Kabanata 14: Ang Kasunduan

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 14]

NAPANSIN ni Socorro ang makailang ulit na pagtango ni Ambrosio habang binabasa ang gawa niya. Unti-unting napawi ang nararamdamang kaba dahil sa reaksiyon ni Ambrosio na tila ba sumasang-ayon sa lahat ng kaniyang suhestiyon.

"Maganda ang iyong ginawa rito," wika ni Ambrosio sabay turo sa sa ikaapat na kabanata kung saan nagbigay ng suhestiyon si Socorro tungkol sa mga linyang sinabi ni Felipe.

Napangiti si Socorro, ang mapansin at mapuri ang kaniyang gawa ay pumapawi sa lahat ng kaniyang pagdududa sa sarili at kawalan ng pag-asa. "Maganda rin ang iyong sulat-kamay," habol ni Ambrosio sabay ngiti at tumingin kay Socorro.

Hindi malaman ni Socorro kung dapat ba siyang ngumiti o mangamba dahil siya ang nagsulat ng liham ni Nova. Muli niyang inusisa ang reaksiyon ni Ambrosio na abala sa pagbabasa, sa palagay niya ay hindi nito nakilala ang kaniyang sulat-kamay.

Makalipas ang ilang sandali ay maayos na binalik ni Ambrosio ang kopya ng manuscrito sa maleta at itinupi ang gawa ni Socorro. "Kukunin ko muna ito upang ipakita sa may ari ng La Librería. Sa Linggo marahil ay may desisyon na sila ni Palabras." Ngiti ni Ambrosio saka muling tumingin kay Socorro na ngumiti pabalik sa kaniya.

Ang totoo ay nabawasan ang kaba ni Socorro dahil pakiramdam niya ay nagustuhan ni Ambrosio ang gawa niya, mas malaki ang pag-asa na maging pabor din ang mga nakakataas sa kaniya.

"Magkikita pa rin tayo sa Linggo. Malinaw na usapan iyon ha," paalala ni Ambrosio saka ibinalik kay Socorro ang maleta. Tumango si Socorro saka ipinatong sa hita ang maliit na maleta.

"Siya nga pala, wala kayong klase?" Tanong ni Socorro nang mapansin na nakabihis si Ambrosio na tila papasok sa paaralan. "Wala akong pasok, ngunit bukas ay papasok na ako," tugon ni Ambrosio sabay ngiti muli. Kahit papaano ay masaya siyang malaman na nagtatanong na si Socorro ng personal na impormasyon, nangangahulugang nakukuha na niya ang kuryosidad nito.

Nanatili silang nakaupo sa estrangque na tila ba wala pa sa kanilang plano ang umalis. "Maaari rin ba akong magtanong, Ginoo?" Tanong ni Socorro, tumango nang marahan si Ambrosio habang nakangiti. Itinukod niya ang dalawang kamay sa likod upang gawing sandalan.

"Oo naman, basta ikaw," tugon ni Ambrosio na umaasang mamumula ang pisngi ni Socorro ngunit nagpatuloy lang ito sa pagsasalita.

"Paano kayo nagkakilala ni Palabras?" Tanong ni Socorro, bakas sa hitsura nito ang matinding hangaring makakuha pa ng ibang impormasyon tungkol kay Palabras.

Tumingala si Ambrosio at pinagmasdan ang matataas na puno sa paligid. "Matagal na kaming magkakilala, ngunit hindi kasingtagal ng pagkakakilala niya sa akin. Sa totoo lang, walang sinumang mag-aakala na sa unang tingin kay Palabras ay isa pala itong manunulat." Tawa ni Ambrosio.

Napaisip si Socorro at marahang itinango ang ulo upang sumang-ayon sa sinabi ni Ambrosio. Kung hindi niya nakita ang mga manuscrito ni Cristobal ay hindi niya ring aakalain na ang isang tahimik, matalino, mayaman, at mahinahon na tulad niya ay si Palabras na palaban sa kaniyang mga nobela.

"Halos taglay ni Palabras ang lahat. May pangalan, nagmula sa marangyang pamilya, may kinabukasan, ngunit ayon sa kaniya, tila may kulang sa kaniyang buhay. Tila raw ba hindi siya nararapat sa karangyaan at katiwasayan gayong ang ilan sa malalapit sa kaniya ay naghihirap," patuloy ni Ambrosio habang nakatitig sa mga punong marahang isinasayaw ng hangin ang mga malalagong dahon nito.

Wala na ang ngiti sa labi ni Ambrosio. Sandaling pinagmasdan ni Socorro ang hitsura ni Ambrosio na tila ba may inaalala sa kaniyang isip at kinukuwestiyon kung bakit may mga dahong nahuhulog sa puno at may ilang nananatiling nakakapit doon.

Sumagi sa isip ni Socorro si Cristobal, kilala at mayaman ang pamilya Salcedo. Ayon din sa nakuha niyang ilang impormasyon noon ay mag-isang anak lang ito ng tanyag na dating punonghukom. Naririnig na niya dati pa ang mga tagumpay ng pamilya Salcedo ngunit kailanman ay hindi niya pa nakikita ang mag-asawang Salcedo.

Ngayon ay napapaisip siya kung bakit nagsusulat si Cristobal gayong halos nasa kaniya na ang lahat. Siya ay isang lalaki na malayang makakapag-aral kahit saan niya gusto. Malaki rin ang posibilidad na magtungo ito sa Europa tulad ni Feliciano upang doon ipagpatuloy ang magandang kinabukasan.

"Sadyang malalim ang pinanghugutan ni Palabras kay Felipe. Marahil ay may ilan siyang karanasan na hindi natin nalalaman," wika ni Socorro dahilan upang matauhan si Ambrosio at tumingin sa kaniya.

"Nakikita ko ang aking sarili kay Felipe. Maayos ang kaniyang buhay at malinaw ang kinabukasang nag-aabang sa kaniya, ngunit wala pa rin siyang kalayaan," patuloy ni Socorro saka napatitig sa maleta.

Sandaling naghari ang katahimikan. Nang dahil sa sinabi ni Socorro ay napaisip si Ambrosio na maaaring nagmula sa marangyang pamilya si Socorro tulad ni Felipe. Ngunit palaisipan sa kaniya kung bakit mag-isa ito sa Maynila.

Gustuhin mang magtanong ni Ambrosio tungkol sa personal na buhay ni Socorro ngunit pinag-iisipan niyang mabuti kung paano maipapasok ang tanong na iyon. "Nabanggit mo pala dati na si Palabras ang dahilan kung bakit ka naririto. Nasaan ang iyong mga magulang?"

"Nasa malayong lugar sila. Pinili kong sundin ang daan patungo sa aking pangarap. Binuhay ni Palabras ang aking pagmamahal sa pagsusulat. Ginising niya ang natutulog kong pag-asa," tugon ni Socorro sa malungkot na tono.

"Hindi ko ibig tahakin ang karaniwang buhay na kinahahantungan ng mga kababaihan. Nais kong patunayan na may higit na kakayahan ang mga babae na hindi lang umiikot sa gawaing bahay at pagbuburda," patuloy ni Socorro na ngumiti nang marahan dahilan upang mapangiti si Ambrosio.

"Ang akala ko ay si Paloma ang iyong inspirasyon. Mas nangingibabaw pala sa iyo si Felipe." Tawa ni Ambrosio upang gumaan ang paligid at matawa si Socorro.

"Sa oras na makumpirma ko talaga ang katauhan ni Palabras ay uulanin ko siya ng mga tanong kung bakit muntik na niyang paslangin si Felipe sa ikatlong yugto," saad ni Socorro dahilan upang matawa silang dalawa.

Nang humupa ang tawanan ay nanatiling nakatingin si Ambrosio kay Socorro, "Ako'y naniniwala na darating ang panahon na makikilala mo si Palabras. Makakaharap at makakausap mo siya nang ganito," wika ni Ambrosio na hindi inaalis ang mga mata kay Socorro habang marahang bumabagsak ang mga dilaw na dahon mula sa nagtataasang mga puno.

Hindi nakapagsalita si Socorro habang nakatingin nang deretso sa mga mata ni Ambrosio. Hindi nagtagal ay nagawa niyang ngumiti, "Magdilang-anghel ka nawa, Ginoo."

Samantala, mula sa di-kalayuan, sa tapat ng bukana ng hardin ay nanatiling nakatayo si Cristobal habang pinagmamasdan ang pagpapalitan ng ngiti at tawanan ng babaeng nagpapatibok sa kaniyang puso, at ang lalaking hinahangad sana niyang maging malapit na kaibigan.


WALA sa sariling nakatitig si Cristobal sa librong En La Niebla De La Tierra Prohibida na unang yugto ng nobelang isinulat ni Palabras. Nakaupo siya sa bakanteng upuan at mesa ng La Librería para sa mga nais magbasa ng libro.

Nagsimula ang kuwento ni Palabras nang mahulog ang isang marangyang tagapagmana ng isang kilalang pamilya. Si Felipe ay may magandang kinabukasan at buhay na naghihintay. Ngunit, nagbago ang lahat nang mahulog ito kay Paloma kinupkop ng tiyahin dahil sa ito'y ulila na. Si Paloma ay tumutulong sa kaniyang tiyo at tiya na magsasaka sa malawak na sakahang pag-aari ng pamilya ni Felipe.

Animo'y lumulutang ang isipan ni Cristobal sa kawalan habang paulit-ulit na nakikita ang palitan ng ngiti nina Socorro at Ambrosio sa isa't isa. Naalala niya ang hitsura ni Ambrosio kung paano nito inilarawan ang paghanga sa babaeng nais mapasagot. Wala siyang kamalay-malay na iisa ang babaeng umuukupa sa kanilang puso't isipan.

May pagtingin si Paloma kay Felipe sa kuwento. Ang nakakalungkot ay nalalaman niya sa sarili na hindi siya si Felipe.

Natauhan si Cristobal mula sa malalim na pag-iisip nang marinig ang boses ng isang babae. "Mawalang-galang na, Ginoo. Nais ko sanang itanong kung iyo bang bibilhin ang natitirang kopya ng unang yugto?" Tanong ng isang dalaga na nakatayo sa tabi kasama ang tagapagsilbi nito.

Napatingin si Cristobal sa libro na nakabuklat ngunit baliktad ang pagkakaayos. Agad niyang inikot ang libro at isinara iyon. Tumayo si Cristobal at iniabot sa dalaga ang libro. "I-ibibigay mo na sa akin, Ginoo?" Halos walang kurap na tanong ng dalaga na hindi inaalis ang tingin kay Cristobal.

Kinuha ni Cristobal ang kaniyang sumbrero na nakapatong sa mesa saka isinuot. Tumango siya nang marahan bilang tugon sa tanong ng dalaga at upang magpaalam na rin. Nakakadalawang hakbang pa lang siya nang muling magsalita ang dalaga, "Ginoo, sa aking pakiwari ay nagkita na ba tayo noon?" Habol ng dalaga dahilan upang mapatigil si Cristobal at dahan-dahang lumingon.

Tiningnan niya ang dalaga na sa tingin ay nalalapit lang sa kaniyang edad. Base sa pananamit at ayos nito ay nabibilang ito sa alta sociedad. Kulay puting baro at asul na saya ang suot ng dalaga na may mga suot na alahas na gawa sa pilak.

Magsasalita sana si Cristobal upang sabihin na wala siyang maalala na nagkita o nagkakilala na sila noon ngunit naunang magsalita ang dalaga na humakbang pa ng dalawa papalapit sa kaniya. Nagulat ang tagapasilbi na agad kumapit sa braso ng dalaga upang pigilan ang paglapit nito sa binata.

"Sa tahanan ng pamilya De Avila. Sa Sariaya," paalala ng dalaga dahilan upang magtaka si Cristobal. Ang unang pumasok sa isip niya ay baka kapatid din ni Jacinto ang babaeng kaharap ngunit ngayon niya lang ito nakita.

Ngumiti ang dalaga sabay kumpas ng abaniko, "Siya nga pala, hindi pala tayo nakapagpakilala sa isa't isa nang magtungo kami sa hacienda De Avila," patuloy ng dalaga na ang sinuman ay mapapatulala sa kaniyang matamis na ngiti.

"Ang aking ngalan ay Juliana... Juliana Villafuerte," wika ng dalaga. Inalis ni Cristobal ang kaniyang sumbrero at itinapat sa dibdib. Marapat lang na maging magalang siya gayong hindi maganda ang pakiramdam niya.

"Cristobal Luis Salcedo," saad ni Cristobal sabay lahad ng kaniyang palad dahilan upang mapangiti si Juliana. Sandaling napatigil si Cristobal nang maalala ang piraso ng papel na nakuha niya sa tapat ng bahay ng pamilya Villafuerte, ang papel na iyon ay may kinalaman kay Palabras.


KINABUKASAN, papasikat na ang araw nang dumaong ang barkong sinasakyan ni Doña Marcela. Hawak niya sa kaliwang kamay si Concordio na umiyak at hindi gustong magpaiwan. Bitbit ng dalawang kasambahay ang mga bagahe ng mag-inang De Avila na maingat na bumababa sa makipot na hagdan.

Pupungay-pungay pa ang mga mata ni Concordio na ginising nang maaga. Papasakay na sila sa kalesa nang may tumawag kay Doña Marcela. "Marcela, amiga!" Nang lumingon sa likod ay nakita niya si Doña Mariana na mabilis na naglalakad papalapit sa kanila kasunod ang dalawang tagapagsilbi.

Agad nag-beso ang dalawang Doña at pinaalala ni Doña Marcela na magmano si Concordio, "Hindi pa naman ako ganoon katanda, beso na lang, hijo." Ngiti ni Doña Mariana na yumuko upang makahalik ang bata sa kaniyang pisngi.

"Ako'y nagagalak na makita kita, Marcela. Kailan pa tayo huling nagkita?" Ngiti ng Doña, ngumiti si Doña Marcela, "Ipagpaumanhin niyo Doña Mariana ngunit sa tagal ng panahon ay aking nakaligtaan na rin. Kumusta kayo ni Don Mario?"

"Heto, kung maaari pa ay ibig niya pang mag-anak kami." Halakhak ng Doña sabay kumpas ng abaniko. Napalingon ang ilang dumaraan dahil sa lakas ng tawa nito. Nakaramdam ng hiya si Doña Marcela dahil sa lakas ng tawa ni Doña Mariana.

"Siya nga pala, kumusta si Feliciano? Nakasabay din pala namin sa salo-salo ang isa mo pang anak, si Jacinto!" Tumingin sa paligid si Doña Mariana nang maalala na hindi dapat siya nagsasalita nang malakas.

"Naghihintay din kami ng liham kung matutuloy ang pag-uwi ni Feliciano sa Disyembre. Nagagalak din akong malaman na nakapag-usap po kayo ni Jacinto." Nakangiting tugon ni Doña Marcela.

"Kay galang at husay makipag-usap ng anak mong si Jacinto. Ang sabi ko nga e, aanyayahan ko kayo sa Pasko kung dito kayo magpapasko sa Maynila." Ngiti ng Doña na nagpangiti kay Doña Marcela dahil sa papuring natanggap ni Jacinto.

Makalipas ang ilang sandali ay nagpaalam na si Doña Mariana dahil ipapahakot niya pa ang mga gamit pasakay sa barko upang dalhin sa mga pamangkin sa probinsya.

Hindi rin nagtagal ay nakarating na nila ang bahay ni Don Marcelo sa Maynila. Muling ginising ni Doña Marcela ang anak na nakatulog sa byahe. Magiliw na sinalubong ni Doña Jimena ang hipag saka hinalikan sa pisngi ang pamangkin.

Yumakap si Doña Marcela sa kapatid na masaya ring makita siya. Sandali silang nagkamustahan sa hapag-kainan habang hinihintay ang pagbaba ng kaniyang asawa na maagang naligo at nagbihis dahil may pupuntahan ito sa Aduana.

"Nasaan pala si Segunda?" Tanong ni Doña Marcela nang mapansing wala ang anak gayong nabanggit ni Doña Jimena na hindi natuloy ang paghatid nito sa kumbento kahapon. "Tulog pa si Segunda. Hatinggabi na ay nakita ko pa siyang nagdarasal sa altar. Hindi ko namalayan kung anong oras na nakatulog ang dalaga mo."

Nagpatuloy na lang sa pagkain si Doña Marcela, sa isip niya ay marahil nagdadasal si Segunda upang humingi ng gabay sa pagpasok sa kumbento. "Nais ko sana siyang tanungin, ngunit hindi siya makatingin sa akin na tila ba may nagawa siyang isang napakalaking kasalanan na walang kapatawaran. Kausapin mo muna si Segunda bago niyo ihatid sa kumbento," payo ni Doña Jimena na tiningnan ng asawa upang paalalahanan ito na hindi ito ang oras para magsabi siya ng kung anu-ano.

Napaisip si Doña Marcela, inalala niya na si Segunda mismo ang lumapit sa kanila upang sabihing siya na lang ang papasok sa kumbento bilang kapalit ni Socorro. Natigilan sa pag-iisip si Doña Marcela nang makitang pababa ng hagdan ang asawa na agad sinalubong ni Concordio.

"Narito pala kayo!" Ngiti ni Don Epifanio sabay buhat kay Concordio at inikot sa ere dahilan upang bumungisngis nang malakas ang bata. Tumayo si Doña Marcela at naglakad papalapit sa asawa upang yumakap sandali.

"Sana ay nagsabi ka upang sumabay kayo sa amin ni Segunda patungo rito," wika ni Don Epifanio habang nakangiting pinagmamasdan ang asawa. Ngunit unti-unting napawi ang ngiti niya nang makita ang pamilyar na hitsura nito sa tuwing nag-aalala.

"Bakit?" Tanong ni Don Epifanio, lumingon si Doña Marcela sa mag-asawang Gonzalez na patuloy sa pagkain sa hapag. "May mahalaga akong sasabihin ngunit mamaya na," saad ni Doña Marcela na hindi ibig makuha ang ateknsyon ni Doña Jimena. Buong pag-aakala nito ay nagtungo sila sa Maynila upang makasamang maghatid kay Segunda sa kumbento.

Nagpatuloy sila sa hapag-kainan. Napagod na si Doña Marcela kakasaway kay Concordio na tumatakbo sa salas at lalapit sa kaniya kapag susubo ng pagkain. Nang kunin niya ang baston ni Don Epifanio ay agad naupo si Concordio at ilang minutong nanatili roon nang hindi gumagalaw.

Sa kalagitnaan ng almusalan ay dumating si Jacinto. Muling tumakbo si Concordio upang salubungin si Jacinto na nagulat. "Ang aming prinsipe!" Ngiti ni Jacinto saka kiniliti ang kapatid na halos maiyak sa pagtawa.

Napangiti si Jacinto nang makita ang Ina na tumayo rin nang makita siya. Agad yumakap si Jacinto sa Ina, "Nakarating sa akin ang iyong kinasangkutan, ikaw talagang bata ka," wika ni Doña Marcela na madaling lumambot ang puso pagdating kay Jacinto na siyang pinakamalambing sa kaniya.

"Pasensiya na, Ina. Ako'y natuto na sa sermon ni Ama maghapon." Tawa ni Jacinto na sinadyang ibulong sa Ina ang sinabi dahil siguradong hindi tatanggaping biro iyon ng kaniyang Ama.

"Kumain ka na rito, Jacinto," wika ni Don Marcelo.

"Salamat po, Tiyo Marcelo. Naparito po pala ako para samahan si Ate Segunda sa pamilihan. Nagsabi po siya sa akin kahapon," paalam ni Jacinto. Magsasalita pa sana si Jacinto ngunit dali-dali nang bumaba si Segunda mula sa ikalawang palapag na animo'y na kanina pa ito nakahanda at naghihintay sa kapatid.

Bumagal ang paghakbang ni Segunda sa baytang nang makitang nakatingin sa kaniya ang lahat. Suot na niya ang kaniyang luntiang balabal kahit wala pa sa labas ng bahay. "Magandang umaga po, nagpasama po ako kay Jacinto. May bibilhin lang kami sa...," saad ni Segunda na napatigil nang makita ang Ina. Natauhan siya nang maramdaman ang pagyakap sa kaniya ni Concordio.

Ngumiti si Segunda saka pinisil nang marahan ang pisngi ni Concordio bago ibinalik ang tingin sa Ina na hindi inaasahang makikita sa Maynila. Lumapit si Doña Marcela na walang kurap na nakatingin sa kaniya, "Nakarating sa akin ang iyong pagdarasal mula raw kahapon. Ikaw ba ay ayos lang, Segunda?" Nag-aalalang tanong ng Ina sabay hawak sa pisngi ng anak.

Pilit na ngumiti si Segunda saka tumango nang marahan, "May nais lang po akong hilingin sa Poong Maykapal. Wala po kayong dapat ipag-alala, Ina," tugon ni Segunda sabay tingin kay Jacinto na pinipigilan ang tawa nang makita ang malalim niyang mga mata sanhi ng puyat.

"O'siya, mag-iingat kayo," wika ni Doña Marcela sabay tingin kay Jacinto. "Wala ka bang pasok, Jacinto?"

"Mamaya pa pong ika-walo, Ina. Sandali lang naman po kami sa pamilihan," tugon ni Jacinto na walang bakas ng pagsisinunggaling.

"Maaari namang tayo na lang ang magtungo sa pamilihan, Segunda. May pasok pa pala si Jacinto," sabat ni Doña Jimena, nagkatinginan sina Jacinto at Segunda na parehong nakakakilala sa ugali ng kanilang tiyahin. Sabay silang umiling, "May bibilhin din po ako sa pamilihan. Salamat po sa inyong pag-aalala, Tiya Jimena," wika ni Jacinto na siyang sumalba kay Segunda na hindi sanay magsinunggaling.

Parehong nakahinga nang maluwag sina Jacinto at Segunda nang makasakay na sila sa kalesa, "Kaya pinili kong tumira sa dormitoryo kaysa rito dahil kay Tiya Jimena," wika ni Jacinto dahilan para sumang-ayon si Segunda at matawa dahil iniiwasan nilang lahat na magkakapatid ang Tiya na laging nakamasid sa kanila.

"Ang sabihin mo ay mas ibig mong manirahan sa dormitoryo dahil mas magagawa mo ang ibig mo," dagdag ni Segunda dahilan upang matawa si Jacinto. "Ako'y hindi na aalma sa katotohang iyan," pagsang-ayon ni Jacinto sabay taas ng dalawa niyang kamay.

"Nakatitiyak ka ba na nasa maayos na kalagayan si Socorro?" Tanong ni Segunda. Ang totoo ay hindi sila pupunta sa pamilihan. Kinausap ni Segunda si Jacinto upang dalhin siya nito kay Socorro na gusto niyang makita bago siya pumasok sa kumbento.

"Sa aking palagay ay masaya naman siya. Iyong naalala ang sabi noon ni Lola? Si Socorro raw, kahit dalhin sa isang islang walang katao-tao ay mabubuhay doon." Tawa ni Jacinto sabay paalala na tinawag nilang unggoy si Socorro na mahilig lumambitin noon sa puno.

"Ang pagkaalala ko ay kayong dalawa raw ni Socorro ay ang magkapatid na matsing sa ating pamilya." Tawa ni Segunda dahilan para mas lalong matawa si Jacinto.

Hindi nagtagal ay narating na nila ang silid na tinutuluyan ni Socorro. Wala pa si Aling Maria ngunit nakilala na si Jacinto ng ilang mananahi. Kumatok ng tatlong ulit si Segunda sa pintong itinuro ni Jacinto ngunit makalipas ang ilang minuto ay wala pa rin silang naririnig na tugon.

Binuksan ni Segunda nang dahan-dahan ang pinto. Nagkatinginan sila ni Jacinto nang maabutang mahimbing pang natutulog si Socorro habang nakakalat ang mga papel sa sahig. "Akala ko ba ay may trabaho ka na?" Napabalikwas sa gulat si Socorro nang marinig ang malakas na boses ni Jacinto na naunang pumasok sa loob.

Kukurutin sana ni Segunda si Jacinto ngunit nakailag na ito habang tumatawa dahil nagulat niya si Socorro. Binato ni Socorro ang unan kay Jacinto dahil sa inis ngunit muli itong nakailag. Akmang susugurin niya pa sana si Jacinto ngunit napatigil siya nang makita si Segunda.

"Ate Segunda!" Agad yumakap si Socorro sa kapatid na muntik pang mawalan ng balanse dahil sa biglaang pagyakap niya. "Socorro, hindi na kita kaya buhatin," paalala ni Segunda na natawa na lang din dahil nakaligtaan ata ni Socorro na hindi na siya kasingbata ni Concordio. Lumapit din ang dalawang kuneho kay Segunda na ikinatuwa rin nito.

"Anong ginagawa mo rito? Dito ka na rin sa Maynila?" Halos mapunit ang mukha ni Socorro sa laki ng kaniyang ngiti. Ang makasama si Segunda ay tila kasama niya ang kaniyang Ina. Sa kanilang magkakapatid, si Segunda ang tumatayong pangalawang Ina sa kanilang tahanan.

Ngumiti nang marahan si Segunda, "Ako'y tutuloy sa kumbento." Natahimik si Socorro nang marinig ang sinabi ni Segunda. Naalala niya na siya ang dapat dadalhin sa kumbento. Lumapit si Socorro at hinawakan ang kamay ni Segunda.

"Ate... Hindi mo kailangan gawin ang isang bagay na labag sa iyong kalooban," wika ni Socorro ngunit isang malungkot na ngiti ang namutawi sa mukha ni Segunda.

"Huwag mong isipin na napilitan lamang ako, ang totoo ay ibig kong tumuloy dahil ibig kong magkaroon ng katihimikan. Hindi lingid ko sa iyong kaalaman ang mga kumakalat na usap-usapan tungkol sa akin sa ating bayan. Akin ding nalalaman na nag-aalala na rin sina Ama at Ina..." Hindi na natuloy ni Segunda ang sasabihin, ang usapin tungkol sa pag-aasawa ay ibig niyang iwasan hangga't maaari.

Pinisil ni Segunda nang marahan ang kamay ni Socorro, "Ipagdarasal ko rin ang iyong katagumpayan. Ang iyong tagumpay ay tagumpay din namin." Ngiti ni Segunda dahilan upang mapangiti si Socorro at yumakap muli sa kaniyang kapatid.

"Salamat sa iyong pag-unawa, ate Segunda." Maluha-luhang wika ni Socorro. Ang totoo ay hindi niya lang maamin sa sarili ang kalungkutan at pangungulila na kaniyang nadarama nang piliin niyang mabuhay mag-isa na labag sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang.

Agad ding hinawi ni Segunda ang mga luhang nagpapalabo sa kaniyang paningin. "Pasalamat kayong dalawa dahil tila hindi na matutuloy ang kasunduang kasal sa pamilya Sanchez," wika ni Jacinto na sandali nilang nakalimutang naroon.

Nakasuksok ang kamay sa bulsa habang nakatingin sa kanila. Nagtaka ang hitsura nina Socorro at Segunda, "Totoo nga! Muntik na silang magsuntukan kahapon." Tawa ni Jacinto na umupo sa mesa saka tiningnan ang ilang pluma ni Socorro akala niya ay kaniya.

Nagulat si Jacinto nang agawin ni Socorro ang pluma at ibinalik ito sa lagayan. "Si Ama na malaki ang utang na loob sa pamilya Sanchez ay maghahamon ng away? Ako'y hindi naniniwala sa iyo," saad ni Socorro na napasingkit pa ang mga mata. Ilang beses na siyang nauto at nalinlang noon ni Jacinto lalo na noong mga bata pa sila. Madalas nakukuha ni Jacinto sa kaniya ang mga tsokolate at matatamis na panghimagas na binibigay sa kanila ng kanilang Lola.

Tumawa si Jacinto na napapalakpak pa, "Alam mo ikaw, isa ka ring tusong matsing e. 'Di bale, huwag kang maniwala. Ako ba ang ikakasal sa basag-ulo na 'yon?" Tawa ni Jacinto saka tumayo, mas lalo siyang natuwa sa pagdugtong ng kilay ni Socorro. "Pabor pa nga sa akin na maging bayaw ang isa pang matsing na iyon. Makita lang niya kung anong magagawa ng isang tulad ko. Pakasal ka na kay Xavier at pahirapan natin ang buhay niya." Patuloy ni Jacinto na natawa pa nang malakas.

Nagkatinginan sina Socorro at Segunda na parehong napailing na lang sa kung anong utak mayroon ang kapatid nila.


"IKAW ba ay may nais sabihin sa akin?" nag-aalalang tanong ni Don Epifanio nang mapansin na parang hindi mapakali ang asawa. Nang matapos silang kumain ng agahan ay sinabihan agad siya ni Doña Marcela na pumanhik sila sa asotea.

Pinagmamasdan nila ang pagdaan ng mga kalesa at mga tao. Dinala ni Don Epifanio ang tasa ng kape na hindi niya natapos inumin. Tumikhim si Doña Marcela, huminga nang malalim at tumingin sa asawa. Nababatid niya na sa oras na sabihin na niya ang kaniyang natuklasan ay wala na itong bawian.

"Si Socorro..." Napatigil si Doña Marcela, nagdadalawang-isip siya kung sasabihin na ba niya kay Don Epifanio. Kilala niya ang asawa na nagiging seryoso pagdating sa pag-aasawa ng mga anak. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa alaala niya ang naging reaksyon nito nang malaman ang nangyari kay Remedios.

"Nangungupahan siya sa isang silid malapit sa dormitoryo ni Jacinto," saad ni Don Epifanio sabay inom ng kape sa pag-aakalang nag-aalala lang ang asawa sa kalagayan ni Socorro. Gulat na napatingin si Doña Marcela kay Don Epifanio.

"Malapit sa dormitoryo? Kung saan naninirahan din si Cristobal?" Pagkumpirma ni Doña Marcela dahilan upang magtaka si Don Epifanio. "Oo, hindi ba't magkasama sina Jacinto at Cristobal sa dormitoryong iyon," tugon ni Don Epifanio na naguguluhan sa reaskyon ng asawa.

Napahawak si Doña Marcela sa kaniyang sentido. Ibinaba ni Don Epifanio ang hawak na tasa sa tabing-mesa at hinawakan ang magkabaliang-balikat ng asawa, "Ikaw ba'y ayos lang? Masama ba ang iyong pakiramdam?" Nag-aalalang tanong ni Don Epifanio, huling nahilo ang asawa nang ipagbuntis nito ang kanilang bunsong anak. Ngayong pitong taong gulang na si Concordio ay himala na kung mabibiyaan pa sila ng isa pang anak.

"Marahil ay kaya nga nagtungo si Socorro rito sa Maynila ay dahil sa binatang iyon," wika ni Doña Marcela dahilan upang mapakunot ang noo ni Don Epifanio, hindi niya maintindihan ang sinasabi nito.

Seryosong tumingin si Doña Marcela sa kaniyang asawa, "Natuklasan namin sa silid ni Socorro ang larawan ng isang binata at ang mensahe na maaaring panghihimok na sila ay magtanan," patuloy ni Doña Marcela saka huminga nang malalim.

"Si Socorro ay may kasintahan?" Hindi malaman ni Don Epifanio ang kaniyang magiging reaksyon. Ni kailanman ay hindi niya naisip na iibig nang maaga si Socorro dahil sa ugali nito. Ngayon ay hindi na niya alam kung anong dapat na maging reaksyon, gusto niyang tumawa ngunit seryoso ang hitsura ni Doña Marcela.

"Oo, at ang larawang itinago niya sa kaniyang silid ay ang larawan ni Cristobal." Dagdag ni Doña Marcela dahilan upang mapatigil si Don Epifanio. Ilang segundo siyang hindi nakapagsalita sa pagtataka at pagkabigla.

"Hindi ko na nadala ang obra sapagkat napakalaki nito. Ito lang ang aking nadala," wika ni Doña Marcela at ipinakita sa asawa ang piraso ng papel na binigay ni Cristobal kay Socorro. Nanlaki ang mga mata ni Don Epifanio. Bata pa lang ay nakahiligan na niya ang pagsusuri at pagbibigay-kahulugan sa mga literatura. Ilang parangal ang kaniyang natanggap at madalas napapabilang sa mga hinihirang sa paligsahan.

Ngayon niya lang nabasa ang sipi na iyon na sa palagay niya ay maaaring mula sa isang libro o kaya ay isinulat mismo ni Cristobal. Ang tubig sa ilog na siyang nag-uudyok na taliwasin ang karaniwang agos. Nagpatuloy sa pagsasalita si Doña Marcela, nabanggit din nito ang tungkol sa dalawang anino na nakita ng mga kasamabhay na gusto sanang umalis noon sa kanilang bahay nang sabihin ni Socorro na dating sementeryo ang kanilang tahanan.

Naalala ni Don Epifanio ang hitsura ni Cristobal at ang pag-iwas nito ng tingin nang matanong niya ito tungkol kay Socorro. Hindi mapigilang maihalintuad ngayon ni Don Epifanio si Socorro sa nangyari kay Remedios at sa biglaang pag-aasawa nito.

"Ano na ang gagawin natin ngayon?" Natauhan si Don Epifanio sa tanong ni Doña Marcela. "Sa oras na kumalat ang usaping ito ay tiyak na masisira nang tuluyan ang ating dalaga." Muling napahawak sa sentido si Doña Marcela. Mas gugustuhin na lang niya na masangkot si Socorro sa mga pagsuway nito sa kanilang tahanan kumpara sa ganito kalaking suliranin.

"Ilan na ang nakakabatid nito?"

"Kami-kami pa lamang. Si Manang Tonya, ang mga kasambahay na kasama niya sa paglilinis. Sa aking palagay ay mga sampu," tugon ni Doña Marcela. Napahilamos ng mukha si Don Epifanio. "Socorro... Jacinto... Sumasakit na ang aking ulo," bulong ni Don Marcelo sa sarili. Balak na sana niyang umuwi sa Sariaya bukas matapos maayos ang gulong kinasangkutan ni Jacinto. Ngunit tila malabong mangyari iyon gayong may bagong suliraning dala si Socorro.

"Magpapadala ako ng mensahe kay Don Rufino. Narito siya ngayon sa Maynila. Hangga't maaari makausap na sana natin siya sa lalong madaling panahon," wika ni Don Epifanio. Hindi nakapagsalita si Doña Marcela. Sa tingin pa lang ng kaniyang asawa ay nababatid niya kung ano ang sunod na hakbang na gagawin nito.


NAPAKURAP ng ilang beses ang ilan sa mga mag-aaral sa klase ng Literatura nang makita nila ang maagang pagdating ni Jacinto. Kalahating oras pa bago magsimula ang klase ay nakarating na si Jacinto matapos ihatadi pabalik si Segunda sa tahanan ng kanilang tiyo.

Napatigil si Ambrosio sa pagbabasa nang matanaw si Jacinto na papalapit sa kaniyang inuupuan. "Saan ka na ba umuuwi? Nakapanghihinayang naman ang binabayad mo sa dormitoryo," wika ni Jacinto nang salubungin siya ng ngiti ni Ambrosio. Ang totoo ay humanga siya kay Ambrosio na siyang unang humingi ng tawad at nagpakumbaba. Kung hindi iyon ginawa ni Ambrosio ay siguradong hindi siya mauuna. Hihintayin niyang maunang humingi ng tawad si Xavier kahit anong mangyari.

"Dalawang pagbinbin ang kinakaharap ko ngayon. Isa rito, at isa sa aming tahanan." Tawa ni Ambrosio dahilan upang sumang-ayon at matawa si Jacinto.

"Siya nga pala, nasaan si Cristobal? Hindi mo siya kasama ngayon," puna ni Ambrosio. May gusto siyang itanong kay Cristobal at isangguni tungkol sa panliligaw gaya ng kanilang napag-usapan noong isang gabi.

"Nauna ako sapagkat sinamahan ko pa ang aking kapatid," tugon ni Jacinto na naupo ng de kwartro. "Si Feliciano lang ang kilala kong kapatid mo. Ilan ba kayong magkakapatid?" Naalala niya na minsan na niyang ipinagmalaki kay Socorro na kilalang-kilala niya ang pamilya De Avila gayong sina Feliciano, Jacinto, at Don Epifanio lang ang kilala niya.

"Siyam,"

"Kay rami niyo pala," wika ni Ambrosio na bunso sa tatlong magkakapatid.

"Kaya marami ring sakit sa ulo," tawa ni Jacinto, sa isip niya ay siya ang pinakatuwid at may maayos na kaisipan sa kanilang magkakapatid.

"Sandali, tila maaliwalas ang iyong hitsura ngayon ha," puna ni Jacinto na napangisi dahilan para matawa si Ambrosio. Nagsimula na ring dumating ang ilang mga estudyante dahilan upang mas maging maingay ang silid-aralan.

Sumandal si Ambrosio sa silya, tumitig sa malaking pisara saka ngumiti na parang hibang. "Ako'y tinamaan nang tunay," wika ni Ambrosio dahilan upang magsimulang mangantyaw si Jacinto. Iniharap niya ang silya kay Ambrosio upang pilitin itong magkuwento.

"Mapalad ka sapagkat nakilala mo ako na maraming nalalaman sa mga bagay na iyan," saad ni Jacinto sabay halukipkip na parang naghihintay na magsimulang magkuwento si Ambrosio. Natawa si Ambrosio saka nag-isip sandali. Hindi niya alam kung paano sisimulan. Marahil ay nahulog na siya sa unang pagkikita pa lamang nila.

"Kami'y magkasama kahapon. Binaybay namin ang malapit na hardin sa Imacculada Concepcion," panimula ni Ambrosio saka muling natawa dahil sa hitsura ni Jacinto na interesadong-interesado basta ligawan ang usapan.

"Ano bang estado niyo? Kayo na? Ipinagkasundo na kayo?" Ngisi ni Jacinto sabay suntok nang marahan sa balikat ni Ambrosio. "Wala... wala pa. Magkaibigan pa lang kami. Iyon ay kung kaibigan na ang tingin niya sa akin." Tawa ni Ambrosio dahilan upang mapailing ng ilang ulit si Jacinto na animo'y isang eksperto.

"Mahina ka pala, kapatid. Sa isang karera, ang matulin at maagap ang siyang nagwawagi!" Saad ni Jacinto sabay bagsak ng kamay sa mesa ni Ambrosio. "Ikaw ba ay magpapahuli? Huhulaan ko na kahit papaano ay maayos ka pumili. Tiyak na nagtataglay ng pambihirang ganda ang iyong napupusuan," patuloy ni Jacinto.

Tumango si Ambrosio bilang tugon sabay ngiti, "Ako'y nabihag niya agad sa unang pagkikita pa lang namin," wika ni Ambrosio.

"Kung gayon, hindi malabo na maraming nanliligaw sa kaniya. Ano pang hinihintay mo? Uupo at luluha ka na lang ba rito sa apat na sulok ng silid na 'to sa oras na mahulog na siya sa iba?" Paghihimok ni Jacinto dahilan para matawa si Ambrosio dahil pursigido talaga si Jacinto na hikayatin siyang manligaw.

"O'siya, o'siya, ano bang maimumungkahi mo, Señor Kupido?"

Tumikhim si Jacinto saka lumapit sa mesa ni Ambrosio, "Akong bahala, ang iyong gagawin ay..." Nagpatuloy sa pagsasalita si Jacinto habang ipinapaliwanag kay Ambrosio kung anong gagawin nito. Ilang ulit na tumango si Ambrosio na nagustuhan ang naisip na plano ni Jacinto.

Samantala, paakyat ng hagdan si Cristobal patungo sa klase nang makita si Xavier at ang mga kagrupo nito na nag-uumpukan malapit sa bintana ng mahabang pasilyo. Tila may binabasang liham ang mga ito na nag-aagawan sa papel.

"Saan mo ba nakuha ito?" Tanong ni Tito sabay takip sa ilong dahil sa mapanghing amoy na nanggagaling sa liham. Tuyo na ang liham na may bakas na nabasa ito. Pilit nilang binabasa ang nakasulat ngunit may ilang salita na nabura nang mabasa ito.

Inagaw ni Xavier ang liham saka itinapat sa bintana ang papel, "Aking nakuha ito sa gamit ni Maestro Suarez, maaari nating gamitin ito sa oras na matunton natin kung sino ang nagmamay-ari nito," pagsisinunggaling ni Xavier. Ang totoo ay nais niyang mahanap ang babaeng sumampal sa kaniya nang walang dahilan. Hindi nga lang niya ibig ipagtapat sa mga kaibigan ang nakakahiyang pangayayring iyon.

"Ito ay liham pag-ibig... ibig sabihin ay maaaring may querida si Maestro Suarez?" Gulat na wika ng isa na hindi makapaniwala dahil may asawa si Maestro Suarez na lagi nitong kasama sa lahat ng bulwagan at pagsasalo-salo.

Tumikhim si Xavier, wala siyang pakialam kung ano mang usapin ang kumalat. Pinarusahan din sila ni Maestro Suarez dahil sa kinopya nilang proyekto nina Cristobal at Jacinto. "Ako'y kinikilabutan, cariño pa ang tawag nila sa isa't isa!" Tawa ng isa dahilan upang mapahalakhak ang magkakaibigan.

Natigil ang tawanan nang makita nila si Cristobal na mabagal na umaakyat sa hagdan habang nakatingin sa kanila na para bang ibig halukayin ang kanilang mga kaluluwa.

Tulad ng dating gawi ay lalagpasan lang sila ni Cristobal na para bang sila ay mga hangin. Ngunit iba ngayon, nagulat sila nang lumapit ito at tumigil sa tapat ni Xavier. "Ito na ang huling beses na palalagpasin ko ang lahat ng iyong ginagawa. Magagawa kong palagpasin ang inyong pangongopya at mga katarantaduhan ngunit hindi mangyayari iyon sa oras na guluhin ng inyong pamilya ang mga anak ni Don Epifanio." Babala ni Cristobal na matalim ang tingin kay Xavier, ang mga mata nito ay mas lalong nakakasindak kapag totoong galit.

Ngumisi lang si Xavier na sinabayan ng tawa ng mga kaibigan nito. Inilapit din ni Xavier ang kaniyang sarili kay Cristobal na halos kasingtangkad niya. Animo'y para silang mga manok na sa isang bagsak ay magsasabong. "Sino ka ba? Hindi ka naman nila kaano-ano," sarkastikong saad ni Xavier. Nagsimulang maghiyawan at manangtyaw ang mga kaibigan nito.

"Kung hindi naman dumating ang iyong Ama ay wala ka ring magagawa, hindi ba?" Patuloy ni Xavier dahilan upang mas lalong lumakas ang hiyawan.

"Kung hindi rin naman ginagawan ng paraan ng iyong mga magulang ang lahat ng gulo na iyong kinasangkutan ay tiyak na nabulok ka na ngayon sa bilangguan," bawi ni Cristobal, may isang kaibigan ni Xavier ang humiyaw ngunit napatahimik siya nang mapagtanto na napahiya pala ang kanilang pinuno.

Hindi nakapagsalita si Xavier. Halos walang kurap silang nakatingin ni Cristobal sa isa't isa. Napahigpit ang kamao ni Xavier, sa mga ganitong pagkakataon ay wala siyang inuurungan ngunit napatigil ang lahat nang marinig ang pagtunog ng angelus, senyales na mag-uumpisa na rin ang klase. 


ARAW ng Linggo, nakatayo si Socorro sa tapat ng simbahan ng Imacculada Concepcion suot ang isang asul na balabal. Pilit niyang itinatago ang mukha habang inililibot ang mata sa paligid sa takot na masumpungan ng mga magulang na alam niyang narito na rin sa Maynila.

Hawak niya sa kaliwang kamay ang maleta na naglalaman ng manuscrito. Hindi siya mapakali at yumuyuko sa tuwing may napapatingin na mga lumalabas at pumapasok sa simbahan.

Ilang sandali pa ay napatigil si Socorro nang marinig ang pagtikhim ng isang lalaki sa kaniyang likuran. "Magandang umaga, binibini!" Ngiti ni Ambrosio habang ang dalawang kamay ay nasa likuran. Napansin ni Socorro na bihis na bihis si Ambrosio na tila ba dadalo ng kasal o araw ng kaniyang pagtatapos sa kolehiyo.

Nakahawi ang buhok nito na masasabi niyang mas lalong nagpaaliwalas sa hitsura ng binata. Bumagay din ang kulay abong amerikano at pantalon na suot. "Kanina ka pa ba naghihintay? Pasensiya na dahil..." Hindi na natapos ni Ambrosio ang sasabihin dahil agad nagslita si Socorro habang pilit na itinatago ang mukha sa balabal.

"Pumaroon tayo sa tabi," wika ni Socorro na naunang naglakad patungo sa gilid ng simabahan. "Iyon din ang aking sasabihin," habol ni Ambrosio sabay ngiti. Agad niyang kinuha sa kamay ni Socorro ang dala nitong maleta.

"Sasabihin ko rin na dito na sana tayo magkita. Akala ko nga ay hindi ka darating ngayon," ngiti ni Ambrosio na tila lumiliwanag ang paligid. Nakarating na sila sa hardin ng simbahan kung saan walang ibang tao. May mga paru-paro at bubuyog na lumilipad sa palibot ng maliit na hardin at mga estatwa ng Santo.

Tumigil sila sa tabi ng isang malaking poste na pondasyon ng simbahan. Ibinaba ni Socorro ang suot na balabal, "Ibibigay ko lang ito gaya ng ating napag-usapan. Sa susunod na mga araw ay hindi ako maaaring lumabas o maglibot dito sa Maynila," paliwanag ni Socorro, hindi niya masabi na hindi siya maaaring makita ng kaniyang mga magulang na kasalukuyang nasa Maynila.

"Bakit?" Nagtatakang tanong ni Ambrosio.

"Mahabang kuwento. Saka ko na lang ikukuwento kapag naging maayos na ang lahat," tugon ni Socorro. Batid niyang hindi nagtatagal sa Maynila ang kaniyang ama't ina. Pinakamahaba na ang isang linggo.

Unti-unting sumilay ang ngiti sa mukha ni Ambrosio habang nakatitig kay Socorro. "Sa pagkikita nating muli..." Wika ni Ambrosio habang tulalang nakangiti sa kawalan dahilan upang magtaka ang hitsura ni Socorro.

"Ako'y magpapadala sana ng mensahe sa iyo at ipapahatid ko na lang itong manuscrito ngunit hindi ko pala nalalaman ang iyong tirahan bukod sa dormitoryo," saad ni Socorro, hindi niya pwedeng ipadala ang manuscrito sa dormitoryo dahil naroon si Cristobal.

Mas lalong lumaki ang ngiti ni Ambrosio sa ideyang tila ba naglilihim sila ni Socorro. "O'siya, mauuna na ako. Kapag may tanong ka o puna sa aking gawa, magpadala ka na lang ng liham, Ginoo. Iyo namang nababatid kung saan ako nakatira," wika ni Socorro na mabilis nagbigay-galang at akmang aalis na ngunit napatigil siya nang bigla siyang hawakan ni Ambrosio ang kaniyang kamay.

"Sandali..." Wika ni Ambrosio, gulat na napatingin si Socorro sa pagkakahawak sa kaniya ni Ambrosio. Kasunod niyon ay narinig nila ang musika ng gitara mula sa tabing pasilyo ng hardin.

Nagsimulang kumanta si Jacinto habang tumutugtog ng gitara, pikit-mata itong naglakad papalapit at sa ikatlong hakbang ay tila napatid siya at napatigil sa pag-awit. Nagpabalik-balik ang tingin kay Ambrosio at sa babaeng kaharap nito na siyang haharanahin nila sa hardin ayon sa plano.

"Anong ginagawa mo rito?!" Gulat na tanong ni Jacinto na halos lumuwa ang mata sa gulat. Hindi siya makapaniwala na ang binibining tinutukoy ni Ambrosio ay kapatid niya. Maging si Socorro ay naistatwa sa kaniyang kinatatayuan habang halos walang kurap na nakatingin kay Jacinto.

"A-ano 'yan?!" Patuloy ni Jacinto sabay turo sa kamay ni Ambrosio na nakahawak sa kamay ng kaniyang kapatid.

Samantala, isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Cristobal habang nakatayo sa tapat ng salamin. Isinuot na rin niya ang itim na sumbrero. Kulay puting polo, itim na tsaleko, pantalon at makintab na sapatos ang kaniyang suot.

Nagawa niya ring hawiin pataas ang kaniyang buhok at lagyan ng pomada upang mas maging presentable. Kinuha rin niya ang tatlong tangkay ng bulaklak ng gumamela sa mesa at sandaling napangiti. Balak na niyang magtapat kay Socorro.

Anuman ang nakita niya noong isang araw sa plaza ay hindi makakahadlang sa kaniyang sumubok. Naalala niya ang sinabi ni Ambrosio na may napupusuan itong binibini, ibig sabihin ay hindi niya pa kasintahan si Socorro.

Bukod doon ay kahit papaano nalalaman ni Cristobal na walang ibang mahalaga ngayon kay Socorro kundi ang mga pangarap nito. Handa siyang maghintay, handa rin niyang suportahan si Socorro sa kahit anong paraan upang matupad nito ang mga pangarap na nagpapaliwanag sa mga ngiti at mata ng dalaga.

Napatingin siya sa relos na kuwintas, may dalawang oras pa bago sila magkita ni Socorro. Iniisip niya kung saan sila kakain pagkatapos ng misa. Naalala niya ang kung saan unang nagtungo sina Felipe at Paloma sa unang yugto. Sa baybayin ng Maynila. Natigilan si Cristobal sa pag-iisip nang marinig ang tatlong katok mula sa pinto.

Tumambad sa harap niya si Emmanuel na may dalang isang bayong na mga liham. "Señor, pasensiya na, kaninang umaga pa po ito dumating. Ngayon lang ako nakabalik mula sa pamilihan," saad ni Emmanuel sabay abot ng isang maliit na sobre.

Napangiti ang binatilyo nang makitang bihis na bihis si Cristobal, "Araw ba ng panliligaw ngayon? Tila lahat kayo ay may kikitaing katipan!" Ngiti ni Emmanuel dahilan para mapagiti si Cristobal.

"Nakita ko rin kanina sina Señor Jacinto at Señor Ambrosio. May katipan na haharanahin daw si Señor Ambrosio ngayon." Tuwang-tuwa na saad ng binatilyo na agad nagpaalam upang ihatid pa ang ilang sobre sa hawak niyang bayong.

Isinara ni Cristobal nang marahan ang pinto at tiningnan ang sobre. Walang itong pangalan, sa palagay ni Cristobal ay nanggaling lang ito sa malapit. Binuksan niya ang sobre at binasa ang maliit na piraso ng papel.

Ilang minuto siyang hindi nakagalaw sa kinatatayuan na animo'y isang estatwa. Makalipas ang ilang sandali ay dahan-dahan siyang napatitig sa salamin. Naririnig niya ang boses ni Socorro mula sa mensaheng pinadala nito kasabay ang sinabi ni Emmanuel tungkol sa haharanahing katipan ni Ambrosio ngayong araw ng Linggo.

Tulalang nabitiwan ni Cristobal ang piraso ng papel sa sahig habang nakatitig sa sariling repleksyon sa salamin.


Ginoong Cristobal,

Ako'y humihingi ng paumanhin dahil hindi ako makakasama mamaya sa misa. Narito ngayon sina Ama't Ina sa Maynila. Magkita na lang tayo sa oras na makauwi na sila. Salamat, Ginoo!

-Socorro


*******************

#SocorroWP

Featured Song: "Sigurado" by Zack Tabudlo

[Dapat mayroong isang GIF o video dito. I-update na ang app ngayon upang makita ito.]

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro