Kabanata 18

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Kabanata 18

Thalia Shiloah’s POV: 

Ang araw na ito ay masasabi ko na isa sa mga araw na aking pinakahihintay. Ang araw na ito ay ang simula ng isang panibagong kabanata sa aking buhay, na paniguradong paglalaanan ko ng aking sipag at tiyaga upang lumago, makilala at bisitahin ng marami. Ang silid-aklatan na siyang aking nais ipagawa ay sa wakas, maisasakatuparan na sa araw na ito.

Isang bagay na naman sa aking ‘bucket list’ ang siyang aking matutupad. Hindi pa man nga tapos ang silid-aklatan at bibili pa lamang kami ng mga materyales, ay hindi ko pa rin maiwasan ay makaramdam ng galak sa aking puso, dahil paiguradong ang silid-aklatan na ito ay siyang aking makasasama kapag ako ay nag-iisa.

Humarap ako sa salamin at pinakatitigan ang sarili. Hindi ko maipagkakaila habang tinitingnan ang sariling repleksiyon sa salamin na para bang isa akong bulaklak na namumukadkad, isang bulaklak na mayabong at masagana.

Hindi ko man lubos maisip, subalit maaaring hindi lang ito dahil sa silid-aklatan, kundi maaaring ang misteryosong lalaking iyon sa kuweba ay kasama sa kadahilalan na ito. Iyon nga lamang ay hindi ko mabibisita ang lalaki sa araw na ito, paniguradong hindi niya rin naman iyon pagtutuunan ng pansin dahil kagaya ko, hindi niya rin naman ako lubusang kilala.

Suot ko ang kasuotan na karaniwang suot ko, ang bestida na may pinaghalong kulay ng asul at berde. Ewan ko ba, ito kaagad ang hinanap ng aking mga mata sa aparador kahit na pinaliligiran ito ng mga bestida at mga damit na kay gaganda rin.

“Kay bango naman po ng inyong niluluto aling Lucia,” bati ko sa matanda, isang pananalita na ang ibig lamang sabihin ay pagbati ko para sa isang magandang umaga.

“Magandang umaga rin sa iyo senyorita, tamang-tama, may tsaa ako rito na inahanda.” Isang pinong ngiti lamang ang naging sagot ko sa kaniya bago ko kunin ang kaniyang itinurong tsaa.

Malinamnam, angkop para sa isang kasiya-siyang umaga na ito.

“Kay ganda naman ng iyong bestida at—,” bago pa man siya matapos ang kaniyang sasabihin ay napahawak na kaagad siya sa kaniyang bibig at nagpalinga-linga na siyang aking ikinangiti.

“Senyorita,” pagpapatuloy sa dapat na sinabi niya kanina. Hindi lahat ng nilalang dito ay katulad namin kung mag-isip, baka mamaya ay sabihin na hindi marunong gumalang si Marceline dahil ‘ate’ ang itinatawag niya sa akin imbis na senyorita.

“Huwag kang mag-alala, ibibili kita,” aniko bago sumenyas sa kaniya na huwag lamang siyang maingay. Iniwan ko ang batang si Marceline na malaki ang ngiti sa labi bago tuluyang tumungo sa hapag upang sumabay kumain sa aking mga magulang.

“Nabalitaan ko na ngayon kayo magsisimula sa paggawa ng iyong silid-aklatan, ikinagagalak ko ang mga ginagawa mo ngayon Thalia,” isang simpleng ngiti ang isinagot ko sa aking ina bago ipaghila ang sarili ng upuan at makisalo sa kanila sa pagkain.

“Pasensiya na kung hindi kami makasasama sa iyo sa unang araw mo sa pagsasakatuparan mo ng iyong silid-aklatan. Siguro ay sa susunod ay maaari kayong makabisita.” Sa ikalawang pagkakataon ay isang maliit na ngiti rin lang ang siyang isinagot ko sa aking ama.

Hindi naman sa ayaw ko na naririto sila subalit, mas gusto ko na nag-iisa o ‘di kaya ay si Santi o Yael lamang ang kasama. Ayaw ko nang pahabain pa ang usapan kung kaya’t sa tuwina ay isang matipid na ngiti ang siyang laging iginagawad ko.

“Ama, ina, mauna na po ako sa inyo.” Hindi ko na pinahaba pa ang aking sinabi, hindi rin naman naging mahirap kausap ang aking mga magulang dahil kapuwa pareho na lamang silang tumango sa akin. Baka iniisip na mas mainam na umalis na ako upang sa gayon ay makisalamuha na ako ng mga tao.

“Sa katabi po ng Bloom Kitchen,” nakuha kaagad ng kutsero ang lugar na aking sinabi dahil sa titulo nito. Likas na kilala ang lugar na ito dahil bukod sa ang apat na fairy Godmother ang namamahala rito ay masasarap din ang mga putahe at inumin na kanilang inihanda. Kung hindi rin ako nagkakamali, ang Bloom Kitchen na ngalan ng kanilang kainan ay nagmula sa magkakapatid na Arthur-Añonuevo, kasama na rin pati ang ibang mga pagkain na siyang binabalik-balikan ng mga diwata rito.

“Narito na po tayo senyorita,” aniya. Nag-abot lamang ako sa kutsero ng dalawang pilak, na siyang ayaw pa sana nitong tanggapin dahil dalawang bronse lamang daw ang kailangan, sobra raw ang dalawang pilak, ngunit wala siyang nagawa nang ngumiti lamang ako at iwanan na siya sa kaniyang kinatatayuan.

“Camelia, Marigold, asan na ba kayo? May mga diwatang bumibili!” Hindi ko maiwasana ng matawa dahil sa sigaw ni fairy Godmother Dahlia, ang panganay sa kanilang apat. Mukhang imbis na magalit ang mga diwata sa kanilang mga bangayan ay tila natutuwa pa ang mga ito.

“Marigold tantanan mo ang ginagawa kong kasuotan!” buong lakas na sigaw ni fairy Godmother Camelia sa kapatid. Napailing na lamang ako.

“Magandang umaga po, ipaaalam ko lang po sana sa inyo na magtatayo ako sa katabi ng Bloom Kitchen ng aking silid-aklatan,” napatigil sa bangayan ang magkakapatid at kaagad na nagsipaglapit sa akin.

“Silid-aklatan? Paniguradong kasiya-siya ang iyong mga libro,” saad ni fairy Godmother Lavender. Ngumiti ako sa itinuran niya bago tumingin sa kaniyang mga kapatid na kanina pa pala nakatingin sa akin gamit ang kanilang mga matang nagniningning.

“Libro? Mukhang matatagalan bago matapos ang mga damit na ginagawa ko kapag may silid-aklatan na,” muli akong napangiti sa sinabi ni fairy Godmother Camelia, kung gayon ay mahilig din pala siya sa libro.

“Amoy ng libro ang gusto ko, hindi ang libro, pero mukhang mas marami ang magiging kita natin kapag natapos na ang silid-aklatan!” Sa itinuran ni fairy Godmother Marigold ako biglang natawa. Sana ay ilibre nila ako ng pagkain paminsan-minsan.

“Huwag ninyo nang guluhin ang bata, magsipagbalik kayo sa inyong ginagawa,” saad ni fairy Godmother Dahlia bago ibaling sa akin ang tingin. Narinig ko pa ang mga pagdabog ni fairy Godmother Marigold habang pasimpleng umirap naman si fairy Godmother Camelia sa kapatid. Napakasaya nilang pagmasdan.

“Kung kinakailangan mo ng tulong ay huwag kang mahihiyang magsabi sa amin. Napakaganda mong dalaga at mukhang napakatalino rin, sana ganoon din sa pag-ibig,” aniya bago haplusin ang aking buhok at humagikhik. Nagpaalam na rin ito kaagad sa akin dahil dumarami na ang mga kumakain.

“Sana nga po, sana nga po ay matalino rin ako sa pag-ibig,” aniko habang nakatanaw sa magkakapatid.

Hindi naiwasan at bigla na lamang sumagi sa aking isipan ang isang lalaki na siyang iwinaksi ko rin naman kaagad, napakalayong mangyari. Hindi ko kilala ang lalaking iyon at ganoon din siya sa akin.

Tinanaw ko ang lupang pagtatayuan ng aking silid-aklatan bago tumingin sa mga diwatang gagawa nito ng may ngiti sa aking mga labi.

Hindi magtatagal at ang aking silid-aklatan ay dadayuhin din ng mga diwata, isang araw ay magkakaroon ito ng ngalan at ito’y magiging tanyag din.

Do not plagiarize.
                                                 
-BCG-
All rights reserved 2023.
                             

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro