01

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

01:
Sipol ng isang Lalaki


Wala pang kahit anong kayamanan, na walang kapalit na dugo at katawan. Hindi makakalaya ang bida mula sa isang diablo nang walang isinasakripisyo. Laging mayroong pulang likido ang kakalat sa sahig. Lagi.

At para makuha ang gusto mo, simple lang na magkaroon ng kapalit, 'di ba?

Araw ng Linggo. Bago pa mag-alas-tres ng hapon, kinuha mo na ang notes mo para mag-review. Hindi naman mahirap. Nasanay ka na nga rin gawin 'to since noong magsimula ang pangalawang taon mo sa high school. Natuto ka na. Alam mo na ang dapat gawin sa hindi. Sino ba naman kasing gustong mapagtawanan?

Nakikita mo na ang lobby ng magiging university na papasukan mo. Ang mabangong amoy ng lavender air refreshner, taas balahibong lamig ng aircon at ang malawak na lobby. Shempre, inaasahan mo na rin ang mga magiging kaklase mo na makakabungguan mo ng balikat. Sino ka nga ba sa kanila?

Kaya, kaylangan lang na present ang notes at isip mo araw-araw. Kaya mo naman 'di ba? Siguro.

Tumingin ka sa wall clock. Almost 5pm na ng gabi. Tumingin ka rin sa labas ng bintana, papadilim na. Gaya ng ginagawa mo tuwing pagkatapos mag-review, bumangon ka sa kama at lumabas ng apartment.

Sinasabi na ng paligid na papagabi na nga.

Pumunta ka sa malapit na convenient store na nasa tapat lang din ng apartment building n'yo. Nagsasayawan ang mga puno sa lakas ng hangin at halos mga bubong na lang ng mga gusali ang nasisinagan ng liwanag. Nakataas na nga rin ang mga balahibo mo habang naglalakad sa sidewalk... hanggang sa marating na ang store.

Ikaw lang 'ata ang tao rito, kasama na rin 'yung staff na nasa counter na busy sa cellphone. Binuksan mo ang pinto pero hindi man lang ito napatingin sa 'yo. Grabe naman si ate! sigaw mo sa isip.

Pero hindi mo na 'yon pinansin at naglakad na papunta sa refrigirator. Binuksan mo ang pinto nito at nanigas na ang mga binti mo sa lamig. Kinuha mo agad ang juice at halos padabog na sinara ang pinto.

Napatingin tuloy sa 'yo 'yung staff na nasa counter. Naistorbo mo 'ata.

Pumunta ka na sa counter at nilabas ang wallet mo. Napabuntong-hininga na lang habang nagbabayad. Nararamdaman mo pa rin 'yung lamig mula sa refrigirator kanina - nakatayo pa rin 'yung balahibo mo.

Bakit kaya? Napakibit-balikat ka na lang.

Ito na ang sandaling binigay sa 'yo ng staff ang sukli, pero... tumitig ka lang. Nakatulala at walang kibo. Ano bang nangyayari? Hinahawi na ng staff ang kamay nito sa harap mo. Ano bang nangyayari sa 'kin?

Ano bang problema sa 'yo?

Doon ka na lang natauhan saka agad kinuha ang sukli at ang bote ng juice at akma nang lalabas. Nakasalubong mo pa ang isang lalaki na papasok pa lang ng store. Lumusob ang malamig na hangin. Mabilis mong binuksan ang pinto at pinunasan ang pawis mo.

Tumakbo ka pabalik sa apartment mo at halos ibagsak na ang pinto. Napaupo ka sa sahig. Halos wala nang hangin ang pumapasok sa baga mo sa sobrang hingal. Nanginginig, kumakabog ang dibdib.

Alam mo.

May nakita ka.

At alam mong ikaw lang ang nakakita.

Tiningnan mo ang bote ng juice at napalunok habang nakatitig doon. Guni-guni lang siguro. Tumayo ka na at pilit na ngumiti sa kabila ng takot. Wala lang siguro 'yon.

Pinatong mo ang bote ng juice sa maliit na mesa at naligo. Ang lamig ng tubig ang magpapakalma ng katawan mo. Bawat patak, bawat buhos - ang magpapakalimot sa iyo.

May nakita kang pinatay.

***

Isa na namang araw.

Nakaupo ka lang sa couch. Hindi nakatulong ang malamig na shower. Gusto nang hawakan ng mga kamay mo ang telepono at tawagan ang awtoridad.

May pinatay. Paulit-ulit mo nabg sinasabi sa isip mo. May pinatay. Paulit-ulit.

Pero tahimik. May ilang mga sasakyan na dumadaan noon. Pero walang nakakita. Wala ni isa.

May kabog.

Isa, dalawa, tatlo.

May kumabog sa labas.

Dahan-dahan, tumayo ka at naglakad papunta sa pintuan. Namamanhid na ang balat mo sa lamig na ngayon mo lang naramdaman. Mabilis na pagkabog ng dibdib. Nasa harap ka na ng pintuan mo at akmang bubuksan ang pinto.

Huminga ka nang malalim at hinayaang makapasok ang hangin sa baga mo para mawala ang takot. Kaya ko 'to, sabi mo sa sarili.

Sa wakas, binuksan mo na ang pinto.

May dugo.

Inalalayan mo ang ale na tumayo. "Ayos lang po kayo?" tanong mo rito. Mga piraso ng basag na paso ang nagkalat sa makintab na sahig. May sugat ang ale sa kamay na patuloy na nagdurugo. Pinagtitinginan na kayo ng mga kapitbahay mo pero wala man lang nag-abalang tulungan 'yung ale.

"Salamat, hija. Ihahatid ko sana 'yung mga in-order sa 'kin na paso. Kaya lang..." Napatingin ito sa mga basag na paso sa sahig. At napabuntong-hininga na lang.

"Maiintindihan naman po siguro ng bumili," nakangiti, sinabi mo at tinuro ang pinto ng apartment mo. "Tuloy muna kayo, mamaya na po natin linisin ang kalat. Gamutin muna natin 'yung sugat n'yo."

Napatango na lang 'yung ale.

Inalalayan mo ito hanggang makapasok sa apartment unit mo. Pinaupo mo siya sa maliit na couch at tinakbo mo naman ang first aid kit na nakalagay sa aparador.

Umupo ka sa sahig katapat ng ale at binuksan ang kit at ang planggana sa lamesita. Buong kamay ng ale ay naliligo na ng dugo. At ayaw mo na ring malaman kung gaano ba 'yon kasakit. Akma mo nang ilalagay ang alcohol sa kamay ng ale para linisin. "Medyo mahapdi lang po ito. Kaya n'yo po bang tiisin?" mahinhin mong tanong.

Tumango ito. "Sige lang, hija."

Nag-aalinlangan ka pang napatingin sa sugat. Binuhos mo ang alcohol sa kamay ng ale at napatingin ka pa sa mukha nitong nangangasim na sa sakit. Agad mong inikot ang benda sa kamay nito para tumigil na sa pagdurugo.

"Okay, ayos na," bulong mo.

Ngumiti sa 'yo ang ale. "Salamat talaga, hija."

Ngumiti ka naman pabalik. "Wala po 'yon. Pero magpakonsulta na rin po sana kayo sa doktor para malaman kung may empiksyon 'yung sugat."

Pero agad kang nangilabot at nagsitaasan ang mga balahibo mo nang maningkit ang mga mata ng ale. At napalitan ang ngiti nito ng ngiti ng isang demonyo. At nagtanong, "alam mo bang may kinidnapp na babae sa kanto doon sa malapit?"

Hindi ka nakapagsalita. Nanginig ang mga tuhod mo at hindi mo na maitago ang paglaki ng mga mata mo. Hindi pwede. Nanatili ang ngiti ng ale at patuloy pang nagkwento. "Doon 'ata 'yon sa... sa ano nga ba... Sa convenient store malapit dito. Alam mo ba 'yon?"

Dahan-dahan, napatango ka.

"Ang sabi, ni-rape muna 'yung babae. Kinoryente tapos pinagsasaksak pero hindi pa rin pinatay. Bakit kaya 'no?" At napalitan ang ngiti nito ng isang ngisi.

Hindi ka pa rin makapagsalita. Pero gusto mo malaman kung anong nangyari. Pero kasi, kumakabog nang matindi ang dibdib mo. Namamanhid at nanginginig ang balat sa sobrang takot. Gusto mong malaman kung anong nangyari sunod.

Kaya, kahit mahihimatay ka na sa tindi ng kabog ng dibdib mo, nakinig ka pa rin. "Binalatan nang buhay at hiniwa ang ilang parte ng katawan. Niluto at ginawang adobo, tapos binenta. Ano kayang lasa ng adobong gawa sa laman ng tao, 'no hija?"

Tumaas ang mga balahibo mo sa tinanong ng ale. Gusto mo na siyang palabasin pero hindi mo magawa. Ramdam ng bawat buto mo sa katawan ang lamig ng hangin. Bigla na lang tumawa nang malakas ang ale. "Biru lang, ito naman."

Para kang natanggalan ng tinik sa lalamunan. At kahit papaano, nakahinga nang maluwag. Lumabas kayo ng apartment at pinagtulungang linisin ang kalat sa labas. Nagrekomenda ka na rin na bayaran na lang ang mga nasirang paso pero tumanggi ang ale at umalis na lang.

Naglakad ka na pabalik sa loob ng apartment. Gusto mong huminga nang malalim. Walang magbabawal sa 'yo na gawin.

Kinabukasan, may pasok ka. Gumising ka nang maaga at agad na naligo't nagbihis. Bihis ka na, ayos na, pero natigil ka nang nasa harap ka na ng pinto. At napalunok.

Kaya mo 'yan.

Inayos mo ang tindig mo at pilit na ngumiti nang malapad. Wala dapat makahalata na nagkakaganito ka. Binuksan mo ang pinto at tumungo nang eskwela.

Lahat ng nasa paligid ay masaya at nagkakatuwaan. Grupo ng magbabarkada ang nadadaanan mo. Kaliwa, kanan, may mga estudyanteng nag-rereview na. Sana masuklian naman ang mga kasipagan ng mga 'yon, at sana... kabilang ka sa mga ro'n.

***

Lumipas na ang mga linggo at nakakulong ka lang lagi sa apartment, maliban na lang tuwing may pasok. Buti na lang, nakapag-stock ka na ng maraming pagkain last week kaya hindi mo na kaylangan lumabas para bumili pa.

Masyado kang tamad para bumangon at lumabas at isa pa... hindi mo alam sa sarili mo kung bakit hindi ka mapanatag. Dahil ba sa sinabi ng ale? Siguro. O dahil sa nakita mo? Parang. Pero mag-iisang buwan na rin ang lumipas.

At may problema.

Gusto mo ng juice.

"Tanga," sabi mo, "bakit hindi pa kasi ako bumili?!" May kaylangan ka pa sa nang idagdag sa sinabi mo. Adik. Matagal ka nang addicted sa juice na 'yon. Ulit nga, adik!

Kaya lang...

Bahala na nga.

Magtimpla ka na lang ng kape. At sa tingin mo, mas maayos na 'yon kaysa... lumabas. Hindi ka lang mapanatag lalo na dahil sa sinabi ng ale. Nagtimpla ka ng kape at napagdesisyunang manood ng tv. Umupo ka sa couch at nilabas ang notes mo.

Binuksan mo ang tv at nagsimulang mag-review habang umiinom. Ang mga mata at isip mo ay nasa binabasa, at ang mga tenga mo naman ay nakikinig sa tv. Naglipat ka ng page sa binabasa at ganu'n din naman ang news sa tv na kakapalit lang ng topic.

Pero halos mabagsak mo ang baso nang marinig ang sinabi ng news anchor. Mababaliw ka na.

"Babae, patay matapos pagsasak-sakin at gilitan ng leeg." Bigla kang nasamid at paubo-ubong nakahawak sa leeg. "Nangyari ang insidente malapit sa isang convenient store sa Quezon city. Natagpuan naman ang bangkay na pira-piraso na at isinilid sa sako at nilibing sa tabing ilog."

Kahit nanginginig, nagawa mo pang ilapag sa lamesita ang baso. Napasandal ka sa couch. Simula pa lang, alam mo naman na na malalaman din nila. Hinayaan mong makinig ang mga tenga mo sa kung paano magdalamhati ang pamilya ng namatayan.

Huminga ka nang malalim at hinayaang huminahon ang buo mong katawan. At pinakinggan ang huling mga salitang sinabi ng anchor.

"...Mag-iisang buwan na rin mula nang simulan ang paghahanap sa salarin. Patuloy pa rin ang paghahanap."

At pinatay na ang tv.

Hindi mo alam pero alam mo nang iyon ang sasabihin ng anchor. Patuloy na gumagapang ang takot sa buong katawan mo. Mula sa balat, patungo sa laman, hanggang sa ilalim ng mga buto - naghahari ang takot.

Hindi mahanap ang salarin sa karumal-dumal na pagpatay sa babae. At pati ang salarin sa babaeng pinatay na masayang kinwento sa 'yo ng ale.

At ang salarin na 'yon... ay nasa likod mo lang.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro