Kabanata 13

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Kabanata 13

Thalia Shiloah’s Pov:

Matapos ang naging pag-uusap namin ni Santi ay gumaan na ang awra ng aking kapatid ngunit tila ako naman yata ang hindi mapakali, o marapat sabihin na hindi makapag-isip ng tama.

Kasalukuyang naririto ako sa kagubatan, hinahanap ang sapa na kung saan madalas akong tumungo kapag ninanais ko ang mapag-isa, higit sa lahat kapag ninanais ng aking isipan ang makapagnilay sa aking mga gagawin.

Naupo ako sa isang nakausling sanga sa gilid ng sapa na tantiya kong kayang balansehen ang aking timbang, hindi ko ito nakita o napansin man lang noong nakaraang punta ko rito kung kaya’t marahil, may nilalang o mga nilalang ang pumunta rin dito.

Napapikit ako at dinama ko ang kakaibang kaginhawaan ng pagbaybay ng hangin at pagdampi nito sa aking mukha. Nanatili ako sa puwestong iyon ng hindi ko mawari kung ilang minuto ang tinagal. Wala pa nga sana akong balak magmulat ng aking mga mata ngunit may kakaibang halimuyak ng bulaklak ang siyang dumaan sa aking ilong.

Nagpalinga-linga ako at nang makita ko ang isang bagay na makapagtuturo sa akin ng bagay na aking naamoy ay isa lamang ang nasabi ko sa aking isipan, tama ang hinala ko.

Isang kulay pulang rosas ang naaamoy ko.

Ang rosas ay may kalayuan mula sa aking puwesto ngunit hindi ko mawari kung bakit napakalinaw nito para sa aking mga mata. Marahil dahil ito ay rosas, kahit wala itong pinaghalong kulay na asul at berde ay nasisiyahan pa rin ako na makita ang paborito kong bulaklak.

“Teka, kung hindi ako nagkakamali, malapit dito ang misteryosong kuweba,” bigla ko na lamang nasabi ang mga katagang ito sa hangin na para bang may sariling isip ang aking bibig.

Kaagad akong napatayo at hindi na nagawang mag-isip pa kung delikado ba ang magtungo sa kinaroroonan ng rosas na siyang malapit sa kuweba. Mas nangingibabaw sa akin ang kyuryusidad at ang malaman kung ano ang meron sa kuweba kaysa ang matakot at lumayo.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon at kaagad na akong naglakad patungo sa direksiyon na iyon.

Bumungad sa akin ang mas maraming rosas na kulay pula sa bukana ng kuweba na siyang mas nagpaganda at nagbigay ng kakaibang kislap sa isang kuwebang walang kaespe-espesyal.

“Hindi ko nakita ang mga rosas na ito noong huling punta ko rito, marahil ay okupado talaga ako ng aking isipan.” Marahil nga.

“Diwata? May diwata ba sa loob ng kuweba?” Agarang tanong ko ng maiapak ko na ang aking parehong paa sa loob ng kuweba.

Imbis na may sumagot sa akin ay narinig ko lamang din ang sarili kong boses na tila bumalik patungo sa akin. Tinatawag ito nila Santi at Yael bilang ‘echo’.

“Diwata?” pag-uulit ko habang dahan-dahang naglalakad patungo sa kaloob-looban ng kuweba.

Sa pagkakataon na ito ay wala pa rin sumagot sa akin kung kaya’t ipinagpatuloy ko na lamang ang aking paglalakad.

Hindi ko inaasahan ang aking mga nasaksihan sa loob ng kuweba, hindi ito ang tipo ng kuweba na inaasahan ko, hindi ang kuweba na akala ko ay purong mga paniki at kadiliman ang laman.

Isa itong kuweba na kakaiba, ibang-iba ang labas ng kuweba kung ikukumpara sa loob nito. Binabawi ko na ang aking sinabi na walang espesyal dito na kahit na ano, dahil meron pala, itong kuweba mismo.

May kama, may sala, may mga lampara kahit na may mga ilaw na, hindi ko pa nakikita ang kusina ngunit natitiyak ko na kasingganda rin ito ng mga ito.

Ang kuwebang ito ay tila kaharian na nagkukubli, nagkukubli mula sa mga mapang-api.

Ang kuweba ay hindi ko maipagkakailang disente kung tingnan, kulay pula at itim ang mga kagamitan at pinaghalong itim at puti naman ang buong paligid.

“Hindi kaya… hindi maaari,” ani ko at kaagad na naguluhan, kung kulay pula at itim ang halos lahat ng bagay sa paligid ay hindi malabong ito ang tirahan ng lalaking pangahas na iyon.

Kaagad akong nabalisa sa ideyang iyon, wala na akong sinayang na oras pa at kaagad na tumalikod upang sana ay tahakin ang daan palabas ng kuwebang ito, ngunit tila hindi na nakisama pa ang panahon sa akin ngayon.

Sa aking pagtalikod, nakita ko ng malapitan ang mga kulay kayumangging mata ng isang lalaking pangahas na hindi ko alam kung kakampi o kalaban ba.

Napalunok ako at hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin, nalintikan na, napasok ko ang pugad niya.

Matagal ang naging pagtititigan namin at ni isa sa aming dalawa ay wala man lamang nagsalita. Kapuwa ang mga mata namin ay nakatuon lamang sa mata ng bawat isa na tila ba ang unang bumitaw sa mga titig na ito ay siyang talo.

“Ikaw ba ang lalaking matagal ko nang nakikita?” hindi ko alam kung angkop ba na itanong ang bagay na iyon, subalit wala nang pumapasok pa sa aking isipan.

Hindi siya sumagot bagkus ay patuloy lamang siya sa pagtitig sa aking mga mata. Inihanda ko ang aking sandata, ang aking sibat, kahit na hindi sinasadyang napasok ko ang pugad niya ay kinakailangan ko pa rin ang mag-ingat, hindi ko siya kilala,

“Bakit ka nagdala ng isang obra sa aking tahanan? Paano napasok iyon sa aking kuwarto?” ani ko, ngunit hindi pa rin siya sumagot.

Nag-isip ako ng paraan upang makaalis dito, baka mamaya kapag nagtagal pa ako rito ay magtawag na siya ng kaniyang mga kasama at paslangin na lamang ako rito.

Tila naglalaro kami dahil sa pag-iikutan na aming ginagawa, sinimulan ko ang pag-ikot upang siya ay mapunta sa puwesto ko at ako naman ang mapunta sa puwesto niya. Sa ganitong paraan ay mas mapadadali ang aking pag-alis sa lugar na ito.

“Bakit sinusundan mo ako? Saan man ako magpunta ay nakikita kita, bakit?” Sa ikatlong pagkakataon ay muli akong napatanong ngunit, para rin sa ikatlong pagkakataon hindi siya tumugon. Nanatiling nakatingin ang maamong mga mata niya sa akin.

Nakapangigigil! Hindi ko mabasa ang mga mata niya.

Handa na sana akong gamitin ang aking kapangyarihan, ang espesyal na katangian na hindi makikita ninuman subalit, ako ay natigilan, natigilan dahil hindi inaasahan ang sumunod niyang ginawa.

Naglabas siya ng pana at isang palaso, anong binabalak niya? Balak niya na ba akong patayin?

Hindi kaagad ako nakakilos subalit, nakahanda ang aking sibat.

Wala sa amin ang umaatake hanggang sa binitiwan niya na lamang ang pana na naging dahilan upang palaso ay dumaan sa akin, dumaan? Hindi tumama sa akin?

Nagtataka ang aking mga mata nang mapatingin ito sa kaniya, ano’t hindi ito tumama sa akin? Bakit dumaan lamang ito sa aking kaliwang pisngi?

Nang tingnan ko ang aking likuran ay doon ko nakita kung bakit dumaan lamang sa akin ang palaso at hindi ako ang natamaan nito, iyon pala ay dahil sa isang itim na ibon.

Isang itim na ibon na kasalukuyang nakahandusay malapit sa aking paanan.

Muli akong napatingin sa kaniya na nanlalaki ang mga mata bago sabihin ang mga katagang hindi ko alam kung saan nanggaling.

“Kakampi ka ba talaga o nagpapanggap lamang na kakampi?”

Do not plagiarize.
                                                 
-BCG-
All rights reserved 2023.
                             

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro