Kabanata 35

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Kabanata 35

Thalia Shiloah’s POV:

Hindi pa man nga ako tuluyang nagigising, ay buhay na buhay naman na ang aking diwa. Hindi ko alam, ngunit parang may kakaiba, hindi ko alam kung saan, marahil, ay sa paligid. Marahil nga.

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, at doon tumambad sa akin ang paligid na kulay itim, subalit sa bukana nito, ay nakikita ko roon ang liwanag na nagniningning, na siyang natitiyak ko, na nagmumula sa pagsikat ng umaga.

“Pagsikat ng umaga?” hindi mawaring tanong ko sa aking sarili.

Nanlaki ang aking mga mata, roon ko lamang napagtanto ang lahat, doon ko lamang muling naalala, at pumasok sa aking isipan ang mga nangyari kahapon.

“Hindi maaari, umaga na, kailangan ko ng umalis,” aniko. Dahan-dahan akong tumayo mula sa aking pagkakahiga rito sa loob ng kuweba. Iginala ko ang aking paningin, at doon tumambad sa akin si Donovan na nasa isang gilid, naka-upo, at nakasandal sa malamig na kuwebang ito.

Ngumiti ako, ngunit hindi na ako nag-abala pa na lumapit o magpaalam man lang sa kaniya. Ipinagpapasalamat ko na, sa kahit ganitong mga oras, ay hindi niya ako pinabayaan, bagkus, ay ipinakita niya pa rin ang kaniyang natatanging respeto para sa akin.

Hindi na nga ako nagtagal pa sa loob ng kuweba, kaagad ko nang tinahak ang daan papalabas ng tahanan ni Donovan. Kailangan ko ng maka-uwi, sa mas lalong madaling panahon.

Habang ginagamit ko ang aking kapangyarihan sa pagtakbo patungo sa aming tahanan, ay ipinagdarasal ko na sana, sana ay wala pa ang aking mga magulang, upang hindi ako kagalitan, at upang ang pangyayari na ito, ay akin na malusutan.

Dahan-dahan ang ginawa kong paglakad papasok sa kaharian, sa likod ako ng kaharian dumaan, upang hindi ako mahuli. Ang pinto sa likod ng kaharian, ay ginagamit lamang sa mga oras na lubusan itong kinakailangan. Sana, sana hindi ako mahuli.

Napapikit ako, at napabuntong hininga ng aking makita na walang sinuman ang naririto sa likod, walang nagbabantay, walang diwata, wala sa akin nakakita.

Handa na sana akong maglakad patungo sa ikalawang palapag ng kaharian, kung saan naroroon ang aking silid, ngunit sa isang iglap, bigla akong napatigil, bigla akong napalingon sa nagsalita. Wala akong ibang nagawa, kundi ang tila maparalisa sa aking kinatatayuan, natameme ako, at tila nawalan ng pag-asa na maalis o takasan pa ang sitwasyon ngayon.

“Saan. ka. nanggaling. Thalia. Shiloah. Fern-Ambers.” May diin sa kaniyang mga salita na bigkas ng aking ina.

“S-sa, s-sa—,” nakayukong saad ko. Hindi ko alam kung dapat ko ba na sabihin na sa kagubatan ako nagtungo, dahil alam kong mahihirapan si Donovan, kung sakali na ipahanap siya ng aking mga magulang. Siya lamang ang inaalala ko, alam kong may pagdududa pa siya sa kaniyang sarili, ayaw ko na mas lalong dumami pa ito.

“Thalia, bakit hindi ka makasagot? Magsabi ka ng totoo!” pasigaw na saad ng aking ina.

Nanatili akong nakayuko, ngunit napatingin ako kay Santiago, humihingi ng tulong, tulong sa kung ano ba ang dapat kong gawin sa mga oras na ito. Wala akong nakuhang sagot sa aking kapatid, maliban sa kaniyang simpleng pagtango, habang may tila ‘awa’ akong nakikita sa kaniyang mga mata.

“Thalia, anak, sabihin mo na lang sa amin ang totoo,” malumanay na paki-usap sa akin ng aking ama. Alam ko po, sa mga oras na ito, ay wala na rin naman akong magagawa. Nahuli na ako, at alam kong gigisahin pa.

“Nanggaling po ako sa aking nobyo, hindi ko po namalayan ang pagdaan ng oras. Nakatulog po ako sa kaniyang tahanan, doon po ako namalagi sa gabi na nagdaan,” aniko, habang ang mga mata, ay nakadirekta sa aking ina. Pinakatitigan siya, upang malaman niya na ang nag-iisang anak niyang babae, ay hindi  nagsisinungaling.

“Ano kamo ang sinabi mo? May nobyo ka? Kailan ka pa natutong magtago sa amin?” sunod-sunod na tanong ng aking ina, tila may kirot sa kaniyang boses, kahit na pasigaw pa rin niya kung sabihin ang mga kataga na iyon.

Naging sunod-sunod din ang naging pag-iyak ko, wala na akong balak na magsalita pa. Ako na ang mali, at sa mata ng aking ina, ng aking mga magulang ako na ang magiging mali, palagi.

“Thalia! Sumagot ka!” aniya, bago manlaki ang aking mga mata, at lalong bumilis ang pagtulo ng mga luha, na tila nag-uunahan pa ata. Hindi ko na alam pa ang sunod na mga nangyari, naramdaman ko na lang ang paglagapak ng aking kaliwang pisngi, nagpapatunay, isang katibayan, na ang reyna ng kaharian ng element ng tubig, ay sinampal ang kaniyang anak.

“Sabihin mo nga sa amin, ano ang naging pagkukulang namin? Saan kami nagkulang sayo? Saan?” Naiiyak na saad ng aking ina, ngunit naroroon pa rin ang sigaw niya, na hindi na ata mawawala pa.

Imbis na sumagot, ay tumingin ako kay Santi, at sa aking ama, na parehong nag-iwas sa akin ng tingin, na mas lalong nagpabigat ng aking damdamin, kung kaya’t mas lalo akong tumangis. Hindi nila kayang sumabat sa aking ina, alam kong mali ang aking ginawa, ngunit hindi ko alam na kailangan pa pala na saktan ako, para lamang na matawag ang kanilang mga sarili na ulirang mga magulang.

Napangiti na lamang ako ng mapait, wala na akong magagawa, ama ko nga walang magawa. Ito nga ata talaga ang dapat kong sinapit. 

Saan nga ba sila nagkulang? Gusto kong sabihin na sa lahat, gusto kong sabihin na wala naman talaga silang nagawa para sa akin, para sa amin ni Santi. Ang tanging nasa isip lang nila, ay ako ang susunod na magiging reyna ng kaharian na ito, kaya siguro, pinili nila akong pakainin, at bihisan.

Ni minsan, hindi ako nakaramdam ng pagkalinga mula sa kanila, hindi ko nga alam kung nakaramdam ba ako ng pagmamahal.  Magulang ko sila, pero parang wala rin naman akong magulang, dahil hindi ko naman madama.

“Simula sa araw na ito, hindi ka maaaring lumabas, may mga kawal na magbabantay sayo. Ikaw ang susunod na reyna, mag-isip ka naman,” aniya ng aking ina, bago ko marinig ang yapak ng kaniyang mga paa na paalis dito sa aking kinatatayuan.

Doon na nga, nanghina ang aking mga tuhod, doon ako nawalan ng balanse, at hinayaan ang malamig na semento sa sahig na sumakop sa akin. Dinaluhan ako ni Santi, pero tinaboy ko siya. Huli na para sa pagdamay, hindi ko na kailangan ng tagapagtanggol.

Naglakad ako patungo sa aking kuwarto, walang mga sapin sa paa. Nahihirapan na rin akong maka-aninag dahil sa mga tumutulo na luha.

Siguro nga, siguro kaya ako naghanap ng pagmamahal dahil hindi ko nakuha iyon sa kanila.

Tanging si Donovan, tanging siya lang, siya ang natatanging nilalang na nagparamdam sa akin na kamahal-mahal pa pala ako.

Do not plagiarize.
                                                 
-BCG-
All rights reserved 2023.
                             

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro