Chapter 35

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 35: Pagbabalik

Kahit papaano ay nakakakita pa rin naman ako sa dilim gawa ng liwanag mula sa bilog na buwan pero hindi na ito gaya nung bampira pa ako. Ramdam ko na rin ang pagod buhat sa pagtakbo na kanina ay hindi ko naramdaman.

Tao na nga talaga ako. Pakiramdam ko ay naninibago ang katawan ko. Matagal-tagal na rin nung huli kong maramdaman ito. Ang panghihina, ang pagiging normal.

Tumingala ako sa buwan. Pinagmasdan ko ang liwanag nito. Kung tama ang naiisip ko, apat pa na magkakasunod na kabilugan ng buwan ang mangyayari. Tama nga ang nasa libro, hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasusunod ang mga senyales. Kailangan ko lang maging handa. Sa ngayon ay dito muna ako.

Napigil ko ang hininga ko nang marinig na kaluskos sa paligid. Naging alerto ako sa maaaring mangyari. Pawala-wala ang kaluskos pero kapag bumabalik ito ay mas lumalapit ang tunog.

Kumuha ako ng malaking bato sa tabi ko at tumayo. Hawak-hawak ko ang hininga ko habang pinapakiramdaman ang paligid.

Kumabog ang dibdib ko nang makita ang dalawang pares ng mata sa hindi kalayuan, bilog ang mga 'yon na kulay puti. Lumiliwanag iyon. Alam kong hindi iyon mula sa isang bampira.

Nawala ang tunog ng kaluskos. Hindi ko rin inalis ang atensyon sa dalawang pares ng matang nakatingin sa akin.

Ilang segundo pa ang lumipas at bigla itong gumalaw. Napaatras ang isa kong paa nang sumugod sa akin ang isang asong lobo. Mabangis ito at halatang gutom.

Binato ko sa kanya ang hawak kong bato pero hindi man lang ito natinag. Wala akong nagawa kung hindi ang tumakbo palayo. Halos matapilok ako sa dami ng mga nakausling bagay gaya ng bato at ugat ng puno.

Ang pag-atungal pa ng asong lobo ang mas nagpatindi sa kabang nararamdaman ko. Napangiwi ako nang matapilok at mapaupo sa lupa. Nilingon ko ang asong lobo.

Nanginig ang labi ko nang makita ang mga matulis na pangil nito at ang kanyang mga umiilaw na mata. Sa pagkakataong iyon ay alam kong hindi na ako makakatakbo pa palayo sa kanya.

Napatitig na lang ako hanggang sa bigla itong natigilan. Ang kaninang nakataas na buntot nito ay biglang bumaba. Tumikom ang kaninang gutom na gutom niyang bibig. Nakipagtitigan pa ito nang ilang segundo bago umatras at tumakbo palayo.

Napabuga ako ng mabigat na hininga.

Pagkatayo ko ay natigilan din ako. Naramdaman kong may presensya sa likod ko, nakatingin siya sa akin. Biglang lumamig ang simoy ng hangin. Tumaas ang mga balahibo ko sa batok.

Lumunok ako bago bumalin ng tingin sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung sino ang bampirang nakatayo ngayon sa harapan ko. Ang kanyang mga mata ay puro itim, ang kanyang titig ay napakalamig.

"T-Tita Rema..."

Napaatras ako nang isang beses nang lumapit ito sa akin. Ang isang beses ay nagsunod-sunod. Mas lalong nangatog ang tuhod ko.

Hindi ako maaaring magkamali, si Tita Rema ngayon ang nasa harapan ko, ang ina nina Hegel at Hera. Pero may kakaiba sa kanya... Nag-iba ang kanyang presensya, binabalutan ng kadiliman.

"Tita Rema, ako 'to, si Hezira..." Pagpapakilala ko pero tila wala man lang itong narinig.

Napalunok ako nang ngumisi ito.

"Ang iyong amoy ay kakaiba, napakasariwa," aniya sa malalim na tinig. "Hindi ako maaaring magkamali, isa kang tao."

Nanuyo ang lalamunan ko nang mag-umpisa na itong tumakbo palapit sa akin.

"Huminahon ka..." Isang tinig na naman ang lumitaw na nagpatigil kay Tita Rema.

Sa likod ni Tita Rema ay ang isang babaeng nakatalukbong ng itim na tela ang ulo. Balot na ballot din ang katawan niya maliban na lang sa parte ng dibdib niya kung saan may marka na tatlong sinag.

"Bad Blood..." bulong ko. Kumuyom ang mga kamao ko. "K-Kayo ang pumatay sa Ina ko."

Yumuko si Tita Rema at gumilid para bigyan ng daan ang babaeng nasa likod niya. Hindi ko maaninag ang kanyang mukhang natakip ng itim na tela. Pero gayon pa man ay ramdam ko ang kakaibang enerhiyang nananalaytay sa kanya.

"Hezira... Gaano kasakit mawalan ng isang mahal sa buhay?" tanong niya.

Paano niya nalaman ang pangalan ko?

"A-Ano ang kasalanan sa inyo ni Ina? Bakit niyo siya pinaslang?"

Mahina itong tumawa. Mas lalong tumaas ang galit sa loob ko. Nasa harap ko ang pumaslang sa natatanging pamilyang mayroon ako. Akala ko ay nawala na ang sakit pero andito pa rin pala.

"Ginawa ko lang kung ano ang nababagay sa kanya."

Hindi ko napigilan ang sarili ko. Sumugod ako sa kanya. Inambahan ko siya ng suntok sa mukha pero hindi ko natuloy. Tumigil sa ere ang kamao ko na ilang pulgada na lang ang layo sa kanyang mukha.

Biglang umilaw ang mga pula niyang mata na nakatago sa itim na tela. Umawang ang bibig ko nang maramdaman na parang binabali ang braso ko.

"Ah!" Napasigaw ako sa hapdi. Parang pinipilipit ang braso ko, masakit, ramdam ko ang paggalaw ng mga buto ko. "P-Patayin mo na lang ako gaya ng ginawa mo kay Ina!"

Malakas na tumawa ito. "Hindi pa sa ngayon, Hezira."

Biglang may pwersang tumulak sa akin. Tumilapon ako sa malayo at nagpagulong-gulong sa mga damo. Ramdam ko ang galos na nagawa no'n dahil sa akin.

Mabilis na bumangon ako. Pagkatayo ko ay nasa harap ko na uli ang babae.

"Akala niyo ay malilinlang ninyo ako?" Ramdam ko na ngayon ang galit sa kanyang boses. "Hindi rin magtatagal, Hezira. Hindi lang ang iyong Ina ang papaslangin ko. Lahat ng mga tao."

"A-Ano ang binabalak niyo?"

"Ano sa tingin mo?" Tumawa na naman ito sa nakakainis na paraan. "Kapag tuluyan nang nabali ang Tatsulok ng Pagbalanse, malaya na kami... Masasakop na namin ang mundo niyo."

Nanuyo ang lalamunan ko. Hindi ako nakagalaw nang hawakan niya ang mukha ko. Hinaplos niya ang pisngi ko at inayos ang mga kumawalang hibla ng buhok ko.

"S-Sino ka?" tanong ko. "Bakit niyo ito ginagawa?"

"Hindi mo na dapat pang malaman," aniya. "Dahil kapag sinabi ko sa 'yo ay katumbas no'n ang buhay mo. Kaya kitang ipakain sa mga alaga ko..." Binalingan niya si Tita Rema na nanatili sa kanyang pwesto, nakayuko at tila wala sa sarili.

"A-Anong ginawa mo sa kanya?"

"Hezira... Napakarami mong tanong," natatawa niyang saad. "Pero, sige. Ang babaeng iyan ay isa na sa mga alipin ko. Sumanib siya sa amin kapalit ng kaligtasan ng kanyang mga anak."

Lumungkot ang mukha ko habang nakatingin kay Tita Rema. Kaya pala... Mas ginusto na lang niyang sumanib sa kasamaan para sa kanyang mga anak.

"Maiwan ka na namin, Hezira. May mga mangangasong palapit dito." Tumawa ito nang malakas bago inilapit ang kanyang bibig sa tainga ko. "Ano ang laban mo sa mga bampira?"

Sa isang iglap ay nawala ito sa harapan ko, tanging itim na usok na lang ang nawala na kalaunan ay naglaho rin. Maging si Tita Rema ay lumubog din sa paningin ko.

Natulala ako nang ilang segundo bago makarinig ng mga panibagong kaluskos. Sa pagkakataong iyon ay alam kong galing na iyon sa mga mangangaso.

Mabilis na tumakbo ako palayo sa tunog ng kaluskos. Pagod na pagod na ako katatakabo para iligtas ang buhay ko... Pero wala akong ibang magawa, hindi ko sila kayang harapin.

Mabilis na nagtago ako sa likod ng isang puno nang matanaw ang isang bampira. Nakaakyat ito sa isang sanga, nagpapalinga-linga sa paligid na animo'y may hinahanap.

Mabilis na umayos ako nang mapagawi ang kanyang tingin sa direksyon ko. Hindi ako huminga nang ilang segundo para lang hindi makagawa ng kahit na anong ingay.

"Bampira! Ano ang ginagawa mo sa ganitong kaliblib na lugar?" dinig kong may nagsalita.

Muli akong sumilip, may isa pang bampira ang nasa isang sanga, kinakausap niya ang bampirang nauna.

"May kakaiba akong naamoy rito, napakasariwa ng dugo."

"Alam mo bang masyado nang liblib ang lugar na ito? Delikado para sa 'yo, maraming kakaibang nilalang dito."

Kumunot ang noo ko nang mabosesan ang lalaki.

Umawang ang bibig ko nang makaramdam ng kirot sa braso ko. Umakyat uli ang kaba sa dibdib ko nang makita ang galos dito, may konting dugo rin.

"Ang amoy... Masyadong malapit, ngayon lang ako nakaamoy nang ganitong klaseng dugo."

"Umalis ka na ngayon din. Hindi mo ba nabalitaan ang mga bampirang bigla na lang nawawala? Baka ito ay isang patibong."

Nanatili akong nakikinig sa usapan nila.

"P-Pero..."

"Mas maraming usa ang nasa malapit kaysa rito, umalis ka na bago ka pa maunahan."

"Sige. Salamat!"

Ilang segundo pa ang lumipas nang biglang tumahimik. Muli akong lumingon sa direksyon nila. Napaatras ako nang bumungad sa akin ang nag-aalalang mukha ni Lazaro.

"Ayos ka lang ba, Hezira?" Bumagsak ang tingin niya sa mga galos ko. Pumula ang kanyang mga mata, ipinilig niya ang kanyang ulo sa ibang direksyon bago may kinuha sa kanyang bulsa. "Magpatak ka nito sa mga sugat mo," aniya nang hindi tumitingin sa akin.

Inabot niya sa akin ang isang likidong puti na nasa isang maliit na bote, katulad na katulad ito nung ibinigay sa akin ni Dominus nung nasa kastilyo pa kami.

Nagtataka man ay kinuha ko ang alok niya. Pinatakan ko ang mga sugat ko. Ilang segundo lang ang lumipas ay unti-unting naghilom ang mga ito. Napangiti ako hanggang sa mawala na ito ng tuluyan.

"S-Salamat..."

Ibinalik ko sa kanya ang bote at itinago niya ulit ito sa kanyang bulsa. Tumingin siyang muli sa akin.

Kinunutan ko siya ng noo na ikinatawa niya. "Huwag mo sabihing nagtataka ka? Alam ko, Hezira. Alam namin... Kami ang kasama mo kaya wala kang maitatagong lihim mula sa amin."

Nanuyo ang lalamunan ko. Sa dami ng mga umiikot na tanong sa isipan ko ay wala man lang ni isa ang lumabas sa bibig ko.

"May mga palapit na naman," bulong ni Lazaro. Lumuhod ito sa harap ko at sinenyasan akong pumasan sa kanya. "Kailangan nating mas makalayo rito."

Ginawa ko ang gusto niya. Ipinikit ko ang mata ko nang tumalon siya sa isang sanga ng puno. Pigil ang paghinga ko hanggang sa tumigil siya sa pagtakbo.

"Siguro ay ligtas na tayo rito," aniya.

Bumaba ako mula sa kanyang likod. "S-Salamat, Lazaro."

"Walang anuman." May inilabas na naman ito sa kanyang bulsa. Isang kulay pulang mansanas. "Kumain ka muna. Malamang na napagod ka katatakbo para iligtas ang buhay mo."

Nakangiting tinaggap ko 'yon. Nakailang kagat lang ako sa mansanas at ubos na agad iyon. Hindi nga pala ako nakapaghapunan kaya ganito na lang ako kagutom. Hindi ko na rin alam kung ilang oras na akong nagpapagala-gala sa madilim na lugar na ito.

"H-Hindi ka na maaaring magtagal sa lugar na ito."

Bumuntong-hininga ako bago mapait na ngumiti. "Kaya ko pa naman, Lazaro. Kaya ko pa ang sarili ko."

"Hezira... Alam mo bang pigil na pigil ako ngayon? Masyadong mapusok ang iyong dugo. Kung hindi lang kita kilala at wala lang akong kontrol sa sarili ay malamang na wala ka nang buhay ngayon."

"A-Alam din ba ni Dominus?" tanong ko kahit na alam ko na ang sagot.

Nakangiting tumango si Lazaro. "Siya ang pumigil sa akin nung mga panahong kakausapin na sana kita tungkol dito. Ang gusto niya ay magpanggap kaming wala kaming alam para sa 'yo dahil iyon ang gusto mo at iyon ang mas makakabuti sa 'yo."

Bumagsak ang tingin ko sa mga paa ko. Maging ang sapin sa paa ko ay nasira na. Masyado ring maputik ang mga binti ko.

"Kung gano'n ay matagal na rin pala niyang alam," bulong ko.

"Hezira... May alam akong manggagamot na makakatulong sa 'yo, habang maaga pa ay maaari ka pang makabalik sa mundo ninyo nang hindi gumagamit ng portal."

Napatingin akong muli sa kanya. "P-Paano kung ayoko pa?"

"Kapag mas tumagal ka pa ay maaari kang makulong dito. Mas manganganib ang buhay mo."

"Kung gano'n ay dito na rin pala ako mamamatay." Natawa ako.

"Hezira, huwag mong sabihin 'yan." Tumindig si Lazaro at seryosong tumingin sa mga mata ko. "Hindi namin hahayaan na may mangyaring masama sa 'yo. Lalo na si Dominus... Malamang na gumagawa na iyon ng paraan para mailigtas ka."

Hindi na ako nakapagsalita. Mukhang dahil sa akin ay may mapapahamak pang iba. At ito ay ang isa pa sa mga bampirang malapit sa akin.

"Maaari ka nang umalis..." bulong ko.

"Hindi pa. Sasamahan muna kita para masiguro ko ang kaligtasan mo."

"Pero, Lazaro..."

"Siguro ay pwede na rito," aniya habang nagpapalinga-linga sa paligid. "Mas malayo na ito sa kadalasan na maraming mangangaso. Mas ligtas tayo rito."

Hinubad ni Lazaro ang kanyang dyaket at isinuot iyon sa akin. Nakangiti ito habang ginagawa niya 'yon. "Ikaw talagang bata ka, napakatigas ng ulo mo. Alam mo nang delikado ka sa mundong ito pero ayaw mo pa ring umalis."

Napatitig ako sa nakangiti niyang mukha. Wala sa sariling niyakap ko siya. Natawa siya dahil sa ginawa ko pero niyakap niya rin ako pabalik.

"Maraming salamat sa lahat, Lazaro. Wala kang mapapala sa akin pero tinutulungan mo pa rin ako."

"Nakakalimutan mo atang pamilya tayo." Malakas na tumawa ito.

Matapos no'n ay nagpahinga na kami. Nasa taas ng puno si Lazaro, para raw mas matanaw niya ang paligid. Habang ako ay nasa baba ng puno, nakasandal dito. Kahit papaano ay nakatulong ang dyaket niya para hindi ako lamigin.

Tumingala ako kay Lazaro. "Ayos na ako rito, kung gusto mong umalis ay ayos lang. Kaya ko na."

"Ang tigas talaga ng ulo mo. Magpahinga ka na, babantayan kita."

Napabuga na lang ako ng hangin. Sino kaya ang mas matigas ang ulo sa aming dalawa? Siya nga itong ayaw umalis e.

Ipinahinga ko ang sarili ko.

Naisip ko ang mga nangyari kanina. Nung ayaw akong iwanan ni Dominus... Alam na niya ang sikreto ko. Mabilis na hinawi ko ang luha sa aking pisngi.

Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Nagising na lang ako na wala na si Lazaro. Medyo madilim pa rin pero alam kong ilang minuto lang ay sisikat na ang araw.

Tumayo ako at nag-inat ng sarili.

Wala pa ring bisa ang kwintas.

Napaisip naman ako kung paano uuwi. Hindi ko alam kung nasa'n akong bahagi ng kagubatan.

Natawa na lang ako bago naglakad-lakad. Sa hindi kalayuan ay may natanaw akong liwanag. Nanlaki ang mga mata ko at nagmadaling pumunta roon. Namilog ang mga mata ko habang nakatingin sa nagliliwanag na puno ng mansanas. Ito 'yung pinakita sa akin ni Dominus sa loob ng Arcus University.

Nakatingala ako habang iniikot ang mahiwagang puno. Hindi ko alam kung paano umakyat kaya hanggang tingin na lang ako.

Natigilan ako nang may mabangga ako, dahil sa nakuha ng mahiwagang puno ang atensyon ko ay hindi ko napansin na may lalaki na palang nakatayo sa harapan ko.

Ngumiti ito. "Nauna ako sa tagpuan natin..."

"D-Dom ..." Mabilis na niyakap ko siya.

Tumawa siya bago ako niyakap pabalik.

Ilang sandali ang lumipas ay lumiwanag na ang kwintas na suot ko. Magkayakap pa rin kami ni Dominus hanggang sa mawala ang liwanag sa kwintas ko.

"Maligayang pagbabalik, kapatid..."

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro