u n c n s r d 09

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

u n c n s r d 09

"Sabi ko naman sayo ang sarap di ba?"


Babaeng Gangster

Sex?

To Babaeng Gangster

?

Babaeng Gangster

Tara sex!!!

To Babaeng Gangster

Na naman? Kaka ano lang natin ah

Babaeng Gangster

Kakaano?


"Mr. Alejandro, is there something funny and more important in your phone than our discussion?"

Napatago ako ng phone ko at pinigilan ang sarili sa pagngiti-ngiti. Umiling ako sa professor ko at naupo nang maayos. Naramdaman ko ang vibration sa phone ko nang ilang beses.

Binato ako ng pambura ng ni Sandy mula sa kinauupuan niya.

Binato ko siya ng ballpen saka siya tumawa.

"Santiago Dominiko! Anong nakakatawa?"

Nagtawanan ang klase sa pangalan. Mukhang badtrip na naman si Sandy.

Pagbalik ulit ng normal na klase, nakikiliti na ako sa vibration ng phone ko sa bulsa ng pantalon kaya lumabas muna ako. Tiningnan ko ang phone ko habang naglalakad papuntang CR.


Babaeng Gangster

Ano na?

Babaeng Gangster

Sabihin mo!

Babaeng Gangster

Kakaano lang natin?

Babaeng Gangster

Kakaano?!

Babaeng Gangster

Pucha snob

Babaeng Gangster

hoy

To Babaeng Gangster

Dami mong text nasa klase ako :|

To Babaeng Gangster

Kaka Sinangag EXpress. Ayos na?

Babaeng Gangster

Hahahahaha kakasex nga. Demure mo. Tara sex!!


Mahina akong natawa. Napatingin sa akin ang nakasabay kong pumasok sa CR kaya diretso ako sa may gripo at naghugas ng kamay. Panay ang vibrate ng phone ko. Medyo binagalan ko pa ang paglalakad ko papuntang room para makapag text.


To Babaeng Gangster

Mamaya pa uwi ko

Babaeng Gangster

Ako rin naman. Tara ha?

To Babaeng Gangster

Oo na.

Babaeng Gangster

Oo na ano?


Tumitig ako sa phone ko at napailing.


To Babaeng Gangster

Oo na. Mag SINANGAG EXpress na tayo.

Babaeng Gangster

Yes! mag sex tayo!

Babaeng Gangster

Sabi ko naman sayo ang sarap di ba?


Natawa ako bigla. "Baliw."

"Ikaw ang baliw, pre."

Nag-angat ako ng tingin. Nasa harap ko na pala si Mark. "Saan ka?"

"Papunta sa'yo iniisip kasi namin nababaliw ka na." Pinatong ni Mark ang kamay niya sa balikat ko. "'No, may ibang babae pa d'yan. Kung broken hearted ka, ayos lang maging malungkot. Weird pag nangingiti ka bigla eh."

Inalis ko ang hawak niya at tinulak siya.

"Mag-CR ka na nga lang!"

Tumatawa siyang lumagpas sa akin papuntang CR habang ako naman ay papasok ng room. Pero kahit may discussion sa klase, lumilipad ang isip ko kung paano ako napapayag sumama kay Unica kagabi. Hindi pa ako makapaniwala sa sinabi niya hanggang sa tinulak niya ako at sinabing, "Sinangag Express! Kakain sa may Pedro Gil."

Pinagtitripan talaga niya ako.

Pero dahil gutom na rin ako noon, umoo ako, natatawa dahil kung anu-anong pumapasok sa isip ko. Walang makakapagpaliwanag ng hiya ko sa mga sinabi ni Unica nang ikwento niya unang beses niyang nakakain doon.

"Nung una nga akong inaya mag-sex umayaw pa ako pero nung napilit ako natikman ko na. Grabe, hinahanap-hanap ko. Totoo nga sabi nilang nakakaadik mag-sex!"  

 Gustong-gusto kong takpan ang mukha ko noong mga oras na 'yon dahil pinagtitinginan kami ng mga kasabay sa jeep.  

Masarap ang tapsilog na inorder ko. Masarap din kausap si Unica pero napapangiwi sa mga salitang ginagamit niya. Naisip ko rin bigla na baka yon na ang huling pagkakataong magkasama kami.

Mali ako.

Hindi ko naisip na magtetext siya sa akin ulit. Habang nasa klase pa. At nag-aaya ulit mag Sinangag Express kahit kakakain lang namin doon kagabi.

Ang kulit lang.

Nagpunta ako sa art room pagtapos kong magpaalam sa mga kaibigan kong hindi ako sasabay pag-uwi. Mapapatawad naman siguro nila ako kung sinabi kong busy sa pag organize ng pageant kahit sasabay akong kumain kay Unica.

Sumilip ako sa glass window ng pinto.

Likod ni Unica ang nakita ko. Nakaupo siya sa lamesa at mukhang tinititigan ang dalawang painting sa harap niya. Nag isip pa ako kung kakatok ba ako o pumasok na lang agad.

Sakto namang lumingon siya kaya pumasok ako.

"Lakas mong maka-stalker ng tingin-tingin dun, ah?"

Lumapit ako at ngumisi. "Nakakahiya kasing putulin pakikipagtitigan mo sa painting version ko."

Natawa siya. Tinaasan niya ako ng kilay. "Naisip ko kasi hindi ko nabigyang justice pagmomodel mo sa painting ko."

Hindi nabigyang justice? Ang ganda nga ng pagkakagawa niya, eh. Hindi ko lang sinasabi. Siguradong tutuksuhin kasi ako kaya "Bakit?" na lang ang nasabi ko.

"Ang gwapo kasi ng painting ko! Hindi nabigyang justice 'yung katotohanan."

"Baliw."

Umirap siya. Nagsimula siyang magligpit ng gamit. Bago pa niya buhatin ang dalawang 3x3 ft na canvas, ako na ang nagdala.

"Ano—"

"Nandito naman na ako, eh." Inayos ko ang pagkakahawak sa dalawang canvas. "Tulungan na kitang buhatin."

"Wow."

Natahimik kami. Tinitigan niya ako sandali hanggang sa ngumisi siya. Sinalo ko agad ang hinagis niyang bag niya.

"Dalhin mo na rin 'yan para malubos-lubos pagpapaka-gentleman mo."

Sa ilang beses kong nakasama si Unica, sadista ang isang salitang makakapaglarawan sa kanya. Hinayaan ba naman niya akong mahirapan sa pagbitbit ng dalawang canvas at mabigat niyang bag patungong faculty? Buti kinuha niya ang bag niya bago pa kami makarating sa pupuntahan.

Kumatok siya pero walang sumasagot na professor. Pagbukas niya ng pintuan, papasok na sana kami nang bigla kaming natigilan sa nakita.

"Sinteya!" sigaw ni Unica.

Natulala pa rin ako. Gusto kong iiwas ang tingin ko pero napako ang paningin ko sa dalawa tulad ng pagkapako ng paa ko sa kinatatayuan ko.

Natigil si Sinteya sa ginagawa at tumingin sa amin. Tawa nang tawa si Unica habang ako ay tulala rin. Kahit si Sir Marco, natulala rin sa amin.

Bago isara ang pintuan, sumigaw si Unica. "Learn to lock the door, Sin!"

Tinulak niya ako palabas ng faculty at ni-lock ang pinto ng faculty.

Natahimik ako. Kinakabahan ako sa hindi ko malaman. Aaminin kong hindi ako malinis. Lalaki rin ako. Curious sa mga ganoon. Pero. . .tama bang makita ko si Sir Marco at Sinteya sa faculty sa ganoong pusisyon?

Tama ba 'yung ginagawa nila?

At tama bang iniisip ko ito?

"Wala 'yung prof ko, iwan ko muna 'yan sa art room."

Sinamahan ko si Unica para iwan ang paintings niya. Siguro napansin niyang nabigla talaga ako dahil sa katahimikan ko. O siguro, gusto lang niyang mag explain kaya nagsalita siya habang pababa kami.

"Gusto nila isa't isa."

Alam na siguro niyang alam ko ang ibig sabihin niya. Tumango ako. Wala akong karapatang mag isip ng kahit ano. Bahala na. Buhay naman nila 'yun.

Nagtetext si Unica habang pababa kami kaya tahimik ako. Napapangiti pa ako dahil pinigipigilan niyang magsalita habang nagrereply sa katext niya.

". . .baba na kami," bulong niya. "sent!"

"Talagang sinasabi mo nang malakas tinetext mo, ano?"

"Paki mo?"

"Wala naman."

Umirap siya sa pagngiti ko.

Ngunit imbis na sumakay ng jeep papuntang Pedro Gil para sa Sinangag Express, naitulak ako ni Unica para sumakay sa isang dark red Tamaraw FX. Diretso agad ang pagpapatakbo ng FX pagsara ni Unica ng pintuan.

Tumingin sa akin ang lalaking nasa driver's seat mula sa rear-view mirror tapos lumipat kay Unica.

"Siya ba 'yung isasama natin?"

Binato ni Unica ang bag niya sa likuran. "Yep. Malelate na ba tayo?"

"Kakayanin pa." Mula kay Unica, bumaling ng tingin ang lalaki sa akin. "Deus nga pala, 'tol."

Mahaba ang buhok ng lalaki na medyo kulot. Napapansin ko ring may bigote at balbas siya. Magkasing age ba kami? O mas matanda pa?

May isa akong napapansin: may kahawig siya.

"Chino."

Lumipat sa likuran si Unica. "Mag bibihis ako ah, kadiri uniform, eh."

Nilakasan ni Deus ang radyo saka kami natahimik. Ang galaw ni Unica sa likuran. Lumingon ako nang maramdaman kong nasipa niya ako. Bigla naman niyang tinulak ang ulo ko pababa.

"Naninilip amputek."

"Hindi ah!"

"Ge. Deny pa."

Tumawa siya. Natahimik ako at tumingin na lang sa labas ng bintana.

Pagbaba at pagtaas ng zipper ang sumasabay sa tugtog sa loob ng van. Bumalik sa tabi ko si Unica pagtapos ng ilang minuto. Nakasimpleng shirt at jeans na lang siya. Napangiwi pa ako sa nabasa sa statement shirt niya.

Sup, beach?

Ilang minuto ang byahe hanggang sa mapansin kong hindi na nga talaga pupunta ng Sinangag Express. Change route nang hindi ko alam at hindi sinasabi sa akin. Tatanungin ko sana si Unica kaya lang tulog sa tabi ko. Nahihiya naman ako kay Deus kaya nanahimik ako.

Sa Legaspi Towers basement kami pumasok pagkapark ng FX. Doon ko nalaman ang destinasyon namin:

Sev's Café.

Pumasok kami sa loob nang naririnig ang mahinahong boses ng kumakanta sa stage. Sa bandang taas sa kaliwa, nandoon ang bilog na black and white logo ng restaurant. Naka-spotlight ang nasa stage na kitang kita ang Sev's Café tarp sa likuran ng kumakanta kaya medyo dim audience pero hindi ganoon kadilim para hindi makita ang mala-orange na pader na puno ng nakasabit na palamuti. Ang daming tao. Sa bawat wooden table na bilog at parihaba, may mga beer at paubos na pagkain sa gitna ng tawanan at usapan ng mga tao.

"Hindi pa tayo late," sabi ni Deus. "Nakaupo pa si Herq doon."

Tumango si Unica. Sinundan ko sila hanggang sa makaupo. Mas nagkaroon ako ng tyansa matitigan si Deus nang lagpas isang segundo.

Doon ko napagtanto kung sinong kahawig niya! Si Jesus Christ.

Bad Boy Burger ang inorder nila kaya nakigaya ako. San Mig Light ang inorder nila bilang pantulak.

"Mango smoothie na lang sa akin."

"Ano ka, bading?!" Pinanlakihan niya ako ng mata. Nahiya ako bigla dahil paglingon sa paligid, may napatingin sa amin. Ngumiti si Unica. "No offense sa mga nakarinig. San Mig Light na 'yan."

Napabuntong hininga ako.

Ngiting-ngiti si Deus.

"3 Bad Boy Burgers at San Mig Light. Pulutan?"

"Alam mo na," sabi ni Unica.

"Tig isang San Mig Light lang," sabi ko na pinagtakahan nila. Tiningnan ko nang mataman si Unica. "Bawal ka malasing, di ba?"

Ngumisi siya.

Pagkarating ng order ay bumaba na sa stage ang naabutan naming kumakanta. Nagpalakpakan, pati sila Unica at Deus, nang umakyat sa stage ang isang lalaking may sleeve tattoo na magugulong linya. Parang mga scribbles. Inayos na muna niya sa may leeg ang nakakasakal niyang long sleeves red polo shirt bago nagsalita.


"Marami akong namimiss sa mundo."


Kinilabutan ako sa pagkalalim ng boses niya. Parang tulad ng boses niya ang ginagamit para mag-narrate sa mga dramang palabas.


"Marami akong namimiss sa mundo

hindi sa kung paano ka ngumiti sa harap ko o kung

paano mo ako akitin tuwing pagod ako. Dahil sikreto lang natin 'yon

at hindi muna ako huhugot ng feelz sa gabing ito."


Natahimik ang lahat. Natuon lalo ang pansin ko sa lalaki habang kinakain ang burger na inorder.


"Nakakamiss ang maging bata."


Tumingin siya sa amin saka ngumisi.


"Nakakamiss maging bata. Gigising tuwing umaga

para paliguan ng iyong ama

o ng ina,

depende kung sinong trip mabasa nang ako ang kasama.

Patutulugin pagtapos magtanghalian

kung tutuusin ay uunahan pa akong tulugan

kung sino man ang tumatapik sa aking pwetan."


Tumawa ang karamihan sa pagtapik ng lalaki sa pwet niya.


"Nakakamiss ang maglaro.

Pagtapos kong magtulog-tulugan tuwing tanghali,

lalabas ako nang medyo tumitirik pa ang sinag ng araw.

Sasabak sa damuhan, putikan, o rambulan

Uuwi nang pagod at gutom, pero hindi kakagalitan.


Nakakamiss ang magkaproblema

Sa pagpili ng laruang ipagyayabang; o sa pagpili

kung anong palabas ang papanoorin: 

sineskwela, mathinik o hirayang manawari;

problema pa ang pagkabisado ng liriko ng bawat palabas.

Isama pa ang pag-tanggal ng mga buhol bilang doktor kwak-kwak.

Pati pagkainip masintas lang ang bagong sapatos—

hindi para makitakbo at makiagaw sa kung sinong liligawan.

Kundi makitakbo at makiagaw sa nag iisang duyan."


Natigil ako sa pagkain sa mga sinasabi ng lalaki. Kinikilabutan ako. Bakit ang bigat sa pakiramdam ng sinasabi niya? Ang simple lang naman.


"Nakakamiss ang magwaldas ng pera

sa ice tubig, play money o sa pogs pati ang plastic balloong

pinupuno ng laway para cool.

Hindi pa cellphone ginagamit ko kapag teks ang usapan;

yabangan pa sa pagbili ng rare cards - sa pokemon man yan,

dragon ball z, sailormoon, digimon o fushigi yuugi."


Napangisi ako sa naalala. Lakas nito magpaalala ng mga uso noon.


"Ahh, nakakamiss manood ng anime

kung hindi umaga, tanghali yon o tuwing gabi.

Imbis na agawan ng asawa o palitan ng anak,

kapangyarihan ni majinbu ang nakakaiyak

o ang pag iibigang miyaka at tamahome

wala akong excuse sa panood ganoong anime.

First anime crush ko kasi ay si nuriko

na siguradong sa kasarian niya ay hindi lang ako ang naloko."


Natawa ako bigla, tulad ng ibang nakikinig at nanonood, sa sinabi nung lalaki. Umiling at umirap si Unica sa pagtawa namin ni Deus. Nagkatinginan kami ni Deus at tumawa pa lalo. Mukhang relate kami sa sinabi.


"Nakakamiss ang gumalaw. Makipag away kung nakatapak ba ako 

sa langit o sa lupa. Makipag tulakan

para alamin ang katotohanan sa misteryo at dilim ng abandonadong bahay sa kapit bahay.

Ang tumakbo palayo sa asong tumatahol, o pag-akyat ng puno

pagkain ng aratilis, dulo ng santan pati ostyang pula.

Amen.


At syempre hindi ko makakalimutan 

kung paano perpektuhin ang kame hame wave;

o ipataas kay nanay ang buhok ko. Alam mo na,

kailangan ako ng mundo kaya kailangan mag super saiyan.

Nandoon din ang pagkakataong nagkadabuhol buhol ang kamay

para palabasin ang mahiwagang si Zenki!"


Naubo ako sa pagtawa. Pinunasan ko pa ang tubig na nalabas sa bibig ko.


"Teka, kilala mo pa ba siya?"


Nagsigawan ang mga tao, habang nakitawa ako. Ang lakas maka nostalgic!


"Nakakamiss maglaro ng barbie."


Natigil siya. Nanlaki ang mata.


"Sandali, nasabi ko bang maglaro ng barbie?

Sa ate ko yun. Oo, sa ate ko.

Ngunit syempre, sa bandang gilid,

may sisigaw:"


Nagulat ako sa biglang pagsigaw nila Unica at Deus.

"ONLY CHILD KA UGOK!"

Pinahupa muna ng lalaki sa stage ang pagtawa ng tao bago siya ulit nagsalita. Napatitig ako kay Unica na nakatali na ang buhok palikod.


"Ayun!

Bisto.

Anong masama sa paglalaro ng Barbie; sa pagsuklay

sa mahaba nitong buhok na blondie. O kahit sa pagdadamit

sa kanila ng maliit na tela. Kung bata ako

at si Ken naman ang ginagalaw ko."


Hindi natigil ang tawanan at sigawan.


"Anong masama sa pag aya sa akin ng mga pinsan ko, maging customer

sa salon nila o sumali sa cooking show. Kung bata lang ako

Gusto lang maglaro. Hindi pa iniinda ang iniisip ng iba.


Nakakamiss ang araw-araw dahil lunes,

Kotse at truck ang hawak ko. May speed racer pa.

Ang pinapaandar tuwing martes ay bahay-bahayan namin.

Masaya ang miyerkules pag naka-shoot ng bola sa ring.

Tawanan naman sa huwebes

sa paggiling pakaliwa at pakanan

Pero tuwing sasapit ang biyernes ang paborito ko:

Biyernes ang araw kung kailan ako ang boss.

Lahat susunod sa pagsigaw ko; bilang ako ang kapitan

ng sundalong sandatahan. Kailangan puksain

ang mga higanteng ipis sa kabilang bayan."


Kumagat si Unica ng dynamite na pulutan dahil wala ang Squid Rings na usual order niya. Bigla niyang dinura ang dynamite.

"Tangina, bakit ang anghang!"

"Kaya siguro dynamite pangalan?" sagot ko habang nakangisi.

Pinalo niya ang braso ko sa pagtawa sa namumula niyang mukha. Kulit mapikon, eh.


"Nakakamiss ang maging bata,

hindi pinapagalitan ang pagsulat at pagguhit sa pader.

Medyo proud pa nga sila at sasabihing "keep it up, artisan brother."

Walang kahirap hirap sagutin ang first time itanong:

"Ano ang gusto mo paglaki?" engineer, doktor, astronaut, teacher o artista

minsan sinasabi ko ring "yumaman", syempre

gusto kong makatulong sa nangangailangan.

Lalo na't ako'y isang bayani na pupuksa sa mga masasama;

ikaw ba naman matuto ng ray gun noong ikaw ay bata.


Nakakamiss ang maging bata

Na kakayanin sabihin ang katotohanan ano man ang kahihinatnan.

Napaka totoo sa sarili na maskara ay hindi na kailangan.

Kung malungkot, iiyak. Kung masaya, tatawa.

Hindi nalilito sa kung anong gusto o kung anong ayaw.

At imibis na responsibilidad, aswang lang ang kinakatakutan.


Hindi magkandaugaga tuwing pasko sa kung anong uunahing buksan na regalo

Ang tanging winawasak ay ang legong hinagis,

kaysa ngayon na mga pusong laruan kung iwangis.

Kanan at kaliwa lang ang direksyong kinaliligaw, hindi drugs 

o alak dahil basted sa panliligaw."


Natigil ako sa pag-ubog ng kinakain.


"Nakakamiss ang maging bata

Ang buhay ay simple lang.

Nakakamiss ang maging bata.

Ang iniisip ay magaan lang.

Nakakamiss ang maging bata

Ang reyalidad ay masaya lang."


Kahit nakangisi 'yung lalaki, ramdam pa rin 'yung kakaibang lungkot sa bawat bigkas niya ng salita. Humihina rin ang boses niya. Nakng, bumibigat ang loob ko.


Nakakamiss ang maging bata

dahil noong musmos pa,

ang pagkatao ko—

Buo pa."


; x ; 

Ikaw, anong namimiss mo sa pagiging bata? Comment below your answers (and reaction about ze chapter)!! Maraming salamat sa pagbabasa. :D

Use #uncnsrd (UNCeNSoReD) for your tweets and instagram posts. Enjoy the APEC week! I know I will (together with my thesis, and we'll live happily ever after!)

Biglaang Spoken Word-kuno title "nakakamiss ang maging bata" written by yours truly.

Watch multimedia (youtube video), my most favorite spoken word poetry as of today: "Lemon Pepper Chicken" by Kurt Olson.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro