u n c n s r d 25

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

u n c n s r d 25

"Para siyang tigreng nagbabalatkayo bilang tupa."


Akala ko sa chandelier sa condo nila Unica lang ako mai-intimidate. Oo na, ako na. Ako nang walang muwang na mahirap. Sino bang normal na electrical engineering student ang makakakita ng chandelier sa araw-araw na ginawa ng Diyos? Alam kong hindi ako 'yon. Chandelier pa lang sa lobby ng condo nila Unica. . .intimidated na ako.

Paano pa kaya. . . paano pa kaya kung pag-angat ng tingin, ilang chandelier ang nakasabit sa kisame na para bang mga araw na nagkikislapan sa itaas? Halos magkaroon na ako ng stiff neck kakatingin sa maliliit na kumikinang sa bawat ilaw. Alam kong electrical engineering student ako – baka isang araw, gumawa ako ng ganito, o mag-ayos ng ganito – pero iba ngayon. Hindi ako estudyante ngayon. Wala ako sa eskwelahan, hindi rin ako nagtatrabaho.

Sabi ni ate Nena, kasambahay ni Unica, "You act layk a guest, okeh? Nohmal, okeh? Wait por us at duh venue." Pero paano ako aakto bilang normal na guest kung. . . ganito kagarbo ang nangyayari ngayon? Halos lahat ng tao nakadamit nang maayos –hindi, hindi halos – lahat mismo, nakadamit ng maayos. Kahit 'yong mga waiter at waitress, nakaayos din sila – suit and tie – long dress at nakapusod na buhok. Kung hindi lang sila pare-parehas na kulay brown na damit at may SOFITEL MANILA na nakasulat sa may dibdib, iisipin kong kasama sila sa mga normal na guest.

At paano naman ako magiging normal na guest kung para akong table cloth (mas maganda pa nga ata ang table cloth sa handaang to) dahil sa red checkered na polo ko. Gustong-gusto ko na ngang alisin ang polo ko dahil agaw pansin kaso mas magmumukhang agaw pansin kung naka-hubad ako pantaas.

Mukhang wala rin namang pakialam ang iba – well, pwera sa ibang bata na tinuro ako sa mga magulang siguro nila tapos tititigan lang ako ng magulang, goods na.

Nakng, nasaan na ba si Unica?

Pwede naman akong umalis at umuwi na lang kahit hindi na ako ihatid sa Bulacan, pupunta na lang ako sa apartment kahit nandoon si Gio na nangungulila sa babae. . .kaso sinabihan din ako ni Ate Nena tungkol doon. "No, no, no – you kennat be. Yoh wanna be guilty? No, no, boy. Lady Valentine doezn't want tha' okeh? Yoh staah put. Nicz hirr will save yoh, righ' Nicz?" Tumingin kami kay Unica na nakaupo lang sa kamang parang ilang beses plinantsa sa sobrang straight ng sheet.

Ang tanging ginawa lang niya? Ngumisi siya at sinabing, "Asa ka pa."

Atsaka pansin ko ring maraming gwardyang nakabantay sa bawat exit at entrance ng lugar. Bawat sulok, mayroon din. At may mga palakad-palakad. Kung hindi lang mukhang mayayaman ang nandito, iniisip kong baka preso 'tong mga 'to at nasa kulungan pala kami kaya binabantayan ng mga gwardya.

Pwede rin namang ako 'yong preso, o yong suspect, kasi kanina pa ako tinititigan ng dalawang gwardya sa may kanan ko. Kaunting kibot ko lang, humaharap na sila agad sa akin. Para bang takot na takot.

Kung normal na araw ito, baka natakot na rin ako.

Pero hindi ito normal na araw, lahat ng nangyayari ngayon ay hindi ko normal – pero maaaring, ito ang normal niya. Ng babaeng gangster na 'yon.

Nakatambay lang ako sa gilid, sa may mga pagkain. Nagtataka na nga siguro 'yong mga worker kung sino 'yong lalaking nakasalamin, naka-red checkered polo shirt na nakatayo sa may mga pagkain. Hindi naman ako mukhang magnanakaw ng pagkain – kahit na parang masarap lantakan 'yong mga 'yon. Kaso hindi, nakatitig sa akin 'yong dalawang gwardya, tapos mahal ko pa ang buhay ko.

At baka panaginip lang ito – lucid dreaming. Sabi ni Sandy, minsan daw nag-lucid dream siya at parang totoo talaga 'yong mga nangyari. Mahahawakan na nga raw sana niya 'yong hinaharap ni Liza Soberano kaso ginising siya ng nanay niya. Nang tanungin namin ba't sa dami pa ng pagpapantasyahan, 'yong bata pang si Liza Soberano – sinabihan lang niya kami ng, 'kanya-kanyang taste lang 'yan."

Kaya baka Lucid dreaming ito. Baka kapag naisip kong nasa harap ko si Alodia Gosiefiao, magkatotoo nga. Kaso wala naman siya. Kahit ilang minuto na ang lumipas, wala pa rin siya.

Tumingala ulit ako. Muntik ko nang matapos ang pagbibilang ng mga kumikinang sa isang chandelier nang may lumapit sa akin na waiter.

"Wine, Sir?"

"Ah—"

"Me, I want one."

Paglingon, may magandang babae na lumapit sa kinatatayuan namin. Kumuha siya ng champagne glass na may wine sa tray na hawak ng waiter. Kaso hindi isa ang kinuha niya, dalawa. Ibinigay niya sa akin 'yong isa. Hindi na ako nakatanggi – anong karapatan kong tumanggi sa magandang babae?

"You're unfamiliar," sabi niya. May accent ang English niya pero ito 'yong accent na masarap pakinggan. Tapos 'yong mukha niya, masarap din tingnan. Malaki 'yong mata. Parang kay Mari Solei. "What's your family name?"

Umiling ako at ngumiti. "Hindi ho—uh, I'm not a part of this. . . party?"

"Oh, you can speak in tagalog. Don't worry, I understand tho I can't converse using it," sabi niya nang nakangiti. Nakng, ba't ang ganda naman niya? Para siyang si Mari Solei na mayaman version! "Oh, and. . . Are you aware that gate crashes aren't welcome here?"

Nilingon ko 'yong dalawang gwardya na nakatitig pa rin sa akin – sa amin na ngayon.

"Pinaparamdam naman nilang hindi nga ako welcome," sabi ko.

Tumawa 'yong babae – mahinhin na tawa. Nabigla ako dahil ang tagal kong hindi nakarinig nang ganoong klaseng tawa, para kay Mari Solei. Kapag kasi nakakaisip ako ng babae, tapos tumatawa – naaalala ko 'yong kay Unica. 'Yong kagaspangan ng tawa niya na nakakahawa.

'Yong sa babaeng, mahinhin, babaeng-babae – Mari Solei.

"—our acting-CEO, Uriah Flynn Valentine."

Napalingon kami sa stage nang magpalakpakan 'yong mga tao. May kung anu-ano na nga silang sinabi roon na hindi ko gaanong napakinggan. Nagpalakpakan lang sila hanggang sa may matangkad na lalaking pumunta sa stage. At ang una kong naisip sa kanya ay pamilyar siya. 'Yong sobrang linis na itsura. Sobrang uptight. Intimidating. May boss na aura.

Nakng – siya 'yong kuya ni Unica! 'Yong nagpatigil ng birthday ni Unica dati!

Kinilabutan ako nang magsalita 'yong kuya ni Unica. Ang lamig ng boses, parang walang emosyon. "I'm honored to welcome you the President of VLTN Investments Corp, a loving wife of our father, and my dearest, lovable mother – Anastacia Co-Valentine."

Nagpalakpakan ulit 'yong mga tao. Kahit 'yong kasama kong babae, ibinaba pa ang hawak na baso para lang pumalakpak. Napainom na lang ako ng wine nang wala sa oras habang paakyat 'yong sigurado akong nanay ni Unica.

Kahawig niya si Unica, mas matanda syempre – minus ang tattoos, piercings at personalidad. Kung sa tingin kong kaya kong mahawakan sa braso si Unica, siya – 'yong nanay niya, parang wala akong karapatan ihinga 'yong hangin na hinihingahan niya.

Ganoon ka-intimidating.

May sinabi siyang kagalang-galang, at napatitig lang ako sa kanya. Sa bawat kilos niyang parang kalkulado ang lahat. Sa bawat pagbigkas ng mga salitang mukhang inaral ng ilang taon. Bigla akong nakaramdam ng kaba. O takot sa babaeng baka tinatakasan ni Unica.

"Eula."

Napalingon ako sa babaeng kumapit sa braso nung babae sa harap ko. Mukhang kapatid – ate – mas nakatatanda. Tiningnan ako ng kumapit kay Eula na kausap ko mula ulo pababa. Saka ako inismiran.

"Let's go."

Nag-panic sandali si Eula pero tumango lang ako. Hindi na ako nagtaka dahil ganito sa mga koreanovela na pinapanood ni Cai. Mayayaman. Matapobre. Same old, same old.

"Who's with you," tanong ni Eula. "I'll help you find your . . .partner?"

Nagpalakpakan ulit 'yong mga tao. Paglingon ko sa may stage, at sa pag-akyat ng babaeng babaeng sobrang pamilyar – napasabi ako ng, "siya."

"Valentine? You mean, Ms. Unica Fae?"

"Eula. Let's go."

Hinila na sa kung saan man nung babae si Eula, habang ako – napatulala. Si Ms. Unica Fae. . . Valentine. Alam kong siya nga 'yong kasama ko pero. . .siya nga ba? Ito na ba 'yong totoong siya?

Bigla akong kinabahan.

Gusto kong bumalik sa library, 'yong unang nagsalita si Adam na may nakasalubong daw siyang magkaibigang ten. Gusto kong bumulong. Sabihin sa mga kaibigan ko.

Lagpas ten ata 'yong isa.

Nanood lang ako sa palakpakan. Sa tipid na pagngiti ni Unica sa mga tao. Gusto kong itaas ang kamay ko para ipaalam niyang nandito ako pero nakatitig lang siya sa isang tao – sa isang bagay – sa malayo. Sa kawalan? Hinalikan siya sa pisngi ng nanay niya. Ganoon din ang Kuya niya. Saka sila naupo sa tatlong upuan na nandoon sa stage. May isang walang okupadong upuan. Doon ba ang tatay niya? Nasaan ang tatay niya? Tsaka. . . acting president ang nanay niya – bakit?

Nang magsimulang magkainan ang mga bisita, nagtayuan sila Unica, ang nanay at kuya niya at bumaba sa stage. Pumalit sa kanila ang mga musikero – nagpatugtog ng jazz. Habang sila ang nanay at kuya ni Unica, kinausap ng iba. Napansin ko rin sa mga normal bisita na nag-uusap-usap sila. Walang gaanong tumatawa. Halos lahat, seryoso. Kalkulado ang bawat galaw. Puro besohan at pakikipagkamay. Kahit ang mga bata, nakabistida, naka-gown at suit – walang out of place. Ako lang.

Nagutom din ako, kaya kumukuha ako ng mga finger food na nililibot ng waiter na mas mahal pa ata sa lunch ko tuwing nasa school. Lumilingon ako sa paligid, wala naman si Ate Nena. Mukhang lahat dito, nasa sirkulo ng mundo nila. High end families? Binalik ko ang tingin ko kay Unica na nasa tabi lang lagi ng nanay niya. Mukhang pinapakilala siya kung kani-kanino, at panay lang ang ngiti niya.

Tinitigan ko siya, hinihintay na magtama ang mga tingin namin – kahit naiilang ako sa suot niyang puting gown, long sleeves na halos natatakpan ang buong katawan ng lace. Nakita ko na siyang ganito noon, sa pageant, pero iba ito. Iba ang aura niya ngayon. Para siyang tigreng nagbabalatkayo bilang tupa. Ito siya ngayon. Hindi ko alam kung matutuwa ako sa nakikita ko o hindi.

Napansin kong lumingon-lingon sa paligid si Unica. Tumayo ako nang maayos, hindi sumandal sa pader, at tinitigan lang siya. Nagbabakasaling lumingon siya sa gawing ito. At ayon nga, lumingon siya – halos magtama ang paningin namin nang may humarang na lalaki sa harap ko palabas ng event. Pagbalik ng tingin, may kinakausap na sila ng Nanay niya.

Pero ilang segundo lang, bumalik ang tingin niya sa akin.

Nagtitigan lang kami.

Tumango ako saka ngumiti. Tinaas ko rin ang wine glass na hawak ko. Hindi siya ngumiti. Imbis, tumingin siya sa exit, tapos sa akin. Umiling ako. Dito lang ako. Sabay tayong aalis dito. Lumingon siya sa Nanay niyang tinawag siya. Kinausap siya. Mukhang may binulong, tapos – sa hindi inaasahang pagkakataon, nagtama ang paningin namin ng Nanay ni Unica.

Para akong naestatwa sa tingin niya, para bang dinikdik niya ako sa kinatatayuan ko kahit ang layo naman namin sa isa't isa. Sinubukan kong ngumiti pero lumampas lang ang tingin sa akin ng Nanay at ngumiti sa kinakausap.

Nakngtokwa, kung matagal kaming nagtitigan ng Nanay ni Unica, baka ikamatay ko ang hindi paghinga.

"Sir." May waitress, o mas mataas pa roon kasi mas maganda ang suot niya sa ibang naka-uniform ang kinausap ang isang gwardya. Dahil medyo malapit ako, narinig ko kaunti ang sinabi niya. ". . .tutugtog."

Mukhang may tutugtog.

At hindi nga ako nagkamali nang ipakilala ng emcee ang tinatawag niyang Dante Ang III. Matangkad na singkit na lalaki ang umakyat sa stage. Mukhang artista. Malayo ako sa kanya pero alam kong kasing kinis ng pwet ng baby ang mukha ng lalaking 'yon. Mukhang kasing edaran ko, o mas matanda – at parang pamilyar siya.

Weirdo man na naisip kong baka rock music ang kantahin niya – pero syempre, mali ako. Mukha bang mga nakaka-appreciate ng rock music ang mga tao rito? Pwera kay Unica?

Kasama ang mga matatandang musikero sa likuran, kumanta 'yong Dante Ang III ng Moon River.

Swabe ang boses niya. Masarap pakinggan. Pero swabe rin bang maituturing ang pagbaba niya ng stage para kuhanin ang kamay ni Unica at kantahan sa harap ng mga mayayamang tao?

"Wherever you're goin', I'm goin' your way."

Dito sa galawan ding 'to napatunayan kong normal din palang kiligin ang mga mayayamang teenager na babae. Nagkukurutan. Nagpapaluan. Nagtutulakan. At halos tumili. With poise nga lang dahil kung si Cai sila, baka magwala na siya habang kinikilig.

Nakakakilig ba 'tong napapanood ko?

Hinawakan nung Dante ang kamay ni Unica at inilagay sa magkabilang balikat niya. Tapos 'yong isang kamay niya na hindi hawak ang mic, iniyakap niya sa baywang ni Unica. Tinitigan kong mabuti ang mukha ni Unica – sobrang titig, gusto ba niya 'yong nangyayari? O naaasar na ba siya?

Pero hindi kinaya ng mata ko malaman kung anong expression ng mukha niya. Kahit nakasalamin pa ako. Wala akong. . .makuha.

Masaya ka ba ngayon, Babaeng Gangster? 'Yan ba ang gusto mo? O gusto mo na bang umalis? Umuwi?

Nag-sway sila na parang nasa prom sila. Kilig na kilig pa rin 'yong ibang teenager. Napakuha naman ako ng wine glass sa dumaang waiter at inisang inuman 'yon.

Kailan ba matatapos 'to? Nang makauwi na kami.

Iniwas ko ang tingin sa nasa harap at tumingin sa gwardyang malapit sa akin. 'Yong dalawa sa dulo, nakatingin pa rin sa akin. Hindi na nawala. May matangkad na lalaki naman ang prenteng pumasok sa loob, nakaakbay sa isang babaeng naka-gown. Narinig ko ang sinabi ng gwardya sa radyo niya ng, "Here. . . Ulysses Valentine. . .girl."

Sinundan ko lang ng tingin 'yong lalaking pumasok, nakikipagbulungan sa inaakbayang babae. Panay naman hagikgik nung babae. Napapikit ako – ano bang mas gusto kong tingnan? Si Unica at Dante na nagsasayaw sa gitna o itong lalaki at babaeng naglalandian sa harap ko?

Kung may saved by the bell ang iba, may saved by the girl in black ako – may babaeng naka-all black na gown, lipstick at kulang na lang mag-belo siya ng black, ang lumapit sa lalaki sa may harap ko. Pamilyar din siya. Parang nakita ko na.

"Sir Valentine," bati nung babae sa lalaking 'to. "Hinahanap po kayo—"

"I know, Costales. That's why I'm here."

Tumango lang 'yong babae, hindi ngumiti, at mukhang hinihintay na sumama sa kanya si Sir Valentine. Isa pang kuya ni Unica? Bumuntonghininga 'yong lalaki at yumuko, tinuro ang pisngi. Nang hahalikan dapat siya ng babae sa pisngi, lumingon siya agad.

Napapikit ako. Nakng, talagang sa harap ko pa.

"I'll see you soonest, Babe."

Napahinga ako nang malalim nang hawakan pa ng lalaking 'to ang likuran ng babae, sa baba. . .sa, ah, ewan. Kung kuya man ito ni Unica, at kuya rin niya 'yong isang nagsalita – sobrang magkaiba sila. Halata na rin naman sa mga buhok nila.

'Yong Uriah, parang hindi sapat ang pag-spray sa pag-ayos ng buhok kaya binuhos na ang hair spray. Para walang ma-misplace. Samantalang itong kapapasok lang na si Ulysses, parang siya 'yong tipong nagpo-post sa Instagram at nagha-hashtag ng woke up like this. Tapos naka-suit at tie na nakatupi nakatupi ang pants at naka-bukas ang ilang butones ng polo sa loob.

Natapos na 'yong kanta nung Dante Ang. Binalik na rin niya si Unica sa kinauupuan niya sa wakas. At doon ko nakita, napansin – kung gaano kalayo ng pamilya ni Unica sa akin . . sa kinatatayuan ko.

Tinawag si Unica ng emcee, piano raw. Binulungan siya ng nanay niya bago siya umakyat sa stage. Pagkaupo ni Unica sa may organ, tumingin siya sa akin. Alam ko . . . sa akin siya nakatingin. May kumalabit naman sa aking bata. Binigyan ako ng tissue na mukhang mas mahal pa sa twalya namin sa bahay.

May nakasulat doon, alam kong kay Unica dahil nag-effort pa akong intindihin ang sulat.

Pagtapos, takbo. Palabas.

Napaangat naman ang tingin ko nang marinig kung anong tinutugtog ni Unica.

Bluestone Alley.

Nagpalakpakan 'yong mga tao. Habang ako, tumungga ulit ng wine glass. Kaya niyang tugtugin sa organ ang Bluestone Alley? Pero bakit. . . ganoon? Parang hindi. . .organ ang naririnig ko? Dahil ba sa mic 'yon? Pinanood ko lang si Unica at sa pag-piano niya. Graceful. Parang hindi siya. Parang ibang tao. Hanggang sa. . .bumilis 'yong tugtog? Pabilis nang pabilis? Nang pabilis? Bakit sobrang bilis?

Tapos narinig ko – 'yong pamilyar na tunog. 'Yong nakakaasar na tunog.

Kapag nagkamali sa piano tiles 2.

Napa "shit" si Unica, rinig sa mic. Nagtaka 'yong mga tao. Inangat niya ang tingin papunta sa akin saka ngumiti nang malapad. Isang ngiti na hindi niya pinakita kung kanino sa mga kinausap niya kanina kundi akin lang. Tumango siya.

Tapos may biglang pumutok. Mula sa loob, at labas ng event. Hindi baril – parang tunog party popper. Malakas. Paulit-ulit. Doon ko napagtantong galing 'yon sa mga speakers. Nagkagulo 'yong mga tao hanggang sa nakita ko si Unica na tumaktakbo palapit sa akin. Buhat niya 'yong laylayan ng gown niya. Naka-skinny jeans siyang black at rubber shoes.

"Unica!" rinig kong sigaw ng boses ng lalaki. Mukhang si Moon River guy.

Parang sasabog 'yong puso ko nang kumapit siya sa braso ko at hinatak ako palabas. Lagpas sa mga gwardya na nabigla rin. Hindi kami sa lobby lumabas, sa likuran. Parang kabisado ni Unica 'yong daanan. Habang tumatakbo, nagsalita siya – halos pasigaw.

"3,272!"

"Ha?"

"Yong score ko! Kanina! Nataasan pa kita lalo!"

Hindi ko alam kung anong ire-react ko kaya tumawa na lang ako. Habang tumatakbo, habang hawak ang salamin ko sa mata para hindi matanggal. At ang tanging nasabi ko na lang ay, "Baliw!"

Talagang nilaro nga niya 'yong piano tiles 2 imbis na mag-organ. Baliw talaga.

Sa likod kami nakalabas. May motor, tapos nandoon din sila Deus at Herq at iba pa na naghihintay. Agad sumakay si Unica. Binigay niya 'yong isang helmet sa akin at kahit naalala ko bigla 'yong pagbagsak namin last time nung tumigil sa pagmo-motor, umangkas pa rin ako sa likod.

Nagpaharurot si Unica. Sumabay sila Deus.

Paglingon ko, tumigil lang 'yong mga gwardya na tumingin sa amin. Akala ko magkokotse pa sila para habulin kami, parang sa mga drama o sa action movie – kaso hindi nila ginawa 'yon. Pinanood lang kami ng mga nagsilabas palayo.

Sumigaw si Unica. Mabilis ang takbo ng motor. Paglingon ko kanila Herq, kanila Deus, at iba pang naka-motor, tumatawa rin sila. Hinulog naman nung isang naka-angkas 'yong balat ng party poppers. Sobrang bilis ng rush dahil wala ring trapik. Walang pahinga ang bilis ng tibok ng puso ko. Tuloy-tuloy. Nakakapanghina. Nang tumigil na kami sa may intramuros at buti na lang, hindi kami natumba – napahiga ako sa lupa.

Pagod na pagod buong katawan ko.

Tumayo sa gilid ko si Unica, doon ko napagtantong naka-gown pa rin siya. Natatakpan ng lace sa damit niya ang tattoo. Para kasing turtle neck tapos long sleeves pa. Dahil naman sa pagmomotor, medyo gumulo na ang nakapusod niyang buhok.

Yumuko siya para tingnan ako. "Alam mo 'yong Meteor Garden?"

Dahil halos madaling araw na, at tinatakpan ng ulo niya ang ilaw – hindi ko na nakikita ang mukha niya.

Malakas ang paghinga kong nagtanong. "Bakit?"

"Para tayong nandoon. Ako si Azi, tapos nag-walk out, di ba."

"Tapos, ano?" Hinga. "Ako 'yong maling babaeng nahatak mo?" Natatawa kong sabi.

"Depends sa 'yo." Tumayo siya nang maayos. Nakita ko na ang mukha niya dahil sa ilaw sa di kalayuan. "Pili ka, ikaw 'yong mali – o 'yong tama?"

Nakita ko na mismo gamit ang dalawang mata ko kung sino nga ba si Unica Fae Valentine – pero ito pa rin siya, pinaparamdam sa aking isa siyang misteryong mahirap lutasin.



; x ;

HAPPY FIRST ANNIVERSARY TO US, UNCNSRD! (Late nga lang ng one day)

Aaminin ko, I forgot. Really. Ang dami kasing gawain at kailangan isipin. Nalaman ko lang na anniversary na pala, dahil sa tweets sa akin!

In my defense naman kasi, i don't count numbers. I only cherish moments. . . 

. . .charot. 

Nawala talaga siya sa isip ko pero pinangako ko sa sarili ko na mag-a-update ako sa anniversary. Late na ako ng isang araw pero mapapatawad niyo naman ako, di ba? Di ba? Oo ka na lang.

Kaya ito na! Happy Anniversary, Uncnsrd! More anniversaries to come! (hahahahahahahahahaha) Salamat sa mga nakaalala. Salamat sa mga naghintay ng update. At salamat sa pagbabasa nito.

Unedited ito at nag-word vomit lang ako.

But I really had fun describing Unica's world from the (four) eyes of Chino. Tamang chill lang. . . na hindi. :D

Salamat ulit!

- Rayne

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro