Chapter 21

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 21: Ulat

Isang araw ay gumulat sa amin si Lady Nerisa. Naabutan namin siyang nakatayo sa labas ng bahay. May talukbong na kulay puting tela sa kanyang ulo na parang nagtatago.

"Ano ang maipaglilingkod namin sa inyo, Nerisa?" tanong ni Lazaro nang makaupo na kami sa loob.

Mahinhin na inalis nito ang telang tumatakip sa kanyang ulo. Nasinagan ko na naman ang masyadong maamong mukha nito.

Huminga siya nang malalim. "Pinapunta ako rito ni Prinsipe Arcus para mag-ulat sa 'yo," aniya kay Dominus.

"Hindi na dapat ikaw ang pumunta, Nerisa. Baka magtaka ang mga nasa paligid," agap na sabi ni Lazaro.

Hindi ko maiwasang punahin kung paano kami protektahan ni Lazaro. Malamang na takot din siya sa maaaring gawin ni Prinsipe Arcus kapag may nangyaring masama kay Dominus.

"Kaya nga nagtalukbong ako para hindi nila ako makilala," dahilan nito. "Saka ang bilin niya ay ako mismo ang maghayag ng balita."

"Ano 'yon, Lady Nerisa?" Bakas na ang tanong sa mukha ni Dominus.

Napatingin sa akin si Lady Nerisa at mabilis ko naman na naunawaan ang gusto niyang mangyari.

"May pupuntahan lang ako sandali," dahilan ko.

"Dito ka lang," tutol ni Dominus.

Tumikhim si Lazaro. "Mas mabuti nga, Hezira," ayon niya sa akin.

Wala na akong nagawa kung hindi ang lumabas. Pagkalabas ko ay napasimangot na lang ako. Minsan talaga ay nakakainis din ang pagiging maingat ni Lazaro.

Iginala ko ang tingin ko sa paligid. Saan naman kaya ako magpapalipas ng oras hangga't hindi sila natatapos sa usapin?

Natagpuan ko ang sarili ko sa tapat ng bahay ni Inueh. Napakurap ako nang ilang beses dahil sa sobrang pagkabigla. Ang alam ko ay naglalakad-lakad lang ako. Hindi ko namalayan na rito pala ako dinala ng mga binti ko.

Tatalikod na sana ako nang biglang bumukas ang pinto.

Nagkatitigan kami ni Inueh. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko.

Ang madalas na maayos na buhok niya ay ngayo'y magulo. Pumupungay rin ang kanyang mga mata na halatang kagigising lang.

Kumurap ang kanyang mga mata. "Kung dati ay hindi mo ako sinisipot, ngayon naman ay masyadong napaaga." Gumuhit ang isang mapang-asar na ngiti sa kanyang labi.

Napairap ako. "Malapit lang kaya ang bahay mo sa amin. Hindi naman nakakabigla na madaanan ang bahay mo habang naglalakad-lakad!"

"Hindi nga. Pero nakakabigla na makita kitang nakahinto habang nakatingin sa bahay ko," pang-aasar pa niya. "Halika. Magkape ka muna."

Napatitig ako sa kanya. "P-Papasok ako?" nauutal kong tanong.

Tumamad ang tingin niya. "Malamig dito sa labas lalo na't umaga pa lang. Halika... Magpainit tayo sa loob." Sumilay sa labi niya ang isang misteryosong ngiti.

"H-Hindi mo naman ako gagawan ng masama?"

Kumunot ang noo niya. "Syempre hindi. Masarap kaya ako magtimpla ng kape. Halika na!" Saka niya nilawakan ang pagkakabuksan ng pinto.

Ilang ulit akong lumunok bago pumasok. Bumungad sa akin ang malinis loob. Walang kahit na anong abubot ang nasa pader, puti lahat. May dalawang kwarto na sa pagtantya ko ay mas malawak sa kwarto namin.

"Ikaw lang ang nakatira rito?" tanong ko kay Inueh.

"Nakakalungkot hindi ba? Ako lang mag-isa." Lumukot ang kanyang mukha. "Wala akong makausap o mapagsabihan man lang ng mga problema. Kaya minsan ay ayoko ring umuwi eh. Walang sigla ang lugar na ito."

Pinanuod ko kung paano humaba ang nguso niya at ang pagtiklop ng kanyang katawan.

Pinaningkitan ko siya ng mata. "Sinusubukan mo bang magpaawa para magbigay ako ng suhestyon na samahan ka sa bahay na ito?"

Namilog ang kanyang mga mata. "Pwede ka?"

Ngumiwi ako. "Nasa'n na ang kape?" pag-iiba ko sa usapin.

"Sige. Maupo ka muna." Saka na siya tumungo sa kusina.

Umupo ako sa bakanteng upuan. Sinundan ko ng tingin ang pinagpasukan ni Inueh bago muling iniikot ang tingin ko sa buong paligid.

Kung hindi ko lang nahalata na nagpapaawa siya kanina ay malamang na maniniwala talaga ako sa kanya, masyado ngang mapungay rito. Walang kasigla-sigla. Tila mas nanaisin kong gumala kaysa sa manatili rito.

Lumipas pa ang ilang minuto bago bumalik si Inueh bitbit ang dalawang tasa ng kape.

"Hindi ko na nilagyan ng gatas para mas maangas," sabi niya habang pinapatong sa lamesa ang dalawang tasa.

Pinanuod ko siya hanggang sa makaupo siya sa tapat kong upuan. Pumapagitna sa amin ang lamesa kung saan nakapatong ang dalawang tasa ng kape.

"Isa-isa ba talaga ang tirahan ng mga estudyante rito?" tanong ko.

Umiling siya. "Dati ay kasama ko ang mga Chief Officers. Nung umalis ako ay iniba nila ako ng bahay. Bilang kaparusahan din ay mananatili akong mag-isa sa isang bahay. Walang kasama. Akala naman nila parusa 'yon, mas gusto ko nga eh!"

Napatango naman ako. "Halata naman..."

"Mas mabuti nang mag-isa kaysa sa may makasama kang panggulo lang," aniya pa.

Kinuha ko ang tasang malapit sa akin at bahagyang sumimsim doon. Nakatingin lang sa akin si Inueh kaya hindi ko rin makayanang sabayan ang kanyang tingin.

"Pero... Kusa kang umalis?" paglilinaw ko.

"Oo. Kapag kasi kasapi ka roon ay kontrolado ka nila. Hindi ka malayang makakagalaw."

Mukhang hindi nga talaga siya nararapat sa posisyon na iyon. Sa ilang araw lang na pagkakakilala ko sa kanya ay alam kong hindi niya gustong pinaghihigpitan, mas pabor siya sa malayang paggalaw.

Ilang sandali pa ang lumipas nang walang nagsasalita sa amin. Mabilis na nakaramdam ako ng pagkailang kaya nag-isip ako ng masasabi para pambasag.

"Nasa'n nga pala ang mga magulang mo?" tanong ko.

"Labas," simpleng sagot niya.

"Hindi ka nila dinadalaw?"

Mahina itong tumawa. "Kahit nga kapag nasa bahay rin ako ay bihira ko lang silang makita."

Ngayon ay hindi na niya napagtakpan ang lungkot.

"Sanay ka na rin palang mag-isa eh," biro ko.

"Ikaw? Nasa'n ang mga magulang mo?" balik na tanong niya.

Hindi ko inasahan ang tanong na 'yon kaya napakapa ako ng sagot. Ilang segundo pa ang lumipas bago ako nakaisip ng sagot.

"Ah. Bata pa lang ako ay wala na akong magulang," sagot ko.

Naguluhan siya batay sa kanyang pagbali ng leeg. "Isa kang dukha, hindi ba? Ibig bang sabihin ay nagpalaboy-laboy ka sa labas?"

Tumikhim ako bago umiling. "May kumupkop sa akin. Bilang kabayaran na rin sa kanila ay tinanggap ko ang trabaho sa palasyo. Naging katulong ako ro'n. Kapag may sahod ay ibinibigay ko sa kanila, sa mga kumupkop sa akin."

"Hindi ko inakalang may pasahod na rin pala sa loob ng palasyo. Ang akala ko ay kapalit ng paninilbihan ay pagkain lamang," sabi niya.

Napangisi na lang ako. Sa sobrang pagkataranta ay nahawakan ko sa mainit na parte ang tasa. Napaatras ako nang mapaso. Mabilis naman na inabutan ako ni Inueh ng tela na pamunas.

"S-Salamat," nahihiya kong wika.

"Buti hindi mo kasama ang kapatid mo?" tanong niya sa akin.

"Kapatid?" tanong ko.

"Si Dominus?" Humalakhak siya.

"Ah... Nasa bahay," sagot ko na lang.

Nang maubos ko na ang kape ay nagpaalam na rin ako kay Inueh. Biniro pa nga niya ako na roon na lang magbihis.

Naabutan ko si Dominus na nakaupo sa harap ng pinto ng bahay. Nakayuko ito at tila malalim ang inisiip.

"Umalis na siya?" tanong ko.

Umangat naman ang tingin niya. "Saan ka galing?"

"S-Sa tabi lang..."

Tumango naman siya. "Sige. Magbihis ka na. May pasok pa tayo."

Saka na siya tumayo at naunang pumasok.

Hindi maganda ang kanyang mukha. Tila may ibinalita si Lady Nerisa na hindi niya nagustuhan. Gusto ko rin tuloy malaman 'yon.

Sabay kami ni Dominus pumasok. Wala siyang kasigla-sigla. Ni bihira lang din siya magsalita, madalas pa ay kapag nagtatanong ako. Mas lalo tuloy akong nasabik sa balitang nalaman niya.

Lumipas ang unang klase na walang pagbabago. Napagdesisyonan kong tanungin na ito. "H-Hindi mo ba talaga pwedeng sabihin sa akin?"

Umangat ang kanyang tingin sa akin.

"Halika muna sa hardin," aya niya.

Pagkapunta namin sa hardin ay humanap kami agad ng bakanteng kubo at doon pumasok.

Pinanuod ko kung paanong matamlay na isinandal ni Dominus ang kanyang likod sa sandalan.

"Ayos ka lang?" alalang tanong ko.

"Nagbalik na ang Amang Hari at Inang Reyna," sabi niya.

Lumiwanag ang mukha ko. "Talaga?! Bakit tila hindi ka naman masaya? Hindi ba dapat ay masaya ka?"

"Bumalik sila nang ligtas, masaya ako..."

"Pero?"

Malungkot na tumingin siya sa akin. "Bumalik lang sila..."

Mabilis na naintindihan ko ang nais niyang ipahiwatig. "H-Hindi nila alam na narito ka?"

"Alam. Pero ano bang pakialam nila?"

Natutop ako sa kinauupuan ko. Iyon ata ang dahilan ng pagtamlay niya. Inasahan niya siguro na kahit papaano ay hahanapin siya ng mga ito.

"Hindi ba dapat ay sanay na ako?" natatawa niyang tanong. "Gano'n naman talaga sila lagi eh. Para akong hangin sa kanila. Bihira lang nila ako tawagin. Pero bakit gano'n? Hindi ako masanay-sanay?"

Bumuntong-hininga ako bago lumipat ng upuan patabi sa kanya.

"Kasi umaasa ka pa rin," bulong ko.

Tumawa siya sa isang mapaklang tono. "Tama ka. Siguro ay titigilan ko na rin ang pag-asang makikita rin nila ako..."

"I-Iyon lang ba ang sinabi nila?" tanong ko.

Napatitig siya sa akin. "H-Hindi ko maaaring sabihin sa 'yo ang ibang detalye," aniya. Napalitan ng kislot ang kanyang labi.

Lumunok ako. "K-Kapatid mo naman ako..."

"Pero ako ang mapapahamak kapag may nakaalam ng mga bagay-bagay..."

"Dominus... Hindi ganito ang pamilya."

Muli na lang siyang napatitig sa akin bago bumuntong-hininga. Umayos ito ng pagkakaupo at humarap sa akin.

"Sasabihin ko sa 'yo ito dahil pinagkakatiwalaan kita." Saka niya ako binigyan ng isang matamis na ngiti.

Payak na ngumiti na rin ako.

"Ang pagpupulong na pinuntahan nila Ama at Ina ay tungkol sa pagwasak sa isang kasunduan," pag-uumpisa niya.

Ang unang kasunduan na pumasok sa isipan ko ay ang kasunduan na sinabi ni Inueh, ang Tatsulok ng Pagbalanse. Ang VHT o Vampires and Humans Treaty. Posible kayang iyon ang tinutukoy ni Dominus?

"Kapag nawasak ang kasunduan na iyon ay mawawala na ang koneksyon natin sa kanila..."

"Kanila?"

Lumunok si Dominus at nakita ko kung gaano siya nahirapan kung sasabihin niya ba sa akin iyon.

"Mapagkakatiwalaan mo ako," dalisay na sabi ko.

Mahina naman siyang napatango. "Ang kaugnayan natin sa mga tao..." aniya. "Hinahanap na lang nila ang portal para tuluyan ng maipasara ang lagusan."

Napayuko ako sa mga sandaling ito. Lahat ng nalaman ko ay maaari kong sabihin kay Inueh. Bahagya akong nakaramdam ng pagkalungkot para kay Dominus.

"Alam kong tutol dito si Ama---"

"Tama na," putol ko sa kanya. Inangat ko muli ang ulo ko. "H-Hindi ko rin naman kasi maintindihan ang mga sinasabi mo. Huwag mo na lang sabihin sa akin."

Ayoko nang madagdagan pa ang kaalaman ko. Sa ngayon ay ang kapurit na detalye na lang muna na ito ang dapat kong unawain.

"Alam mo bang kapag nalaman nilang may tagapagsilbi akong sarili ay patatalsikin ka nila? Hindi kasi kami pwedeng magkaroon ng babaeng tagapagsilbi. Madalas ay lalaki."

"G-Gano'n? Bakit naman?"

"Para raw maging sabik kami sa babae. Lalo na sa babaeng itatakda sa amin," sagot niya.

"M-May nakatakda na sa inyong ipakasal?" tanong ko.

Tumango siya. "Pero hindi pa namin alam kung sino..."

"P-Pero kapag nalaman nilang babae ang tagapagsilbi mo... Palalabasin na nila ako ng palasyo?"

Hindi ko maiwasang mapaisip. Masasayang ang lahat kung mapapaalis ako rito sa palasyo. Magiging mas mahirap sa akin ang paggawa ng mga hakbang. Kailangan kong manatili rito.

"Oo. Pero huwag kang mag-alala, handa akong talikuran ang pagiging prinsipe para sa pamilyang ito." Nakangiti niyang sabi.

Natulala ako sa kanya. "H-Huwag ka ngang hibang!"

Tumawa ito. "Mas isang kahibangan ang itapon lahat ng pinagsamahan natin. Mas gusto ko ang pamilyang ito."

"Pero, Dominus..."

"Basta! Tara na nga!" Saka na niya ako hinila.

Hindi pwede ang gusto niyang mangyari. Hindi niya maaaring talikuran ang pagiging prinsipe para lang sa pamilyang ito... Ginawa ko lang ang pamilyang ito... Hindi ito totoo. Aalis din ako... Hindi ako permanente sa mundong ito.

Isang araw ay maglalaho rin ako na parang bula sa mundong ito.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro