Chapter 21 - Wrath of the Mameleu

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

OLIN

Dali-daling lumapit sa kinalulugaran ko sina Solci, Langas, Talay, at Cormac saka pare-parehas nilang hinugot ang kanilang mga armas. Itinaas ni Cormac ang ninakaw niyang maso mula sa Escalwa. Nakahanda naman ang sundang ni Langas saka kumislap pa ang dulo nito. Nakaamba na rin ang punyal ni Talay.

Napatingin ako sa gawing kaliwa ko nang magliwanag dito. Nag-ibang-hugis na ang kasama naming Banwaanon na si Solci, ang prinsesa ng Hesteru. Kasalukuyan siyang nakasuot ng damit na gawa sa pinagtagpi-tagping dahon na kulay-lupa at berde. Kumuha siya ng isang palaso at inasinta ang butas na nagsisilbing pasukan ng mga Horian. Lumangitngit pa ang tali ng kaniyang pana nang ininat niya ito.

"Kainis! Nasa'n ba kasi si Tulkas?" rinig kong anas ni Prinsesa Madani. Humigpit pa lalo ang pagkakahawak niya sa kaniyang sibat na may tatlong talim. Nakasuot pa rin siya ng asul na bestida at nakapaa habang nakababad sa tubig. Masasabi kong makapangyarihan 'yong dala-dala niya.

Umugong naman ang bulong-bulungan ng mga Kataw at Siyokoy nang lumusong si Rayna Nagwa sa dagat at umabante patungo sa 'ming harapan. Itinaas niya ang kaliwa niyang kamay at itinapat sa butas. Nakasisilaw na liwanag ang aming natunghayan kaya napatakip kami ng mata.

Nang mawala na ang liwanag ay tumambad sa 'min ang malaking butas dahilan upang makita namin ang karagatan mula rito sa gingharian. Kasalukuyan pa ring marahas ang alon ng dagat na ikinabahala ng ilang Horian.

"Minamahal kong mga Horian, sa araw na ito, kailangan ulit nating labanan ang galit ng dambuhalang halimaw!" deklara ni Rayna Nagwa dahilan para mas lalong umingay ang buong gingharian. "Walang makatutulong sa atin, kung hindi ang ating mga sarili. Tayo na at magtulungan para gapiin ang higanteng nilalang!"

"Para sa Horia!" sigaw ng isang Siyokoy.

"Para sa Horia!" sabay-sabay na tugon ng mga Siyokoy at ilang mga Kataw.

Pagkaraan ng ilang sandali'y isang malakas at nakapaninindig-balahibong alulong ng nilalang ang rumehistro sa 'ming pandinig. Bigla akong kinilabutan nang marinig 'yon. Napasinghap ang ilang mga Horian habang ang iba nama'y nag-umpisa nang magdasal sa diyos ng proteksyon at sa diyosa ng paglaki at pagliit ng tubig.

Nang sapat na ang tapang na nalikom ng mga Horian ay dahan-dahan silang lumangoy at lumabas sa gingharian sa pangunguna ni Rayna Nagwa.

Nagkatinginan kami ng mga kasama ko at pagkatapos ng ilang segundo ay napagpasyahan naming sumunod sa kanila. 'Buti na lang at pare-parehas kaming marunong lumangoy.

Nagitla kaming lahat nang biglang umahon mula sa ilalim ng karagatan ang dambuhalang ahas na kahawig ng kalabaw. Muntik nang malaglag ang panga ko sa tubig habang nakatitig sa halimaw. Makaliskis ito at may palikpik pa sa likod.

Kapagkuwan ay bumuga ito ng kulay berdeng likido kaya nagkahiwa-hiwalay kaming lahat para makaiwas sa atakeng 'yon. Dali-daling itinapat ni Rayna Nagwa ang kaniyang kaliwang kamay at umalpas ang kulay asul na kapangyarihan mula sa kaniyang palad upang sanggahin ang ikalawang atake ng malaking ahas.

Narinig ko sa mga Horian na itong halimaw na kaharap namin ay isang Mameleu. Ang Mameleu ay isang pandagat na ahas na kahawig at kasing-laki rin ng isang kalabaw. 'Tapos, mayro'n itong puting mga sungay saka matutulis at mahahabang mga pangil. Ang katawan naman nito'y nababalutan ng makapal na kaliskis. Nanlilisik pa ang malalaki at namumula nitong mga mata.

Sa lahat ng nilalang na naengkwentro namin, ito ang pinakamalaki at pinakanakatatakot. Pero kailangan naming labanan ang nilalang na ito kahit na batid naming nasa hukay na ang isa naming paa.

"Kailangang mabaling sa iba ang pansin ng Mameleu habang hinihintay pa natin si Tulkas!" wika ng rayna ng mga Horian.

Kaagad na sumang-ayon ang lahat sa suhestiyon ni Rayna Nagwa ngunit bakas sa kanilang hitsura ang pangamba at pagdadalawang-isip.

"Ako na ang bahala!"

Nagulantang kaming lahat nang magprisinta si Langas. Lumukso siya sa ibabaw ng dambuhalang ahas na kamukha ng kalabaw saka kumapit siya sa palikpik nito nang kumawag-kawag ang Mameleu.

"Lubani! Bumaba ka riyan!" nag-aalalang sigaw ni Prinsesa Madani. Nanunubig na ang kaniyang mga mata.

Dumadagundong ang pinaghalong tunog ng kulog at atungal ng higanteng halimaw. Unti-unting pumapatak ang ulan na animo'y kontrolado ng Mameleu ang panahon.

Akmang lalapit kami sa kinaroroonan ng Mameleu ngunit agad kaming tinawag ng rayna.

"Kung susugod kayo para tulungan ang kasama ninyo, kailangan ninyo ang bagay na ito," sabi ni Rayna Nagwa. Lumapit siya sa 'min sabay bukas ng kaniyang kanang palad. Mula roon, dahan-dahang lumabas ang gintong kabibe. "Ang mahiwagang kabibe na ito ay pag-aari ni Kaptan na inihandog niya sa diyosa ng dagat at Kasakitan na si Magwayen. Pagkatapos, ibinigay naman ito ni Magwayen sa ninuno namin dahil kami ang tinaguriang tagapagbantay ng tubig. Isubo n'yo lamang ang kabibeng ito at ang hitsura ninyo ay mag-iiba, kung ano mang gustuhin ninyo," pagbibigay-alam sa 'min ng rayna.

Pagkatapos niyang magsalita ay tuluyan nang bumuhos ang pinagsama-samang tubig na nagmula sa dakong itaas dahilan para mabasa kami nang husto at salakayin ng lamig ang buo naming katawan.

Pinatunog ni Cormac ang kaniyang mga daliri sabay sabi ng, "Tabi, ako na." Dali-dali siyang lumangoy palapit sa rayna habang nakangisi. "Puwede ko ba 'yang gamitin, mahal na rayna?" tanong pa niya.

Uminat ang labi ng rayna at saka tumango bilang tugon.

Kinuha ni Cormac ang gintong kabibe at sandaling sinuri. "Ang ganda nito!"

Sinarado rin ni Solci ang distansya niya sa amin sa pamamagitan ng paglangoy nang mabilis. "Isubo mo na, Cormac. 'Tapos, sabihin mo, 'Darna!'" Ikinuyom pa nito ang kaniyang palad at itinaas sa ere. Kapagkuwan ay humagalpak ito sa katatawa. "Chos! Ha-ha-ha!"

"Bilisan n'yo na! Kailangan na nating tulungan si Lubani!" pagsingit ni Prinsesa Madani. Bakas pa rin ang pag-aalala niya sa kasama namin kahit na sinugod na ng mga tubig ang kaniyang mukha.

"Kaya natin 'to, Kahadras Legends!" bulalas ni Cormac.

Inagaw ko ang maso niya nang isinubo na niya ang mahiwagang kabibe ni Kaptan. Unti-unting nilamon ng puting liwanag ang kaniyang katawan hanggang sa tuluyan nang nagbago ang kaniyang anyo—isang puting kabayo pero ang kalahati ng kaniyang katawan ay gaya ng sa isda!

"Isdayo? Cormac, isdayo?" biro pa ni Solci. Ang kaniyang kulay-gatas na buhok ay basang-basa na saka tinipon niya sa kaliwang banda.

Dala ang maso na ninakaw ni Cormac sa Escalwa, nauna akong sumampa sa kalahating kabayo at kalahating isda. Sasakay rin sana si Solci ngunit naunahan siya ng prinsesa ng mga Horian.

"Patawad, pero ngayon lang kasi kami nagkita ulit ni Lubani. Ayaw kong may mangyaring masama sa kaniya," wika ni Madani kay Solci. Agad namang tumango at ngumiti ang huli.

"'Kay, pagbigyan. 'Na all."

Dali-daling lumangoy ang "isdayo" na sinasakyan namin ni Madani.

"Sino ulit 'yong hinihintay n'yo? Tulbas? Sino 'yon?" Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang pagpapaulan ko ng tanong sa prinsesa.

"Tulkas," pagwawasto niya. "Si Tulkas ang binansagang gladyador sa dagat. Isa siyang Siyokoy na bihasa sa pakikipaglaban sa mga halimaw rito sa karagatan, at may basbas din siya sa diyosa ng paglaki at pagliit ng tubig. Siya nga pala, siya ang nagpadakip sa inyo ng mga kasama mo."

"Ano?" singhal ko. Nanariwa sa 'king alaala ang bagay na bumaon sa leeg ko. Ang sakit n'on! Yawa siya!

Lumapit kami sa makaliskis na katawan ng malaking ahas. Ngunit nang makuha namin ang kaniyang atensyon ay napansin namin ang bugso ng galit sa mukha nito at dali-dali itong nagbuga ng luntiang tubig na sinasabi nilang nakalalason. Mabuti na lang at nakailag agad kami. Parang bumibigat ang katawan ko at nahihirapan kaming kumilos kasi basang-basa na kami ng ulan.

Tumingala kami at natanaw na patuloy pa rin sa pag-atake si Langas sa Mameleu. Bumaling naman ako sa ilang Siyokoy na mabilis na rumesponde at lumapit sa halimaw saka pinuntirya nila ang buntot nito.

Kahit umuulan nang malakas ay namataan ko pa rin ang payat na palasong naglakbay sa ere saka tumama iyon sa katawan ng Mameleu. Subalit nahulog agad ito sa tubig at parang 'di man lang nasaktan ang higanteng ahas.

Sobrang lakas ng buhos ng ulan habang nakikipagbunuan kami sa pandagat na ahas. Samahan pa ng kidlat na gumuhit sa kalangitan na nagmistulang sanga ng ulap at rumehistro din sa 'ming pandinig ang nakabibinging tambol ng kulog.

Hanggang sa bigla na lang sinuwag ng Mameleu si Langas at ibinato sa di-kalayuan.

"Hindi! Lubani!" hiyaw ni Madani.

Kumawag muli ang buntot ng pandagat na ahas at malakas na inihampas sa 'min dahilan upang tumilapon kami sa malayo saka sinalo ng malamig na tubig.

"Aargh!" sabay kaming napadaing ni Madani at ng ilang Siyokoy dahil sa hampas na natanggap namin.

Mabilis akong napadura sa tubig at nakitang hinaluan ng dugo ang laway ko. Biglang kumulo ang dugo ko dahil sa ginawa ng Mameleu.

Dali-dali naming tinunton ang puwesto ni Cormac sa pamamagitan ng paglangoy.

Pagkasakay namin ni Madani kay Cormac na naging isdayo, natunghayan namin ang pag-usbong ng isang matipunong Siyokoy mula sa ilalim ng karagatan. Ang malaki niyang katawan ay nababalutan pa ng makakapal na baluti na gawa sa pinagsama-samang bato at kabibe. May bitbit din siyang sibat na sinalakay ng mga nagdikit-dikit na lumot. Kasalukuyan siyang nakapatong sa hugis-itlog na tabla.

Nagdiwang ang ilang Kataw sa pagsulpot ng misteryosong Siyokoy.

"Siya si Tulkas, ang gladyador sa dagat," ani Prinsesa Madani.

Napasinghap ang ilan nang muling lumukso si Langas patungo sa ulo ng Mameleu dahilan para hindi na naman ito mapakali. Sa tingin ko, 'yan ang espesyal na abilidad ni Langas—ang pagtalon nang mataas.

Sunod-sunod na bumulusok ang mga payat na palaso sa gawi ng halimaw ngunit katulad ng unang nangyari ay sinalo lang ito ng dagat at hindi man lang bumaon sa balat ng Mameleu.

Pinihit ko ang leeg ko habang tumatakbo ang isdayo at namataan ang babaeng may kulay-gatas na buhok na paulit-ulit na nagpapakawala ng palaso. Sumagi sa 'king isipan ang sinabi niya sa 'min noon. 'Di raw siya tinuruan ng kaniyang ama sa paggamit ng pana, pero nakasisiguro ako na balang-araw ay magiging magaling siyang mamamana.

"Yahhh!"

Bumaling ako sa sinabi nilang gladyador sa karagatan. Habang sakay sa habilog at makapangyarihang tabla, ibinuwelo ni Tulkas ang sandata niyang sibat para tusukin ang tagiliran ng Mameleu ngunit nagawang maiwasan ng ahas ang kaniyang atake. Iwinasiwas niya ulit ang kaniyang sibat subalit gaya ng una niyang pag-atake ay hindi na naman niya ito natamaan dahil muli itong nakailag.

Nagbuga ng berdeng likido ang Mameleu kaya sa pagkakataong ito, si Tulkas naman ang kailangang tumakas. Sunod-sunod na nagpakawala ng luntiang lason ang dambuhalang ahas sa direksyon ni Tulkas kaya puro iwas lang ang ginawa niya.

Dumagundong ang ingay na nilikha ng Mameleu at nahinto ito sa paglabas ng nakalalason na likido. 'Yon pala, sinisibak na ni Langas ang kaniyang kulay-kremang mga sungay.

Kapagkuwan ay sumambulat sa paligid ang nakasisilaw na kahel na liwanag. At nang maglaho na ito, tumambad sa 'min ang isang napakagandang babae na may kalakihan. Katulad ng mga Kataw, siya ay kalahating babae at kalahating isda rin. Ang kaniyang buntot ay kulay-dalandan, may nakasabit na maraming burloloy sa kaniyang leeg na gawa sa bato, kabibe, at talukap ng alimango, at saka ang kaniyang buhok na kulay berde na animo'y pinagsama-samang damong-dagat ay nakatakip sa kaniyang dibdib. 'Tapos, mayro'n din siyang hawak-hawak na kahel na tungkod.

Umawang ang labi ko. "S-Sino siya?"

"Siya si Luyong Baybay, ang diyosa ng paglaki at pagliit ng tubig," kagyat na sagot ni Madani.

Iwinasiwas ng diyosa ang kaniyang kamay at saka sumusunod naman ang alon sa kaniyang pagkumpas. Malaking alon ang nabuo sa karagatan ng Horia at sa muling pagkumpas ni Luyong Baybay ay sumalakay ang ginawa niyang alon sa puwesto ng Mameleu na siyang ikinamangha naming lahat.

Subalit parang wala lang ang dambuhalang ahas. Muling nanlisik ang mga mata nito at lumangoy patungo sa direksyon ng diyosa. Sinuwag ulit nito si Langas dahilan upang muli itong tumilansik sa kabilang panig.

"Buwisit!" rinig kong mura ni Langas.

"Olin, kailangan nating malapitan ang Mameleu," atas ni Prinsesa Madani na agad ko namang sinang-ayunan.

Inutusan ko si Cormac na lumangoy patungo sa higanteng halimaw. Sabay-sabay kaming sumugod sa pagkakataong ito. Nahagip ng paningin ko na pinasakay ni Tulkas si Solci sa mahiwagang tabla na hugis-itlog. Nakahanda na ang talim ng sibat ni Tulkas at patuloy naman sa pagpapakawala ng palaso si Solci habang hinahabol nila ang buntot ng Mameleu. Unti-unti namang sinarado ni Luyong Baybay ang distansya nila ng dambuhalang nilalang sa pamamagitan ng paglangoy nang mabilis.

Samantala, binalutan naman ni Rayna Nagwa ng kulay asul na kapangyarihan ang mga Horian—kasama na roon sina Talay, Saya, Alog, at Lish—bilang proteksyon.

Manaka-nakang kumawag ang buntot ng Mameleu. No'ng una'y puro ilag lang ang aming inakto para matakasan ang hagupit ng malaking ahas na may ulo na parang kalabaw.

Napaisip ako. Hindi kami maaaring umilag lang. Kailangan din namin siyang magalusan.

Pero hindi tatalab ang pipitsuging maso na hawak ko sa makaliskis na katawan ng pandagat na ahas.

Matagumpay naming natakasan ang atake ng Mameleu at sa pag-iwas namin ay siyang naging oportunidad nina Tulkas at Luyong Baybay na sugurin ang pandagat na ahas sapagkat bukas ang depensa nito. Lumapit sila sa Mameleu at itinarak ni Tulkas ang dala niyang sibat sa makaliskis na balat ng dambuhalang ahas na kamukha ng kalabaw. Paghugot ni Tulkas sa kaniyang sibat, inasinta naman ni Solci ang sugat na natamo ng Mameleu. Kasabay ng pagguhit ng kidlat sa kalangitan ay ang pagsigaw ng higanteng nilalang.

Huminto si Luyong Baybay at itinaas ang kaniyang kulay-dalandang tungkod. Kumawala rito ang nakasisilaw na kahel na liwanag dahilan para mapapikit ang Mameleu.

Nabaling ang atensyon ko sa babaeng nasa likuran ko nang itinuon niya ang kaniyang salapang sa tubig. May kulay asul na liwanag na umalpas mula roon. 'Tapos, singbilis ng kidlat ang pag-arangkada ng mga damong-dagat na nagmula sa kailaliman ng karagatan. Dali-daling pumulupot ang mga malalaki at matitibay na damong-dagat sa katawan ng Mameleu.

Napanganga ako sa ginawa niya.

Namamanipula ni Madani ang mga 'yon? Choya!

Umangat bigla ang kanto ng mga labi ko habang tinitingnan ang kalagayan ng Mameleu. Maya't maya itong dumadaing sa sakit dahil paulit-ulit na tinutusok ni Tulkas ang balat nito. At kasabay ng paghugot niya rito ay siya namang pagbaon ng palaso na nagmumula kay Solci. Nagpupumiglas ang malaking ahas kasi napapalibutan siya ng mga damong-dagat.

Samantala, hindi pa rin umimpis ang liwanag na nanggagaling sa tungkod ni Luyong Baybay dahilan para hindi magawang maidilat ng Mameleu ang kaniyang mga mata.

Hindi pa rin humupa ang ulan, hindi magkamayaw sa pagbuhos. Samahan pa ng malakas na paghampas ng hangin na dumagdag sa tensyon sa paligid.

Kahit tuloy-tuloy ang pagpatak ng ulan ay napapansin kong lumiit o bumaba ang tubig ng dagat. Siguro, kagagawan 'to ng diyosa.

"Olin, ngayon na!" sigaw ni Rayna Nagwa na ikinakunot ng noo ko. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin, pero nakasisiguro akong gusto niyang may gawin ako sa Mameleu.

Nagitla ako nang lumusong si Prinsesa Madani sa tubig at tuluyan nang nagkaroon ng buntot. Muli, bumaling ako kay Rayna Nagwa at nasaksihan ang pagkumpas ng kaniyang kamay. Sa isang kisapmata'y nakalikha siya ng hagdang gawa sa yelo na ikinalaki ng mga mata ko.

"Cormac, himoa'g espada ang imong kaugalingon," utos ko sa isdayo.

["Cormac, gawin mong espada ang 'yong sarili."]

Eksaktong pagtalon ko sa hagdan ay nagliwanag si Cormac. Pagkaraan ng ilang sandali'y tumambad sa 'kin ang malaki at kulay-gintong espada na mayroong nakasulat sa magkabilang talim. Lumutang ito sa ere at unti-unting lumalapit sa 'kin. Kahawig nito ang espada ni Burigadang Pada!

Tumaas ang sulok ng labi ko. Hindi ang Mameleung ito ang makapipigil sa 'min sa pagpunta sa kagubatan ng Sayre! Walang makapipigil sa 'min!

Pumanhik ako sa hagdang gawa sa yelo. Habang patuloy ako sa pag-akyat ay nadagdagan din ang mga baitang nito. Hanggang sa makarating ako sa tuktok at kasalukuyang kaharap ang Mameleu.

Hindi ako nasilaw sa kapangyarihan ni Luyong Baybay dahil kusang nag-iba ang paningin ko.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ko bago kumilos.

"Katapusan mo na!" sigaw ko saka tumalon. At gamit si Cormac na naging malaking espada, hinati ko ang katawan ng Mameleu dahilan upang mapaungol siya sa huling pagkakataon.

Agad na bumalik sa dati ang aking paningin at nasaksihan ang pag-ulan ng kulay berdeng dugo sa 'ming puwesto. Bumagsak ang nahiwang katawan ng malaking nilalang at naghalo-halo na ang luntiang dugo at ang ulang pumapatak sa karagatan ng Horia.

Ibinagsak ko ang katawan ko sa tubig na dali-daling pinatigas ni Rayna Nagwa. Kasabay ng pagkalansing ng espada sa yelo ay ang paghinga ko nang malalim. Hindi ko sukat akalaing makapapaslang ako ng isang higanteng ahas sa dagat.

Bigla kong naalala ang sinabi ni Cormac kanina at napangiti ako.

"Kaya natin 'to, Kahadras Legends!"

"Wala talagang makapipigil sa Kahadras Legends," bulong ko habang nakapikit.

t.f.p.

GLOSSARY

Luyong Baybay – the deity of the tides. She's in charge of tides and their ebb and flow. The translation of her name is "She who was born from the Sea."

Mameleu – the enormous two-horned sea snake, whose head is comparable in size to a water buffalo and whose body is thirty fathoms long. It dwells in deepest part of the ocean.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro