Chapter 17

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 17: Telepatiya

Hinila ako ni Dominus papunta sa isang malawak na hardin. Namangha ang aking mga mata habang pinagmamasdan ang mga makulay na bulaklak sa paligid, ang lupang binabalutan ng matingkad na kulay berdeng damo, hanggang sa mga  matatayog na puno. May mga maliliit na kubo rin na maaaring pagsilungan at pagpahingahan.

“Nakakamangha,” bulong ko.

Minataan ko si Dominus na pumasok sa isang kubo. Sinenyasan niya akong sumunod na ginawa ko naman. Umupo kami sa magkaharap na upuan na yari sa kawayan. Mula rito ay dinig ko pa rin ang mga huni ng ibon sa paligid.

Bukas na naman ang iyong isipan,” sabi ni Dominus sa aking isipan.

Lumunok ako. “Lagi ba itong nakabukas? Lagi bang tumatagas ang mga ideyang umiikot sa isipan ko?”

Umiling siya. “May mga pagkakaon  lang na sa sobrang dami ng iniisip mo ay hindi ito nahahawakan ng isipan mo kaya tumatagas ito. Maaari naman itong maiwasan kung makokontrol mo ang sarili mo.”

“H-Hindi ko maintindihan,” saad ko.

Ngumiti siya sa akin. “Bakit hindi mo muna iwaglit lahat ng gumugulo sa iyong isipan at pagtuonan ng pansin kung gaano kasagana sa kapayapaan ang lugar na ito?”

Sumandal siya sa upuan at ipinatong ang dalawang braso sa magkabilang bahagi ng upuan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Tila gusto niyang gawin ko rin ‘yon.

Huminga ako nang malalim bago inalog ang aking ulo. Ipinahinga ko ang likod ko sa sandalan kasabay ng pagpikit ng aking mga mata.

Hinaraya ko ang mga imaheng nakunan ng aking mga mata kanina nang masilayan ang lugar na ito. Mula sa lupang binabalutan ng berdeng damo, sa mga makukulay na bulaklak, hanggang sa mga puno kung saan namamahinga ang mga ibon na pagod sa paglipad… Wala sa sariling napangiti ako.

Ganyan nga, Hezira,” dinig ko ang tinig ni Dominus sa aking isipan. Parang nagtatago siya sa mga bulaklak o puno dahil tanging boses lang niya ang nagpaparamdam. “Hanapin mo ako…”

Naguluhan man ay hindi ko iminulat ang mata ko. Sinubukan kong palawakin pa ang sakop ng imahinasyon ko. Tila naglalakad ako sa damuhan, palinga-linga sa paligid.

Hezira,” dinig ko na namang tawag niya sa akin. Lumingon ako sa likod ngunit wala siya, tanging tinig lang niya ang naririnig ko. “Hindi lahat ng bagay ay ipapakita sa ‘yo ng mga mata mo. Buuin mo ako sa iyong isipanPapasukin mo ako.”

Napangiwi ako nang maramdaman ang bahagyang pagkirot ng ulo ko. Sinubukan kong gawin kung ano ang sinabi niya ngunit hindi ako nagtagumpay. Hindi ko mahagilap ang kanyang hitsura na tila nakalimutan ito ng aking utak. Maging ang paligid ay tila unti-unting lumalabo.

Nawawala ka sa pagiging kalmado,” aniya. “Huwag mong biglain ang sarili mo. Unti-unti, Hezira… Ulitin mo.”

Muli kong binalikan ang unang pag-alala ko sa umpisa, unit-unti ring naging malinaw ang paligid. Napalingon ako sa likod ko nang may maramdamang presensya roon. Bumungad sa akin ang nakangiting mukha ni Dominus.

Natagpuan mo ako, Hezira.”

Napangiti ako. “Nagawa ko ba?” tanong ko.

Lumawak ang ngiti sa kanyang labi. “Naalala ko nong una tayong nagkita, ganitong-ganito ang reaksyon mo, nanlalaki ang mga mata, namimilog ang labi… Hindi mo maiisip na sa likod ng inosenteng mukha mo ay nagkukubli ang isang babaeng matapang at handa kang saktan gamit lang ang kanyang mga salita.” Humalakhak ito.

Dapat ba akong matuwa?”

Patawad sa nangyari kanina.” Bahagyang umikli ang kanyang ngiti. “Natakot lang ako. Pansamantala lang tayo sa lugar na ito kaya natatakot akong magkaroon ka ng permanenteng bahagi na maiiwan dito.”

Mas malakas ako kaysa sa emosyon ko. Hindi ko hahayaang mas manaig ito sa akin at itulak ako sa kapahamakan,” seryoso kong sagot.

Nagawa ko na ito… Nagawa ko nang isantabi ang tunay na pakay ko sa lugar na ito. Hindi pa sa ngayon… Darating din ako sa puntong iyon. Ang pait at galit ay pansamantala kong ikinubli upang ang kilos ko’y maging maingat. Ngunit ang sakit ay patuloy pa rin na bumabagabag sa akin… Ito ang bagay na hindi ko kailanman maitatago.

Naramdaman kong may humawak sa braso ko kaya napamulat ang mga mata ko. Bumungad sa akin ang nag-aalalang mata ni Dominus. Saka ko lang napagtanto na may luha palang lumandas sa pisngi ko.

Mabilis naman na hinawi ko ang kanyang kamay sa braso ko at tumayo, tumalikod ako sa kanya at maagap na pinahid ang luha.

“P-Patawad kung napasobra ata,” dinig kong sabi ni Dominus.

Hindi ako lumingon. “Gusto ko munang umikot sa hardin na ito.”

“Ayos ka lang ba?”

“Maaari ba?” Lumingon ako sa kanya. Nakita ko ang mabigat na paglunok nito at pagtango.

Mabilis na lumabas ako ng kubo at naglakad palayo. Naramdaman ko na naman ang panunubig ng mga mata ko. Sumikip ang dibdib ko kaya tumakbo ako papunta sa likod ng isang malaking puno.

Hinayaan kong bumagsak ang luha sa aking mga mata. Nabigo ako… Nabigo ako sa pangako kong hindi maglalabas ng luha sa mundong ito. Dapat ay mapanindigan ko ang sinabi ko, dapat ay mas  manaig ako kaysa sa emosyon ko.

Ang mga luha ko ay unti-unting naglaho… Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatulala.

“Wala kang pasok?”

Mabilis na pinahid ko ang mga natirang luha sa aking mukha at hinarap ang nagsalita. Bumungad sa akin ang isang babae na may kulay berdeng uniform, ang kanyang mata ay binabalutan ng salamin.

Lumunok ako. “B-Bakit?”

“Ano ang iyong pangalan, Binibini?”

Umiling ako. “Hindi mo na dapat malaman.”

Aktong lalagpasan ko na siya nang hawakan niya ang braso ko. Bahagyang umawang ang bibig ko sa sobrang higpit no’n, parang dudurugin niya ito.

“Ano ang iyong pangalan?” muli niyang tanong. “Sagutin mo ako…”

“H-Hezira.” Matapos kong sabihin ang pangalan ko ay binitawan niya agad ang braso ko. Nanlumo ako nang makita ang pamumula rito at bahagya pang may bakas ng kanyang kuko.

Inayos nito ang salamin sa kanyang mata bago kinuha ang isang kuwaderno sa kanyang supot. Binuksan niya ito at naglipat-lipat ng pahina hanggang sa tumigil ito.

“Kayo ‘yong dalawang baguhan,” aniya. Tumingin siya sa akin. “May klase ka, ah? Bakit andito ka?”

“S-Sino ka ba?” Pagkatanong ko no’n ay bumagsak ang tingin ko sa nameplate sa kanyang uniform. Namutla ako nang makita ang numero uno ro’n. Posible kayang ang babaeng ito ay si….

“Levia. Class B. The Supreme Chief Officer of Arcus University. Iniimbitahan kita sa opisina namin,” bigla siyang ngumiti.

Kakaiba ang babaeng ito…

“Hezira!” Sabay kaming napalingon kay Dominus. “Teka… Ano ang iyong kailangan sa kapatid ko?” tanong niya kay Levia.

“Dominus?” tanong ni Levia. Tumango naman si Dominus. “Maari rin ba kitang imbitahan sa opisina kasama si Hezira?”

“Sige,” mabilis na pag sang-ayon naman ni Dominus. Mukhang wala siyang ideya kung bakit siya inimbitahan pero mabilis siyang pumayag.

Nanatili kami sa likod ni Levia na taas-noong naglalakad. Lahat ng madadaanan naming estudyante ay mabilis na gumigilid para bigyan siya ng daan. Natigilan siya  sa paglalakad kaya natigilan din kami.

Sa isang iglap ay nawala siya sa paningin namin. Nakita na lang namin siyang ibinagsak ang isang estudyante sa sahig, nakapatong ang kanyang isang paa sa likod nito.

“M-Masakit!”

Lumapit kami sa kanila. Saka ko lang napagtanto na ang lalaking bagsak ngayon sa sahig ay si Inueh.

Gamit ang isang kamay ni Levia ay itinayo niya si Inueh. “May pangyayaring dapat nating maayos, Inueh,” nakangising sabi nito sa kanya.

“S-Sasama na ako,” nakangiwing sagot ni Inueh kay Levia.

Biglang itinulak ni Levia sa amin si Inueh. “Hawakan niyo ang isang ‘yan, kapag nakawala iyan ay mas mananagot kayo sa akin,” babala nito.

Mabilis naman na hinawakan namin ni Dominus si Inueh sa magkabilang braso. Wala kaming nagawa kung hindi ang sundin si Levia. Narinig ko pa ang mahinang pagdaing ni Inueh.

“Nakakamangha ang kanyang bilis,” bulong ni Dominus.

Tumawa si Inueh. “Kaya nga siya ang numero unong kinakatakutan rito eh. Teka… Bakit niya kayo isinama?”

“Hindi kami pumasok sa klase at nahuli niya kami,” si Dominus ang sumagot.

Masyadong mabilis maglakad si Levia na agad ay malayo na sa amin.

“Bakit hindi mo sabihin na prinsipe ka? Mangangatog ‘yan sa takot,” suhestyon ni Inueh. “Naalala ko nung kaharap niya si Prinsipe Arcus, halos hindi siya makapagsalita at makagalaw.”

“Alam mong hindi maaari, Inueh,” sagot ko.

“Walang kwenta…” bulong nito.

Pagkarating naming sa opisina ng Chief Officers Office ay naabutan naming kumpleto sila. Naroon sina Primus, Valeria, Nero, Levio at ang isang babaeng gaya ni Levia ay nakasalim din.

“Ano’ng ginagawa niyo rito?” tanong sa amin ni Primus. Napatingin ito kay Inueh kasabay ng panlalaki ng mga mata nito. “I-Inueh!”

“Primus,” tawag ni Levia. Mabilis naman na tumayo si Primus. “Tawagin mo ngayon din ang magulang nina Dominus at Hezira.”

Mabilis naman na tumakbo palabas si Primus. Napatingin ako kay Inueh na nakaupo, walang mababakas na pagkabahala sa kung ano man ang maaaring ipataw na parusa sa kanya.

Umupo si Levia at si Nero naman ang tumayo. Lumapit ito kay Inueh. Hinila niya ang kwelyo nito kaya napatayo ito. Napaatras ako nang makitang naging pula ang mga mata ni Nero.

“Kung sa tingin mo ay nakikipaglokohan kami sa iyo, nagkakamali ka,” malalim na sabi ni Nero.

Tumawa si Inueh. “Hanggang ngayon ay bulag pa rin kayo.”

“Bulag pero hindi hibang katulad mo,” sagot ni Nero.

Tumayo rin si Levio at inilayo si Nero mula kay Inueh.

“Nasaan ang libro?” tanong ni Levio.

Kinuha ni Inueh ang bag niya at inilabas doon ang libro.  Aktong aabutin na ito ni Levio nang bitawan ito bigla ni Inueh kaya nahulog sa sahig. Mabilis na pumigil muli ang kamay ni Levio nang aktong aatakihin na naman ni Nero si Inueh.

Pinulot ni Levio ang libro at ipinatong sa lamesa.

“Ang iyong pakikialam ang magpapahamak sa ‘yo,” biglang sabi ng babaeng nakasalim. Siya lang ang bago sa aking paningin. Numero tres ang nakalagay sa kanyang uniform.

Muling tumawa si Inueh. “Mas ikapapahamak ninyo ang pagbubulag-bulagan, Aphra,” sagot nito.

“Hindi ka ba nanghihinayang?” tanong ni Levio. “Kung nagtino ka lang sana ay hanggang ngayon ay kasapi ka pa rin ng Chief Officers.”

Nagulat ako. Dati palang Chief Officer si Inueh na mukhang napatalsik lang dahil sa ibang kagustuhan nito.

Nakita ko pagguhit ng galit sa mata ni Inueh. “Mas nakakapanghinayang na may pagkakataon kayong malaman ang totoo ngunit hindi niyo kaya… Mga duwag!”

“Ang alamat ay mananatiling alamat,” madiing sabi ni Levia. “Nakakita ka na ba ng tao para sabihin mong totoo sila, Inueh?”

“Hindi… pa,” sagot naman ni Inueh.

“Magbalik ka na,” biglang wika ni Nero. Lumambot ang tinig nitong kanina ay nagliliyab. “Pakiusap, kaibigan…”

Muling umupo si Inueh at hindi na sumagot. Napailing na lang sina Levio at Aphra.

Napatingin ako kay Valeria na tahimik, nakatingin ito kay Dominus na tahimik din. Napalingon sa kanya si Dominus kaya mabilis itong umiwas ng tingin. Napansin ko ang bahagyang pagpula ng pisngi nito.

“Sinusubukan mo talaga kami, Inueh,” ani Levia. Bumuga ito ng mabigat na hangin. “Wala kaming magagawa kung hindi… Pinagbabawalan ka na naming pumasok sa library.”

Napatayo si Inueh. “H-Hindi maaari ‘yan! Lahat tayo ay may pribilehiyo sa kaalaman na makukuha lamang sa silid-aklatan!”

Umiling si Levia. “Ito ang kautusan ko at ang parusa mo.”

Mabilis na kinuha ni Inueh ang kanyang bag at lumabas. Naiwan kaming tahimik.

Nangawit ako kaya umupo na rin ako sa tabi ni Dominus. Ngayon ay napunta na sa amin ang atensyon nila. Nakaramdam ako ng pagkailang.

“Ikaw ‘yong baguhan sa pamilihan, hindi ba?” biglang tanong ni Nero sa akin.

“O-Opo…” Kailangan kong maging magalang baka sakaling mabago pa ang pasya nilang isuplong kami kay Lazaro. Hindi na niya kami titigilan kahit saan pumunta.

Tumawa si Nero. “Tila naging magalang ka ata ngayon?”

“Dominus,” biglang tawag ni Valeria. “Ayusin mo ang pagkakabutones ng iyong uniform.” Muling namula ang kanyang mukha.

Hindi nga nakabutones ang tatlong bahagi sa itaas ng uniform niya kaya kitang-kita ang kulay puting damit sa loob, bahagya ring sumisilip ang kanyang dibdib.

“Ano naman ang problema?” tanong ni Aphra kay Valeria.

“H-Hindi maayos,” simpleng sagot nito.

Mayamaya ay dumating na si Lazaro. Pinalabas kami ni Dominus at kinausap nila ito. Napanguso na lang ako.

“Biruin mong isang araw pa lang tayo rito tapos ganito na agad ang nangyari?” nanunuya kong tanong kay Dominus.

Hindi ito sumagot. Napansin kong malalim ang iniisip nito.

“Dominus?”

Nilingon niya ako, tila nagbalik ito sa huwisyo. “A-Ano ‘yon?”

Malalim nga ang iniisip niya, kanina pa. Mukhang may bumabagabag sa kanya.

“Ano kaya sa tingin mo ang pinag-uusapan nila?” tanong ko.

Hindi kumibo si Dominus, nanatili siyang nakatitig sa akin. Nakaramdam ako ng hiya.

“M-May problema ba? Mukhang malalim ang iniisip mo ah?” puna ko.

“M-May hindi pa pala ako nasasabi sa ‘yo tungkol sa telepatiya,” aniya.

“Ano naman ‘yon?” tanong ko.

Ngumiti siya. “Nagawa mo! Nong kinakausap mo ako kanina? Kinakausap mo ako sa isipan mo!”

“T-Talaga?” gulat kong tanong. Hindi ko napansin ‘yon dahil tila kausap ko talaga si Dominus kanina.

“Oo! Ang galling mo!” masaya niyang puna.

Napangiti ako at sa sobrang saya ay napayakap ako sa kanya. Nang mapagtanto ang ginawa ay mabilis din akong humiwalay.

Tumawa siya at inakbayan ako. “Nagmana ka talaga sa Kuya mong magaling din.”

Napatitig ako sa kanyang nakangiting mata. Sa pagkakataong ‘yon ay nakaramdam ako ng bahagyang takot. Mukhang mababali ko rin ang pangako kong…. Hindi kailanman mapapalapit sa kahit na sinong nilalang sa mundo ito.

Itinulak ko siya palayo sa akin… Sa halip na magulat ay tumawa pa ito.

Madiin akong napapikit… Hindi ako maaaring mapalapit sa kanya.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro