Kabanata 12: Ang Dahilan at Panahon

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 12]

NAPAHAWAK sa sentido si Padre Mendoza habang nakaupo sa luklukan ng tanggapan. Sinubukan niyang ipikit ang kaniyang mga mata habang sabay-sabay na nagsasalita ang mga magulang na hindi na niya maunawaan kung anu-ano ang mga sinasabi nito.

Animo'y mga manok na hindi matigil sa kakaputak sina Don Manuel at Doña Antonia Sanchez sa kanan. Samantala, sa kaliwa ay hindi rin nagpapatalo si Don Marcelo at Doña Jimena Gonzalez. "Inyong nakita ang tinamo ng aking anak? Kung kukuwentahin ko kung gaano niyo napinsala ang kanyang kalusugan at kumpyansa ay tiyak na malulubog kayo sa utang!" Sigaw ni Don Manuel na nagbilang ba ng ilang libo gamit ang kanyang daliri.

Patuloy ang pagpaypay ni Doña Antonia na sinasabayan din ang asawa sa pagsasalita, "Kinailangan pa namin ang tulong ng mga dayuhang espeysalista upang masuri ang aming anak. Kay laking sugat at pasa ang tinamo niya sa mukha at likod nang dahil sa pamangkin niyong iyan!" Matinis ang boses ni Doña Antonia dahilan upang mas lalong marindi si Doña Jimena.

"Palibhasa nababatid naman ng inyong anak na wala siyang laban kay Jacinto e nilabanan niya pa. Iyan tuloy ang kaniyang napala." Buwelta ni Doña Jimena na sa totoo lang ay walang pakialam sa magkakapatid na De Avila, sadyang ibig niya lang galitin si Doña Antonia at maikuwento ito sa kaniyang mga kaibigan.

Ikinumpas ni Don Marcelo ang kamay upang patigilin ang mga manok na hindi matigil sa pagputak ngunit mas lalong dumami ang sinasabi ng bawat isa. "Ang amin lang ay pareho silang nagkasakitan. Pareho silang dapat maparusahan. Hindi ito usapin ng kung sino ang dapat na managot dahil pareho silang gumamit ng dahas." Wika ni Don Marcelo ngunit sa hina ng boses niya ay hindi niya nakuha ang pansin ng tatlo.

Hindi na makatiis si Padre Mendoza kung kaya't ibinagsak na niya ang kamay sa mesa dahilan upang mapatigil ang lahat. Naalala nila na nasa harap sila ni Padre Mendoza na siyang humahawak sa pagdidisiplina ng mga estudyante.

"Ang mabuti pa ay hintayin na lamang natin si Don Amorsolo. Hindi ba't ang anak niya ang nagsimula?" Wika ng padre sabay tingin sa dalawang panig.

"Nasaan ba siya, Padre? Kami ay naglaan ng oras ngayon sa kabila ng aming pagiging abala. Nasaan ang nagsimula ng gulong ito?" Wika ni Don Marcelo na hindi na natutuwa sa sunod-sunod na atraso ng kaniyang mga pamangkin.

"Ako'y nagpadala ng mensahe ngunit ang tugon ng katiwala ay may mahalaga itong inaasikaso kasama ang kanyang anak." Tugon ni Padre Mendoza, bagaman hindi rin siya kumbinsido sa dahilang ibinigay sa kaniya ng pamilya Del Rosario.

"Kung gayon, ano na ang mangyayari? Hindi maaaring mauwi sa wala ang sinapit ng aking anak!" Sigaw ni Doña Antonia, hindi niya matanggap na mas dehado ang naging kalagayan ng kanyang sa naging kaaway nito.

"Hindi rin kami makapapayag na maparusahan ang aming pamangkin na nagtanggol lamang sa sarili." Paninindigan ni Don Marcelo na isang abogado. Bagaman matagal na siyang hindi humahawak ng kaso sa hukuman, handa siyang tulungan ang kaniyang kamag-anak.

Napahilamos sa mukha si Padre Mendoza, araw pa lang ng Lunes ay ito na agad ang bumungad sa kaniya. Samantala, mula sa labas ng kaniyang tanggapan ay naghihintay ang mga estudyanteng nasangkot sa gulo.

Nakatayo sina Jacinto at Cristobal malapit sa pintuan habang nakasandal naman malapit sa hagdan sina Xavier, Jose at ang iba nitong kaibigan. Masama ang tingin nila sa isa't isa, animo'y magkakaroon ng ikalawang pagsasabong.

Malalim ang pasa na tinamo ni Xavier sa kaliwang mata. Namamaga rin ang kaniyang panga. Samantala, may sugat sa noo at pasa sa pisngi si Jacinto. Muling tiningnan ni Cristobal si Xavier, ang huli niyang natandaan ay may pasa lang ito sa mata, ngayon niya lang nakita ang namamaga nitong panga.

Akmang lalapit si Jacinto kay Xavier nang pigilan siya ni Cristobal, umiling ito habang nakatingin nang diretso sa kaniya. Muling sumandal sa dingding si Jacinto, "Maging dito ay makikita pa rin natin sila. Mabuti pang lumipat na sila ng paaralan," inis na wika ni Jacinto, tulad ng dati ay taimtim lang na nakikinig si Cristobal sa tuwing naglalabas ng sama ng loob si Jacinto.

"Nasaan ba si Ambrosio? Siya naman ang nagsimula nito." Patuloy ni Jacinto na halos magdugtong ang kilay. Nangangamba siya ngayon sa paghaharap nila ng kanyang Ama na nagpadala ng liham kay Don Marcelo na patungo na ito sa Maynila.

Naalala ni Cristobal ang naging pag-uusap nila ni Don Julio na siyang may-ari ng La Librería. Hindi nga siya nagkamali, sa oras ng sakuna, karamihan sa mga taong siyang nag-udyok sa 'yo sa gulo ay biglang nawawala.

Ngayon ay desidido na siyang huwag balikan ang pagiging redactor sa nobela ni Palabras. Ang totoo ay natanong lang niya kung maaari ba siyang bumalik dahil kay Socorro. Sa isip ni Cristobal ay maaaring naging daan ang pagkakaroon agad ng bagong redactor ni Palabras upang malayo siya sa mga tulad ni Don Julio na maaaring mawala sa oras ng sakuna.

Napalingon sila sa pinto nang bumukas ito. Naunang lumabas si Don Manuel kasunod ang asawa na nagmamadali. Tumigil si Don Manuel sa tapat ni Xavier na hindi makatingin sa kaniya, wala mang sinabi ang Don ay bakas sa mukha nito ang matinding pagkadismaya at galit.

Nagpatuloy pababa ng hagdan ang mag-asawang Sanchez na agad sinundan ni Xavier. Sunod na lumabas sa tanggapan si Don Marcelo habang kausap ni Doña Jimena si Padre Mendoza pababa ng hagdan.

Tumigil si Don Marcelo sa tapat nina Jacinto at Cristobal na agad nagbigay-galang sa kaniya. "Itutuloy ang pagpupulong kasama si Don Amorsolo. Sa ngayon ay hindi kayo tatanggapin sa klase hangga't hindi nakakausap ang inyong mga magulang." Wika ni Don Marcelo saka tumingin kay Cristobal na batid niyang nangunguna sa klase. Tiyak na makakaapekto sa marka nito ang kinasangkutang gulo.

Yumukod si Cristobal bilang pasasalamat sa pag-ako ni Don Marcelo pansamantala sa kaniya kahit pa hindi naman nito tungkulin na akuin din siya dahil si Jacinto lang ang pamangkin nito. Tinapik ni Don Marcelo ang balikat ng dalawang binata, "Sa edad niyong iyan, hindi talaga maiiwasan ang mga ganitong hindi pagkakaunawaan. Ang mahalaga ay hindi niyo na uulitin ang pagkakamaling ito dahil inyong nababatid kung ano ang magiging kahihinatnan." Pangaral ng Don na naglakad na rin pababa ng hagdan.


MAINGAT na inilapit ni Socorro ang bulaklak ng gumamela sa sinag ng araw na malapit sa bintana. Napangiti siya sa tingkad ng pagkapula nito. Nababatid niya na lalago ito bilang palumpong balang araw tulad ng kaniyang pangarap na patungo na rin doon.

Maaga siyang nagising upang maglinis ng bahay bago simulan ang kaniyang bagong trabaho. Sa kaniyang pagkasabik ay nakaligtaan niyang kumain. Sa katunayan ay hindi pa siya nakakapagpalit ng damit, nakalugay ang kaniyang kulot at mahabang buhok suot ang puting bestidang pangtulog.

Marahang inayos ni Socorro ang kaunting gusot sa unang pahina ng manuscrito. Napangiti siya muli nang maalala kung paano napasakamay niya ang ikaapat na yugto ng nobela ni Palabras.

Nagpatuloy sa paglalakad si Socorro sa kahabaan ng Calle Real habang pilit na humahanap ng pagkakataon na takasan ang lalaking sumusunod sa kaniya. "Ikaw ay nagkakamali, kilalang-kilala ko ang pamilya De Avila." Habol ni Ambrosio na matagumpay na nakasabay muli sa paglalakad niya.

Muling tumigil si Socoro sa paglalakad, "Bakit mo ba ako sinusundan?" Bakas sa mukha ni Socorro ang pagkairita tulad ng kung paano siya napipikon kina Jacinto at Amor sa tuwing ginugulo siya ng mga ito.

Napatigil si Ambrosio at napatikhim, hindi niya intensyon na mainis ang dalagang kausap. "Ako'y hindi aalis hangga't hindi mo sinasabi kung saan mo dinala ang alaga ng aking kaibigan," wika ni Ambrosio, sa isip niya ay hindi siya titigil hangga't hindi nalalaman ang pangalan ng dalaga. Hindi niya malaman kung bakit tila nakaligtaan niya ang mahahalagang bagay at ngayon ay nasa gitna sila ng Calle Real bagaman pareho nilang hindi nakikilala ang isa't isa.

Napapamewang si Socorro, "Akin ang kunehong iyon umasok sa inyong dormitoryo. Ako'y walang ideya na may tao roon, at sa pagmamadali ay nakaligtaan kong magpaalam bago pumasok." Paliwanag ni Socorro na hindi makikitaan ng anumang pagsisinunggaling.

Napahalukipkip si Ambrosio, "E, ang puting kuneho?" Usisa nito na may kaunting pagsilay ng ngiti sa labi. Napalunok si Socorro ngunit hindi siya umiwas ng tingin sa kausap upang paniwalain ito na wala siyang tinatago.

"Ako'y walang nalalaman sa iyong sinasabi," tugon ni Socorro, tumango-tango si Ambrosio. "Ngunit bakit ka kumaripas ng takbo nang marinig mo na may paparating?" Dagdag ni Ambrosio. Naalala ni Socorro na hinablot niya sa kamay ni Ambrosio ang itim na kuneho at dali-dalig tumakbo papalabas nang marinig nag boses ng matandang babae mula sa kusina.

Hindi na nakayanan ni Socorro kung kaya't umiwas na siya ng tingin. Nagwawala na siya sa isipan habang nag-iisip ng isasagot. Ilang sandali pa ay muli siyang humarap kay Ambrosio nang may maisip na siyang sasabihin, "Ako'y hindi aalis doon kung dormitoryo ng mga babae ang aking napasukan. Sa iyong palagay ay dapat ba akong manatili roon at hintayin na magalitan?"

Ngumiti at tumango muli ng ilang ulit si Ambrosio, "O'siya, katanggap-tanggap na dahilan." Wika nito, napakunot ang noo ni Socorro, hindi niya maunawaan kung bakit nakangiti ang binatang kausap habang kinukuwestiyon ang nangyari sa dormitoryo.

Nagpatuloy muli si Socorro sa paglalakad, agad sumunod si Ambrosio hanggang sa mapadaan sila sa simbahan ng Immaculada Concepcion kung saan nagsasalubong ang mga pumapasok at lumalabas sa simbahan dahil kakatapos pa lamang ng misa.

Bumagal ang lakad ni Socorro nang makita ang isang malaking pamilya na papasok ng simbahan. Magkakahawak-kamay ang mga batang magkakapatid. Nakakapit ang braso ng babae sa kanyang asawa habang masayang nag-uusap. Naalala ni Socorro ang magulang at mga kapatid, hindi sila nawawala sa simbahan sa araw ng Linggo at nagtutungo sa plaza o pamilihan pagkatapos.

Ngunit unti-unti silang nababawasan nang mag-asawa na si Remedios at mag-aral na sa Maynila sina Feliciano, Jacinto, at Agustino. Nakapamulsa si Ambrosio habang pinagmamasdan ang malaking simbahan, ang mga magsisimba, at ang mga tindero at tindera. "Kung pagmamasdan, may ibang nagtutungo sa simbahan upang magsimba, may iba na sanhi lang ng nakasanayang gawain, ang iba ay negosyo, at ang iba ay upang makita ang kanilang mga napupusuan." Ngiti ni Ambrosio saka tumingin kay Socorro na nanatiling nakatingin sa isang pamilya.

"Anuman ang dahilan, nagtatagpo pa rin ang lahat sa iisang lugar," patuloy ni Ambrosio ngunit nanatiling diretso ang tingin ni Socorro.

"Anuman ang panahon, nananatili ang damdaming hindi nagbago mula simula." Wala sa sariling wika ni Socorro, napatigil siya nang mapagtanto kung saan niya nabasa ang mga linyang iyon.

Gulat na napangiti si Ambrosio sabay turo sa kaniya, "Palabras Perdidas mula sa Sequía en el Río de las Almas!" Gulat na wika ni Socorro. Hindi niya akalain na may makikilala siya na mambabasa rin ni Palabras.

"Ikaw pala ay mambabasa ni Palabras!" Maging si Ambrosio ay hindi makapaniwala na si Palabras ang magiging dahilan upang mahanap niya ang pagkakapareho nilang dalawa.

"Siya ang dahilan kung bakit ako narito." Wika ni Socorro na naging magaan ang pakiramdam sa binata nang malaman na nabasa na nito ang paborito niyang nobela. Naniniwala si Socorro na karamihan sa mga nakabasa ng nobela ni Palabras ay may malawak at bukas na isipan.

Magsasalita pa sana si Ambrosio ngunit isang boses ang nagpatigil sa kanila. "Socorro, hija!" Agad nagbigay-galang si Socorro nang makita si Aling Maria kasama ang anak nitong lalaki na nasa edad limang taon.

"Aanyayahan sana kitang magsimba kaninang umaga ngunit wala ka na sa iyong silid. Magsisimba rin ba... kayo?" Napatingin si Aling Maria sa matangkad na binata sa tabi ni Socorro na nagbigay-galang din sa kaniya.

Nagtaka ang hitsura ni Aling Maria dahil iba ang lalaking kasama ni Socorro nang mangupahan ito sa kaniyang tindahan. Inunahan ni Socorro magsalita ang binatang kasama at ang may ari ng tindahan ng mga tela sa takot na may isipin itong iba. "Ah, siya nga po pala ang kapatid ng aking pinsan... Na siyang pinsan ko rin." Sinubukang ngumiti ni Socorro. Natawa si Aling Maria nang maalala na ang bugtong na sinabi ni Socorro noong una silang magkita.

"Magandang umaga po, ang ngalan ko po ay Ambrosio." Pakilala ni Ambrosio na sumabay sa pagtawa ni Aling Maria.

"Kay laki ng inyong pamilya at masasabi kong kay gaganda ng inyong lahi," tawa muli ni Aling Maria sabay tingin sa anak na lalaki at ipinakilala ito.

"Tunay nga ho na magkahawig kami ng pinsan kong ito," tawa ni Ambrosio na tila ba malapit na sila sa isa't isa. Masaya rin siya dahil alam na niya ngayon na Socorro ang pangalan ng dalaga.

"Siya nga pala, ako'y may kakilala na naghahanap ng kasambahay. Kung wala ka pang napapasukang trabaho ay sabihin mo lang sa akin, ipapakilala kita kay Doña Mariana na asawa ni Don Mario Cruz." Wika ni Aling Maria, napatingin siya kay Ambrosio na maganda ang tindig at sa pananamit nito ay tila nabibilang ito sa alta sociedad.

"Salamat po, Aling Maria. Kailan po maaaring bumisita sa kanila?" Tanong ni Socorro, kahit ano ay handa niyang pasukin sa ngalan ng kaniyang pangarap.

"O'siya, sasamahan kita bukas sa kanilang tahanan sa Escolta." Wika ni Aling Maria na nagpaalam na. Napangiti sila nang magbigay-galang ang batang lalaki ayon sa utos ng Ina.

Nang makalayo si Aling Maria ay napatingin si Ambrosio kay Socorro. Buong akala niya ang makokontento na siya sa oras na malaman lang niya ang pangalan nito at makausap sandali. Ngunit ngayon ay mas dumami pa ang ibig niya malaman tungkol sa dalaga.

Naalala niya na sinabi nito na hindi ito naninilbihan sa dormitoryo o sa pamilya Villafuerte. Sa ayos at pananamit ni Socorro ay hindi niya rin mawari kung ano ba ang estado nito sa buhay. Napansin din niya ang mamahaling payneta na suot nito ngunit naalala niya na maraming mga huwad na payneta sa pamilihan sa presyong abot kaya. Ngunit malinaw sa kaniya na nakakabasa at nakakasulat si Socorro.

"Ikaw ay mamamasukan?" Tanong ni Ambrosio, iniisip niya kung may bakante sa kanila. Ngunit tiyak na maghihinala ang kaniyang ama kung dadalhin niya roon si Socorro. Karamihan sa kanilang mga kasambahay ay may edad na. Marami ang tumagal sa kanila dahil sa magandang pakikitungo ng kaniyang Ina na kasalukuyang nasa Inglatera.

Hindi sumagot si Socorro. Napahawak siya sa sentido nang pumasok sa kaniyang isipan ang nangyari, ngayon ay dalawang pinsan na ang dapat niyang tandaan sakaling magtanong muli si Aling Maria tungkol sa dalawang lalaki na namataan nitong kasama niya.

Humarap si Socorro kay Ambrosio, "Kahit paano ay nagagalak akong mabatid na isa ka ring mambabasa ni Palabras. Aking lilinawin na ako'y walang ninakaw sa tinutukoy mong kaibigan," wika ni Socorro na ibig nang magpaalam dahil magtutungo pa siya sa palimbagan na pag-aari ng pamilya Villafuerte.

"Aking tatanawin din na utang na loob kung mananatiling lihim ang lahat ng iyong natunghayan. Ang mabuti pa ay mauuna na ako. Bumalik ka na rin sa tahanan ng pamilya Villafuerte." Napagtanto ni Socorro na maaaring si Ambrosio ang tinutukoy na mahalagang bisita ng kasambahay na nagpapasok sa kaniya.

Yumukod si Socorro sabay talikod at nagsimula nang maglakad papalayo. Akmang magsasalita pa si Ambrosio ngunit napatigil siya nang marinig ang sigaw ng isang batang lalaki na nag-aalok ng dyaryo sa mga taong labas-pasok sa simbahan.

"Ang sunod na yugto ng nobela ni Palabras," hindi na bago sa kaniya ang marinig na pag-usapan ng iba ang misteryosong manunulat. Kung minsan ay pinapakinggan niya pa ang buong pag-uusap upang malaman ang mga opinyon ng iba't ibang nakabasa na ng kanyang akda. Naalala niya ang nobelang kaniyang pinaghirapan na ngayon ay malabong maipalimbag dahil sa pag-alis ng dating redactor.

"May katotohanan nga ba na may ikaapat na yugto?" Animo'y bumagal ang pag-usad ng mga tao sa paningin ni Ambrosio. Iilan lang ang nakakaalam tungkol sa ikaapat na yugto, kabilang na roon ang dating redactor na siyang hindi niya nakilala. Kung may una paghihinalaan kung sino ang nagsiwalat ng tungkol sa ikaapat na yugto ay maaaring ang dating redactor.

"Narito po ang ilang laman ng pahayagan mula sa nakalipas na mga araw..." Patuloy na alok ng bata. Ilang buwan niyang pinaghirapan ang ikaapat na yugto. Marami siyang isinakripisyo para sa nobela na hindi niya hahayaang mauwi sa wala. Sa pagkakataong iyon ay unti-unting bumalik ang malinaw na pandinig at paningin ni Ambrosio sa paligid.

Natanaw niya si Socorro na patuloy sa paglalakad at hindi pa nakalalayo. Nagsimulang maglakad si Ambrosio upang sundan muli ang dalaga kahit pa hindi siya nakasisiguro kung ano ang sunod na hakbang na gagawin.

"Binibini!" Tawag niya ngunit hindi ito lumingon, napatingin ang ilan sa kaniya kung kaya't mas binilisan niya ang paglalakad upang mahabol ang dalaga. Ang tanging nalalaman lang niya ay sundin ang kagustuhan niyang malaman ang iba pang bagay tungkol kay Socorro at tulungan ito.

"Sandali... Binibini!" Habol niya ngunit nanatiling diretso ang tingin ni Socorro. Sa dami ng tao ay hindi siya nito naririnig.

Napahinga nang malalim si Ambrosio, "Socorro!" Napatigil si Socorro nang marinig niya ang kaniyang pangalan. Lumingon siya at nakita si Ambrosio na ilang metro ang layo sa kaniya. Nagsimulang humakbang nang mabilis si Ambrosio papalapit, tila nakaligtaan nito ang ilang mga tao sa paligid na nagtatakang sinusundan sila ng tingin.

Tumigil si Ambrosio sa tapat ni Socorro habang nakatingin nang diretso sa mga mata nito. Naalala niya na madalas siyang ilarawan ng mga kaibigan at taong nakakilala sa kaniya bilang isang taong may dalang maraming surpresa. Maging siya ay nasusupresa pa rin sa sariling mga katangian at desisyon.

"Ibig mong magtrabaho kay Palabras?" Tanong ni Ambrosio na nagpatigil kay Socorro. Ni katiting na ideya ay wala siyang kamalay-malay na si Palabras mismo ang magdadala sa kaniya sa kaniyang pangarap.


"DITO nakatira si Palabras?" tanong ni Socorro sabay tingin sa malaking bahay na kulay itim. Tumingin siya sa kaliwa at kanan nang mapansin na ito ang kahabaan ng kalye na dinaanan niya patungo sa bahay nila Juliana kanina. Wala siyang ideya na may ganitong bahay ang pamilya Salcedo.

Natawa si Ambrosio, "Iyo na bang nakaligtaan na walang nakakilala kay Palabras," tugon ni Ambrosio dahilan upang magtaka si Socorro. "Ang sabi mo ay... Tinanong mo ako kung ibig kong magtrabaho kay Palabras!" Nanlaki ang mga mata ni Socorro, hindi niya maiwasang mag-isip nang kung ano-ano. Mabuti na lang dahil nasa labas pa sila. Sa isip niya ay paano kung dadalhin pala siya nito sa loob ng madilim na bahay na nasa harap nila.

Napakamot sa ulo si Ambrosio sabay ngiti, "Ang totoo niyan, iilan lang ang nakakakilala kay Palabras... at isa na ako roon. Sadyang misteryoso ang kaibigan kong iyon." Wika ni Ambrosio, nagdadalawang-isip siya kung dapat bang pagkatiwalaan ang babaeng ngayon niya pa lang nakilala. Napailing siya nang maalala na walang dapat na makaalam sa itinatago niyang katauhan bilang manunulat.

"Narito tayo ngayon sa tahanan ng may ari ng La Librería. Nagtatrabaho rin ako kay Don Julio." Paliwanag ni Ambrosio sabay tingala sa malaking bahay na sa unang tingin ay tila walang nakatira.

Humakbang paatras si Socorro, gusto niyang iuntog ang ulo sa pader dahil naniwala siya sa sinabi ng isang estranghero. Kung ibig niyang magtrabaho sa palimbagan ni Palabras ay mas mabuting pang kausapin niya si Cristobal. Iyon nga lang ay pahirapan ang pabor na iyon dahil palaging iniiwasan ni Cristobal ang usapin tungkol kay Palabras.

"Bakit? Ako ba ay may nasabing..." Napatigil si Ambrosio nang mabasa ang reaksyon ni Socorro. Napahawak siya sa kaniyang batok nang mapagtanto na maaaring maghinala nga si Socorro. Tumikhim si Ambrosio, "Ganito na lang, hindi kita pipiliting pumasok sa loob. Hintayin mo na lang ako rito. Kakausapin ko si Don Julio upang makuha ang manuscrito ni Palabras..." Hindi na natapos ni Ambrosio ang sasabihin dahil gulat na nagsalita si Socorro.

"Manuscrito ni Palabras? May ilalabas siyang bagong nobela?!" Napatakip sa bibig si Socorro. Napakurap ng dalawang beses si Ambrosio sa mabilis na pagbabago ng reaksyon ni Socorro, ngunit sa huli ay natawa na lang din siya.

"Oo, may bago siyang ilalabas na nobela. Aking nababatid iyon dahil ako ang nangangasiwa sa mga legal na usapin ng La Librería." Ngiti ni Ambrosio, tulalang tumango si Socorro, wala siyang masyadong naintindihan sa sinabi ni Ambrosio dahil hindi siya makapaniwala na totoo na may bagong nobela na ilalabas ang paborito niyang manunulat.

"Hintayin mo ako rito. Sandali lamang," wika ni Ambrosio na diretsong pumasok sa loob ng tarangkahan at kumatok sa pinto. Nanatiling nakatayo sa labas si Socorro na hindi pa rin makapaniwala sa manuscrito tinutukoy ni Ambrosio.

Palakad-lakad si Socorro sa labas ng bahay. Mabuti na lang dahil may malaking puno sa tabing kalsada. Tumawid siya sa kabila upang sumilong. Gayunpaman, hindi niya alintana ang tirik ng araw pasado ala-una ng hapon.

Naalala ni Socorro na nabanggit ni Ambrosio na kaibigan nito ang kanyang kapatid na si Jacinto. Nasa iisang silid sa dormitoryo sina Jacinto at Cristobal. Hindi malabong totoo ang sinasabi ni Ambrosio na kaibigan niya si Cristobal. Ngayon ay kailangan niyang malaman kung may ideya ba ang kuya niya na ang matalik nitong kaibigan ay si Palabras.

Makalipas ang halos sampung minuto ay natanaw na ni Socorro si Ambrosio papalabas sa itim na bahay. May dala itong itim na maleta. Naalala ni Socorro na ganoon din ang disenyo ng maleta na bitbit ni Cristobal nang makita niya ang mga manuscrito nito.

"Akala ko ay tinakasan mo akong muli," tawa ni Ambrosio na naglalakad papalapit sa kaniya. Iniabot nito ang maleta, sandaling napatitig si Socorro sa maleta, nagsimulang kumabog ang kaniyang puso sa ideyang naroroon ang mga manuscrito ni Palabras.

"Sa pagkakaalam ko ay walang ibang kopya iyan kung kaya't ingatan mo sana nang mabuti," saad ni Ambrosio nagulat siya nang hablutin muli ni Socorro ang maleta at niyakap ito. "Makakaasa kang iingatan ko ito nang buong buhay. Handa kong ialay ang aking oras, pawis, pagod, tulog, at hininga para rito." Napangiti si Ambrosio sa sinabi ni Socorro, nasaksihan niya kung paano magningning ang mga mata nito.

Tumikhim si Ambrosio nang maalala na may mahalagang detalye siyang dapat sabihin, "Sa loob ng isang linggo ay inaasahan naming maisasaayos mo ang manuscritong ng ikaapat na yugto..."

"Ikaapat na yugto? Ang ibig mo bang sabihin ay may ikaapat na yugto? Hindi totoong namatay si Felipe?!" Sunod-sunod na tanong ni Socorro na ikinagulat ni Ambrosio ngunit napangiti siya lalo sa katotohanang ramdam niya kung gaano kamahal ni Socorro ang kaniyang mga nobela.

"Ako'y balitaan mo kung ano ang nangyari sa nobela. Tanging ang magiging redactor lang ang makakabasa niyan. Sa ngayon kahit hanggang ikasampung kabanata pa lang ang iyong gawin, ayon kay Don Julio ay nais muna niyang makita ang iyong kakayahan." Paliwanag ni Ambrosio. Ilang ulit na tumango si Socorro, bakas sa mukha nito na handa siyang gawin ang lahat para sa bagong opurtunidad na ito.

"Magkita tayo sa susunod na Linggo sa simbahan ng Immaculada Concepcion sa ganap na ika-sampu ng umaga. Dalhin mo ang iyong nagawa at ako na ang maghahatid dito kay Don Julio." Muling tumango ng ilang ulit si Socorro dahilan upang hindi mawala ang ngiti ni Ambrosio. Animo'y nagbubunga ang lahat ng kaniyang pinaghirapan sa pagsusulat dahil sa naging reaksyon ng mga nakabasa nito.

"Siya nga pala, hindi ko pa nalalaman ang iyong pangalan. Bilang bahagi ng La Librería ay mahalagang malaman ko ang iyong pangalan at kung saan ka ngayon namamalagi."

Ngumiti si Socorro sabay lahad ng kaniyang palad, "Ang ngalan ko ay Maria Socorro..." Napatigil siya nang maalala na kilala nito si Jacinto. "Maria Socorro Gonzalez. Nanunuluyan ako sa tindahan ng tela ni Aling Maria." Patuloy ni Socorro, sa isip ni Socorro ay magpapakilala siya sa oras na siya ang mapiling redactor. Sa ngayon ay gagawin niya ang lahat upang makuha ang posisyon na iyon.

Ngumiti si Ambrosio at hinawakan ang kamay ni Socorro, "Ambrosio Del Rosario." Sandaling napatigil si Socorro dahil sa pamilyar na pangalan. "Nagagalak akong makilala ka, Ginoong Ambrosio..." Nanlaki ang mga mata niya nang maaalala kung saan niya narinig at nakita ang buong pangalan na iyon. Muntik niya pang mabitiwan ang hawak na maleta nang mapagtanto na ang binatang kaharap ay walang iba kundi ang manliligaw ni Nova na siyang sinulatan niya ng liham!

Napatigil si Socorro sa pag-aayos ng manuscrito nang marinig ang katok mula sa pinto ng kaniyang tinutuluyang silid. "Anong petsa mo ba bubuksan ito?" Gulat na napalingon si Socorro nang makilala ang boses ni Jacinto.

"Sandali lang!" Agad niyang tinipon ang mga papel, ibinalik sa maleta at agad inilagay sa loob ng isang baul. Iniligpit din niya ang ilang mga nagkalat na papel sa sahig, at inayos ang papag na hinigaan dahil hindi niya pa ito naliligpit. Ipinatong din niya ang balabal dahil hindi pa siya naliligo at nagbibihis nang maayos.

Nang buksan niya ang pinto ay tumambad sa harap niya sina Jacinto at Cristobal. Napangiti si Socorro nang makita si Cristobal, "Anong ginagawa niyo..." Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil pumasok na agad si Jacinto.

"Sa halagang sampung piso ay masasabi kong mapagtitiyagaan na ito," wika ni Jacinto na nagsimulang libutin ang maliit na silid. "Magandang hapon, Socorro." Bati ni Cristobal, hindi napansin ni Socorro na inabot na siya ng hapon sa pagsusulat.

"Pasok ka, Ginoo." Wika ni Socorro saka binuksan nang malaki ang pinto. Hindi niya malaman kung bakit pakiramdam niya ay tila mali na naglilihim siya kay Palabras.

Dumungaw si Jacinto sa bintana, "Kung maitutulak ko lang dito si Xavier ay buo na ang araw ko," wika ni Jacinto na tila hindi narinig ng dalawa.

"Siya nga pala, nagdala kami ng merienda." Wika ni Cristobal saka pinakita ang mga puto at biko na dala nila. Napangiti si Socorro dahil hindi pa siya nag-aagahan at tanghalian sa sobrang abala.

Naupo sila ni Cristobal sa sahig, agad naglagay ng sapin na dyaryo si Socorro upang may mapatungan ang mga pagkain. Napansin ni Cristobal na nakadamit pangtulog pa si Socorro, bukod doon ay mas lalong nangibabaw ang kagandahan nito sa ordinaryong anyo kung saan nakalugay ang mahaba't kulot na buhok.

Nagsimulang kumain si Socorro. "Saan niyo nabili ito?" Tanong ni Socorro na nakaubos agad ng dalawang puto. Agad umiwas ng tingin si Cristobal nang tumingin sa kaniya si Socorro, "G-gawa iyan ni Manang Sita." Tugon ni Cristobal na kunwaring abala sa pag-ayos ng mga pagkain kahit ang totoo ay wala siyang balak kumain para may maitabi pa si Socorro.

Umupo na si Jacinto sa sahig at kumuha ng dalawang puto na sabay nitong isinubo nang buo. Gusto sanang sawayin ni Cristobala ng kaibigan dahil kakakain pa lang nila kanina habang nagluluto si Manang Sita ng puto.

Napailing si Socorro nang makita ang hitsura ng kapatid, ngayon niya pa lang ito nakita mula nang malaman niyang nasangkot sila sa suntukan. "Wala namang pinagkaiba ang iyong hitsura ngayon kumpara sa dati, Kuya." Wika ni Socorro dahilan upang mapakunot ang noo ni Jacinto na kumuha pa ng isang puto.

"Matapos kong akuin ang responsibilidad ay ganito mo ako pakikitunguhan?" Umilling-iling na wika ni Jacinto sabay halukipkip. Napangiti si Socorro sabay subo ng puto. "Ang sabi ko ay sino ba ang hunghang na gumawa sa iyo niyan? Marapat silang maparusahan." Wika ni Socorro na sanay na sa ilang balitang nakakarating sa kanila noon sa Sariaya na nasasangkot sa gulo si Jacinto sa Maynila.

"Huwag mo na ipaalala sa akin ang tungkol sa bagay na iyan. Ako'y nanggagalaiti lamang sa galit dahil hindi ko napilipit ang leeg ng Xavier na iyon," wika ni Jacinto na ipinakita pa kung paano niya gustong balibagin at pilipitin si Xavier.

Natawa sina Socorro at Cristobal, "Sabihan niyo lang ako kung kailangan niyo ng tao. Nararapat na bigyan ng leksiyon ang mga iyon!" Saad ni Socorro na itinaas pa ang hawak na puto dahilan upang matawa si Cristobal.

"Tingnan mo, tinatawanan ka ni Cristobal, himala sapagkat nagawa mo siyang patawanin tulad ng kung paano siya napapatawa ng mga komedya na aming napapanood." Wika ni Jacinto sabay turo kay Cristobal. Marahang sinipa ni Socorro si Jacinto dahil inaasar siya nito sa harap ni Cristobal.

Napailing na lamang si Cristobal habang nakangiti sabay inom ng tubig. Ang totoo ay nagagawa nga siyang pangitiin at patawanin ni Socorro bagay na mas lalong nakadadagdag sa kaniyang kakaibang nararamdaman para sa dalaga.

"Siya nga pala, nakahanap ka na ng trabaho?" Tanong ni Jacinto, mabilis na napasulyap si Socorro kay Cristobal sabay tango.

"Oo," tipid na sagot ni Socorro sabay inom ng tubig. Ang totoo ay gusto niyang sabihin kay Cristobal na posibleng magtrabaho na rin siya sa La Librería ngunit hindi niya malaman kung anong pumipigil sa kaniya upang sabihin iyon. Bukod doon ay hindi niya ibig pangunahan si Cristobal lalo pa't ibig nitong ilihim ang kaniyang pagsusulat.

"Saan?" Tanong ni Jacinto na siyang nakaubos ng puto. Sa isip ni Cristobal ay bibili na lang siya ng hapunan ni Socorro na ipapaabot niya muli sa mga mananahi mamaya bago lumubog ang araw.

"D-diyan lang." Sagot ni Socorro dahilan upang maguluhan si Jacinto.

"Anong diyan lang? Ano ang iyong trabaho?" Ulit nito na tila nakaramdam na may kakaiba kay Socorro.

Huminga nang malalim si Socorro at tiningnan ang kapatid, "Sa palimbagan," tugon niya sabay kain ng biko.

"Anong palimbagan?" Usisa ni Jacinto. Napapikit si Socorro sa dami ng tanong ng kapatid.

"Basta. Hindi ko muna sasabihin sa ngayon dahil baka guluhin mo ako roon," wika ni Socorro sabay tingin kay Cristobal na nahuli niyang nakatingin sa kaniya. Agad itong umiwas nang magtama ang kanilang mga mata.

"Para namang maraming palimbagan dito. Wala pang kalahating oras ay mahahanap na kita." Wika ni Jacinto na naunang tumayo at nagpagpag ng kamay.

"O'siya, mauuna na kami. Hindi ako nakatitiyak kung anong oras makakadaong ang barkong sinakyan ni Ama." Saad ni Jacinto na naglakad patungo sa pintuan. Tinulungan ni Cristobal si Socorro na magligpit ng mga pinagkainan nila bago siya tumayo.

"Babalik dito si Ama?" Tanong ni Socorro ngunit hindi na siya naghintay nang sagot nang makita ang bakas ng pasa sa mukha nina Jacinto at Cristobal. Napagtanto niya na siguradong pinatawag ngayon ang kanilang Ama.

Iniisip ni Socorro kung handa na ba siyang makita ang Ama, humingi ng tawad sa kaniyang nagawa, at iparating ang magandang balita. Ngunit napatigil siya sa malalim na pag-iisip nang marinig ang boses ni Cristobal, "Socorro, may gagawin ka ba sa darating na Linggo?"

Napatingin si Socorro kay Cristobal na nakatingin nang diretso sa kaniya, naalala niya na ang una niyang napansin sa binata ay ang mata nitong nahahawig sa pusa. "Nais sana kitang anyayahan magsimba sa Immaculada Concepcion sa Linggo,"

"Anong oras?"

"Sa ikalima sana," naalala ni Socorro na magkikita sila ni Ambrosio para sa manuscrito sa umaga. Ngunit pagkatapos niyon ay wala naman na siyang gagawin.

Ngumiti si Socorro saka tumango, "Magkita tayo sa Linggo, Ginoo." Hindi makapaniwala si Cristobal sa naging tugon ni Socorro. Buong akala niya ay magtatanong pa ito ng marami o kaya ay tatanggi. Hindi niya namalayan ang unti-unting pagsilay ng ngiti sa kaniyang labi.

"M-magandang gabi, Socorro." Paalam ni Cristobal na napasuntok sa ere nang maisarado na ni Socorro ang pinto. Napatigil siya sa lihim na pagdiriwang nang muling sumilip si Jacinto mula sa hagdan dahilan upang mapatayo nang diretso si Cristobal habang blangko ang mukha, "Akala ko ay sa bintana ka na dumaan," wika nito na nagpatuloy na sa pagbaba. Muling napasuntok sa ere si Cristobal at masayang sumunod pababa ng hagdan.


NAIWAN sa silid ng dormitoryo sina Cristobal at Ambrosio dahil nagtungo si Jacinto sa bahay ni Don Marcelo upang doon magpalipas ng gabi, inaasahan niyang darating na ang Ama bago maghatinggabi. Nais niyang maunang magpaliwanag dahil tiyak na madadagdagan ang kuwento kung si Doña Jimena ang mauunang makapagkuwento sa kaniyang Ama.

Hindi makatulog si Cristobal habang nakangiting tulala sa kisame at pinapanood ang dalawang anino ng gamo-gamo malapit sa lampara na tila nagliligawan. Samantala, sa kabilang kama ay lumilipad din ang isipan ni Ambrosio habang nakangiti sa kawalan at nakatitig sa mga anino ng gamo-gamong naghahabulan.

Itinaas ni Cristobal ang kaniyang kaliwang braso upang higaan iyon. Napansin ni Ambrosio na gising pa si Cristobal, "Nasaan si Jacinto?"

"Nasa bahay ng kaniyang tiyuhin, hindi pa tayo makakapasok, iyo na bang nalalaman?" Tanong ni Cristobal saka tumingin sa gawi ni Ambrosio bagaman hindi nila masyado nakikita ang isa't isa.

"Oo, nagpadala muli ng mensahe si Padre Mendoza." Tugon ni Ambrosio. Ang totoo ay wala sa katangian ni Cristobal na sisihin si Ambrosio sa pangunguna nitong saktan si Xavier. Kung nagkataon na wala si Ambrosio noong araw na iyon ay siya marahil ang naunang nanakit kay Xavier.

"Galit ba kayo sa akin?" Tanong ni Ambrosio sabay tingin kay Cristobal. Umiling si Cristobal habang nakatingin sa anino ng mga gamo-gamo. "Ang mas karapat-dapat na ikagalit ay ang hindi magandang pag-uugali ng grupo nina Xavier." Tugon ni Cristobal bagay na nagpagaan sa loob ni Ambrosio nang malamang hindi galit ang isa sa mga gusto niyang kaibiganin sa bagong paaralan.

"Siya nga pala, nagtungo ang iyong Ama kahapon dito, hinahanap ka niya." Wika ni Cristobal. Wala siyang ideya kung nagpakita na ba si Ambrosio sa Ama nito dahil hindi rin ito pumasok ngayong araw.

"Ah, may sinamahan lang ako kahapon. Umuwi rin ako sa aming tahanan." Tugon ni Ambrosio na muling bumalik ang ngiti na hindi nawawala mula nang makilala si Socorro.

"Matanong ko lang, ikaw ba ay umibig na? May kasintahan ka ba?" Napangiti si Cristobal dahil si Socorro ang unang pumasok sa kaniyang isipan mula sa tanong ni Ambrosio. Humilig si Ambrosio upang tingnan nang mabuti kung ngumiti nga si Cristobal.

"Ang mga ngiting iyan, ikaw nga ay may kasintahan!" Kantyaw ni Ambrosio dahilan upang matawa si Cristobal.

"Hindi pa sa ngayon. Ako'y hindi nakatitiyak kung ano ba ito. Ang tanging nababatid ko lamang ay masaya ako sa tuwing nakikita at nakakasama ko siya." Tugon ni Cristobal, napapalakpak si Ambrosio na nagpatuloy sa pangangantyaw.

"Ikaw nga ay umiibig! Tunay na nakakalito sa simula ngunit ang saya na dulot niyan ay senyales nga na ikaw ay umiibig sa kaniya," paliwanag ni Ambrosio na tuwang-tuwa sa pangangantyaw. Bukod doon ay tila ba siya rin ang sumagot sa tanong niya sa sarili kung bakit hindi niya mawala-wala ang ngiti niya mula pa kahapon.

"Aking tatanggapin ang paliwanag na iyan mula sa taong may kasintaha," kantyaw ni Cristobal dahilan para magtaka at matawa si Ambrosio, "May nakakita sa iyo kahapon na may kasama kang Binibini sa simabahan," dagdag ni Cristobal dahilan upang mas lalong mapangiti si Ambrosio sa ideyang ang kasintahan niya si Socorro sa paningin ng iba.

"Tulad mo ay papunta pa lang kami roon. Titiyakin ko na makukuha ko ang kaniyang matamis na oo. Sa iyo ko unang ibabahagi ang magandang balitang iyon," ngiti ni Ambrosio.

"Basta huwag mo ring kalimutan na sa akin mo rin unang ibahagi kapag naging kasintahan mo na rin ang dahilan ng mga ngiti mong iyan," patuloy ni Ambrosio. Tumango nang marahan si Cristobal. Animo'y nagkaroon sila ng kasunduan na ipagbibigay-alam sa bawat isa ang balitang napasagot na nila ang babaeng kanilang napupusuan.

Tumayo na si Cristobal at lumapit sa lampara upang patayin ang sindi niyon. Nais na rin niyang makapagpahinga ang dalawang gamo-gamo. Nagtaklob na ng kumot si Ambrosio, "Magandang sa iyo, Cristobal. Mabuti na lang wala rito si Jacinto na sisira sa ating magandang panaginip dahil sa lakas ng kaniyang paghilik." Tawa ni Ambrosio. Napangiti si Cristobal, ang totoo ay nagagalak din siyang makausap ngayon si Ambrosio, nararamdaman niya na magiging magkaibigan sila taliwas sa naging kapalaran ng kanilang mga Ama.


MASINOP na naglilinis si Manang Tonya sa mga silid ng magkakapatid na De Avila, inuna niya ang mga bakanteng silid hanggang sa marating niya ang silid ni Socorro na kung dati ay magulo at maingay, ngayon ay nakakapanibago ang katahimikan at kalinisan nito.

Ipinatawag ni Manang Tonya ang tatlo pang kasambahay na tutulong sa kaniya sa paglilinis. Madaling bahayan ng alikabok at mga insekto ang mga silid na walang gumagamit. Nagsimulang magbunot ng sahig ang isa, ang isa naman ay siniguradong walang agiw na mabubo sa mga kisame, at ang isa ang matiyagang nagpupunas sa mga gamit.

Napatigil sa pagbubunot ang isang kasambahay nang may masagi ito sa ilalim ng kama ni Socorro. Agad niyang sinilip sa ilalim ang nakaharag na bagay sa ilalim. Pilit niyang inabot ang puti at mahabang bagay na nakasuksok sa dulo.

"Ano iyan?" Tanong ni Manang Tonya na naglakad papalapit, "May nakaharang po sa ilalim." Tugon ng kasambahay sabay abot ng isang mahabang nakarolyong papel. Maalikabok na ito at gusot.

Bago pa matanggal ni Manang Tonya ang tali ay napalingon sila sa isang kasambahay, "Manang, ano po ito?" Tanong ng kasambahay na natutong magbasa dahil kay Socorro. May nakuha itong piraso ng maliit na papel na nakaipit sa isang sirang libro.

Kunot-noong binasa ni Manang Tonya ang nakasulat sa piraso ng papel dahil malabo na kaniyang mga mata. Malalim at matalinghaga ang nakasulat na mensahe na tumutukoy sa agos ng tubig sa ilog. Napatigil si Manang Tonya nang mabasa ang pangalan ni Cristobal sa dulo ng papel

Agad niyang binuklat ang hawak na nakarolyong papel at laking gulat nila nang makita kung anong laman niyon. Napatakip sa bibig ang dalawang kasambahay, samantala, tiningnan nag mabuti ang isa dahil pamilyar ang hitsura ng lalaki sa obra.

"Nasaan si Doña Marcela?!" Gulat na tanong ni Manang Tonya.

"Nasa salas po, Manang."

Dali-daling lumabas sa silid si Manang Tonya bitbit ang dalawang bagay na natuklasan nila sa silid ni Socorro. Agad sumunod sa kaniya ang mga kasambahay. Habang tinatahak ni Manang Tonya ang mahabang pasilyo at ang hagdan pababa ay napagdugtong-dugtong niya ang tagpo kung saan naramdaman niyang tila may kakaiba kina Socorro at Cristobal.

"Doña Marcela!" Tawag ni Manang Tonya habang nagmamadaling bumaba ng hagdan. Napatigil sina Leonora at Amor sa pagbuburda sa salas kasama ang kanilang Ina. Maging si Agustino na tumutugtog ng piyano, at si Concordio na tumatakbo sa salas ay napatingin sa mayor doma.

"Jusmiyo, baka ikaw ay madapa, Manang Tonya." Wika ni Doña Marcela na agad ibinaba ang ibinuburda at sinalubong ang matanda. "Bakit ikaw ay nagmamadali?" Patuloy niya saka hinawakan ang balikat nito.

Napahawak si Manang Tonya sa kaniyang dibdib, "Tingnan niyo po ito, matagal na akong naghihinala sa dalawang iyan. Aking hindi akalain na maaaring totoo ang aking kutob." Wika ni Manang Tonya na hinihingal, agad siyang inabutan ng tubig ni Amor.

"Ano ba ito?" Nagtatakang tanong ni Doña Marcela sabay kuha sa iniaabot sa kaniya ni Manang Tonya.

"Nakuha po namin iyan sa silid ni Señorita Socorro," tugon ng isang kasambahay.

Tumayo sina Leonora at Amor sa tabi ng Ina nang basahin nito ang piraso ng papel. Wala siyang ibang naunawaan kundi ang pangalan ni Cristobal. Nang buklatin ni Doña Marcela ang nakarolyong papel ay ilang segundo siyang hindi nakapagsalita sa gulat.

Napatakip sa bibig si Amor at tumingin kina Leonora at Agustino na parehong nakakita na rin sa obrang iyon na ginawa ni Leonora ayon sa hiling ni Socorro. "A-anong ibig sabihin nito?" Naguguluhang wika ni Doña Marcela saka binasa muli ang mensahe ni Cristobal kay Socorro.

"Si Cristobal ang dahilan kaya nagtungo siya sa Maynila?!" Gulat na tanong ni Doña Marcela nang unti-unting naging malinaw sa kaniya ang laman ng mensahe at ang lalaki sa obra na pinakaiingatan ni Socorro.

"Sinasabi ko na nga ba't anino ng dalawang tao ang nakita natin noong gabing iyon." Saad ng isang kasambahay sa kaibigan niya.

"Manang, pakihanda po ang kalesa. Ako'y hahabol sa huling byahe patungo sa Maynila!" Matapang na saad ni Doña Marcela, kulang na lang ay gusto na niyang isigaw muli ang pangalan ni Socorro dahil sa panibago na namang problema na dala nito.


******************

#SocorroWP

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro