Kabanata 20: Breaking the Rule Number Seven

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

KABANATA 20—Breaking the Rule Number Seven


KUNG KANINA ay sobrang saya ko na dahil napapayag ko si Blue na samahan akong pumunta sa amusement park. Mas lalo pa itong nadagdagan nang ibigay na niya sa akin ang isang kulay blue na teddy bear na nakuha niya mula sa paglalaro kanina.

Siya pa mismo ang pumili nito para raw siya ang maalala ko tuwing makikita ko 'tong teddy bear. "Sa tingin mo, anong magandang pangalan para sa kanya?" wala sa wisyo kong tanong.

"Lalayo pa ba tayo? E di... Asul na lang." simpleng sagot niya.

"Asul?" nakangiting tanong ko. Parang sa pagkakatanda ko, ayaw niya ng tinatawag siya ng Asul, 'di ba? Pero... sabagay, yung teddy bear naman pala ang tinutukoy niya.

"Okay. Simula ngayon, Asul na ang pangalan mo." pagkausap ko sa teddy bear. "Asul... meet your daddy, Blue. And of course, your beautiful mommy, me."

"You're being crazy again, huh." rinig kong bulong ni Blue.

"Ano, tara na?"

"Uuwi na tayo? Yes, salamat naman at naisipan mo ring—"

"Hindi! Sasakyan pa natin lahat ng rides, 'di ba?"

"Seryoso ka?"

"Oo naman!"

"Wala ka ring kapaguran, 'no?"

"Wala. Kaya tara na bago pa tayo maabutan ng napakahabang pila."

Una ko siyang hinila sa may carousel kung saan walang masyadong pila. Hindi ko alam kung matatawa ba ko kay Blue o maaawa dahil nagpapahila na lang siya sa akin. Hindi naman kasi siya puwedeng pumalag dahil baka pagkamalan pa siyang nasisirain na ng bait.

"No. Hindi mo ko mapapasakay diyan. Never."

"Blue naman... please?"

"Creamy naman. Nakikita mo ba yung mga nasakay diyan? Bata. Pambata lang 'yan, e."

"Kahit saglit lang naman."

"Ayoko pa rin. Sa iba na lang tayo."

"Okay..."

Kaya ko lang naman gustong sumakay sa may carousel dahil naaalala ko no'ng bata pa ako, doon ako parati unang pinapasakay ni papa. Na-miss ko lang yung feeling na muling sumakay do'n. Isa pa, nakakainggit kasi yung ngiti ng mga bata na kasalukuyang nakasakay do'n. Mga ngiting walang iniindang problema.

"Sa may horror tr—"

Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil bigla na lang niya kong hinila pabalik sa may carousel. "T-teka... akala ko ba ayaw mo?"

"Ang makita kang malungkot ang mas ayoko." seryoso niyang sabi.

Paglapit namin ulit do'n, saktong next batch na ng mga sasakay. Habang seryosong nakapila si Blue, tahimik lang akong nasa likuran niya. Nung turn na namin, pinigilan siya nung nagbabantay.

"Sir, may bata po ba kayong kasama?" tanong nito.

Saka ko lang na-realize na imposible nga palang makapasok kami dahil katulad ng sabi ni Blue kani-kanina lang ay pambata lang ang rides na 'to. And obviously, hindi bata si Blue at wala naman kaming bata—

"Ano pang hinihintay mo diyan? Tara na."

Nanlaki ang mga mata ko nang mapansing nakapasok na siya sa loob.


"PUWEDE BANG mag-carousel na lang ulit tayo o di kaya horror train? Please, 'wag na rito. Ayoko pang mamatay."

Hindi ko na napigilan ang sarili ko at tuluyan na kong natawa sa sinabi niya. Kakatapos lang kasi namin sa horror train (na hindi man lang ako natakot) at itong roller coaster naman ang gusto kong subukan. Hindi pa kasi ako nakakasakay dito kaya gustong-gusto ko itong subukan.

"Akala ko ba mahilig ka sa thrill? Bakit itong roller coaster lang natatakot ka na agad?" nakangising tanong ko.

Sa halos pitong araw namin na magkasama, ang isa sa napansin kong pag-uugali niya ay ayaw na ayaw niyang tinatapakan ang pinakamamahal niyang ego.

"Hindi ako natatakot." muli niyang pagse-seryoso.

"Talaga ba? E, ano yung sinabi mo kani-kanina lang na ayaw mo pang mamatay?" pang-aasar ko.

"Wala akong natatandaan na may sinabi akong gano'n." naiinis na sambit niya.

"Okay. Sabi mo, e." kibit-balikat naman na sabi ko.

"Next!" sigaw nung nagbabantay sa entrance ng roller coaster ride.

Bago pa siya makatakas ay dali-dali ko na siyang itinulak. At syempre, dahil wala naman na siyang magawa, napilitan na lang siyang pumasok.

"Sir, bakit po dalawa 'tong ticket niyo?" nagtatakang tanong ni Kuyang kumuha ng ticket ni Blue.

"Um... A-ayoko lang kasi na may katabi." pagdadahilan ni Blue.

Nang magsimula ng umandar, nagulat na lang ako sa biglaang pagkapit ni Blue sa braso ko. Hindi ko na lang ito pinansin at hinayaan ko na lang. Unti-unti na itong tumataas at itong kasama ko, palakas na rin nang palakas ang pagsigaw. Dinaig pa ang ibang taong kasabayan namin. Habang ako, nakangiti lang na pinagmamasdan siya. Siguro... isa 'to sa mga mami-miss ko sa kanya.


"MABUTI NAMAN at napagod ka rin." pagsasalita ni Blue. Paglingon ko sa kanya, may bitbit na siyang isang karton ng popcorn at isang extra-large na softdrinks.

Halos nasakyan na kasi namin ang lahat ng mga rides at kasalukuyan naman kaming nakaupo sa isa sa mga bench. Habang nakatitig ako sa kanya, lalo akong nahihirapan na sabihin kung ano na ang mangyayari sa susunod. Na ito na ang huli naming pagkikita. Na ito na ang katapusan ng lahat.

Bakit ba kasi ngayon lang tayo nagkakilala? Bakit ngayon ka lang dumating sa buhay ko? Bakit hindi pa noon?

"Creamy, ayos ka lang ba?"

Napatingin ako kay Blue nang magsalita siya. Isa pa pala sa mga mami-miss ko sa kanya ay yung mga mata niyang nangungusap. Mga matang hindi nakakasawang titigan at pagmasdan.

"Uwi na tayo?" pag-aya ko sa kanya. Tutal 5PM na rin naman na.

"Mayamaya na. May isa pa kong gustong rides na subukan, e... na kasama ka."

Dugdug. Dugdug. Dugdug.

Ngayong araw, hindi ko na mabilang kung ilang beses na bang pumintig ng ganito kabilis ang puso ko. At hindi ko maintindihan dahil natatanging siya lang naman ang nakakagawa nito sa puso ko. Siya lang ang nakakapagbigay ng ganitong epekto sa akin. Tanging siya lang.

Dahil masyado akong nakatutok sa kanya, hindi ko na napansin na nakapila na pala kami sa rides na gusto niyang sakyan. Napansin ko lang ito nang kami na ang papasok sa loob ng ferris wheel. Hindi ko inaasahan na ito ang gusto niyang huling sakyan namin bago kami umuwi. Bigla ko tuloy naalala yung sinabi sa akin ni Orange dati. Na sa lahat ng rides daw sa isang amusement park, ang ferris wheel daw ang pinaka-romantic sa lahat. Dito kasi kayo puwedeng magkaroon ng alone time o ng isang heart-to-heart-talk na tanging kayo lang talagang dalawa ang makakarinig at magkakaintindihan. Lalo na kapag naabot niyo na ang tuktok nito kung saan masisilayan niyong dalawa ang isang napakagandang tanawin. Para kasi sa akin, isa ang city lights sa pinakamagandang bagay na maaari mong masilayan hanggang sa huli.

"May fear of heights ka ba?" tanong ni Blue nang tuluyan na kaming makapasok sa loob.

"Medyo." kinakabahang sagot ko. "Pero dahil kasama naman kita, panatag na ang loob ko. Alam ko naman kasing hindi mo ako papabayaan, e." nakangiting dugtong ko pa.

Nang magsimula na itong umandar, dali-daling hinawakan ni Blue ang kanang kamay ko. Sa totoo lang, wala naman talaga akong fear of heights pero kapag gan'tong kinakabahan ako, parang awtomatiko akong nagkakaroon.

"Paano mo makikita yung ganda ng city lights kung nakapikit ka?" muli niyang pagsasalita. At dahil doon, sinubukan ko ng unti-unting buksan ang mga mata ko. Doon ko lang napansin na nakahinto na pala kami at saktong kami ang nasa tuktok.

"Wow." ang tanging nasabi ko nang bumungad sa akin ang napakagandang city lights.

"Creamy..."

"Hmm?"

"Kanina ko pa kasi gustong malaman kung bakit biglaan 'tong pag-aaya mo. I mean, aware naman ako na ito na ang huling araw mo bilang isang ligaw na kaluluwa. Pero may... hindi ba magandang mangyayari? Pakiramdam ko kasi ito na ang huli nating pagkikita, e."

Literal na huminto ng ilang segundo ang pag-pintig ng puso ko dahil sa sinabi niya. Bakit naman ngayon mo pa naisipang ipasok ang bagay na 'yan, Blue? Hindi ba puwedeng mamaya na lang natin 'yan pag-usapan?

"Blue..."

"Creamy, pagkatapos nito magkikita pa naman tayo, 'di ba? Nagawa mo naman siguro ng maayos yung misyon mo kaya makakabalik ka na sa katawan mo. Pagkatapos magigising ka na at sa paggising mo, magkikita pa naman tayo. Tuloy pa rin naman yung pagiging magkaibigan natin—"

Hindi ko na siya pinatapos pang magsalita at pinasadahan ko na siya agad ng isang mahigpit na yakap. Hindi deserving si Blue sa gan'tong klaseng pagpapaalam. Ayaw ko mang mag-assume pero siguro ako na lubusan siyang masasaktan kapag nalaman niya ang mangyayari sa akin.

"Creamy..."

"Blue, puwede bang mamaya na natin pag-usapan ang bagay na 'yan? Puwede bang... i-enjoy mo muna natin 'to?"

Pagkatapos kong sabihin 'yon, nagulat na lang ako sa sunod niyang ginawa. Bigla na lang kasi siyang kumalas mula sa pagkakayakap ko at hinawakan ang pisngi ko. At hindi ko inaasahan ang sunod niyang ginawa. Hinalikan niya ako.

"I love you, Creamy." pagsasalita niya sa kalagitnaan ng paghahalikan namin.

"Blue..."

"I'm sorry for breaking my own rule, Creamy."

"H-huh?"

"Rule number seven, remember? Never fall in love with me. Pero tignan mo nga, ako pa ata 'tong unang na-fall sa 'yo."

"Blue..."

"Alam kong mali 'to dahil may boyfriend ka na. Pero Creamy, maniwala ka man o hindi, pinigilan ko. Sinubukan kong pigilan 'tong nararamdaman ko sa 'yo. Pero wala, e. Tuluyan na kong nahulog sa 'yo. At hindi ko alam kung makakaahon pa ba ako."

Walang gustong lumabas na salita sa bibig ko. Kaya imbes na magsalita ay hinalikan ko na lang ulit siya na agad naman niyang tinugunan. Kaya ang nangyari... sa muling pag-ikot pababa ng ferris wheel ay wala kaming ibang ginawa kundi iparamdam ang pagmamahalan namin sa isa't isa.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro