Sa Lente ng Pusong Sawi

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

SA LENTE NG PUSONG SAWI
isinulat ni Endee (loveisnotrude)


HINDI KO NA matandaan kung kailan ako huling nasaktan ng ganito---itong klase ng sakit na hindi ko maipaliwanag sa kahit na anong salita. Klase ng sakit na kahit may magagawa naman ako para maiwasan ito ay mas pipiliin ko pa ring maramdaman.

Ewan ko ba sa sarili ko. Ilang beses naman na 'kong binigyan ng pagkakataon para makaiwas pero hindi ko pa rin ginawa. Mas pinili ko pa ring manatili. Mas pinili ko pa ring saktan ang sarili ko.

"Sir Frame, ayos ka lang?"

Hindi na ako nag-abala pang lingunin yung assistant ko at tinanguan ko na lang siya bilang tugon sa tanong niya. Pagkatapos ay isang malalim na buntonghininga ang aking pinakawalan bago ko muling itinuon ang pansin sa paligid.

Katatapos lang nung wedding ceremony ng babaeng minahal ko sa mahigit sampung taon.

Minahal.

Hindi ko alam kung tama ba na past tense ang ginamit ko para sa nararamdaman ko kahit na hindi pa ako sigurado kung naka-move on na ba ako. Naisip ko kasi, kung naka-move on na nga ako, bakit nasasaktan pa rin ako hanggang ngayon? Bakit hindi ko magawang maging tuluyang masaya kahit na kitang-kita ko namang masaya na siya sa piling ng iba? Bakit may parte pa rin sa akin na hinihiling na sana ako yung groom niya?

"Sir Frame, o." Muli kong nilingon ang assistant ko nang may iabot siya sa aking panyo. "Halata namang hindi ka ayos, e. Punasan mo po muna 'yang mga luha mo at bakâ hindi maging maganda ang kuha mo kapag ihahagis na ng bride yung bouquet niya."

Pagkasabi niya n'on, sakto namang narinig na naming nag-igay ang paligid. Mukhang ihahagis niya na nga yung bridal bouquet sa crowd. Kaya mabilis ko nang pinunasan ang luha sa mukha ko at inayos ang aking DSLR.

Gustuhin ko mang umiyak nang umiyak para kahit paano ay maibsan itong sakit na nararamdaman ko sa mga oras na ito ay hindi naman puwede. Nandito kasi ako sa kasal niya bilang wedding photographer at wala ng iba pa---na sa totoo lang, hindi ko rin alam kung ano ba ang pumasok sa isip ko para um-oo rito. Kung tutuusin kasi ay puwede naman akong humindi.

"Girls, are you ready?!"

Nang marinig kong muli ang tinig niya, naramdaman ko na naman ang bilis nang pagtibok ng puso ko. Hindi na ako nagulat kasi wala namang bago. Siya at siya lang naman kasi ang nakapagpapatibok ng ganito sa puso ko. Siya lang talaga.

"One . . . Two . . ."

Inayos ko na ang sarili ko nang magsimula na siyang magbilang. Nakahanda na rin ako para sundan ang paglipad ng bouquet sa ere hanggang sa masalo ito ng isa sa mga bisita niya.

". . . and three!"

Mabilis kong pinosisyon ang aking DLSR at sunod-sunod na kinuhanan ng retrato ang bawat pangyayari hanggang sa tuluyan na ngang masalo yung bouquet.

Ngunit napatigil ako nang may mahagip ang aking lente na isang pamilyar na mukha. Nagkatinginan pa kami at parehong nagulat. Ako, dahil hindi ko inaasahang makikita ko siyang muli. Habang siya naman, dahil siguro sa direksyon niya napunta yung bouquet at siya pa ang nakasalo nito.

Dahil sa pangyayaring iyon, napuno ng tilian ang paligid. Nagsimula na rin kasi silang tuksuin siya.

Bakit nga ba hindi ko naisip na may posibilidad na makita ko siya gayong isa siya sa matalik na kaibigan ng bride?

Napalunok ako sa sarili kong laway nang mapagtanto ko na wala pa rin sa amin ang kumakawala sa pagtititigan.

Teka . . . Bakit biglang bumilis 'tong tibok ng puso ko? Kinakabahan ba ako? Kung gano'n, bakit . . . bakit naman ako biglang kinabahan?

***

Ilang oras na ang nakalipas mula nang makita ko siya ulit pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala. Akala ko nga namamalikmata lang ako pero nang makita ko siya ulit dito sa may reception, doon ko nasigurong siya nga talaga yung nakita ko.

"Frame!" Mabilis akong lumingon nang marinig ko ang pangalan ko. "Thank you talaga sa pagpunta at pagpayag na maging photographer sa special day ng buhay ko!"

Hindi agad ako nakapag-react sa sinabi niya dahil bigla niya na lang akong niyakap.

"No prob, Yaz," sabi ko na lang.

Hindi na ako yumakap pabalik at hinayaan na lang siyang unti-unting bumitaw. Para saan pa ba kasi kung yayakapin ko rin siya? Sasaktan ko lang ulit ang sarili ko. At quota na siguro ako sa sakit para sa araw na ito.

"By the way, nagkita na ba kayo ni Niles?"

"A . . . oo. Kanina sa may simbahan. Nga pala, akala ko busy na siya sa New York? Himala at napauwi mo siya rito sa Pinas, a."

"Syempre, ako pa! Hindi kaya ako matitiis n'on. Actually, siya nga ang naging instant makeup artist ko kasi nagkaproblema last minute doon sa kinuha ko talaga."

"I see."

"Teka, nasaan na ba ang baklang 'yon? Hindi puwedeng wala tayong picture tatlo at bakâ matagalan bago tayo makapagkita-kita ulit."

Pipigilan ko na sana siya dahil bigla na naman akong kinabahan. Ngayon ko lang kasi napagtanto na mukhang hindi pa pala ako ready na harapin si Niles matapos ang nagyari sa amin a year ago. Ngunit huli na ang lahat. Dahil mabilis ko na siyang nakita na papalapit sa gawi namin.

And the next thing I knew, halos isang metro na lang ang layo namin sa isa't isa.

"Hey, Frame. Long time no see."

Matapos ang mahigit isang taon na hindi ko narinig ang boses niya, bigla na lang nagsibalikan ang lahat ng alaala noong huli naming pagkikita at pag-uusap.

"Gusto kita."

"Niles . . ."

"Matagal na kitang gusto. Pinipigilan ko lang kasi alam kong si Yaz nga ang gusto mo. Pero when you kissed me last night, Frame, doon ako nagkaroon ng lakas ng loob na umamin sa iyo."

"Niles, I'm sorry."

"B-Bakit ka nagso-sorry?"

"I'm straight."

"And you kissed me."

"That was a mistake."

"Tangina. Seriously, Frame? Mistake? Paano naging pagkakamali 'yon?"

Napayuko na lang ako sa sobrang kahihiyan. Hindi ko na rin kasi alam kung ano ang sasabihin ko. Sa katunayan ay wala na talaga akong mukhang maiharap sa kaniya matapos ko siyang halikan kagabi.

Hindi ko kasi alam kung ano ba ang nangyari. That moment, I felt that it was the right thing to do. Ayon kasi ang isinisigaw ng puso ko, e. Pero at the same time, sinasabi namin ng isip ko na mali. We're friends. Matalik na kaibigan din siya ng babaeng matagal ko nang gusto. Isa pa . . . straight ako.

"I'm really sorry, Niles."

"Ang gago mo, Frame."

"Hey." Napatigil ako sa pag-iisip at nabalik sa wisyo nang maramdaman kong may tumapik sa balikat ko. Pagtingin ko, wala na si Yaz sa paligid at kami na lang ni Niles ang naiwan na magkasama. "You okay?"

"Si Yaz?"

Napakunot ang noo ko nang makita ko siyang mahina na natawa. "Siya pa rin ba?"

Napaiwas ako ng tingin sa tanong niya. Sakto namang may nag-ikot na waiter, bitbit ang iilang baso ng wine kaya mabilis akong kumuha at tinungga ito.

"It's been a while since I've seen you. Kumusta ka na?"

"Ayos lang naman," sagot ko.

Nang muli kong marinig ang mahina niyang pagtawa, napatingin ulit ako sa direksyon niya. "Hindi ka pa rin pala nagbabago. Ang hilig mo pa ring magsinungaling sa tunay mong nararamdaman."

Hindi ko alam pero parang may iba siyang gustong iparating sa huli niyang sinabi. At oo, natamaan ako. Bull's eye, e.

"So, siya pa rin nga?"

"Bigla kang nawala," pag-iiba ko ng usapan. Kung may parte sa akin na hindi pa handang kausapin siya, mas ayaw ko namang pag-usapan ang tungkol sa nararamdaman ko kay Yaz sa kaniya. Lalo na sa mismong araw pa kung kailan siya ikinasal. "Wala ka man lang pasabi o paalam na mag-a-abroad ka na pala. Kumusta ang buhay New York?"

"C'mon, Frame. Alam kong alam mo kung bakit bigla na lang akong umalis."

"Look, Niles. I'm really so---"

"Sshhh," mabilis na pagpigil niya sa sinasabi ko. "Okay na. Hindi pa ako tuluyang nakaka-move on pero ayaw ko nang makarinig pa ng isang sorry mula sa iyo."

"Niles . . ."

"You know what, Frame, wala talaga akong balak na magpunta rito, e. Lalo na nung nalaman kong ikaw nga yung kinuha nilang wedding photographer. Oo at mahigit isang taon na ang nakalipas pero ewan ko ba---ikaw pa rin talaga, e."

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kaya nanatili lang akong tahimik at hinayaan siyang magsalita.

"But don't worry. Hindi ako nagpunta rito para umamin o magtapat ulit ng nararamdaman ko sa iyo. Kasi alam kong alam mo naman na ang tungkol doon. Saka as what I've said, nagmo-move on na ako. I'm trying my best kaya. Isa pa, mukhang wala na talaga akong pag-asa kasi sa mga mata mo pa lang, alam kong siya at siya pa rin hanggang ngayon."

And after that, he left. Again.

***

Bawat salitang binitiwan ni Niles sa pag-uusap namin kanina ay talaga namang tumatak sa isipan ko. Dahil din doon kaya ako napaisip sa pagkakaibigan na meron kami.

We've met because of Yaz.

Dahil nauna silang maging magkaibigan, when Yaz and I became friends, naging magkaibigan na rin kami in an instant.

Niles has a good personality. Kaya rin siguro mabilis lang kami naging close dahil ang gaan agad ng loob ko sa kaniya. He has this charm na hihila sa iyo para maging komportable kayo sa isa't isa. As time goes by, kung saan mas lalo pa kaming naging close, aaminin ko nang unti-unti na 'kong nagkakaroon ng pagtingin sa kaniya.

Pero agad ko ring pinigilan.

Mali kasi talaga, e. Pareho kaming lalaki.

That's why when I started to have feelings for Yaz, doon ko na itinuon ang buong atensyon ko. Pero kung mamalasin ka nga naman, sa unang beses nang pag-amin ko, na-reject agad ako. At ayon ang naging dahilan kung bakit mas naging malapit pa kami ni Niles sa isa't isa. Dahil siya na ang napagsasabihan, nakakausap at nahihingan ng payo tungkol dito sa nararamdaman ko sa kaibigan niya---namin.

We became more close that I started to have weird feelings again towards him.

Pakiramdam na hindi ko lubusang maunawaan. Pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. Pakiramdam na pilit kong pinipigilan.

"Fuck! Ano ba 'tong nangyayari sa akin? Hindi pa nga ako nakaka-recover na kasal na yung babaeng matagal ko nang gusto, dumagdag pa 'to si Niles sa iniisip ko?"

Natigil ako sa pag-iisip nang mag-ring ang cell phone ko. Pagkakita ko sa pangalan ni Yaz, agad kong in-accept ang tawag.

"Napatawag ka?"

"He's leaving na."

"Ha?"

"Si Niles, 'ka ko. Pabalik na sa New York."

"Kailan?"

"Ngayon."

"Ano? Ngayon? As in ngayon mismo?"

"Yep."

"Pero anong oras na---"

"Kaya kung ako sa iyo, habulin mo na. As far as I know, hindi na ulit siya babalik dito sa Pinas. He'll be staying for good na sa NYC."

"Wait, wait. Why are you telling me this, Yaz?"

"Frame, huwag na tayong maglokohan dito. The way you stared at him kanina sa may reception, ganoon na ganoon pa rin sa kung paano mo siya tingnan mula noon. May sparks."

"Yaz, hindi kita maintindihan."

"Alam kong until now ay confused ka pa rin diyan sa nararamdaman mo. Jusko. Kaibigan kita, Frame, for how many years, kaya kilala na kita. At kung ako sa iyo, don't waste this chance anymore. Para makapag-move on ka na rin sa akin! Hahaha! Bye!"

"Teka---"

When I dialied her number, hindi na nagri-ring. At mas lalo pa akong naguluhan sa na-receive kong text sa kaniya.

Don't call me at busy na ako sa honeymoon namin. Puntahan mo na si Niles. Nandoon pa siya sa hotel room niya. 1433.

Nagta-type na ko ng reply nang may message ulit akong matanggap mula sa kaniya.

Don't forget to capture his heart! Good luck! ;)

Napapikit na lang ako sa nabasá at saka napaisip---sa mga sinabi ni Yaz, sa mga sinabi mismo ni Niles kanina, at sa isinisigaw nitong puso ko sa mga oras na 'to.

"Fuck. Bahala na!"

Mabilis na akong nagsuot ng jacket at saka kinuha ang susi ng sasakyan pagkatapos ay dali-dali na rin akong nagpunta kung saan siya naroroon. Mabuti na lang at malapit lang yung hotel sa condo na tinutuluyan ko kaya wala pang kalahating oras ay nakarating na agad ako.

Nasa tapat na ako mismo ng pinto ng hotel room niya at kakatok na sana ako nang bigla naman itong bumukas.

"Frame? What are you doing here?"

Agad kong napansin ang hawak-hawak niyang bouquet---yung bouquet na nasalo niya kanina sa may simbahan.

"Ano'ng gagawin mo diyan?"

Napatingin din siya sa hawak niya sabay sabing, "You know that I---"

"Oh, right. You don't like flowers," pagputol ko sa sinasabi niya pagkatapos ay saka ko kinuha yung bouquet. "Ako nang bahala rito."

"So, what are you doing here at this hour? And how did---wait, sinabi ni Yaz?"

Tumango ako. "She also told me na pabalik ka na rin sa New York. Actually, hindi ko rin alam bakit ako nandito ngayon, e. Pero alam mo, kasalanan mo 'to."

"What? What did I do to you?"

"Ginulo mo na naman ang puso't isipan ko."

"Frame, ano bang pinagsasabi mo?"

"Oo na. Inaamin ko na."

"Inaamin ang alin?"

"Gusto rin kita."

Napapikit pa ako matapos sambitin ang tatlong salita na iyon sa takot na makita ang reaksyon niya. Nagbilang pa ako sa isip habang hinihintay ang sasabihin niya pero lumipas na ang ilang segundo, wala pa rin akong naririnig mula sa kaniya. At sa pagdilat ko, sa pagtatama ng tingin naming dalawa, doon ko muling naramdaman ang sinabi ko kanina na sa iisang tao ko lang nararamdaman.

"Frame, mag-a-alas-dose na ng madaling araw at maaga pa flight ko. I was actually about to get some rest kaya kung ano man ang trip mo ngayon, can you pull it off tomorrow?"

"Niles, seryoso ako."

"Seryoso rin akong tigilan mo na 'yan dahil hindi nakatutuwa."

"Gusto kita," muli kong sabi. This time, I did my best para maiparamdam yung sincerity ko. "Matagal na. Pinigilan ko lang. Natakot ako, e. Naguluhan. Bago sa akin yung pakiramdam na magkagusto sa kapwa ko lalaki. Sa iyo pa na kaibigan ko."

"Bakit ngayon mo lang 'to sinasabi sa akin?"

"Kanina sa kasal, I was really heartbroken. Pero ngayon ko lang na-realize na bakâ hindi pala talaga ako yung nasasaktan kundi yung ego ko. Kasi mas pinili kong sundin yung sa tingin kong tama kaysa sa dinidikta ng puso ko---at 'yon nga ay ang mahalin si Yaz. And when she couldn't love me back, doon ako mas lalong nasaktan. And I thought, what if all these years, ikaw pala talaga? Kung hindi ko ba pinigilan yung nararamdaman ko sa iyo, hindi ko ba mararamdaman ang klase ng sakit na ito?"

Huminga ako nang malalim pagkatapos ay saka ko hinawakan ang dalawa niyang kamay. "Susubukan kong hindi na matakot. Susubukan ko nang ipaglaban 'tong nararamdaman ko para sa iyo kaya sana ay bigyan mo pa ako ng---"

Hindi ko na natapos ang gusto kong sabihin dahil bigla niya na lang akong niyakap. "You don't need to ask, Frame. Sabi ko naman sa iyo, ikaw pa rin talaga hanggang ngayon."


WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro