Chapter 45

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 45: Pangako

Walang nagawa si Dominus nang hilahin ako ni Prinsipe Arcus palabas ng lugar na iyon. Gusto kong magpumiglas pero pakiramdam ko ay tinakasan ako ng lakas ng loob. Kaya kong higitin ang braso ko mula sa pagkakagapos nito sa kanyang kamay pero hindi ko ginawa.

Ramdam ko ang galit niya base sa higpit ng hawak niya sa braso ko. Nasasaktan ako pero mas nangingibabaw ang takot. Sa sobrang abala ko sa kaiisip ng kung anu-ano ay hindi ko namalayan na pumasok na pala kami sa malawak na silid-aklatan at pumunta sa pinaka dulo.

Tinulak niya ako sa pader, tumama ang likod ko sa tigas no'n. Nanginig ang tuhod ko. Hindi ko masabayan ang kanyang titig kaya yumuko ako.

"Hindi mo pa ako kilala at wala kang ideya sa maaari kong gawin sa 'yo," matalim na sabi nito. Naramdaman ko ang kamay niya sa panga ko at marahas na hinarap sa kanya ang mukha ko.

Ilang beses akong napalunok. Sa aking paningin ay tila may bagyo sa kanyang mga mata. Umiikot... Nagpupumiglas sa pagkakagapos... Gustong kumawala. Galit siya at ramdam ko ang pagpipigil niyang ilabas iyon.

"P-Patawad..." Wala akong hinuha sa kanyang kinagagalit pero gusto ko na agad humingi ng tawad. Gusto ko nang lumuhod at kaawaan niya ako para makawala na sa mga nag-aapoy niyang mata.

Hindi kinakaya ng katawan ko ang kanyang presensya. Hindi ako kumportable sa kanyang harapan. Tila hinihigop ng kanyang tingin ang aking lakas.

Binitawan niya ang pagkakahawak sa aking panga at humakbang nang ilang beses palayo sa akin. Bumali ang leeg niya habang nakatingin sa akin. Hindi ko maiiwas ang tingin ko dahil alam kong hindi niya iyon gusto.

"Alam ko ang pakay niyo sa pagbalik." Muli itong nagsalita matapos ang ilang segundong pananahimik. "Hindi kasalanan ng kapatid ko kung padaskul-daskol ka sa pagpasok sa mundong ito para ipaghiganti ang isang pamilyang patay na. Idadamay mo pa siya sa kapahamakan."

May isang parte sa sinabi niyang tinamaan ako. Isang parte na bumuhay sa galit na matagal ko nang isinantabi. Dahil do'n ay nahanap kong muli ang boses ko.

"Ikaw na ang nagsabi, Prinsipe. Pamilya..." Umayos ako ng tayo at matalim siyang tinitigan. "Paano kung kay Prinsipe Dominus nangyari iyon? Uupo ka lang ba sa malambot mong kama habang humihigop ng mainit na kape at may hawak na lapis at papel para ilista lahat ng hakbang na gagawin mo?"

Hindi ito nagpakita ng kahit na anong emosyon sa mga sinabi ko. "Hindi ako interesado sa malungkot mong talambuhay, Hezira. Ang pakay ko rito ay ang kaligtasan ng kapatid ko."

Kumislot ang kanyang tingin... Hindi iyon nakaligtas sa akin kahit na parang kisap-mata lang na nangyari.

"Kinuha mo ang loob ng kapatid ko para mahawakan ito sa leeg at mapasunod sa mga utos mo," may panunuyang saad nito. "Pero hindi ako mananatiling nakatayo rito habang nilalason mo ang kanyang isipan."

Suminghap ako bago madiing umiling. "Paumanhin, Prinsipe, pero wala akong panahon sa mga pang-aakusa niyo sa akin."

Aalis na sana ako nang hawakan niya ang braso ko. Tinulak niya ako muli pasandal sa pader ngunit hindi ko na hinayaan na masaktan ang likod ko. Mabilis na pinigil ko ang sarili at sinubukan siyang sikmuraan pero maagap na nahawakan niya ang kamay ko at umikot sa likod ko.

Mula sa likod ay hawak niya ang dalawa kong kamay. Hinigit niya ako pasandal sa kanya. Kinapos ako sa hangin lalo na nung maradaman ang mainit niyang hininga sa aking leeg.

"Hindi ka na makakaalis nang buhay sa mundong ito, Hezira..." bulong niya sa tainga ko.

Humugot ako ng lakas ng loob para sumagot. "Hindi ikaw ang magdidikta sa magiging kapalaran ko."

Marahan na tumawa ito. "Gaano ka nakakasiguro, Hezira? Sabihin na lang natin na ako lang ang tanging paraan para makalabas ka sa mundong ito."

Natigilan ako sa sinabi niya. Ayokong maniwala sa sinabi niya... Gusto kong ibalin ang ipinupunto niya sa ibang direksyon. Hindi niya alam kung nasaan ang portal... Nawawala ito.

"Hezira!" dinig kong sigaw ni Dominus. "Andyan ka ba?"

Mabilis na tinapalan ni Prinsipe Arcus ang bibig ko dahil sisigaw ako. Hindi ako makahinga sa sobrang higpit ng hawak niya sa bibig at ilong ko. Nanginig ang mga kamay ko sa likod.

Ilang sandali lang ay binitawan na rin ni Prinsipe Arcus ang pagkakatakip ng bibig ko. Malamang na umalis na si Dominus nung walang sumagot. Mabilis na pinaikot niya ako at muling sinandal sa pader. Habol-habol ko ang hininga kong napatid.

"I-Ikaw ang kumuha sa portal..." bulong ko.

Ang walang emosyon niyang mukha ay umaliwalas. Ngumisi ito bago mahinang tumango habang naiiling pa na tila isang nakakatawang biro ang sinabi ko.

"Gaano ka nakakasiguro na ako ang kumuha, Hezira?" Bahagya itong lumapit sa akin. "May ebidensya ka ba magpapatunay sa iyong pang-aakusa?"

Kumabog ang dibdib ko. "B-Bakit?"

"Ano ngayon kung nasa akin ang portal, Hezira?" Tila nanghahamon ang boses nito. "Sasabihin mo kay Prinsipe Dominus? Ipagkakalat mo?"

Hindi ako nakapagsalita... Tama ako. Siya ang pinakakailangan kong iwasan sa lahat ng bampira. Pero ito ako... Nasa harapan niya.

"Tandaan mo, Hezira. Ang pang-aakusa nang walang sapat na basehan at ebidensya ay isang kahangalan... Lalo na kung isang prinsipe ang inaakusahan mo."

Lumambot ang mga tuhod ko. "B-Bakit mo ginagawa ito? Mapahamak si Dominus sa ginagawa mo. Akala ko ba ay iniingatan mo siya?"

Humalukipkip ito. "Mahal ko ang kapatid ko, Hezira. Hindi ako gagawa ng hakbang na magpapamahak sa kanya." Tumalim uli ang tingin niya sa akin. "Hindi ba ibinilin ko sa 'yo na ilayo ang kapatid ko sa lugar na ito?"

Napalunok ako nang maging pula ang kanyang mga mata. Mas lumakas ang kaba sa dibdib ko.

"Pero ano'ng ginawa mo? Ibinalik mo siya rito," madiin niyang sabi. "Idinamay mo siya sa gulong kinasangkutan mo. Inilalayo ko ang kapatid ko sa lugar na ito dahil mapanganib pero hindi ko inakalang nasa tabi pala niya ang mas magpapahamak sa kanya."

Napasinghap ako at napapikit nang sa isang iglap ay nakalapit siya sa akin. Nilakasan ko ang loob kong buksan ang aking mga mata. Sumalubong sa akin ang nag-aapoy na mata ni Prinsipe Arcus.

Ilang segundo ang lumipas, biglang bumalik sa dati ang kulay ng kanyang mata. Napaatras ito nang ilang beses sa akin bago napaluhod. Itinukod nito ang kamay sa sahig para hindi siya tuluyang bumagsak. Ramdam ko ang panghihina niya base sa malakas niyang pagsinghap ng hangin.

May pagkakataon na ako para makatakas pero hindi ko ginawa. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isipan ko para lapitan siya. Hahawakan ko na sana siya para tulungan nang itulak niya ako nang malakas, sumalpok ang likod ko sa matigas na pader. Umawang ang bibig ko sa lakas no'n.

Bahagya akong napangiwi.

Tumayo si Prinsipe Arcus na tila walang nangyari. "T-Tutulungan kitang makaalis sa lugar na ito, Hezira..." bigla niyang sabi na ikinagulat ko.

Kung gagawin nga niya iyon ay malamang na may mas malaking kapalit ito.

"Pero sa isang kondisyon. Saktan mo ang kapatid ko..."

"A-Ano ang sinasabi mo? Paano ko masasaktan ang isang prinsipeng katulad niya na mas malakas kaysa sa akin?"

Natawa ito na bahagya kong ikinatigil. Totoong tawa iyon... Walang halong kahangalan, galit o panunuya.

"Hindi ko alam kung paano ka nakatagal sa mundong ito sa ganyang pag-iisip." Tumikhim ito. "Ang ibig kong sabihin ay... Saktan mo ang damdamin ni Prinsipe Dominus. Ikaw lang ang makakagawa no'n."

"H-Hindi ko maunawaan..."

"Gusto kong makumbinsi mo siya na ginamit mo lang siya para makuha ang gusto mo. Aalis ka na at kapag masasayang alaala lang ang iniwan mo sa kanya ay hindi siya papayag sa gagawin namin. Mas malulumbay siya."

Lumunok akong muli. "A-Anong gagawin niyo sa kanya?"

"Buburahin ka namin sa alaala niya... At kapag nangyari iyon ay ipadadala ko siya sa Kanluran para makaiwas sa digmaan."

Hanggang sa paglabas ko sa silid-aklatan ay lutang ako. Gusto kong makalanghap ng sariwang hangin kaya tinahak ko ang daan patungo sa mga taniman ng mansanas. Minsan na akong dinala ro'n ni Dominus kaya alam ko na ang daan.

Nang makalabas ay bumungad sa akin ang kulay puting paligid. Mas lalo akong nalungkot nang balutan na ng yelo ang mga puno ng mansanas.

Napagitla ako nang may maramdaman na umakbay sa akin. "Nakakalungkot naman. Hindi makakain ng sariwang mansanas ang kapatid ko. Nakakainis naman ang niyebe na ito."

Natulala ako kay Dominus na diretso lang ang tingin. Nakangiti ito.

Sumikip ang dibdib ko kaya mabilis na iniiwas ko ang tingin ko.

"Kanina pa kita hinahanap..." dinig kong sabi pa niya. "Teka. Ano ang pinag-usapan ninyo ni Prinsipe Arcus?"

Umiling ako bago bumuga ng hangin. "Tinanong niya lang ako kung may kapilyohan ka pa ba raw na ginawa o kung nadapa ka ba raw." Natawa ako sa sinabi ko.

Tinulak ko siya palayo sa akin nang guluhin niya ang buhok ko.

Tumawa ito. "Nagbago na ako nung nakilala kita, Hezira. Hindi na ako ang dating pilyong prinsipe. Sa iyo ko natagpuan ang matagal kong hinanap."

Napangiti ako sa sinabi niya.

Kailangan mo siyang saktan, Hezira. Paalala ko sa sarili. Kapag nagawa ko ang gusto ni Prinsipe Arcus ay pareho kaming maliligtas ni Dominus. Makakabalik ako sa mundo namin at siya naman ay makakaiwas sa digmaan.

Ang tanging kailangan ko na lang ay lakas ng loob para saktan ang isang lalaking walang ginawa kung hindi ang protektahan ako.

"Ah! Gusto ka nga palang makita ni Inang Reyna!"

Napanganga sa sinabi niya. "T-Teka naman, Dominus. Hinay-hinay lang. Hindi pa rin naaalis ang pangangatog ng tuhod ko nung makilala ang Hari, tapos ang Reyna naman ngayon?"

Ngumuso ako.

Humalakhak ito. "Wala kang dapat ipangamba. Gusto ka lang niyang makita at mapasalamatan sa pag-aalaga sa makisig at guwapo niyang anak!"

Napaismid ako. "Pero huwag mo akong iiwan ah?"

Tumaas-baba ang kanyang mga kilay habang nakangisi. "Ang sarap naman pakinggan niyan. Syempre naman, Kapatid. Ako pa ba?"

Gusto kong murahin ang sarili ko. Hindi ako dapat ganito. Hindi ko dapat sinabi iyon. Iba ang ginagawa ko sa mga dapat na gawin ko.

Pumunta kami ni Dominus sa isang nakasaradong silid. Sa harap no'n ay may apat na kawal na nagbabantay. Ang dalawang higanteng pinto na gawa sa kahoy ay mas pinagandan dahil sa pagkakaukit nito.

Bumalin ng tingin sa akin si Dominus. "Huwag kang kabahan, Hezira." Hinawakan niya ang kamay ko na mabilis kong binawi.

Tumikhim ako. "Kaya ko ang sarili ko..."

Tumango si Dominus bago tinulak ang pinto. Pagkabukas no'n ay isang babaeng nakatalikod sa amin ang unang nakita namin. Nakatingin ito sa labas ng salamin na bintana kung saan kitang-kita ang pagbagsak ng niyebe. Ang kanyang olandes na buhok ay nakatirintas. Mahaba ang kulay puting damit nito.

Tumikhim si Dominus. "Ina..."

Humarap sa amin ang babae.

Napakurap ako nang ilang beses. Parang diwata ito sa ganda. Masyadong maputi ang kanyang balat. Mapula ang labi at namumula-mula ang pisngi. Sa kanyang labi ay may ngiti.

"Prinsipe Dominus..." Napatingin ito sa akin. "Siya ba ang tagapagsilbi na sinasabi mo?"

Pinatong nito sa lamesang malapit ang hawak niyang basong may lamang alak bago lumapit sa amin. Natulala ako sa maamo niyang mukha. Tila dalaga pa ito at hindi halatang may asawa na at dalawang anak.

"Mahal na Reyna..." Yumuko ako nang makalapit na ito nang tuluyan sa amin.

"Isang malamig na araw, Binibini. Ikaw ay si..."

"Hezira," sagot ni Dominus.

Tumango naman ang Reyna. Nagulat ako nang hawakan ako nito at hinila palapit sa harapan ng salamin. Inupo niya ako sa upuan do'n. Kinuha niya ang isang suklay na may disensyo at hinagod no'n ang aking buhok.

"Malambot ang buhok mo..." Puna niya. "At ang kutis mo ay tila niyebe rin. Ang ganda mo, Binibining Hezira."

Habang nakatitig ako sa salamin ay nakita kong tumabi rin si Dominus sa Reyna. Namimilog ang mga mata nito at nakaawang nang bahagya ang bibig. "I-Ina... Baka nabibigla si Hezira sa ginagawa mo."

"H-Hindi naman, Prinsipe..." sagot ko.

Tumawa ang Reyna. "Gusto mo bang subukan ang iba kong damit? Sigurado akong magugustuhan mo iyon."

Hindi ako nakasagot sa gulat.

Nagpaalam ito na kukuha lang ng damit.

Sa salamin ay nakita ko ang natatawang mukha ni Dominus. "Nagustuhan ka ni Ina. Bihira lang iyong pumuna sa isang babae dahil siya ang pinakamaganda rito sa palasyo..."

"N-Naiilang ako..." Pag-amin ko.

"Huwag kang mag-alala. Aayusan ka lang niya at kapag nakuntento na siya ay palalayain ka rin niya," pang-aasar pa nito.

Mayamaya ay bumalik na ang Reyna. Hinarap nito si Dominus at sinenyasan na lumabas. Kumamot sa ulo si Dominus bago nagpaalam sa akin at sinabing maghihintay siya sa labas.

Pinatayo ako ng Reyna para ipakita ang damit na dala niya.

"Bagay sa 'yo ang asul na damit na ito..." Pinagmasdan pa niya ako. "Sa tingin ko ay mas bagay mo ang ganyang nakalugay na buhok. Mapula na rin ang labi mo."

Tinulungan niya akong magpalit ng damit. Naiilang ako sa ginagawa niya pero wala akong magawa. Mukhang sabik ito sa babae na maaayusan. Hindi ko siya masisisi dahil dalawang lalaki ang anak niya.

Habang sinusuklay niya ang buhok ko ay nagkukwento pa ito tungkol sa dalawa niyang anak.

"Bata pa lang nung makita ko ang itinakdang babae kina Arcus at Dominus kaya medyo nakalimutan ko na ang mukha nila. Sana ay kasing ganda mo sila dahil kung hindi ay malulungkot ako."

Natawa ako sa sinabi niya. "Sa tingin ko po ay hindi naman sila bumabase sa mukha. Kung mabait at maalaga ang babae... Mas maganda pa iyon kaysa sa maganda ngunit kabaliktaran ang nasa loob."

Napangiwi ako nang hampasin niya ako sa balikat ng suklay, mahina lang iyon. Tumawa ito nang malakas. Maging ang pagtawa niya ay nakakahalina. Ang swerte ni Haring Maximo sa kanya.

"Alam mo, Hezira? Gusto kita para sa anak ko..."

Nagulat ako sa sinabi niya. Sa sobrang hindi inaasahan no'n ay natulala ako sa kanyang maamong mukha.

Napansin kong bahagyang bumukas ang pinto at kahit na hindi ako lumingon ay alam kong si Dominus iyon.

"Nakakahiya naman po. Hindi ako kailanman nababagay para sa mga prinsipe. Isa lang akong dukha." Iyon ang natutunan ko sa pamamalagi sa mundo nila, natuto akong tanggapin ang estado ko.

"Kung papiliin ka sa dalawang prinsipe, sino ang mas gusto mo?"

Isa na namang nakakagulantang na tanong iyon. Alam kong naririnig ni Dominus ang usapin namin. Tahimik lang na nakikinig ito.

Lumunok ako. "Mas naaakit po ako sa isang lalaking hinog na mag-isip, misteryoso, tahimik at gwapo."

"Ang Prinsipe Arcus!" Tumawa ang Reyna. "Sabi ko na nga ba, siya ang pipiliin mo. Lahat ng babae rito ay sa kanya nahuhumaling. Sino ba naman kasi ang hindi magkakagusto sa kanya?"

Tumawa ako. "Kaso nga lang po mailap sa akin ang Prinsipe e. Pero sa tuwing nakikita ko siya ay lumulundag ang puso ko sa tuwa. Gusto ko siyang kausapin pero alam kong hindi pwede. Ang swerte ng babaeng pakakasalan niya."

"Paano si Dominus? Mas matagal ang pinagsamahan ninyo. Kung tutuosin ay dapat mas pinili mo siya. Isa rin 'yong agaw-tingin sa mga babae rito." Marahan na tumawa ito.

Ngumiti ako kahit na nanginginig na ang labi ko dahil sa mga kasinungalingan kong sinasabi.

"Isang kapatid lang po ang maituturing ko kay Prinsipe Dominus. Isang kahibangan man pero gusto kong pakasalan si Prinsipe Arcus. Kung pwede lang sana..."

Bumagsak ang mga balikat ko nang marinig ang pagbukas at sara muli ng pinto.

"Kung pwede lang din sana ay ikaw na lang," natatawa pang sabi ng reyna.

Humugot ako ng lakas ng loob. "P-Pwede na po ba akong umalis? May pinapagawa pa po pala sa akin si Prinsipe Dominus," paggawa ko ng dahilan.

Tumayo na ako.

Nagulat ako nang yakapin ako ng reyna. "Gusto pa kitang makasama. Hindi ka naman aalis dito, hindi ba? Para naman may kasama ako sa kwentuhan. Gusto ko pang ipasubok sa iyo ang iba kong damit!"

Nahihiyang tumango ako.

Pagkalabas ng silid niya ay saka lang ako nakahinga nang mabuti. Napatingin ako sa lalaking nakayuko, nakatalikod sa akin at naglalakad na palayo.

"Prinsipe Dominus!" tawag ko sa kanya.

Humarap ito. Kumirot ang dibdib ko nang makita ang malungkot niyang mukha. Pero mabilis na pinalitan niya iyon ng isang malawak na ngiti.

Tumakbo ako palapit sa kanya. "Saan ka pupunta? Akala ko hihintayin mo ako?"

"A-Ah... O-Oo nga pala." Kumamot ito sa kanyang batok. "Teka. Tapos na kayo ni Ina?"

Tumango ako. "M-May gusto sana akong hilingin na bagay sa iyo," nahihiya kong sabi.

Kumunot ang kanyang noo. "Kahit ano," sagot nito.

"G-Gusto ko sanang makita ang silid ni Prinsipe Arcus, maaari ba?"

Natigilan ito sa tanong ko. Nakita ko ang pang-alangan sa kanyang mukha.

"P-Pero baka magalit ang prinsipe... Ang ayaw niya sa lahat ay iyong basta-basta pumapasok sa kanyang silid."

"Sige na!" Hinawakan ko ang kanyang balikat at bahagya iyong niyugyog. "Matagal ko nang iniisip ang kanyang silid e."

Ilang beses itong lumunok bago ko siya napapayag. Naglalakad na kami ngayon papunta sa silid ni Prinsipe Arcus.

"H-Hezira---"

"Alam mo bang habang kinakausap ako kanina ng Kuya mo? Nakatitig lang ako sa kanya. Mas gwapo pala siya sa malapitan. Lalo na pag seryoso. Malamig ang boses---"

"Kailangan mo ba talagang sabihin 'yan?" putol niya sa akin.

Kunwari ay nagtaka ako. "A-Ano ang sinasabi mo? Masama na bang magsabi sa 'yo? Akala ko ba kapatid kita?"

Nakita ko ang pagdaan ng hapdi sa kanyang titig. "P-Paumanhin..."

Pinakita niya sa akin ang silid ni Prinsipe Arcus. Halos wala ring pinagkaiba sa silid ni Prinsipe Dominus. Maraming libro... May balkonahe na kung saan kitang-kita ang hardin sa labas na kasalukuyang binabalot ng yelo.

Hindi ako interesado pero pinakita kong masaya ako. Hindi ako natutuwa pero tumatawa ako. Kumikirot ang dibdib ko habang nakatingin sa matamlay na mukha ni Dominus pero ngumingiti ako kapag nakaharap siya sa akin.

"B-Bakit ba interesadong-interesado ka kay Prinsipe Arcus?" tanong ni Dominus habang pareho kaming nakatingin sa labas ng bintana kung saan bumubuhos ang niyebe.

Hindi ko siya nilingon.

"Kasi siya ang papalit na Hari... Ang swerte ng kung sino mang itinakda sa kanya dahil magiging reyna siya."

"A-Akala ko ba hindi ka interesado sa kahit na anong kapangyarihan?"

"Nung makita ko kung gaano kasagana sa gamit at mga magagandang damit ang Reyna, nakaramdam ako ng inggit. Gusto ko rin ng mga gano'n."

Nakita kong humarap sa akin si Dominus pero pinanatili ko ang tingin sa labas ng bintana.

"Gusto mo bang makita sina Hegel at Hera?" tanong niya. "Nasa kabila sila."

Umiling ako nang hindi tumitingin sa kanya. "Ligtas sila at iyon lang ang importante para sa akin."

"Gusto mo bang magbasa ng libro? Gusto kong ipabasa sa 'yo 'yung paborito kong libro. Sigurado akong magugustuhan mo 'yon!"

Humarap ako sa kanya. "Ang kwento ba na iyan ay tungkol sa isang babaeng dukha na kinasal sa isang prinsipe at naging reyna?!"

Tumamlay ang kanyang tingin bago umiling. Natawa ito bago muling tumingin sa labas ng bintaba. Hindi ko iniiwas ang tingin ko. Nakatitig pa rin ako sa kanya.

"Hindi ko kailanman ninais na maging hari dahil alam kong kailanman ay hindi maaari pero..." Bigla itong tumingin sa akin. Tila tumalon ang puso ko sa gulat. "Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito katinding paninibugho kay Prinsipe Arcus."

Kunwari ay nalungkot ako. "Pangalawa ka lang kasing anak. Hindi ka pwedeng maging hari, lagi ka lang pangalawa sa lahat ng bagay. Hindi kita masisisi na makaramdam ng selos sa kanya."

Napansin kong kumuyom ang kanyang mga kamao. Gusto ko 'yong hawakan at pakawalan ang pagkakakuyom pero hindi na maaari. Kailangan kong gawin ito para mailigtas kaming dalawa.

"Ano ang pinaplano mo?" tanong niya sa isang malamig na boses.

Kunwari ay hindi ko naintindihan ang tanong niya. "A-Ano'ng plano ang sinasabi mo?"

"Kilala kita, Hezira. Hindi ka kailanman nasilaw sa karangyaan..."

"D-Dom---"

"G-Gusto mo bang magalit ako sa 'yo dahil aalis ka na at para iyon ang huling alaala na maiwan mo? Para madali kitang makalimutan?! Iyon ba, Hezira? Kasi kung iyon ang plano mo mabibigo ka lang, masasaktan lang ako pero hindi magagalit sa 'yo."

Namuo na ang mga luha sa aking mata. "Tama ka. Gusto kong kalimutan mo na ako at kakalimutan na rin kita. Gano'n naman tayo dati, hindi ba? Hindi mo ako kilala at hindi kita kilala."

Sinubukan nitong hawakan ang aking kamay pero iniwas ko iyon.

"H-Hezira..."

"Mangako ka sa akin, Dominus. Kapag nakaalis na ako sa mundo niyo ay kakalimutan mo na ako. Mamumuhay ka nang parang hindi ako dumating sa buhay mo."

Nanlambot ako nang makitang nangilid na rin ang luha sa kanyang mata. "Pagdating sa 'yo ay alipin ako. Kung iyan ang gusto mong mangyari, prinsesa ko..." Hinawakan niya ang pisngi ko. "Masusunod... Kakalimutan kita."

Pumatak na ang luha sa aking mga mata. Ngumiti ako sa kanya. "D-Dom... Patawad ah? Dahil sa akin ay nasasaktan ka ngayon."

Niyakap ko siya nang mahigpit. Nagawa ko... Napapayag ko siya. Ang dapat ko na lang gawin ay kausapin si Prinsipe Arcus na pumayag na si Dominus sa gusto niya.

Makakauwi na ako at makakaiwas si Dominus sa digmaan.

"Hezira..." dinig kong may tumawag sa pangalan ko.

Humiwalay ako sa pagkakayakap kay Dominus at hinarap ang lalaking nakatayo sa bungad ng pinto rito sa silid ni Prinsipe Arcus.

"I-Inueh... Nakarating ka rin," bati ni Dominus.

Nagulat ako nang lapitan ako ni Inueh. Niyakap niya ako bigla... Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya pero ramdam kong ginulo na naman niya ang damdamin ko. Dahil sa yakap niya ay hiniling ko muling magtagal pa sa mundo nila.

"I-Inueh..."

Hinarap niya ako at hinawakan ang aking mga kamay. "Sa tingin ko ay karapatan mong malaman kung ano ang natuklasan ko sa pagsasaliksik na ginawa ko."

Kumunot ang noo ko.

"Tungkol sa mga magulang mo," bulong niya.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro