Chapter 23

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 23: Parusa

Ilang sandali ang lumipas matapos makaalis ng tatlong lalaki ay naglaho rin agad ang mga ugat sa braso ni Dominus. Lumuwag muli ang hangin na kanina ay parang masyadong mabigat. Kumalma na ang paligid na panandaliang sinira niya.

Kumalma na ang lahat…. Ngunit hindi ko magawa.

Bumalin ng tingin sa akin si Dominus. Nagbalik na sa normal na kulay asul ang kanyang mga mata. Sa isa ring iglap ay naglaho ang bumabalot na galit sa kanya.

“B-Bakit?” Nanginig ang labi ko.

Bigla itong ngumiti. “Pamilya…”

Sa pagkakataong ‘yon ay kinuha ko ang bag ko at nagsimula nang maglakad palayo. Tinawag pa ako ni Dominus ngunit hindi ako lumingon. Ramdam ko na rin ang pamumuo ng tubig sa mga mata ko.

“Hezira!” Tinig ni Dominus.

Napahinto ako nang bigla siyang sumulpot sa harapan ko. Mabilis na tumagilid ako para hawiin ang mga luhang lumandas sa mata ko.

“U-Umiiyak ka…”

Umiling ako bago siya nilagpasang muli. Ilang hakbang lang ang ginawa ko nang bigla na naman siyang sumulpot sa harapan ko.

“K-Kausapin mo naman ako,” pagsusumamo niya.

Isang galit na tingin ang ibinigay ko sa kanya. “Hindi mo dapat ginawa ‘yon!”

Kumunot ang kanyang noo. “Hindi ko dapat siya pinakawalan? Gusto mo bang parusahan ko pa siya? Naguguluhan ako. Ano ang gusto mong gawin ko?”

Mas lalong bumuhos ang luha sa aking mga mata.

“H-Hindi mo dapat sila pinatulan… Hindi mo dapat ako pinagtanggol!”

“P-Pero…”

“Hindi gano’n ang pamilya.”

Bigla itong napayuko.

Mas lalong bumuhos ang luha sa aking mga mata at halos humagulgol na rin ako pero hindi ko hinayaan.

“S-Sinasaktan ka nila…” Bigla niyang umangat ang kanyang mukha. Nakita ko ang labis na lungkot sa kanyang mga mata. “Hindi ko inisip na pamilya kita kaya ako lumaban. Nung nakita ko pa lang na dumapo ang kamay nila sa ‘yo ay kusang gumalaw ang buo kong katawan para ipagtanggol ka.”

Napatitig ako sa kanya. “H-Hindi ganyan ang pamilya…”

“Kung gano’n ay mas malalim pa ito kaysa sa pamilya?”

Sandali akong natigilan nang mapagtanto kung ano ang sinabi niya. “A-Ano ang sinasabi mo?”

“Kung hindi pamilya ang tingin mo sa ginawa ko… Ano ‘yon?”

Parang nauubusan ako ng hangin dahil sa kanya.

“Isang kahibangan,” madiin kong sabi.

“Kung gano’n ay isa akong hibang pagdating sa ‘yo?”

Hindi na ako nakasagot. Hindi ko na gusto ang mga lumalabas sa kanyang labi. Hindi ko na alam kung ano pa ang sasabihin ko para ipaintindi sa kanya ang mga salitang hindi rin kayang bigksin ng bibig ko.

“H-Hezira… Patawad kung hindi mo nagustuhan ang ginawa ko. Hindi na ito mauulit pa, basta patawarin mo lang ako…”

Napahawak ako sa kanya nang maramdaman na bumigay na naman ang tuhod ko. Nakaalalay rin siya sa akin hanggang sa makuha ko uli ang balanse. Tumindig ako gamit ang natitira ko pang lakas.

Muli akong tumingin sa kanya. “A-Ayos ka lang ba?” tanong ko sa kanya.

Bigla kong naalala ang nangyari kanina. Ni hindi ko siya halos makilala dahil sa sobrang pagbabago ng kanyang anyo. Mas bumatak ang kanyang katawan na halos lumitaw na lahat ng ugat sa katawan, at ang kanyang mga mata… Nag-aapoy.

“Hindi ako ayos hanggat hindi mo ako pinapatawad,” aniya.

Pinunasan ko ang mga natirang luha sa aking mata bago tumango.

“S-Salamat, Dominus… Salamat sa pagtatanggol.”

“P-Pinapatawad mo na ako?”

Tumango akong muli. “B-Basta huwag mo na uli gagawin ang kanina.”

Sunud-sunod na tumango siya bago sumilip ang isang ngiti sa kanyang labi.

“Hindi na ako lalaban sa susunod para hindi ka na magalit,” nakangiti niyang sabi.

Pagkauwi naming ay agad na nagtanong si Lazaro kung bakit ngayon lang kami. Iniwan ko sila ni Dominus sa sala at ako ay pumasok na sa loob ng kwarto ko.

Pagod na isinandal ko ang likod sa ulunan ng kama.

Hindi ko inakalang aabot sa gano’n ang pagiging isang pamilya para kay Dominus. Habang mas tumatagal ay mas lumalalim ang tingin niya sa isang ilusyon na ginawa ko. Alam kong… May mas titindi pa rito.

Kung hindi siya dumating kanina ay alam kong mas napuruhan ako. Natatakot akong mas mapahamak siya dahil sa  akin.

Napabuntong-hininga na lang ako. Natatakot ako sa kung ano man ang mangyayari bukas. Natatakot ako hindi para sa sarili ko kung hindi para kay Dominus. Nadamay lang siya sa gulo na ako ang gumawa.

“H-Hezira?” dinig kong tawag ni Dominus sa labas ng kwarto ko.

Tumayo ako at pinagbuksan siya ng pinto. Naabutan ko siyang nakatayo sa harap ko at nakaangat na agad ang kamay niya kung saan hawak niya ang isang supot ng dugo.

“Para bumalik ang lakas mo,” aniya.

“Salamat.” Saka ko tinanggap ang alok niya. Napansin ko na wala pa siyang balak umalis. “G-Gusto mong pumasok muna?”

Nakita ko ang paglunok niya. “Hindi ba mali na pumasok ang isang lalaki sa silid ng isang babae? Ayokong mawala ang respeto mo sa akin.”

Mahina akong natawa. “Pamilya, Dominus… Halika.”

Bahagya akong gumilid para makadaan siya. Dahan-dahan naman siyang pumasok. Nanatili siya sa gilid ng pinto hanggang sa masara ko ito. Nakaupo na ako sa kama pero hindi pa rin siya gumagalaw.

Binuksan ko na ang supot at inumpisahan ng inumin ang dugo. Naramdaman ko ang pagguhit ng malapot na likido sa lalamunan ko. Parang kinikiliti nito ang mga ugat ko. Tumataas din ang temperatura sa katawan ko.

“You look good in red eyes,” ani Dominus.

Saka ko lang napagtanto na kakaiba ang pakiramdam sa mga mata ko. Malamang na naging pula ito ngayon dahil sa pag-inom ng dugo.

Nang maubos ay itinapon ko ito sa basurahan. Kumuha ako ng damit na pamunas ng bibig. Natapos na ako lahat-lahat pero nanatiling nakatayo pa rin si Dominus sa kanyang pwesto. Hindi ito gumagalaw.

“Hindi ka ba nangangawit?” tanong ko sa kanya.

Mabilis na umiling ito. “Nakayanan kong tumayo nang isang araw bilang parte ng pag-eensayo ko.”

Napatango naman ako. “Wala ka sa ensayo ngayon.” Tinapik ko ang sa gilid ko. “Halika at maupo, mahal na prisipe…”

Naglakad ito at umupo sa sinabi kong lugar. Natawa ako sa sobrang limitado ng mga kilos niya. Mukha siyang batang nahihiya.

“Ayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong niya.

“Oo. Salamat… Pero, sinabi mo ba kay Lazaro?” tanong ko. “Sinabi mo ba sa kanya ang mga nangyari ngayon?”

Inalog nito ang kanyang ulo. “Ang sabi ko ay may ginawa lang tayo para sa aralin bukas. Ayoko namang pagalitan ka niya…”

Tumamad ang tingin ko sa kanya. “Bakit ba ako lagi ang iniitindi mo?”

“Bakit naman hindi? Ayokong masaktan ang kapatid ko.”

Napatungo na lang ako. Sobrang busilak ng kanyang puso… Hindi siya karapat-dapat sa sakit na maaari kong idulot sa kanya. Paano koi to nagagawa sa isang lalaki na tulad ni Dominus?

“Hezira, Dominus. Kain na tayo,” sigaw ni Lazaro mula sa labas.

Tatayo na sana ako nang hawakan ni Dominus ang aking braso.

Napatingin ako sa kanya. Malawak ang ngiti sa kanyang labi.

“Huwag kang matakot sa akin, Hezira…”

Kinabukasan ay kakaiba ang timpla ng paligid. Mula sa kalmado at matamlay ay parang bumigat ito. Pansin ko rin ang mga mapanuring tingin ng mga estudyante sa amin ni Dominus.

Huminto at hinawakan ko ang braso ni Dominus kaya napahinto rin siya. “H-Huwag muna kaya tayong pumasok ngayon?” tanong ko sa kanya.

Naguluhan ang kanyang mga mata. “Bakit naman? Akala ko ayaw mong lumiban sa klase?”

Masama ang pakiramdam ko.

“P-Pero kasi…” Hindi ko natuloy ang sasabihin ko nang may lumapit sa aming tatlong maskuladong lalaki. Kulay asul ang kanilang mga damit. Hindi sila mga estudyante rito dahil mas mukha silang mga kawal.

“Sumama ka sa amin,” baritonong sabi ng isa bago nila hinawakan si Dominus.

Kumalabog ang dibdib ko ngunit wala man lang mababakas na pagkabahala sa mata ni Dominus. Kalmado ito habang nakatingin sa akin.

“D-Dominus…”

“Pumasok ka sa klase ah? Huwag kang liliban,” paalala niya sa akin bago siya sinama ng tatlong maskuladong lalaki.

Hindi ako agad nakakilos. Parang may bumara sa lalamunan ko… Hindi nila maaaring gawin ito kay Dominus.

Napansin ko na lang ang sarili kong tumatakbo pahabol sa kanila. Ilang hakbang na lang ang layo ko nang may humawak sa braso ko.

“Bitawan mo ako, Inueh!” pagpupumiglas ko.

“Patawad pero hindi maaari,” sagot niya.

Sinubukan kong manlaban pero hindi niya ako hinayaan, ni hindi ko man lang nagawang luwagan ng konti ang kapit niya sa akin.

Naiiyak na pinagmasdan ko ang palayong sila Dominus.

“A-Ano ang gagawin nila sa kanya?” kinakabahang tanong ko kay Inueh.

Seryoso lang itong nakatitig sa akin. Hindi siya sumagot.

“Sagutin mo ako! Ano ang gagawin nila kay Dominus?!”

“Dahas ang ginamit niya kaya dahas din ang gagawin sa kanya.”

Nanlaki ang mga mata ko. “H-Hindi nila pwedeng gawin ito sa kanya… Inueh. Kilala mo ang lalaking ‘yon. Hindi lang siya basta-basta bampira.”

Nanlambot ako sa mga sandaling ito. Gusto kong iligtas si Dominus gaya ng ginawa niya sa akin. Gusto ko siyang tulungan gaya ng pamilyang alam niya. Kailangan kong tulungan ang kapatid ko.

“M-Malakas si Dominus, alam kong kakayanin niya ang gagawin nila.”

Madiin akong umiling. “Tulungan mo akong iligtas siya.”

“Ang batas ay batas, Hezira.”

“Gago ka ba? Isa siyang batas! Siya ang anak ng Hari at Reyna. Hindi siya saklaw ng kung ano mang katangahan ng batas dito.”

Hinila niya ako sa isang sulok na walang makakarinig sa amin. Hindi niya pa rin binibitawan ang aking braso.

“Kumalma ka… Baka may makarinig sa ‘yo.”

“Nasa panganib si Dominus, paano ako makakakalma?!”

“Gusto mo bang ipagsigawan na isa siyang prinsipe? Iyon lang ang tanging paraan para mailigtas mo siya.” Pinagmasdan niya ako gamit ang kanyang mga mapanuring mata.

Natutup ako. Ito ang pinakapinangarap niya magmula noon. Ngayon na naabot na niya ito, bigla ko lang sisirain. Pero kung hindi ako kikilos… Mapapahamak siya. Kapag nakarating ito sa mga katas-taasan, hindi lang sila ang mananagot kung hindi lahat ng namamahala rito.

“W-Wala akong pagpipilian kung gano’n,” mapakla kong sagot.

Nakita ko ang pagdaan ng galit sa mata ni Inueh.

“Nakita ko kung paano ka niya ipinaglaban. Nahihiya rin ako sa kanya ngayon dahil sa mga binalak ko. Gusto ko ring iligtas ang prinsipe. Pero isusuko naman natin ang kasiyahan niya para sa panandaliang sakit.”

Tuluyan na namang lumabas ng aking mata ang luha.

“A-Ano ang gagawin natin?” tanong ko.

“Magtiwala,” aniya. “Malakas si Dominus kaya kakayanin niya ito.”

Kahit papaano ay humupa ang nararamdaman ko. Tama si Inueh, alam kong kakayanin ito ni Dominus. Ipinahamak ko na siya kaya hindi ko na hahayaan pang ipahamak ko rin pati ang kanyang pangarap.

Gaya ng paalala sa akin ni Dominus ay pumasok ako sa klase. Pagkapasok ko pa lang sa loob ng silid-aralan ay nakita ko na agad ang kakaibang tingin ng mga kaklase ko.

“Ang lakas ng loob kalabanin ang isang Class A,” dinig kong bulong ng isa.

“Ngayon ay sa babuyan na ang bagsak niya.”

“Nakakatakot kayang banggain ang mga nakakataas sa atin.”

“Baka patalsikin na siya rito.”

Umikot ang mga mata ko. Kung alam niyo lang kung sino talaga siya…

Natapos ang unang klase na lutang ako. Hindi pa rin ako mapakali sa bawat oras na lilipas. Saan kaya nila dinala si Dominus at ano ang ginawa nila sa kanya?

Pagkalabas ko ay nakita kong nagtatakbuhan ang lahat. Narinig ko ang pangalan ni Dominus sa isa sa kanila kaya mabilis na sumunod ako.

“Hezira!” Humarang sa daan ko si Inueh. “M-Mas makakabuting hindi mo na lang makita.”

“B-Bakit? Ano ang ginagawa nila sa kanya?”

Umiling siya. “Pakiusap…”

Inipon ko lahat ng lakas sa katawan ko para itulak siya. Mabilis na natumba ito kaya kinuha ko ang pagkakataon na ‘yon para makatakas. Sumunod ako sa mga estudyanteng hindi magkamayaw.

Bumungad sa akin ang isang napalaking screen monitor sa pasyo. Nakatingala ang lahat at pinapanuod ang isang lalaki na halos hindi na makatayo dahil sa sobrang bagsak ng katawan.

Pumatak ang luha sa aking mga mata habang nakatingin kay Dominus. Isa… Dalawa…Tatlo… Hindi ko mabilang kung ilang lalaki ang ngayo’y pumaparusa sa kanya. May mga gamit pa itong mga malaking pagay para puruhan siya.

“Hezira!” Sumulpot na naman si Inueh.

“Saan ko matatagpuan si Dominus?” malamig kong tanong sa kanya.

“H-Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko ay nariyan ang mga magulang ng Class A na nakabangga ninyo at sila ang nag-utos ng ganitong parusa.”

Muli kong binalin ang tingin sa malaking screen. Nakaluhod lang si Dominus at tinatanggap lahat ng sakit. “A-Ang akala ko ba ay pwede siyang lumaban?” tanong ko.

Nanlabo ang paligid dahil sa mga luha ko.

“Hindi siya lumalaban…” sabi ni Inueh.

Biglang bumalik sa isipan ko ang mga sinabi niya kagabi sa akin. “Hindi na ako lalaban sa susunod para hindi ka na magalit…”

Natulala ako nang makitang tumalsik si Dominus sa pader. Sa pagkakataong iyon ay tuluyan na itong nawalan ng malay.

Itutuloy…

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro