Chapter 19

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 19: Pamilya

Lumipas ang tatlong asignatura nang payapa, hindi gumawa si Dominus ng hakbang na maaari na namang magdiin sa amin sa kapahamakan. Hindi rin sumipot si Inueh sa Counting Class kanina. Ngayong huling pasok ay papunta na kami ni Dominus sa Hunting Class.

Naabutan namin ang iba naming kasamahan sa bungad ng Jungle, nakakalat sila sa paligid at halatang hinihintay ang guro namin. Napansin ko rin na may nagbabantay ngayon sa bungad ng Jungle na dati ay wala.

“Ano ba ‘tong Hunting Class?” tanong ko kay Dominus.

Napatingin naman ang kaninang okupado niyang mata. “Parang dito masusubukan ang lakas ng katawan mo. Kung paano gumamit ng patalim, pangangaso at iba pang mabibigat na gawain.”

Napatango naman ako. Parang P.E class sa mundo namin pero ang pinagkaiba lang ay balian talaga ng buto rito.

“Umabot ka sa ikatlong yugto nang hindi alam ang Hunting Class?”

Napatingin kami ni Dominus sa kararating lang na si Inueh. Hindi ko inakalang kasama rin namin siya rito.

Umismid ako. “Masama na bang magtanong?”

“Sabagay, prinsipe ang kasama mo. The advantage though.” Ngumisi pa ito.

Hindi ako kumibo. Naalala ko ang mga sinabi niya at ang mga gusto niyang gawin. Mapanganib kung lalapit ako sa kanya pero alam kong siya ang mas makakatulong sa akin. Ang hakbang na gagawin ko ay mas dumikit sa kanya.

Mayamaya ay dumating na ang lalaki naming guro na nagpakilalang si Teacher Baro. Medyo may katandaan na ito, madungis ang pananamit at may tabakong umuusok sa kanyang bibig.

“Handa na ba kayo?” tanong niya sa amin.

Napalunok ako nang marinig ang sabay-sabay na pagsang-ayon ng lahat.

Napatingin sa akin si Dominus na parang naramdaman ang pagkalabog ng dibdib ko. Umakbay siya sa akin at bahagyang inilapit sa aking tainga ang kanyang bibig.

“Kaya mo ‘yan,” bulong niya sa akin.

Pumasok na kami sa loob ng Jungle. Naglakad kami ng ilang minuto bago huminto. Hinarap kami ni Teacher Baro na nagunguna sa amin.

“Tatlumpong minuto para sa pagpapainit.” Malawak na ngumiti ito sa lahat. “Humayo kayo.”

Sa isang iglap ay unti-unting naglaho ang mga kasamahan namin. Nagpatalon-talon sa mga puno hanggang sa makalayo sila sa amin. Iilan na lang kaming natira rito. Si Teacher Baro naman ay tumalon sa isang sanga at ipinahinga ang likod sa puno bago pumikit.

“Tara?” aya sa akin ni Dominus. Tumalon ito sa puno at hinintay ako roon na umakyat din. “Hezira! Tara na!”

Huminga ako nang malalim bago sumunod sa kanya. Muntik pa akong mahulog nang mapalakas ang pagtalon ko kaya mabilis na hinawakan ni Dominus ang bewang ko at nilapit sa kanya.

Napatitig ako sa kanyang mga nakangiting asul na mata.

“Balansehin mo ang sarili mo. Hindi ka dapat sumobra at hindi rin dapat kumulang, isang maling hakbang ay maaari kang mahulog.”

Mabilis na lumayo ako sa kanya. “Salamat sa paalala.”

“Walang anuman, kapatid…” Saka siya nagpalinga-linga sa paligid. “Lumayo muna tayo rito. May nakikinig sa atin.”

Kumunot ang noo ko.

Lumabas si Inueh mula sa kaharap naming puno. “Magaling ka, Dominus. Gusto ko pang makita kung hanggang saan ang abot ng lakas mo,” aniya na parang hinahamon ito.

“Darating din tayo riyan.” Bumalin sa akin si Dominus. “Habulin mo ako…”

Napakurap ako nang bigla siyang nawala sa paningin ko, gumulat na lang siya na nasa pangatlong puno na mula sa akin. Tinaasan niya ako ng kilay na parang naghahamon.

“Ano, Hezira? Hanggang dyan ka lang ba?” Hamon niya.

Umiling ako. Kinagat ko ang labi ko bago tumalon sa isa pang puno, pagkatapak ko roon ay mas lumayo si Dominus. Nagpalipat-lipat kami sa mga sanga. Hindi ko na mabilang kung ilang puno na ang nahakbangan ko pero hindi pa rin ako makalapit sa kanya.

“Kapatid! Pagod ka na?” Pang-aasar ni Dominus. Nakahiga ito sa isang sanga, nakalagay sa likod ng kanyang ulo ang kanyang mga kamay habang ang isang paa niya ay nakababa. “Iyan na ba ang isang daang porsiyento ng bilis mo?”

Natawa ako sa pang-iinis niya. “Tama ka… Hindi na masama para sa limampung posiyento na nagamit mo na, hindi ba?”

Humalakhak ito. “Hindi pa ako pinagpapawisan, kapatid…” Kinindatan niya pa ako. “Ni hindi mo man lang magawang makaisang puno mula sa akin.”

Napaisip naman ako ng maaaring gawin. Lumunok ako bago tumalon mula sa isa pang puno. Isang paa lang ang hinakbang ko kaya nagkulang ito sa balanse ko. Kahit na kakayanin kong balansehin pa ang sarili ko ay nagpanggap akong mahuhulog.

Nanlaki ang mga mata ko nang mapasobra… Napatili ako nang dumulas na ako nang tuluyan mula sa sanga. Naramdaman ko ang puwersang humila sa akin pababa. Napapikit ako sa sobrang kaba. Ilang sandali ang lumipas nang may maramdaman akong yumakap sa akin.

Nanatili akong nakapikit, hindi ko rin naramdaman ang sakit ng pagbagsak sa lupa. Iminulat ko ang mga mata ko. Bumungad sa akin ang namimilog na mata ni Inueh at ang pag-awang ng kanyang bibig.

“A-Ayos ka lang?” tanong niya.

“Hezira!” tinig ni Dominus.

Mabilis na lumayo ako kay Inueh. Bumaba naman sa puno si Dominus at mabilis din na lumapit sa akin. Hinila niya ako palapit sa kanya at iniharap ako. Mabilis na gumana ang kanyang tingin para tignan ang katawan ko.

“Nasaktan ka ba?” Alalang tanong sa akin ni Dominus.

Umiling ako. Hindi pa rin ako makapagsalita sa sobrang gulat at sa bilis ng pangyayari.

“Ako ba? Hindi mo tatanungin kung ayos lang?” Nakangiwing tanong ni Inueh. “Hindi karaniwan ang bigat mo para sa isang babae… Ang bigat!” Reklamo niya.

Namula ang mukha ko sa hiya. “H-Hindi ko sinabing saluhin mo ako!”

Tumaas ang dalawa niyang kilay. “Kahit naman sinong makakakita sa ‘yong mahulog, hindi pwedeng hindi ka sasaluhin! Magpasalamat ka na lang, pwede ba?” asar na aniya.

“Nilalait mo ako!”

“Hindi kailanman magiging panlalait ang pagsasabi ng totoo,” nakangisi niyang saad. “Ang bigat mo talaga. Pakiramdam ko ay nabawasan ang kagwapuhan ko ng konti. Hays.” Binatak pa niya ang kanyang mga braso.

“S-Sorry…” Napatingin ako kay Dominus. Halata ang pagsisisi sa kanyang mga mata. “H-Hindi na sana kita hinamon kung alam ko lang na magkakaganito.”

Sa sobrang lungkot niya ay naisipan ko na lang na gumawa ng ideya na magpapawala no’n. Mabilis na lumapit ako sa kanya at hinawakan ang kanyang mga braso.

“Huli ka!” Humalakhak ako. “Ano, huh? Natalo kita!”

Ngumuso siya. “Ang daya mo naman eh.”

“Mga isip-bata.” Napatingin ako kay Inueh nang marinig kong may binulong ito.

Tinaasan ko siya ng kilay. “May sinasabi ka?”

“Ang sabi ko ay tatlumpong minuto na ang lumipas, kailangan na nating bumalik.” Saka na ito naglaho sa paningin namin.

Hindi na ako hinayaan ni Dominus na magpalipat-lipat pa sa mga sanga ng puno. Sabay na lang kaming naglakad. May ibinubulong pa ito na siya lang ang nakakaintindi.

Pagkabalik namin ay nakapulong na ang lahat. Pinaliwagan sa amin ni Teacher Baro ang gagawin namin. Kinuha niya kami ng mga kapareha na maglalaban-laban. Nagkapareha sina Dominus at Inueh. Naramdaman ko ang tuwa kay Inueh dahil do’n.

“Hezira,” tawag sa akin ni Teacher Baro kaya pumunta ako sa harapan. “Tyra…” Tawag pa niya sa magiging kalaban ko

Lumapit din sa akin ang isang babaeng may mahabang buhok, maputi, mapulang labi… Maganda. Ngumiti ito sa akin bago inilahad ang kanyang kamay sa harapan ko. Tinanggap ko ang kamay niya.

Tumabi na kami sa mga kagaya naming tapos na. Nagtawag na ng kasunod si Teacher Baro. Habang naghihintay akong matapos ang pagpapare-pareha ay pasimple ko ring sinusulyapan si Tyra na halatang walang kakaba-kaba.

Napabuntong-hininga na lang ako. Wala pa akong karanasan sa pagkikipaglaban kaya hindi ko na rin hahangarin na manalo mula sa kanya. Mukhang sasakit ang katawan ko bago matapos ang araw na ito.

Minataan ko sina Dominus at Inueh. Nag-uusap ang dalawa. Seryoso lang si Dominus habang si Inueh ay nagagawang tumawa.

Nang matapos na ang pagpareha ay inihayag na ni Teacher Baro ang gagawin. Pipiringan ang mata ng dalawang maglakaban. Kailangan naming gamitin ang aming pakiramdam para sa laban na ito. Kailangan naming maalis ang piring ng kalaban namin para manalo. Pwedeng gawin ang lahat, kahit na magkasakitan, basta maalis lang ang piring.

“Ready?” Nakangising tanong sa amin ng guro.

Nagtawag na ito ng unang magkalaban. Itinuon ko ang atensyon sa kanila para makakuha ng ideya at taktika na magagamit ko mamaya.

Sa una ay nangapa ang dalawa, halos magkalayo sila sa isa’t-isa. Pero mayamaya ay tila nahuli nila ang galaw ng isa’t-isa. Namangha ako nang makitang naglaban na ang dalawa. May isang umakyat pa sa puno nang hindi nahuhulog, nasundan naman siya agad ng isa pa.

Sinubukang hawakan ng isa ang ulo ng kalaban pero nakailag ito, bumaba silang muli sa puno at sa lapag naglaban. Umawang ang bibig ng isa nang sikmuraan siya ng kalaban at dahil do’n ay naibaba niya ang kanyang sarili, kinuha ng kalaban ang pagkakataon na ‘yon para hilahin ang piring ng kanyang mga mata.

Pinalakpakan namin ang lalaking nanalo. Sa ibang banda ay ramdam ko na ang pangangatog ng tuhod ko. Kahit naman siguro hindi nakapiring ang mga mata ko ay hindi ko matatalo ang babaeng ‘to, mas marami na siyang karanasan sa akin.

Inalog ko ang ulo ko. Kailangan ko lang gawin ang kaya ko. Hindi na importante kung manalo ako o hindi.

Ilang laban pa ang lumipas bago tinawag sina Inueh at Dominus. Narinig ko pa ang bahagyang pagkakagulo ng mga babae dahil sa dalawang lalaki. Imbes na matawa ay nainis ako. Ano ang nakakakilig kung may masasaktan sa kanilang dalawa?

Piniringan na nila ang mga mata ng dalawa. Nanatiling seryoso si Dominus habang si Inueh naman ay nakangisi.

Hindi ko maiwasang magtanong kung bakit tila naglaho ang ngiti sa labi ni Dominus. Hindi ko naman masasabing nasindak siya kay Inueh dahil medyo nakasama ko na rin siya at alam kong pambihira rin ang taglay niyang lakas. Tila may ibang bumabagabag sa kanyang iisipan.

“Dominus,” dinig kong bulong ni Tyra. “May hitsura ang lalaking ‘yon at ramdam ko rin ang pambihirang lakas sa kanyang loob. Hmmm… Interesting…”

Matapos no’n ay hindi na ulit siya nagsalita.

Hindi katulad ng mga nauna ay walang nangapa sa pagitan nila Dominus at Inueh, tila walang sagabal sa paningin nila. Naunang sumugod si Inueh, inambahan niya ng suntok si Dominus pero mabilis itong umiwas, tumama ang kamao ni Inueh sa puno dahilan ng pagyanig nito.

“Whoa…” Hindi ko napigilang mamangha.

Napakurap ako nang bumalin ang ulo ni Dominus sa akin. Kahit na nakapiring siya ay alam kong nakatingin siya sa akin.

Nanlaki ang mata ko nang sumugod uli si Inueh kahit na hindi nakatingin sa kanya si Dominus. Ang akala ko ay iiwasan niya uli ito ngunit pinigilan niya ang kamao ni Inueh gamit ang isang kamay niya, napaatras nang bahagya si Dominus dahil sa lakas no’n.

Sumilip ang ngiti sa labi ni Dominus. “Ano ang intensyon mo kay Hezira?” tanong niya.

Napalunok ako nang marinig ang sinabing ‘yon ni Dominus. Napatingin ako sa ibang mga kasama naming, mukhang hindi nila narinig iyon.

“Gusto ko siyang maging kaibigan,” sagot ni Inueh. “Hindi mo naman siguro siya pagbabawalan, hindi ba?”

Mas humigpit ang hawak ni Dominus sa kamao ni Inueh.

“Hindi siya basta-basta nakikipagkaibigan.” Itinulak ni Dominus si Inueh kaya napaatras naman ito. Matapos no’n si Dominus naman ang sumugod. Sinubukan niyang sikmuraan din ito pero nakaatras si Inueh.

“Uutusan mo ba akong layuan siya, kamahalan?”

Nanlaki ang mga mata ko sa itinawag ni Inueh kay Dominus. Saka ko lang napagtanto na nag-uusap sila sa isipan at naririnig ko lahat. Mukhang kaming tatlo lang ang nakakarinig.

Bumali ang leeg ni Dominus bago muling sumilip ang ngiti sa kanyang labi. “Ayoko lang maging hibang din ang kapatid ko katulad mo…”

“Kahibangan nga ba ang paniniwala sa mga tao, Dominus? Bakit hindi ka makipagkasundo sa akin? Tulungan mo ako.”

Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Dominus. “Tigilan mo ang kahibangan mo, Inueh. Hindi ka dapat manghimasok sa pinto nang wala kang ideya kung ano ang nasa likod nito.”

Si Inueh na naman ang tumawa. “Hindi ako gano’n kamangmang, prinsipe. May nalalaman din ako… Handa ko pang hasahin ito.”

Bakas ang pagtataka sa mga mata ng kasama namin na tila nagtatanong kung bakit hindi kumikilos ang dalawa, nakaharap lang sila sa isa’t-isa na tila nag-aabang kung sino ang susugod.

Napatingin ako kay Teacher Baro. Nakaupo ito habang nakasandal sa puno. Humihithit na naman siya sa tabako habang pinapanuod ang dalawa.

“Tigilan mo si Hezira,” pagbabanta ni Dominus.

Naagaw muli ng dalawa ang atensyon ko. Nanatili silang nakatayo at hindi gumagalaw.

“Patawad ngunit hindi ko masusunod ang gusto niyong mangyari, mahal na prinsipe.”

Isang hakbang ang ginawa ni Dominus at umugong ang lupa. Mukhang nagulat din si Inueh na umawang ang bibig. Mabilis na sumugod si Dominus sa kanya at gamit ang isang nangangalaiting kamao ay pinatamaan niya ang sikmura ni Inueh. Napaluhod si Inueh sa kanyang harapan.

Nanlaki ang mga mata ng mga kasama ko. Tila ngayon lang sila nakakita ng pagyanig ng lupa na gawa lang ng isang hamak na bampira. Nakita ko ng ginawa ‘yon ni Dominus sa bad blood na nakita namin dati. Parang hindi normal ang gano’ng eksena para mamangha sila.

“Sa oras na ipinahamak mo si Hezira, uupo akong muli sa trono ko at sisiguraduhin kong magdudusa ka,” bulong ni Dominus bago inalis ang piring ni Inueh.

Gulat ang mukha ng lahat habang nakatingin kay Dominus na naglalakad pabalik sa kaninang pwesto niya. Umupo siyang muli roon na tila walang nangyari.

Naiiling na tumayo si Inueh at walang pasabing naglakad palayo.

Hindi pa sana babalik sa ayos ang lahat kung hindi pa pumalakpak si Teacher Baro. Isa-isa namang nagpalakpakan pa ang iba at muling bumalik ang paghagikgik ng mga babae.

“Magaling, Dominus,” bati ni Teacher Baro.

Hindi kumibo si Dominus.

Nag-umpisa na muli ang laban. Nakatuon ang buong atensyon nila sa dalawang babaeng naglalaban habang ako ay nakatingin kay Dominus na nakayuko.

Mayamaya ay biglang tumayo si Dominus. Ang akala ko ay aalis din ito pero dumiretso ito sa tabi ko at umupo.

Napalunok ako nang magtama ang mga paningin namin.

Bigla siyang ngumiti sa akin. “Pamilya,” bulong niya.

Napatitig ako sa kanya. “H-Hindi mo dapat ginawa ‘yon.”

Mahina siyang tumawa. “Gano’n ang pamilya, hindi ba? Poprotektahan ang isa’t-isa.”

Bumagsak ang mga balikat ko. Ang ipinangako ko sa sarili ko ay hindi ko hahayaang mapalapit ako sa sino mang nilalang dito para hindi ako masaktan at ngayon ay napagtanto kong… Hindi nga ako maaaari masaktan ngunit may masasaktan naman ako.

Maaaari kong masaktan ang isang marupok na prinsipe na walang ibang hinangad kung hindi ang pamilyang masasandalan.

“Hezira at Tyra.”

Napalunok ako nang kami na ng babaeng katabi ang susunod na maglalaban.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro