Chapter 02: Her New Life

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

ELISE

Nang dahil sa pangyayaring iyon ay nagbago ang lahat. Ang sinasabi nilang espesyal kong kakayahan ay isa talagang sumpa sa buhay ko kagaya na lamang ng sabi sa akin ng karamihan sa mga nakakaalam.

Ngayong wala na si Mama, kinuha ako ng pamilya ni Papa. Matagal na silang naghiwalay simula pa noong nalaman ni Mama na may iba pala siyang katagpuang babae.

Nang dahil sa kadahilanang matagal na kaming walang komunikasyon ay naging malamig ang pagtrato nila sa akin lalo na ng bago niyang asawa at ang anak nilang lalaki.

"Dito ang kuwarto mo. Pasensiya na kung may kaliitan," ang sabi ni Papa habang ipinapakita sa akin ang isang simpleng kuwarto na makikita sa pinakataas na bahagi ng bahay. Puno ang silid ng mga abubot at mga antigong bagay na kakaibang pakiramdam ang ibinibigay sa akin.

Hindi man nila sabihin ay alam kong iyon ang kanilang bodega at parang napilitan lang silang kupkupin ako sa kanilang pangangalaga.

Hindi ako umimik habang inaayos kong mag-isa ang mga gamit roon. Kahit na malayo na ako sa dati naming bahay ay hindi pa rin nawawala ang mga masasakit na alaala sa aking isipan pati na rin ang labis na pagsisisi.

Bakit wala akong nakitang pangitain bago naganap ang pangyayaring iyon? Dahil ba iyon sa nagalit ako sa kaniya? Dahil ba nakatulog ako?

Pero kahit na! Dati naman ay nagkakaroon din naman ako ng mga pangitain sa aking mga panaginip - lalo na iyong may kinalaman sa isang itim na usok na may hugis na tao. May kinalaman ba ang bagay na iyon sa pagkawala ni Mama?

Lumipas ang tatlong taon. Sa ngayon ay kapwa nasa senior high school na kami ng kapatid ko sa ama. Kapwa graduating students na kami. Wala pa rin namang nagbago sa pagtrato sa akin ng mga kaklase ko noong high school subalit ngayong papasok na ako sa bagong eskuwelahan ay hindi ko batid kung ano ang maaaring mangyari.

Sa iba pang parte ng buhay ko ay marami ang nagbago. Madalas na akong hindi kumakain sa tamang oras at hindi na ako masyadong umiimik lalo na kapag kinakausap ako ng bago kong pamilya.

Bukod doon ay wala na rin akong nakikitang mga pangitain. Pawang ang taong nakaitim na lamang ang nakikita ko sa aking mga panaginip. Nasa harapan ko lamang siya, nakatingin sa akin at hindi gumagalaw.

Bihira ko lamang siyang nakikita subalit sa bawat pagpapakita niya ay mas lumalapit siya sa akin. Pagkatapos ng maikling bangungot na iyon ay nakikita ko na lamang sa aking sarili na bigla akong nagigising at para bang tumakbo ng ilang kilometro.

Isang dapit-hapon ay mag-isa akong nakaupo sa may pinakamataas na palapag ng isang mataas na building. Madalas ko iyong tambayan upang makalimutan ng kahit ilang saglit man lamang ang aking mga problema. Kita ko roon ang dati at ang bago kong bahay.

Sa may hindi kalayuan ng dalawang bahay ay naroon ang simbahang madalas naming pinupuntahan ni Mama lalo na kapag kami ay magsisimba. Ayon sa mga pulis ay naroon nangyari ang nasabing pagpatay. Sa may tapat ng simbahan walang awang binaril at pinagnakawan ang Mama ko.

"Bakit ba ako ganito?" Habang binabanggit ko ito ay nakatingin ako sa krus na makikita sa taas ng simbahan. Hindi ko namalayang tumutulo na pala ang mga luha sa aking mga mata.

"Hindi ko naman ginustong mabigyan ako ng sumpang ito. Sa dami ng tao sa mundo, bakit ako pa? Bakit hindi ko man lang naranasang mabuhay ng normal?"

Pagkatapos kong sambitin ang mga salitang iyon ay may isang kakaibang pakiramdam na nagpatigil sa pagluha ko. Dumating ang pakiramdam na para bang may nagmamasid sa akin at para bang may masamang mangyayari. Nararamdaman ko lamang ang kutob na ito sa tuwing makikita ko ang taong nakaitim sa aking mga panaginip.

Tumingin ako sa aking likuran na may takot sa kung ano man ang makikita subalit pagharap ko roon ay mayroong isang lalaking nakatayo sa may gilid ng gusali at nakatingin sa ibaba.

"Hoy, ano iyang ginagawa mo?" Pagkakita ko sa kaniya ay agad kong hinila ang kamay niya palayo sa nagbabadyang kamatayan. Napalakas ang paghila ko sa kaniya kaya naman ay napahiga kaming dalawa sa sahig.

Naipit ko siya at nagsimula akong mailang sa pangyayari kaya naman ay agad akong tumayo. Sumunod din naman siya kaagad.

"Magpapakamatay ka ba, ha?!" pagsigaw ko rito.

Nakatalikod siya sa akin noong tumayo siya. Hindi siya humarap at hindi ako sinagot. Nagsimula lang siyang maglakad palayo.

Ang hindi niya alam ay naiwan niya ang isang kuwintas na may pendant na krus. Hawak-hawak siguro niya ito noong nakatayo siya roon at nabitawan noong hinila ko siya.

"Hoy!"

Lumiko siya papunta sa elevator. Pagkapulot ko sa kuwintas ay agad ko siyang hinabol subalit hindi ko na siya naabutan.

"Ang kuwintas mo! Sir!"

Nang dahil sa madilim ang paligid at sa bilis ng pangyayari ay hindi ko gaanong nakita ang mukha ng lalaki. Umuwi na ako sa bahay at dala-dala ko ang kuwintas na iyon. Ibabalik ko iyon sa kaniya sa oras na magkita kaming muli.

Kung malakas ang paniniwala niya sa Diyos, bakit naman siya magpapakamatay? Ano kaya ang pumasok sa utak ng lalaking iyon?

Pagdating ko sa bahay ay tahimik ang lahat. Nakaupo si Tita sa sofa at nanonood ng paborito niyang drama samantalang si Papa naman ay maaaring nasa trabaho pa niya. Papasok na sana ako sa aking kuwarto nang walang ano-ano ay lumabas mula roon ang kapatid kong lalaki at nabunggo ako.

"Anong-" bulalas niya.

"Bakit nandiyan ka?" tanong ko.

"Bakit? Bawal ba?" sagot niya sa seryosong tono na kasunod ang tingin niya sa aking para bang kakain ng tao. "Baka nakakalimutan mo, bahay namin ito."

Binigyan ko rin siya ng kaparehong titig na nanlilisik ang mga mata. Ilang segundo kaming nagtitigan at kapwa ayaw magpadaig. Natapos lang ang lahat noong kapwa kaming napangiti.

"Ikaw talaga, Kuya," biro ko rito.

"Kanina pa kita hinihintay. Akala ko nagtatago ka lang sa kuwarto mo kaya naman hinanap kita," sagot nito.

"Bakit? Anong meron?"

"Wala lang," pabirong sagot niya. "Akala ko may masama nang nangyari sa iyo. Gabi na kasi, e."

"Huwag kang mag-alala, Kuya," sagot ko. "Baka nakakalimutan mong malakas ako."

"Malakas pero puno naman ng kamalasan ang buhay?" biro niyang muli.

"Si Kuya naman,e."

"Ilang beses ko na bang sasabihin sa iyo na huwag mo na akong tawaging Kuya? Isang taon lang naman ang agwat ko sa iyo," sambit niya.

"Sige na nga, Aiden."

"Yan, much better!" sagot niya. "Bukas ay papasok ka na sa paaralan namin kaya naman ay matulog ka ng maaga pagkatapos mong kumain ng hapunan."

Ginawa ko kung ano ang sinabi niya. Siya lamang ang naging malapit sa akin sa bahay na ito at siya lang ang naging kaibigan ko makalipas ang maraming taon.

Ngayong wala na ang mga pangitain ay para bang unti-unti ko nang nararanasan ang buhay na ninanais ko. Sana nga ay tuloy-tuloy na ito.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro