May memoryang dumaplis sa aking utak noong kami pa’t nag-aasaran sa loob ng kwarto niya. Mas nararamdaman ko na ang pagkailang niya kaya napabuntonghininga ako.

“Ha . . .” buntonghininga niya rin. “H-hindi naman ako kinakabahan. Windang lang kasi unexpected ang pagbisita mo sa ˋkin ngayon . . . at gusto pang pag-usapan ang tungkol sa past natin.”

“Sorry,” wala sa sarili kong bigkas. Hindi ko makuha ang sarili ko kung bakit biglaan ko na lang iyong nasabi. Tiningnan ko diretso sa mga mata si Aaliyah at napangiti siya sa akin nang mapait.

“It’s fine. No need to apologize,” aniya sa mahinang boses. “I’ve also been wanting to see you all these years . . . to reconcile—at least.”

Habang pinapakinggan ko siyang magsalita. Mas lalo pang naging klaro sa akin lahat ng pagbabago sa kanya—ang bahagyang pagbaba ng dating matinis niyang boses, ang kakaibang diin sa pagbigkas niya ng mga salita, kung paano siya tumindig, kung paano gumalaw, pati na rin ang kung paano siya sa akin tumingin. Kahit ilang dekada na rin ang lumipas, sapat pa rin ang mga alaala niya sa memorya ko para maisa-isa lahat ng nagbago sa kanya.

At hindi ko alam kung ano nga ba talaga ang dapat kong maramdaman doon.

“Naaalala mo pa ba noong una tayong naging magkaibigan no’ng mga bata pa tayo?” tanong ko matapos ang ilang sandali.

Agad naman siyang umiling habang may nakapintang ngisi sa mga labi. “Sorry. Mapurol na ang memorya ko, Ruth.” Umiling siya.

Tumawa ako. “Ako rin naman,” sabi ko. “Pero naaalala ko pa ˋyun kasi bagong lipat ang pamilya n’yo noon sa San Pablo. Pareho tayong walong taong gulang, ˋtapos usap-usapan ka rin ng mga dati kong kalaro noon.”

Tumawa rin siya. “Ah! Oo, medyo naalala ko na nga. I was deemed as the mataray at malditang bata noon. Nilalayuan nga ako ng mga bata noon kasi ayaw daw nila sa ugali ko.”

“Oo,” sagot ko, “pero hindi ako.” Uminom ako sa baso na inilahad niya sa akin at dinama sa dila ko ang matamis at malamig na juice. “Ako ang unang lumapit sa ˋyo, ˋtapos doon ko nalaman na maldita ka nga talaga—pero mabait—mabait na maldita.”

Malakas ang halakhak niya. Agad na bumagsak ang mabigat kong dibdib habang pinagmamasdan siyang tumawa. “Pero nag-click ˋyung personalities natin kasi may pagkamaldita ka rin noong bata ka pa.”

Nagtawanan kami. Pinagkuwentuhan namin kung paano kami naging matalik na magkaibigan magmula noong mga panahong iyon. Habang pareho na kaming nakasandal sa inuupuan ay hindi ko maiwasang isipin kung paanong parang kahapon lang nangyari ang lahat ng mga nangyari sa nakaraan namin. Na kahit pa hindi ko na mabilang sa mga daliri ko ang araw kung kailan siya pumasok sa buhay ko, at kung gaano katagal na rin siyang nawala, ngayong nasa harapan ko siya at kasama sa pagbabalik-tanaw, lahat ng iyon ay naging parang panaginip na lang.

“Nakaka-miss din minsan kapag iniisip ko ˋyung overnights natin sa bahay namin.”

“Oo, ˋtapos kapag magkatabi na tayong nakahiga sa kama, dinadramahan mo ˋko tungkol sa mga lalaki.”

Hindi ko napigilan ang tawa ko nang bigla siyang magtakip ng mukha at magpadyak-padyak ng mga paa. “ˋWag mo nang ipaalala sa ˋkin ang nakakadiring phase ko na ˋyun, Ruth!”

Phase?” natatawa ko pa ring tanong.

“Oo! Phase!” malakas niyang sagot sabay buntonghininga. “Ganyan ang tawag diyan ng anak ko. Nahahawa na rin ako sa mga terminology niya minsan.”

Tumuwid sa isang linya ang mga labi ko. “M-may anak ka? Ilang taon na siya? Kasama mo ba siyang umuwi ng Pinas?”

“Magtu-twenty na siya this year. Nagpaiwan siya sa States kasi may tatapusing project sa university.”

“Ahhh.” Tumuwid ako ng upo.

Napansin kong tumuwid din ng upo si Aaliyah. “Though, he isn’t my biological son. Anak siya ng naging asawa ko, so I adopted him after I got married.”

Biglang lumipat ang tingin ni Aaliyah sa kawalan kaya ilang segundo rin akong napatitig sa kanya. “ˋYung asawa mo, kasama mo ring umuwi?”

Nagbalik sa akin ang kanyang tingin at mapait na napangiti. “She passed away seven years ago, Ruth.”

She . . .

Binalot kami ng katahimikan ni Aaliyah. Nagbaba ako ng tingin sa paa ko dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko roon. Kahit pa alam ko naman ang pakiramdam ng mawalan ng taong minamahal, hindi ko pa rin talaga alam kung paano at ano ang sasabihin sa ganitong klase ng usapan.

Mabuti na lang dahil tumikhim si Aaliyah kaya naputol din ang pangangapa ko ng sasabihin sa kanya. “Hindi mo ba ako tatanungin?”

“Tatanungin?”

“Hm,” sagot niya sabay tango. “Kung bakit . . . nakapangasawa ako ng . . . babae.”

Napatingin ako sa sahig at hindi siya nagawang tingnan sa mukha. Hindi ko alam kung ano’ng dapat kong maramdaman sa tanong niya, ang nagawa lang niyon sa akin ay pabalikin ako sa taong 1986, kung kailan ako rin ang mahal niya—babae. Hindi lalaki kundi babae.

Mahinang tumawa si Aaliyah kaya tumigil ang pagbuhos ng mga isipin sa aking utak. “I have never regretted having what we had before, Ruth,” aniya habang diretsong nakatingin sa mga mata ko. “Kahit pa natapos ˋyung ˋpagkakaibigan natin dahil do’n, wala akong pagsisisi.

“Kaya kahit pa ilang beses na rin akong pabalik-balik dito sa Pinas nang ilang taon—sa San Pablo—hindi ko magawang harapin ka. Kasi alam ko na hihingi ka ng sorry sa nangyari, habang ako . . . ayokong humingi ng tawad. Kasi kapag nag-sorry ako—nag-sorry kasi duwag; nag-sorry kasi nasaktan ka; nag-sorry kasi minahal kita kahit pa alam kong babae ka at makasalanan ˋyon sa mata ng lahat at sa mata ng Diyos, hinding-hindi ako hihingi ng tawad. Kasi kapag nag-sorry ako, parang itatakwil ko na rin ang totoong ako.”

Napakagat-labi ako at naramdaman ang unti-unting pag-init ng gilid ng aking mga mata.

“It was because I loved you that I’ve learned that I will only ever love women. At hindi ko matatanggap, Ruth, na magkaharap tayo noon at sasabihin mo’ng sorry dahil naging ganito ako—”

“Hindi ˋyung parte na minahal kita ang pinagsisisihan ko, Aaliyah; pinagsisisihan kong hindi ko alam kung paano kita mamahalin nang tama noon kaya nagkasakitan tayo. ˋYun . . . ang pilit kong ibinabaon na reyalisasyon nitong nakalipas na tatlumpu’t pitong taon. Kaya may lakas na ako ng loob na harapin ka ngayon.”

Dahil ito ang gusto ni Alfred: ang mapagtanto ko sa wakas na ang pagharap lang sa nakaraan ko ang magpapalaya sa akin sa halos apat na dekada ko nang inaalagaang kirot sa dibdib ko.

Noon, hindi ko alam kung papaano mamahalin ang pinakamatalik kong kaibigan. Bata pa kasi, natututo, nagkakamali, natutumba, tumatayo, nagmamahal, minamahal, at minahal. Akala ko alam ko na lahat. Pero hindi. Noong taong 1986, hindi ko pa natututuhan kung paano mamahalin si Aaliyah, na hindi ko kadugo at hindi rin salungat na kasarian. Ang alam ko lang ay mangako sa mga bituin at sa huli ay biguin din iyon dahil bata pa ako—magkakamali nang paulit-ulit.

Paulit-ulit hanggang sa tuluyan na nga akong matuto.

“Tingin mo ba, masyado nang huli para humingi ako ng tawad sa ˋyo, Aaliyah?”

Tumutulo na rin ang mga luha sa pisngi niya. Tulad ko. Magkatulad kami. Umiiling-iling siya nang sumagot, “Hindi, Ruth. Ikaw ba? Tingin mo masyado nang huli para mapatawad mo ˋko sa lahat ng pagkakamaling nagawa ko sa ˋyo?”

“Hindi, Aaliyah . . .”

Tumayo siya kaya napaangat ako ng tingin. Naglakad siya papalapit sa akin at mabilis akong ikinulong sa mga bisig niya kasabay ng mahina niyang paghikbi.

“I’m sorry, Ruth. I’m really sorry na hindi ako kasing-lakas mo para harapin ka after all these years.”

Itinaas ko ang dalawang braso at hinagod ang likod niya. “I’m sorry din, Liyah.”

Ilang minuto rin kaming natahimik at nanatili lang na magkayakap. Dinama ko ang bilis ng tibok ng puso ni Aaliyah sa dibdib ko. Hindi naman gaanong mabilis, tama lang. Sapat lang para malaman ko na komportable na ulit siyang mapalapit sa akin.

Makalipas ang ilang sandali ay kumalas na siya. Sabay kaming nagpunas ng mga luha sa pisngi, nagkatinginan, at mayamaya’y nagtawanan. Para kaming mga tanga dahil parehong namumula ang mga mata pero halos hindi na makahinga dahil sa kalahating minuto rin naming pagtawa.

“Ganito ba tayo kadrama noon na nagbabati after mag-away?” tatawa-tawa niya pa ring tanong. Umiling ako bilang tugon kaya’t nagsitawanan na naman kami.

Nang mapagmasdan ko siyang tumatawa habang pinapahid ang mga luhang patuloy pa ring umaagos sa pisngi niya, may bigla akong napagtanto. Hinawakan ko ang dibdib ko kahit pa wala naman akong kakaibang naramdaman habang tinititigan ang pinakamatalik kong kaibigan sa mga oras na iyon.

Sa edad kong ito, may natutuhan ulit ako: isang uri ng pagmamahal na hindi umaalis at hindi rin bumabalik, bagkos ay nabubuo matapos ang pagtanggap nito sa mga sugat ng nakaraan. Pagmamahal na hindi nag-aasam o naghahangad ng kung ano pang kapalit. Pagmamahal na sa pinakamatalik kong kaibigan na noo’y lumayag palayo, at ngayo’y dumaong pabalik. Pagmamahal na hindi na maaalis ngunit hindi na rin sisibol pa.

Marami akong natutuhang klase ng pagmamahal noong 1986. Natuto rin akong masaktan at magpapatawad. At ngayong 2023, may isang klaseng pagmamahal ulit akong natutuhan—at iisang tao lang ang nagturo sa akin ng parehong aral na iyon.

“Kain tayo sa amin, Liyah.”

“Pandesal na may palamang peanut butter ba?”

Tumango ako bilang tugon. At nang gabing iyon, pagkauwi ko sa bahay, Tuluyan ko nang inilagay ang litrato ng pamilya ko sa kuwintas na iniwan sa akin ng asawa ko at sa kabilang parte ay ang bagong kuha naming litrato ng pinakamatalik kong kaibigan.

▪ ▪ ▪

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro