CHAPTER TWO

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Lux at Tenebris Kingdom

ISANG matalim na tingin ang ipinukol ng isang lalake kay Aerin. Sa tantiya niya ay nasa bente-kwatro ang edad nito. Hindi malayo sa edad niya, pero nagmukha siyang bata ngayon dahil wala siyang ibang ginawa kun’di ang yumuko na parang sinisermonan ng isang nanay. Alam naman niyang kasalanan niya ang lahat. Paano ba naman kasi? Hindi niya alam na bisita pala ang lalakeng ito ng kaniyang tiyahin.

Dis-oras nang gabi iyon. Habang inihanda ni Aerin ang kaniyang higaan ay bigla na lamang siyang nakarinig ng kaluskos at ingay mula sa kanilang kusina. Sa pag-aakalang isa itong magnanakaw ay mabilis niyang kinuha ang kaniyang arinola na nakalagay sa tabi ng kaniyang aparador. Ito lamang ang meron siya na pwedeng pananggalang kung sakaling totoo ang hinala niyang magnanakaw ito.

Tahimik siyang lumabas ng kwarto at patingkayad na naglakad palapit sa may kusina. Maingat siyang nagtago para hindi mapansin ng magnanakaw at naghanda upang hulihin ito.

Halos mabingi siya sa lakas ng kabog ng kaniyang dibdib nang makita ang papalapit na anino ng isang matangkad na lalake sa kaniyang kinaroroonan. Mahigpit siyang napahawak sa kaniyang arinola at hindi na nga niya inalintana ang mabahong amoy na nagmumula rito. Nang tuluyang makalapit ang lalake ay napapikit siya’t walang pakundangan niya itong pinaghahampas sa kung saan-saang bahagi ng katawan.

“Ah! Magnanakaw! Magnanakaw!” sigaw niya habang pinipigilan ang lalakeng makatakas. Narinig pa niya itong nagmura habang sinasalo ang kaniyang bawat paghampas.

Anong nangyayari rito?” rinig niyang tanong ng isang pamilyar na boses na ikinatigil niya. Nang mapalingon ay nakita niya ang kaniyang tiyahin na ngayo’y mala-dragon nang nakatingin sa kaniya. Napalunok siya sa gulat at takot.

May magnanakaw po na nakapasok! Mabuti na lang at nahuli ko siya,” aniya habang nakahawak pa rin sa laylayan ng damit ng lalake upang pigilan ito sa anumang balak na pagtakas. Umaasa rin siyang hahangaan siya ng tiyahin dahil sa kaniyang katapangan.

Anong pinagsasabi mo, Aerin? Bakit mo siya hinahampas e’ bisita ko ’yan?

Halos mayanig ang buong mundo niya sa narinig. Kaagad niya ring nabitawan ang lalake sa sobrang pagkagulat at pagkahiya. Patay. Akala niya magnanakaw ito kaya niya ito nahampas. Hindi niya alam na nakauwi na ang kaniyang tiya at nagdala pa ito ng bisita! At hindi lang ito basta bisita. Dito na rin daw titira ang lalakeng ito bilang bagong miyembro ng pamilya.

Gusto na lang niyang maging kamote at lamunin ng lupa sa kahihiyan nang maalala at maamoy ang kaniyang arinola.

Nakahihiya!
_

“Bye, mom!”

“Bye po, tita.”

Lunes na nang umaga, pero hindi pa rin magawa ni Aerin na tingnan sa mata ang kanilang bisita. Tamang sulyap na lang siya sa lalake na ngayon ay nakasuot na ng school uniform. Sasabay ito sa kaniyang mga pinsan patungong eskwelahan habang siya naman ay maglalakad lamang nang mag-isa. Ayaw kasi ng mga ito na kasama siya at baka raw ay kung ano pa ang masabi ng kanilang mga kaklase.

Iyon din naman ang gusto ni Aerin. Mas gugustuhin pa niyang mag-isa kaysa pakinggan ang nakaririnding boses ng kaniyang mga pinsan. Kahit papuntang school man lang ay makapagpahinga ang kaniyang tenga.

Habang nasa kalagitnaan siya ng kaniyang paglalakad ay tila ba may nakalimutan siya. Pilit niyang inaalala kung ano iyon nang bigla na lamang niyang nakabungguan ang isang matandang babae. Nagalit ito sa kaniya. Sinigawan siya na kesyo bulag ba raw siya’t hindi niya ito nakita. Hindi na lang siya umimik upang hindi na humaba pa ang sermon mula sa matanda. Nang makaalis ito ay napairap na lamang si Aerin at lihim na hinangad na sana’y malasin ito.

Nagulat naman siya nang biglang nabunggo ang matanda sa isang posteng malapit sa kinaroroonan nila. Dali-dali namang tumalikod si Aerin at pinipigilan ang sariling matawa sa nasaksihan.

“Hala! May exam nga pala kami ngayon!” bulalas niya nang maalala ang bagay na nakalimutan niya. Kumaripas siya nang takbo, umaasang makakaabot pa siya sa unang oras ng klase. Pero hindi yata umayon sa kaniya ang tadhana at nararamdaman na lamang niya ang sariling bumagsak sa semento.

“Aray!” Himas-himas niya ang kaniyang pwetan, pero kaagad ding napatigil nang masilayan ang isang lalake sa gilid habang nakalahad ang mga braso nito. Para bang sinubukan nitong saluhin siya ngunit hindi ito nagtagumpay.

Wala ni katiting na ingay ang lumabas sa bibig ni Aerin. Para bang inabandona siya ng kaniyang boses sa pagkakataong ito. Paano ba naman kasi? Ang lalakeng ito ay ang bisita ng kaniyang tiyahin! Dobleng hiya ang kaniyang naramdaman na halos mamula ang kaniyang mukha. Pero mabuti na lamang at umalis na ang lalake na para bang walang nangyari. Akala niya’y mahihimatay siya dahil sa pagpigil ng kaniyang hininga.

Nanatili pa ring nakaupo sa semento si Aerin at nang masilayan ang best friend na si Yesha ay kaagad niya itong tinawag.

“Oh, Aerin! Anong ginagawa mo? Ba’t ka nakaupo r’yan sa semento?” Hindi pinansin ni Aerin ang tanong nito at humingi na lamang ng tulong. Hanggang ngayon kasi ay ramdam na ramdam pa rin niya ang sakit ng pagkakabagsak.

Nang makarating sa kanilang silid-aralan ay napamaang na lamang si Aerin nang sumalubong sa kanila ang nakataas-kilay nilang guro. Mukhang late na late na nga talaga siya sa kanilang exam. Terror pa naman ang guro nilang ito. Sana naman ay palalagpasin siya kahit ngayon man lang. Iyon ang kaniyang hiling.

Sinubukan niyang gumawa ng excuse, pero hindi siya pinakinggan ng kanilang guro. Inakala niyang silang dalawa ni Yesha ang late, pero nagulat na lamang siya nang pumasok sa loob ang kaniyang kaibigan habang pilyong nakangiti at nag-peace sign, pero hindi man lang ito pinagalitan. Napag-alaman niyang inutusan lang pala itong kunin ang test papers sa faculty. Ibig sabihin ay siya lamang itong late sa kanilang klase!

“Oh, ano pang hinihintay mo? Pwede ka nang umalis,” untag sa kaniya ng kanilang guro. Napasimangot na lamang siya. Kung alam niya lang na ganito ang mangyayari ay hindi na sana siya tumakbo pa. Hindi pa sana siya madudulas. Hindi pa sana makikita ng lakakeng iyon ang katangahan niya.

Imbes na umuwi ay dumiretso si Aerin sa likod ng kanilang eskwelahan. Walang katao-tao sa lugar at tanging tunog ng mga ibon lamang ang kaniyang maririnig. Napangiti siya. Napakaperpekto kasi ng lugar na ito para sa kaniyang kadramahan sa buhay.

Habang iniisip ni Aerin kung paano mawala ang pagkabagot, may isang tao namang nasa kabilang banda ang nakakaramdam ng matinding excitement. Nautusan kasi itong magpunta sa mundo ng mga tao upang hanapin ang isang air user at excited siyang malaman kung sino ito. Iyon nga lang ay ipinagbabawal ng kanilang Head Master ang paggamit ng kapangyarihan habang isinasagawa nito ang misyon.

Pero mukhang siniswerte yata siya ngayon. Habang sinasagutan kasi ang test paper ay nakaramdam siya ng isang malakas na enerhiyang alam niyang nagmumula sa babaeng hinahanap niya. Iyon nga lang ay bigla rin itong nawala.

Si Aerin naman ay walang ibang ginawa kun’di tingnan ang mga magagandang bulaklak sa paligid. Nang maalala ang diyosa ng hangin ay napagdesisyunan niyang bisitahin ito upang tanungin tungkol sa mga sinabi nito noong nakaraan. Pero paano nga ba ang pagpunta sa Aerodamia?

“Gagana kaya ’to?” tanong niya sa sarili at umupo malapit sa may punong narra. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata na parang nag-meditate. Iniisip niya ang lugar kung saan nakatira si Hera at ilang segundo lang ay naramdaman na niya ang malamig na simoy ng hangin. Kalauna’y nasisiguro niyang nakarating nga siya sa Aerodamia dahil na rin sa mala-anghel na boses ng isang diyosa.

“Aerin, narito ka.”

“Hera! Nagawa ko!” masayang-masaya niyang sambit nang tuluyan na niyang iminulat ang mga mata. Bumungad sa kaniya ang napakagandang babae at iyon ay walang iba kun’di si Hera.

Napangiti naman si Hera sa naging reaksiyon ni Aerin nang matagumpay itong nakarating sa Aerodamia. Naisip niyang nasa proseso na nang pagtanggap sa tadhana ang kanilang tagapagmana at alam niyang nagpunta ito rito dahil sa kagustuhang malaman ang tungkol sa mundong binanggit niya noon. Iyon ay dahil nababasa niya ang nasa isip ng dalaga. At puno ito ng mga katanungan.

Nang makapag-adjust sa nararamdaman ay kaagad na hinarap ni Aerin ang diyosa at tinanong ito kung ano nga ba ang mga dapat niyang malaman tungkol sa pagkatao niya. Bago sagutin ay inaya siyang maupo nito sa isang ulap na malapit sa kanilang kinaroroonan.

Nagdadalawang-isip pa si Aerin kung tatalima ba siya sa sinabi ni Hera. Naisip niyang baka mahulog lamang siya kung uupo siya roon. Pero nang makitang nauna na ito ay kaagad naman siyang sumunod.

“Aerin, isa kang kakaibang nilalang na hindi nararapat sa mundo ng mga tao,” panimula ng diyosa. “May isang mundo kung saan doon naninirahan ang mga katulad mong may mga kapangyarihan. Sa mundong iyon ay may dalawang kaharian, ngunit sa Lux Kingdom ka nararapat at nababagay. Doon mo mahahasa ang iyong kapangyarihan kasama ng mga magiging kaibigan mo. Siguradong matutuwa silang makilala ka, hindi lamang bilang isang tagapagmana ng mga elemento, kun’di bilang isang Luxier na rin.”

“Lux Kingdom?” tanong ni Aerin.

“Oo, Lux Kingdom.”

Ipinaliwanag naman ni Hera kung ano ang dalawang kaharian sa mundo ng mahika. Una ay ang Lux Kingdom. Sa pangalan pa lang ay masasabing isa itong kaharian na sumisimbolo sa liwanag at sa mga mabubuting mga mage na tinatawag ding Luxiers. Namuhay sila alinsunod sa kabutihan, pagkakaisa, at kapayapaan.

Sa kabilang banda naman ay ang Tenebris Kingdom. Isa itong kaharian kung saan naroon ang lahat ng mga masasamang mages. Puno sila ng galit, poot, at masasamang balak. Dark mages naman ang tawag sa kanila. Sila iyong mga mages na tumalikod sa liwanag at nagkaroon ng hangarin na mamuno sa buong magical world.

Para matupad ang hangarin ng mga taga-Tenebris, kinakailangan nila ang isang napakalakas na kapangyarihan. At ang kapangyarihang iyon ay ang hawak ng isang pinili—ang The Chosen Heiress.

“ANO? So ibig mong sabihin, manganganib ang buhay ko kapag nasa akin na ang mga kapangyarihan niyo? No way! Ayoko. Ayoko na maging tagapagmana niyo!” bulalas ni Aerin. Dumadagundong ang kaba sa puso niya. Kung ang pagkakaroon ng isang napakalakas na kapangyarihan ay kapalit ang kaligtasan niya’y mas gugustuhin na lamang niyang maging isang normal na tao.

“Well, you can’t be normal.” Isang matinis na boses ang umugong sa tenga niya. Napansin niya pa ang pilyong pagngiti ni Hera na para bang natutuwa sa kaniyang iniisip.

“Aerin, maintindihan mo rin ang lahat pagdating ng panahon. Sa ngayon ay kailangan mong maging maingat at mapagmasid. Maraming mga dark mages ang nagkalat sa paligid. Huwag mong hayaang makuha ka nila dahil ikaw ay nabibilang sa Lux. Tadhana mo ang maging isang tagapagligtas,” seryosong sabi ng diyosa na ikinabahala niya. Mukhang wala na nga talaga siyang takas. Kailangan na niyang sundin ang guhit ng kaniyang palad.

“Ibig mong sabihin ay may mga dark mages dito sa mundo namin?” tanong niya na ikinatango ni Hera.

“May mga light at dark mages na ipinadala sa mundo ng mga tao. Iisa ang kanilang misyon at iyon ay ang hanapin ka.” Napanganga na lamang si Aerin sa narinig. Para bang naipit siya sa isang gulo. Gusto lang naman niyang mabuhay ng normal pero ginawa pa siyang tagapagligtas ng mundo.

“Ang hirap naman nito. Parang mas mahirap pa ’to sa paglalaro ng patintero e’,” bulong niya. Naisip niyang hindi nga niya alam kung sino-sino ang mga ito at kung kanino siya dapat sumama. Paano na lang kung sa masamang panig siya mapunta?

“May isang palantandaan para malaman mong ang isang mage ay mula sa Lux o Tenebris. Ang mga Luxiers ay may simbolo ng ‘araw’ sa kanilang dibdib habang ang mga dark mages naman ay may simbolong ‘bungong kulay itim’ sa kanilang batok.”

Napatango-tango si Aerin nang malaman iyon. Hindi niya inaasahang gano’n lang pala sila kadaling kilalanin. Iyon nga lang ay hindi niya alam kung kailan iyon mangyayari. Huwag naman sana pabigla-bigla at kailangan pa niyang paghandaan ang araw na iyon.

“Siyanga pala, Hera. Bakit nga pala ako ang napili niyong maging tagapagmana?”

Hindi lang talaga maintindihan ni Aerin ang lahat. Paanong nagkaroon siya ng isang kapangyarihan?  Sa pagkakaalam niya’y isa lang naman siyang ordinaryong tao na iniwan ng kaniyang mga magulang. Mahahanap na ba niya ang mga ito kung sakaling mapapasakaniya na ang lahat ng elemento? Hindi niya alam.

“Aerin, tulad ng sabi ko ay hindi ka isang ordinaryong tao lamang. Mayroon ka nang kapangyarihan simula nang ikaw ay ipinanganak. Parang isang butil pa lang ito na kinakailangang hasain at alagaan para lumakas, katulad ng Tree of Life sa hardin ng Lux,” sagot ni Hera.

“Tree of Life?”

Dumagdag ito sa pagtataka ni Aerin. Pero imbes na sagutin ay patalon na bumaba ang diyosa mula sa ulap. “Mukhang napahaba na ang ating pag-uusap, Aerin. Kinakailangan mo nang bumalik at baka hindi kayanin ng iyong katawan ang pananatili rito ng matagal.”

“Pero hindi mo pa sinasagot ang tanong ko,” sambit niya at sumunod sa pagtalon. Nagulat pa siya nang bigla na lamang nawala ang ulap na kanina lang ay kanilang inuupuan.

“Hmmm, siguro imbes na magtanong ka sa akin nang magtanong, bakit hindi mo na lang ihanda ang sarili mo? Mukhang malapit nang gumabi sa mundo ng mga tao,” pilyong sabi ni Hera na ikinagulat niya. Naisip niyang hindi pa naman gano’n katagal ang pag-uusap nila. Isa pa, umaga pa nang  umalis siya roon para magpunta sa Aerodamia.

“Iba ang takbo ng oras dito sa Aerodamia, Aerin. Maaari mo namang itanong ang lahat ng gusto mong malaman sa isang Luxier na susundo sa iyo,” natatawang sambit ng diyosa habang ikinukumpas ang mga kamay.

Hindi na siya nakapagsalita pa nang lumiwanag ang buong paligid. Napapikit na lamang si Aerin nang lamunin siya ng liwanag. Tulad ng dati, naramdaman na naman niya ang sariling parang hinihila pababa, pabalik sa reyalidad. Pasigaw siyang napamulat ng mata nang bigla na naman siyang nasampal.

Bakit ba siya kailangang sampalin kapag pinapabalik sa reyalidad? Anong akala nila sa mukha niya? Halos maiyak na lamang siya sa sobrang inis at pagkagulat.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro