Kabanata 1: Sa Gitna ng Madla

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 1] 

"MALIGAYANG KAARAWAN!" sunod-sunod na bati ng mga panauhin habang masayang sinasalubong at bumabati sa dalagitang nagdiriwang ng kaniyang ika-labinlimang kaarawan. Simple lang ang handaan na dinaluhan ng malalapit na kaibigan at kamag-anak ng pamilya De Avila at Gonzalez.

Ang pamilya De Avila ay tanyag sa bayan ng Sariaya. Ang mag-asawang sina Don Epifanio at Doña Marcela ay ginagalang ng lahat. Sila ay may siyam na anak na sina:

Maria Remedios De Avila

Maria Segunda De Avila

Jose Feliciano De Avila

Jose Jacinto De Avila

Maria Socorro De Avila

Jose Agustino De Avila

Maria Leonora De Avila

Maria Amor De Avila

Jose Concordio De Avila

Napapalibutan ng palamuting mga bulaklak ang bulwagan. Nakahain sa gitnang mesa ang samu't saring handa na paborito ni Leonora. Hiniling niya sa kaniyang ama't ina na hangga't maaari ay simple lang ang gawing pagdiriwang ng kaniyang kaarawan bagama't taliwas iyon sa nais mangyari ng mag-asawang De Avila dahil nais nilang ipagmalaki ang anak na nagsisimulang maging tanyag lalo na sa angking ganda, husay sa pagpipinta, at taglay nitong puso at kilos na dalisay.

Sinasalubong ng masayang indak ng musika ang lahat na pinangunguhan ni Agustino sa pagtugtog ng piyano. Kasama niya ang dalawang manunugtog na siyang bahala sa biyolin at trumpeta.

Pinalilibutan ng mga dalaga at doña si Leonora habang nakakakapit sa braso ng kaniyang ina. Nakatayo sila malapit sa bintana, hindi mapigilang mapangiti ng mga kababaihan sa gandang kanilang napagmamasdan. Habang ang ilan namang may inggit at nakukulangan sa sarili ay nakatayo sa kabilang bintana kasama ang iba pang mga panauhin.

Kulay asul at puting baro't saya ang suot ni Leonora na napalalamutian ng mga perlas. Suot niya rin ang pilak na payneta na regalo ng kaniyang ama. Binabalik niya ang mga ngiti at papuri ng mga bisita kasabay ng hiya na kaniyang nararamdaman subalit ang hiya na iyon ay nagdudulot ng kagalakan sa kaniyang puso. "Marahil ay isang anghel sa lupa ang anak mong ito," puri ng isa.

"Aking namamalas sa kaniya ang iyong kabataan, Marcela. Si Leonora ay tunay na nagmana sa 'yo."

"Hindi na ako magugulat kung ikaw ay makapag-asawa ng prinsipe. Ang mga tulad mo ay sadyang nababagay sa palasyo." Wika ng isang Doña.

Nagpatuloy din sa pagtatakbuhan sa salas hanggang kusina sina Concordio at ang mga kalaro nitong bata na kaniyang mga pinsan at kababata. Napapatigil ang ilang panauhin na muntik na nilang mabangga habang ang ilang mga nanonood sa tabi ay natutuwa sa liksi ng mga bata. Dali-daling tumakbo papalabas sina Concordio at ang kaniyang mga kalaro nang matanaw si Manang Tonya papalabas ng kusina.

Samantala, nakangiting nanonood ang mga Don at kalalakihan sa pagtugtog ni Agustino ng piyano. Makailang ulit na sinasabi ni Don Epifanio kung gaano kaseryoso si Agustino sa pag-aaral ng musika. Aakalain ng iba na ito ang may kaarawan ngayong araw dahil bukambibig ng Don si Agustino.

Nanatiling tumutugtog si Agustino na tila wala siyang naririnig na iba kundi ang musika. Dinadala siya nito sa mundo kung saan nakikita niya lamang ang sarili sa gitna ng malawak at magandang lupain habang dinarama ang sariwang hangin at magandang sikat ng araw.

Nag-uusap ang mga kalalakihan tungkol sa kanilang mga trabaho at paghawak ng salapi. Karamihan naman ay nagbabalik-tanaw sa kanilang pag-aaral at kabataan. Habang ang iba ay nagsasalaysay ng mga karanasan nila sa ibang bansa lalo na sa Europa.

Nakatanaw ang ilang mga Doña sa kinaroroonan ni Agustino. Tinatandaan ang pangalan at hitsura nito upang sa pagdating ng panahon, sa oras na maging ganap na itong binata ay maipakilala na nila ang kanilang mga babaeng anak.

Nakahalukipkip si Amor habang nakasandal sa bintana at kumakain ng dalandan. Malapit siya sa mga kababaihan na nakapalibot kina Leonora at Doña Marcela ngunit ang kaniyang atensyon at mga mata ay nakatuon sa kabilang grupo ng mga kababaihan na nagbubulungan at tila humahanga sa kapatid niyang manunugtog.

Bakas sa mukha ni Amor ang pagkainip. Kasalukuyang nasa Maynila ang mga kapatid niyang sina Socorro at Jacinto. Halos tatlong taon na ring hindi umuuwi si Feliciano na nasa Europa. Bakas sa kaniyang mukha ang matinding pagkabagot, hindi niya magawang lumapit sa ama o kay Agustino. Wala rin naman siyang sasabihin sa kanila. Hindi rin niya nais makisali sa usapan ng mga kababaihan dahil nakatalikod ang mga ito sa kaniya. Umupo na lamang siya sa tabi ni Remedios na nakaupo sa mahabang salas habang pinapatulog ang anak.

"Hindi siya makakatulog dito, ate." Wika ni Amor ngunit ngumiti lamang si Remedios. Batid niyang mas makabubuti kung iaakyat niya sa kwarto ang anak ngunit hindi niya nais mawala sa pagdiriwang at mawala sa kaniyang paningin ang asawang abogado na kausap ng kaniyang ama at ng iba pang mga bisitang lalaki.

Sa kabila ng pagiging abala ng lahat, tila nakaligtaan nila na wala ang presensiya ni Segunda. Ang dalaga ay nanatili sa ikalawang palapag kung saan matatagpuan ang kaniyang silid na katabi ng puno ng kaymito. Tinutupi niya ang kaniyang mga damit at nililinis ang mga libro at mga kandila na may iba't ibang kulay. Mahilig mangolekta ng kandila si Segunda lalo na ang mga kandilang may halimuyak ng bulaklak na rosas at sampaguita.

Nagitla si Segunda nang may kumatok sa kaniyang pinto. Hindi siya nagsalita. Kanina niya pa iniisip na posibleng hanapin siya ng kaniyang mga magulang upang may ipakilala na naman sa kaniya na sa huli ay mauuwi sa pagkadismaya.

"Segunda, nariyan ka ba?" tanong ni Manang Tonya. Napapikit si Segunda. Naisip na niya magpanggap na may sakit ngunit kahapon ay nagtungo silang mag-anak sa kanilang lola at hindi niya nais gamiting dahilan iyon lalo pa't makakarating sa kaniyang lola na nagkasakit siya dahil sa dalawang oras na byahe.

Hindi niya rin nais magdulot ng pag-aalala sa lahat lalo na kung ito ay isang kasinungalingan lamang. Hindi niya nais masira ang kaarawan ni Leonora o bigyan ng dahilan ang kaniyang magulang na mahati ang atensyon nito sa mahalagang araw ng kaniyang kapatid.

"Opo, Manang. Pasok po." Tugon ni Segunda. Nais niya sanang manahimik na lang upang akalain ni Manang Tonya na walang tao sa kaniyang silid subalit kinandado niya ito dahil nababatid niyang anumang oras ay guguluhin siya ni Amor sa oras na mabagot na ito.

Tumayo si Segunda saka ngumiti sa matanda na nagtaka nang makita ang mga damit ng dalaga na nakalatag sa kama. "Ikaw'y aalis?"

Umiling si Segunda bilang tugon, "Inaayos ko lamang, Manang, ang aking mga gamit." Naglakad papasok saka tiningnan ang maayos na pagkakahelera ng makukulay na kandila at may iba't ibang hugis. Kilalang masinop si Segunda. Naging libangan nito ang paglilinis at mabusisi siya sa lahat ng kaniyang ginagawa.

Nagpatuloy si Segunda sa pagtutupi, hindi na siya nag-atubiling magsalita sapagkat nababatid niyang magtatanong na ang kanilang mayor doma, "Bakit hindi ka pa nakaayos at nakabihis? Kanina ka pa hinahanap ng iyong ina, maging ng iyong mga tiyahin at kaibigan."

Ngumiti lang si Segunda na tila ba wala siyang ibang masagot kundi ang pagngiti upang itago ang totoong nararamdaman. Wala siyang kaibigan, walang maghahanap sa kaniya. Hati rin ang kaniyang paniniwala na hinahanap siya ng kaniyang mga tiyahin, hindi rin siya malapit sa mga ito. Maaaring hinahanap siya ng kaniyang ina, ngunit hindi niya nais makipagkilala sa kung sinong magulang na may binatang anak na nais nang magpakasal.

"Tatapusin ko lang po ito. Susunod po ako sa baba mamaya," tugon niya nang hindi tumitingin kay Manang Tonya. Tinulungan siya ni Manang Tonya magtupi, "Maaari ka namang mag-utos sa ating mga kasambahay na linisin at ayusin ang iyong silid. Hindi mo kailangang gawin ito, Segunda." Paalala ng matanda. Sa magkakapatid na De Avila, si Segunda ang pinakamarunong sa gawaing bahay dahil hindi ito umaasa sa mga kasambahay. Kung minsan ay nasisita niya ito dahil tumutulong ito sa paglalaba at paghuhugas ng plato.

Hindi nakapagsalita si Segunda, hindi na niya nais pang magdahilan o magsabi ng kasinungalingan. Hindi siya sanay magsinunggaling. Bukod doon, kahit sino naman ay magtataka kung bakit sa dinami-rami ng araw ng paglilinis ay napili niya pa ang araw mismo ng kaarawan ni Leonora.

"Kayo ba ay may hidwaan ni Leonora?" tanong ni Manang Tonya. Natawa si Segunda sabay iling nang marahan. "Wala po, Manang. Kailanman ay hindi po kami nagkaroon ng hidwaan ni Leonora." Ngumiti si Manang Tonya sa sagot ni Segunda. Sa magkakapatid na De Avila, halos kasundo ni Segunda ang lahat dahil sa likas niyang pagiging maunawain at mapagparaya. Kailanman ay hindi niya nakaaway o nakatampuhan ang sinuman sa mga kapatid.

"Maaaring akalain ng ibang panauhin na hindi kayo magkasundo ni Leonora kung kaya't wala ka ngayon sa kaniyang kaarawan. Bukod doon, ano sa iyong palagay ang mararamdaman ng iyong kapatid gayong hindi ka dumalo sa kaniyang pagdiriwang?" ang mga salitang binibitiwan ni Manang Tonya ang unti-unting nagpamulat kay Segunda. Hangga't maaari ay nais niyang umiwas sa mga salo-salo, pagdiriwang, handaan, at okasyon dahil nangangahulugan ang mga iyon na kailangan niyang makihalubilo sa ibang tao.

Mas nais niyang manatili sa kaniyang silid o tanawin ang magandang tanawin sa labas ng kaniyang binata kaysa ang harapin ang samu't saring tanong ng ibang tao tungkol sa kaniyang buhay at mga plano sa hinaharap. Naroon pa ang mga tingin ng karamihan at ang pagbulong sa mga kasama nito sa oras na siya'y nasisilayan.

"Tama po kayo, Manang. Ako po'y magbibihis na," wika ni Segunda saka tumayo at pumili ng kaniyang damit mula sa mga nakalatag sa kama. Gustuhin man niyang sabihin na wala rin namang magbabago kung dadalo siya o hindi sa anumang okasyon dahil wala namang nakakapansin na nawawala siya roon.

Napatigil si Segunda nang hawakan ni Manang Tonya ang kaniyang kamay, "Ikaw ay magsabi, mayroon ka bang pinagdaraanan, hija?" tanong ng matanda. Naalala niya ang kaniyang ina na madalas din siyang tanungin kung may problema siya ngunit ang madalas niya ring naisasagot ay, "Wala po. Huwag po kayong mag-alala." Sabay ngiti.

Walang nagawa si Manang Tonya. Kailanman ay hindi nagsabi ng problema si Segunda. Ni hindi rin ito nagrereklamo hindi tulad nina Jacinto, Socorro, at Amor. Hindi mawari ni Manang Tonya kung umiiwas lang ba talaga si Segunda sa mga nirereto ng kaniyang magulang o nais lang talaga nitong mapag-isa.

"Inyong nababatid, Manang, na sumasakit ang aking ulo sa malalakas na tugtugan at ingay sa paligid. Ngunit kaya ko namang magtiis ng ilang oras para sa aking kapatid," ngiti ni Segunda. Totoo na hindi siya hiyang sa ingay at liwanag na nagdudulot ng pananakit ng kaniyang ulo na tumatagal ng ilang araw. Marahil iyon din ang dahilan kung bakit hindi na siya pinipilit pa ng kaniyang mga magulang at kapatid na magtagal sa mga pagdiriwang.

"O'siya, halika na't susuklayin ko ang iyong buhok," wika ng matanda. Umupo si Segunda sa harap ng kaniyang salamin na bihira niya lang gamitin. Halos walang bawas ang kaniyang mga kolorete na karmaihan ay bigay ni Remedios o pasalubong ni Feliciano. Hindi siya naglalagay ng kolorete sa mukha dahil napapansin niyang nangangati siya ng ilang araw pagkatapos gumamit ng isa. Bukod doon, hindi rin siya sanay makita ang sarili na may kolorete at iyon ay nagdudulot ng labis na kahihiyan sa kaniya.

Ang kaniyang mga baro't saya ay halos magkakapareho ang kulay. Puti, tsokolate, at luntian lang ang mga ito. Marami rin siyang payneta ngunit dalawa lang ang palagi niyang ginagamit. Kung kaya't ang iba ay nahingi na nina Socorro, Amor, at Nova.

At tulad ng dati, ang suot niya ay putting baro at saya na kulay luntian. Marahang sinusuklay ni Manang Tonya ang mahaba at tuwid na buhok ni Segunda. Kulay tsokolate ang buhok nito tulad ng kulay ng buhok ni Don Epifanio, Feliciano, Socorro, Agustino, at Leonora. Maging ang kaniyang mata ay kulay tsokolate subalit dahil malalim ang itim ng kaniyang mata ay hindi ito gaano kapansin-pansin.

Sa magkakapatid na De Avila, si Segunda ang pinakamaputla sa lahat. Ilang beses na rin siyang pinasuri ni Doña Marcela sa doktor subalit wala naman silang nakikitang mali sa dalaga. Bukod doon, malakas at hindi madaling madapuan ng sakit si Segunda bagay na hindi nalalaman ng kaniyang mga magulang dahil madalas magdahilan si Segunda na may sakit upang hindi makasama sa mga pagdiriwang.

Higit na kapansin-pansin kay Segunda ay ang payat na pangangatawan nito. Matangkad siya ngunit payat ang hugis ng kaniyang katawan bagay na ikipinagtataka ng ilan kung kumakain ba siya nang maayos. Madalas ding mapuna ng ilang mga matatanda ang anyo ni Segunda lalo na't nasubaybayan nila na malaman ito noong bata.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na halos nagsimula sa pagiging malusog na bata ang mga anak nina Don Epifanio at Doña Marcela. Habang lumalaki ay unti-unting humuhubog ang kanilang mga katawan. Kakaiba lamang ang kay Segunda sapagkat malaki ang kaniyang ikipanayat bagay na nagdulot din ng malaking alalahanin kay Doña Marcela.

"Kay ganda ng kulay ng iyong buhok, huwag mo itong papuputulan, hija, ha," wika ng matanda sabay ngiti sa salamin. Ngumiti at tumango si Segunda. Kung may bagay na magandang napupuna ang ibang tao sa kaniya, iyon ay ang kulay ng buhok niya lamang.

Ilang sandali pa, sabay silang napalingon sa pintuan nang bumukas ang pinto. "Sinasabi ko na nga't narito ka lang Segunda," panimula ni Doña Marcela na nakahinga rin nang maluwag nang masumpungan ang anak kasama ang mayor doma.

"Huwag kang mabahala, Doña Marcela, hinding-hindi ka tatakasan nito ni Segunda, hindi gaya ni Socorro," biro ni Manang Tonya dahilan upang matawa si Segunda at mapatingin sa ina na unti-unting nawawala ang bahid ng pag-aalala.

Magsasalita sana si Doña Marcela ngunit inunahan na siya ni Segunda dahil nababatid niyang magtatanong ito kung bakit hindi pa siya bumababa sa bulwagan. "Ina, ano na pong balita kay Socorro?"

Inayos ni Doña Marcela ang baro ng anak saka marahang kinuha sa kamay ni Manang Tonya ang suklay at ikinabit ang payneta. "Ibinigay ng iyong ama ang responsibilidad kay Jacinto, panahon na raw upang maging responsable si Jacinto," tugon ni Doña Marcela na napabuntong-hininga na lamang dahil sa desisyon ng asawa na kung minsan ay hindi niya maintindihan.

"Parehong isip-bata ang dalawang iyon. Paano niya mapapasunod si Socorro?" nag-aalalang tanong ni Manang Tonya. Napakagat sa labi si Segunda upang pigilan ang kaniyang tawa. Naglalaro na sa kaniyang isipan ang pagbabangayan nina Jacinto at Socorro.

"Ako'y nakasisiguro na susuko rin ang isa sa kanila sa loob ng isang buwan. Maaaring umuwi na rito si Socorro nang kusa o sapilitan siyang pauwiin ni Jacinto." Wika ni Doña Marcela. Gustuhin man niyang tutulan ang desisyon ng asawa ngunit nababatid niyang hindi ito makikinig. Sa huli ay sasabihin lang nito na magtiwala sa desisyon ng padre de pamilya.

Magtatanong pa sana si Manang Tonya ngunit pinatayo na ni Doña Marcela si Segunda. "Ikaw'y ngumiti anak, higit na makikita ang iyong kariktan sa tuwing ikaw ay nakangiti," wika ni Doña Marcela saka marahang hinawakan ang baba ni Segunda.

Sinubukang ngumiti ni Segunda, bihira lang siya ngumiti nang labas ang ngipin kahit pa ilang siyang sinasabihan nina Doña Marcela at Remedios na gawin iyon dahil maganda ang mapuputi at pantay-pantay niyang maliliit na ngipin.

"Sandali, hindi ka pa naglalagay ng pampakulay sa iyong labi," wika ng Doña saka hinanap sa lagayan ng kolerete ni Segunda ang pampapula ng labi ngunit wala siyang makita. "Nasaan ang iyong..."

"Ina, hindi ba't nang suriin ang ng doktor sa Maynila ay sinabi niyang iwasan ko ang kolorete sapagkat hindi iyon hiyang sa aking balat?" Paalala ni Segunda dahilan upang tumango nang tumango si Doña Marcela. "Oo nga pala, O'siya halika na't hinihintay ka na ni Leonora at ng iyong mga tiyahin." Patuloy ng ina saka kumapit sa braso ni Segunda patungo sa unang palapag ng kanilang tahanan kung saan kasalukuyang ginaganap ang pagdiriwang ng kaarawan ni Leonora.

Pababa pa lang ng hagdan ay kumakabog na ang puso ni Segunda. Idagdag pa ang maingay na musika, tawanan, at pag-uusap ng mga panauhin. Nariyan din ang sigaw ng mga batang naghahabulan sa gitna ng salas. Nakasunod sa kanila si Manang Tonya, at nang matanaw muli ni Concordio at ng ibang mga bata ang mayor doma ay kumaripas sila ng takbo palabas.

Hindi nab ago kay Segunda ang ganitong mga kaganapan sa kanilang tahanan. Maraming kaibigan ang kaniyang mga magulang. Maging ang kaniyang mga kapatid, lalo na ang mga lalaki, ay nagdadala rin ng kanilang mga kaibigan sa kanilang bahay sa tuwing may mga okasyon. Hindi rin nakakalimutang imbitahan ang pamilya De Avila sa mga salo-salo ng ibang mga kilalang pamilya. At sa dami ng mga pagtitipon na nangyayari sa bawat taon, mabibilang lang ni Segunda sa kaniyang daliri ang mga dinaluhan niyang okasyon.

Maging ang mga pagdiriwang na ginagawa sa kanilang tahanan ay mailap din siyang masumpungan dahil umaakyat na siya sa kaniyang silid sa oras na mabaling na ang atensyon ng lahat sa kani-kaniyang kausap.

Napalunok na lamang si Segunda nang matanaw ang mga tiyahin at mga babaeng nakapalibot kay Leonora. Nakaupo na sila sa gitnang bahagi ng hapag. Nagsimula na ring maghanap ng kani-kaniyang mauupuan ang mga bisita sa mahabang mesa.

Kumislap ang mga mata ni Leonora at ngumiti ito nang makita silang mag-ina, kahit papaano ay nasiyahan si Segunda sapagkat hindi ngumingiti si Leonora. Sa kanilang magkakapatid, para itong bato na hindi umiimik at strikta. Ngunit sa tuwing magkasama sila ni Leonora, para itong bata na nagagawang humilig sa kaniyang balikat kahit pa hindi sila mag-usap.

"Kay laki ng pinagbago mo, hija," wika ng isang tiyahin na pamilyar ang mukha para kay Segunda ngunit hindi niya maalala ang pangalan nito o kung kamag-anak niya ito sa ama o ina.

Pinaupo ni Doña Marcela si Segunda sa tabi ni Leonora. "Tayo'y sama-samang magdasal muna," paanyaya ni Doña Marcela na pinangunahan ang pagdadasal. Kinabahan pa sina Segunda at Amor na nag-alalang baka sila ang maatasang manguna sa pagdarasal.

Matapos ang maikling panalangin ay nagbigay na ng sunod-sunod na pagbati ang mga panauhin kay Leonora kasabay niyon ang pagsisimula ng kanilang salo-salo. Hindi nahuhuli ang pamilya De Avila pagdating sa handaan. Bagaman malalapit na kamag-anak at kakilala lamang ang imbitado, maraming putahe ang ipinahanda ni Doña Marcela para sa anak na ngayon ay laman na rin ng papuri at paghanga ng karamihan.

Tumayo si Doña Marcela na siyang nanguna sa pagpapakuha ng mga karagdagang putahe sa kusina. Nang mabakante ang silya na inuupuan ni Doña Marcela ay umupo roon si Amor upang makatabi sina Segunda at Leonora.

"Ilang taon ka na, hija?" tanong ng isang Doña Asunta na siyang ina ni Valeria. Nasa Maynila ang dalaga niyang anak at malapit siya kay Doña Marcela na kasama niya sa simbahan. "Ako po'y labinlimang taong gulang na," tugon ni Leonora.

"Aking nababatid, Hija. Ang aking tinatanong ay ang iyong nakatatandang kapatid, ano muli ang iyong ngalan?" ulit ng Doña na nakatingin kay Segunda.

"Ang akin pong ngalan ay Maria Segunda De Avila. Ako po'y dalawampu't dalawang taong gulang," tugon ni Segunda na hindi pa nagagawang kumain. Hindi siya sanay kumain sa harap ng mga estranghero na maraming katanungan.

"Ah, kaedad mo ang aking anak na si Valeria. Ikaw ba ay may napupusuan na? Kailan ka ikakasal, hija?" ngiti ng Doña. Kapansin-pansin ang makapal nitong kilay.

Umiling si Segunda bilang tugon saka uminom ng tubig. Napatingin sina Leonora at Amor kay Segunda at sa katapat nito na si Doña Asunta na tila may nais malaman. "Nais niyo po ba ng kakanin?" singit ni Leonora saka inilapag ang biko sa tapat ng Doña. Kumuha rin ng ilang saging si Amor at nilagay sa plato ni Doña Asunta.

"Kay rami namang... Salamat," iyon lang ang nasabi ng Doña na agad nakuha ang nais iparating ng mga dalagita. Muli niyang tiningnan si Segunda, kumpara sa dalawa nitong nakababatang kapatid ay hindi siya nangingibabaw. Para sa kaniya, si Segunda ang tipo ng dalaga na kapag inihalo sa karamihan ay hindi na mapapansin. Hindi siya tumatatak sa alaala ng sinuman.

"Ikaw ay nasa tamang edad na., Segunda. Wala bang nanliligaw sa 'yo, hija?" usisa muli ng Doña dahilan upang mapakunot ang noo nina Leonora at Amor. "Kailanman ay hindi mo naranasang maligawan?" dagdag ng Doña na nangibabaw ang boses dahil saktong tumigil ang musika matapos tugtugin nina Agustino at ng mga kasama nito ang huling awitin dahil sila'y kakain na rin.

Napatingin ang lahat kay Doña Asunta, lalong-lalo na kay Segunda na siyang tumanggap ng tanong na iyon. Hindi nakapagsalita si Segunda. Hindi na bago sa kaniya ang mga tanong na umiikot tungkol sa...

May nobyo ka na?

Kailan ka mag-aasawa?

Nasa edad ka na, baka ikaw ay mahuli at tumandang dalaga.

Bakit walang nanliligaw sa 'yo?

Tumikhim si Doña Asunta na nakaramdamn ng hiya. Nakatingin ang lahat sa kanila at sa nakayukong hitsura ni Segunda. "Anong nangyayari?" panghihimasok ni Don Epifanio na saktong paupo na sana sa silya dahil tapos nang tumugtog si Agustino.

"Ilagay niyo pa ang pagkain doon sa—" napatigil si Doña Marcela na kagagaling lang sa kusina nang maabutan ang nakabibinging katahimikan sa bulawagan habang nakatuon ang atensyon ng lahat sa gitna. Natanaw niyang nakatayo ang asawa sa likuran nina Segunda at Leonora.

Namula ang mukha ni Doña Asunta, "A-ako'y may pamangkin na nag-aaral ng medisina. Kasalukuyan siyang nasa Sugbo. Nais ko sanang ipakilala siya sa iyong napakarilag na dalagang si Segunda," ngiti ng Doña na panay ang pungay ng mata sa mga katabi. Sumang-ayon ang mga katabi niya dahilan upang unti-unting humupa ang tensyon.

"Ang bagay na iyan ay mabuting pag-usapan ng pribado, Doña Asunta," wika ni Don Epifanio, agad tumugtog ang kaibigan ni Agustino gamit ang biyolin dahilan upang bumalik ang mga panauhin sa kani-kaniyang pagkain at pakikipag-usap sa katabi.

Nanatiling nakayuko si Segunda. Naramdaman niya ang paghawak ni Amor sa kaniyang kamay. Ilang sandali pa ay kumapit si Leonora sa braso ni Segunda, "Ina, papanhik lang po kami sandali sa itaas. Magpapatulong po ako kina ate Segunda at Amor sa aking saya," wika ni Leonora. Tumango si Doña Marcela na nagpatuloy sa pag-aasikaso ng mga handa at ng kanilang bisita.

Ngunit bago pa sila makatuntong sa unang baytang ay narinig nila ang isang hiyaw. Agad nagtungo si Doña Marcela sa kusina. Nagawa namang sabihin ni Manang Tonya sa mga bisita na walang dapat ikabahala dahilan upang magpatuloy ang kasiyahan.

Likas sa mga De Avila ang maging ma-usisa kung kaya't sa halip na tahakin ng tatlong dalaga ang baytang paitaas ay sumunod din sila sa kusina. Nagulat sila nang makitang walang malay ang matandang kusinera.

"Marahil ay dulot po ng matinding pagod at init," wika ng isang kusinera. Agad pinaasikaso ni Doña Marcela ang punong kusinera na nawalan ng malay at nagpatawag na rin siya ng manggagamot.

"Doña Marcela, hindi pa tapos gawin ang panghimagas!" wika ng isang kusinera. Ang panghimagas na tinutukoy nito ay ang minatamis na chico at saba de leche na may kakaibang sangkap na tanging ang punong kusinera lamang ang nakakaalam.

"Paano na 'yan? Ano pa bang puwedeng lutuin?" tanong ni Doña Marcela. Napailing ang kusinera dahil iyon lang ang napaghandaan nila. Bakas ang matinding pag-aalala sa mukha ng Doña lalo na't inaabangan ng lahat ang panghimagas.

Tumikhim si Segunda, "S-subukan ko po, Ina. Minsan ko na pong natulungan si Aling Pasya sa pagluluto ng panghimagas." Wika ni Segunda, napatingin sa kaniya ang lahat ng mga nasa kusina. Hindi lingid sa kanilang kaalaman na madalas tumulong sa pagluluto si Segunda. Masarap din itong magluto lalo na ng mga panghimagas.

"O'siya, anak. Ano bang mga kailangan natin?" tanong ni Doña Marcela. Itinaas ni Segunda ang kaniyang manggas saka isinuot ang puting tapis upang hindi marumihan ang kaniyang damit.

Nagsimulang magbigay ng utos si Segunda upang hati-hatiin ang gawain ng mga kusinera. Nakatayo sa gilid sina Doña Marcela at Manang Tonya habang pinapanood ang pagmamadali ng lahat. Nagawa na rin nilang tumulong sa paghihiwa ng saba upang mapabilis ang pagluluto.

Samantala, hinawakan ni Amor ang kamay ni Leonora saka dahan-dahan itong hinila paatras at pabalik sa bulwagan, "Ang nagdiriwang ng kaarawan ay hindi dapat marumihan," bulong ni Amor sa kapatid. "Ako rin ay hindi maaaring marumihan dahil ako ang sasama sa 'yo ngayon," ngisi ni Amor na halatang hindi lang nais makisali sa pagluluto.

Nababalot ng usok ang kusina dahil sa dami ng malalaking palayok na sabay-sabay niluluto. Maging ang ilang putahe na matapos nang maluto ay pinangunahan na rin ni Segunda.

Sa kabila ng pagiging punong-abala sa kusina ay makikita ang kislap sa mga mata ni Segunda habang inaayos ang mga putahe at binibigyang-solusyon ang suliranin. Nababatid ng mag-asawang De Avila, maging ng mga magkakapatid ang pagiging likas na matulungin at maasikaso ni Segunda.

Noong araw ng kasal ni Remedios, nasira ang tahi sa likod ng traje de bodo nito. Si Segunda ang gumawa ng paraan upang matahi agad at malagyan ng palamuting bulaklak ang likod ng damit upang matakpan ang malaking punit.

Pitong taon noon si Feliciano nang hindi matigil ang pagsusuka nito habang naliligo sila sa ilog na nasasakupan ng hacienda De Avila. Pansamantalang umalis noon si Manang Tonya upang samahan si Socorro sa palikuran. Agad pinasan ni Segunda si Feliciano sa kaniyang likuran at dali-daling tumakbo patungo sa kanilang tahanan.

Walong taon si Jacinto noong madalas itong pagalitan ng ama dahil hindi niya natatapos ang kaniyang mga takdang-aralin. Palihim na pumasok si Segunda sa silid ng kapatid at tinulungan niya itong magsulat ng alpabeto at tapusin ang mga gawain sa paaralan. Magdamag nilang tinapos ang lahat hanggang sa makatulog si Jacinto padapa sa sahig. Pinaypayan ni Segunda si Jacinto na natuyuan na ng pawis at luha.

Sa tuwing napaparusahan si Socorro, si Segunda ang nagdadala ng pagkain at babasahin para sa kapatid. Siya rin ang madalas sumasama kay Socorro sa tuwing nais nitong lumabas dahil pinapayagan lamang sila ng kanilang ina kapag kasama si Segunda o Remedios.

Limang taong gulang noon si Agustino nang mawala ito sa gitna ng pamilihan. Silang dalawa lang ni Manang Tonya ang magkasama noon. Agad nagtungo sa kuwartel si Segunda upang humingi ng tulong at siya rin mismo ang naghanap sa kalakhang Sariaya. Nasumpungan nila si Agustino sa simbahan habang nakikinig sa mga koro na umaawit.

Noong nakaraang taon, kasali si Leonora sa Flores De Mayo na idinaos sa Sariaya. Dahil sa mahabang paglalakad ay nasugat ang paa ni Leonora. Si Segunda ang nag-alok na magpalit sila ng panyapak dahil mas maluwag ang kaniya. Umuwi silang magkahawak kamay at parehong tinatawanan ang mataas na bakya na suot ni Segunda na lagpas din sa kaniyang paa.

Sa tuwing nagugutom si Amor sa kalagitnaan ng gabi. Kay Segunda siya unang lumalapit. Buong lugod siyang pinagluluto ni Segunda ng champorado na pabiorito niya sa lahat.

Ilang buwan pa lamang mula nang ipinanganak si Concordio, hindi ito makatulog at madalas ay humihiyaw lalo na sa hatinggabi. Tanging si Segunda ang nakakapagpatulog sa kapatid habang inaawitan ito at tinatapik ang dibdib.

Iilan lamang iyon sa mga bagay na mabilis nagagawan ng paraan ni Segunda. Sa tuwing may nangyayaring hindi maganda ay madali niya itong nabibigyang-solusyon. Bagay na mas nakakapag-panatag kay Doña Marcela dahil kitang-kita niya kung gaano na kahanda si Segunda maging maybahay.

At ngayon, nang matapos maluto ni Segunda ang mga panghimagas at ilang putahe, muli siyang nakaramdam ng kapanatagan. Napangiti si Doña Marcela sa sarili habang nakatitig sa anak. Sa isip niya, higit na mapalad ang lalaking mapapangasawa ni Segunda dahil nababatid niya na hinding-hindi pababayaan ni Segunda ang kaniyang magiging pamilya.


ARAW ng Lunes, pinagmamasdan ni Segunda ang malawak na daungan ng Maynila na ilang kilometro na lang layo sa sinasakyan nilang barko. Suot niya ang paborito niyang puting baro at luntiang saya. Nakasuot din siya ng balabal na kulay luntian.

"Ngayon ka na lang nakabalik muli sa Maynila, hindi ba anak?" wika ni Don Epifanio na noo'y papalapit sa kaniya. Tumango si Segunda bilang tugon, sabay nilang pinagmasdan ang magandang karagatan at daungan na siyang abala sa lahat.

"Ako'y patawarin mo anak. Hindi ko nais na ipamigay kayo ni Socorro sa pamilya Sanchez o kung kaninumang pamilya. Nagkamali ako sa aking desisyon noong nakaraang gabi, hindi ko dapat hinayaan sina Don Manuel at Doña Antonia na masunod sa aasawahin ng kanilang anak. Pasensiya na sapagkat nagawa kong isantabi ang iyong nararamdaman. Pinakilala ko sa kanila si Socorro sa kagustuhang maging kapamilya rin natin ang pamilya Sanchez balangaraw." Wika ni Don Epifanio na halos hindi makatingin kay Segunda dahil sa konsensiya.

Napahinga nang malalim si Segunda. Hindi niya nagagawang magalit nang matagal kahit kanino, lalo na sa kaniyang mga magulang. "Nais niyo ho ba talagang maging kapamilya ang pamilya Sanchez?" tanong ni Segunda upang malaman ang saloobin ng ama. Naiintindihan niya na gusto ng mga magulang niya na makapag-asawa sila ng marangal na lalaki at mula sa maayos at kilalang pamilya. Subalit, nagtataka siya kung bakit nagawang magmakaawa ng kaniyang ama kay Don Manuel habang humihingi ito ng tawad dahil sa mga salitang binitiwan ni Socorro sa harap ng mag-asawang Sanchez.

"Matalik naming kaibigan ng iyong ina sina Don Manuel at Doña Antonia lalo na pagdating sa transportasyon ng ating mga tanim at produkto rito sa Maynila. Bukod doon, hindi na rin sila iba sa amin sapagkat nagawa nilang tulungan ang ating kabuhayan noong minsan kinailangan ko ng malaking salapi upang hindi bumasak ang pinaghirapan ng ating angkan. Inaamin ko na nangibabaw ang pagtanaw ko ng utang na loob sa kanila at ang hangarin na maging kaisa natin ang kanilang pamilya. Subalit, aking napagtanto na marapat lamang na dahan-dahanin natin ang lahat." Tugon ng Don.

Sandaling tiningnan ni Segunda ang ama, bakas sa mukha nito ang konsensiya ngunit naroon din ang panghihinayang. "Matutuloy pa rin po ba ang kasunduang kasal ni Socorro sa pamilya Sanchez?" tanong ni Segunda. Napabuntong-hininga si Don Epifanio saka ibinaling ang mata sa malawak na dagat.

"Kung humupa na ang pagkadismaya ni Don Manuel, sa aking palagay ay matutuloy ang kasunduan," tugon ni Don Epifanio sabay tingin kay Segunda, "Iyong nababatid na likas na matigas ang ulo ni Socorro. Kung sakali... handa ka bang humalili?"

Napakunot ang noo ni Segunda sa pagtataka, "Ano pong ibig niyong sabihin ama?"

"Kung sakali... Kung alukin tayong muli ng pamilya Sanchez ng kasunduang kasal, handa ka bang magpakasal sa kanilang bunsong anak?" derechong tanong ni Don Epifanio. Sa kaniyang mga anak, nababatid niya na si Segunda ang pinakamadaling kausap. Hindi ito tumututol o naghihimutok. Hangad din niya ang magandang buhay at sariling pamilya para sa anak niyang pinakamasunurin sa lahat.

Napatitig si Segunda sa kaniyang mga daliri na kanina niya pa nilalaro dahil kinakabahan siyang bitiwan ang mga salitang nais niyang itanong sa ama. "Ama, paumanhin ngunit buo na po ang aking isip na pumasok sa kumbento. Matagal ko na rin pong pinag-isipan ito. Bukod doon, malinaw na po sa atin na hindi ako ang gusto nina Don Manuel at Doña Antonia para sa kanilang anak. Hindi ko po nais ipilit ang aking sarili sa kanilang pamilya." Tugon ni Segunda sabay tingin sa ama na taimtim na nakikinig sa kaniya. Hindi niya magawang aminin ang totoo. Ang tunay na dahilan kung bakit niya ibig pumasok sa kumbento.

"At tungkol naman po kay Socorro, sa aking palagay ay mas lalo lang po magkakaroon ng lamat ang inyong relasyon sa oras na pilitin niyo po siyang ipakasal sa pamilya Sanchez at kahit kaninong pamilya. Gaya nga po ng sabi niyo, mas mabuting dahan-dahanin ang lahat. Malay po natin, kung magkakilala si Socorro at ang bunsong anak ng pamilya Sanchez ay mahulog po ang loob nila sa isa't isa." Saad ni Segunda ngunit mas lalong napahinga nang malalim si Don Epifanio. Ang mapa-Oo si Socorro sa kasunduang kasal ay tila suntok sa buwan.

Hinawakan ni Don Epifanio ang kamay ni Segunda upang patigilin ito sa pagpisil sa daliri, "Hinihiling ko na maging matiwasay ang iyong bawat araw sa loob ng kumbento, anak. Huwag mo ring kalimutang ipanalangin ang iyong ina na madaling magpadala sa damdamin kung kaya't minsan ay nakasasama na iyon sa kaniyang kalusugan. At kung sakaling hindi mo na nais tumuloy sa kumbento, magsabi ka lang sa akin, ikaw ay aking susunduin." Saad ni Don Epifanio dahilan upang gumaan ang pakiramdam ni Segunda.

Bihira sila makapag-usap ng ama, lalo na ang masinsinan. Subalit, nang dahil sa nangyari noong gabing magtungo ang mag-asawang Sanchez sa kanilang tahanan para mag-alok ng kasunduang kasal, nakita niya kung paano tumayong ama si Don Epifanio na nagawa pa ring magpakumbaba at humingi ng tawad sa kaniyang anak.

Ilang sandali pa, nakadaong na ang bapor sa Maynila. Naunang bumaba si Don Epifanio kausap ang kutsero ni Don Marcelo na sumalubong sa kanila.

Sinalubong si Segunda ng sariwang hangin ng Maynila. Natatanaw niya mula sa mataas na barko kung gaano ito kaabala sa gitna ng madla. Kasabay niyon ay nanunumbalik ang mga tinatangi niyang alaala sa Maynila na halos apat na taon na ang nakalilipas. Sa kaniyang paningin ay tila walang pinagbago ang Maynila sa loob ng ilang taon mula nang huli siyang makatupak sa kabisera.

Maingat na bumaba si Segunda sa makikipot na baytang ng hagdan na nagdudugtong mula sa bapor at daungan. Nakita niya ang Ama na mas kumunot ang noo habang kausap ang kutsero, hindi man niya marinig ang pag-uusap ng dalawa ngunit nakasisiguro siya na kinumusta agad ng Ama ang gulong kinasangkutan ni Jacinto.

Noong gabi matapos ang pagdiriwang ng kaarawan ni Leonora ay natanggap nila ang liham mula kay Jacinto. Paulit-ulit itong humingi ng paumanhin habang nakikiusap na magtungo ang kanilang ama sa Letran upang makausap ang vice-rector dahil sa kinasangkutan nitong gulo. Hindi binanggit ni Jacinto sa liham kung anong gulo ang tinutukoy nito ngunit nababatid nila na maaaring away-bata dahil sa likas nitong ugali na hindi nakikipagtalo. Bukod doon, nasangkot na rin si Jacinto sa pakikipagsuntukan noong nakaraang taon.

"Ibig sabihin ay tatlong araw na siyang hindi nakakapasok sa klase?" Pagkumpirma ni Don Epifanio, tumango ang kutsero bilang tugon. Napahilamos sa mukha si Don Epifanio, tumagal ng dalawa pang araw ang kanilang paglalakbay dahil sa dami ng karga ng bapor.

"Jusmiyo... Santisimo... Jacinto," wika ni Don Epifanio na pilit pinipigilan ang sarili magmura. Pinagmasadan ni Segunda ang Ama, madalas niyang marinig na dumaraing ito ng pananakit ng ulo tuwing gabi. Bukod sa pagiging abala sa trabaho ay nakadaragdag din sa kaniyang suliranin ngayon sina Socorro at Jacinto.

"Magtutungo na ho ba tayo sa kumbento?" Tanong ng kutsero, bagay na hindi na magagawang itanong ni Segunda dahil nahihinuha na niya na may higit na kailangang puntahan ang ama. "Humanda talaga sa akin ang batang 'yan. Makikita niya... Makikita niya." Napahawak muli sa sentido si Don Epifanio, kung nasa harap niya ngayon si Jacinto ay tiyak na hindi niya mapipigilan ang kaniyang sarili.

Tumingin si Don Epifanio kay Segunda na nakatayo sa tabi niya, "Segunda, bukas na lang tayo magtutungo sa kumbento. Kailangan ko munang daanan si Jacinto upang makausap na namin si Padre Mendoza."

Tumango si Segunda, madalas tama ang kaniyang hinuha. Sanay na rin siya magpaubaya at hindi na iyon bago sa kaniya. Bukod doon ay hindi niya malaman kung bakit tila ba ibig niyang umatras sa pagpasok sa kumbento. Tila hindi siya ang Segunda isang linggo na ang nakararaan na nagsabi sa kaniyang mga magulang na nais niyang pumasok sa kumbento at magmongha.

Marahil ay dahil sa alaalang sumalubong sa kaniya pagtapak muli sa Maynila at ang mga pangakong nasaksihan nito. Nakatuon ang mga mata ni Segunda sa paligid habang nakasakay sa kalesa. Hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit naroon ang katiting na pagmimithi na masumpungan ang binatang matagal na niyang hinihintay. Halos apat na taon na rin siyang walang balita sa binatang iyon at tanging pinanghahawakan niya ay ang liham na binigay nito bago magtungo sa Europa.

Napailing siya sa sarili. Nababatid niyang wala ito sa Maynila. Kung sakaling pabalik na ito, tiyak na malalaman niya agad mula kay Feliciano o sa asawa ni Remedios na si Aurelio. Muling napahinga nang malalim si Segunda, maging ang kapatid niyang si Feliciano ay hindi nagpapadala ng liham. Napatango siya sa sarili sa paniniwalang matagal at mahirap ang magpadala ng liham mula sa Europa.

Hindi niya rin ito magawang masulatan sapagkat hindi niya nababatid kung saan ito naninirahan sa Europa. Ni hindi niya rin alam kung saang bansa sa Europa ito nananatili ngayon. Kung palipat-lipat ba ito o nananatili lamang sa iisang lugar.

Kinuha ni Segunda ang kaniyang Bibliya kung saan nakasilid ang liham na pinaka-iingatan niya sa lahat. Nakasakay pa rin siya sa kalesa habang nakatigil ito sa tapat ng dormitoryo ni Jacinto. Kanina pa bumaba si Don Epifanio na siyang pumasok sa loob.

Napangiti muli si Segunda sa sarili habang nakatitig sa liham na kulay rosas. Dinama niya rin ang selyo nito na ginamitan ng kandila gamit ang kaniyang daliri. Nakasisiguro si Segunda na kahit nakapikit siya ay kaya niyang bigkasin ang nilalaman ng liham.

Para sa aking Cariño, S.

Iyong nababatid kung gaano ako kaligaya nang makilala ka. Ikaw ang tanging naniwala sa akin gayong tumatawa ang lahat na magagawang makapag-aral ng isang tulad ko. Pinakitunguhan mo ako tulad ng kung paano mo bigyang-halaga ang bawat tao. Hayaan mong ibalik ko sa 'yo ang lahat ng pagmamahal at pag-unawa. Aking ipinapangako na gagawin ko ang lahat upang patunayan sa iyong magulang at sa madla na ako'y karapat-dapat sa 'yo.

Ang lihim nating pagkakaunawaan at pagmamahalan na ito ay higit na naghahatid ng ligaya sa akin ngunit kung sakaling hindi ko makamit ang aking pangarap, hinihiling ko na huwag mo sanang isarado ang iyong pinto sa ibang kalalakihang nais kumatok sa iyong puso. Iyong nauunawaan kung bakit ko ito pinili, hindi ba?

Ikaw ay tala na nais maabot ng tulad kong alabok sa lupa. Pinapangarap kita ngunit hindi kasama roon ang iyong pagbagsak mula sa langit. Huwag mong piliin ang buhay na mayroon ako dahil hindi ko kakayanin na makita kang naghihirap at nagdurusa. Hintayin mo akong umakyat patungo sa 'yo. Ipinapangako ko na ako'y magbabalik kasama ang lakas ng loob na hingiin ang iyong kamay sa iyong mga magulang.

Sa aking pagbabalik, tayo'y maninirahan sa tabing-dagat tulad ng iyong pangarap. Doon ay magsisimula tayong bumuo ng sarili nating pamilya. Ikaw ay mag-iingat palagi at iyong tandaan na ang pangalan mo ay nakatatak sa aking puso magpakailanman, aking cariño.

Ang iyong Cariño,

R

Natauhan si Segunda nang magsalita ang kutsero, "Señorita, kukuha lang ho ako ng maiinom ng kabayo," Nagpatuloy si Segunda sa pagbabasa ngunit tinangay nang hangin ang liham dahil hindi niya ito hawak nang mabuti.

Agad bumaba si Segunda upang pulutin ang liham ngunit muli itong tinangay ng hangin hanggang sa makarating sa tabing kalye ng dormitoryo. Nababalot na ng ilang buhangin ang liham. Binilisan ni Segunda ang paghakbang hanggang sa mahawakan niya ito bago lumusot sa bakuran ng dormitoryo.

Napahinga nang malalim si Segunda dahil sa layo ng kaniyang paghabol sa liham. May maliit na uwang sa ilalim ng bakuran ng dormitoryo, kung sakaling hindi niya ito nahawakan at tuluyang nakapasok sa bakuran ay hindi na niya alam kung paano ito makukuha muli.

Akmang babawiin na ni Segunda ang kaniyang kamay nang maramdaman ang mainit na likido mula sa likod ng bakuran derecho sa kaniyang kamay. Nabasa rin ang liham na hawak na pilit niyang inaabot.

Hindi nakakilos si Segunda sa gulat, sunod niyang narinig ang pagsipol na parang umaawit. Nang iangat niya ang kaniyang ulo ay naaninag niya sa pagitan ng mga kahoy na bakuran ang isang binatang nakatayo.

Nanlaki ang mga mata ni Segunda at napasigaw nang malakas dahilan upang gulat na mapaatras ang binata. Hindi nito napansin ang kamay at liham na nasa uwang sa ilalim ng bakuran.

Nang tumayo si Segunda ay doon niya nakita ang hitsura ng lalaki. Matangkad, kulay tsokolateng buhok tulad niya, maging ang mga mata nito. Mas maputi sa kaniya ang binata na nababakas ang pamumula. Matangos ang ilong at sa malapitan ay makikita ang kulay tsokolate nitong mga mata. Higit na kapansin-pansin sa binata ay ang buhok nitong esponghado.

Sa unang tingin ay masasabing dayuhan ang binatang kaharap. Nanatili silang nakatayo sa pagitan ng bakuran habang gulat na nakatingin sa isa't isa. Hanggang bibig ni Segunda ang bakuran, samantala abot hanggang balikat ng binata ang bakuran.

Ito ang unang beses na nagawang titigan ni Segunda ang isang lalaki ng halos walong segundo. Kumakabog nang malakas ang kaniyang puso sa magkakahalong gulat, takot, pangamba, at hiya. Napapikit si Segunda bago niya gawin ang isang bagay na sa tingin niya ay ang tanging makapagliligtas sa kaniya sa kahihiyan.

Sinampal niya ang basang liham sa pisngi ng binata dahilan upang mawalan ito ng balanse at matumba paatras. Ang huling narinig ni Segunda ay ang malakas na sigaw ng binata na, "Putangina!" habang kumakaripas siya ng takbo papalayo sa takot na siya'y litisin at pilit na paaminin sa pagkakasala ng kaniyang paningin na maaaring maging dahilan upang matali siya sa sapilitang pagpapakasal.


******************************

#Segunda

Ang istoryang ito ay pawang kathang-isip lamang. Ang mga pangalan, tauhan, lugar at pangyayari ay bahagi lamang ng imahinasyon ng may akda. Ang tagpuan at panahon sa istoryang ito ay panahon pa ng pananakop ng mga kastila sa Pilipinas. Ang ilan sa mga makasaysayang lugar ay nabanggit din sa istoryang ito upang magbalik tanaw sa mga pook na naging bahagi na ng ating kasaysayan. Muli, ang mga pangalan, kaganapan, pangyayari at trahedya sa kwentong ito ay walang kinalaman at walang katotohanan. Hindi ito nasusulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Maraming Salamat!

Plagiarism is a crime punishable by law.

© All Rights Reserved 2024


https://youtu.be/4DoRvqgkjno

"Minamahal" by Frank Ely

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro