Chapter 07: Vian Domingo

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Vian

Ang pinakaayaw ko sa lahat ay iyong pinapakealaman nila ang buhay ko.

Madalas kong naririnig sa mga tao na ang swerte ko raw.

Swerte, saan?

Bata pa lamang ako ay iniwan na ako ng sarili kong mga magulang nang dahil sa hindi pa nila tanggap ang malaking responsibilidad na iyon. Lumaki ako sa pangangalaga ni Lola na siyang ina ni Papa.

Masaya na rin noon ang buhay ko kahit na ganoon subalit noong naging anim na taong gulang na ay iniwan niya rin ako.

Naaalala ko pang malamig na gabi noon at panay ang buhos ng malakas na ulan. Pagpatak ng ika-alas onse ng gabi ay nagising ako nang dahil sa malakas na tunog ng kulog.

Bilang tangi kong takbuhan ay bumaba ako sa aking higaan at tumakbo papunta sa Lola ko.

Naroon si Lola at nakatingin siya sa akin. Nakahiga lamang siya at para bang hinahabol ang paghinga.

"Lola," pagtawag ko sa kaniya sabay hawak sa kaniyang nanlalamig at nanginginig na kamay. "Lola, nanlalamig ka po. Ayos ka lang po ba?"

Kahit na kita ko sa kaniyang mata ang paghihirap ay nakita ko ang isang ngiting ibinigay niya sa akin. "Magpakabait ka, Vian," wika niya sa akin sa nanginginig na boses. "Huwag mong hahayaang baguhin ka ng mga problema mo sa buhay."

Pagkatapos niyang sambitin ang mga salitang iyon ay tuluyan na ngang nagsara ang talukap ng kaniyang mga mata kasabay ng pag-alis ng kaniyang matamis na pagngiti.

"Lola? Lola, huwag mo po akong iwan," pagmamakaawa ko.

Paulit-ulit kong tinatawag ang kaniyang pangalan upang siya'y magising. Inalog-alog ko siya subalit wala na akong nakuhang sagot.

"Lola!" Ang pagdadalamhati ko ay nakaabot papunta sa mga kapitbahay namin na sila namang tumulong upang isugod sa pinakamalapit na ospital si Lola.

Pero huli na talaga ang lahat. Wala na siya.

Noong nalaman ito ng aking ina ay nagdesisyon siyang kunin na lamang ako at tanggapin bilang kaniyang anak. Subalit, noong nasa biyahe na siya papunta sa akin ay ibang balita ang dumating. Napag-alaman kong nagkaroon ng bungguan at kasama siya sa mga nabiktima ng aksidenteng iyon.

Wala akong napuntahan lalo na noong kinuha na ng pamilya ni Papa ang bahay na tinirhan namin. Wala akong magawa lalo na't hindi nila ako tanggap.

Unang gabi kong maranasan na manatili sa kalsada. Nakaupo lamang ako sa isang tabi malapit sa dingding at mayroong kartong nagsisilbing aking upuan.

Wala akong makain. Walang mainom. Walang masilungan.

Nang dahil sa panay na pagtulo ng aking mga luha ay nakaramdam ako ng pagkaantok. Malapit na sanang maabot ng aking ulo ang malamig na karton sa lapag nang nakuha ng isang maamong boses ang aking atensiyon.

"Bata, nasaan ang mga magulang mo? Ikaw lang ba rito?" tanong nito sa akin na siyang nagpatigil sa akin.

Tutuloy na sana ako sa paghiga nang nagsimula siyang magsalitang muli. "Sa amin ka na lang manirahan," dagdag nito sa medyo nag-ibang tonong boses.

Nakaharap papunta sa kaliwa ang buong katawan ko kaya naman kinailangan ko pang umupo upang makita siya ng maayos.

Noon ko namataan ang isang binatang nakasuot ng kulay itim na damit at may hawak-hawak na bibliya. Nang dahil sa wala naman akong magagawa ay sumama na lamang ako sa kaniya.

Simula noon ay lumaki ako sa bahay-ampunan para sa mga kabataang lalaki. Ito ay pinatatakbo ng mga pari at isa lamang sa mga seminaryo na nananatili roon ang lalaking yumaya sa akin.

Sa lahat ng mga naroon ay siya ang naging pinakamalapit sa akin. Para ko na siyang nakatatandang kapatid.

"Tandaan mo lang palagi ang turo sa iyo ng Lola mo, Vian," wika niya sa akin pagkatapos akong kuwentuhan ng ilang kuwento galing sa Bibliya na palagi niyang dala-dala sa pagtuturo sa mga bata.

"Opo, Kuya," sagot ko sa kaniya sa magiliw kong boses.

Sa paglipas ng panahon, kung kailan mas lalo pa kaming nagkaroon ng koneksiyon sa isa't isa, hindi ko namalayang mayroon din palang wakas ang lahat.

"Vian," pagtawag niya sa akin habang nakaupo at kinakausap ako ng masinsin sa may harapan ng simbahan. "Kailangan kong umalis. May importante akong misyon na dapat kong gawin sa ibang lugar," dagdag niya.

"Iiwan mo rin po ba ako?" Muli ay hindi ko na napigilan ang mga luha sa aking mga mata na tuluyan ng bumuhos.

Lumipat ang atensiyon niya sa kaniyang bulsa at saka may inabot sa akin na isang kuwintas na mayroong gintong krus na pendant. Isinuot niya ito sa akin at saka pinunasan ang mga luha sa mukha ko.

"Everything happens for a reason, Vian," paalala niya. "May dahilan kung bakit ito nangyayari."

"Kuya, dito ka lang," pagmamakaawa ko.

"Babalik ako, Vian," sabi niya sabay tayo papunta sa kasamahan niyang sasakay na sa kotse. "Babalik ako. Pangako ko iyan!"

Hinintay ko siya ng maraming taon subalit noong naging labing-isang taong gulang na ako ay nakita ko na lamang ang aking sariling kinupkop ng isang mayamang lalaking mag-isa lang sa buhay.

Sa takot na baka pati siya ay iwan din ako ay natutunan ko na lamang na palamigin ang aking puso. Lahat na lamang ng napapalapit sa akin ay iniiwan din naman ako sa huli.

"Guess what, Vian?" bulalas nito sa akin. "Ngayong high school student ka na ay gusto kitang pag-aralin sa isang sikat at propesyonal na paaralan."

Hindi ako umimik. Nanatili lamang ang aking atensiyon sa kaniya.

"Nabalitaan kong simula elementarya ay ang tataas na ng grades mo. Kaya naman, nararapat lamang sa iyo na ipasok kita sa world-class na eskuwelahan," dagdag pa nito.

Pinag-aral nga ako ni Tito sa bagong tayong eskuwelahang tinatawag nilang Alvierra High. Sa una ay nagtataka ako kung bakit kakaunti lamang ang mga estudyanteng naririto. Iyon pala ay hindi sila nakapasa sa entrance examination na sinasabi nilang napakahirap. Sa kabutihang palad ay napasa ko rin naman ito.

Sa una ay masaya rito subalit pagtagal ng panahon ay mabilis nang nagbabago ang lahat.

Isang bakasyon ay naisipan kong tuluyan nang baguhin ang sarili ko upang wala nang mawala pa sa aking buhay. Sa loob kasi ng napakaraming taon kong paghihirap at pagtitiis, gusto ko nang tapusin ito.

Umakyat ako sa pinakamalapit na gusali mula sa bahay na tinutuluyan namin ng nagkupkop sa akin.

Dala-dala ko ang binigay sa aking kuwintas ng seminaryong nakilala ko na hindi matapon-tapon nang dahil sa hindi malamang dahilan. Bigla na lamang pumasok sa isip ko na itapon na lamang ito mula sa taas ng isang gusali — isang bagay na hindi ko pa naisipang gawin dati.

"Bakit ba ayaw nitong umalis sa akin? Tanggap ko nang hindi na babalik ang nagbigay nito kaya ano pa ang saysay ng pagkakaroon ko ng isang bagay na magpapaalala sa akin nang paulit-ulit na hindi na siya babalik?!"

"Hoy, ano iyang ginagawa mo?" May narinig akong nagsalita mula sa may hindi kalayuan subalit hindi ko iyon pinansin.

Handa na sana akong pakawalan mula sa aking kamay ang kuwintas nang bigla ko na lamang naramdamang may humila sa aking kamay na naging dahilan kung bakit ako napahiga sa malamig na sahig.

Nagulat na lamang ako nang makita ko ang isang babaeng nasa aking harapan. Agad naman itong tumayo.

Nang dahil sa ayokong magsimula ng kahit anong kombersasyon ay hindi na lamang ako umimik.

"Magpapakamatay ka ba, ha?!" pagsigaw niya sa akin.

Nanatili akong nakatalikod sa kaniya at dumiretso na lamang pabalik sa ibaba.

"Hoy!" pagtawag niya.

Hindi ko akalaing mapagkakamalan akong magpapakamatay ngayong araw na ito nang dahil sa kuwintas na iyon. Samantala, pagtingin ko sa aking bulsa ay napagtanto kong wala na ang bagay na iyon sa akin.

"Sa wakas!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro