Kabanata 22: Ang Kamatayan

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 22]

NAPATIGIL si Cristobal sa pintuan nang maabutan niya si Doña Josefa sa kaniyang silid kasama ang dalawang kasambahay na inutusan nitong palitan ang kurtina at maglagay ng mga sariwang bulaklak.

"Narito ka na pala," wika ni Doña Josefa sabay ngiti. Dahan-dahang isinara ni Cristobal ang pinto sa kaniyang likuran at nagmano sa ina. Tumingin si Doña Josefa sa mga kasambahay na naglakad papalabas ng silid.

"Mas mabuting magpahinga po muna kayo," saad ni Cristobal sa pag-aalalang nilulubos ni Doña Josefa ang mga oras na dapat ay nakaupo o nakahiga siya sa kama upang hindi kumirot ang kaniyang tuhod.

"Nais kong maglakad-lakad. Iyon din ang payo ni Feliciano," saad ni Doña Josefa saka napatitig sa bulaklak ng gumamela na iniligay niya sa silid ni Cristobal. "Ito ang paborito ni Juliana, hindi ba?" Ngiti ng Doña. Napatitig si Cristobal sa pulang gumamela, naalala niya ang mga araw na nagagawa siyang pangitiin ng bulaklak na iyon na tila isang hibang.

"Siya nga pala, kumusta ang inyong lakad sa patahian?" Tanong ni Doña Josefa habang pinupunasan ang porselanang paso. Hinubad na ni Cristobal ang kaniyang sapatos at naupo sa kama.

"Maayos naman po," tugon ni Cristobal na nagtanggal ng suot na tsaleko. Binuksan niya ang aparador upang kumuha ng bagong bihisan nang mapansin niya ang itim na abrigo na binigay ipinatong niya sa balikat ni Socorro.

"Dumaan nga pala si Socorro kanina. Siya'y aalis na pala bukas," saad ni Doña Josefa na napangiti sa ganda ng mga bulaklak na kaniyang napili. "Aking nakaligtaang itanong kung sasamahan ba siya ni Jacinto? Makakadalo rin ba ito sa iyong kasal?" patuloy ni Doña Josefa saka lumingon kay Cristobal na naabutan niyang nakatitig sa mga damit nito sa aparador.

"Narito pa naman si Jacinto, hindi ba?" Tanong ni Doña Josefa dahilan upang matauhan si Cristobal. Isinara na nito nang marahan ang pinto ng aparador matapos kumuha ng damit. Tumango nang marahan si Cristobal bilang tugon sa tanong ng doña. Ang totoo ay hindi rin siya sigurado kung makakadalo si Jacinto sa nalalapit niyang kasal dahil nagsabi ito na may kailangan siyang puntahan na proyekto sa Norte sa susunod na Linggo na magtatagal hanggang buwan ng Mayo.

"Iyong nababatid na nagdadalawang-isip ang iyong ama na imbitahan ang pamilya De Avila... ngunit si Juliana mismo ang nakiusap na anyayahan silang lahat upang maging maayos na ang lahat." Hindi nakapagsalita si Cristobal. Habang patuloy niyang iniiwasang pag-usapan ang nangyari sa nakaraan ay patuloy naman itong nagpapaalala sa iba't ibang paraan.

Pinakiramdaman ni Doña Josefa si Cristobal. Sumusulyap siya sandali sa anak ngunit mas pinaiiral niya ang kutob sa mga ganitong sitwasyon. Kailanman ay hindi nila pinag-usapan nang masinsinan ang nakaraan. Ang ginawang paglalapit ni Juliana sa kanila ay hindi humantong sa pagbubukas ng paksa tungkol sa pagiging anak ni Cristobal sa labas.

Tumikhim si Doña Josefa saka muling ibinaling ang tingin sa mga bulaklak na gumamela. Minsang nabanggit sa kaniya ni Juliana ang tungkol sa pagpapadala nito ng liham pag-ibig noon kay Cristobal. Ang bagay na iyon ay nagpapangiti sa doña lalo na't minsan na rin siyang nagsulat noon ng liham pag-ibig noong kaniyang kabataan.

Napatingin si Cristobal sa kaniyang paa na ngayon ay nakahinga na sa maghapong pagsusuot ng sapatos. Iniisip niya kung dapat ba niyang banggitin ang tungkol sa pagbabalik ng kaniyang ina. Kung dapat bang manggaling sa kaniya o sa kaniyang ama ang balitang iyon.

"Nabanggit sa akin ng iyong ama na hindi mo na tinanggap ang mangyayaring mga proyekto sa Maynila. Ako'y nanghihinayang sapagkat makakatulong din iyon sa iyong karanasan. Ikaw ba ay may naiwang proyekto sa Espanya?" Napayuko si Cristobal. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang pagtanggi niya sa malaking proyekto na isa rin sa mga dahilan kung bakit siya bumalik sa bansa.

Nagawa niyang tanggihan ang proyekto matapos makita muli si Socorro noong gabi ng Noche Buena. "Nagpasiya po ako na huwag nang ituloy dahil nais kong magsimula kami ni Juliana sa Espanya pagkatapos ng kasal," tugon ni Cristobal. Walang bahid ng pagsisingunggaling sa kaniyang tugon. Ito ang nakikita niyang tamang gawin ng isang taong may magandang kinabukasan sa ibang lupain.

Tumingin si Doña Josefa kay Cristobal, "Iyo bang sinangguni si Juliana tungkol sa bagay na iyan? Minsan niyang nabanggit sa akin na mas nais niyang manirahan sa Maynila." Tumayo si Cristobal at nagkunwaring abala sa pag-aayos ng mga dokumento at papeles tungkol sa hacienda na hindi niya pa naaasikaso.

"Siya naman po ay sumang-ayon sa aking suhestiyon," tugon ni Cristobal. Ang totoo ay hindi niya narinig na tumaliwas si Juliana sa kaniya kung kaya't inakala niyang walang magiging problema sa mga nais niyang mangyari.

"Sabagay, wala rin namang magagawa si Juliana sapagkat kaming mga babae ay walang nagagawa sa oras na buo na ang inyong desisyon. Tungkulin lang naming ang sumunod," wika ni Doña Josefa na animo'y pinapaalala kay Cristobal ang pagiging patriyarka ni Don Rufino.

Naalala ni Cristobal si Socorro at ang pinaglalaban nitong boses ng mga kababaihan. Natunghayan niya kung paano pinanindigan ni Socorro ang kaniyang paniniwala tungkol sa pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay sa mundo kung saan wala silang karapatang mag-aral sa kolehiyo, magkaroon ng propesyon, magtrabaho, at pakinggan ng bayan.

Dumating ang tagapagsilbi ni Doña Josefa upang ipaalala ang pag-inom nito ng gamot. Maingat nitong inakay ang doña papalabas sa silid ni Cristobal. Ngunit bago sila tuluyang makalabas ay tumigil ang doña at lumingon sa anak. "Huwag mo palang kaligtaan ang ating dadaluhang kasal bukas ng umaga. Matulog ka nang maaga."

Tumango si Cristobal habang dahan-dahang isinara ng tagapagsilbi ang pinto. Ibinalik niya ang mga hawak na papeles sa mesa na hindi naman niya nagawang basahin dahil sa samu't saring bagay na tumatakbo sa isip niya kasabay ng mga tanong ng kaniyang ina na hindi niya rin magawang sagutin.

Napatingin si Cristobal sa aparador na ngayon ay sarado na. Nagawa nang ibalik ni Socorro ang abrigo na nais sana niyang maging bahagi ng kanilang alaala bago ito lumisan.


ALAS-SIYETE ng gabi, maliwanag pa sa patahian ni Aling Maria dahil sa isang mahalagang parokyano. Nakatayo si Juliana sa harap ng salamin habang sinusukatan para sa kaniyang susuoting traje de boda. Samantala, abala ang gobernadorcillo sa pagbabasa ng dyaryo sa tabi ng mamahaling lampara na nagawang ilabas ni Aling Maria.

"Nais ko lang po sana ng isang payak na bestida," wika ni Juliana. Sasabihin sana ni Don Fernando na siguraduhin ng mga mananahi na ang anak niya ang pinakamagandang ikakasal sa bayan ng Sariaya ngunit batid niyang hindi nais ni Juliana ang magsayang ng salapi para lang sa isang damit na isang beses lang susuotin.

Ilang sandali pa ay may tumigil na kalesa sa tapat ng tindahan. Inilapag ni Aling Maria ang suot na salamin sa mat ana ginagamit niya sa kaniyang paglilista at pagbibilang ng kita upang salubungin ang hindi inaasahang kliyente.

"Magandang gabi ho Don Mario at Doña Mariana!" Gulat na wika ni Aling Maria na agad sumalubong sa mag-asawang Espiritu na madalas niyang makitang magkasama. "Pasok ho kayo."

"Ikakasal na rin ang aking pamangkin sa katapusan, nais kong siya ang maging pinakamagandang ikakasal sa bayang ito." Ngiti ni Don Mario. Napalingon ang lahat kay Nova na kakababa lang ng kalesa. Maging si Juliana ay napatigil sa narinig. Hindi niya rin inaasahan ang muli nilang pagkikita.

Bumati si Nova nang makatuntong siya sa pintuan ng patahian. Sandali siyang napatigil nang makita si Juliana na nakatayo sa harap ng salamin. "Pasensiya na't ginabi kami, naghanap pa kami ng mga bulaklak para sa kasal," saad ni Doña Mariana. Napangiti si Aling Maria sa parokyano na suki niya sa lahat ng okasyon.

Naupo ang mag-asawang Espiritu sa mahabang silya kasama si Don Fernando na agad nilang nilibang sa kuwentuhan. Kung may isang salitang maglalarawan sa pamilya Espiritu, ito ay ang pagiging mahusay nila sa pakikipagpanayam.

Naiilang na bumati sina Juliana at Nova sa isa't isa. Ngayon ay sabay na silang sinusukatan sa harap ng dalawang salamin. Hindi malaman ni Juliana kung bakit kumakabog nang malakas ang kaniyang dibdib sa kaba nang malamang ikakasal na rin ang dating kaibigan.

"B-binabati kita... Sa katapusan ba kamo ng Enero ang iyong kasal?" Panimula ni Juliana. Hindi niya napigilan ang sarili na tanungin si Nova habang umaasa na mali ang kaniyang iniisip.

Tumango si Nova, sinusukat ang haba ng kaniyang braso. "Oo," tipid na sagot ni Nova. Sa totoo lang ay hindi niya nais kausapin si Juliana.

Muling tumingin si Juliana kay Nova, "Sino ang mapalad na iyong mapapangasawa?" Tanong ni Juliana na animo'y pinipigilan ang sariling huminga.

"Si Jose," tugon ni Nova sabay tingin kay Juliana. Nais niya ring mahuli ang reaksyon nito. Tila nakahinga nang maluwag si Juliana nang mabatid na si Jose Pablo Nuestro na isa sa mga kaibigan ni Manuelito Xavier Sanchez ang mapapangasawa ni Nova.

"Ikaw, sino ang mapalad na binata na iyong magiging kabiyak?" Ibinalik ni Nova ang tanong kay Juliana. Ibinaling ni Juliana ang tingin sa salamin kung saan nakikita niya ang sariling repleksyon. Ngayon ay gusto naman niya hulihin ang sarili niyang reaksyon.

"Si Cristobal," tugon ni Juliana na ikinagulat ni Nova.

"Si Cristobal na anak ni Don Rufino?!" Gulat na tanong ni Nova dahilan upang mapatingin sa kaniya ang mga mananahi. Maging sina Don Mario, Doña Mariana, Don Fernando, at Aling Maria ay napatingin sa kaniya.

Napakagat si Nova sa kaniyang ibabang labi. Hindi na siya lumalabas ng bahay at hangga't maaari ay hindi niya nais makarinig ng mga balita o kumakalat na usap-usapan. Pinagtuunan niya na lamang ng pansin ang pagtatanim ng mga prutas at gulay sa kanilang hardin at pag-aalaga sa mga manok.

Naalala niya si Socorro. Maging si Cristobal na natunghayan niya kung paano ito lumuha at mawala sa sarili. Napahinga na lamang siya nang malalalim habang iniisip kung may dapat ba siyang gawin.

Humarap ang dalawang dalaga sa salamin habang sinusukatan ng mga mananahi. Pareho silang natahimik dahil sa parehong balitang hatid nila sa isa't isa matapos ang halos limang taon nang huli silang magkita.

KINABUKASAN, hindi pa tuluyang sumisikat ang araw nang marating nina Cristobal, Juliana, Don Rufino, at Doña Josefa ang simbahan na pagdadausan ng kasal ng pinsan ni Nova na si Sara Espirtu.

Ang bukana ng simbahan ay napapalibutan ng bulaklak ng calachuchi. Marami na rin ang mga dumarating na panauhin na karamihan ay nanatili sa labas ng simbahan upang makipagkuwentuhan sa mga kakilala.

"Nakapanghihinayang nga lang dahil hindi kita nagawang ipakilala kay Sara noong dumalo siya sa pagtitipon natin sa aming tahanan. Maaga siyang nagpaalam noong gabing iyon upang magtungo ng Maynila upang salubungin ang kaniyang mapapangasawa," wika ni Juliana habang nagpapaypay nang marahan gamit ang abaniko na regalo sa kaniya ni Doña Josefa. Agad siyang lumilingon sa mga kalesang dumarating na tila ba may hinihintay.

Napansin ni Cristobal na karamihan sa mga bisita ay kakilala niya. Nilapitan siya ng apat na lalaki na naging kaklase niya sa Letran at ngayon ay may kani-kaniya na ring pamilya. Bumati rin sila sa pari na siyang magdadaos ng kasal, si Padre Mendoza na naging propesor nila at ngayon ay vice-rector na ng isang Unibersidad. Sandali silang nag-usap at nagkumustahan habang hinihintay ang ikakasal.

Hindi nagtagal ay dumating na ang lalaking ikakasal. Napatigil si Cristobal nang makita lalaki na nakasuot ng puting barong at kasalukuyang binabati at kinakamayan ng mga kaibigan. Bumulong si Doña Josefa na nakakapit sa braso ni Juliana, "Siya ba ang binatang nais ipagkasundo sa iyo ng iyong ama noon?"

Tumango si Juliana bilang tugon. Tumingin siya kay Cristobal na bakas ang pagkagulat nang makita si Ambrosio. Hindi maalala ni Juliana kung nabanggit niya ba kay Cristobal na ipinagkasundong ikasal sina Sara at Ambrosio. Madalas ay lumilipad ang kaniyang isipan at ang mga inaakala niyang nabanggit kay Cristobal ay hindi niya pala nagawang sabihin sa dami ng kaniyang iniisip.

Sunod na dumating si Sara suot ang mahaba at kumikinang na traje de boda. Naglakad papalapit si Juliana sa kalesa upang salubungin ang kaibigan. Ngumiti ito nang makita siya at hinawakan ang kaniyang kamay, "Salamat at nakarating ka."

"Nababagay sa'yo ang iyong kasuotan. Napakaganda..." Saad ni Juliana. Tunay na nagagandahan siya sa damit at ayos ni Sara ngunit hindi niya malaman kung bakit nakaramdam siya ng kaba sa oras na siya naman ang magsuot ng traje de boda.

"Aking nabalitaan na nagtungo rin sa patahian si Nova kagabi. Kumusta? Nagkausap kayong muli?" Tanong ni Sara na nanatiling nakangiti. Hindi alam ni Juliana kung paano sasagutin ang tanong ng kaibigan. Pareho silang nagkagulatan ni Nova kagabi. Parehong hindi handa sa muli nilang pagkikita.

Tumango na lang si Juliana bilang tugon. Mabuti na lang dahil may mga kumausap pa kay Sara kung kaya't hindi na ito nagtanong pa. Muling inilibot ni Juliana ang kaniyang paningin na tila kanina pa may hinahanap hanggang sa hindi na siya nakatiis. "Siya nga pala, hinahanap ng nangangasiwa si Amor na isa sa iyong magiging abay. Narito na kaya ang pamilya De Avila?" Iniisip ni Juliana kung imbitado ba ang buong pamilya De Avila gayong si Amor lang ang alam niyang kaibigan ni Sara sa magkakapatid.

"Nagsabi sa akin si Amor kagabi na hindi sila makakarating sapagkat ihahatid nila si Socorro sa daungan," tugon ni Sara. Nakalimutan ni Juliana na ngayong araw din aalis si Socorro. Maging ang mahalagang bagay na iyon ay nawaglit sa kaniyang isipan. Ni hindi siya nakapagpaalam nang maayos kay Socorro.

Hindi na nakapagsalita si Juliana. Sa mga ganitong sitwasyon ay pinipili na lang niyang tanggapin ang nangyari na. Pumasok na ang mga panauhin sa loob ng simbahan upang abangan doon ang pagpasok ng mga abay at ng ikakasal. Nahagip ng mata ni Juliana ang pagsunod ni Cristobal kay Ambrosio sa gilid ng simbahan kung saan nakapila ito kasama ang mga abay.

Bago pa tuluyang makalapit si Cristobal kay Ambrosio ay may isang lalaki na nakilala niyang pamangkin ni Don Julio ang bumulong kay Ambrosio at dinala ito sa isang sulok kung saan malayo sa mga bisita.

Bumagal ang lakad ni Ambrosio nang mapansin ang seryosong hitsura ng dalawa na ngayon ay nakatalikod sa kaniya at tanging ang gili ng kanilang mga mukha ang kaniyang nakikita. "Dumating ang tinyente at mga guardia civil kanina upang dakpin ang aking tiyo." Mahina ang boses ng dalawa na hindi masyado marinig ni Cristobal ngunit nababasa niya ang pagbuka ng mga bibig nito.

Gulat na napatingin si Ambrosio sa pamangkin ni Don Julio. Ito ang nangasiwa ng halos apat na taon nang magpagamot si Don Julio sa Europa. "Hinahanap nila ngayon si Palabras. Walang nagawa ang aking tiyo kundi ang..." Napayuko ang lalaki. Agad hinawakan ni Ambrosio ang magkabilang balikat nito at iniharap sa kaniya.

"Ano ang kaniyang sinabi?" Hindi makapaniwala si Ambrosio sa hindi inaasahang balita sa araw mismo ng kaniyang kasal. "Huwag mo sabihing..." Ni hindi niya rin maituloy ang mga salitang naiiwan sa ere na tila lumalambitin na katawan.

"Huwag kang mag-alala, hindi ibinunyag ng aking tiyo ang totoo. Nilihis niya ang mga guardia. Itinuro na lang niya ang babaeng redactor bilang Palabras," tugon ng lalaki na nakaramdam ng konsensiya. Kahit hindi sila nagkakasundo noon ni Socorro sa mga manuskrito ay hindi pa rin ito ang dapat na sumalo sa lahat.

Sandaling hindi nakapagsalita si Ambrosio. Si Socorro lang ang tanging babaeng redactor sa La Librería. Walang ibang nakakaalam niyon kundi siya, si Don Julio, at ang pamangkin nito. "Ano ang iyong sinabi?!" Napalingon ang dalawa nang magsalita si Cristobal na hindi nila napansing nakikinig sa kanilang usapan.

Pareho silang hindi nakagalaw sa kanilang kinatatayuan. Naglakad papalapit si Cristobal at tumigil sa tapat ni Ambrosio na animo'y maghahamok. "Anong ginawa niyo kay Socorro?!" Humigpit ang kaniyang kamao. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Nagawang ibintang ng mga may kinalaman sa La Librería ang lahat kay Socorro.

Pumagitna ang pamangkin ni Don Julio, "Mga ginoo. Nagkakagulo na. Huwag niyo nang dagdagan." Suway nito sa dalawa na parehong hindi natitinag. Mula sa mga mata ni Ambrosio ay nararamdaman ni Cristobal na may malaking lihim itong itinatago. "Ikaw si Palabras," saad ni Cristobal na hindi patanong, sa halip ay ito mismo ang kaniyang konklusyon.

Napayuko si Ambrosio. Nag-aalala siya kay Socorro. Nag-aalala rin siya sa kanilang samahan na nag-iba ang takbo ng plano dahil sa pagturo ni Don Julio kay Socorro. "Nilagay mo siya sa kapahamakan!" Hindi na nakapagpigil si Cristobal at nagpakawala ng isang malakas na suntok kay Ambrosio dahilan upang dumugo ang labi nito.

Muling pumagitna ang pamangkin ni Don Julio upang awatin si Cristobal na hindi nito inakalang magiging marahas. Nanlilisik ang mga mata nito sa galit. Buong buhay niya ay naging mahaba ang kaniyang pagtitimpi. Kailanman ay hindi siya gumanti ng suntok sa tuwing nasasangkot sila sa gulo noon ni Jacinto.

Lumapit ang ina ni Sara upang tawagin si Ambrosio dahil magsisimula na ang kasal ngunit napatigil siya at napatakip sa bibig nang makita ang duguang labi ni Ambrosio at ang mahigpit na kamao ni Cristobal habang pilit na umaawat ang isang lalaki.

"Susunod po kami. Sandali lang po," wika ng pamangkin ni Don Julio na agad pinagpagan ang damit ni Ambrosio at pinunasan ang dugo sa labi nito. Sunod-sunod na tumunog ang kampana senyales na magsisimula na ang misa para sa kasal.

Natauhan si Cristobal at dali-daling tumakbo papalabas upang puntahan si Socorro. Hindi niya makita si Mang Carding kung kaya't kinuha na lang niya ang isang kabayo na nakatali sa gilid. Sumigaw ang may ari nito na nagkakape sa gilid ng simbahan ngunit tuluyan nang nakaalis si Cristobal sakay ng kumakaripas na kabayo patungo sa daungan.

Akmang susunod si Ambrosio papalabas upang puntahan din si Socorro ngunit pinigilan siya ng pamangkin ni Don Julio. "Hindi ka maaaring umalis, Ambrosio. Walang ibang dapat na makaalam na ikaw ay bahagi rin ng La Librería na tinutugis na ngayon. Iyong alalahanin ang iyong tungkulin. Magpapadala ako ng mensahe mamayang gabi, lilisanin ko na rin muna ang bayang ito," seryosong saad ng lalaki. Napatingin si Ambrosio sa kalesang nag-aabang mula sa kalayuan. Naghanda na rin sa pag-alis ang pamangkin ni Don Julio.

Lumapit ang ina ni Ambrosio na nagtataka dahil hindi nagsalita ang ina ni Sara at namumutla matapos magpresenta na siyang tatawag kay Ambrosio kanina. "Anak, magsisimula na ang kasal," wika nito. Unti-unting nawala ang ngiti ng doña nang mapansin ang mga luhang namumuo sa mata ni Ambrosio at ang duguan nitong labi.


KASINGBILIS ng takbo ng kabayo ang pagkabog ng dibdib ni Cristobal sa takot na hindi na niya maabutan si Socorro. Ibinubulong niya sa sumasalubong na hangin ang panalangin na tuluyan nang nakaalis ang barkong sinasakyan ni Socorro at hindi siya madakip ng mga guardia.

Hindi niya alintana ang mga maliliit na sanga ng puno na humahampas sa kaniyang katawan habang tinatahak ang masukal na gubat na siyang pinakamadaling daan patungo sa daungan. Ngunit unti-unting nanghina ang kaniyang loob nang matanaw ang malaking barko na hindi pa umaalis sa daungan.

Natanaw niya ang pamilya De Avila sa ibaba at kumakaway kay Socorro na humahakbang paakyat sa barko. Gustuhin man niyang patakbuhin ang kabayo hanggang sa paanan ng barko ngunit nakaharang ang mga kalesa at mga sako-sakong produkto sa daan. Dumarating na rin ang iba pang mga pasahero sakay ng mga kalesa na nagpapabagal sa usad.

Pinatigil ni Cristobal ang kabayo sa pagtakbo at lumundag pababa kahit pa hindi pa ito tuluyang nakakahinto. Hindi niya inaalis ang kaniyang paningin kay Socorro na gulat na nakatingin sa kaniya pabalik. Ngunit bago pa siya tuluyang makalapit ay nauna nang dumating ang mga guardia civil sakay ng kanilang mga kabayo na nagpahawi sa mga taong nakaharang sa daungan.

Nangyari nan ga ang kaniyang kinatatakutan na madawit si Socorro sa ikaapat na yugto ni Palabras na nangangahulugang paglubog ng araw sa lambak ng kamatayan.


PABALIK-BALIK ang paglakad ni Socorro sa loob ng bilangguan habang iniisip kung paano nangyaring siya ang itinurong Palabras Perdidas. Mas mabigat ang kakaharaping parusa ni Palabras bilang manunulat kumpara sa redactor na tulad niya. Hindi na niya alam ngayon ang kaniyang gagawin. Wala ring ibang pinapapasok sa bilangguan bago siya litisin.

Tanghaling tapat nang dumating ang dalawang guardia kasama ang isang lalaki na namukhaan niya. Binuksan ng isang guardia ang selda at dinala si Socorro sa isang silid na nahaharangan din ng mga bakal na rehas ngunit mayroon itong mesa at dalawang silya na magkaharap.

"Maupo ka," wika ng lalaki na nakasuot ng itim na tsaleko at sombrero. Inilapag nito ang itim na maleta sa mesa. Dahan-dahang naupo si Socorro sa silya habang pilit na inaalala ang pangalan ng lalaking madalas niyang makita sa hukuman.

Hinubad na rin ng lalaki ang suot na sombrero sa mesa. Nakilala ni Socorro ang lalaking kaharap na anak ng punonghukom na pumalit sa ama ni Ambrosio matapos itong magretiro.

"Magandang umaga. Ako ang iyong magiging abogado, Jose Pablo Nuestro," pakilala nito saka itinapat sa kaniyang dibdib ang hawak na sombrero bago ito inilapag sa mesa. "Nasaan ang aking ama't ina?" Tanong ni Socorro. Nais niyang makausap ang mga ito. Nais niyang masiguro na nasa maayos itong kalagayan.

"Naglabas ng utos ang hukuman na walang maaaring makapasok dito hangga't hindi nadadakip ang iba pang mga manggagawa sa La Librería," paliwanag ni Jose saka binuksan ang maleta at kinuha ang mga papeles.

"Ang totoo niyan, walang ibang nais tumanggap ng iyong kinakaharap na kaso. Aking nabalitaan na maraming nilapitan ang iyong ama at mga kapatid ngunit walang nais magtanggol sa isang manunulat na sumisira sa sistema at bumubuo ng lihim na alyansa," patuloy ni Jose saka tiningnan si Socorro. Nararamdaman niya ang takot sa mga mata ng dalaga ngunit naroon ang tapang na nais nitong ipaglaban ang sarili.

"Saan nanggagaling ang mga bintang na iyan? Anong katibayan ang hawak..." Napatigil si Socorro. Totoong hindi siya si Palabras ngunit nalalaman niya ang panganib na dala ng ikaapat na yugto na siyang dahilan kung bakit nangangamba si Cristobal para sa kaniya.

Inilapag ni Jose ang mga dokumento na naglalaman ng testimonya ni Don Julio na siyang nagtuturo sa kaniya bilang Palabras Perdidas. "Matibay ang testimonya ng may ari ng La Librería. Iyong nababatid naman kung gaano kapanganib ang magsulat laban sa pamahalaan? Ano pa't pinalimbag mo pa ito," wika ni Jose. Namumula ang mga mata at halos walang kurap na nakatitig si Socorro sa salaysay ni Don Julio.

"Iyong ring nababatid na kamatayan ang hatol sa mga trahidor ng bayan? Ikaw ba ay magpapatiwakal?" Patuloy ni Jose. Naalala ni Socorro na minsan na ring sinabi iyon ni Cristobal nang matuklasan nito na siya ang naging redactor ng ikaapat na yugto. Pagpapatiwakal ang ginagawa ng La Librería.

Huminga nang malalim si Jose. Ngayon ay nakikita na niya ang matinding takot sa hitsura at kilos ni Socorro. Kung hindi lang dahil kay Nova ay hindi niya kukunin ang kaso ni Socorro. Bilang abogado ay mahalaga na sa umpisa pa lang ay malaki na ang pag-asa na mapanalo ang hinahawakan nilang kaso. Ngunit sa pagkakataong ito ay malabo para sa kaniya ang mapawalang-sala si Socorro.

Pinakita ni Jose ang isa pang dokumento kung saan nakalagda ang mga opisyal na siyang nagpetsiyon sa hukuman na ipasunog ang mga akda ni Palabras at dakpin ang lahat ng may kinalaman sa palimbagan at tindahan ng mga libro.

Tuluyan nang hindi nakapagsalita si Socorro nang mabasa ang mga pangalan ng opisyal na lumagda na malitis at mabitay si Palabras Perdidas.

MAHIGIT isang oras nang nakatayo sina Jacinto at Amor sa labas ng tahanan ni Don Julio. Hindi sila makapasok dahil bantay-sarado ito ng mga guardia. Dadalhin sana ito sa bilangguan ngunit nakaratay na sa higaan ang Don at hindi na makagalaw kung kaya't ibinilanggo na lang muna ito pansamantala sa sariling tahanan.

Kasalukuyang nasa Maynila sin Don Epifanio at Feliciano upang humingi ng tulong sa asawa ni Remedios na isa ring abogado. Samantala, sina Doña Marcela at Manang Tonya ay ilang oras na ring nakaluhod sa tapat ng altar upang ipagdasal ang kalagayan ni Socorro.

Nagtungo si Cristobal sa koreo upang magpadala ng liham sa kaniyang ama. Inaasahan niyang makakarating ito sa ama kasabay ng pagbyahe nito patungo sa Sugbo kanina ring umaga. "May iba pa po bang paraan upang mapabilis ang pagpapadala ng liham na ito?" Tanong ni Cristobal sa matandang lalaking nangangasiwa sa koreo.

Kinuha ng matanda ang sobre at binasa ang lokasyon kung saan ito dadalhin. Muli siyang napatingin sa binate nang mabasa ang pangalan nito. "Ikaw ay nakabalik na pala mula sa Espanya, Señor." Saad ng matanda saka isinulat sa talaan ang impormasyon ng liham.

Napansin ng matanda na tila balisa at hindi mapakali si Cristobal. "Maaaring abutin po ito ng dalawang Linggo, iyon na ang pinakamabilis," tugon ng matanda sa tanong nito kanina. Iniabot na ni Cristobal ang kaniyang bayad.

"Ikaw po ay walang pinagkaiba sa binibining madalas din magpadala ng liham sa inyo noong mga nagdaang taon. Ang palagi niyang tanong ay kung may pinakamabilis na paraan upang makaabot sa iyo ang kaniyang mga liham. Minsan ay naitanong niya rin kung may bumabalik ba, sa aking gunita ay walang nakabalik ni isa," saad ng matanda nang maalala nito ang isa sa mga anak ni Don Epifanio.

Hindi nakapagsalita si Cristobal. Hindi man banggitin ng matandang lalaki kung sino ang binibining tinutukoy nito na nagpapadala sa kaniya ng mga liham noong siya ay nasa Espanya ay nalalaman niyang si Socorro ang tinutukoy nito.

Inilagay na ng matanda ang sobre sa isang kahon ng mga liham na dadalhin sa Sugbo at iniabot kay Cristobal ang sukli. "Huwag kayong mag-alala, Señor. Hindi ko sinabi sa kaniya na natatanggap niyo ang mga liham dahil hindi ko nais masaktan ang kaniyang damdamin," patuloy ng matanda. Nagawa nitong tingnan ang mga talaan ng mga liham na natatanggap sa Espanya at nakita niya ang mga lagda roon ni Cristobal.

Wala sa sariling lumabas si Cristobal sa koreo. Ni hindi rin nagawang magsalita ni Mang Carding nang makita ang reaksyon ni Cristobal. Nagpahatid ito sa kanilang tahanan at sandaling nagkulong sa silid. Kinuha ni Cristobal ang maliit na baul na siyang pinaglagyan niya ng mga liham ni Socorro. Ang totoo ay ibabalik niya sana ito kay Socorro sa kaniyang pag-uwi ngunit sa dami ng nangyari ay nakaligtaan na niya ang mga liham na naghihintay lamang sa kaniya.

Ang ilan sa mga sobre ay hindi na kulay puti. May ilang dumi at mantsa na dumikit na nakuha nito sa malayong paglalakbay na tinahak patungo sa Espanya. Isa-isang binasa ni Cristobal ang mga liham. Naririnig niya ang boses ni Socorro. Ang boses nito sa tuwing masaya, nagbibiro, nalulungkot, at nagagalit.

Hindi niya namalayan ang sarili na napapangiti sa tuwing ikinukuwento ni Socorro ang mga alaga nitong kuneho. Maging ang mga nangyari sa nagdaang panahon kung saan kinakausap pa rin siya nito tulad noong nag-uumpisa ang kanilang pagkakaibigan.

Sa bawat taong lumilipas na nakatala sa sobre ay napansin ni Cristobal ang unti-unting umiikli ang mga salitang nilalaman ng liham hanggang sa tumigil na si Socorro dahil wala na rin itong masabi. Napatitig si Socorro sa huling liham na natanggap niya mula kay Socorro noong nakaraang taon.

Ika-20 ng Hunyo, 1885.

Maligayang kaarawan, Cristobal!

Ako'y nagagalak sa mga naririnig kong balita tungkol sa iyo. Marami rin akong nais ibahagi. Hihintayin ko na lamang ang iyong pagbabalik.

Lagda,

Maria Socorro De Avila

Napatitig si Cristobal sa huling sinabi ni Socorro. Halos walong taon natulog ang mga liham. Walong taon ding naghintay sa kaniya si Socorro na kailanman ay hindi niya nabalitaang nagpaligaw o tumanggap ng mga kasunduang kasal mula sa ibang mas kilalang pamilya.


KAKAIBA ang gabing dumating sa mga karaniwang gabi kung saan marami pang mga tao ang nagtutungo sa bayan at pamilihan upang magtungo sa mga tindahan na nagtitinda ng bagsak presyo sa kanilang mga panindang masisira na kinabukasan. Ngayon ay tahimik ang mga bahay na maagang nagsipatay ng mga ilaw sa takot na sila naman ang sunod na katukin ng mga guardia.

Malamig ang hangin sa buwan ng Enero ngunit hindi iyon alintana ni Cristobal na nakatayo sa tabi ng kalesa habang nakatanaw sa kwartel ng mga guardia civil mula sa kalayuan. Hawak niya ang mga liham ni Socorro. Gusto niyang marinig ang mga nais nitong sabihin na ipinangako nito sa oras na siya'y makabalik. Nangangamba siya na baka maging huli na ang lahat tulad ng mga liham na nahuli rin niyang basahin.

Ilang sandali pa ay nakita niyang lumabas at sumakay sa kalesa si Jose na nabalitaan niyang magiging abogado ni Socorro. Naalala niya si Ambrosio na siyang nagtatago bilang Palabras. Kung magagawa niyang isiwalat ang tunay na pakatao ni Ambrosio ay maaaring maligtas si Socorro sa kapahamakan.

Agad sumakay si Cristobal sa kalesa at nagpahatid sa tahanan ng mga magulang ni Sara. Kasalukuyang namamalagi roon ang bagong kasal bago ito bumalik sa Espanya sa susunod na Linggo.

Naabutan nilang nakapatay na rin ang lahat ng ilaw sa mansyon ng pamilya Espiritu. Animo'y walang taong nakatira roon sa sobrang tahimik. Kinalabog ni Cristobal ang pinto, kung maaari lang ay magagawa niyang gibain iyon mapalabas lang ang manunulat na puno't dulo ng lahat.

"Nababatid kong nariyan ka! Lumabas ka riyan, Ambrosio!" Sigaw ni Cristobal na hindi na mapigilan ang sarili. Bumaba na si Mang Carding sa kalesa at hinawakan ang braso ni Cristobal mula sa likuran upang awatin ito. Mabuti na lang dahil walang ibang kalapit na kapit-bahay sa tahanan ng mga magulang ni Sara. Nasa paanan ito ng bundok na napapalibutan din ng gubat.

Samantala, mula sa ikalawang palapag ay nakaupo si Ambrosio sa kama. Hindi siya nababahala sa madilim na silid dahil inaasahan niyang sa dilim nagagawang magtago ng sinumang hindi nais magpahuli.

Nakumbinse niya si Sara at ang mga magulang nito na sumakay sa huling barkong babyahe patungo sa Espanya kaninag tanghali. Kung tutuusin ay maaari siyang sumama sa kaniyang pamilya upang magtago ngunit hindi niya hahayaang mapahamak si Socorro.

"Maaaring may makarinig na guardia sa labas..." wika ng isang anino na nakatayo sa tapat ng pintuan. Hinihintay nito ang magiging desisyon ni Ambrosio.

Tumayo si Ambrosio at naglakad patungo sa mesa na malapit sa bintana. Madilim nga ang paligid ngunit kabisado niya ang puwesto ng mga gamit sa loob ng silid. "Ako na ang bahala sa kaniya," wika ni Ambrosio saka sinindihan ang isang kandila dahilan upang mapatigil si Cristobal sa pagsigaw at pagkalabog ng pinto nang makita nito ang liwanag sa ikalawang palapag.

"Papasukin mo siya," wika ni Ambrosio nang hindi tumitingin sa kausap.

"Iyong tandaan na hindi natin maaaring pagkatiwalaan ang anak ni Don Rufino. Isa siyang Salcedo na siya ring magiging manugang ni Don Fernando," wika ng anino. Hindi nagsalita si Ambrosio. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi sila maaaring maging magkaibigan ni Cristobal kahit pa minsang sumagi sa isip niya na posible mangyari iyon.

Wala nang nagawa ang lalaki. Bumaba na ito at pinagbuksan ng pinto ang hindi inaasahang bisita. Bago pa siya tuluyang makapagsalita ay sumugod na si Cristobal papasok sa tahanan. Pinigilan siya ni Mang Carding ngunit maging ito ay walang nagawa sa pagiging padalos-dalos ni Cristobal na hindi naman nito karaniwang ginagawa.

Sinundan ni Cristobal ang kinaroroonan ng nag-iisang liwanag sa buong bahay. Narating niya ang unang silid sa tabi ng hagdan. Nakauwang ang pinto na naghihintay sa kaniyang pagdating. Hindi nga siya nagkamali dahil naabutan niya roon si Ambrosio na nag-iisa habang nakatitig sa kandila.

"Hahayaan mo na lang bang mapahamak si Socorro?! Akala ko ba ay hindi mo natitiis ang mga kasamaan at pagmamalabis!" Muling napahigpit ang kamao ni Cristobal. Naalala niya kung paano sinuntok noon ni Ambrosio si Xavier na naging umpisa ng kanilang pagkakaibigan kasama si Jacinto.

"Sa iyong palagay ay nais kong mapahamak siya? Lumayo ako upang hindi siya madamay sa oras na magsimula na ang lahat," saad ni Ambrosio. Naalala niya kung gaano na siya kalapit noon kay Socorro. Ilang hakbang na lang ay magiging kabiyak na niya ito. Ngunit nagbago ang lahat nang mapagpasiyahan ng kanilang samahan na ilalabas na ang ikaapat na yugto.

"Kinalimutan ko ang lahat upang hindi masira ang kaniyang buhay. Hindi niya nalalaman iyon sapagkat naghihintay siya sa iyo. Hindi ako manhid upang hindi maramdaman iyon," nanginginig ang boses ni Ambrosio. Lumapit si Cristobal na nanatiling nakatingin nang seryoso kay Ambrosio.

"Hindi niya nagawang tugunan ang iyong pagtingin kung kaya't magagawa mong hayaan siyang malagay sa kapahamakan ngayon? Ikaw pala ang makasarili, Ambrosio. Nakalimutan mo na ba? Minsan mong sinabi na mahalagang ipaglaban ang damdamin. Bakit ngayon ay wala kang ginagawa upang ipaglaban siya? Kinalimutan mo na rin ba siya nang dahil lang sa hindi ka niya nagawang mahalin pabalik?" Animo'y mga punyal ang mga salitang binitiwan ni Cristobal na sumugat sa kaniyang damdamin.

Napayuko si Ambrosio na pilit tinitiis ang katotohanang binato sa kaniya ni Cristobal. Ilang taon niyang pinag-isipan ang lahat. Naniniwala siya na hindi siya naging makasarili dahil sa layunin na kaniyang pinaglalaban. Ngunit sa lahat ng laban ay may kailangang bitawan, at iyon ang kaniyang sariling damdamin.

Nagawa nang iangat ni Ambrosio ang kaniyang ulo at tumingin kay Cristobal. "Hindi ako si Palabras," pag-amin nito. Muli siyang napayuko at napalunok. Ang totoo ay walang dapat na makaalam ng lihim ng kanilang alyansa ngunit naniniwala siya na ito na lang ang huli niyang magagawa upang iparating kay Cristobal na hindi niya kinakain ang sarili niyang salita.

"Nagkakamali ka sa pag-aakalang ako si Palabras. Ang totoo ay hindi siya nag-iisang tao. Marami kami. Marami kaming ninakawan ng karapatang magsalita. At hindi rin ako ang puno't dulo ng lahat, dahil may siyang nauna sa hakbang na ito," napaatras si Cristobal. Hindi niya nais maniwala sa ipinagtapat ni Ambrosio ngunit naalala niya ang mga pagkakataon kung saan napapansin niya na tila pabago-bago ang paraan ng pagkakasulat sa mga yugto ng akda nito na inakala niyang dumaan lang sa iba't ibang pagbabago ng kaisipan at tono.

Humakbang si Ambrosio papalapit kay Cristobal. "Lumayo ka na rin sa lugar na ito. Ito na lamang ang aking huling magagawa bilang pag-alala sa ating pinagsamahan. Lumayo ka at huwag nang lumingon pa pabalik dahil hindi kami aatras," saad ni Ambrosio na animo'y nag-iwan ng isang babala na puno ng pag-aalala sa magiging kahihinatnan ng lahat.


ISANG karwahe ang lihim na dumating at tumigil sa likod ng tahanan ni Don Julio. Madaling araw na, nababalot ng makakapal na hamog ang gabi na naghahatid ng panlalamig at takot sa mga mamamayang hindi makatulog sa gabi.

Bumaba sa kalesa ang isang taong nakasuot ng itim na talukbong habang hawak ng kutsero nito na hindi rin makilala sa dilim ang isang lampara. Isang guardia ang nagpapasok sa kanila sa likod na pinto at tahimik na nagkubli sa mga hamog na umaayon sa kanilang pagtatago.

Maingat ang mga yabag paakyat ng hagdan na animo'y natatakot magising ang bayan na puno ng pangamba tulad ng paglusob ni Felipe sa tahimik na bayan na naghatid ng tagtuyot sa ilog na mga kaluluwa mula sa ikatlong yugto.

Matinis ang tunog ng pinto sa silid ni Don Julio habang dahan-dahang itinutulak ng kutsero. Naabutan nila si Don Julio na nakahiga sa kama at kanina pa naghihintay. Walang binigay na oras ang taong nakatalubkbong kung anong oras siya darating ngunit nababatid ni Don Julio na ngayong gabi rin ito darating.

"Noong isang gabi pa ako naghihintay," panimula ni Don Julio na napaubo pa. Nakatabalot din ng tela ang binti nito na muling namaga. Lumabas ang kutsero at iniwan sa mesa ang lampara bago isinara nang marahan ang pinto. Naiwan sa loob dalawa.

"Akala ko ay magaling ka na," saad ng nakatalukbong. Pinagmasdan nito ang magulong kuwarto ni Don Julio. Nagkalat ang mga papel, basag na bote, paso, at mga punit na libro sa sahig. Maging ang aparador at tukador ay sira na tila dinaanan ng bagyo. Kahit ang mga unan ay hindi pinaglagpas ng mga guardia.

"Nagtiyaga akong magpagamot sa Europa sa pag-asang maabutan ang lahat ng ating paghahanda. Ngunit hanggang dito na lang marahil ako. Hindi lahat ng tao ay nakakaabot sa sunod na kabanata," wika ng matandang Don na napaubo. Buong sikap nitong kinuha ang isang basong tubig sa tabi ngunit mas marami pa ang natapon nang subukan niya itong abutin.

Lumapit ang kausap at inabot sa kaniya ang tubig. Hinintay niyang guminhawa si Don Julio at kinuha sa kamay nito ang baso. "Kahit papaano ay sapat na sa aking nakaabot ako hanggang dito. Sadyang kay bilis ng mga pangyayari. Kung hindi sumabay ang sakit kong ito ay tiyak na nilalamig na ako ngayon sa bilangguan." Saad ni Don Julio na nagagawa pang magbiro sa kabila ng kanilang sitwasyon.

"Tulad ng iyong sinabi, kailangan nating pumili ng taong unang ihuhulog. Wala akong ibang maisip kundi ang babaeng redactor. Mas mahalaga sa atin si Ambrosio. Bukod doon, wala ring nalalaman ang babaeng iyon sa lihim ng La Librería. Ikaw ba ay tumututol sa aking ginawa?"

Inilapag ng nakatalukbong sa mesa ang baso at pinagmasdan ang patay na gumamela sa paso na hindi rin nito napupunasan. "Hindi na mahalaga sa akin kung sino ang iyong nais na ihulog. Ang mahalaga ay maisakatuparan natin ang plano. Kailangan pa natin si Ambrosio kung kaya't hindi siya maaaring mapahamak," wika ng kausap. Muling napaubo si Don Julio. Agad nitong kinuha ang panyo sa tabi upang saluhin ang mga dugo sa kaniyang bibig.

"Aking napag-alaman na si Cristobal ang naging redactor sa mga naunang akda na ating inilabas. Bakit hindi mo sa akin sinabi?" Tanong nito na nanatiling nakatingin sa patay na gumamela.

"Nakiusap sa akin si Don Rufino tungkol sa bagay na iyon. Isinama niya pa si Padre Mendoza. Upang hindi tayo maging kahina-hinala ay pumayag na ako," tugon ni Don Julio saka ngumiti sa kausap. "Kung nagkataon pala na sumang-ayon ang batang iyon sa ikaapat na yugto. Marahil ay kasama rin natin siya ngayon." Ngiti ng Don, hindi niya makita kung nakangiti ba ang kausap o kung ano ang reaksyon nito dahil sa makapal na talukbong at madilim na silid.

"Marunong din pala magmahal ang punonghukom na iyon," patuloy ni Don Julio na tumawa nang marahan hanggang sa hindi niya na napigilan ang sunod-sunod niyang pag-ubo. Hindi na dapat siya tumawa o magsalita dahil mas lalo siyang inuubo na sanhi ng paninikip ng kaniyang dibdib at paghinga.

Nagsalin ng tubig ang taong nakatalukbong sa basong ginamit ni Don Julio. May kinuha itong bote sa bulsa at naglagay ng tatlong patak sa inumin saka hinalo iyon gamit ang kaniyang hinliliit na daliri. "Lahat ng tao ay marunong magmahal ngunit hindi ang magpahalaga. Pagkatapos nilang makinabang ay itatapon ka lang na parang isang basura," saad nito sabay abot ng baso na naglalaman ng tubig. Subalit ang kapansin-pansin ay malabo na ang kulay ng tubig.

Kinuha ni Don Julio sa kamay ng kausap ang baso saka ngumiti nang mapait. "Tulad ko? Tapos niyo na akong pakinabangan, hindi ba?" Nakangiti ang Don ngunit naroon ang lungkot sa kaniyang mga mata.

Hinawakan ng kausap ang kamay ni Don Julio na nanginginig habang hawak ang baso ng tubig upang hindi ito matapon. Hindi nila malaman kung ang panginginig ay dulot ng kahinaan ng matanda o dahil sa nalalaman nito ang laman ng tubig.

"Ikaw ay mas nakinabang sa salaping iyong kinita sa aming mga akda. Hindi ba't sapat na sa iyo na ipamana ang iyong kayamanan sa iyong angkan?" Paalala ng taong nakatalukbong. Napapikit si Don Julio. Matagal na niyang alam na hindi na siya gagaling sa sakit kung kaya't hindi na rin niya pinigilan ang sarili sa paninigarilyo at pagkain ng mga pinagbabawal sa kaniya.

Isang malalim na paghinga ang kumawala sa matandang Don saka pinagmasdan ang tubig na nagbibigay buhay sa taong nauuhaw. "Ngunit hindi ko pala madadala ang aking yaman sa kabilang buhay. Kung madadala ko man, tiyak na masusunog din ito sa impyerno kasama ko," saad ng Don na nag-iwan ng ngiti bago ininom ang isang basong tubig hanggang sa huling patak.

Hinawakan niya ang kamay ng kausap saka tumingin sa mga mata nito kahit hindi na niya masyado maaninag ang hitsura nito. "Tulad din ng sama ng loob, huwag mo na rin sana itong dalhin sa kabilang buhay dahil hindi iyon matutupok ng apoy," patuloy ni Don Julio bago siya nag-iwan ng huling ngiti. Higit dalawang dekada na ang kanilang pinagsamahan. Wala siyang pinagsisisihan sa pagtulong sa kaibigan.

"Ikaw ay lumisan na. Hindi ka maaaring abutan ng bukang-liwayway dahil hindi ka na makakapagtago," saad ni Don Julio habang nakapikit ang mga mata. Inayos ng nakatalukbong ang kamay nito at sandaling tinitigan ang Don bago tuluyang umalis.

Nang makasakay siya sa kalesa ay ibinagsak na ng kasabwat na guardia ang lampara sa langis na ikinalat nila sa buong bahay ni Don Julio. Hindi pa nakakalayo ang kalesang sinasakyan ng taong nakatalukbong ay nagsimula nang lumiyab ang bahay na kaniyang iniwan. Nagsigawan ang ilang mga guardia at mga taong nagising sa liwanag na mabilis tumupok sa buong kabahayan.

Hindi na napigilan ng taong nakatalukbong ang sarili. Inalis ni Honorata ang talukbong na nagkukubli sa kaniyang ulo at nilingon ang nasusunog na tahanan ng yumaong kaibigan. Ang mga salitang ipinagkait sa kanila ay mabibigyang katarungan dahil nagsisimula na ang mga hakbang ng tunay ng tunay na Palabras Perdidas.


***************

#SocorroWP

Next update: June 3, 2022

Paalala: I will block/mute spoilers and #rr na obvious ang clue sa comment section.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro