Kabanata 8

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Kabanata 8

Thalia Shiloah’s Pov:

Naalimpungatan ako hindi dahil sa sikat ng araw kundi dahil sa ingay na nagmumula sa ibaba. Bago bumangon at mag-ayos ng aking sarili maging ng aking pinaghigaan ay nag-inat muna ako ng aking magkabilang braso dahil tila namanhid pa ata ito mula sa aking pagtulog. Habang kumukuha ako ng damit sa aking lalagyan ay hindi naiwasan ng aking mga mata ang mapatingin sa bintana. Base sa aking nakikita ay mukhang maaga pa, alas-singko y media pa lamang ata at heto ako, maliligo na.

Napili ko ang isang kulay balat na pantalon na saktong-sakto sa akin na siyang kadalasan na ginagamit ko rin at pinaresan ko ito ng isang kulay puting pang-itaas na walang anumang kadise-disenyo. Para saan pa ang disensyo kung mag-eensayo naman ako?

Hindi rin naman nagtagal ay natapos na ako sa aking pagligo at pagbihis. Nagawa kong painitin ang tubig dahil sa aking kapangyarihan kung kaya’t walang naging problema sa aking pagligo.

Bago tuluyang bumaba ay itinirintas ko muna ang aking buhok tulad ng aking nakagawian at sinuot ko na ang aking sapatos na sa aking tingin ay bumagay din sa aking pantalon dahil sa kulay nito.

Tiningnan ko muna ang buo kong kaanyuan sa salamin at nang mapagtanto ko na maayos na ito, ay hindi na ako nagdalawang-isip pa na bumaba upang malaman ko kung sino ba ang mga bisita na nasa ibaba. Bago ko pa tuluyang makalimutan ang aking sibat ay akin muna itong nilinisan at saka ko tuluyang tinahak ang daan pababa ng hagdan.

“Oh oh, ikaw ba ‘yan ate?” tinaasan ko ng isang kilay si Santiago dahil sa kaniyang naging bati ng tuluyan na akong makababa.

“Anong problema sa suot ko at hinahagod mo ako ng tingin?” agaran kong tanong bago bumaling sa mga bisita at ngumiti upang malaman nila na sila ay malugod na tinatanggap sa aming kaharian.

“Don’t mind him ate, he just can’t accept the fact that your beautiful,” imbis na intindihin ang naging komento ni Yael na siyang lagi ko naman nang naririnig ay ibinaling ko ang aking tingin sa aming mga bisita. Walang iba kundi ang mga Arthur-Anonuevo.

“Pinakain na ba kayo ng dalawang ito? Pasensiya kung hindi niyo naabutan ang aming mga magulang, may inaasikaso lamang,” ani ko. Kadalasan naman na nangyayari na wala ang aming mga magulang kapag ganitong may mga bisita kami, kung hindi ako ay si Santi ang mag-aasikaso sa mga ito.

“Ah, opo, pinakain naman na ho nila kami,” ani ng isang babae na hindi nalalayo ang tangkad sa akin, kung hindi ako nagkakamali ay siya ang nobya ng aking kapatid. Nakatutuwang isipin na may pumatol sa kaniya, palibhasa ay dinadaan sa kaniyang buhok na kayumanggi ang kulay.

“Kung wala naman kayong gagawin ay maaari kayong sumama sa akin, mag-eensayo ako sa kakahuyan,” dahil sa sinabi ko ay nagkatinginan ang magkakapatid, lalo na ang isang babae na kasing tangkad ko naman at ang lalaking base sa hitsura ay ang panganay sa kanila. Marahil sila ang kinukuwento sa akin ng dalawa na ang ngalan daw ay Xaviera at Lucian.

“Hindi ba’t mukhang delikado? Kakahuyan?” ani ng babaeng may kaunting kulay asul sa kaniyang buhok, si Xaviera.

“Para saan pa’t may mga kapangyarihan kayo? Kami? Para saan pa at mag-eensayo tayo kung paiiralin din naman natin sa ating mga puso ang takot at pangamba?” Kita ko sa kanilang mga mata ang pag-aalinlangan, subalit kalaunan ay napunta rin kami rito, sa kakahuyan.

“Dito ako madalas mag-ensayo, bihira ang mga diwata maging ang mga hayop kung kaya’t taimtim ang pag-eensayo natin dito, walang manggagambala sa atin,” saad ko bago ibinababa ang maliit na basket kung saan doon nakalagay ang aking tubig at kaunting tinapay. Dinamihan ko na rin upang mabigyan ko rin sila.
“Mukha nga, kahit hangin ay dinig na dinig ko,” sagot ng isa pa nilang kapatid, si Leo. Base sa kaniyang hitsura ay hindi siya palasalita ngunit mukhang mapagkakatiwalaan. Mga kagaya niyang nilalang ang marapat na pakaingatan.

“Yael, Santi, kayo na munang bahala sa kanila, tutungo lang ako roon,” ani ko at tinanguan lamang ako ni Yael habang si Santi ay pinaalalahan lamang ako na mag-ingat.

Hindi nagtagal ay naabot ko na ang maliit na sapa kung saan madalas akong magpahinga kapag napapagod ako sa aking pag-eensayo, kadalasan din na puntahan ko sa tuwing malalim ang aking mga iniisip.

Imbis na mag-ensayo ay umupo ako sa sapa at ibinaba ang sibat na aking dala, ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaan ang hangin na dalhin ang aking buhok sa kung saan. Wala akong naririnig na iba maliban sa hindi gaanong kalamig na hangin na siyang tumatama sa aking mukha. Ang sarap sa pakiramdam tila wala akong problemang iniisip, wala pa sana akong balak na tumayo at imulat ang aking mga mata, ngunit nakaramdam ako ng isang pamilyar na pakiramdam. Isang pakiramdam na palagian kong nadarama lalo na kapag-pinagmamasdan ako.

Kaagad akong tumayo at inihanda ko ang aking sibat sa mga posibleng mangyari, nagpalinga-linga ako at ng aking makita na wala naming kakaiba ay binalak ko nang bumalik. Subalit bago pa ako tuluyang makabalik ay nahagip ng paningin ko ang isang kuweba na hindi ganoon kalayo ang distansiya mula rito sa sapa.

“Kailan pa nagkaroon ng kuweba roon?” tanong ko sa aking sarili. Siguro nga dahil sa palaging okupado ang aking isipan ay hindi ko na mawari pa ang mga bagay na nangyayari sa aking paligid.

Dahil sa kyuryusidad ay hindi ko na naiwasan pa at sinimulan ko nang lakarin ang daan patungo sa kuwebang tila nagpapabilis sa tibok ng aking puso.

Ang aking sibat ay nakahanda lamang sa aking tagiliran at mahigpit ang aking hawak dito, hindi ko nasisiguro kung anong madaratnan ko sa loob kung kaya’t mas mabuti na ang mag-ingat, kahit na pinaiiral ang kyuryusidad.

Kaunting hakbang na lang at matutungo ko na ang loob ng kuweba ngunit bago pa ako tuluyang makapasok sa loob ay narinig ko na ang mga boses nina Santi at Yael na tila hinahanap ako.

“Ate, asan ka?”

“Ate Thalia!”

Bago ko tuluyang lisanin ang kuweba ay tiningnan ko muna ito ng ilang saglit at saka tumalikod. Alam ko hindi ito ang huling beses na tutungo ako rito, babalik at babalik ako rito dahil tila may kakaiba sa kuwebang iyon.

Habang tinatahak ang daan pabalik sa aking mga kasama ay hindi ko maiwasan ang pagbilis ng tibok ng aking puso, hindi sa kaba at mas lalong hindi sa takot, ngunit hindi ko alam ang dahilan. Isa lang ang nasisiguro ko, isa itong pamilyar na pakiramdam, pamilyar na pakiramdam sa tuwing ako ay pinagmamasdan.

Do not plagiarize.
                                                 
-BCG-
All rights reserved 2023.
                             

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro