Kabanata 43

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Trigger Warning:  This chapter contains some hate speech, do not proceed if you think that this may affect your metal health.

Kabanata 43

Thalia Shiloah’s POV:

Kailangan kong malaman ang totoo. Kailangan kong mahanap ang kasagutan sa mga tanong ko. Hindi sa paraan na kinakailangan ko pang tanungin si Donovan mismo, kung bakit at paano niya nagawa ito. Kung sino ang babaeng itim na iyon. Hahanapin ko ang mga kasagutan sa paraang alam ko.

Hindi ko ata kayang marinig sa mismong bibig ni Donovan ang mga sagot na hinahanap ko. Alam kong masasaktan ako sa malalaman at matutuklasan ko, pinangungunahan ko man ang aking sarili, pero mas mainam na ito. Sa ngayon ay nararamdaman ko na ang sakit, kahit wala pa man.

Hindi ko mawari kung alin ang mas mainam. Ang idahan-dahan ang proseso nang pagtuklas ko sa mga kasagutan, o ang gawing isang bagsakan na lamang ang lahat? Hindi ko alam, basta, ang kinakailangan ko ay ang mahanap ang lahat ng sagot, dahil sa huli, tanga pa rin naman ako.

Isang matalinong diwata raw, na tila nagpakatanga sa isang pag-ibig.

“Donovan, magpapaalam sana ako. Aalis lang muna ako saglit, kukuha ng ilang mga tuyong dahon, sanga, o iba pang mga bagay, basta may mapagkaabalahan man lang ako,” aniko habang nakapinta sa aking labi ang isang ngiti.

Ano man na ngiti ang ilagay ko sa aking labi, ay tiyak na hindi nito matatakpan ang kakaibang lungkot na nakakubli sa mga ngiting ito.

Akala ko ay mahahalata niya, akala ko ay matutukoy niya, akala ko ay malalaman niya na ang nobya niya, ay tila may dinaramdam, subalit nagkamali ako. Maling-mali ako sa pag-aakalang madarama niya na tila may kakaiba, na tila may nag-iba.

Imbis na sabihin na sasamahan na lamang niya ako, na hindi niya ako hahayan na maging mag-isa sa kakahuyan. Imbis na gawin niya ang mga bagay na inaakala ko, ay taliwas ito sa kaniyang mga ikinilos.

Walang bahid nang pag-aalinlangan niyang sinabi ang mga katagang tila ayaw ata i-proseso ng utak ko. Ayaw kong buksan ang aking mga tenga upang pakinggan ang kaniyang mga binibitiwan na mga salita.

“Sige, gawin mo ang iyong nais, ang kabayo ay nasa labas,” aniya.

Tumango na lamang ako, at tumalikod na kaagad bago pa man niya makita ang mga mata kong may butil ng mga luha na.

Hindi na ako nagsayang ng aking panahon at oras, kaagad ko nang tinahak ang daan patungo sa aming kaharian. Ginamit ko ang espesyal na kapangyarihan ng mga diwata na may kapangyarihan ng elemento ng tubig, ang kakayahan na hindi makita ng mga nilalang.

Bumungad sa akin ang mga naging pagbati ng mga kawal at mga diwata sa labas, na kaagad kong hindi pinansin. Nagmamadali ako, at ang tanging nasa isipan ko lamang ngayon, ay ang makakuha ng mga sagot. Iyon lamang at wala nang iba.

May ilan pang mga diwata ang yumuyukod at nagbibigay galang, ngunit imbis na gantihan ang kanilang mga pagbati at ginagawa, ay isinawalang bahala ko lamang ang lahat ng ito.

Tila wala akong nakasasalubong dahil dere-dertso ang naging paglakad ko, kahit na may iilan na mga diwata na ako na muntikan makabangga. Hindi man buhay ang aking utak para sa mga kaganapan na ito, ay buhay naman ang aking katawan. Kung kaya’y alam ko na ang mga diwata na lamang ang siyang nagbibigay daan sa akin, dahil hindi nila malaman kung ano ba ang nangyayari sa dapat ay susunod nilang reyna.

“Mahabaging mga diwata! Narito si Prinsesa Thalia!” aniya ni Godmother Dahlia. Ngayon ko lamang napansin na naririto pala ang lahat ng Godmothers, maging ang aking mga magulang, at ang aking kapatid din ay naririto. Tila ba ay hinihintay ang aking pagdating.

“Nais kong malam-,” hindi ko na natapos pa ang mga salitang nais kong bitiwan, ng sa isang iglap ay makaramdam ako ng isang malamig na palad na dumapo sa aking kanang pisngi.

Imbis na magalit, matuwa, o malungkot ako na siyang nakasanayan ko kapag gagawin ni ina ang mga bagay na tulad nito, ay hindi ko ginawa. Bagkus, nanatiling walang ekspresyon ang aking mukha na siyang alam kong ikinagulat ng aking ina, hindi man niya ito sabihin.

Hindi ako nasindak sa ginawa ng ina, dahan-dahan pa akong naglakad papalapit sa kaniya, at saka binitiwan ang mga salitang kailanman ay hindi ko inaasahan na masasabi ko sa aking ina ng harap-harapan.

Itinagilid ko ang aking ulo, ipinakikita sa aking ina ang aking pisngi. Binibigyan siya ng permiso na sampalin ako, ilang ulit man niya naisin.

“Sasampalin mo po ako? Gawin mo lang. Dahil kahit ano pa man ang gawin mo sa akin sa mga oras na ito, ay hindi na-uubra. Nabulag na ako, nalinlang na ako, nagpakabobo na ako. Tanga na kung tanga, pero wala na po kayong magagawa.”

Walang ni isa sa kanila ang nagsalita, tila ba may dumaan na mga diwatang namayapa na sa aming pagitan. Lahat ng mata, ay nakatutok sa akin, subalit ni isa sa mga matang ito ay walang sumubok na magmasid ni minsan sa kalagayan ko.

“Ano ba ang gusto mong malaman at naparito ka? Dapat nga hindi ka na bumalik, hindi kailangan ng kaharian na ito ang katulad mo, hindi ka karapat-dapat na maging reyna,” saad ni ina.

“Ina, huwag mong pagsalitaan ng ganiyan si ate,” sabat naman ni Santi.

Gusto kong sagutin si ina, ipagtanggol ang aking sarili, ngunit hindi ko na magawa pa. Wala na akong lakas pa para makipagpalitan pa ng mga salita sa mga diwatang sarado ang utak, at kailanman ay hindi ako pakikinggan.

“Gusto ko lamang po na malaman, kung sino at ano ba ang mga Mailon,” aniko.

Sa pagkakataong ito ay mas lumakas ang nakabibinging katahimikan sa paligid. Kung kanina ay tila natameme lamang sila, ngayon naman, ay tila lahat sila ay gulat na gulat, maging si Santi. Ang mga Godmother ay nanlalaki ang mga mata. Ang mga mata nila ay nakatingin sa akin, at hindi ko maiwasan na isipin ang mga hindi kaaya-ayang posibilidad,

“Anak, bakit mo naitanong ang bagay na iyan?” tanong ni ama, na tila ngayon ko lamang naramdaman ang presensiya. Maging siya ay tila hindi makapaniwala sa apelyido na binitiwan ko.

Tiningnan ko si ama, na naging dahilan upang mahagip din ng aking mga mata ang mga diwatang naglilinis sa paligid, sila Marceline at aling Lucia ay gulat na gulat din. Tila ba may mali sa sinabi ko.

“May nais lamang po akong malaman at kumpirmahin,” maikling litanya ko.

Tumikhim si Godmother Camelia, maging ganoon din si Godmother Marigold, nag-iwas pa ito ng kaniyang tingin nang magtama ang aming mga paningin.

Walang ibang naglakas na sumagot, maliban kay Godmother Lavender na hindi ko namalayan na unti-unti na palang nakalapit sa akin.

Hinawakan nito ang aking kamay, bago siya nagwika.

“Ang mga Mailon ay siyang unang diwata sa mundong ito. Sila ang unang pamilya, unang mga diwata na siyang sinunod natin.” Ang aking mga mata ay tutok na tutok lamang sa kaniya habang siya ay nagsasalita, naghihintay sa kaniyang mga susunod na sasabihin.

Napabuntong hininga muna siya, bago siya nagpatuloy.

“Dalawa ang anak ng mga Mailon, una ay ang panganay, ang dating reynang Rhea, at ang pangalawa, ang bunso, si Raelyn.” Kasabay nang pagbigkas ni Godmother Lavender sa pangalan ng ikalawang Mailon, ay ang siyang paghangin sa paligid, at ang pagtaasan ng aking mga balahibo. Sino siya?

“Naging mapayapa ang mga kaganapan sa pamumuno ni Reyna Rhea, nagkaroon siya ng asawa, at isang supling, subalit ang kasiyahan nilang iyon, ay hindi nagtagal. Ginulo ni Raelyn ang lahat, dahil sa bunga ng inggit, nagawa niya ang mga bagay na hindi dapat niya ginawa. Pinatay niya ang sarili niyang kapatid, ang ating dating reyna. Sa pag-aakalang natapos niya na ang lahat, inagkin niya ang San Agustin, subalit hindi siya nagtagumpay, buhay ang anak ng dating reyna. Pinabagsak niya si Raelyn, at doon napagtanto ni Raelyn na hindi niya kaya ito ng mag-isa, kung kaya ay hanggang ngayon ay gumagawa siya ng paraan upang mapabagsak ang kaharian, ang itinakda. Na siyang kasalukuyan, ang ating reynang Cairine ang may hawak ng titulong itinakda.” Mahabang litanya ni Godmother Lavender.

“Buhay pa ba si Raelyn? Asan siya ngayon?” tanong ko, dahil walang nabnggit si Godmother Lavender na patay na ang kaniyang tinutukoy sa kuwento.

Imbis na sagutin ay tumingin siya kay Godmother Marigold, kung kaya’y ito ang sumagot sa akin.

“Buhay na buhay siya. Siya ang dahilan ng mga kasamaan sa San Agustin, ang mga minotaur, ang mga itim. Sa kasalukuyan, siya ay binansagan bilang babaeng itim.” Nabitiwan ko ang kamay ni Godmother Lavender na siyang nakahawak sa akin.

Nanlalaki ang aking mga mata ng ako ay mapatingin sa kanila, nanginginig ang mga kamay, at pinipilit ang mgasalita, subalit ni isang letra ay walang lumalabas sa aking bibig.

Kung gayon ay ang babaeng itim na nakita ko kanina ay isang kalaban, isang kalaban na matagal na dapat patay. Anong koneksiyon niya kay Donovan? Bakit magkayakap sila?

Sa mga oras na ito, ay wala ng iba pang makasasagot ng mga tanong ko, walang iba kundi si Donovan na lamang.

Kaagad akong tumalikod sa kaharian, sa ikalawang pagkakataon, pinili ko si Donovan laban sa pamilya ko.

Narinig ko pa ang mga boses na tumatawag sa akin, na siyang pinangungunahan ni Godmother Camelia. Kinakailangan kong bumalik sa kuweba. Kinakailangan kong magtanong kay Donovan, kailangan kong malinawan. Walang ibang makagagawa noon kundi siya, at siya lamang.

Ang kaninang paglalakad na aking ginawa, ay nagsimula na maging mistulang takbo. Donovan, sa lahat ng panahon na nagdaan, na sayo pala ang kasagutan.

Do not plagiarize.
                                                 
-BCG-
All rights reserved 2023.
                             

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro