Chapter 3 - The Wrong Olin

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

OLIN

"Lin! Lin, pagmata na."

["Lin! Lin, gumising ka."]

Iminulat ko ang mga mata ko nang may tumawag sa 'kin. Isang tao lang ang tumatawag sa 'kin ng 'Lin', walang iba kung 'di ang pinakamamahal kong ina.

Kinusot ko ang dalawa kong mata, dumukwang, at saka tumunghay. 'Tapos, nakita ko si Mama sa may balkonahe na napapagitnaan ng dalawang mapuputlang kurtina na sumasayaw dahil sa banayad na pagkumpas ng malamig na hangin.

"'Ma?" sambit ko saka mabilis na tumayo at tumakbo palapit sa kaniya. Ngunit sa kasamaang palad, bigla na lang akong tumalsik pabalik sa hinigaan kong kama kanina nang may puwersang nakaharang at tila hindi kami pinapayagang magkalapit. "Ahhh!" humalinghing ako sa sakit.

"Lin, paminaw nako," panimula ni Mama. Pareho kaming tumatangis dahil sa sitwasyon namin. "Ipamatuod sa ila nga ikaw ang tinuod nga Olin, nga ikaw ra ang Olin nga ilang gipangita." Pinilit niyang ngumiti habang dumaosdos ang kaniyang mga luha patungo sa kaniyang pisngi at baba.

["Lin, makinig ka sa 'kin. Patunayan mo sa kanila na ikaw ang totoong Olin, na ikaw ang nag-iisang Olin na hinahanap nila."]

Nanginginig ang aking mga labi sa sinabi ni Mama habang patuloy pa rin sa paglandas ang mainit na likido pababa sa 'king pisngi. "Gihigugma ko ikaw, 'Ma. Pag-amping kanunay . . ."

["Mahal kita, 'Ma. Ingat ka palagi . . ."]

* * *

Nagising ako dahil sa ingay. Pamilyar ang mga boses na 'yon. Bumalikwas ako ng bangon at hinanap ng mga mata ko kung saan galing ang mga 'yon. Doon ko na nakita ang tatlong bulaklak na nagsasalita, kasalukuyan silang nakalagay sa isang paso na pininturahan ng kulay-dalandan, at saka hawak iyon ng isang babae. Nakapusod ang buhok niya, nakasuot ng maputlang tee shirt at saya, at wala siyang sapin sa paa. Feeling ko, isa siya sa mga tagapagsilbi rito sa palasyo. 'Di ko makita ang mukha niya kasi nakayuko siya.

"Mura ug dili kana ang Olin nga atong gipangita," hinuha ng kulay-ubeng bulaklak.

["Parang 'di 'yan ang Olin na hinahanap natin."]

"Pa'no mo naman nasabi? Mas magaling ka pa kay Ginoong Mounir, gano'n?" tanong naman sa kaniya ng berdeng bulaklak.

"Cry all you want but for me, he's the wrong Olin," nag-uumapaw na kompiyansang wika ng asul na bulaklak.

"Magsitahimik kayong tatlo!" saway ng isang lalaki sa kanila dahilan para mapalingon ako sa kaniya—kay Mounir—na prenteng nakaupo sa kulay-tsokolateng salumpuwit na malapit sa bintana.

"'Wag kasi kayong maingay!"

"Don't make noise!"

"Shudi abas!"

Napahinga ako nang maluwag. Akala ko, iniwan na 'ko ng nagligtas sa 'kin matapos kaming patuluyin dito ng isang tagapagsilbi sapagkat may inaasikaso pa raw ang mahal na rayna.

"'Buti naman at gising ka na, Olin." Isinandal niya ang kaniyang tungkod sa gilid. 'Tapos, dumekuwatro siya at humalukipkip. "Ang sabi ni Talay, parating na raw si Queen Helya rito sa silid natin," aniya at saka binigyan niya ako ng maliit na ngiti.

"Talay?" kunot-noong tanong ko.

Ininguso niya ang babae malapit sa pintuan. At doon na ito nag-angat ng tingin sa 'kin at bahagyang ngumiti. 'Yong mukha niya ay parang naghihirap ngunit taos-puso naman niyang ginagawa ang kaniyang tungkulin.

Nalipat ang atensyon ko sa bitbit nitong mga bulaklak, na tila nais akong saksakin base sa tingin nila. Pakiramdam ko, tinitiktikan ako ng mga 'to at saka nakaantabay sila sa bawat galaw ko.

Pagkalipas ng ilang sandali, gumilid si Talay kasi bumukas ang malaking pinto at iniluwa niyon ang isang napakagandang babae na may suot na korona. Napakaamo at napakakinis ng mukha niya, hindi gaanong malaki ang kaniyang mga mata, may mahahabang pilik-mata, kahel na mga labi, at mahaba ang kaniyang kulot na buhok. Nakasuot siya ng berdeng damit na parang kumikinang 'tapos, ang kaniyang mga alahas ay tila sumasayaw sa bawat galaw niya.

Siya na ba si Queen Helya?

Dali-dali siyang lumapit sa 'kin at inilapat ang magaan at malambot niyang mga kamay sa magkabila kong pisngi. "The Olin?"

Ngumiti ako nang pilit. "A-Ako nga po, m-mahal na rayna," nauutal kong sagot.

"Pero . . ." Nabitin sa ere ang kaniyang salita habang naglandas ang isa niyang kamay sa likuran ng aking ulo pababa sa 'king leeg. Napalunok ako. Mukhang alam ko na ang napansin niya. "Walang marka sa leeg mo."

Kita ko sa gilid ng mata ko na tumayo bigla si Mounir at unti-unting lumalapit sa puwesto namin. "Nasaan ang marka mo, Olin?" kuwestiyon ng asul na salamangkero.

Para akong nahaharap sa isang napakahirap na suliranin. Kung lulukso ba 'ko sa bangin na parang luko-luko? O manatili sa puwesto ko at harapin ang malaking oso? Hindi ko alam kung ano ang angkop na gawin o sabihin. Nakatutok sa 'kin ang kanilang mga mata habang hinihintay ang tugon ko sa inihagis na tanong ng matandang nakasuot ng bughaw na balabal.

Klinaro ko ang aking lalamunan at umaming, "Hindi ko po alam." Pilit kong ininat ang aking mga labi habang ninenerbyos.

"Kailangan nating mag-usap, Mounir," anang mahal na rayna at tinalikuran kaming lahat. Pinagbuksan naman siya ng pinto ni Talay, na hanggang ngayon ay hawak pa rin ang kahel na paso. Walang pagdadalawang-isip na sumunod sa kaniya si Mounir.

Nang isara ni Talay ang pinto ay dagli akong tumayo at lumapit sa kinalulugaran niya. Inilapit ko nang kaunti ang kanang tainga ko sa pinto para pakinggan ang kanilang pinag-uusapan.

"You brought the wrong Olin," rinig kong sabi ni Queen Helya. May bahid na pagkadismaya sa kaniyang boses.

"Mahal na rayna, maghunos-dili ka," ani Mounir. Isa siya sa nakakita ng marka sa leeg ko kaya alam kong hihimukin niya ang rayna na paniwalaan siya. "Nakita ko 'yong itim na marka sa leeg niya kanina at saka hinabol din siya ng kampon ni Sinrawee kaya ko siya dinala rito. Maski ako'y naguguluhan din. Wala akong ideya kung bakit naglaho ang marka, pero nakasisiguro akong siya ang Olin na hinahanap natin."

Gusto ko siyang pasalamatan dahil sa pagtatanggol niya sa 'kin ngunit ayaw kong masira ang kanilang pag-uusap.

"Mounir, pinagkalooban ako ni Dalikamata ng espesyal na kakayahan sabi ng aking ginikanan. Ang mole sa eyeball ko ang makapagpatunay. Napanaginipan ko ang Olin na papatay sa halimaw na nagbabantay sa nag-iisang Boac. Malaki ang katawan ni Olin at may itim na marka sa leeg. 'Di ko lang nakita nang maayos ang mukha niya."

Sino si Dalikamata? Nakikita ni Rayna Helya ang hinaharap? Ano 'yong Boac?

Mayabag man sad ta ani, uy!

[Mababaliw na talaga ako rito!]

"Baka ibang Olin ang nadala mo rito o 'di kaya'y pinalitan siya ng kalaban natin no'ng papunta kayo rito para si Sinrawee ang makakukuha sa nag-iisang Boac," puno ng pag-aalala na sambit ni Queen Helya.

"Mahal na rayna, huminahon ka." Pilit naman siyang pinapakalma ng asul na salamangkero. "Baka nagtago lang ang palatandaan na mayroon siyang kapangyarihang dala o nalipat ito sa ibang parte ng kaniyang katawan. Posible 'yon, 'di ba?"

"Paumanhin po, mahal na rayna, pero kailangan daw po kayo ni Prinsipe Helio." Naputol ang kanilang pag-uusap nang may tagapagsilbi na umeksena.

Tuluyan ko nang tinantanan ang pinto at dahan-dahang naglakad patungo sa balkonahe. Kaagad hinaplos ng malamig na hangin ang buo kong katawan. Tanaw ko mula rito ang mga kagubatan, bukirin, karagatan, at iba pang magagandang tanawin dito sa Kahadras. Nakahahalina rin ang kalangitan na naglalaro sa kulay-uling at kulay-dalandan. Naghihingalo na ang araw sa alapaap at ano mang oras ay lilitaw na sa kalangitan ang buwan kasama ang mga alipores nitong kumukutitap na tala.

Kanindot sa langit, uy. Makahunahuna man sad ta ug saka.

[Ang ganda naman ng langit. Naisip ko tuloy na umakyat papunta roon.]

Naramdaman kong may lumapit sa 'kin.

"Ginoong Olin?" Ang boses niya ay parang malaking bato na inihagis sa kalmadong dagat at lumikha ng mumunting alon na siyang tuluyang sumira sa lamikmik nito.

Napatingin ako kay Talay na bitbit pa rin ang paso hanggang ngayon. "Olin na lang," sabi ko.

"Ayos lang po ba kayo?" tanong niya.

Tumango naman ako bilang tugon.

"Ipapakilala ko po sa inyo ang mga kaibigan ko. Itong kulay-ube ay si Saya, ang nagbi-Bisaya. 'Tapos, itong berde ay si Alog, ang nagta-Tagalog at ang nag-iisang lalaki. Ito namang huli na kulay asul ay si Lish, ang nag-e-English." Isa-isa niyang hinawakan ang tatlong bulaklak. "Iba-iba ang gamit nilang lengguwahe pero nagkakaintindihan naman ang tatlong 'to. Kahanga-hanga, 'di ba?"

Namamangha, muli akong tumango.

"Gusto mo bang malaman ang nangyari sa prinsipe?" tanong ni Alog na siyang ikinalaki ng mga mata ko.

"Oo, gusto kong malaman." Ang kakurat ang nagduso nako para makaingon ko ana.

[Gulat ang nagtulak sa 'kin para sambitin ko 'yon.]

"Just make sure that you'll tell him the truth," ani Lish sabay irap.

"Kagagawan kasi 'yon ni Sinrawee kaya nagkasakit si Prinsipe Helio. Walong taon niya na 'yong iniinda. Gumagawa ng paraan si Ginoong Mounir taon-taon para hindi mamatay ang nag-iisang prinsipe, pero hindi talaga niya kayang palayasin ang nasa katawan ni Prinsipe Helio. At ngayon, mas lumalala na ang kalagayan nito. Kailangan na talagang malunasan ang lason na namamahay sa kaniyang katawan sa lalong madaling panahon," pagsalaysay ni Alog.

"And we need the Olin to recuperate the prince," gatong pa ni Lish. "But you're the wrong one."

Gumalaw ang tangkay ni Saya at lumapit kay Lish. "Giuwan na gayod ta ug mga isyu sa pagsalig, 'day, 'no?"

["Inuulan na talaga tayo ng trust issues, 'day, 'no?"]

"Tumahimik na nga kayong tatlo," pagsita ni Talay sa mga bulaklak. 'Tapos, tinapunan niya ako ng tingin. "Totoo bang may marka dati ang leeg mo?" paghagis niya ng kuwestiyon sa mukha ko saka alanganing ininat ang labi.

Sinuklian ko naman siya ng sunod-sunod na pagtaas-baba ng aking ulo. Pagkatapos ay napahawak ako sa leeg ko. "Kaso, sa 'di malamang dahilan, bigla itong nawala. Uminit pa nga rito banda, eh, noong hinabol ako ng Mansalauan," pag-amin ko.

"Basin ug gikuha na ni Sinrawee," hinuha ni Saya.

["Baka kinuha na ni Sinrawee."]

"O baka naman isa kang huwad. 'Tapos, 'yong totoong Olin na dinala rito ni Ginoong Mounir ay nadakip na pala ng mga alagad ni Sinrawee," palagay naman ni Alog.

"Are you really telling the truth?" seryosong tanong ni Lish.

Puno ng kompiyansa akong tumango.

"'Wag kang mag-alala, Olin. Naniniwala ako sa 'yo," pagkonsuwelo naman ni Talay sa 'kin.

Napangiti ako dahil sa sinabi niya. Iba talaga ang pakiramdam 'pag may mga taong naniniwala sa 'kin. Parang binigyan ako ng lakas mula sa pagkakalugmok. Tila binuhusan ng isang daang porsyentong enerhiya para ipagpatuloy ang buhay.

Sabay kaming nag-iwas ng tingin at parehong nalunod sa malalim na pagmumuni-muni.

Pagkalipas ng ilang sandali, nabulabog kami nang biglang lumangitngit ang pinto, hudyat na may nagbukas nito, kaya napatingin kami roon. Isa pang tagapagsilbi ang pumasok sabay sabi ng, "Ginoong Olin, pinapatawag po kayo ng mahal na rayna. Kailangan n'yo raw pong pumunta sa silid ni Prinsipe Helio."

Dali-dali kaming naglakad patungo sa kaniya at lumabas ng kuwarto. Hindi ko alam kung bakit pero may namamahay na kakaibang takot sa dibdib ko. Unsa akong buhaton didto? Dili man intawon ko mananambal, uy.

[Ano'ng gagawin ko ro'n? Hindi naman ako manggagamot, eh.]

Ang sahig na kasalukuyan naming nilalakaran ay gawa sa marmol. Lumiko kami sa isang pasilyo at may nilampasan na dalawang kuwarto bago kami huminto. Iminuwestra ng isang tagapagsilbi ang pinto na kaharap namin saka bahagya siyang yumuko.

Nagbuga ako ng hangin sa pamamagitan ng ilong ko bago pumasok sa loob ng silid ni Prince Helio. Sabay kaming pumasok ni Talay habang bitbit niya pa rin sina Saya, Alog, at Lish. Bumungad sa 'min ang kulay-gintong liwanag na nagmumula sa isang malaki at pandekorasyon na bagay na naglalaman ng mga kandila at nakasabit sa kisame, at saka carpeted na ang tinatapakan namin ngayon.

Parehong nakatayo sina Queen Helya at Mounir malapit sa kama ng isang binatang nakahiga sa kulay-kapeng kama at binalutan ng puti at makapal na kumot ang kalahati ng kaniyang katawan.

Nang maramdaman nila ang presensya namin ay kaagad silang napatingin sa direksyon namin ni Talay. Balot ng pag-aalala ang mukha ng rayna at parang pinipigilan niyang umiyak sa harapan ng kaniyang anak.

Humakbang ako palapit sa kama at natanaw ang kawawang prinsipe. Ang pang-itaas niya ay puting damit na may kulay-gintong mga butones. Namumutla na ang kaniyang hugis-pusong mga labi at may kulay-byoletang ugat sa kaniyang noo at pisngi. 'Di nagtagal, ang kaniyang matamlay na mga mata ay dumapo sa 'kin.

"O-Olin? Olin, t-tulungan mo 'ko," pagsusumamo ni Prince Helio. Pagkatapos niyang sambitin 'yon ay pumikit siya at kumurba ang kaniyang maputlang labi.

May nagbabantang luha na gustong kumawala sa 'king mata habang nakatitig sa kaniya. Sasagot sana ako ngunit may bumagsak na palad sa 'king kanang balikat dahilan para mapapitlag ako at mapatingin sa nagmamay-ari nito.

"Olin, hinang-hina na ang mahal na prinsipe," panimula ni Mounir. Alam ko naman 'yon. "Kailangan n'yo nang maglakbay patungo sa Kagubatan ng Sayre para kunin ang Boac na siyang magpapagaling kay Prinsipe Helio. Ikaw ang magdedesisyon kung anong oras kayo aalis, kung kailan kayo handa," seryosong turan ni Mounir.

"Kayo? So, may kasama ako?" naguguluhan kong tanong.

"Sasamahan ka ng isa sa mga tagapagsilbi ko na si Talay kasi siya ang magbibitbit kina Saya, Alog, at Lish," pagsingit ng rayna kaya nalipat sa kaniya ang tingin ko.

"Sasama rin ang tatlong bulaklak na 'yan?" Tinuro ko sila.

Marahang tumango si Queen Helya. "Kasi silang tatlo ang magiging daan para mahanap mo ang Boac. Paiba-iba kasi ang hitsura ng bulaklak na makagagamot sa prinsipe. Kailangan mo sila, Olin," malumanay niyang pagkasabi.

Dumapo ang dalawa kong mata sa kawawang prinsipe. Noong una, iniisip ko na isa lang itong kalokohan at gusto ko nang bumalik sa 'min. Pero ngayong nakita ko na ang kalagayan ng prinsipe rito sa Melyar, mukhang kailangan ko ngang isakatuparan ang napanaginipan ng rayna.

Hindi ko alam kung kakayanin ko bang maging isang bayani sa kakaiba at katakut-takot na mundong ito, pero susubukan ko. Papatunayan ko sa kanilang lahat na ako ang itinakdang Olin.

"Kailan n'yo gustong maglakbay?" pagsaboy ng kuwestiyon ni Mounir.

"But he's the wrong Olin," rinig kong anas ni Lish.

"Shudi abas!" sinita naman siya ni Saya.

Huminga ako nang malalim. "Bukas na bukas, aalis na kami para tumungo sa Kagubatan ng Sayre," puno ng determinasyon kong wika habang nakatitig sa prinsipe.

"Pero kailangan n'yo munang hanapin ang magiging gabay n'yo," ani Mounir na siyang ikinakunot ng noo ko.

Bumaling ako sa kaniya at naghagis ng kuwestiyon. "Sino?"

Imbes na sagutin niya kaagad ang itinapon kong katanungan, naglakad muna siya papunta sa malaking durungawan saka binuksan niya ito nang dahan-dahan.

"Tuso siya at parating humihingi ng kapalit 'pag may ipinagawa ka sa kaniya. Pero wala tayong ibang mapagpipilian sapagkat bukod sa 'kin, kabisado rin niya ang pasikut-sikot sa buong Kahadras. Kailangan n'yong mahanap at makasama sa paglalakbay si . . ."

Nabitin sa ere ang kaniyang mga salita dahilan para salakayin ako ng kaba dahil sa antisipasyon. Pagkatapos, unti-unti siyang humarap sa 'ming lahat, suot ang seryosong mukha.

"Si Langas, ang isinumpang nilalang."

t.f.p

GLOSSARY

Boac – came from the Visayan word "buwak" which simply means "flower." It's a fictional flower that can cure the prince.

Dalikamata – a clairvoyant goddess in Visayan mythology who had many eyes. Dalikamata was said to utilize butterflies and moths to keep an eye on everyone's good and evil deeds on earth, which is why these flying insects have an eye pattern on their wings.

Ginikanan – a Visayan term for parents.

Shudi abasShudi is a slang term that means "don't." Abas is a reverse spelling of "saba" or noisy in English. Hence, Shudi abas is an imperative phrase which simply means "don't make noise" or "don't say a word."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro