Chapter 11

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 11: Enchanted

Ako ang nag-aayos ng mga damit ni Prinsipe Dominus sa isang lalagyan. Narito kami ngayon sa kanyang silid kasama si Prinsipe Arcus at ang isang lalaki na tinawag nilang Lazaro. Ayon sa pagpapakilala ni Prinsipe Arcus ay parang siya ang magiging bantay ni Prinsipe Dominus sa labas ng kastilyo. Kasama namin siya sa isang tirahan.

"Iwasan mo ang pagiging pilyo, Prinsipe Dominus. Hindi ka mamumuhay na parang prinsipe roon. Maaari kang maparusahan kapag may ginawa kang hindi maganda." Hindi ko alam kung ilang beses ko nang narinig 'yon kay Prinsipe Arcus.

Hindi ko siya masisisi dahil pilyo talaga si Prinsipe Dominus. Saksi ako sa mga 'yon.

"Anong sabi mo?" Halos mapatalon ako sa gulat nang magsalita si Prinsipe Dominus. Nakanguso ito habang nakatingin sa akin. "Pilyo ako?"

Napangiwi ako nang makalimutang nababasa nga pala nila ang aking isipan. Sinubukan kong huwag mag-isip ng kung anu-ano para iwas na rin sa gulo.

"Pilyo na gwapo." Ngumisi ito sa akin. Ngumiti na lang ako sa mga sinasabi niya. "Narinig ko ang mga papuri mo sa akin nung una tayong nagkita." Bigla kong naalala ang una naming pagkikita.

"Sabi mo eh," nakangiti kong tugon.

"Ikaw naman babae," sabi ni Prinsipe Arcus. Palihim akong natawa. Makakalimutin na ba siya para tawagin akong babae lang? Ilang beses na niyang narinig ang pangalan ko. "Huwag na huwag kang lalayo sa tabi ng kapatid ko."

"Hezira ang aking pangalan, Prinsipe." Pagpapakilala ko. "Sana naman ay matandaan mo na ngayon."

Nakita ko lihim na pagtawa ni Lazaro dahil sa sinabi ko. Wala man lang nag-iba sa reaksyon ni Prinsipe Arcus. Nanatili ang pagiging kalmado niya.

"Mayamaya rin ay darating na ang karwahe na maghahatid sa inyo," sabi pa ni Prinsipe Arcus.

Hindi ba siya nangangawit? Kanina pa siya nakatayo sa gilid ng pinto habang nasa likod niya si Lazaro. Nasa kama naman kami ni Prinsipe Dominus na pinapanuod lang ako na mag-ayos ng kaniyang mga gamit.

"Kaya namin ang sarili namin, Prinsipe. Ang ikinababahala ko ay ang mga nasasakupan natin sa labas." Bumalik na naman ang usapan na 'yon. Nung ibinalita ni Prinsipe Dominus ang natuklasan namin na bad blood ay hindi 'yon gaanong pinagtuonan ng pansin ni Prinsipe Arcus.

Matapos kong mailagay sa lalagyan ang mga damit ni Prinsipe Dominus ay naalala kong wala na pala akong isusuot. Hindi naman pwedeng manghiram ako sa kanya. Wala rin akong pilak na pambili ng damit.

"Wala ka dapat ipangamba, Prinsipe Dominus. Nagpatawag na ako ng pagtitipon para rito."

"Gusto kong tumulong!"
"Hindi na kailangan, Prinsipe. Baka bumalik na rin ang amang hari at inang reyna mula sa pagpupulong."

Bakas pa rin sa mukha ni Prinsipe Dominus ang pagtutol ngunit alam kong alam niyang wala na rin siyang magagawa. Nakakatawa lang na ang isa sa mga pangarap niya ay abot kamay na niya ngunit gusto niyang ipagpaliban para rito.

"Hezira..." Kinahaban ako nang marinig ang pangalan ko sa bibig ni Prinsipe Arcus. "Inaasahan kong hindi mo pababayaan ang kapatid ko."

"Prinsipe! Hindi mo ako kailangan ipagbilin sa isang babae. Kaya ko ang sarili ko!" Protesta ni Prinsipe Dominus ngunit hindi 'yon pinansin ni Prinsipe Arcus. Nanatili ang kanyang tingin sa akin na parang naghihintay ng sagot.

Ngumiti ako bago bahagyang tumango. "Kung 'yon ang iyong nais, Prinsipe Arcus."

Nagpakawala ito ng buntong hininga bago binalingan ng tingin si Lazaro. "Ikaw na ang bahala sa kapatid ko. Kapag may nangyaring masama sa kanya, angkan mo ang magiging kabayaran." 'Yon ang banta ng kamatayan para kay Lazaro. Ang utos mula sa hihiranging hari.

Matapos no'n ay nagpaalam na si Prinsipe Arcus na didiretso na sa pagpupulong. Naiwan kami nila Prinsipe Dominus at Lazaro sa silid na ito. Tinulungan ako ni Lazaro na ibaba ang mabigat na bagahe ni Prinsipe Dominus.

"Wala ka pa palang mga kasuotan," Napangiti ako nang mapansin 'yon ni Prinsipe Dominus.

"Maraming salamat, Prinsipe Dominus. Iingatan ko ang mga bibilhin niyong damit para sa akin."

"Sinong nagsabing bibilhan kita?" Kumunot ang noo ni Prinsipe Dominus. "Wala ka bang pilak?"

Nawala ang ngiti sa aking labi. "Kahit 'yon na lang sana ang magiging kapalit ng paninilbihan ko sa inyo, Prinsipe. Hindi naman ako mapili." Pinilit ko ulit na ngumiti. Hindi naman siguro labis ang hinihingi ko para sa isang prinsipe na katulad niya.

Umawang naman ang bibig niya na parang nag-iisip. "Kung 'yon ang gusto mo ay sige. Doon na lang tayo bibili sa loob." Ngumiti sa akin ang kulay asul niyang mata.

Napatingin kami kay Lazaro nang tumikhim ito. Ngumiti ito dahil maagaw niya ang atensyon namin. "Isa sa mga patakaran ay hindi ka ipapakilala bilang prinsipe, Dominus. Isa ka lang na anak ng marlika at hindi dugong bughaw. Hindi nila maaaring malaman ang tunay mong pagkatao." Seryoso nitong sabi.

Napatingin ako kay Prinsipe Dominus. Hindi nakatakas sa akin ang pagpapakita ng lungkot sa kanyang mata. Hindi ko siya masisisi dahil kailangan pa niyang magpanggap bilang iba para rito.

"Sanay naman na ako, Lazaro. Hindi na bago sa akin na magpanggap bilang ibang bampira." Tumawa ito. "Saka parang panibagong buhay naman ito sa akin."

Tumango naman si Lazaro. "Bibigyan ko lang kayo ng konting impormasyon na kailangan niyong malaman tungkol sa Arcus University." Seryoso nitong wika. Kung titignan ay parang walang pinagkaiba sa aming edad si Lazaro pero hinog na kung mag-isip. "Ang Arcus University ay may apat na klase. Royal Blood, ito ang pangkat na kinabibilangan ng mga kamag-anak ng dugong bughaw."

"At doon kami mapapabilang?" Tanong ni Prinsipe Dominus.

Malungkot na umiling ito. "Gustuhin ko man ay hindi maaari dahil kapag doon ka inilagay ay maaaring mabunyag ang sikreto mo. Mataas na pangkat 'yon kaya halos lahat ay interesado na makilala ka. Iiwasan natin 'yon." Pagpapaliwanag niya.

Pabor naman ako ro'n dahil hindi ko rin naman alam kung paano pakikisamahan ang pangkat na 'yon. Wala naman silang pinagkaiba sa mga tao sa mundo namin.

"Ang sumunod sa Royal Blood ay ang Class A. Ito ang pangkat na kamag-anak ng mga heneral." Tumango naman kami ni Prisipe Dominus. Hindi ko inakalang may mga ganito pa pala sa loob no'n. Ang pinagkaiba lang nito sa mundo namin ay ibinabatay ang pangkat sa estado mo sa buhay. "Sumunod sa Class A ang Class B. Dito ang pangkat ng mga bihasa sa kahit na anong bagay. Sila ang pinakamatalino at pinakamagaling sa lahat ng pangkat." Pagpapaliwanag pa nito.

Ipinapakita lang no'n na lamang pa rin ang karangyaan kesa sa kaalaman. Hindi na rin ako nagulat dahil ganon din sa mundo ng mga mortal.

"Ang pinakahuli ay ang pangkat na kabibilangan niyo. Ang Class C ay ang pangkat ng mga timawa. Ito ang pinakakaraniwang pangkat. Itinuturing din itong pinakamababa. Patawad ngunit dito ang pinakaligtas para sa inyo. Kapag kabilang ka sa pangkat na ito ay walang sino man ang magtatangkang kilalanin ka dahil para sa mga mas nakakataas na pangkat ay hindi dapat kayo pinag-aaksayahan ng oras." Malungkot na ngumiti ito.

Napatingin ako kay Prinsipe Dominus nang marinig ang mahina niyang pagtawa. "Yon din naman ang gusto ko. Ayokong maging sa labas ng palasyo ay ang mga mataas pa rin ang kasama ko." Nakangiting sabi nito.

Mayamaya'y lumabas na kami ng kastilyo. Sa labas ng tarangkahan ay naghihintay ang isang karwahe. Napatingin ako kay Prinsipe Dominus nang tumakbo na ito papasok. Sumunod kami sa kanya ni Lazaro.

"Sa wakas ay nakalaya na ako sa kastilyo!" Napangiti na lang kami ni Lazaro sa sinabi ni Prinsipe Dominus. "Simpleng buhay na walang kawal na nagbabantay. Ito ang isa sa mga pangarap ko dati." Ramdam namin ang walang pagsiglan na tuwa sa boses niya.

Napangiti rin ako dahil ngayon ko lang siya nakitang ganito. Kahit papaano ay hindi na ganon kalungkot ang magiging buhay niya.

Hindi ko maiwasang maghinayang habang pinagmamasdan ang matayog na tore ng kastilyo. Hindi ako maaaring magmadali para sa aking pinaplano, ang iisipin ko ngayon ay ang mangyayari sa akin sa loob ng Arcus University. Malamang na may matutuklasan din ako na makakatulong sa akin doon.

"Saan tayo bibili ng kasuotan ko, Prins---"

"Dominus, Hezira. Hindi siya prinsipe." Nakangiting pagpapaalala sa akin ni Lazaro. "Baka mamayang gabi na lang dahil mas buhay na buhay ang mga pamilihan kapag ganong oras."

Nang matanaw na namin ang circle na humahati sa iba't-ibang bahagi ng palasyo ay dumaan na kami papunta sa Arcus University. Makitid lang ang daan na sementado dahil ang sa gilid ay mga damo na. May mga puno rin na nagsisilbing lilim namin.

"Hindi ko pa rin maiwasang mag-alala sa mga nasasakupan natin sa labas. Nabuhay ulit ang mga bad bloods. Ilang daang taon na rin ang nakalipas matapos silang magapi. Sino ang bumuhay sa kanila?"

Parang nasamid ata ako nang marinig ang ilang daang taon. Hindi ko maiwasang isipin kung ilang taon na ba sila. Ang akala ko ay hindi sila tumatanda pero bakit may mga matatanda pa rin? Mukhang kailangan ko ng impormasyon tungkol sa mga katanungan na ganito. Nasa mundo nila ako at ang kaignorantehan ko tungkol sa mga ganitong bagay ang magpapahamak sa akin.

Hindi ko alam kung ilang oras ang inabot namin bago matanaw ang isang tarangkahan. Hindi ko maiwasang mapanganga nang makita ang kulay mapadpad na tarangkahan na matayog. Nahahati sa dalawa ang tarangkahan at sa pinakataas ay may isang logo na namukadkad na rosas na ang tinik ay nasa mismong bulaklak. Parang naliligo 'yon sa dugo at sa itaas ay nakaukit ang mga letrang... AU.

Huminto ang karwahe ilang metro bago ang tarangkahan. Naunang lumabas si Lazaro, sumunod ako bago si Dominus. Nakita ko ang pagkislap sa mata ni Dominus na naunang naglakad papunta sa harap ng tarangkahan.

Mabilis na hinarang siya ng apat na kawal na nagbabantay. "Anong kailangan n'yo?" Tanong sa amin ng isa sa kanila. Napansin ko na hindi sanay si Dominus sa trato ng mga kawal.

Ngumuso si Dominus. "Diyan ako mag-aaral eh." Sagot niya. "Bawal ba?" Tanong niya pa.

Lumapit sa kanila si Lazaro. May ipinakita itong maliit na papel sa isang kawal. Tumango ang kawal sa mga kasamahan niya. Unti-unti nilang binuksan ang dalawang tarangkahan. Malakas ang kabog sa dibdib ko habang palawak nang palawak 'yon.

Namangha ako nang makita ang isang malaking fountain na gaya ng sa circle, ang pinagkaiba lang ay kulay dugo ang lumalabas na tubig doon. Parang kumikinang 'yon 'pag nasisinagan ng araw.

Masyado akong nahalina sa ganda no'n na ngayon ko lang napansin na nakatingin pala ang ibang estudyante sa amin. Halos kulay puti ang uniform nila pero may ibang kulay berde. Maiksi rin ang kulay itim na palda ng mga babae na lagpas tuhod. Ang sa mga lalaki naman ay kulay itim din na slacks. Parang iisa lang ang kulay ng kanilang pang-ibaba pero nag-iiba lang sa kulay ng blouse o polo.

"Enchanting..." Bulong ni Dominus.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro